Speech

Talumpati ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa One Cebu People’s Rally


Event One Cebu People’s Rally
Location Dumanjug, Cebu

Maayong adlaw kaninyong tanan, mga pinalangga natong kaigsoonan dinhi sa Cebu! (Magandang araw po sa mga minamahal nating kababayan sa Cebu!)

Alam niyo po parang nakikita po ninyo na sa aking mga pinupuntahan ang isa sa probinsya na siguro mas madalas pa ako dito kaysa sa Ilocos Norte ay dito sa probinsya ng Cebu.

At bakit? Eh dahil unang-una marami akong kaibigan dito. [palakpakan] Masarap magbisita. At saka kahit umiiwas ako ay napapakain pa rin ako ng lechon.

Pero ang katotohanan ay dahil nakikita ko dito sa Cebu ang aming layunin para sa buong Pilipinas – iyon ang pagkakaisa.

Maalala po ninyo noong tumakbo ako bilang Pangulo, an gaming isinisigaw ay unity, pagkakaisa. Dahil sa aming pananaw at sa pananaw ng lahat, ang pagkakaisa lamang ang magiging susi para sa ating kinabukasan.

At dito po nakaka-inspire – nagiging inspirasyon po ang Cebu dahil nakikita natin ay ang Cebu ay may nag-iisa sa ilalim ng One Cebu dahil sa pamumuno ni Mommy Gwen. [hiyawan]

Magtampo sa akin si Gov. Gwen, “Mommy Gwen”, mas matanda ako sa kanya. [tawanan] Kaya naman po ay ito ay tinitingnan po natin na parang – kumbaga sa ekonomiya ng Central Visayas, ang makina po, ang motor ng ekonomiya ng Central Visayas ay dito po sa Cebu.

At dito po lagi naman ang nakikita natin na bumubulusok na ekonomiya. Bakit? Bakit nangyayari? Bakit nagiging ganyan ang Cebu? Nagiging ganyan ang Cebu dahil kayo ay nag-iisa, dahil kayo ay magkabalikat, at mayroon kayong lider na nagbibigay sa inyo ng magandang gabay na nakikita ninyong walang iniisip kung hindi makatulong sa inyo. Walang iniisip kundi magtrabaho, magsakripisyo para sa lahat ng mga Cebuano. Iyan po ang ating butihing Governor, Governor Gwen. [palakpakan]

Alam niyo bakit lagi kaming – bakit ko pinupuri si Gov. Gwen? Dahil magkaibigan ba kami? Siguro kasama din ninyo – kasama na rin ‘yun. Dahil ba sa politika ay kami ay nagsama, naging magkaalyado? Kasama rin siguro ‘yun.

Ngunit ang katotohanan dahil pagka kami sa national government ay mayroon kaming kailangan at nais gawin, hindi po namin magagawa kung hindi kasama ng magandang koordinasyon ang local government.

At sasabihin ko sa inyo, sa lahat ng 82 provinces, ang isa sa pinakamasarap kausap pagka may programa, pagka may rollout, pagka mayroon tayong ibang bagong iniisip, at kahit na hindi pa, hindi pa nabubuo, magtatanong tayo kay Gov. Gwen, “Gov, anong tingin mo? Maganda kaya ito? Hindi kaya maganda ‘yan.”

Dahil siguro wala ng… You cannot get better political advice than from Gov. Gwen. [palakpakan] Kaya nakita naman ninyo naibuo niya ang probinsya ng Cebu sa ilalim ng One Cebu.

Tingnan po natin kung ano ba talaga ang naging epekto nitong pagkakaisa. Dito sa Central Visayas, naitala natin ang 97.1 percent na unemployment rate. Kasing dami ng boto mo rito sa Dumanjug – 97.1 percent. Ibig sabihin dito sa Cebu, 2.9 percent lang ng ating mga kababayan ay naghahanap pa dahil walang trabaho.

Ito ang mas mataas pa kaysa – ‘yung record niyo noong 2023. Lumago ang ekonomiya ng Cebu. At umangat ng 5.7 percent ang ekonomiya dito sa Cebu dahil sa mga programa na nagiging – nais ng mga negosyante, ‘yung mga investor ay naghahanap ‘yan kung saan nila dadalhin ang kanilang mga planta, kung saan nila dadalhin ang kanilang mga negosyo. Marami sa kanila dito pumunta.

At umangat ang Gross Domestic Product ng 5.7 percent, mas mataas pa sa paglaki ng ekonomiya ng Pilipinas. Kaya’t talagang nangunguna lagi – nangunguna lagi ang Cebu.

Nakamit ng Region 7 ang 7.3 percent na pagtaas ng ekonomiya. Eh siyempre as I said, ang motor po, ang makina na humihila sa ekonomiya ng buong Central Visayas ay alam naman natin ‘yan ang Cebu.

Tumaas din ang GDP ng probinsya mula 388 bilyong piso noong 2022. Nagsimula – patungo sa 411 bilyong piso noong 2023. At palagay ko ‘pag dumating na ang mga numero para sa nakaraang taon, makikita natin umakyat na naman ‘yan.

Ulit, bakit nangyayari ito? Bakit nagiging maganda ang patakbo? Bakit maganda ang pananaw ng mga investors, ng mga negosyante, mga turista? Bakit ganyan? Dahil po kayong lahat ay nagkakaisa sa ilalim ni Governor Gwen. Kayo’y nagkakaisa, tumutulong sa One Cebu.

Ang One Cebu naman ay nagkakaisa upang wala nang ibang ginawa kung hindi tumulong sa taong-bayan at pagandahin ang buhay ng bawat Pilipino at pagandahin ang Pilipinas. [palakpakan]

Kamakailan lang po ay mayroon po tayong pagdiriwang – nag-celebrate po tayo ng Labor Day, Araw ng Paggawa. At siyempre ‘pag tingin po natin doon ay nakita po natin ay bumaba na ang unemployment rate, dumami na ang trabaho, at patuloy po nating ginagawa ito.

Nagkakaroon po tayo ng job fair. Siguro labis na sa 100,000 ang nakakuha na ng trabaho doon sa mga job fair natin. Patuloy po ito, aming ginagawa.

Dito po sa Cebu, may pito na KADIWA Center. At ‘yung KADIWA Center iyan na ngayon ang magiging gitna, center ng ating ‘yung binanggit ng ating butihing Gobernadora ay ang ₱20 per kilo na bigas. [palakpakan]

Iyan po ay nakamit na natin. Hindi po naabot kaagad dahil ito po ay kailangan ayusin po natin ang ating pagtulong sa ating mga magsasaka. Kailangan bigyan natin sila ng mga makinarya. Kailangan magtayo tayo ng mga processing center. Iyan kaya’t sinimulan po namin ito pag-upo. Dahan-dahan dumadami na. Kaya’t kaya na naming gawin ito. Pinalitan pa natin ang batas ng NFA, halimbawa, at marami pa po tayong gagawin.

Ngunit ngayon matibay-tibay na ang agricultural sector natin. Kaya’t pinropose (propose) ko po sa lahat ng mga gobernador ng Visayas na sabi ko, “Bakit ‘di natin subukan itong P20 per kilo dito sa inyo?”

At naman mula noong – basta’t noong napag-usapan, lahat naman ng mga ating gobernadora ay siyang nag… Lahat naman ay sinabi, “Sasama kami diyan. Sasama kami diyan sa ganyang klaseng programa.”

At pero magtataka kayo dahil nagkaroon… Sinabi ng COMELEC hindi puwede May 2 to 12 kaya natigil. Pero aling probinsya ang nakapaglunsad na ng P20 per kilo ng May 1? Cebu lang! Bakit? Dahil Cebu ready na.

Matagal ng may sistema. Matagal ng may ID. Ang katotohanan – hindi binabanggit ni Gov. Gwen ito pero ako magsasabi, nako magtatampo na naman sa akin dahil hindi ko dapat sabihin – ang katotohanan noong nakita namin, ang Cebu may sistema na para pag-distribute pati ‘yung kanilang mga apps na ginagamit. Ginaya po namin. Ginaya po namin. Hiningi namin kay Gov. Gwen.

Nagmagandang-loob naman si Gov. Gwen na binigay sa amin. May pina… Siyempre iba ‘yung probinsya, iba ‘yung national pero kaunting pagbabago lang at ‘yun na ang gagamitin natin na app para sa pag-distribute ng P20 per kilo na bigas.

‘Yan po ay hindi niya sinasabi pero kailangan malaman po ninyo na sa ilalim ng malalaking announcement, ‘yan po ang naging trabaho. At ang nandiyan po, gumigitna sa lahat ng usapan na ‘yan, ang nagiging lider sa lahat ng usapan na ‘yan ay ang inyong Governor, Mommy Gwen.

I’m sorry, it’s the first time I’ve heard it, so I’m kind of very entertained.

Ang isa pang – ang isa pang nais kong banggitin ay ang ating mga nagiging proyekto dito sa Cebu. Kagaya ng aking nasabi kanina, sinabi ko sa inyo kanina, mahalaga para sa national government na maganda ang ugnayan sa ating mga local government. Kung hindi, ang katotohanan eh kahit anong programa na ilulunsad ng national government, hindi po mararamdaman ng mga lokal kapag hindi maayos din ang patakbo ng local government.

Kaya po pumupunta po rito. Kaya po hindi kami – hindi kami nag-aalangan na pupunta kami Central Visayas na mag-propose ng malalaking proyekto. Kasi ang malalaking proyekto ang daming kailangang gawin, ang daming kailangang kausapin.

‘Yun kaya naman dito sa inyo ay nakakatiyak kami kung anong pangangailangan ng national government sa local government, naitutupad lagi ng local government of the province of Cebu at ang ating – at ang mga bayan ng Cebu. Ulit, dahil po nandiyan ang inyong Governor Gwen.

Kaya naman po, mayroon dito sa Cebu, isinasagawa na po natin ang tulay at kalsada sa mga siyudad ng Lapu-Lapu, Mandaue. Mababawasan – mababawasan nito ang oras ng biyahe mula sa Mactan Cebu International Airport patungong Cebu Port Area na sa kasalukuyan ay 45 minutes, magiging 20 minutes na lang ‘yan.

Mayroon din po tayong Cebu International Container Port. Dalawampu’t limang ektaryang International Container Port para sa Region 7 ang ating itatayo.

Nakita naman po ninyo, kahit – hindi lamang ang mga negosyo, kung hindi ang malalaking programa at proyekto ng pamahalaan ay dinadala dito sa Cebu dahil po dito handa na kayo. Hinanda na ang probinsya ni Governor Gwen. Hinanda na niya ang bureaucracy, ang mga employees ng probinsya.

Hinikayat na niya ang ating mga mayor na para sabay-sabay gumalaw. Dahil diyan para naman sa national government ay napakadali na masabi doon tayo maglagay. Malakas ang kumpiyansa natin sa local government na gagawin nila ang lahat ng kailangang gawin, lalampas pa. Kung minsan, hindi na pa namin hinihingi, tapos na. Masyadong mabilis dito sa Cebu.

At ‘yung International Container Port po, 25 ektarya po ‘yun. Sa pamamagitan ng International Container Port, maiiwasan ang pagsikip ng kalsada sa loob at labas ng daungan, at mababawasan ang oras para bawas ang gastos sa logistics. Gagawin po natin logistics hub ang Cebu.

‘Yan po ang mga – ang ating mga pinaplano. Hindi po natin… [palakpakan] Biruin niyo, kung ang isang governor diyan eh masyadong mahina, masyadong hindi interesado, ay wala itong – wala itong nangyari.

Eh siguro ‘yung dis – ‘yung sinasabi hindi ano, “Wala, tamad ‘yan. Hindi masipag ‘yan. Hindi interesado ‘yan.” ‘Yun ang iniiwasan ng national government. Kaya’t nakahanap kami po ng kapa – ng opposite po nung tamad at hindi interesado at mahina ulo. ‘Yun po ang isang matalino, masipag, at mabait na gobernador ng Cebu, Governor Gwen Garcia. [palakpakan]

Kaya po alam niyo po, napakahalaga ang – magiging mahalaga itong halalan na ito. Kung minsan mayroon pong mga nagsasabi na kapag midterm election ay hindi gaanong kaimportante dahil wala naman masyadong nagbabago. ‘Yung nga incumbent, usually nakakabalik. So, hindi na – kaya ‘yung sinasabi eh dapat talagang tumu – tingnan lang natin presidential election.

Maipaliwanag ko po sa inyo, dito sa eleksyon na ito ay ating titingnan at ating – at inyong iuutos sa amin kung ipapatuloy ba namin ang aming ginagawa o kailangan magbago ang ating tinutunguhan.

Sa aking palagay, ang karamihan ng Pilipino ay nakakaunawa na ‘yung pagkakaisa pa rin ang napakaimportante para tayo ay maging malakas at masigasig at ligtas na lipunan. Kaya po mahalaga dito na maituloy namin ang aming gustong gawin dahil nandiyan pa rin si Governor Gwen.

Sa mga national naman po, mapag-usapan ko naman po ang aming mga senador na nagiging – na iniharap po namin. Nakita niyo na po ‘yung kanilang video at narinig niyo po ang kanilang mga karanasan at ang kanilang mga ninanais na gawin kapag dating po na sila’y bigyan ng pagkakataon na magsilbi – na magsilbi muli sa Senado.

At ‘yun po ay ating mga nakita at namili dahil po napaka – napakaimportante ng magiging senador. Kung ang senador na maihahalal natin – na maihahalal sa eleksyon ay kontra sa administrasyon, ang magiging problema, haharangin lahat ng gustong gawin ng administrasyon. Kaya’t ‘wag po tayong mapunta roon.

Patunayan natin na hindi lamang sa taong-bayan tayo’y nagkakaisa, hindi lamang sa pulitika tayo nagkakaisa. Ngunit ang hangarin natin nagkakaisa sa Senado at pinapakita dahil sila ay representative ng tao na sila ay tutulong, sila ay gagawin – magsasakripisyo para sa taong-bayan.

At sino ba ang ating mga senatoriable? Eh palagay ko kilala niyo naman halos lahat sa kanila at siguro naman na naalala pa ninyo ang – ang kanilang mga naging kasaysayan para umabot bilang senador at bilang – ‘yung iba congressman, ‘yung iba mayor.

Lahat po… Kaya malakas po ang loob ko na pagka kinakampanya ko po ‘yung ating mga senatorial candidate, malakas po ang loob ko dahil alam ko na sila ang pinakamagaling na kandidato na tumatakbo para sa Senado ngayong halalan na ito. [palakpakan] Kaya’t ‘yan po ang aming pinili.

Kung titingnan po ninyo – pagka kung maalala ninyo, pagka eleksyon, kadalasan lahat nung – lahat nung kandidatong nakahilera dito sa entablado, pare-pareho ang kulay ng t-shirt. Kami iba-iba dahil iba-iba ang pinanggalingan ng partido.

Ngunit ganoon ang pagmamahal ng ating mga senador, eh sabi nila, “Ipagsama na lang natin para tayong lahat ay magkaisa, magtulungan, imbes na nag-aaway tayo.” Kaya’ naman po ‘yan ang aming pinili. Kaya naman po ‘yan ang aking hinaharap po sa inyo.

At eh ano ito mga hindi pangkaraniwan po itong mga – itong ating mga senatoriable. Eh mga bigatin po ito. Siguro iniisip ko kung ako tumatakbong senador kontra dito sa ating mga senatoriable ngayon, napakahirap ng trabaho ko. Mahirap talunin itong mga ito dahil masyado ng may karanasan, masyado ng mahaba ang kanilang experience, masyado ng marami, malaki ang kanilang kaalaman at maliwanag na sa taong-bayan na sila ay nagmamahal sa tao.

Sino ba sila? Tingnan natin.

Unang-una, karamihan po sa kanila ay naging beterano sa Senado.

Nandiyan po si Senator Cayetano, Senator Lacson, Senator Lapid, Senator Pacquiao, Senator Revilla, Senator Tolentino, at si Senator Sotto.

Si Senator Sotto, hindi lamang senador, naging senate president pa. At alam na alam ko, kilalang-kilala ko si Senator… Tawag po namin sa kanya Tito Sen. Si Senator Sotto, dahil noong senate president si Senator Sotto, senador ako. Kaya’t nakita ko ang trabaho niya. Nakita ko kung gaano kagaling niyang hawakan ang buong Senado.

Mayroon din po nanggaling sa – sa House of Representatives. Subok na po sa Batasan. Nandiyan po, naging congressman: Congressman Abalos, Congressman Binay, Congressman Cayetano. Congressman Pacquiao, at si Congressman Tulfo.

Talaga po nakapagsilbi na po sila at nakita mo naman hindi po nila kailangang gawin ito. Ngunit ito’y aming – sila ay pinili nila ang serbisyo publika – publiko.

Apat po sa mga kandidato namin ay humawak ng Cabinet-level position. Ibig sabihin secretary level, kasama sila sa Gabinete.

‘Yan po ay ang ating kaibigan na nandito ngayon. Ang… Alam niyo po noong ako’y bagong upo, iniisip ko sino ilalagay natin DILG? Sabi ko, maghanap tayo sa mga kilala natin ‘yung talagang nakakaunawa sa mga isyu ng local government dahil doon ako nanggaling, eh naintindihan ko ‘yan. Marami talagang kailangan itulong sa mga local government. At sabi ko, ang naisip ko kaagad ay si – ang panahon noon, Mayor Benhur Abalos. Mayor po, naging mayor po ng Mandaluyong. [palakpakan] Kaya’t siya po ay naging DILG secretary, Secretary Benhur Abalos.

Ang pangalawa pa si… Noong iniisip namin, sinong ilalagay natin sa DSWD? Ano ba ang ginagawa ng DSWD?

Ang DSWD nagdada – naghahatid ng tulong sa taong-bayan. Ang DSWD ay pumupunta kung saan kailangan, kung magbigay ng tulong, magbigay ng benepisyo. Malaki po ang trabaho pero sa lahat ng mga nangangailangan, mga naging biktima, mga naghihirap. ‘Yan po ang trabaho ng DSWD.

Kaya’t hini – tinanong ko ang sarili ko, sino bang kilala ko na habangbuhay ay walang ginawa kung hindi mag – kung hindi tumulong sa mga maliliit, sa mga mahihirap, sa mga walang boses, sa mga nangangailangan ng tulong. At agad-agad, naisip ko si Erwin Tulfo. Kaya’t si Secretary Erwin Tulfo ng DSWD. [palakpakan]

Si Senator Tolentino, dumaan din ‘yan sa secretary level. Siya ay naging chairman ng Metro Manila Development Authority. Nakalagay diyan Metro Manila pero naiba. Noong si Chairman Tolentino ang namumuno ng MMDA ay kahit sa labas na ng Maynila, ‘pag humihingi ng tulong, tinutulungan pa rin niya. Kaya’t hanggang ngayon, maraming nagtatanaw ng utang na loob kay Senator Tol Tolentino. [palakpakan]

Ang isa pang senador natin na naging – naging Senate – Cabinet level na secretary ay si Senator Ping Lacson. Humawak siya nung rehabilitation para sa mga nabiktima ng Yolanda. Magtatayo ng bagong bahay, magtatayo ng baging water system, lahat po ‘yan. Siya po ang gumawa niyan. Kaya po ay malaking tulong… Nandoon po ako sa Tacloban pagkatapos ng Yolanda, napakalaking tulong po ang kanyang nagawa.

At bukod pa roon, si Senator Ping Lacson, alam naman ninyo, maalala ninyo naging hepe ito ng PNP. Kaya’t ang hepe ng PNP napakahirap na trabaho. Ngunit noong hawak ni Ping Lacson ang chief PNP, ‘yun ang panahon na nakamit ng PNP, ng mga pulis, ang pinakamataas na approval rating sa buong kasaysayan ng kapulisan. Hanggang ngayon, hindi pa naulit. ‘Yan po ang ginawa ng ating chief PNP na si Ping Lacson.

Alam na po niya – alam na po nila ang pamahalaan sa national, at a national level. Ngunit kahit sa local level, mayroon po kaming mga naging LGU.

Si Senator Lapid naging governor ng — ? O alam niyo ba? Idol natin si Lito Lapid. Naging governor siya ng Lalawigan ng Pampanga. Isang napakalaking lalawigan. Akala ninyo action star lang si Pareng Lito. Pero hindi marunong po magpatakbo ng probinsya ‘yan. Marunong po humawak ng tao ‘yan.

Nandiyan din po ang ating kaibigan na naging gobernador ng Cavite. O sino sa aming mga kandidato naging gobernador ng Cavite? Si Senator Bong Revilla. Hinawakan niya ang Cavite. [palakpakan] Siya ang naging governor doon. Ngayon kung makita niyo po ang Cavite, makita niyo po ang Pampanga, talaga naman ang bilis ng kanilang pagpalaki ng kanilang ekonomiya.

Mayroon din tayo city mayor. O isa dito ‘yung nabanggit ko na si Benhur Abalos. Iyan po naging mayor po na matagalan sa Mandaluyong City. Noong panahon po niya ay marami siyang natanggap na pagkikilala, binigyan siya – mayroon siyang mga award, mayroon siyang mga premyo. At dahil po ang katotohanan ay napakarami ang kanyang natulungan.

Sino dito sa aming mga kandidato ang naging mayor ng Lungsod ng Tagaytay? Si Tol Tolentino. Maraming tao hindi alam ‘yan. Pero naging mayor na rin si Francis Tolentino tapos naging senador. Kaya’t may karanasan siya sa local government.

At alin ang pinakamayaman na lalawigan – na lungsod sa buong Pilipinas? Saan lahat nung mga negosyo? ‘Di ba lahat ng mga malalaking negosyo, malalaking korporasyon nasa Makati. Kaya’t maraming pondo ang Makati. Ang naging mayor po diyan ay si Mayor Abby Binay. At anong ginawa niya sa malaking pondo niya? Nilagay ba niya sa – nagpagawa ba ng kung ano-anong magagara na hindi naman nagagamit ng tao? Hindi po. Ang ginawa ni Mayor Abby Binay dahil may hawak siyang pera, eh pinamigay niya lahat benepisyo. Sa Makati po libre na lahat halos para sa mga matatanda, para sa mga naaksidente, para sa mga may sakit, para sa mga bata. Kaya’t makita naman natin ay hindi pera ang pinasukan nila, kung hindi ang serbisyo talaga. Iyan po si Mayor Abby Binay.

At si Tito Sotto pala naging vice mayor din pala ng

Quezon City, ng I think one or two terms. Kaya’t again naintindihan niya ang local government.

Apat ang abogado: si Atty. Abalos, Atty. Binay, Atty. Cayetano.

Nandiyan po ang ating mga babae – kababaihan para matiyak na hindi naman makakalimutan, na hindi mawala ang tinig ng ating mga kababaihan. Nandiyan po sila matatapang nating mga kandidato na babae na makakatiyak na magtatanggol sa karapatan ng mga kababaihan dito sa Pilipinas.

At lahat po ng kandidato natin ay kung saan-saan po nanggaling. Si Manny Pacquiao nanggaling Bukidnon, Sarangani, GenSan.

Si Erwin Tulfo, lumaki naman sa Davao Oriental at saka Sulu kung saan nadestino ‘yung kanyang ama.

Baka hindi niyo po alam bago kay Tito Sotto, bago kay Senator Tito Sotto, mayroon na pong Senator Sotto noon pa. Mayroon dati pa Senator Vicente Sotto. At alam niyo ba kung saan galing si Senator Vicente Sotto? Eh ‘di dito sa Cebu. Kaya’t mayroon kayong representative pagka nandiyan si Senator Tito Sotto.

Maliwanag para po sa amin – maliwanag na maliwanag ang dahilan, ang katwiran kung bakit kailangan po nating magkaisa. Kaya po tayo – kailangan po natin magka-alyansa. Kaya po kailangan po natin na sabay-sabay na kinakalaban ang mga manghaharang para lang sa kanilang mga sarili at lagi po nating iniisip ang kapakanan ng bawat Pilipino.

Iyan po ang Alyansa. Iyan po ang ginagawa ng One Cebu. Iyan po ang dapat nating suportahan sa darating na halalan. Kaya’t huwag niyo pong makalimutan, pagdating ng Lunes, Lunes na – pagdating ng Lunes, dapat hingin niyo lang ‘yung sample ballot galing kay Gov. Gwen. Tapos diretsuhin ninyo lahat ‘yun para buo ang One Cebu, para buo ang Alyansa na kandidato na lahat ng mananalo.

Mabuhay ang Alyansa!

Mabuhay ang One Cebu!

Maraming, maraming salamat po sa inyong lahat! [palakpakan]

— END —