Press Briefing

Malacañang Press Briefing of Palace Press Officer and Undersecretary Atty. Claire Castro


Event PCO Press Briefing with MPC
Location New Executive Building, Malacañang, Manila

PCO USEC. CASTRO: Magandang umaga, Malacañang Press Corps. Welcome sa ating press briefing ngayong araw. Simulan natin sa magandang balita na dala ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Bagong Pilipinas.

Bilang pagtupad sa pangako ni Pangulong Marcos Jr. ng abot-kayang presyo ng bigas, inanunsiyo kahapon ng Department of Agriculture na magsisimula na silang magbenta ng bigas sa halagang bente pesos kada kilo at una itong maipapatupad sa Visayas.

Napili ang Visayas bilang pilot area dahil maraming nangangailangan dito at may sapat na stock ang NFA sa nasabing area; hanggang sampung kilo ng bigas kada linggo ang puwedeng bilhin ng mga beneficiary household o katumbas ng 40 kilos bawat buwan.

Nagbigay na rin ng direktiba ang Pangulo para palawigin ang programa hanggang 2028. Panoorin po natin ito:

[VTR]

Good news para sa mga kababayan natin na madalas dumadaan sa mga seaport: Sinabi ni Pangulong Marcos Jr. na inaasahang mapapabuti pa ang turismo at ekonomiya sa Northern Mindanao matapos ang inagurasyon ng Balingoan Port Expansion Project sa Misamis Oriental.

Ang nasabing port ay mahalagang daanan ng mga biyahero patungong Camiguin Island mula sa Misamis Oriental at iba pang karatig na lugar. Mayroong bagong dalawang palapag ang nasabing gusali kung saan kasya ang nasa limandaang indibidwal, gayundin ang mga makabagong kagamitan, ticketing counters, mga lounge at palikuran na inaasahang magpapaganda pa sa passenger transit experience.

[VTR]

At good news para sa mga kababayan nating magsasaka sa ilang bahagi ng Mindanao: Pinangunahan ni Pangulong Marcos Jr. ang pamamahagi ng agricultural support sa mga magsasaka sa Cagayan de Oro City at Misamis Oriental. Tumanggap ng makinarya at suporta ang mga farmers’ cooperative at LGU bilang bahagi ng programa para sa pag-unlad ng industriya ng niyog.

[VTR]

At sa ating huling good news: Patuloy ang pagtutok ng pamahalaan sa kalusugan ng bawat Pilipino. Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang turnover ng 91 na bagong ambulansiya sa Cagayan de Oro bilang bahagi ng programa para mapalawak ang access sa serbisyong medikal sa buong bansa. Eighty-five (85) na PTVs (Patient Transport Vehicles) ang para sa Northern Mindanao at anim naman ang ibinahagi sa BARMM.

Layunin ng pamahalaan na makapagbigay ng isang ambulansiya bawat bayan sa loob ng tatlong taon. Mula 2022, nakapagbigay na ang administrasyon ng 570 na PTVs sa mga lokal na pamahalaan maliban pa sa NCR.

Ang mga bagong Patient Transport Vehicles ay dinisenyong kayang dumaan sa malalayo at mahihirap na puntahan na mga lugar para mas mapabilis ang tulong sa oras ng emergency. Ito ay handog hindi lang sa mga pasyente kung hindi pati na rin sa mga frontliners na tunay na bagong Pilipino.

[VTR]

At ito po ang good news natin sa araw na ito. Maaari na po tayong tumanggap ng mga katanungan.

PCO ASEC. DE VERA: First question, Usec., Alvin Baltazar, Radyo Pilipinas.

ALVIN BALTAZAR/RADYO PILIPINAS: Usec., good morning po. Usec., mayroon po ba tayong timeline tungkol doon sa kung kailan natin ipapakalat sa iba pang bahagi ng bansa iyong 20 pesos na kada kilo ng bigas after ng Visayas?

PCO USEC. CASTRO: Okay, inaayos na po ang mga maaaring issues tungkol sa logistics pero ito po ay maipapatupad po talaga nationwide. At hindi lamang po ito ang naisin at aspirasyon ng ating Pangulo, sa susunod pong taon nanaisin po natin na mabigyan po ng sapat na pondo nang hindi na rin po kakailanganin ang anumang tulong mula sa LGUs. So, iyan po ay bibigyan po ng pondo para po maibsan po talaga ang kahirapan sa pagbili po ng napakamahal na bigas.

ALVIN BALTAZAR/RADYO PILIPINAS: Usec., ang direktiba ni Pangulong Marcos ay ma-sustain ito hanggang sa pagtatapos ng kaniyang termino. Ano ang assurance natin sa mamamayan na masu-sustain ito hanggang 2028?

PCO USEC. CASTRO: Muli sasabihin natin, ito po iyong aspirasyon ng Pangulo na maipatupad po ito hanggang sa 2028. Mabibigyan po ito ng tamang pag-aaral at tamang budget po. Iyan po ay talagang nanaisin ng Pangulo na maipatupad.

ALVIN BALTAZAR/RADYO PILIPINAS: I believe, Usec., hindi lang ito dapat effort ng national government, pati iyong LGUs, sabi ni Secretary Francis Tiu-Laurel na kinakailangan may effort din ang LGU. Mayroon bang participation ang LGU doon sa aspeto ng pagbibigay ng subsidiya? Kasi, I believe, ang Cebu yata ay mayroon silang tulong na subsidiya para dito sa effort na ito.

PCO USEC. CASTRO: Opo, kaya po naging pilot area po ang Visayas areas because nauna po na nagbigay ng kanilang anunsiyo na sila rin ay makikipag-cooperate. Nauna silang nagsabi na sila ay makikipag-cooperate para po makatulong din po sa naisin ng Pangulo, ng pamahalaan, ng gobyerno na mabigyan po ang ating mga kababayan ng bigas sa murang halaga, sa bente pesos kada kilo. At sa susunod nga pong taon ay mas nanaisin po ng Pangulo na ito po ay sagutin na ng national government.

Pero kung mayroon pa po talaga na mga LGUs na makikipag-cooperate pa po at kaya po nilang makapagbigay ng subsidiya, ito po ay tatanggapin pa rin po natin – malaking tulong po iyon.

ALVIN BALTAZAR/RADYO PILIPINAS: Usec., one last hirit na lang, Usec. Saan maa-avail ng ating mga kababayan iyong murang bigas, bukod sa inaasahan natin sa Kadiwa, saan pa?

PCO USEC. CASTRO: Since ito po ay mayroong cooperation mula sa LGUs, magbibigay din po ng sariling guidelines ang mga LGUs kung saan po nila ito maaaring ibenta – maaari po sa kanilang palengke, sa mga authorized outlets ng LGUs; maaaring sa kanilang mga empleyado. Ito po ay magiging depende po sa magiging guidelines po ng LGUs, pero sa mga Kadiwa po ay mayroon po.

ALVIN BALTAZAR/RADYO PILIPINAS:  Salamat po, Usec.

ANNA BAJO/GMA NEWS ONLINE: Good morning po, Usec. Ma’am, in relation doon sa 20 pesos na bigas, may we just get your reaction on the statement made by VP Sara na this move is just another election promise to boost the chances of the Marcos administration senatorial candidates na manalo po sa eleksiyon. Binubudol lang daw po natin iyong taumbayan.

PCO USEC. CASTRO: Unang-una po, matagal na po nilang inisyu na mukhang hindi kakayanin ng Pangulo ang aspirasyon na magkaroon at mag-deliver ng bigas sa halagang bente pesos kada kilo. Ngayon po na unti-unting natutupad ang aspirasyon na ito ng Pangulo bakit muli na naman silang nagsasalita, nagiging negatibo?

Muli uulitin natin, ang gusto po ng Pangulong Marcos ay ma-deliver sa taumbayan ang bigas sa murang halaga – noon pa po ito. Pero ngayon po ay nagsusumikap ang ating pamahalaan, ang ating Pangulo na matupad ang aspirasyon na ito.

Sana po sa mga lider, ang tunay na lider at ang tunay na Pilipino ay dapat sumusuporta sa kapuwa Pilipino lalung-lalo na sa pinuno ng bansa. Huwag sanang pairalin ang crab mentality at huwag maging anay sa lipunan. Magkaisa tayo para matupad ng Pangulo at ng pamahalaan ang mga aspirasyon para sa taumbayan.

ANNA BAJO/GMA NEWS ONLINE: Pero, ma’am, why did the government choose Visayas po? Kasi iyong isa rin niyang sinasabi given na vote-rich region iyong Visayas kaya ito raw iyong pinili. Ano po iyong basehan ng government kung bakit Visayas?

PCO USEC. CASTRO: Unang-una po, nasabi po sa atin ni Secretary Kiko Laurel na kaya po Visayas unang-una po, maraming stocks po ang NFA sa nasabing lugar at sila po ang naunang nagsabi ng pakikipag-cooperate sa Pangulo sa pagbibigay po ng subsidiya kaya po nauna po ang Visayas area, ito rin po ay pinatotohanan po ni Governor Gwen Garcia. So, bakit naman natin haharangin ang magandang adhikain na ito, ang magandang goal na ito ng Pangulo na makapagbigay ng murang bigas at sa pangunguna po ito sa Visayas area.

Huwag po nating harangan, huwag po nating pagbawalan iyong mga taumbayan na bumili ng murang bigas. Ito po muli ay para sa taumbayan, huwag nating hayaang magutom ang taumbayan.

Hindi porke’t po mura ang bigas sasabihin na panghayup ang nasabing bigas. Liliwanagin lamang po natin: Ang ibebentang bigas ay iyong bigas po na nabibili ngayon sa halagang 33 pesos. So, huwag po nating maliitin ang mga farmers natin dahil local farmers po manggagaling ang bigas na ito.

Kapag po sinabi ninuman na ito ay panghayup na bigas ay minamaliit po natin ang mga farmers natin na nagbibenta po sa NFA, sa ating gobyerno.

So, huwag po nating hayaan dahil ang bigas po na ito ay talagang nabibili na po. Marami na pong bumili ng bigas na ito sa halagang 33 pesos. Same po, parehong bigas po ang ibibenta.

At ang sabi nga po natin dito, kung sinasabi po niya na huwag magpabudol – tama po na huwag magpabudol dahil maaaring magamit na naman ito at masabotahe ng mga fake news peddlers, magpanggap na buyers at ipapakitang hindi maganda ang bigas. Tandaan natin, ito pong bigas na ibibenta sa halagang bente pesos ay iyong parehong bigas na ibinibenta sa halagang 33 pesos.

ANNA BAJO/GMA NEWS ONLINE: Ma’am, last na lang po on my part. Ma’am, paano po iyong budget nito? Sufficient naman po ba para ma-sustain and kasi tina-target natin na hanggang 2028 na rin po iyong implementation.

PCO USEC. CASTRO: Sa ngayon po ay aabot po at ang nais po ng Pangulo para sa susunod na taon ay mabigyan po ng budget ang programang ito para sa taumbayan.

ANNA BAJO/GMA NEWS ONLINE: Thank you, ma’am.

PIA GUTIERREZ/ABS-CBN: Hi, ma’am. Ma’am, iyong 20 pesos po was a campaign promise of the President pero bakit ngayon lang po ito nasimulan?

PCO USEC. CASTRO: Unang-una po, sa budget po hindi po agad kinaya or masasabi natin na pinag-aralan kung paano ito mapapatupad. At ngayon po na kinakaya po natin hindi po ba dapat mas magpunyagi tayo at kumbaga ay sabihin nating isang tagumpay ito ng pamahalaan para sa taumbayan. Huwag po tayong magpakanegatibo, huwag po nating tingnan na hindi maganda at sinasabing pamumulitika po ito. Sabi nga natin, noon pa po ito aspirasyon. So, kung ito man ay natupad, maganda naman po siguro nagkataon dahil ang Visayas areas ay nakipag-cooperate.

At sabi nga natin ang mga taong itim ang tingin sa kanilang paligid ay mukhang hindi makakakita talaga ng liwanag.

PIA GUTIERREZ/ABS-CBN: So, you’re saying, ma’am, na ngayon lang nagkaroon ng budget for the 20 pesos rice? 

PCO USEC. CASTRO: Hindi po nating sinasabing ngayon lang nagka-budget; ngayon lang po napag-aralang mabuti dahil sa loob po ng mga araw, buwan, taon ito po ay inaral kung papaano po ito maipapatupad. Ngayon po na nakita po nila sa kanilang pag-aaral na maaari pong ibigay sa pamamagitan din po ng pagbibigay ng subsidiya, ito po ngayon ay ating ipapatupad.

PIA GUTIERREZ/ABS-CBN: Ma’am, kasi iyong announcement came shortly after the President suffered a double-digit decline sa kaniyang trust and approval ratings kung saan tinuturo iyong mataas na presyo ng bilihin behind the decline. Does this have anything to do with the announcement?

PCO USEC. CASTRO: Wala po. Dahil bago pa po nagkaroon kung anumang survey rating ang napapakita ngayon, noon pa po ito pinag-uusapan. Nakasama po ako minsan sa isang pribadong meeting para po dito, para ipatupad po ang bente pesos kada kilo na bigas. Nauna pa po ito napag-usapan ng DA, ng NFA bago pa po lumabas ang mga survey ratings na iyan.

IVAN MAYRINA/GMA NEWS: Ma’am, follow up doon sa kung saan manggagaling ang pondo rito. Ang paliwanag kahapon ni Secretary Tiu Laurel, kung anuman ang diperensiya, 33 iyong value, ibebenta ng bente – tig-6.50 ang national at local. What happens to the—say the fourth, third class municipalities who are unable to fund the difference? How soon can the national government shoulder the cost fully para maibenta po sa bente?

PCO USEC. CASTRO: Sa ngayon po ay pinag-aaralan po iyong patungkol po diyan. Ang pangunahin po ngayon na direktiba po ay doon sa maaaring makapagbigay ng subsidiya mula sa local government. At sinabi naman po natin, kung hindi man nila maa-avail ito, maaari naman pong magpautang ang FTI pero ito po iyong sinasabi nating halagang 33 pesos. At maa-avail din naman po ng kababayan natin iyong halagang 33 pesos through the LGU or FTI at iyon din po ay puwedeng utangin po noong mga sinasabi ninyo po na local government na hindi ganoon kalaki po iyong income na natatanggap.

CHRISTIAN YOSORES/RADYO 630: Hi, Usec. Mayroon po bang directives o utos ang Pangulo sa mga LGU just to make sure din po na hindi nga po magagamit ng mga LGUs sa pamumulitika itong pagbibenta ng murang bigas bilang election season po ngayon at may mga takot po na baka ilang mga kandidato sa lokal na pamahalaan ang samantalahin iyong pagbibenta ng murang bigas?

PCO USEC. CASTRO: Makikita naman po ng COMELEC ito kung ito po ay sa pamamagitan lang o ang reason po dito ay pamumulitika o dahil lamang sa pangangampanya. So, hayaan na lang po natin ang COMELEC na siya po ang magsuri kung ito ay ginagamit sa pamumulitika at pangangampanya.

SAM MEDENILLA/BUSINESSMIRROR: Good morning, ma’am. Bale ilan po iyong magiging target beneficiary nitong program at saka ilang LGUs din po, bale ilang families and ilang LGUs? 

PCO USEC. CASTRO: Opo. Sa ngayon po ay nagkakaroon po ng guidelines, gumagawa po ng guidelines ang DA at madidinig ninyo po sa kanila iyong detalye. Sa aming pagkakaalam ay magkakaroon po mismo ng press briefing si Secretary Kiko o ang DA at doon ninyo po malalaman kung ano po iyong iba pa pong mga detalye.

SAM MEDENILLA/BUSINESSMIRROR: Tapos na-mention din po nila na parang wala pa siyang allocation sa GAA this year, so, saan po kukunin ng DA iyong budget for the initial implementation nitong program? 

PCO USEC. CASTRO: Muli po, pakinggan na lang po muna natin iyong press briefing na gagawin po ng DA dahil sa ngayon po ay hindi ko po hawak ang detalye patungkol po diyan at sila po mismo ang magbibigay ng mga kasagutan patungkol po sa mga ganiyang klaseng mga katanungan. 

SAM MEDENILLA/BUSINESS MIRROR: Bale na-mention rin po ng Comelec na nag-isyu na sila ng reaction regarding dito sa rice.  Ang na-mention po nila, okay lang daw magbenta iyong NFA ng P20 pero hindi raw po dapat involved iyong mga candidates for the 2025 polls. Kaso karamihan po ng incumbent officials ngayon ay running for re-election. So, kapag nagbenta po ba nito, dapat hindi po sila involved doon sa …?

PCO USEC. CASTRO: Dapat po hindi po sila involved, dapat nga po ang kanilang mga mukha ay hindi makikita sa mga tarpaulin patungkol po dito. Ang pagbibenta po ng bigas sa halagang P20 kada kilo ay para po sa taumbayan, hindi po para sa mga kandidato.

EDEN SANTOS/NET 25: Usec., good morning po. Nabanggit po ninyo may ida-draft na guidelines ang DA para sa pagbibenta po ng P20 kada kilo ng bigas. Nangangahulugan po ba ito na limitado lamang iyong mga kababayan natin na maaaring maka-avail at hindi ito Rice for All, itong P20 na ito ng ating administrasyon?

PCO USEC. CASTRO: Nakausap po natin ang representative ng DA, at sinasabi po naman nila, ito ay maa-avail ninuman. Pero magkakaroon din po ng sariling guidelines ang LGU kung kanino po ito maibibenta. Mas malamang po, sa aking hinuha, sa aking pagtatantiya, mas mabibigyan nila ng priority iyong mga sinasabing nasa laylayan ng lipunan. Pero hindi naman po ito ipinagbabawal na bilhin; ang sabi po sa atin, kapag nasa Kadiwa po, lahat naman po ay maaaring maka-avail.

MARICEL HALILI/TV5: Good morning, Usec. Usec., punta lang ako doon sa plano ni PBBM to attend the burial of Pope Francis. May we have more details about it, kailan sila aalis ni First Lady Liza papunta ng Vatican and hanggang kailan sila doon?

PCO USEC. CASTRO: Mamayang gabi po ang pag-alis po ng First Couple. The funeral will be attended by the First Couple this Saturday, April 26. Iyon lamang po ang maibibigay kong detalye.

MARICEL HALILI/TV5: But mayroon na pong decision who will be the caretaker of the government while the President is in Vatican?

PCO USEC. CASTRO: Malamang po, bago po umalis ang ating Pangulo ay ibibigay po nila iyong detalye patungkol po diyan.

MARICEL HALILI/TV5: And will the President have other activities in Vatican and Europe, aside from attending the burial of the Pope?

PCO USEC. CASTRO: Kapag binigay na po sa atin ng ahensiya, ng DFA, ang detalye po dito, ibibigay ko po sa inyo. Sa ngayon po nakausap po natin ang representative ng DFA at ito lamang po ang naibigay na detalye.

MARICEL HALILI/TV5:  Ma’am, pahabol lang. Aside from the First Lady, mayroon pa po bang ibang makakasama si PBBM papunta sa Vatican?

PCO USEC. CASTRO: Muli, hihingin ko na lamang po iyong detalye dahil sa ngayon po, noong ako ay humingi ng detalye patungkol po sa pag-alis ng bansa para po um-attend sa funeral po ng Pope, ito lamang po ang ibinigay sa atin pansamantala.

ACE ROMERO/PHIL. STAR: Usec., in relation to that, may mga nakalinya kasing mga potential events si Presidente sa Friday and then even sa Sunday. So, all these are cancelled or postponed?

PCO USEC. CASTRO: Hindi ko po masasagot sa ngayon, dahil hindi pa po ako nabibigyan ng detalye kung ano po iyong kanilang magiging itinerary. Kapag po naibigay po siguro sa akin, ibibigay ko po kaagad-agad sa inyo.

ACE ROMERO/PHIL. STAR: Pero do we have info kailan sila uuwi o wala pa?

PCO USEC. CASTRO: Wala pa pong detalye sa akin.

EDEN SANTOS/NET 25: Regarding lang po sa impeachment against Vice President Sara Duterte. Nanatili po ba iyong tindig ng Pangulo na huwag pa ring pigilan iyong napipintong impeachment trial sa Senado laban po kay VP Sara, knowing na iyong impeachment case  po was rooted in the questionable confidential funds ng Bise Presidente, tama po ba?

PCO USEC. CASTRO: Wala po sa kamay ngayon ng Pangulo ang patungkol po sa impeachment trial. Kung ano po ang magaganap dito, nasa kamay na po ito ng Senado.

EDEN SANTOS/NET 25: Follow-up ko lang po. Doon sa transparency and accountability, kung confidential and intel funds po iyong dahilan ng pag-impeach kay VP Sara, hindi po kaya maapektuhan din ang Pangulo dahil isa po siya doon sa top spender ng confi and intel funds para po hilingin din na idetalye niya iyong kaniyang pinaggagamitan or paggagamitan po noong confi and intel funds?

PCO USEC. CASTRO: Hindi po nakatanggap ang Office of the President ng AOM or notice of disallowance. Kung sinuman ang nakatanggap nito at kung sinuman ang kinakailangang magpaliwanag dito, mauna po muna siyang magpaliwanag dahil mayroon pong trial na darating po.

ACE ROMERO/PHIL. STAR: Usec., we’ll just seek reaction doon sa sinabi ng kampo ni Vice President that  her lawyers thought they  are more than confident that she will emerge victorious dito sa impeachment trial na ito?

PCO USEC. CASTRO: Kung iyon po iyong istratehiya nila, hayaan po natin.

ACE ROMERO/PHIL. STAR: Does the Palace agree?

PCO USEC. CASTRO: Wala pong kinalaman ang Palasyo sa impeachment trial.

CLEIZL PARDILLA/PTV4: Good morning po, Usec. Over 1,100 vehicles failed road worthiness inspection po, 671 drivers suspended after testing positive for drugs. What directives has the President issued to the DOTr o doon po sa special task force na binuo to review road safety policies and enforcement po?

PCO USEC. CASTRO: Yes, there is this directive coming from the President that there should be more protection to the commuters, to everyone from abusive drivers. Tamang-tama lamang po, dahil ito mismo ang direktiba ng Pangulo, ang utos ng Pangulo at ito naman po ay isinasagawa ng DOTr sa pamamagitan po at pamumuno ni Secretary Vince Dizon. Kanya po, lumalabas po dito na-revoke po ang license po ng ELS Bus Company at marami pong mga drivers na nasuspinde po – 671 drivers, na-suspend po dahil sa nagpositibo sa paggamit ng iligal na droga. So, ito po ay napakaganda po dahil ipinapakita po natin sa taumbayan na sila ay dapat na safe sa daan at hindi po dapat abusuhin ang anumang ibinigay na pribilehiyo na ikaw ay maging driver sa kalye.

CLEIZL PARDILLA/PTV4: Ma’am, follow-up po. How does the Palace view the proposed Anti-Kamote Bill which aims to prevent the detention on motorist involved in accidents na hindi naman po sila iyong may kasalanan po?

PCO USEC. CASTRO: Dapat lamang po, kung hindi naman po makikita na may kasalanan. Minsan kapag po nagkaroon ng vehicular accident, makikita naman paminsan-minsan ng mga imbestigador kung sino ba iyong unang nagkamali. Siguro kapag ang imbestigador po ay nakita na ang isa ay siyang nabiktima o iyong sasakyan ang mismong nadanyusan, hindi po naman dapat na makulong  ang mismong nabiktima. Pero may mga pagkakataon po na sa pag-iimbestiga, hindi naman agad nakikita kung sino iyong may sala. So, karapatan din po ng mga awtoridad natin na huwag muna palayain, o magkaroon ng agarang imbestigasyon; kasama na rin po ito sa due process.

At dito po nagtatapos ang ating briefing, maraming salamat at para po ito sa Bagong Pilipinas.

 

###