PCO USEC. CASTRO: Magandang tanghali, Malacañang Press Corps.
No one is left behind. Walang mag-aaral ang maiiwan kahit na may pinagdaanang krisis o sakuna.
Isang araw bago magbukas ang pasukan, tinupok ng sunog ang ilang bahagi ng San Francisco High School sa Bago Bantay, Quezon City. Ang isang classroom na nasira ay isa nang malaking kawalan.
Binisita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kasama si Education Secretary Sonny Angara ang nasabing eskuwelahan para personal na makita ang laki ng pinsala na dulot ng sunog. Ayon sa Pangulo, hindi pababayaan ang mga estudyante, mga guro at staff ng paaralan, sisiguraduhin na magsimula kaagad ang clearing at rehabilitation ng eskuwelahan para hindi maantala ang pag-aaral ng mga bata.
Inutusan ng Pangulo ang DepEd na makipagtulungan sa Quezon City LGU at ibang ahensiya ng gobyerno para mapabilis ang pagtugon sa immediate needs ng mga taga-San Francisco High School. Inatasan din ni Pangulong Marcos Jr. ang DPWH at DILG upang agarang tapusin ang assessment ng mga nasira at bibilisan din ang pag-repair sa mga nasunog na parte ng eskuwelahan at tatanggalin ang mga nagkalat na debris. Gagamitin naman ang quick response fund upang mas mapaigi pa ang mga repairs ng mga pasilidad ng nasabing building.
Binigyang-diin ng Pangulo na gawing prayoridad ang kaniyang direktiba. Siguruhin na hindi maaapektuhan ang pag-aaral ng mga estudyante habang inaayos ang gusali at tiyakin na magsimula ang building rehabilitation sa lalong madaling panahon. Sa ngayon, napag-alamang nasa three million ang halaga ng pinsala na inabot ng eight instructional classrooms at twelve ancillary rooms gaya ng library at faculty room; nasa 640 students at 47 teachers naman ang naapektuhan.
Naging mabilis naman ang tugon ng mga kinauukulan at na-relocate na ang mga apektadong klase sa ibang building. Nakapag-deliver na rin ng 600 armchairs, 7 orbit fans at drinking water dispensers para sa mga estudyante at teaching staff. Bukod dito ay nakapag-release na ng pondo para sa cleanup, clearing operations at immediate minor repairs ng gusali. Tumulong din ang Quezon City Government Engineering Office sa pag-inspect ng structural integrity at paglilinis ng gusali.
[VTR]
Maayos na edukasyon at ligtas na mga paaralan, ilan lamang iyan sa mga nais makita ni Pangulong Marcos Jr. sa pagbubukas ng pasukan ngayong 2025 kaya binigyan ng direktiba ng Pangulo si PNP Chief General Nicolas Torre III na paghusayan at paigtingin ang police visibility sa palibot ng public at private schools sa buong bansa. Agaran namang tumugon ang PNP Chief at nag-deploy ng mga pulis malapit sa mga school premises. Pinuntahan niya rin mismo ang ilang paaralan upang mapanatag ang mga guro, estudyante at mga magulang na manatiling ligtas ang lahat habang nasa eskuwela.
Nais ng Pangulo na masiguro ang mga magulang na safe and sound ang kanilang mga anak sa paaralan. Maging ang mga teacher at iba pang school staff ay makakaasa sa masinsinang pagbabantay ng ating kapulisan dahil pinangako ni General Torre ang mabilis na responde ng mga kapulisan sa mga tawag nila. Maaari na kayong dumulog sa emergency hotline 911 para sa agarang saklolo dahil sa isang tawag, aksiyon agad.
[VTR]
At maaari na po tayong tumugon sa inyong mga katanungan.
CLEIZL PARDILLA/PTV4: Magandang umaga po, Usec. Regarding pa rin po sa children’s safety, what are PBBM’s directive to the DPWH on flood control this rainy season? Sa DOST at PAGASA, ano po ang utos on strengthening early warning system? At marching order po to ensure food security, sa DA naman po? Thank you.
PCO USEC. CASTRO: Okay. Sinabi naman po at siniguro ni DPWH Secretary Bonoan na sinisimulan po nila ang pag-construct nitong mga projects po para sa flood control – matagal na po kasi itong direktiba ng Pangulo – at marami na rin po silang nagawa at natapos na mga proyekto para po maibsan ang problema sa baha. Nagawa na po nila iyong 2,339.76-square meter concrete slope protection sa kahabaan ng Bagac-Mariveles Road in Bataan.
And at the same time, sinabi rin po niya na nag-develop na rin po sila ng masterplan for each of the 18 major river basins. So, kaniya-kaniya pong masterplan po ito according to specific characteristics at ang pangangailangan ng bawat area. So, asahan po natin at maging lagi tayong handa sa pagbaha although hindi natin masasabing 100% agad na mababawasan ang pagbabaha sa ating bansa pero patuloy pa rin po ang pagsasagawa ng DPWH para po maibsan ang problema rito.
Patungkol naman po sa DOST ay mayroon po silang theme, mayroon po silang ni-launch: “Kahandaan sa Bagyo at Baha Solusyon sa Ligtas na Bayan.” So nagkaroon po sila, nagkaroon po ng kickoff TFAW (Typhoon and Flood Awareness Week) celebration ang DOST-PAGASA, nilu-launch nila ang National Hydro-Met Observing Network interactive platform at ang centralized alert system kung saan maaari pong makuha at ma-access ng ating kababayan ang critical weather advisories.
At ang sabi naman din po ng DA, handa po sila sa food security lalung-lalo na po na okay naman po ang supply ng ating bigas sa kasalukuyan. At maliban po diyan, pati po iyong DSWD, sinabi po nila na handa rin po sila sa feeding program. At pati po ang DOH, handa po sila sa programa nila na “Taob, Taktak, Tuyo, Takip” at ang “Alas-Kuwatro Kontra Mosquito” dahil sa panahon po ng tag-ulan, marami po ang nagiging sakit dulot ng pagbaha.
ANALY SOBERANO/BOMBO RADYO: Usec., good morning. Reaction lang po ng Malacañang: Sa press briefing kasi kahapon sa House of Impeachment Spokesperson Atty. Antonio Audie Bucoy na maaaring maapektuhan ang investor confidence kung masyadong matagalan ang proseso sa impeachment ni Vice President Sara Duterte.
PCO USEC. CASTRO: Okay, mismong nasa business sector na po ang naaalarma sa nangyayari dito sa Senado patungkol po sa impeachment trial. At hindi po talaga nanaisin na makapag-invest, na maalerto po talaga ang mga investors natin kung may isyu po at inaakusahan ang isang lider ng korapsyon at mukhang nakakampihan pa ng ibang senator-judges. So, nakakaalarma po ito dahil gumaganda po ang takbo ng ekonomiya ng bansa, taliwas po ito sa sinabi ng Bise Presidente na bagsak ang ekonomiya.
Tandaan po natin, natanggal na po ang Pilipinas dito sa Financial Action Task Force grey list na nakapagbigay po ng mataas na investor confidence sa bansa nito lamang taon. At sinabi rin po ng ADB na na-maintain po ng Pilipinas ang napakaganda pong economic outlook for 2025. So, nakakahinayang po kung ang ekonomiya natin ay maaapektuhan ng dahil lang po sa nangyayari sa Senado.
So, ang panawagan lang din po natin sa Senado patungkol po sa impeachment trial, hindi naman po para pabilisin or manghimasok tayo sa ginagawang impeachment trial kung hindi sundin lamang po ang Konstitusyon at ang rule of law. Iyan din lang po ang ninanais ng Makati Business Club.
ANALY SOBERANO/BOMBO RADYO: On the other… Usec., sang-ayon po ba ang Malacañang sa panawagan ng business community na kailangan talagang bilisan na ang trial upang mapanatili ang katatagan ng ekonomiya at kumpiyansa ng mga investors na mamuhunan sa ating bansa?
PCO USEC. CASTRO: Muli, ulitin natin, hindi po kasi manghihimasok ang Pangulo sa proseso sa Senado patungkol po sa impeachment trial. Pero kung iyan po ang nakikita po ng mga nagninegosyo, investors natin sa Pilipinas, eksperto sila sa mga ganitong bagay, kung ano ang mas makakabuti sa ekonomiya.
So, tandaan natin, ang sabi lamang po ng Pangulo, sundin ang Konstitusyon at ang rule of law. So, kung pagpapabilis sa impeachment trial at iyon ang nakikita ng business sector, sana bigyan din po ito ng pansin ng Senado.
RICHBON QUEVEDO/DAILY TRIBUNE: Good afternoon po, Usec. Balik lang po ako doon sa …on the issue on the Middle East conflict. This Monday po, we had 18 OFWs that were repatriated from Dubai. They were supposed to go to Israel and Jordan for work, and they arrived po when the conflict intensified like last Friday po, June 13. Is there a responsibility on the part po ba—reaksiyon lang po from the Palace: Is there a responsibility on the part of the Bureau of Immigration and the DMW and other related agencies na hindi na dapat sila pinatuloy as they were needed to be repatriated po since they were originally going to Israel and Jordan?
PCO USEC. CASTRO: Siguro po titingnan natin nang masinsinan kung ano po ang nangyari dito dahil sabi nga po kanina ng Pangulo, iyong repatriation po ay voluntary rin po sa mga kababayan natin. So, titingnan po natin ang sitwasyon – may pagkukulang po ba ang Bureau of Immigration na payagan, at hindi po tayo agad-agad manghuhusga muna. Tingnan po natin ang detalye.
MARICEL HALILI/TV5: Usec., magandang umaga. Any update po doon sa labimpitong local officials kung nakatawid na sila doon sa Jordan from Israel? And kailan iyong target na maibalik sila?
PCO USEC. CASTRO: Sa ngayon po, wala po akong update. At maya-maya lamang po ay ita-try po nating makontak po si Secretary Cacdac kung ano po ang pinaka-latest, at ibibigay ko po sa inyo ang pinakadetalye once na nakuha ko na po ang papel patungkol dito.
At bago tayo magtapos: Kakulangan sa mga classrooms at iba pang aspeto sa sektor ng edukasyon agarang aaksyunan. Sa isang podcast interview, ipinabatid ng Pangulo ang kaniyang pagkagulat sa kasalukuyang estado ng edukasyon sa bansa.
Ayon sa assessment na pinangungunahan ni Education Secretary Sonny Angara, napag-alaman ang kabuuang extent ng kakulangan sa education sector. One hundred sixty thousand classrooms ang kulang sa ating mga paaralan. Paano nangyari iyon? – iyan ang pagtatakang tanong ni Pangulong Marcos Jr. Kaya malaking katanungan kung ano talaga ang ginawa ng mga naunang namuno sa kagawaran.
Malaki pa ang dapat punan upang mapaganda ang edukasyon sa bansa bilang hakbang. Binigyan ng direktiba ng Presidente ang DPWH na pabilisin ang pagpapagawa ng mga karagdagang classrooms.
Sa usapin naman ng graduate readiness, inatasan ng Pangulo ang DepEd at iba pang sangay ng gobyerno na ayusin at pagbutihin pa ang K-to-12 curriculum, ito’y para maihanda ang mga estudyante na graduate ng Grade 12 kung sakaling naisin nilang magtrabaho dito o sa ibang bansa.
At dito na po nagtatapos ang ating press briefing ngayong araw. Magandang tanghali para sa Bagong Pilipinas.
###