Speech

Talumpati ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Paglulunsad at Turnover ng Agricultural Support (Rice Processing System, Solving Unemployment through Rural Industrialization and Sustainable Enterprises-Integrated Coconut Processing Facility), at Farm Machineries sa Region 10


Event Launching and Turnover of Agriculture Support (Rice Processing System, SUnRISE-ICPF) and Farm Machineries in Region X
Location FICCO – Integrated Coconut Processing Plant, Barangay San Isidro, Municipality of Balingasag, Misamis Oriental

Maraming salamat SAP Secretary Anton Lagdameo. [Please take your seats.]

Mindanao Development Authority Secretary Leo Magno; Presidential Communications Office Secretary, Secretary Jay Ruiz; Misamis Oriental 2nd District Representative – bubuuin ko pa ba ito? – Bambi Emano; Misamis Oriental Provincial Governor, Governor Peter Unabia; Balingasag Municipal Mayor Alexis Quina; First Community Cooperative Chief Executive Officer Edgardo Micayabas; officials from the DA – the Department of Agriculture; my fellow workers in government; all farmers and beneficiaries; distinguished guests; ladies and gentlemen.

Mga pinalangga kong kaigsoonan, maayong buntag kaninyong tanan! (Mga minamahal kong kababayan, magandang umaga sa inyong lahat!) [palakpakan]

Ngayong araw, nagsasama-sama tayo upang maglunsad ng isang napakahalagang hakbang tungo sa mas matatag, mas makabago, at mas maunlad na kinabukasan para sa ating mga magsasaka—ang tunay na haligi ng ating lipunan.

Ang agrikultura ay isa sa pinakamahalagang saligan ng ating ekonomiya.

Ang bawat punla, puno, bunga ay [sumasalamin] sa pagsisikap, sakripisyo, at tagumpay ng bawat Pilipinong magsasaka.

Kung agrikultura ang pag-uusapan, hindi maaaring makalimutan ang Misamis Oriental—[palakpakan] isang lalawigang kinikilala sa buong rehiyon dahil sa masiglang sektor ng pagsasaka.

Kilala kayo sa masaganang ani—mais, palay, niyog, mangga, saging—na umaabot hindi lamang sa iba’t ibang panig ng bansa, kundi pati na rin sa pandaigdigang pamilihan.

Kaya’t hindi na kami nagtaka nang makita ang tala: Lumago ang agrikultura ng Misamis Oriental ng 4.6 percent noong nakaraang taon 2023—[palakpakan] ikalawa sa pinakamabilis na pag-unlad sa Northern Mindanao.

Kung susumahin, umabot sa halos 30 bilyong piso ang halaga ng agricultural output—ikalawa sa pinakamalaki sa buong Region 10.

Sa Gross Regional Domestic Product naman, 17 percent ang inyong naambag. Isa po itong patunay hindi lamang ng tagumpay ng Misamis Oriental, kundi ng buong region.

Ngunit alam rin natin marami pa tayong kailangang gawin upang maitaguyod ang kasaganaan ng sektor ng agrikultura.

Alam natin sa likod ng bawat ani ay naroroon din ang bawat hamon: pagbabago-bagong panahon, kakulangan sa makabagong pamamaraan, at ang hindi pantay na oportunidad para sa marami sa ating mga kababayan na nasa bukid.

Kaya naman narito tayo ngayon—hindi lamang upang kilalanin ang tagumpay ng MisOr, kundi upang tiyakin na ito’y magpapatuloy. At higit pa riyan: upang kayo ay mas mapalakas, mas masuportahan, at mas maalalayan sa bawat pagsubok.

Ngayong araw, pormal nating inilunsad ang Rice Processing System II Facility na mayroong isang multi-stage rice mill at apat na recirculating dryers.

Sa pamamagitan ng teknolohiyang ito, mapapabuti ang kalidad ng ating bigas, mapapataas ang kita ng ating mga magsasaka, at higit sa lahat, magiging madali ang ating produksyon.

Inaasahan nating mapapataas nito ang milling recovery rates mula sa kasalukuyang 55 percent ngayon ay gagawin nating 58 percent tungo sa 63 hanggang 65 percent. Iyon ang pinaka aspirational level natin.

Sa tulong nito, bababa rin ang post-harvest losses ng halos 32,000 metriko tonelada kada taon—katumbas ng mahigit 541 milyong piso na kita para sa ating mga magsasaka.

Bahagi ito ng mas malawak nating layunin. Sa ilalim ng ating administrasyon, nakapagpatayo na po tayo ng 150 na ganitong Rice Processing System.

Makakatapos tayo sa taon ng 2025 – magtatapos tayo ng 20 pa. At on the year 2025, magsisimula naman na mag-construct ng 50 na ganitong klaseng Rice Processing Center. [palakpakan]

Ang gusto sana naming gawin ay bawat – pero ‘yung malalaking probinsya kailangan dalawa – at the very least bawat malaking rice growing… Per hectare ang aming calculation – maliit pa ito, 2,000 hectares lang ang coverage nitong Processing natin ngayon.

So, we can – that’s 500 ang capacity hanggang ang pinakamalaki natin is 1,000. Siyempre ang DA gusto ‘yung 1,000 para mas palalawakin natin.

Mayroon din kaming suggestion na nakita namin sa isang probinsya noong nagkaroon na ng Rice Processing ay nahirapan naman ‘yung farmer magdala ng kanilang palay doon sa center – sa milling plant. Kaya’t ang ibang probinsya nagbigay ng truck. Kaya’t sinabihan ko ang PHilMech na kung puwede isama na ‘yung truck dahil kasama naman talaga sa supply chain ng ano… [palakpakan]

So, maglalagay tayo ng – kasama doon sa kinukuhanan namin ng PHilMech. We will find – we’ll just have to find the funding pero may gap talaga eh. There’s really a gap from the farm.

I remember noong unang nabuhay ang NFA, sinusundo ‘yang palay, sinusundo para madala sa gilingan. Pero ngayon puwede na rin tayo, kaya na natin, puwede tayong magbigay ng truck. [palakpakan] Bawat cooperative, bawat…

So, iyon ang titingnan natin. We will start to develop that whole system. And that is why ito ‘yung aming hangarin ay talaga bawat lugar ay hindi na magiging malayo ang pagdadala ng palay hanggang sa processing at unang-una may processing at sapat ang processing capacity noong ating mga processing plant.

At dahil napakalaki ng coverage ng – milyong-milyong ektarya ang coverage ng nakatanim sa palay. Kaya’t we have to be able to service that whole kind of – kind of area.

Kasabay ng pasilidad na ito, [ipinagkaloob] din natin ang farm-to-market roads at farm machineries and equipment [palakpakan] sa ilang magsasaka dito sa Region 10. May kabuuang halagang higit sa 123 milyong piso.

Lahat po ito baka isipin ng iba dito lang sa MisOr namin ginawa ito. This is the same system that we implement every time we have a Rice Processing Center. Tinitingnan natin kung ano ‘yung magiging problema sa value chain, how do we find savings for the farmer, papaano natin ma-value added – maiwan ang value added ng kanilang produkto na mula sa palay hanggang maging bigas hanggang maging other products pa, other food products na galing sa bigas. ‘Yun po ang tinitingnan namin para kung saan ‘yung mga kulang ay doon papasok ang Department of Agriculture, doon kami papasok at ibubuo namin ‘yung mga supply chain ninyo.

Kabilang dito ang Mapulog-Tuboran farm-to-market road at saka arch bridges na nagkakahalaga ng halos 91 milyong piso—isang proyektong magpapabilis ng transportasyon at magbibigay ng mas malaking kita sa ating mga magsasaka.

Sa buong rehiyon, nakapagtayo na tayo ng halos 70 kilometrong farm-to-market roads at mga tulay na tinatayang nasa 105 linyang metro. Napakinabangan na rin ito ng halos 16,000 pamilyang Pilipino.

Sa buong bansa, umabot na sa 1,162 kilometro ang naitayo nating mga daan, at higit 865 linyang-metro naman ng tulay.

Bilang dagdag suporta, mula noong naupo ako bilang Pangulo, namahagi naman tayo [sa] mga Farmers’ Cooperatives and Associations ng mahigit 36,000 makinarya at kagamitang pansakahan para sa produksyon, para sa post-harvest, at pagpoproseso para sa Farmers’ Cooperatives and Associations.

Sa ilalim naman ng RCEF, naibahagi natin ang halos 12,000 piraso ng makinarya at kagamitang pansakahan mula Hulyo 2022 hanggang Marso ng taong ito.

Lahat ng ito ay may isa lamang layunin: tiyakin ang mas maraming ani, ang mas mataas na kita, mas maayos na buhay para sa ating mga magsasaka.

Ngayong araw din, binuksan natin itong Integrated Coconut Processing Facility.

Hindi niyo… Napaka – nagulat… Hindi ko akalain at noong nasabi sa akin ay nagulat ako isa pa lang ito sa buong Pilipinas. This is the first one in the Philippines. We are one of the largest coconut-producing nations in the world.

Alam niyo po ba na sa export, ‘yung coconut products – iyan ang maganda sa coconut wala tayong tinatapon, lahat ginagamit. Sa mga coconut products, mga food products, ‘yung coconut oil – alam niyo naman naging uso sa ibang bansa ito lalo sa Europa, sa Amerika, naging uso ‘yung coconut oil, ‘yung coconut water, lahat ‘yan. Pati ‘yung laman nung coconut hinahanap na nila, ginagawa nilang dessert.

Nagugulat ako sa galing ng ating mga magsasaka, wala tayong ginagawa sa pamahalaan, wala tayong ginawa mula noong – matagal na siguro may 50 taon na – wala tayong ginagawa para tulungan ang mga coconut farmer. Ngayon lang natin tinutulungan.

Ngunit kahit walang nagawa ang pamahalaan na tulong, number two tayo sa buong mundo sa coconut products. Ganyan kaganda ang produktong coconut. Ganyan kagaling ang ating mga coconut farmer na kahit na sa kahirapan –[palakpakan] matanda na ang kanilang mga puno, na wala silang mga facilities, ‘yung mga mill nila ay kinakalawang na, iyan pa rin nakagawa pa rin ng ganyan.

Isipin natin kung itong ganitong klaseng Processing Center ay pakakalatin natin sa buong Pilipinas. [palakpakan] Baka makabalik ako rito bago ako magtapos sasabihin ko, number one na tayo. [palakpakan] Number two tayo dati, number one na tayo. [palakpakan]

Ang maganda rito ‘yung naiisip ko, I was thinking about this just when I was sitting there, ang maganda sa – we were talking pinag-uusapan namin kung ilan ‘yung itatayo na Rice Processing, magkano ‘yung bawat isa, saan natin popondohan, et cetera.

Ang maganda sa coconut may pondo. So, ‘yung mga ganito doon tayo kumuha ng pondo because mayroon naman talagang ano ng infrastructure. [palakpakan]

Kayat ‘yung fund na sinasabi mo na nasa ilalim ng ibang ahensya ay dapat eh pag-isipan natin kung papaano natin pabilisin ang proseso – [palakpakan] papaano natin pabilisin ang proseso para ang funding na ‘yan ay mailabas natin kaagad para maipatayo tayo– makapagpatayo tayo ng ganito [palakpakan] na napakaganda.

Eh ‘yung coconut talaga iyon ang pinakamaganda. Iyon ang ano natin eh miracle – miracle product para sa Pilipinas ang coconut. Dahil very popular sa buong mundo ang produktong coconut at kayang-kaya natin mag-alaga at magparami ng ating mga niyog, at malaki ang market sa labas at marunong na tayong gumawa. Ang kulang lang ganitong klaseng mga processing plant para nga – kagaya ng sa bigas, kagaya sa palay, ‘yung value added… [Hawakan niyo nga ito.] [tawanan] [Binabatok-batokan ako dito.] [tawanan]

Kagaya ng bigas lahat ‘yung value added na ginagawa natin dahil na-dry na ‘yung bigas, giniling na, final – finished product na, na-polish na, lahat na nagawa na, na-sort na, alam na natin ang broken, at lahat ‘yan, ay tataas ang presyo nung binebentang bigas. Imbes na ang trader o kung sinoman ‘yung retailer ang kumikita, dapat ang farmer ang kumikita.

Kaya’t ‘yan ang ginagawa rin natin. Gagawin din natin para sa coconut na tutulungan natin lahat ng [palakpakan] ating mga farmer para ‘yung value added… Kasi paglabas dito sa plantang ito final product na. Packaging na lang nang kaunti.

Tutulungan kayo namin sa marketing, sa promotion. Paabutin natin ‘yung ginagawa ngayon ng DTI na digitalize lahat para kahit na ‘yung nandito sa MisOr puwedeng makiusap sa merkado sa labas ng Pilipinas at export na ‘yan. Malaking potensyal masyado.

Bahagi ito ng ating Solving Unemployment through Rural Industrialization andSustainable Enterprises o aming tinatawag na SUnRISE Project. [palakpakan]

Layunin ng pasilidad na ito na itaas ang halaga ng niyog mula sa kasalukuyang P8 hanggang P10 bawat kilo tungo sa P16 hanggang P18 bawat kilo. Kaya rin natin itong magproseso ng hanggang 60,000 niyog bawat araw.

Mula sa mga ito, makakalikha tayo ng anim na pangunahing produkto: coconut pallet, coconut board mula sa bunot, activated carbon mula sa bao, coconut water, coconut sap, harina at skim milk mula naman sa laman nung niyog.

Makikinabang dito ang tinatayang nasa 66,000 magsasaka ng niyog sa Misamis Oriental. Makakalikha rin po tayo ng trabaho para sa 2,500 Pilipino. Ito direct employment. Ang upstream at saka ang downstream niyan mas marami pa. Isa ito sa konkretong hakbang patungo sa paglalagay ng industriya sa ating mga kanayunan.

Mga minamahal naming magsasaka, kayo po ang dahilan kung bakit may pagkain sa ating mga hapag. Kayo ang patunay na sa pagsisikap, sakripisyo, at pagkakaisa, sama-sama tayong aasenso at uunlad.

Alam naming hindi matutumbasan ng anumang proyekto ang dugo at pawis na inyong iniaalay. Ngunit sa bawat programang ito, hangad naming kahit papaano ay mapapagaan ang pasanin [sa] araw-araw.

Hinihikayat ko po kayong pagyamanin at alagaan ang mga handog na ito. Patuloy kayong matuto, gumamit ng makabagong teknolohiya, maging huwarang Bagong Pilipino—magsasakang marunong, may dangal, at may pagmamahal sa ating bansa.

Bago ako [magtapos], nais ko ring ipaabot ang taos-pusong pasasalamat sa lahat ng katuwang natin—mula sa First Community Cooperative [palakpakan] at iba pang mga kooperatiba, sa mga ahensya ng pamahalaan, sa lokal na pamahalaan ng Misamis Oriental, at sa mga kasangga natin sa pribadong sektor.

Ito ay isa sa magandang – ito ay halimbawa nung ating laging sinasabi na partner natin ang private sector. At lagi tayong naghahanap ng tinatawag na PPP, ‘yung Public Private project dahil paghahatian niyo ‘yung paggastos; pangalawa, mayroong transfer of technology. Kung malalaking korporasyon na galing sa labas, marami tayong matututunan tungkol sa mas magandang makinarya, tungkol sa mga bagong technique, paano magpatanim, paano mag-ani, et cetera, et cetera, paano pag-process.

Kaya’t ito po ay patuloy po nating ginagawa dahil sa sinasabi ko kanina na isa sa pinakamahalagang sektor sa ating lipunan ang agrikultura.

Sa palagay ko ang agrikultura ay ang pinakamahalaga dahil ang unang katungkulan ng isang lider – kahit man Pangulo hanggang sa barangay chairman – ang unang katungkulan ng bawat lider ay kaya niyang ipakain ang kanyang mga constituent, kaya niyang ipakain ang kanyang… [palakpakan] Kaya’t unang katungkulan naming lahat ‘yan. Kaya’t napakahalaga – kaya’t binibigyan natin nang malaking-malaking halaga ang agriculture sector at siyempre ang bumubuhay sa sektor ng agrikultura ang ating mga magagaling na magsasaka.

Maraming salamat sa inyong lahat sa patuloy ninyong pakikiisa. [palakpakan]

Sama-sama nating isulong ang Bagong Pilipinas. Maraming salamat at magandang tanghali po sa inyong lahat. [palakpakan]

— END —