Speech

Talumpati ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Pamamahagi ng Certificates of Condonation at Agri-Credit Assistance


Event Distribution of Certificates of Condonation and Turnover of Agri-Credit Assistance in Palayan City, Nueva Ecija
Location Nueva Ecija Coliseum sa Palayan City, Nueva Ecija

Maraming salamat sa kalihim —

[Magsi-upo po tayo.]

Maraming salamat sa Kalihim ng Department of Agrarian Reform, Secretary Conrad Estrella sa inyong pagpakilala; ang alkalde ng Lungsod ng Palayan Viandrei Nicole Cuevas at lahat po ng ating mga LGU na nandito na kasama natin ngayon [applause]; Vice Governor, Vice Governor of Nueva Ecija, Vice Governor Emmanuel Antonio Umali [applause]; at mga minamahal kong mga kasama sa pamahalaan na nandito upang magbigay ng tulong sa ating mga programa at ang pinakamahalaga sa lahat ng nandito ngayon, ang pinakaimportante kayo po, mga Agrarian Reform Beneficiaries na ating binibigyan ng ating Condonation at saka financial assistance [applause]; ito’y dahil birthday ko po, sinamahan po ako ng dalawa kong anak at si — ‘yung panganay ko po ay Congressman na ito sa First District ng Ilocos Norte, Sandro, Congressman Sando Marcos [applause and cheers]; ito namang isang anak ko, pangalawang anak ko, ‘yung bunso ko wala, may — kasama ‘yung kaniyang mother kaya’t ang sumama sa akin si Simon na hinila ko po sila.

Si Sandro ay busy sa budget ngayon dahil sa Kongreso ‘yun ang kanilang ginagawa. Si Simon naman ay nagtatrabaho sa malaking kumpanya at laging nakakulong sa opisina kaya sabi ko magpakita kayo para makita ninyo — sumama kayo sa akin makita ninyo kung ano talaga ang hinaharap ng ating mga magsasaka at lahat — Agrarian Reform Beneficiary [applause] para alam ninyo kung ano talaga ang pangangailangan sa iba’t-ibang lugar; mga kapwa ko manggagawa sa gobyerno; ladies and gentlemen, Magandang tanghali po sa inyong lahat! [applause]

Talagang tunay ang kasayahan ko dahil napaka- espesyal po ng araw na ito para sa akin. Kaya naman minamarapat ko na kayo ang makasama ko sa araw na ito. [applause]

Dahil po ang inyong sipag, ang pagsusumikap, at katatagan ng loob ang siyang nagsisilbing inspirasyon hindi lang para sa akin kung hindi sa lahat ng inyong mga kapwa Pilipino.

Kaya’t nais namin pagbutihin pa lalo araw araw ang aming paglilingkod sa bayan.

Kung kilala ang Nueva Ecija bilang Rice Bowl ng bansa, ito ay dahil sa inyong angking galing sa pagsasaka at sa inyong tibay sa kabila ng lahat ng pagsubok sa sektor ng agrikultura.

Likas naman — [applause] Likas naman talaga sa mga Novo Ecijanos ang tibay at tapang tulad ng ipinamalas ng mga bayani ng probinsya na ito sa Unang Sigaw ng Nueva Ecija isandaan at dalawampu’t walong taon na [ang] nakalipas. [applause]

Ngayong araw na ito, ating ipinagbubunyi ang isa pang laban—hindi sa [pakikidigma], kung hindi sa magiting nating [pagharap] sa mga pagsubok sa buhay.

Narito po kami ngayon upang suklian ang inyong sipag, ang inyong dedikasyon at determinasyon [ng] isang munting handog na nawa ay makatulong nang higit para sa inyong lahat at sa inyong mga pamilya. [applause]

Simula ngayon, magbabago ang buhay ng anim na libong magsasaka dito sa inyong lugar.

Ito po ay anim na libo dahil ito po ay maliit. Anim na libo lang ‘yung kasya rito pero sampung libo sa lahat lahat ang makakatanggap ng tulong galing sa Department of Agrarian Reform. [applause]

Dahil maghahandog po tayo ng halos sampung libong [Certificates] of Condonation with Release of Mortgage o ‘yung ating tinatawag na COCROM sa mga benepisyaryo ng repormang pansakahan sa Nueva Ecija sa ilalim ng New Agrarian Emancipation Act.

Ibig sabihin nito, lagpas dalawang daan at pitumpung milyong [pisong pagkakautang] ng mga benepisyaryo ng agrarian reform dito sa Nueva Ecija, lahat po nabura na po ‘yan. [applause]

Sa tulong nito, maiibsan ang bigat ng inyong mga pasanin at magkakaroon ang lahat [ng] pagkakataong makabangon at makapagsimula muli.

Hindi pa ito ang huli naming pagbibigay ng COCROM dito sa Nueva Ecija dahil may mahigit sa [apat na libong] magsasaka sa inyong lalawigan [ang makakatanggap nito sa malapit] na darating na panahon. Pangako po ‘yan ng ating magiting na Kalihim ng Repormang Pansakahan. [cheers and applause]

Pareho kami dahil baka hindi ninyo alam, binabati niyo ako ng happy birthday, itong ating secretary, Secretary Estrella, birthday niya kahapon kaya ayon ang — [cheers and applause]

Kaya noong nag-uusap kami, ano ang ggawin natin, ano ang gagawin natin sa birthday natin, [Ilocano]. Hindi ba birthday, dapat ay may blowout. Ito ngayon ‘yung blowout. [cheers and applause]

Sa kabuuan, mahigit limang daang milyong pisong utang para sa lupang pang-agraryo dito sa inyong probinsya ang sasagutin na po ng pamahalaan.

Ang pamahalaan po [applause] — kami po’y naniniwala na sa pagwawalang bisa ng pagkaka-utang na ito ay giginhawa ang buhay ng ating mga benepisyaryo.

Hindi na kayo mangangamba sa pagbayad sa amortisasyon. Hindi na kayo matatakot na mawala pa ang lupang pinagkukunan ninyo ng pantustos sa araw- araw. Maaari niyo nang gamitin ang perang ipanghuhulog niyo sa lupa para sa inyong mga pangangailangan.

Mahigit limang dekada na ang nakalipas matapos lagdaan ng aking ama, si Pangulong Ferdinand E. Marcos, Sr., ang Presidential Decree No. 27 na may layuning mabigyan ng katuparan ang pangarap ng ating mga magsasaka. [applause]

Kasama din po d’yan… Nagkataon din po, baka hindi rin po ninyo alam, noong nasimulan itong Agrarian Reform Program, ang kalihim po noong panahon ng aking ama, ng Department Agrarian of Reform ay ang lolo po ng ating Kalihim ngayon. Si lolo Condring Estrella at siya ang [unclear], sabi namin noong ako’y umupo, isa siya sa unang nakausap ko, sabi ko, kailangan naman, nakakahiya sa ating mga ninuno na hindi natin matapos ang programang sinimulan nila. Kaya’t talaga, desidido kami, tatapusin po namin lahat ng Agrarian Reform Program bago matapos ako bilang pangulo. [applause]

Kaya naman, hanggang ngayon ay patuloy nating sinusulong ang inyong karapatan, kapakanan, at kasaganahan, maging ang kaunlaran sa sektor ng agrikultura sa ating bansa.

Ngunit hindi rito natatapos ang ating pagtulong, maghahandog din ang DAR-Nueva Ecija ng pautang na nagkakahalaga ng halos apat-napu’t isang milyong piso para sa mahigit na apat na raang benepisyaryo.

Kaisa ng Department of Agriculture, kasama na rin po ang DBP, ang Planters Products Incorporated, inilunsad na po natin, kani-kanina lamang sa Guimba, ang Agri- Puhunan at Pantawid Program.

Sa ilalim ng programang ito, ang bawat magsasaka ay [makatatanggap] ng Interventions Monitoring Card o IMC, — ganito, binigyan ako nung kanina dito sa ano — bibigyan kayo ng ganito na card na magagamit sa pagbili ng binhi, ng abono, at iba pang kagamitan sa pagsasaka mula sa mga accredited merchants. [applause]

Napaka-simple lang po. Nagdemonstration sila kanina. Mayroon pong makina, parang ATM. Basta’t ihaharap mo lang ‘yung card mo ng ganiyan. Babasahin niya na ’yung mga detalye rito at puwede na kayong — puwede niyo nang gamitin para — mayroon naman kayong ‘yung tinatawag na Credit para makabili at para makakuha ng inyong mga inputs, ang inyong mga pangangailangan para sa — parang production loan para sa pagsimula bawat planting season.

Ang hiling ko lang po [ay] patuloy po ninyong pagyamanin ang inyong mga lupain, makilahok kayo sa mga gawain na magpapaunlad [pa] sa inyong mga komunidad, at tulong-tulong po tayo na paunlarin ang ating buong bansa.

Sa tulong ninyo, sa pagkakaisa po nating mga kapwa Pilipino, ito po ay — maabot din natin itong pangarap na matagal na nating hinahanap.

Marami po — marami pa pong pangarap at plano para sa Pilipinas.

Nais kong maging kaagapay ng bawat isa ang pamahalaan. Nais kong mabigyan ng magandang edukasyon, kalusugan, at hanapbuhay ang bawat Pilipinong nagsisikap pagbutihin ang kanyang — kanilang mga buhay.

Kaya sa araw na ito, sa buong bansa, sabay sabay po tayong naghahandog ng tulong.

Sa ginagawa natin po ngayong araw, mahigit isang — 1.3 bilyon na piso ang ating ipagkakaloob sa mahigit dalawang daan at animnapung libong kababayan natin na nangangailangan sa pamamagitan ng Ayuda sa Kapos [ang] Kita Program o ‘yung tinatawag na AKAP. [applause]

Gayundin po, sa araw na ito, naglaan po tayo ng lagpas sa tatlong daang milyong piso na pondo mula sa aking tanggapan upang gawing libre ang serbisyo ng mga pampublikong tertiary hospital sa bansa, kagaya ng Philippine General Hospital sa Maynila, sa Vicente Sotto Memorial Medical Center sa lungsod ng Cebu, ang Amai Pakpak Medical Center sa Marawi, at iba pang mga government hospital.

Sa mga pasyente po nito, sagot na po namin ang inyong mga gastusin sa araw na ito. [applause]

Wala na po kayong kailangang alalahanin sa usapin ng mga babayaran.

Nawa po ay sa pamamagitan ng mga tulong na ito at sa pagsisikap at pag-agapay sa bawat Pilipino, maitataguyod natin ang isang Bagong Pilipinas na hitik sa mga biyayang bunga ng mga binhing itinatanim natin ngayon.

Hangad ko na, katulad ng aking kaarawan, ang inyong maghapon at kinabukasan ay maging puno ng liwanag, ligaya, at pag-asa.

Maraming maraming salamat sa inyong ginawang sakripisyo. Maraming maraming salamat sa inyong patuloy na pagsisikap upang ang ating bansa ay mapaganda at ang ating mga kababayan ay gumanda ang buhay.

Maraming salamat sa inyo at mabuhay po kayong lahat!

[applause]

— END —