Thank you. Dios ti agngina, Agrarian Reform Secretary, Secretary Conrad Estrella. [Please be seated.]
Pangasinan 4th District Representative Maria Georgina De Venecia – I think that’s the first time I’ve called you by your full name; Pangasinan Provincial Governor Ramon Guico; Dagupan City Mayor Belen Fernandez; Department of Health Undersecretary Achilles Gerard Bravo and other DOH officials; Region 1 Medical Center Chief Dr. Joseph Roland Mejia; fellow workers in government; distinguished guests; ladies and gentlemen.
Magandang hapon po sa inyong lahat!
Isangdaang taon na ang lumipas pero nananatili pa rin ang layunin ng Region 1 Medical Center o R1MC— ang magsilbi, mag-aruga, at tumugon sa pangangailangan ng ating mga kababayan.
Mula noon hanggang ngayon, dito po tumatakbo ang mga taga-Dagupan at karatig-probinsya, para magpagamot.
Isang siglo ng serbisyo. Isang siglo ng pag-aaruga sa mga nangangailangan.
Kaya naman, sa pagdiriwang natin sa ika-100 taon ng R1MC, isang malaking karangalan din para sa akin ang makasama kayo ngayon [sa] mahalagang okasyong ito—ang pagbubukas natin ng Region 1 Medical Center Cancer Institute. [palakpakan]
Ito ay isang bagong pasilidad na tutugon sa isa sa pinakamatinding hamon ng ating panahon—ang cancer.
Noong panahon ng aking ama, naitayo ang ilang specialty hospitals sa Metro Manila—kabilang diyan ‘yung Heart Center, ‘yung National Kidney [and] Transplant Institute, ‘yung Philippine Lung Center, ‘yung Children’s Hospital.
Ngunit hindi sapat na nasa Kamaynilaan lang ang pagamutan. Kailangan natin ilapit ang serbisyo na ito.
Alam naman natin kung gaano kahirap ang bumiyahe, lalo na kapag may karamdaman. Kaya malaking bagay ang pagkakaroon ng kumpletong serbisyo dito sa lalawigan.
Ang Cancer Institute na ito ay magkakaroon ng mga modernong kagamitan – ‘yung aming nakita is state-of-the-art. Para akong nasa ospital sa Singapore. Ganoon kabago ‘yung mga modelo na ginamit – na naidala rito from Germany at saka… [palakpakan] Karamihan from Germany, ano?
Mabuti ‘yan para maraming matulungan. Gumagamit tayo ng lahat ng mga modernong kagamitan katulad para sa radiotherapy, ng nuclear medicine, brachytherapy, chemotherapy, at palliative care.
Noon pa man, sinabi ko na, kahit anong ganda ng ating ekonomiya, kahit gaano karami ang trabaho, o taas ng suweldo, hindi ito nararamdaman ng ating mga kababayan kung may iniindang sakit.
Kaya tayo po ay nakatutok sa pagsasaayos at pagpapalakas ng ating healthcare system.
Patuloy po ang Administrasyon sa pagtatayo ng DOH Specialty Centers. Ito po ay mga unit o departamento sa ospital na may angkop na kasanayan at kagamitan para sa sakit ng puso, sa sakit ng baga, bato, cancer.
Ito po ay isang leksyon na natutunan natin noong dumaan tayo sa pandemya. Dahil ang talagang nakatulong sa mga kababayan lalong-lalo na noong sa simula, noong wala pa – hindi pa natin masyadong nauunawaan kung ano ba talaga ‘yung COVID, ano ba ‘yung gamot diyan, ano ba ‘yung dapat gawin diyan.
Ang mga nakatulong talaga ay ‘yung specialty hospitals. Kasi kahit na specialized sila sa atay, sa kidney, sa heart, sa baga, marami sila na – binuksan nila ang kanilang mga ospital at doon nagpuntahan at dahan-dahan natuklasan natin kung papaano gagamutin ang COVID noong panahon na ‘yun.
Ngunit ang maliwanag na maliwanag na naging leksyon diyan ay sabi namin sa Manila lamang. Papaano naman ‘yung nasa labas? Dahil ‘pag napuno na ‘yan, kahit na sino hindi na puwede. Tapos ‘yung mga tiga-Visayas, ‘yung mga tiga-Mindanao, kahit dito sa Luzon ang layo-layo. Lalo na noong COVID ang hirap bumiyahe. Papaano naman ang gagawin nung mga nagkasakit?
Kaya’t sabi namin gawin natin ikalat natin ang specialty centers kagaya nitong Cancer Center na binubuksan natin ngayon. Kaya’t hindi lang cancer, kung hindi lahat po ng ibang specialty ay gagawin po natin sa mga ospital. [palakpakan]
Marami pa tayong gagawin para sa cancer. Noong Disyembre, binuksan ko ang OFW-Hospital Bagong Pilipinas Cancer Care Center sa Pampanga naman upang matugunan ang pangangailangan para sa mas makabagong pagamutan.
Ngayon naman, layunin din natin na mas maraming kababayan pa ang mabigyan ng tulong [na] hatid ng Cancer Assistance Fund.
Ang programang ito ay nagbibigay ng hanggang P150,000 na tulong sa cancer patient para sa pagpapagamot at mga diagnostic na test.
Paano naman ito makukuha?
Dala ang inyong mga medical abstract, o reseta, o treatment plan, pumunta lamang po kayo sa isa sa 34 na DOH-accredited hospitals sa buong bansa. Kabilang na po rito itong R1MC.
Sa Maynila, kasama rito ang PGH – sa PGH at Tondo Medical Center. Sa ibang bahagi ng Luzon, puwede naman po sa Baguio General o sa Bicol Medical Center. Sa Visayas, sa Vicente Sotto Medical Center sa Cebu o ‘di kaya sa Eastern Visayas Medical Center naman sa Tacloban.
Sa Mindanao, nandiyan ang Zamboanga City Medical Center at Amai Pakpak Medical Center.
May nakatalaga pong mga social worker o personnel sa bawat ospital na tutulong sa inyo sa pag-assess ng inyong sitwasyon. Kapag naaprubahan po ng ospital ang inyong request, maaari na pong magamit ang tulong pinansyal sa pagamutan.
Nakakalungkot na maraming kababayan natin ang hindi alam ang mga programang ito kaya hindi sila natutulungan.
Si Sec. Ted Herbosa ng DOH ay maglalabas ng impormasyon ng kumpletong listahan ng mga ospital na ito para lahat ng ating mga kababayan na nangangailangan ng tulong o may karamdaman alam nila kung saan pupunta at para makinabang dito sa mga programang ito.
Inaasahan ko na palalawigin ng DOH pa ang impormasyon ukol dito.
Sana rin ay bilisan ang pagproseso sa mga request sa Cancer Fund. Siguraduhing alam na agad ng pasyente kung kailan niya makukuha ang sagot niya sa request. At huwag na natin patagalin at marami tayong – maraming nangyayari, nakakalimutan, hindi na naproseso, eh mamamatay na lang ‘yun. Hindi na nagamot. Kaya time is of the essence when it comes to processing those requests.
Bukod pa riyan, madagdagan pa sana ang mga ospital na maaaring matakbuhan ng ating kababayan para sa programang ito.
Sa paglaban sa cancer, napakahalaga ang early detection at saka early treatment. Kasi mas malaki ang tyansa ng paggaling kung maaga itong madiskubre.
Kaya dapat regular tayong magpa-check up. At layunin nating gawing madali, maginhawa, at mura para sa lahat ng Pilipino ang pagpapakonsulta.
Kaya po natin tinatayo itong Bagong Urgent Care and Ambulatory [Service] o ang tawag namin ay ang BUCAS Center sa iba’t ibang panig ng bansa.
Sa ngayon, mayroon pong tatlong BUCAS Centers dito sa Region I. Ang isa po ay nandito sa Dagupan.
Dito puwede kayong magpatingin upang maagapan ang mas malalang sakit. May mga minor surgery – kaya nilang mag-minor surgery, adult and pedia immunization – ‘yung pagbigay ng bakuna, dental service, iba pang serbisyo nandito sa BUCAS Center.
At ‘yan nais nating maging twenty-four hours, seven days a week itong bukas dahil ang sakit, eh wala namang pinipiling oras. Nais din nating dumami pa ito para mas maraming mabigyan ng dekalidad na serbisyong pangkalusugan.
Imo-monitor ng DOH ang mga kagamitan sa BUCAS Center, para pagka nasira, ayusin agad. Dahil hindi puwedeng maghintay ang taumbayan, lalong-lalo na ang pasyente.
Isa pa, mayroon ding libreng bakuna para sa Human Papillomavirus or HPV ang DOH. Ito po ay para sa pag-prevention ng cervical cancer at iba pang cancer na dulot ng HPV.
Kailangan lang pong malaman ng mga kababayan natin ang mga serbisyong ito. Kaya inaatasan ko ang DOH – tutulungan po namin hangga’t maaari – na palaganapin ang impormasyon ukol dito.
Atin ding binibigyang suporta ang mga pananaliksik at pag-aaral ng makabagong teknolohiya panglaban sa cancer. Dahil ang bawat bagong impormasyon o nadiskubreng kaalaman ukol sa cancer ay maaaring makapagligtas ng ilang buhay.
Bago ako magtapos, nais kong batiin ang ating mga magigiting na healthcare workers. [palakpakan]
Hindi lang po dahil po – siguro para sa akin, talagang naramdaman ko ito noong ako naman ay natamaan nung COVID. Noong una kong tama ng COVID na medyo kamuntik na ako. Mabuti naman ay talagang – I have to tell you na-appreciate… Kaming mga may sakit, na-appreciate namin ‘yung ginawa ng lahat ng mga doktor, lahat ng mga nurse, [palakpakan] lahat ng mga medtech, lahat ng mga healthcare workers, lahat. Kahit hanggang sa barangay healthcare workers, lahat kayo. Malaki ang itinulong niyo sa amin at marami sa amin ang hindi nabuhay kung hindi sa ginagawa ninyo.
Kaya’t magpapasalamat kami hindi lamang dahil sa COVID. Dahil kayo na bumubuo ng Region 1 Medical Center, kayo ang nagbibigay-buhay sa mga institusyong ganito. Kayo ang mga nagbibigay-buhay sa mga wala ng pag-asa at nag-aantay na lang ng oras nila.
Sa pagganap ninyo sa sinumpaang tungkulin ninyo, ipinapakita ninyo araw-araw ang pagiging tunay na bayani. Saludo po ako sa inyong tapang, galing, at dedikasyon. [palakpakan]
At para sa bawat pasyente—mga magulang na nagdadasal, mga anak na umaasa na pagalingin si nanay o si tatay—hindi po kayo nag-iisa. Kaagapay ninyo kami sa laban na ito. Sama-sama tayong magpagaling at magtatagumpay.
Maraming salamat at mabuhay ang Region 1 Medical Center Cancer Institute!
Mabuhay ang Bagong Pilipinas! [palakpakan]
— END —