Speech

Talumpati ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Parada ng Kalayaan 2024

Event 126th Philippine Independence Day
Location Quirino Grandstand, Rizal Park in Ermita, Manila

His Excellency, the Most Reverend Charles John Brown and the esteemed members of the Diplomatic Corps; Executive Secretary, Lucas Bersamin; and the other honorable members of the Cabinet.

[Please take your seats.]

The honorable members of the Senate; members of the House of Representatives; the National Historical Commission of the Philippines Chair, Lisa Guerrero-Nakpil; Manila City Mayor, City Mayor Honey Lacuña; of course, the proponent of much of what we are to be seeing today, the First Lady, First Lady Louise Araneta-Marcos [cheers and applause]; my fellow workers in government; other distinguished guests; ang mga minamahal kong kababayan, magandang hapon at maligayang Araw ng Kalayaan po sa inyong lahat. [applause]

Isang daan at dalawampu’t anim na taon [na] ang nakalipas mula noong unang itinaas ang watawat ng Pilipinas bilang pagpapahayag ng pagsilang ng unang republika sa kasaysayan ng Asya.

At sa ating paggunita, muli nating bigyang-pugay ang diwa ng araw na ito: Ang pagkakaroon ng isang malaya at nagkakaisang bayan.

Ang kalayaang ito ay hindi nakamit nang walang katumbas na kabayaran — ang luha, dugo, at pawis na inialay ng ating mga ninuno sa dambana ng demokrasya at [pagkakapantay-pantay].

Sa kanila — sa ating mga ninuno [at] mga bayani — [inihahandog]natin ang araw na ito.

Ang tema ng ating paggunita, “Kalayaan, Kinabukasan, Kasaysayan,” ay nagtatampok sa kahalagahan ng pag-babalik-tanaw sa ating nakaraan.

Dahil ang tagumpay sa [pagtatanggol] ng ating Kalayaan at sa [pagpapabuti] ng ating kinabukasan ay nakasalalay sa ating patuloy na pag-alaala sa Kasaysayan.

Sa araw na ito, noong taong isang libo’t walong daan at siyamnapu’t walo, isang mahalagang pahayag ang ating ipinarating sa buong daigdig.

Itinatampok ng kabanatang ito ang ating kalayaan mula sa higit tatlong-daang taong [pananakop] ng mga Kastila.

Hindi naging madali ang pinagdaanan ng ating mga ninuno ngunit sinikap pa rin nilang makalaya [sa] tanikala ng dayuhang pamumuno.

Sa harap ng pang-aapi at [pagpapaka-sakit], hindi pinahintulutan ng ating mga bayani na tayo ay magapi.

Ang pagpaslang sa tatlong paring sekular na sina Mariano Gomes de los Angeles, Jose Apolonio Burgos y Garcia, at Jacinto Zamora y Del Rosario, o mas kilala natin bilang GomBurZa ang siyang pumukaw at nagmulat sa kamalayan ng taumbayan sa ating pagkabansa, na hiwalay na tayo sa Espanya at Simbahang Katolika.

Ang kanilang di-makatarungang kamatayan ang siyang nagsilbing mitsa sa pagsiklab ng mga kilusang nasyonalismo.

Una rito ang mga repormista, na [pinangunahan] ng mga Ilustrado tulad nina Jose Rizal, Marcelo H. del Pilar, Graciano Lopez Jaena, at ang magkapatid na Antonio at Juan Luna.

Gamit ang kanilang angking dunong at galing, nakipag-sapalaran ang mga Ilustrado sa pangingibang-bansa upang pag-aralan, siyasatin, at isulong ang mapayapang paraan ng pagbabago.

Pinangarap nila na makamit ng mga Pilipino ang karapatan na mabuhay ng payapa at ang kapangyarihan na ihalal ang kanilang mga pinuno.

Subalit ito’y hindi [pinakinggan], hindi napakinggan ang panawagan [nina] Jose Rizal. Bagkus, ay ikinulong at sinikil ang kanilang kalayaan.

Dahil dito ay sumiklab ang mga kilusang rebolusyonaryo sa pangunguna ng mga Katipunerong iniibig na palayain ang ating bayan sa pamamagitan ng mas [mariing] pag-aaklas.

Noong ika-dalawamput tatlo ng Agosto, taong isang libo’t walong daan at siyamnapu’t-anim, pinunit ng mga Katipunero ang kanilang cedula na naghudyat sa simula ng himagsikan laban sa mga Kastila.

Ang kamatayan ni Jose Rizal sa Bagumbayan — na ngayon ay tinatawag natin na Luneta — ang siyang nagpatibay sa damdamin ng mga rebolusyonaryo na ipaglaban ang kalayaan ng ating bansa.

Matapos ang pakikibaka sa loob ng maraming taon, sa ilalim ng pamumuno ni Heneral Emilio Aguinaldo, tuluyan nang nakamit  ang  ating  kasarinlan  noong ika-labindalawa ng Hunyo ng taong isang libo’t walong daan, siyamnapu’t walo.

Noong ika-dalawampu’t-tatlo ng Enero, taong isang [libo’t] walong daan [at] siyamnapu’t-siyam ay ganap na itinatag ang Republika ng Pilipinas.

Ngunit sa kabila ng tagumpay na ito, sumailalim pa ang bansa sa pananakop ng mga Amerikano na humantong sa hidwaan sa pagitan ng Pilipinas at Amerika.

Patuloy na isinulong ng mga Pilipino, sa pangunguna [nila] Manuel Quezon at Sergio Osmena, ang kasarinlan at kalayaan ng bansa.

Sa kanilang pagsusumikap, naitatag ang Commonwealth of the  Philippines, upang magsilbing tulay patungong ganap na kalayaan.

Subalit bago pa man natin makamit ang pinapangarap na kasarinlan, sinakop ang Pilipinas ng bansang Hapon.

Sa loob ng higit tatlong taon, nakipaglaban ang mga Pilipino kasama ang mga sundalong Amerikano sa puwersa ng Hapon.

Libo-libong Pilipino ang nagbuwis ng buhay bago natin nakamit ang kalayaan mula sa Hapon noong taong isang libo’t siyam na raan at apatnapu’t-lima.

Sa sumunod na taon ay ganap na [ngang] nakamit ng mga Pilipino ang kalayaan.

Mga kababayan, hindi lamang ito karaniwang pag-alaala sa mga himagsikang ating napag-tagumpayan.

Nais [kong] ipabatid sa taumbayan, lalo na sa ating [mga] kabataan, ang pagpapa-kasakit ng ating mga ninuno at bayani upang makamtan natin ang kalayaan at ang kapayapaan.

Nakakalungkot isipin na marami sa mga kabataan ngayon ang hindi kilala ang GomBurZa. Nakalimot na sila sa lahat ng pinagdaanan ng ating bansa upang magkaroon ng kasarinlan.

Ang kalayaan ay inaalagaan, binabantayan at [ipinapaglaban]. Sa sandaling mapabayaan natin ito, maaari itong mawala at maagaw muli sa atin.

Sinisimbolo ng okasyon natin ngayon — ang Parada ng Kalayaan na masasaksihan natin maya-maya — ang ating pagsisikap na maisabuhay sa puso ng bagong Pilipino na narito ngayon, ang tunay na diwa ng kabayanihan, kalayaan, at pag-asa.

Ito ay hindi lamang paggunita sa ating kasaysayan, kung hindi isa ring hamon na patuloy na ipaglaban ang ating kalayaan.

Kaya naman sa pagdiriwang nating ito, binibigyang-pugay natin ang lahat ng nag-alay ng buhay at lumaban para sa ating kalayaan at kasarinlan.

At kaakibat ng pagpapahalagang ito ay ang ating pangako na ipagpapatuloy ang kanilang sinimulan:

Ang ating buong-loob na [paninindigan] para sa ating [mga] karapatan bilang [isang] bansang malaya;

Ang ating tapat at masiglang pakikilahok sa mga gawaing [makabubuti] sa ating mga pamayanan; at

Ang ating walang humpay na pagsisikap upang mapabuti ang pamumuhay ng ating mga mamamayan.

Ang ating mga ninuno ay hindi umurong sa digmaan, kaya’t tayo ay hindi rin tatalikod sa tungkuling ipagtanggol ang ating nasasakupan.

Ipakita natin sa buong daigdig na ang tunay na kapangyarihan ay hindi nasusukat sa lakas o sa yaman, kung hindi sa tunay na kahulugan at katuwiran ng ating ipinaglalaban, sa alab ng pag-ibig sa bayan, at sa di-matatawarang pagkakaisa ng ating mga mamamayan.

Mananatili tayong matatag at hindi tayo matitinag.

Sa madaling salita: Hindi lamang tayo lumilingon sa nakaraan ngayon. Isinasabuhay natin ito, sa bawat hakbang na tungo sa mas malayang hinaharap.

Bilang pagtatapos, tinatawagan ko kayong lahat na patuloy na tangkilikin at ipagmalaki ang ating pagiging Pilipino.

Tayo ay babangon at aangat bilang isang bansa, na may malinaw na pananaw sa kinabukasang inaasam.

Magsama-sama tayo sa paglalakbay tungo sa isang mas maliwanag at masaganang bukas.

Sa bawat hakbang, sa bawat pagpupunyagi, ipagpatuloy natin ang laban para sa kalayaan — kalayaan mula sa kahirapan, kagutuman, kawalan ng katarungan, at iba pang mga balakid sa ating pag-unlad.

Lagi lamang po nating tandaan: Ang kasaysayan ang siyang susi natin tungo sa wagas at tunay na kalayaan, at sa kinabukasang puno ng pag-asa, kaliwanagan, at kasaganahan.

Mabuhay ang Pilipinas! [cheers and applause]

Mabuhay ang ating kalayaan! [cheers and applause]

Mabuhay  ang lahing Pilipino   ngayon       at magpakailanman! [cheers and applause]

 

— END —

 

Resource