PCO USEC. CASTRO: Magandang umaga, Malacañang Press Corps, welcome sa ating press briefing ngayong araw. Simulan natin sa magandang balita na dala ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Bagong Pilipinas.
Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na isulong ang food security at maritime development sa West Philippine Sea, inilunsad ang ‘Kadiwa ng Bagong Bayaning Mangingisda’ (KBBM) program. Sa ilalim ng programang ito ng Philippine Coast Guard at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, ipinadala ang MV Mamalakaya na direktang mamili ng mga sariwang huli mula sa mangingisda sa Bajo de Masinloc.
Bukod sa pagbili ng huli ay magbibigay rin ito ng subsidiya sa krudo at yelo bilang tulong sa mga mangingisdang nahihirapan sa transportasyon at iba pang gastusin. Sa unang biyahe pa lamang ng MV Mamalakaya, matagumpay na itong nakabili ng dalawampung toneladang sariwang isda mula sa mga lokal na mangingisda. Sa KBBM, sama-sama nating itinataas ang dangal ng mangingisdang Pilipino habang pinangangalagaan ang yaman ng ating karagatan para sa kinabukasan ng buong bayan, para ito sa Bagong Pilipinas.
[VTR]
Bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Marcos Jr. na mas paigtingin ang regional cooperation para protektahan ang mga biktima ng human trafficking, labanan ang mga sindikato at siguraduhin ang seguridad sa ating mga border, nagkaroon ng high-level dialogue ang Pilipinas at Cambodia. Pinangunahan ito ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) at ang Department of Justice katuwang ang Cambodian National Committee for Counter Trafficking, ang Regional Dialogue and Knowledge Exchange Target ng dalawang bansa na palakasin ‘no, target ng dalawang bansa na palakasin ang ating ugnayan sa pagbabahagi ng mga best practices at pagtugon sa mga bagong anyo ng trafficking gaya ng forced labor sa mga scam hubs.
[VTR]
Ilan lamang ito sa mga programa ng ating Pangulo at ito ang ilang mga good news sa umagang ito. Maaari na po tayong tumanggap ng inyong mga katanungan.
RACQUEL BAYAN/RADYO PILIPINAS: Usec, good morning po. Doon po sa initial na pagbiyahe ng MV Mamalakaya, ilang mangingisda po kaya iyong napagbilhan natin and how much po kaya iyong naging buying price natin doon sa mga isda?
PCO USEC. CASTRO: Opo. Ayon po sa ulat po ni Commodore Tarriela, mayroon pong nabiyayaan o nabenepisyuhan po na 120 fishermen at 11 na fishing vessels po ang nabenepisyuhan ng Kadiwa program, ang KBBM; 20.3 tons of fish ang nabili at diretsa po itong naibagsak sa fish port po. At iyon po, at ito po ay magtutuluy-tuloy hangga’t marami silang nakikita’t namu-monitor na mga fishing vessels na maaaring nangingisda, at hanggang 2028 po ito ay ipapatupad.
RACQUEL BAYAN/RADYO PILIPINAS: Okay. So safe to say, Usec, na until Marcos administration po magtutuluy-tuloy po iyong pagpapadala natin sa West Philippine Sea?
PCO USEC. CASTRO: Yes, opo, para matugunan din po ang issue about food security, talaga pong ito ay pinag-utos ng ating Pangulo.
RACQUEL BAYAN/RADYO PILIPINAS: And can we say, Usec, na bahagi rin po ito ng effort ng pamahalaan para ma-increase iyong presence natin sa West Philippine Sea?
PCO USEC. CASTRO: Opo, dahil tayo naman po ay may karapatan dito sa Bajo de Masinloc at dapat lamang pong ma-exercise ng ating mga kababayan kung ano ang nararapat na mga karapatan po natin.
HARLEY VALBUENA/PTV4: Hi. Good morning, Usec. Ma’am, still in line with the food security doon po sa 20 pesos rice, do we have a timeline as to when we can make the “Benteng Bigas Mayroon (BBM) Na” available for all? And then, may we also know the criteria in choosing the priority areas, kung saan po natin dadalhin iyong 20 pesos rice?
PCO USEC. CASTRO: Sa ngayon po sa Kadiwa centers, vulnerable sectors po ang makikinabang pansamantala hanggang December 2025. Sa LGUs po, kung anuman po ang kanilang magiging guidelines, maaari po itong maging rice-for-all; depende na po iyan kung ano po ang magiging panuntunan ng LGU na siyang makikipag-cooperate po sa programang ito. Pero ang plano po, sa susunod na taon po ay magkaroon po ng budget para maibigay po ang bente pesos na bigas kada kilo sa lahat. Iyan po ang plano; depende pa po sa budget pero ipagdasal po natin na makaya po ito ng ating Pangulo at ng administrasyon. Para po ito sa taumbayan.
HARLEY VALBUENA/PTV4: Ma’am, follow up lang po. Kumusta naman po kaya iyong cooperation ng mga LGUs na involved sa rice—doon po sa BBM rice since magkakaroon din po yata tayo ng transition ng leadership doon sa ilang LGUs since natapos po iyong elections?
PCO USEC. CASTRO: Of course, pinagdadasal po natin na makipag-cooperate ang mas nakakaraming local government units sa abot ng kanilang makakaya pero pansamantala ay aalamin natin dahil nga may mga bagong pinuno na nahalal at titingnan po natin kung hanggang saan sila puwedeng makipag-cooperate sa programang ito ng ating Pangulo.
MARICEL HALILI/TV5: Magandang umaga, Usec. Usec, about the issuance of arrest warrant against former presidential spokesperson Atty. Harry Roque, ang sabi po niya kahapon, malinaw that he is a victim of political persecution by the Marcos government because he is an ally of the Dutertes. Your comment on that, Usec?
PCO USEC. CASTRO: Iyan po naman talaga ang kaniyang magiging naratibo, kaniyang depensa pero hindi po niya sinasagot nang mabuti kung nasaan nga ba iyong mga dokumentong kaniyang ipinangako sa House of Representatives at that time na nagkaroon po hearing sa QuadCom.
Hindi po niya natutugunan iyon at kung anuman iyong mga sinasabing diumano hidden wealth niya ay hindi pa rin niya po natutugunan, so paano po kaya magkakaroon ng political persecution? At tandaan po natin, korte mismo ang nag-issue ng valid warrant of arrest patungkol po sa kaso ng qualified human trafficking.
At hindi lamang po iyan, mayroon po tayong nabalitaan na mayroon din pong pending case for alleged land grabbing sa Bataan at ito po ay diumano’y naka-pending sa Ombudsman since 2023. So, siguro dapat din po nating malaman ang detalye dito at ang katotohanan tungkol sa akusasyon ng mga 77 farmers patungkol sa diumanong land grabbing na ginawa ni Atty. Harry Roque.
MARICEL HALILI/TV5: Ma’am, ano po iyong magiging action on the part of government? Is it possible to coordinate with the Interpol para mapabalik sa bansa si former presidential spokesperson?
PCO USEC. CASTRO: Sa ating pagkakatanda, iyan din po ang sinabi Usec. Nicky Ty ng DOJ – maaari po silang makipag-cooperate at makipag-coordinate sa Interpol patungkol po dito. So, abangan na lang po natin kung anuman po ang magiging aksiyon ng pamahalaan sa pamamagitan po ng DOJ.
MARICEL HALILI/TV5: Pero may sinasabi po kasi si Atty. Roque na sa ngayon ay hindi daw puwedeng maipa-deport siya pabalik dito sa Pilipinas dahil ayon daw sa international law, mayroon pa kasi siyang petition for asylum. So, kumbaga ay naka-pending pa doon.
PCO USEC. CASTRO: Of course, mayroon pong ganiyan na sinasabi patungkol sa karapatan na huwag muna siyang dalhin sa bansa kung saan may kaso pero ito po ay kung may maipapakita pong harassment. Kung wala po siyang mapapakitang harassment mula sa gobyerno at mapapatunayan na ang mga kasong ito ay legal na nasampa at may mga basehan para siya ay maisyuhan ng warrant of arrest, hindi po tayo maniniwala na hindi siya maaaring dalhin sa Pilipinas.
MARIZ UMALI/GMA7: So, ma’am, ibig sabihin even—kasi iyon po ang ini-insist niya when we were at The Hague before. Ang sinasabi niya it is part of the provision as an applicant for a political asylum seeker that hindi siya puwedeng galawin at all – hindi siya puwedeng ipa-deport, hindi siya puwedeng arestuhin. Kumbaga, he is untouchable as a political asylum seeker. So, ano ang magiging basehan kung saka-sakali noong sinasabi po ni Attorney na they will work hand-in-hand with the government in order to, siguro serve the arrest?
PCO ASEC. CASTRO: Siya po ang nagsampa ng kaniyang petition for asylum. So dapat po, para hindi po siya naaresto, since mayroong valid warrant of arrest na inisyu ng ating bansa, siya po ang dapat magpatunay na ang pagkuha sa kaniya gamit man ang Interpol o kooperasyon sa Interpol, siya ang magpatunay ang pagdala dito sa Pilipinas ay because of mere harassment. So, may kondisyon po iyon, hindi po iyon statement na hindi ka puwedeng hulihin basta-basta, eh kung mayroon naman pong valid warrant of arrest at may kaso siyang dapat kaharapin, hindi po siya dapat magtago sa kaniyang petition for asylum.
TRISTAN NADALO/NEWSWATCH: Good morning, Usec. Ma’am, baka gusto lang pong i-clarify ng Malacañang kung totoo or hindi po ito, kasi may mga lumabas po sa social media yesterday, ang sinasabi po ay iyong latest message daw po ni Pangulong Marcos ay ayaw niya ng impeachment ni VP Sara at inutusan ang gabinete na atupagin ang serbisyo. Can Malacañang verify kung totoo po itong lumabas na mga mensaheng ganito?
PCO ASEC. CASTRO: Ang mabi-verify ko po sa inyo, totoo pong ipinag-utos ng Pangulo na dapat asikasuhin po namin ang trabaho, dapat madaliin po ang pag-i-implement ng mga proyekto na nais niya parang sa taumbayan. Pero pagdating po sa impeachment, iyan po ay nasa kamay na po ng Senado, nasa kamay na rin po ito ng mga prosecutors, so hayaan na lamang po natin ang prosesong dumaloy ng normal.
TRISTAN NADALO/NEWSWATCH: On another topic lang po, iyong sa Senator Bato dela Rosa, medyo nag-react po siya doon sa pag-welcome ng Palace sa legitimate opposition, pero you know, parang lalabanan iyong mga obstructionists. Ang sabi po ni Senator Dela Rosa sa interview po namin ay hindi raw po haharang ang Duterte bloc sa mga programa at batas, pero sana raw po, sabi niya, kung gusto nila ng magandang samahan, magandang cooperation, do not start with warning or threatening the senators?
PCO ASEC. CASTRO: With all due respect to Senator Bato dela Rosa, bato-bato sa langit, ang tamaan ay huwag magalit. Unang-una po, wala tayong pinapangalanan kung sino man, ito po ay pangkalahatan. Ang nais po natin sa taumbayan ay huwag maging obstructionist para magtuluy-tuloy po ang magagandang proyekto at programa ng Pangulo at ng administrasyon. Wala po tayong trineten (threatened), wala po tayong trineten na senador. Sana po ito ay napakinggan man lang sana niya iyong mga words na aking nasabi para siguro po maiiba ang kaniyang impresyon at ang kaniyang tugon. Kung narinig niya iyong buo kung sinabi, ang sabi natin, ang mga lehitimong oppositionists ay welcome dahil kailangan po iyan sa isang demokratikong bayan. Ang atin lamang hahadlangan ay iyong mga obstructionists na walang ginawa kung hindi manira at kahit maganda ang proyekto ay hahadlangan. At hindi po iyan magiging maganda para sa bansa at para sa taumbayan.
MARIZ UMALI/GMA7: Usec, speaking of opposition o iyong pagkakahati-hati po dito sa slate ng mga presumptive na mga senators. Sa inyo pong perspektibo, ilan po ba talaga mula sa Alyansa ang nakapasok sa top 12 at ano po ang magiging implikasyon nito sa presidential legislative agenda ni Pangulong Bongbong Marcos?
PCO ASEC. CASTRO: Sa ngayon po, ang bilang po ay anim ang nakapasok, pero tapos na po ang eleksiyon, nagsalita na rin po ang taumbayan. Sa paningin po ng Pangulo, wala na pong Alyansa, wala pong PDP, walang anumang kulay ng pulitika, dapat lahat po ng nahalal ay magkaisa-isa, magkaroon po ng kooperasyon. Ito naman po ay para sa taumbayan, huwag naman po sana laging politika ang pinag-uusapan at hindi po tayo makakilos at makakausad kung puro pamumulitika at pang-iintriga ang gagawin natin sa pamahalaan.
MARIZ UMALI/GMA7: Dahil, ma’am, wala na pong mga linya o wala na pong Alyansa, wala ng PDP and all, ano po ang implikasyon nito sa presidential legislative agenda?
PCO ASEC. CASTRO: Of course, mas nanaisin po ng ating Pangulo na kung anuman po iyong maganda niyang proyekto ay sang-ayunan ng mga mambabatas para po hindi tayo mahirapan sa pagkuha ng budget para po sa taumbayan. Hindi po hahadlang din ang Pangulo kung anuman po ang kanilang mga suhestiyon, kung ito man ay hindi naaayon sa programa sa Pangulo. Kung ito naman po ay may valid reason, ito naman po ay pakikinggan ng Pangulo, pero sana po kung anuman po iyong hiling ng Pangulo at ng administrasyon para sa taumbayan, huwag naman po sana nilang hadlangan dahil lamang sa pulitika.
At bago po tayo magtapos, tuluy-tuloy pa rin po ang pagbibenta ng P20 kada kilo na bigas sa ating mga KADIWA centers para sa mga nasa vulnerable sector. Pakinggan po natin ang ilan sa mga nakabili ng murang bigas:
[VTR]
At maliban po diyan, patuloy pa rin po ang libreng medikal na serbisyo sa BUCAS Centers. So, alamin lamang po ninyo sa inyong mga local government units kung saan po matatagpuan ang BUCAS Centers, maa-avail po ninyo ang mga libreng testing, blood testing, patungkol po sa inyong diabetes at mayroon din pong operasyon para sa katarata; alamin lamang po ninyo. Iyan po ang mga programa ng ating Pangulo, ilan lamang po iyan – bigas at BUCAS!
Dito po nagtatapos ang ating briefing ngayong araw. Maraming salamat, Malacañang Press Corps, para sa Bagong Pilipinas.
###