PCO USEC. CASTRO: Magandang tanghali, Malacañang Press Corps.
Kahapon ay pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kick-off ng Brigada Eskwela 2025 sa Bulacan. Isa po itong mahalagang hakbang sa paghahanda ng ating mga paaralan para sa nalalapit na pasukan sa June 16. Layunin nito ay siguraduhin ang isang ligtas, malinis at maayos na kapaligiran para sa bawat batang Pilipino. Para po sa ating gobyerno, ito po ay tungkol sa kapayapaan ng isip ng bawat magulang. Gustong tiyakin ng Pangulo na kapag iniwan nila ang kanilang mga anak sa paaralan, alam nilang sila’y ligtas, inaalagaan at binibigyan ng tamang atensiyon.
At hindi ito magagawa kung hindi rin natin aalagaan ang ating mga guro. Sabi nga ng Pangulo, “We care for our children by caring for the people who guide them every day – our teachers.” Kaya’t ipinahayag niya ang pagpapatuloy ng suporta para sa ating mga guro, mula sa tulong pinansiyal hanggang sa re-training, at higit sa lahat, ang pagbawas sa mga gawaing administratibo na sumasagabal sa mismong layunin nila – ang magturo at gumabay.
Bilang bahagi rin ng ating paghahanda, ininspeksiyon ng Pangulo ang orientation para sa paggamit ng Khan Academy learning platform at ang bagong install na Starlink satellite internet – isa sa mga hakbang para iangat ang kalidad ng edukasyon gamit ang teknolohiya. Sa mga guro, kayo ay tunay na bayani.
[VTR]
PCO USEC. CASTRO: Nguni’t habang inihahanda natin ang mga silid-aralan at mga guro, hindi natin puwedeng isantabi ang mga issues na kailangang harapin ngayon na.
Sa kaniyang pag-inspeksiyon sa Tibagan Elementary School sa San Miguel, Bulacan, at Barihan Elementary School sa Malolos, Bulacan, nakita po mismo ng Pangulo ang isang seryosong problema – walang tumutulong tubig sa ilang palikuran sa paaralan. Ito po ay hindi simpleng aberya; ito ay usapin ng kalinisan, ng kalusugan at ng dignidad ng ating mga estudyante. Paano sila makakapag-aaral ng maayos kung ang mismong eskuwelahan ay kulang batayang serbisyo.
[VTR]
PCO USEC. CASTRO: Kaya’t malinaw ang direktiba ng Pangulo: Inatasan ang Local Water Utilities Administration (LWUA) na agad magsagawa ng imbestigasyon: Sinu-sino ang may pananagutan bakit walang tubig; at paano ito maibabalik bago magbukas ng klase sa susunod na linggo? May 48 hours ang LWUA para magsumite ng inisyal na report, at magbibigay po tayo ng update bukas at muli, sa Miyerkules.
Ang mensahe ng Pangulo ay malinaw: Ang gobyerno ay may pananagutan hindi lang sa mga estudyante kung hindi sa bawat magulang na umaasa sa atin. Responsibilidad nating tiyakin na may maayos na pasilidad, sapat na suporta para sa mga guro at sistemang gumagana dahil iyan ang pundasyon ng isang ligtas, maayos at epektibong edukasyon. At sa dulo, ang layunin natin ay kapayapaan ng isip para sa bawat magulang.
Ngayong linggo rin po ay titiyakin din po ng Pangulo ang kalagayan ng ating mga kababayan sa Tacloban at Siquijor, mga pamilyang nawalan ng kabuhayan, walang sapat na tubig at patuloy na dumaranas ng mga aberya sa kuryente.
Pinatawag na po ni Pangulo sina outgoing Energy Secretary Rafael Lotilla at Acting Energy Secretary Sharon Garin, at nakikipagpulong na po sila upang ayusin ang sitwasyon sa Siquijor.
Nagbigay na rin siya ng direktiba, ang ating Pangulo, para sa isang malalim na imbestigasyon sa power provider na Siquijor Island Power Cooperative. At inutos ng Pangulo ang agarang pagresolba sa matagal nang problema sa supply ng kuryente sa lalawigan.
Nagsimula na po silang maglatag ng mga short-term at long-term solutions para maibsan ang hirap ng ating mga kababayan mula sa pansamantalang supply arrangements hanggang sa mas matibay at maaasahang power infrastructure para sa isla.
Sa Tacloban naman, patuloy na minu-monitor ng Pangulo ang pangamba ng mga residente ukol sa kaligtasan ng San Juanico Bridge – isang tulay na araw-araw nilang dinaraanan nguni’t ngayon ay pinangangambahang hindi na ligtas. At malinaw ang direktiba ng Pangulo, magtrabaho at mag-deliver para sa tao. Ito po ay bahagi ng mas malawak na proseso ng pagsusuri sa performance ng mga ahensiya at opisyal ng pamahalaan.
Kagaya ng sinabi mismo ng Pangulo, lahat ay naka-probation; hindi ito one-time na balasahan. Ito po ay patuloy na performance review. Kung hindi natin naaabot ang target, kung walang aksiyon, kung walang resulta, papalitan. We will be much rigorous, ‘ika nga ng Pangulo, not only at the top level but all the way. Kaya’t asahan ninyo, mas tututukan pa ang galaw ng bawat ahensiya at ang resulta para sa taumbayan ang magiging batayan kung mananatili sila o hindi.
Maaari na po tayong tumanggap ng inyong mga katanungan.
EDEN SANTOS/NET25: Usec., good morning po. Regarding po doon sa pagpapaliban po sa Commission on Appointments ng appointment po ni Sec. Jay. Parang floating status po ba ang kaniyang status ngayon or tiniyak naman po ng Pangulo na siya ay mananatili po sa PCO?
PCO USEC. CASTRO: Ayon po sa Pangulo at ayon na rin po kay Secretary Jay, sabi po ng Pangulo ay magtuluy-tuloy lang po sa kaniyang pagtatrabaho.
EDEN SANTOS/NET25: So, hindi naman po ito makakaapekto sa ating kampaniya laban po sa fake news?
PCO USEC. CASTRO: Hindi naman po. Kung anuman po, sinuman po ang namumuno sa PCO, iyan din po ang magiging direktiba ng Pangulo – kalabanin at pahintuin hangga’t maaari ang mga fake news.
EDEN SANTOS/NET25: Sa isyu lang po ng rainy season, Usec. Mayroon po bang direktiba ngayon si Pangulong Marcos sa mga kaukulang ahensiya lalo na po’t magsisimula na rin po iyong pasukan ng mga estudyante sa Lunes?
PCO USEC. CASTRO: Ang tag-ulan naman po ay … ito po talaga ay panahon ng tag-ulan, itong darating na June. At handa naman po lagi ang mga ahensiyang concerned kapag po paparating ang tag-ulan. At nakausap po natin at nasabi na rin po ng Office of the Civil Defense ang kanilang kahandaan. Ang sabi po nila ay naka-focus sila sa prepositioning of goods like shelter repair kits, hygiene kits, water filtration kits, air-to-water units at marami pa pong iba. Pati po ang DSWD, ang DOH at iba pang ahensiya ay handa po.
EDEN SANTOS/NET25: What about po iyong mga paaralan po na ginagamit pong mga evacuation centers at saka iyon pong may mga lugar na binabaha, mayroon po bang particular na utos po ang Pangulo para doon sa mga estudyanteng maaapektuhan?
PCO USEC. CASTRO: Ibibigay po namin ang detalye sa mga susunod pong araw.
EDEN SANTOS/NET 25: Thank you po.
MARICEL HALILI/NEWS 5: Magandang hapon po, Usec. Usec., doon sa nangyayaring immigration protest sa Los Angeles, I understand, may isang Filipino na naaresto. Mayroon pa po ba tayong update/details if there are other Filipinos affected by this protest?
PCO USEC. CASTRO: Sa ngayon po ang administrasyong Marcos, sa pamamagitan po ng DFA at ng Philippine Consulate sa L.A. patuloy pong mino-monitor ang mga recent immigration enforcement and protest. At ang tagubilin po ng Pangulo, bigyan ng assistance ang bawat Pilipino lalung-lalo na po kung sila po ay nakabase o nagtatrabaho sa ibang bansa. Pero pinapaalalahanan din po sila na sumunod po sa batas ng bansa kung saan po sila nakatira o nagtatrabaho.
PIA GUTIERREZ/ABS-CBN: Hi, ma’am. Kanina nasagot na po ng Pangulo iyong tungkol doon sa reklamo kay Immigration Commissioner Viado pero may timeline po ba tayo iyong ginagawang pag-aaral ng Malacañang tungkol dito?
PCO USEC. CASTRO: Okay. Nakausap din po natin, maliban po sa sinabi po ng Pangulo, nakausap din po natin si Asec. Niko patungkol po dito sa reklamo diumano sa BI Commissioner. Ang sinasabi po nila, mas maganda po kung may reklamo ay may kasama na rin po sanang ebidensiyang nakapaloob. Mahirap po na white paper lang at walang pinanghahawakang anumang ebidensiya na isinusumite dahil mauubos po ang oras ng DOJ kung puro white paper lamang po ang kanilang pagtutuunan ng pansin.
So, hinihikayat po kung mayroon po talaga kayong reklamo, kahit hindi na po kayo magpakilala, ibigay ninyo lang po iyong ebidensiya para po mayroon naman pong dahilan para magkaroon ng mas malalim na pag-iimbestiga.
TRISTAN NODALO/NEWSWATCH PLUS: Good afternoon po, Usec. Usec., Si Senate Majority Leader Francis Tolentino ay nag-file po ng resolution ngayon sa Senate to end the impeachment trial of Vice President Sara Duterte sa June 30 or in 19 days iyong kumbaga iyong mangyayaring trial. While sinabi po ng Pangulo na sa Senate na talaga ang desisyon diyan, naniniwala po ba ang Malacañang na sapat iyong 19 days to tackle the impeachment of Vice President Sara Duterte?
PCO USEC. CASTRO: Katulad po ng sinabi ng Pangulo, ang trabaho pong iyan ay para po sa Senado, although ang Pangulo po ay naniniwala po na dapat alamin sa bawat public servant katulad namin ang patungkol sa transparency and accountability. Pero sa sitwasyon pong ito, ang Senado po ay nakatuon sa impeachment trial pero ang Pangulo po ay nakatuon sa pangangailangan ng taumbayan.
So, hayaan na lang po natin ang Senado ang magsagawa ng kanilang trabaho and let the process take its course.
TRISTAN NOGDALO/NEWSWATCH PLUS: Follow up lang po. Nagwo-worry din po ba iyong Malacañang on the possible impact nga po dahil nagkaroon din ng mga statement iyong simbahan, the CBCP, the universities urging the Senate to act on the impeachment of Vice President Duterte na kung patatagalin talaga or hindi talaga gagalawin iyong impeachment ay posibleng magkaroon ng mga protest, ng mga pagkilos po iyong mga grupo? Ano po ang naging pagtingin dito ng Palasyo?
PCO USEC. CASTRO: May kaniya-kaniya po talagang paniniwala, may kaniya-kaniyang opinyon ang bawat grupo, ang bawat tao. Katulad po ng sinabi natin, ang public servant dapat po talaga ay mayroong accountability, may transparency, so iginagalang po ng Pangulo ang bawat opinyon ng bawat tao at ng bawat grupo. Pero muli, ang Pangulo ang pagtutuunan po talaga ay ang pagtatrabaho para sa taumbayan.
TRISTAN NOGDALO/NEWSWATCH PLUS: Thank you po.
CLAY PARDILLA/PTV4: Good afternoon po, Usec. Usec., President Marcos says a National Emergency Hotline is coming in just weeks. How big of a game changer could this be in terms po sa pagresponde po ng ating mga pulis sa mga krimen?
PCO USEC. CASTRO: If the PNP is doing good, it can do much better with this National Emergency Hotline. Rapid response can curtail or deter criminal activity. At easy access po for police assistance ay makakapagbigay din po ng 100 percent na tiwala ng taumbayan sa ating kapulisan dahil sa mabilis nilang pag-aksiyon sa kanilang mga hinaing o sa kanilang mga nararanasan patungkol sa kriminalidad.
So, mas magiging alerto po ang police personnel at mas makikita pong madalas ang presensiya ng kapulisan sa kalsada para sa kaligtasan ng taumbayan.
ALVIN BALTAZAR/RADYO PILIPINAS: Usec., good afternoon po. Punta lang ako doon sa courtesy resignation. Kumusta na po iyong courtesy resignation ng ilang Cabinet members? I’m interested sana kay Secretary Año, tinanggap po ba ng Pangulo o hindi?
PCO USEC. CASTRO: Okay. Ayon po sa ating Pangulo and I quote, “Secretary Año has been having to deal with health issues ever since the time of the pandemic, however, he has kindly agreed to stay on in the NSC as he feels.” And the President agrees, our President agrees that he can continue to do the fine job he has been doing. So, maaari pong manatili si Secretary Año hangga’t kakayanin po ng kaniyang kalusugan.
CHRISTIAN YOSORES/RADYO 630: Good afternoon po, Usec. Kanina nag-take oath na po si bagong Supreme Court Associate Justice Raul Villanueva and I know may separate powers ang Executive and Judiciary, pero mayroon po bang mensahe ang Pangulo or message for the new SC [Associate] Justice Villanueva?
PCO USEC. CASTRO: Sa bawat public servant po ang dapat lang naman pong manatili sa aming mga puso at isipan – maglingkod ng tama, walang kinakampihan, walang pinapanigan; kung ano po ang nasa batas, iyon lamang po.
PCO USEC. CASTRO: Okay. Bago po tayo magtapos, mayroon naman po tayong babanggitin: Utos po ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kapulisan, siguraduhing mas maraming pulis na umiikot sa mga kalsada. Kapag kailangan dapat may pulis na agad nagriresponde. Dahil sa kautusang ito, nasubukan ang mga kapulisan sa pamumuno ni PNP Chief Nicolas Torre III nang sa isang checkpoint ay napansin ng mga pulis ang isang sibilyan na humihingi ng tulong dahil ninakaw ang kaniyang motorsiklo. Naging agaran ang pagresponde dahil may nagpapatrolya sa nasabing lugar sa Caloocan kaya’t mabilis na nahabol at nadakip ang suspek. Wala pang three minutes ay nakapagresponde na ang ating mga pulis at nahuli ang motornapper.
Ayon kay PNP Chief Torre, mas paiigtingin pa ang presensiya ng kapulisan sa lansangan dahil ang gusto ng Pangulo at ng PNP ay ligtas kayo.
At dito na po nagtatapos ang ating briefing ngayong araw. Maraming salamat, Malacañang Press Corps. Magandang tanghali para sa bagong Pilipinas.
###