Speech

Talumpati ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Libreng Laboratoryo, Konsulta, at Gamot Para sa Lahat (LAB for ALL)


Event LAB for ALL in Pasig City
Location Rizal High School Gymnasium sa Pasig City

Maraming, maraming salamat sa ating Kalihim ng Department of Health Secretary Ted Herbosa sa iyong pagpakilala. [Magsi-upo po tayo.]

Kasama din po natin ang Kalihim ng Department of Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos, pagsamantalahan niyo na po dahil ‘yung pagka DILG Secretary niya baka sa ilang araw ay mapalitan na at gagawin na nating senador [palakpakan]; ang chairperson ng Commission — ng CHED, ng Commission on Higher Education, ang Chairperson Popoy De Vera; ang aking classmate sa House of Representatives na kung ilang taon, ang Lone District Representative Roman Romulo; Pasig City Mayor — ang ating host ngayon para dito sa ating pagpupulong, Pasig City Mayor, Mayor Vico Sotto; at ang talagang kailangan na kailangan nating batiin dahil po itong LAB for ALL na proyekto na ito — na programa hindi na proyekto dahil ang dami pinagkakalat dito sa buong Pilipinas itong programa na ito ay ang First Lady, First Lady Liza Araneta Marcos [palakpakan]; ang mga LGU na magiging benepisyaryo nitong LAB For ALL Program na ating bibigyan at magbabahagi ng ilang mga equipment at tuloy din kasama rin ang mga serbisyo ng ating mga ahensya; kapwa ko na manggagawa sa pamahalaan; ating mga kababayan, magandang umaga po sa inyong lahat.

Natutuwa naman po ako at sa wakas ay nakasama ko na sa LAB for ALL ang aking First Lady. [palakpakan]

Dahil po magpapaliwanag po ako — dahil po naririnig ko lamang sa mga reports sa akin ang tungkol sa napakagandang proyekto ng aking maybahay.

Ngayon po ay saksi na ako sa serbisyong idinudulot nito.

Ang kalusugan po ay kayamanan. Walang silbi ang lahat ng yaman kung hindi maayos ang ating kalusugan.

Ngunit para sa mga kapus-palad nating kababayan, higit na mas malaking pagsubok ang pagkakasakit. Lalo na ang mga nasa malalayong lugar.

Ayon po sa tala ng Department of Health, mayroon tayong higit na pitong libong ‘yung tinatawag na Geographically Isolated and Disadvantaged Area o tawag namin diyan ay ‘yung mga GIDA. Ito po ang mga barangay o bayan na mahirap puntahan dahil malayo nasa bundok, nasa isla, walang kalsada, na dapat ay naikakabit ng mga daanan at tulay.

Sa mga lugar po na ito, isang malaking hamon ang pagpunta sa clinic, o sa ospital, o sa health center, dahil ay napakalayo at napakalaking bagay. Dahil alam niyo po ito ay naranasan ko noong ako’y governor ng Ilocos Norte ay nakikita ko pagka dumadating po ang mga pasyente, pumupunta po doon sa provincial hospital, kahit na sa RHU, ay masyadong malala na ‘yung kanilang sakit. Eh ika ko bakit hindi sila pumunta nang mas maaga? At ika nila ay napakahirap dahil pagka ikaw ay marami kang — may alaga kang bata, maghahanap ka ng mag-aalaga, kung nagtatrabaho ka, mago-off ka muna, magli-leave ka muna. Tapos ‘yung pamasahe at lahat ito ay isang buong araw, kung minsan dalawa, tatlong araw napakalaking bagay.

Kaya po ang aming naiisip ay imbis na antayin natin ang mga nagkakaroon ng karamdaman na makapunta sa mga ospital, dadalhin po natin sa kanila ang serbisyo para sa kanilang — para mayroon silang healthcare kahit sa malalayo. [palakpakan]

Mayroon din ‘yan ‘yung mga kababayan natin na malalapit nga, malapit nga sila sa ospital isang pagsubok naman ang pambayad sa mga eksamen at sa laboratoryo.

Gaya naman po kuwento ng isang estudyante na nakarating po sa amin. Ang kanyang ina ay na-diagnose na mayroong ovarian cancer. Sa pamamagitan ng programang ito ay matitignan sila ng doktor ng libre at hindi na kinakailangan pang bumiyahe ng malayo dahil sila na ang pinupuntahan. Iyong LAB for ALL, sila na ang lumalapit, bale ‘yung clinic. Imbis na sila ang pupunta sa clinic, ‘yung clinic ang lumalapit po sa kanila.

Kaya po ang mga proyekto tulad nitong LAB for ALL ay isang napakalaking tulong para sa ating mga kababayan.

Layunin nito ang makapaghatid ng maaasahang serbisyong medikal para sa lahat, lalong-lalo na sa mga pinakanangangailangan, tulad ng ating mga senior citizen, PWD, mga buntis, at may mga iniindang karamdaman.

Mula sa simula ng proyektong ito Mayo ng nakaraang taon, nakarating na po ito sa 35 lokasyon—mula sa Luzon, Visayas, hanggang pong Mindanao.

Hindi lamang ito ang nagbibigay ng tulong medikal. Kasama na rin dito ang ilan pong pampublikong serbisyo gaya ng CHED na handang umalalay sa mga naghahanap ng scholarship; nandito rin po ang NHA at PAG-IBIG na gagabay sa inyong mga pangangailangan tungkol sa pabahay; ang LTO nandiyan din para sa mga nangangailangan ng driver’s license; at marami pang iba’t ibang ahensya para ‘yung mga serbisyo ng gobyerno, hindi lamang ang serbisyong medikal kung hindi ang iba’t ibang serbisyo ng ahensya ng gobyerno ay inilalapit natin sa taumbayan.

Hindi lang ito isang araw lamang.

Sinisiguro namin na marami pang mga komunidad sa bawat siyudad at probinsya ang mabibisita ng LAB for ALL. Kung saan mayroong Pilipinong nangangailangan, pagsusumikapan natin, ng inyong pamahalaan ay maaabutan ng serbisyong ito.

Sa panig naman po ng Administrasyon, sa pangunguna ng Department of Health, patuloy po tayo sa pagpapatupad ng mga proyekto upang magkaroon ng rural health unit, doktor, nurse, ambulansya, mobile health clinic, at iba pang mga kagamitan ang lahat ng lalawigan sa bansa, lalo na ‘yung ating napag-usapan nga ‘yung mga GIDA.

Para madaling maabot ng mga mamamayan ang mga serbisyong pangkalusugan, inilunsad ng DOH ang Bagong Urgent Care and Ambulatory Service Centers o tawag namin BUCAS. Ito’y nagbibigay ng preventive, diagnostic, curative primary care service sa iba’t ibang parte ng ating bansa.

Mapupuna rin niyo po rito kasama po natin si GM Mel Robles ng PCSO dahil po may programa din at aming — siya’y ipinapangako sa atin na mula ngayon gagawin namin ang lahat, titiyakin namin na ang bawat bayan, bawat municipality, bawat LGU ay magkakaroon ng ambulansya. [palakpakan]

Hindi na po kagaya ng dati na makikiusap ka pa, lalapit ka pa kung kani-kanino at kung medyo hindi kayo magkaibigan baka hindi makalusot ‘yung request ninyo. Ngayon hindi na po ganoon. Basta’t kung sino po — basta’t kung sino ang nangangailangan ng ambulansya ay bibigyan na po natin. At sabi niya mayaman itong PCSO baka pwede pang gawin bago po matapos ang termino ko, baka gawing dalawang ambulansya ang bawat bayan at LGU. [palakpakan]

Nagtatayo rin po tayo ng specialty centers sa bawat rehiyon ayon sa Republic Act No. 11959 o ang tinatawag na Regional Specialty Centers Act.

Alam niyo po noong pandemya ito po ‘yung natutunan natin dahil nakita natin ang mga pasyente dinadala sa mga specialty center dito lamang sa Maynila — sa Children’s Center, sa Kidney Center, sa Heart Center, mga specialty center. Eh hindi naman talaga kaya lalo na kung galing sa malayo.

Kaya’t gumawa kami ng programa ng DOH at sabi natin eh paano naman ‘yung mga nasa malayo, ‘yung malayo sa Maynila? O walang pambayad para makapunta sa Maynila? O kung naka-lockdown kagaya nung pandemya? Kaya’t gumagawa kami ng programa at naglalagay tayo ng specialty center sa bawat lugar, bawat rehiyon para naman hindi masyadong mahirap ang magpatingin ‘yung mga may karamdaman. [palakpakan]

Kasabay po nito, nagpapamahagi rin tayo ng mga mobile primary care facility. Sa tulong ng mga lokal na pamahalaan, layon naming bigyan lahat ng probinsya at siyudad sa Metro Manila ‘yan na nga ‘yang mobile PCF.

Gayunpaman, mas marami po tayong magagawa kung tayo ay sama-sama. Kaya nais ko ring ipahayag ang aking taos-pusong pasasalamat sa ating mga kaibigan at kaagapay mula sa pribadong sektor, gaya ng Metrobank Foundation, ang Toyota Foundation. Maraming salamat sa tulong ninyo. [palakpakan]

Sila po ang namahagi at nag-donate ng tatlong mobile van na may kumpletong pasilidad, kasama ang top-of-the-line x-ray at ultrasound machine, portable urine analyzer, glucose and cholesterol monitor, at ilan pang kagamitang medikal na ipapamahagi natin sa mga lokal na pamahalaan ng Pasig, Tacloban, Sta. Catalina sa Ilocos Sur ngayong araw na ito.

Hindi din po magiging matagumpay ang LAB for ALL sa ating mga kababayan kung wala ang suporta ng ating mga lokal na pamahalaan at higit sa lahat ng bawat mamamayang Pilipino. Maraming salamat po sa inyong lahat sa inyong pagkakaisa. [palakpakan]

Kaya po, hinihikayat ko kayong lahat: alagaan natin ang ating mga sarili. Samantalahin po natin ang mga proyektong tulad nito at ang mga serbisyo sa mga health center upang masubaybayan natin ang ating kalusugan.

Tandaan po natin: ang pinakamatibay na yaman ay hindi ang laman ng ating bulsa, kundi ang tibay ng ating pangangatawan, ang sigla ng ating pag-iisip, ang pagiging malusog ng ating puso.

Bago rin po tayo matapos, gusto kong ulitin na kailangan natin pasalamatan ang ating First Lady sa kanyang ginagawa. [palakpakan]

Halatang-halata niyo po hindi po pulitiko dahil hindi masyadong pinag-uusapan itong napakagandang programa na ito. Eh kung pulitiko ang nagpatakbo nito siguro katakot-takot na publicity na ‘yung lumalabas, lalong-lalo na ngayon panahon ng eleksyon. Ngunit ang First Lady po ay hindi po ‘yun ang iniisip. Iniisip lang niya kung paano makatulong at napakalaking tulong itong ginawa niyang project ng LAB for ALL. [palakpakan]

Maraming salamat sa tulong mo rito sa pagsulong ng ating healthcare system. Napakapalad ko rin na ang napangasawa ko ay hangad din ang pagtulong sa kapwa at sa bansa. [palakpakan at hiyawan] Talaga kayo masyado kayong mga ano… Mga Pinoy masyadong romantic. [tawanan]

Kaya po ako’y nagpapasalamat sa lahat po ng na-involve dahil hindi po nangyayari ito kung hindi po nagsasama-sama. Ang approach po namin sa pamahalaan, sa serbisyo publiko ay ang aming tinatawag na all of government, all of the nation. Ibig sabihin lahat ng ahensya ng pamahalaan pagka may proyekto, pagka may programa, kapag may makita kami na kailangang gawin, hindi lamang ibinibigay sa isang departamento, hindi ibinibigay lamang sa isang ahensya. Kung hindi isinasama po natin lahat ng mga departamento na makatulong.

Iyan po that’s why — kaya po iyan ang tawag natin diyan. The all of government approach ang aking tawag. Kaya nandito po ang DILG Secretary dahil po lahat po ito kahit na anong maganda ang aming naiisip sa national government, hindi po mangyayari ito, hindi po tayo nagkita-kita rito kung hindi tayo tinulungan ng ating LGU, ng ating mga local government officials pinangungunahan na ating butihing mayor. [palakpakan]

Kaya’t ay nagpapasalamat ako sa inyong lahat. Ipagpatuloy po natin ito. Nakita naman po ninyo kung gaano kaganda, gaano kalaki, kung gaano karami ang tulong na maibibigay natin kapag tayo-tayo ay laging magkapit-bisig at lagi nating iniisip ang kabutihan ng ating mga kababayan at ang ating minamahal na Pilipinas.

Mabuhay ang sambayanang Pilipino! Mabuhay po ang Bagong Pilipinas! [palakpakan]

— END —