Thank you very much, Secretary Anton Lagdameo.
The Cabinet – nandito si Secretary Rex Gatchalian ng DSWD; at ang ating mga congressman, Zamboanga City 1st District Representative Khymer Adan Olaso; wala si Cong. Mannix because the budget hearings – this is the first day of the budget hearings I think that he is sponsoring kaya’t hindi siya makarating but he knows that we are here at ginagawa niya lahat para makatulong; ang ating city mayor, city mayor, Mayor Dalipe, thank you for the welcome that you have given us; the NFA Administrator, Administrator Roderico Bioco, hometown audience ah [laughter]; the Bureau of Customs Deputy Commissioner Juvymax Uy; ang ating mga kasama sa pamahalaan; ang ating mga benepisyaryo ng 4Ps na ating binibigyan ngayon ng bigas, magandang umaga po sa inyong lahat.
Ito po ay nakita po ninyo, ito po lahat ay kaya namin na ipamimigay ay dahil alam niyo po ang inuuna ko sa lahat ng ginagawa ng gobyerno ang inuuna ko talaga ay ang agrikultura. Kaya’t ipagpatuloy natin na may sapat tayo na pagkain para sa buong Pilipinas at bukod pa doon ay kailangan ay kayang bilhin at hindi masyadong mahal, kayang bilhin ng ating mga kababayan.
Kaya’t pinapaganda natin ang sektor ng agrikultura. Pinapaganda natin ang ating produksyon. Pinapaganda natin ang cost of production. Tinutulungan natin ang mga magsasaka upang pagandahin ang kanilang ani.
Ngunit hindi lamang ‘yan ang kailangang gawin para maging maganda ang presyo ng bigas. At kasama na diyan ay kailangan natin higpitan ang pagbantay sa mga iligal na imported o smuggled na bigas. Kasi po ang nangyayari po itong mga smuggled na bigas ‘yung may-ari niyan hindi po nila ipagbibili ‘yan. Mag-aantay ‘yan. Iipitin nila ‘yung suplay hanggang tumaas ang presyo. Iyon ‘yung nakikita natin kaya nagtaasan ang presyo ng bigas dahil ‘yan ang kanilang ginagawa. Kaya’t sabi ko sa ating mga kasama sa Customs, ika ko sa kanila kailangan higpitan ninyo nang mabuti at huwag kayong papayag na may pumapasok na smuggled na bigas.
Ngayon ito ang mga nahuli ng ating Customs. Nakita nila, inimbestigahan nila nang mabuti at nakita nila na mayroong ganitong klase. Ang lahat-lahat dito sa nahuli dito ay 42,120 bags. Tama ba ‘yun? Yes, 42,100 bags ng ganito. Kaya’t sabi namin may proseso. Ginawan namin ng proseso. Ang proseso na ganito ay sasabihin doon sa nagpasok magpaliwanag kayo. Saan galing ‘yan? Saan kayo nagbayad ng taripa? Saan kayo nagbayad ng tax ninyo? Saan kayo – lahat ng mga pangangailangan dokumento?
Natapos na po ang 15 days, hindi po sila makasagot. Kaya’t kinuha na namin, kinuha na ng gobyerno, kinuha na ng Customs at ginawang donation sa DSWD at gagawing donation ng DSWD at ng gobyerno sa inyo. [palakpakan]
Ito po mayroon pong – dahil nandito tayo sa NFA, ito ay napag-usapan, the mayor mentioned na mayroon tayong ginawang price cap dahil masyadong mabilis ang pagtaas ng presyo ng bigas ay sabi namin hindi na kaya ng tao. Kaya’t pinalitan natin nilagyan natin ng price cap. Sinabi natin sa lahat huwag kayong bibi – ‘yung mga konsumo sabi ko huwag kayong bibili ng lampas doon sa price cap dahil hindi sila dapat nagbebenta ng lampas sa price cap. So, iyon ‘yun.
Ngayon, nag-aalala ang mga magsasaka. Papaano naman kami? Dahil kung mataas ang price cap, mababa rin ang benta namin ng aming palay. Kaya nagkakaproblema kami dahil ang NFA ang bumibili lamang – authorized lang sila bumili P19. Sabi ko noong nakikita ko sabi ko hindi naman – baka mahirapan nang kumita ‘yung mga magsasaka.
Kaya’t kahapon lamang ay pinalitan natin at ginawa nating ang pagbili ng NFA P16 to P19 para sa wet na palay at P19 hanggang P24 para sa dry na palay. [palakpakan] Kaya tataasan natin ang pambili para sa mga farmer. Iyon ang aming… Talaga naman tayo ay nakikita natin – hindi lang po kasi dito sa Pilipinas ‘yan.
Ang nangyayari nag-aabang ang mga iba’t ibang bansa sa Asya sa darating na El Niño sa susunod na ilang buwan. Kaya’t nakikita na namin na pagdating ng El Niño medyo nagtagtuyot, hindi maganda masyado ang magiging ani dahil hindi umuulan nang sapat.
Kaya’t lahat ng mga iba’t ibang bansa sa Asya ay tinitiyak na mayroon silang reserve, mayroon silang buffer stock. At kaya’t naghahabulan. Kaya’t nagtaasan ang presyo dahil lahat – ang Indonesia bumibili, ang China bumibili, tayo bumibili, Thailand bumibili, Singapore – lahat bumibili. Kaya’t sabay-sabay silang bumibili, sumasabay din ang pag-akyat ng bigas. Kaya’t kailangan natin lagyan nga ng price cap.
Kaya’t iyan po ang ating ginagawa. Iyan ay lagi nating tinitingnan na hindi lamang dahil lagi nating napapag-usapan dapat pagandahin ang production ng mga magsasaka. At lagi kong pinapaalala sa lahat ng mga kasamahan ko, hindi lamang na kailangan na may sapat na pagkain, ay kailangan may presyo na kayang bilhin ng taong-bayan, unang-una. Pangalawa, na may magandang hanapbuhay naman ang mga magsasaka. Kaya’t yan ay tinitiyak natin.
At titingnan po natin habang tumatakbo ang panahon, titingnan po natin na papaano na ang magiging mga pangangailangan ng ating mga kababayan para naman ay hindi natin masasabi na ginutom na ang mga Pilipino dahil hindi sapat ang bigas.
Nandito po nakikita po ninyo, ito ‘yung mga nahuli. Ito po ‘yung mga iba na kakabili lang ng NFA itong season na ito. Kaya’t makikita ninyo, pupunuin nila itong warehouse. Dadagdagan natin. Gagawin natin mas malaki ang buffer stock para medyo mayroon – hindi na natin dapat makita ang biglang pagtaas ng mga presyo. [palakpakan]
Kaya maraming salamat po sa inyong pagsalubong sa akin dito. Ako ay nag-inspeksyon lamang at makita talaga kung ano ba ang nangyayari hindi lamang doon sa NCR, sa Maynila, kung hindi pati na rito sa kabilang dulo naman ng Pilipinas, dito sa Zamboanga ay para naman makita natin na lahat ng ating mga kababayan ay nasusuportahan at kung sinoman ang nangangailangan ng tulong ay nabibigyan ng tulong.
Ayan po ang inyong pamahalaan. Ito ‘yung gobyerno po ninyo. Nandito po kaming lahat at ginagawa po namin lahat upang makatulong na maging maganda ang inyong mga buhay. Kahit tayo’y dumadaan sa kahirapan ay nandito pa rin ang gobyerno ninyo upang tumulong.
Maraming salamat sa inyong lahat. [palakpakan]
— END —