Press Briefing

Malacañang Press Briefing of Palace Press Officer and PCO Undersecretary Atty. Claire Castro


Event PCO Press Briefing with MPC
Location New Executive Building, Malacañang, Manila

PCO USEC. CASTRO: Magandang umaga, Malacañang Press Corps, welcome sa ating press briefing ngayong araw. Simulan natin sa magandang balita na dala ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Bagong Pilipinas.

Good news mula sa Department of Health: Isa sa mga programa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. katuwang si Health Secretary Ted Herbosa ay ang pagpapalapit sa ating mga kababayan ng mga serbisyong pangkalusugan na karaniwan nilang nakukuha sa mga ospital. Bukas na po ang limampu’t isang Bagong Urgent Care and Ambulatory Service (BUCAS) centers – tandaan po natin, BUCAS centers sa tatlumpu’t tatlong probinsiya sa buong bansa.

Makabago po ang mga gamit at mabilis ang serbisyo ng mga DOH BUCAS centers na ito na siyang puntahan ng ating mga kababayan sa mga probinsiya para sa mabilisan at agarang serbisyong medikal o ambulatory care. Libre po ito maliban lamang po sa mga ibang specialized medical procedures na mayroon lamang pong very minimal fee.

Mabilis pong nakukuha ng mga kababayan natin ang mga laboratory services gaya ng complete blood count (CBC), blood chemistry, urinalysis, blood typing, x-ray, ultrasonography, ECG, fecalysis, FOBT, dengue NSI, dengue IGG at IGM, COVID rapid antigen test at HBsAg.

May mga serbisyo rin po para sa tuberculosis screening and management, pagbabakuna, center screening, konsultasyon para sa altrapresyon at diabetes, kumpletong checkup para sa buntis at sanggol, OB-Gyne consultation at services, mental health, first aid at referral para sa mga vehicular crash, nutrition support, dental services, animal bite at pharmacy para sa mga access sa gamot.

May mga operasyon din pong naihahatid ang DOH BUCAS centers gaya ng operasyon sa katarata, breast at tumor surgery at iba pang ambulatory surgical procedures. Mabilis din ang pagresponde sa ibang emergencies gaya ng mga pasyenteng inatake sa puso; pati ang geriatrics o mga serbisyong kailangan ng mga may edad kasama na po ang surgery, ENT at orthopedic ay parte ng serbisyo ng DOH BUCAS centers na nakukuha na ng ating mga kababayan.

Sa loob lang ng isang taon, buong Pilipinas na po ang may DOH BUCAS centers – dalawampu’t anim sa Luzon, walo sa Visayas, at labimpito sa Mindanao. Halimbawa lang po, ang ilang BUCAS centers ay nasa Sto. Tomas, Pampanga para sa Luzon, ang Tagbilaran BUCAS Center sa Visayas at ang Cotabato BUCAS Center naman po sa Mindanao.

Unti-unti pong nagbubukas ang DOH BUCAS centers mula lamang nitong March 2024 at ngayon, nasa halos walong-daang libong Pilipino na po ang kasama, at kasama po ang 4Ps beneficiaries ang nasiserbisyuhan ng limampu’t isang BUCAS centers sa buong bansa.

Nasa humigit 500 patients kada araw ang nasiserbisyuhan ng bawat isang BUCAS center at patuloy pong nagiging takbuhan ng ating mga kababayan ang DOH BUCAS centers lalo na para sa emergency care. Panoorin po natin ang ilang mga kababayan natin na naserbisyuhan na po ng DOH BUCAS centers:

[VTR]

At iyan po ay talagang inuna ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para matugunan po talaga ang pangangailangan ng ating mga kababayan patungkol po sa kalusugan.

Mayroon pong direktiba ang ating Pangulo: Para matiyak ang malinis at tapat ang pagdaraos ng midterm elections sa May 12, inilunsad ng Department of Information and Communications Technology at ng Commission on Elections ang kauna-unahang 24/7 Threat Monitoring Center. Ito ay isang real time digital command post na handang tukuyin, pigilin at tapusin ang online misinformation and disinformation.

Pinangungunahan ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center ng DICT at ng Task Force Katotohanan, Katapatan at Katarungan sa Halalan o ang Task Force KKK sa Halalan ng Comelec ang Threat Monitoring Center na naging operational sa loob ng dalawang araw. Isa itong patunay na mabilis kumilos at nagkakaisa ang pamahalaan kapag ang katotohanan ang nakataya. Panoorin po natin ito:

[VTR]

At nais ko rin pong iulat sa inyo ang pinakabagong survey ng OCTA Research. Bumaba sa 42% ang bilang ng mga pamilyang Pilipino na itinuturing ang kanilang sarili bilang mahirap nitong Abril mula sa dating 50% noong Nobyembre – katumbas ito ng 2.1 milyong families na nagsasabing nakaangat na sila sa kahirapan. Bumaba rin ang food poverty sa 35% mula sa 49% noong nakaraang quarter – ibig sabihin, humigit-kumulang 3.7 million families ang hindi na itinuturing ang sarili nila bilang food poor. Isa po itong patunay na patuloy ang pagsisikap ni Pangulong Marcos Jr. at ng kaniyang administrasyon na tugunan ang problema sa kahirapan at kagutuman.

Sa punto pong ito ay maaari na po akong tumanggap ng inyong mga katanungan.

EDEN SANTOS/NET25: Usec, good morning po. From your previous briefing, sinabi ninyo po na, “Sa kaniya pala nanggaling ang fake news,” referring to Vice President Sara Duterte. Siya pala ang source ng fake news na ito na pinapakalat laban sa Unang Ginang, kay First Lady. With that po, wala po bang plano ang Marcos administration na sampahan po ng kaso si VP Sara o kaya po ay paimbestigahan sa Kongreso or sa NBI, PNP-CIDG kung sinasabi po ninyo na siya ay fake news peddler?

PCO USEC. CASTRO: Sa ngayon po, wala pa po. Wala po.

IVAN MAYRINA/GMA7: Usec, yesterday the couple Ronald and Marie Cardema attempted but failed to file an impeachment complaint against President Marcos on the grounds of culpable violation of the constitution and betrayal of public trust. Palace statement, please.

PCO USEC. CASTRO: Karapatan po nila kung nais po nilang magsampa. Pero inuulit po natin, ang complaint na ito, sa ating pagtingin, ay walang pinaghuhugutan. Uulitin natin: Ang Pangulo at ang administrasyon ay gumaganap lamang ng kanilang katungkulan at ang batas ay pinapairal pati na po ang kanilang commitment sa Interpol. Kung mayroon mang sariling interes patungkol dito, nanaisin pa ba nila na hindi sundin ang batas, hindi ipagpatuloy ang commitment or talikuran ang commitment sa Interpol para sa mga taong inaakusahan ng crimes against humanity?

So muli, maliban po sa ginagawa po ng Duterte Youth Partylist patungkol po dito, mas maganda rin po bilang mambabatas, makagawa sila ng mas maraming batas.

IVAN MAYRINA/GMA7: Eleksiyon na po sa Lunes, Usec. Ultimately, ang impeachment po ay numbers game. Have you spoken to the President about this impeachment complaint and does he remain confident that he will continue to have the numbers to keep him safe from an impeachment for the rest of his term?

PCO USEC. CASTRO: Sa ngayon po ay hindi pa po nababasa nang buo ang sinasabing impeachment at wala pa po tayong masasabi patungkol po diyan. Pero muli, inuulit natin, kung anuman po ang ginagawa ng Pangulo at ng administrasyon, iyan po lahat ay base sa batas.

CHRISTIAN YOSORES/RADYO 630: Good morning, Usec. I understand, ma’am, na nag-iimbestiga na ang LWUA doon sa mga reklamo sa PrimeWater. Pero iyong grupong Bayan Muna kahapon po ay naghain ng complaint laban sa kumpaniya. May request din po sila na ipakansela na iyong lahat ng joint venture agreement ng PrimeWater sa mga local water districts. Iku-consider po ba ito ng Palasyo o iuutos sa LWUA?

PCO USEC. CASTRO: Ngayon po ay nagsasagawa po ng imbestigasyon ang LWUA, at any time soon po ay maaari pong magbigay ng mensahe patungkol po dito. At kung mayroon pa pong mga tao na nagrireklamo, may mga ahensiya, may mga government agencies na umaayon sa ginagawa po ng Pangulo patungkol po sa pag-iimbestiga, particularly sa PrimeWater, iyan po ay ating wini-welcome dahil ibig pong sabihin, ang aksyon pong ginawa ng Pangulo ay hindi lamang po pamumulitika.

Tandaan po natin, ang estimated po na sinasabi na naaapektuhan po ng hindi magandang serbisyo ng PrimeWater ay umaabot na po sa 16 million na katao. So, kailangan lang po talaga itong mabilisang maaksiyunan.

CHRISTIAN YOSORES/RADYO 630: One follow-up lang po. Iyong sa panawagan po nila na ipakansela lahat ng JVA ng PrimeWater sa mga local water districts, open po ba rito ang Palasyo?

PCO USEC. CASTRO: Unang-una po, ang Pangulo at ang administrasyon ay naniniwala po sa due process. Hindi po tayo laging may kasabihang “cut the process.” So, aalamin po natin lahat kung ano ba, kung may anomalya, kung anuman ang pagkukulang, at ano pa iyong dapat na ipahinto.

TRISTAN NODALO/NEWS WATCH: Good morning, Usec. Habemus Papam, mayroon na pong bagong Santo Papa ang Roman Catholic Church – si Pope Leo XIV. Siguro po, ano ang mensahe ng Palasyo, ni Pangulong Bongbong Marcos, sa pagkakaroon ng panibagong Santo Papa?

PCO USEC. CASTRO: Masaya po na mayroon na po tayong bagong Santo Papa, at hintayin po natin ang kaniyang magiging mensahe ngayon pong araw na ito.

MARICEL HALILI/TV5: Usec, good morning. Did the President monitor the announcement last night? Did he wake up until early morning?

PCO USEC. CASTRO: Hindi ko po natanong kung siya ay nagising nang maaga po. Pero ilalabas niya po iyong mensahe. Kapag kami po ay nagkaroon ng pagkakataon magkausap ngayon, tatanungin ko po kung anong oras siya nagising.

TRISTAN NODALO/NEWS WATCH: Usec, kagabi po ay um-attend si VP Sara sa meeting de avance ng PDP-Laban, at sinabi niya po, ngayon daw ay nawi-witness ng buong bansa ang isang systematic demolition job against its political opponents. Sabi niya po, hindi sila ang problema; hindi Duterte ang problema ng Pilipinas kasi sino raw po ang makikinabang kung tuluyan nang burahin sa mundo ang pamilyang Duterte – hindi ang mga Pilipino, lalong hindi ang biktima ng mga krimen o iyong mga nagugutom. Anong reaksiyon po ng Palasyo rito?

PCO USEC. CASTRO: Opo, tayo po ay nakapanood ng kaniyang mga tinuran. At ang mga negatibo niya pong nabanggit doon sa ating pagsusuri ay mukhang ang dini-describe niya po ay ang kaniyang sarili at ang pamilya Duterte.

Nabanggit niya po, kung hindi po tayo nagkakamali, “Sa kasamaang-palad, iniluklok natin ang isang lider na walang kakayahang maintindihan ang tunay na kalagayan ng Pilipino.” Matatandaan po natin na siya po mismo bilang dating DepEd secretary, siya ang nagsabing hindi niya kaya lalung-lalo na, and I quote, “I do not come from the education sector. I don’t have an education background so I cannot review what they are doing and I rely on their expertise and all the stakeholders who did the review.” So, at that time, nakikita natin kung papaano nga ba napabayaan ang education sector dahil 1.5 million DepEd laptops/items stocked in warehouses since 2020 at hindi pa niya ito nagawan ng paraan bilang namumuno sa DepEd noon, at si Secretary Angara pa ang siyang nagso-solve ng problemang ito.

Nandoon din po ang issue ng panis na gatas, inaamag na Nutribun sa mga public schools at ito po ay nagkakahalaga ng 5.7 billion na hindi po napakinabangan ng mga estudyante. At mayroon din pong nabisto or agarang nasolusyunan ni Education Secretary Sonny Angara patungkol po doon sa ghost students na may halaga pong na-recover na 65 million. Kaya po tayo ay umaayon sa sinabi niyang pinagbabayaran natin ngayon ang pagpili ng maling lider.

So, hindi po ba siya ang problema ng bansa o isa sa mga problema ng bansa?

KENNETH PACIENTE/PTV: Good morning, ma’am. How does the Malacañang view po the 5.4% GDP growth in the first quarter of 2025? Ma’am, is this in line with the administration’s targets for this year?

PCO USEC. CASTRO: Okay, maganda pong balita iyan dahil po iyong GDP po ay nagpapakita po ng progreso. At natutuwa po ang ating Pangulo, lalung-lalo na po, of course, ang administrasyon dahil nakikita na po at nababanaag, nagma-manifest na po ang mga pagsisikap ng ating mga opisyales para po mapaangat po talaga ang ekonomiya ng bansa.

KENNETH PACIENTE/PTV: Ma’am, follow-up lang po. Ano po ang plano ng pamahalaan para magpatuloy po iyong ganitong trend o mapabilis pa po o mapaangat pa iyong GDP growth?

PCO USEC. CASTRO: Lalong pagbutihin ang trabaho, lalong maging concern sa mga pangangailangan ng taumbayan.

RACQUEL BAYAN/RADYO PILIPINAS: Ma’am, balikan ko lang po iyong sa OCTA Research, iyong sa self-rated poverty. How confident are we that we can sustain this momentum especially po ang target po natin ay mapalawak pa iyong 20 pesos per kilo na bigas?

PCO USEC. CASTRO: Opo, maganda pong balita po dahil nga from 50%, naging 42% na lamang po. Ibig sabihin, nararamdaman na rin po ng mga taong target po ng mga programa ng Pangulo patungkol po dito sa kagutuman. Nararamdaman naman po nila ang pag-angat, ang improvement. At sisikapin po ng ating Pangulo at ng administrasyon na lalo pang mapalawig ang mga programang ito para mas lalong maiangat ang buhay po ng ating mga kababayan.

PCO ASEC. DE VERA: Thank you, Usec.

PCO USEC. CASTRO: At mayroon pa po tayong good news. At patungkol na rin po sa nalalapit na eleksiyon, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng election watchdogs sa Comelec para sa eleksiyon sa Lunes. Para sa hangaring malinis at tapat na halalan, nagsama-sama ang lahat ng election watchdogs mula sa mga pribadong organisasyon, simbahan, kabataan at iba pang sektor. Sa kanilang mahigpit na pagbabantay, matitiyak na ang bawat boto ay mabibilang nang tama, at ang bawat boses ng mga mamamayan ay maririnig.

At sinisiguro rin ng PNP na 100% na silang ready para sa 2025 national and local elections. Ayon kay PNP Chief Rommel Marbil, ang sabi po niya, “Let this be clear: Our commitment is to serve the Filipino people not politicians. Our duty is to protect the law and sanctity of the vote.”

Kaisa ang administrasyon ni Pangulong Marcos Jr., ating itataguyod ang isang halalang mapayapa, malinis at makatarungan para sa bayan para sa kinabukasan at para sa isang Bagong Pilipinas.

At dito po nagtatapos ang ating briefing. Maraming salamat, Malacañang Press Corps, at magandang tanghali para sa Bagong Pilipinas.

 

###