Speech

Talumpati ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. Trabaho sa Bagong Pilipinas


Maraming, maraming salamat sa ating Kalihim ng DOLE, Secretary Benny Laguesma, sa iyong pagpakilala. [Please take your seats.]

Nandito rin po ang ating DSWD Secretary, Secretary Rex Gatchalian; at kasama natin ang Special Assistant to the President, Secretary Anton Lagdameo; nandito rin po kasama natin ang Mindanao Development Authority Secretary Leo Magno; babati rin ako sa ating butihing city mayor ng Tagum, Mayor Rey Uy; Davao del Norte Vice Governor Carlo “Oyo” Uy; at ang pinakamahalaga na nandito ngayon ay ang mga beneficiary ng DSWD assistance ng AICS at ‘yung mga beneficiary ng DOLE Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD Program; ang aking mga kasama sa pamahalaan, magandang hapon po.

Maayong adlaw kaninyong tanan. (Magandang araw sa inyong lahat.)

Unang-una, magpapahabol po ako ng greetings: Belated Happy Valentines Day para sa inyong lahat! [palakpakan]

Sana naman po ‘yung Valentine’s Day celebration ninyo ay naging romantic.

Base po sa inyong ngiti at masiglang pagsalubong sa akin ay mukhang maligaya naman ang inyong Araw ng mga Puso.

Para naman sa mga NBSB or NBSG – alam niyo ba ang ibig sabihin nun? No Boyfriend/No Girlfriend Since Birth, malay po ninyo, sa libo-libong tao na nandito sa Job Fair ngayon, baka nandito na ‘yung The One, baka ‘yung Siya Na, ay nandiyan na.

At sa mga may TOTGA – o alam ninyo ang TOTGA? The One That Got Away, baka nandito rin po ang inyong hinahanap. Kaya lingon-lingon din baka naman eh swertehin pa.

Ako po ay sumadya dito upang makita kung maayos po ang patakbo ng programa natin sa DSWD, sa DOLE, at saka sa DA. Alam niyo po, ang serbisyo namin sa gobyerno, tulad ng pagmamahal – buo, kumpleto, at hindi nang-iiwan.

Mayroon po tayong Job Fair at lahat ng kailangan ninyong dokumento mula sa gobyerno para sa paghahanap ng trabaho nandiyan na rin.

Pagkatapos niyo pong maghanap ng trabaho, maaari naman kayong makapamili ng mga murang produkto sa Kadiwa naman.

Ang Job Fair po na ito ay inorganisa ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno tulad ng DOLE at saka ng DSWD, kasama lagi ang ating mga LGU, at ay kailangan maganda ang kanilang coordination para mabuo, maging maganda ang ating mga job fair, ating pagbibigay sa 4Ps, at ‘yung ating Kadiwa.

Ito ay bilang pagtupad sa aming mandato at sa aming pangako na itaas ang antas ng pamumuhay ng bawat pamilyang Pilipino, lalong-lalo na sa ating mga benepisyaryo ng 4Ps at saka ng TUPAD.

Patuloy din naming pinapalakas ang paghahatid ng mga serbisyo para sa inyong lahat upang matulungan kayo na makahanap ng trabaho, at magsilbing hakbang tungo sa pagkamit ng inyong mga pangarap sa buhay at para sa inyong mga pamilya.

Hindi lang basta pagbibigay ng trabaho, ginagawa rin natin ang tinatawag na “matching.” Pinagbabagay po natin ‘yung mga kakayahan ng mga naghahanap, ng mga aplikante doon sa bag – doon sa  trabaho kung saan bagay siya kung anong klaseng trabaho na kaya niyang gawin. Ito ay ang paghahanap ng trabaho na akma sa inyong kasanayan upang matiyak na ang inyong hanapbuhay ay tumutugma sa inyong pagkakaalam.

Sa ganitong paraan, masisiguro natin na ang inyong talento, galing, at husay ay nabibigyan ng halaga.

Narito rin po ang ilang ahensya ng gobyerno tulad ng Public Employment Service Office, nandito rin po ang NBI, SSS, Pag-IBIG, PSA upang magbigay ng mga dokumento, ng mga clearance, at iba pang mga impormasyon at dokumento na kinakailangan ninyo sa paghahanap ng trabaho.

Narito rin ang DTI, ang PRC, DepEd, TESDA nandito po silang lahat para hingan ninyo ng gabay, ng tulong, ng advice kung mayroon kayong gustong malaman tungkol sa inyong karapatan bilang manggagawa at kung paano kayo magiging matagumpay sa inyong career.

Baka puwede rin po silang magbigay – eh dahil Valentine’s baka mayroon din silang love advice.

Kaya nagpapasalamat ako sa lahat ng dumalo rito—ating mga benepisyaryo, ang mga empleyado, ang mga employers, at lahat ng mga nagbigay-daan upang matuloy ang programang ito.

Nakita nga namin na matagumpay ang mahigit 1,900 Job Fairs sa buong bansa na aming isinagawa noong nakaraang taon. Sa mga job fairs na ito, on the spot na mayroon nang nakakuha ng trabaho ng mahigit 66,000 indibidwal.

Noon nga pong inilunsad ‘yung Trabaho sa Bagong Pilipinas para sa mga benepisyaryo naman ng 4Ps at iba pang kababayan natin nitong Enero, mahigit 9,000 katao po ang nag-apply at mahigit 1,000 naman ang hired-on-the-spot, 95 nito ay 4Ps na  beneficiaries. [palakpakan]

Patunay po ito napakagaling talaga ng Pilipino, lahat ng ating mga kababayan, kailangan lang ng pagkakataon katulad ng job fair na ito.

Kaya naman gagawin ko po lahat para itong programa na ito ay magkalat sa buong bansa.

Hangad ko po ang inyong tagumpay. Kakambal nito ay ang aking panawagan na sana po ay mapalawig pa ninyo ang mga pagkakataon at oportunidad na nasa inyong harapan.

Naniniwala ako na ang bawat isa sa inyo ay may kakayahan at determinasyon upang gawing produktibo ang inyong pamumuhay.

Isabuhay natin ang pagiging Bagong Pilipino— ang Pilipinong disiplinado, masipag, magalang, at may malasakit. Ito ang magdadala sa atin tungo sa Bagong Pilipinas na ating pinapangarap.

Ang bawat isa sa atin ay may kakayahang nakakapag-ambag sa ating mga komunidad at sa ating bansa. Sama-sama natin itataguyod ang mas maliwanag na kinabukasan para sa bawat Pilipino.

Sa ating pagsusumikap at malasakit sa kapwa, tiwala ako na makakamit natin ang isang mas maunlad, produktibo, at progresibong Bagong Pilipinas.

Basta po tayo ay magsama-sama, basta po tayo ay nagtutulungan, basta’t tayo ay kapit-bisig na humaharap sa mga problema na dumadating sa atin,  at sabay-sabay natin binibigyan ng solusyon at sabay-sabay natin – sabay-sabay tayong patungo sa ating minamahal na Pilipinas na Bagong Pilipinas.

Mabuhay ang Davao Region!

Daghang salamat!

Mabuhay ang Bagong Pilipinas! [palakpakan]