Maraming salamat sa ating Special Assistant, Secretary Anton Lagdameo.
Ang ating Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines, General Romeo Brawner; at ang pinakamahalaga na bisita ngayon natin ang mga surviving families ng ating mga nasawi na nagseserbisyo para sa kanilang bansa at sila ay pinusta hanggang sa buhay nila upang ipagtanggol ang ating minamahal na bansa, ipagtanggol ang ating minamahal na mga kababayan.
Tamang-tama po ang nangyari po rito dahil noong naghahanda po kami para dito sa paggunita ng Araw ng Kagitingan ay nasama po sa usapan at ika ko ay dapat naman ay kung tayo ay nagbibigay ng dangal sa ating mga nasawi na mga kasama ay kailangan ay ang ating pangako sa kanila at lagi natin sinasabi kahit ano pang mangyari ang inyong mga pamilya ay aalagaan natin, hindi po namin pababayaan.
Kaya’t nagtanong po ako at tinatanong ko sa kanila, “Ito bang mga benepisyo na ating ipinapangako sa mga nagseserbisyo para sa atin ito ba ay nabibigay nang tama? Ito ba ay nabibigay nang mabilis?” Eh medyo nalungkot ako dahil ang sagot, “Hindi pa. Hindi ba naibigay.” Eh sabi ko, “Bakit? Bakit naman hanggang ngayon na napakatagal na ay hindi pa nila naramdaman ‘yung tulong ng ating pamahalaan at ang pasasalamat ng isang buong bansa sa kanilang serbisyo?”
Sabi nila sa akin ay masyado kasing mahaba ang proseso. Mahaba ang – at saka kumplikado ang mga documentary requirements at kung ano-ano. Ika ko, “Hindi siguro tama ‘yan.” Dahil bakit naman mahaharang ang ating ibinibigay na tulong sa mga pamilya ng mga nasawi? Bakit mahaharang dahil marami masyadong hinihingi na dokumento, marami masyadong proseso? Ang puno’t dulo ay nagiging matagal na, nagiging masyadong matagal ang pagbigay ng mga benepisyo na ito.
Kaya’t ang aming ginawa ay sabi ko kami na, tayo na ang magbuo ng mga dokumento. Tayo na ang mag-ayos ng kanilang mga pangangailangan upang maging mas makabuluhan ang ating selebrasyon sa Araw ng Kagitingan, upang mas mabibigyan ng kahulugan ang ating ginagawa ngayong araw na ito. Dapat sa araw na ito maibigay na natin.
Kaya’t kayo mga beneficiaries ng ating mga programa para sa mga pamilya ng mga nasawi habang sila’y nagseserbisyo sa bansa ay ngayong araw na ito masasabi ko maibibigay na namin lahat ng hinihintay ninyo na napakatagal. [palakpakan]
Hindi dapat naging ganito katagal. At dahil nga nakita ko kung gaano kahirap. Hindi pala madali. Ang dami pang kinakailangan kahit na wala na ang inyong mga asawa, ang inyong ama, ang inyong mga kapatid kahit wala na ay marami pang kailangang gawin upang matanggap ang benepisyo na galing sa pamahalaan.
Dahil doon, dahil sa nakita ko, ika ko sa kanila, “Ayusin na ninyo ‘yan para madali ang proseso.”
Kung nakita naman – basta’t maliwanag na maliwanag na KIA ang isang tao at talagang kayo ang pamilya, eh bakit pa, ano pa ang kailangan natin – ano pa ang kailangan nating gawin? Kaya’t sisimplehan po natin para po lahat ng mga dapat tumanggap ng tulong sa ating pamahalaan ay mabibigyan kaagad kapag sila ay namatayan, sila ay naabutan ng malas at napunta sa ganyan ang serbisyo ng kanilang mahal sa buhay.
Kaya’t iyan po ang ating ginagawa po ngayong araw. Tinitiyak po natin na lahat po ng mga – lahat ng pamilya na nawalan ng mahal sa buhay ay mabigyan ng kanilang benepisyo sa pinakamadaling panahon at sisimulan po natin ngayong araw. [palakpakan]
Maraming, maraming salamat po. At maraming… Sana ay maging makabuluhan at maging makahulugan ang ating pagdiriwang ng Araw ng Kagitingan. [palakpakan]
Magandang umaga sa inyong lahat at maraming salamat po. [palakpakan]
— END —