Press Briefing

Malacañang Press Briefing of Palace Press Officer and PCO Undersecretary Claire Castro


Event PCO Press Briefing with MPC
Location New Executive Building, Malacañang, Manila

PCO USEC. CASTRO: Magandang hapon, Malacañang Press Corps.

Sa harap ng patuloy na tensiyon sa Middle East, agad na kumilos ang pamahalaan para tiyakin ang kaligtasan at kapakanan ng ating mga kababayang Pilipino sa Israel, Iran at mga kalapit na bansa. Sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., patuloy na nagsasagawa ng repatriation efforts si Secretary Hans Cacdac at ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan para sa kaligtasan ng ating mga kababayan.

Sa ngayon, nasa Amman, Jordan na po ang ating team at sasalubungin ang unang batch ng mga Pilipinong nailikas mula sa Israel. Inaasahan ding masisimulan ang repatriation ng ating mga kababayan mula sa Iran sa mga darating na araw. Kasabay nito, tuluy-tuloy ang pagbibigay ng tulong sa mga nangangailangan. May mga nakahandang temporary shelter, food at financial assistance, at lahat ng kinakailangang suporta para sa kanilang ligtas at maayos na pagbabalik.

Para sa mga repatriates, may nakahandang 150,000 pesos financial assistance, transport at accommodation support, medical assistance at livelihood at training packages upang matulungan silang makapagsimula muli sa bansa. Para naman sa mga magpapasyang manatili rito, bukas ang mga programa ng pamahalaan para sa reskilling, negosyo at job-matching.

Patuloy ang ating pagbabantay at koordinasyon para masiguro na walang Pilipinong mapapabayaan sa gitna ng krisis na ito. Muli po nating hinihikayat ang ating mga kababayan sa Israel at Iran na makipag-ugnayan sa ating mga embahada at konsulado para sa inyong kaligtasan at gabay.

[VTR]

Matagumpay na nagtapos ang working visit ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Osaka, Japan kung saan nakamit ang mga kasunduan na magbibigay ng trabaho, dagdag ng pamumuhunan at bagong oportunidad para sa mga Pilipino.

Sa World Expo 2025, ipinagmalaki ng Pangulo ang Philippine Pavilion na nagtatampok sa kultura, inobasyon at pangakong paunlarin ang turismo at negosyo sa bansa. Kasama sa mga naging bunga ng biyahe ang Waste-to-Energy project ng Kanadevia Corporation at PhilEco (Philippine Ecology Systems Corporation) na magbibigay ng malinis na enerhiya at trabaho sa Maynila.

Sa Cebu naman, sisimulan ng Tsuneishi Group ang pagpapagawa ng kauna-unahang methanol dual-fueled KAMSARMAX bulk carrier na magpapaangat sa Pilipinas sa larangan ng green shipping.

Nakipagpulong din ang Pangulo sa tourism leaders ng Japan para palakasin ang turismo at lumikha ng mas maraming trabaho.

Tinalakay rin kasama ang Japan Aerospace Exploration Agency ang mga malalim na pagtutulungan sa space technology para sa disaster monitoring at tulong sa ating mga magsasaka.

At sa kaniyang pakikipagkita sa Filipino community sa Osaka, pinasalamatan ng Pangulo ang kanilang sipag at giting na nagbibigay ng karangalan sa Pilipinas.

Iyan po ang naging bunga ng biyahe ng Pangulo, mga hakbang para sa Bagong Pilipinas na may mas maraming trabaho, negosyo at oportunidad para sa bawat Pilipino.

[VTR]

Ngayong araw, nagtungo si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Marawi City upang personal na tingnan ang kalagayan ng mga pangunahing proyekto para sa patuloy na pagbangon ng lungsod. Layon din ng Presidente na tiyaking naipapatupad ang mga direktiba para sa kapakanan ng ating mga kababayan.

Unang ininspeksiyon ng Pangulo ang temporary learning spaces (TLS) sa Barangay Sagonsongan. Dito, kaniyang pinangunahan ang donasyon at pag-install ng Starlink units para mabigyan ng maayos na internet ang mga guro at mag-aaral. Nagbigay din ang Office of the President ng school bags at school supplies sa mga estudyante. Ipinag-utos naman ng Pangulo na tiyakin ang kalinisan at kaligtasan ng mga paaralan at pabilisin ang rehabilitasyon ng mga permanenteng paaralan sa tulong ng DepEd, DPWH at DILG.

Sunod niyang binisita ang Marawi Dansalan Integrated School kung saan ipinag-utos ng Pangulo ang agarang pagkumpleto ng kuryente, tubig at mga kinakailangang pasilidad para maisagawa na ang paglilipat ng mga mag-aaral mula TLS. Binilinan niya ang DepEd at DPWH na tiyakin ang mabilis na pagtugon sa mga pangangailangan ng paaralan.

Sa Marawi City General Hospital naman, masaya pong iniulat ng Pangulo na mayroon nang kuryente ang ospital. Ang natitirang direktiba niya ay tiyakin na makumpleto na ang paglalagay ng tubig para sa agad na balik-operasyon ng ospital at makapagsilbi na ito sa ating mga kababayan sa Marawi at mga karatig-lugar.

Tiningnan din ng Pangulo ang Port of Marawi kung saan inatasan niya ang DOTr at PPA na pabilisin ang pagbubukas ng mga pantalan para mapabuti ang biyahe ng mga pasahero at transportasyon ng mga produkto. Kaniyang binigyang-diin ang pangangailangan na tiyakin ang supply ng tubig sa lugar sa tulong ng OPAMR (Office of the President Adviser for Marawi Rehabilitation) at LWUA (Local Water Utilities Administration).

Sa pagtatapos ng kaniyang pagbisita, nakipagpulong ang Pangulo sa mga sundalo ng 103rd Infantry Brigade at tiniyak ang pagsuporta sa kanilang mga pangangailangan kabilang na ang planong pagtatayo ng multipurpose building at barracks at pagbili ng garbage trucks.

Lahat ng ito ay patunay na ang determinasyon ng Pangulo na muling itayo ang Marawi bilang isang mas ligtas at mas maunlad na komunidad. Tuluy-tuloy po ang suporta ng pamahalaan sa pagbangon ng ating mga kababayan.

[VTR]

At maaari na po tayong tumanggap ng inyong mga katanungan.

CLEIZL PARDILLA/PTV4: Magandang hapon po, Usec. Vice President Duterte questioned our national debt. Ang sabi niya po: “Bakit 16 trillion pesos ang utang pero walang nakikita? “Dapat kapag may inutang, may nakikita.” VP also expressed frustration po over the San Juanico Bridge being promoted as a tourist spot, hindi raw po ito dapat tourist spot. How does Malacañang respond to these? Thank you po.

PCO USEC. CASTRO: May kasabihan nga tayo: Ang hindi marunong tumingin sa pinanggalingan, hindi talaga malalaman ang katotohanan.

Okay, tandaan po natin, ang utang na 16 trillion ay kabuuang utang ng gobyerno simula pa ng mga nakaraang administrasyon. At tatandaan din po natin na ang administrasyon ni Pangulong Duterte ang naitalang may pinakamataas na naging utang na umabot ng 12.79 trillion as of June 2022. At solong utang po ng administrasyong Duterte ay umaabot po sa 6.84 trillion as of June 2022, at nagkaroon ng increase ng 115.1% sa pagkakautang.

Sa ngayon po ay pinipilit ng gobyerno, ng ating pamahalaan na maiwasan po na makapag-utang. At ninanais din po ng Pangulo at hinihiling na palakasin pa po natin ang ating ekonomiya at, of course, ang pagbabayad ng tamang buwis para po maiwasan na natin ang pag-utang nang malaki. Although, ang gusto ng Pangulo ay talagang paangatin po ang ekonomiya at tugunan ang lahat ng pangangailangan ng ating taumbayan.

Sa totoo lang po, may mga krisis na nangyayari, hindi po maiiwasan na kailanganin ang pondo. Ang sabi po ni Bise Presidente, hindi raw po niya nakikita; sa kaniyang talumpati sa Australia, binanggit niya po na mayroong balita patungkol sa magagandang nangyayari sa ekonomiya pero sabi niya, iyon ay sa papel lang. It means, inamin niya na mayroong papel, may resibo, may patunay na maganda at gumaganda ang ekonomiya. Hindi ito tsismis, hindi ito paninira lamang dahil may papel siyang inamin. Hindi ba niya po nakikita ang dulot na naibibigay, tulong ng BUCAS centers; ang paglaki ng PhilHealth coverage; ang murang bigas; ang three plus one promo ng LRT, MRT; ang fuel subsidies na ibibigay, at marami pang iba.

Nakakalungkot po, mahirap po talaga – mahirap turuan ang walang alam at walang balak umalam. Mahirap din buksan ang mata ng bulag at nagbubulag-bulagan.

IVY REYES/BILYONARYO: Good afternoon, Usec. Still on Vice President. In that same speech, she said, she regrets teaming up with President Marcos in 2022, that’s one; two, she doesn’t think the President will give anything substantial in his SONA; and last, while she has no ill feelings for the President, she has a problem with his performance, pointing out the lack of direction of the admin. Iyon lang po. Thank you.

PCO USEC. CASTRO: Iyon nga po, paulit-ulit muli, ulit-ulit ang kaniyang isyu; wala na po yatang bago. Dati niya pong sinabi iyan na nagsisisi siya. Pero talaga po sigurong ganiyan ang mangyayari dahil ang Pangulo po, ang nais ng mga makakasama niya sa kaniyang administrasyon ay nagtatrabaho – nagtatrabaho at mabilis umaksiyon.

So, kung wala pong nakikita ang Bise Presidente na maaaring gawin ng Pangulo, ganiyan po talaga ang mangyayari kapag po hindi binubukas ang isipan at ang mata at ang puso para sa taumbayan. So, kung hindi po talaga siya makikinig at hindi niya po titingnan ang mga records na nangyayari sa gobyerno, wala po talaga siyang malalaman.

CHLOE HUFANA/BUSINESS WORLD: Good afternoon, Usec. With the Iranian parliament approving the closure of the Strait of Hormuz and global oil prices nearing $80 per barrel, will this development trigger the activation of the Philippines’ oil contingency plans?

PCO USEC. CASTRO: Actually po, pinababatid ko po sa inyo na magkakaroon po ng meeting ang economic team with the President. Maibibigay ko po sa inyo ang detalye kung anuman po ang mga plano bukas. Kahit po walang pasok sa Maynila, magkakaroon po tayo ng press briefing bukas.

CHLOE HUFANA/BUSINESS WORLD: Anong oras bukas, Usec.?

PCO USEC. CASTRO: Maaaring ngayon; maaaring bukas. Pero bukas ko po maibibigay sa inyo ang detalye. Pero nagpapatawag na po ang Pangulo ng meeting po.

CHLOE HUFANA/BUSINESS WORLD: Follow-up question na lang, Usec. How prepared is the Philippines for a potential energy crisis stemming from the situation? And when can we expect the release of official guidelines or response measures?

PCO USEC. CASTRO: Bukas po ay maibibigay ko po sa inyo ang detalye. Pero as of the moment, ang maibibigay po ng gobyerno ay ang fuel subsidy para sa ating mga tsuper, sa mga drivers po para po maibsan naman ang kanilang alalahanin, at para na rin po ito sa mga commuters. Mayroon pong nakalaan na 2.3 billion, kung hindi po ako nagkakamali, two point billion para po dito sa fuel subsidy na ibibigay para sa ating mga drayber po.

CHLOE HUFANA/BUSINESS WORLD: Kailan iro-rollout itong subsidy, Usec.?

PCO USEC. CASTRO: Bukas po ay malalaman natin po lahat itong plano po.

SAM MEDENILLA/BUSINESS MIRROR: Good afternoon, ma’am. Regarding lang po doon sa kanina, balik lang po ako sa debt po, iyong 16 trillion. Are we still—

PCO USEC. CASTRO: For a while po, for a while – 2.5 billion pala ang nakalaan para sa fuel subsidy natin.

SAM MEDENILLA/BUSINESS MIRROR: Base po doon sa mga ongoing economic developments, iyong crisis sa Middle East, are we still confident na mari-reach po ng government iyong 5.3% debt-to-GDP target ng DoF?

PCO USEC. CASTRO: Naku, iyan po talaga ang pinagdarasal natin. Pero sa mga nangyayari po at hindi naman po natin ito kontrolado, ipanalangin po natin na maabot pa rin po natin. Pero pipilitin pa po sa abot ng makakaya ng pamahalaan, at sa mga direktiba po ng Pangulo, pipilitin po nating ma-attain pa rin po iyon despite all of these.

SAM MEDENILLA/BUSINESS MIRROR: Second question ko po: Na-receive na po kaya ni President Marcos iyong copy ng Konektadong Pinoy Bill? At saka mayroon na po ba siyang decision if he will veto it or not?

PCO USEC. CASTRO: Kakatanong ko lamang po kanina kung may natanggap na po ba siyang enrolled bill para sa Konektadong Pinoy. As of now, wala pa pong natatanggap pero rest assured na kapag po natanggap ito ng Pangulo, pag-aaralan po ito nang mabuti para po sa lahat ng stakeholders, para po sa mga kababayan natin na nangangailangan po ng magandang internet connection at sa mga service providers din po.

SAM MEDENILLA/BUSINESS MIRROR: Follow-up lang po. Bale may plan po kaya si President na makipag-meeting sa stakeholders na may mga concerns regarding doon sa bill?

PCO USEC. CASTRO: Sa ngayon ay wala pa pong ipinararating sa atin dahil hindi pa naman po niya nababasa kung ano iyong Konektadong Pinoy Bill, ang detalye po nito. At malamang po, puwede nating sabihing oo dahil po ito rin ay para naman sa lahat.

ANALY SOBERANO/BOMBO RADYO: Usec., good afternoon. Usec., nagpahayag po ng pagkaalarma ang ilang world leaders kasunod ng naging aksiyon ng US na pagbomba po sa tatlong nuclear sites ng Iran. Ang sabi ng ibang mga world leaders ay nananawagan sila ng restraint at iyong iba naman ay nananawagan sa Iran na makipag-usap sa US at Israel. Sa panig po ba ng Malacañang, sa panig po ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ano po ba iyong naging pahayag niya dito?

PCO USEC. CASTRO: Opo, ramdam po ng Pangulo; ramdam po ng gobyerno ang alalahanin ng mga leaders ng iba’t ibang bansa dahil sa umiinit na tensiyon sa rehiyon. Ang panawagan din po ng Pangulo ay magkaroon po ng mapayapang pag-uusap at diplomasya para po maibsan ang lumalalang hindi pagkakasundo. Kailangan din pong manindigan para sa pandaigdigang kapayapaan para maging matatag po ang global community o pandaigdigang komunidad. Iyan po ang mensahe ng Pangulo.

ANNE SOBERANO/BOMBO RADYO: Follow up, Usec. Bukod po sa pagtaas ng presyo ng langis, ano po ba ang posibleng magiging epekto nito sa atin, sa bansa, sa Pilipinas?

PCO USEC. CASTRO: Magkakaroon ito ng domino effect kasi kahit sabihin natin na magkakaroon ng fuel subsidy ang mga drivers natin para sa mga commuters, hindi maiiwasan na iindahin din po ito sa logistics, sa trading. So, iyon po ang ipinagdarasal natin na maiwasan po natin at mabigyan ng magandang solusyon para po hindi masyadong mabigat ang daranasin ng mga kababayan po natin dahil dito sa tensiyon na nangyayari sa Israel at Iran.

ANNE SOBERANO/BOMBO RADYO: Thank you po, Usec.

MARICEL HALILI/TV5: Magandang hapon, Usec. Usec., going back on VP Sara’s statement. On the part of the President, mayroon ba siyang regrets also na nakipag-team up siya with the VP?

PCO USEC. CASTRO: Wala po akong nadidinig sa Pangulo na siya po ay nanghinayang kung siya man po ay nakipag-team up sa Bise Presidente. Sa ugali po ng Pangulo, hindi po natin madidinig ang ganoong mga klaseng negatibo mula sa kaniya. Wala po tayong aasahan na anumang paninira kaninuman. So, iyan po ang Pangulo. Kung may nagsisisi man sa kaniya na maka-team up siya, it’s their loss, not the President’s.

MARICEL HALILI/TV5: Ma’am, last na lang. Kasi tinawag ni VP na budol iyong ginawa daw ni PBBM, your thoughts on that?

PCO USEC. CASTRO: Budol, talaga? Hindi ko alam kung sino ba ang nambudol. Hindi natin alam kung sino ba ang nambubudol. Sa nakikita po natin na pagtatrabaho ng Pangulo, sa pag-uutos sa amin na focus sa trabaho at hindi pamumulitika – sino ba talaga ang nambubudol?

IVAN MAYRINA/GMA7: Ma’am, still on the tension or situation in the Middle East. May mga pangamba po ang marami lalo’t kalat sa social media ito na raw ang World War III, etc., maraming mga ganiyang impormasyong umiikot. What does the President want to tell the Filipino people about what to brace for? And the actual situation, ano ho bang kailangan nating pag-ingatan dito at anong kailangan isipin ng mga tao sa gitna po ng nangyayaring ito?

PCO USEC. CASTRO: Unang-una, ang gusto iparating ng Pangulo, handa po tayo sa anumang mangyayari at lahat po ng pangangailangan ng taumbayan ay tutugunan po ng pamahalaan. At huwag po silang mag-alala dahil ang gobyerno po ngayon ay nagtatrabaho para sa ating lahat.

Bago pala po tayo magtapos, hindi ko po nasagot yata iyong tungkol sa San Juanico Bridge – dalawa kasi napagsabay. Okay. Sabi nga natin nakakaalarma ang kakulangan sa kaalaman, nagiging sanhi ito ng kasinungalingan.

Tandaan po natin: Ang San Juanico Bridge ito po ay simbolo ng kagandahan at engineering capabilities noong panahon, noong 1973 – siguro, karamihan sa inyo, karamihan sa atin hindi pa pinapanganak – pero hanggang ngayon, nakatatag pa rin, nandiyan pa rin. Ang San Juanico Bridge ay kailangan lamang ang rehabilitation.

At tandaan po natin, hindi po sa sukat o haba, or igsi o haba ng tulay masasabi mo na ang isang tulay ay dapat gawing tourist spot. Tandaan natin: Ang San Juanico Bridge ay mayroong 2.16 kilometers na haba; ang Golden Gate ay mayroong 2.7 kilometers pero ang Golden Gate sa San Francisco ay tourist spot; at pati iyong El Marco Bridge na pinakamaigsing tulay na may sukat na six meters ay tinatawag ding tourist spot.

Ang masakit lang kapuwa nating Pinoy ibinabagsak ang turismo ng bayan, inaangat ang turismo ng ibang bansa, samantalang ang Pangulo kagagaling lamang sa Japan para palakasin ang turismo ng ating bansa.

MODERATOR: Maraming salamat, Usec. Claire. Maraming salamat, MPC.

PCO USEC. CASTRO: At bago tayo magtapos: Department of Health, may 1,800 job vacancies para sa mga naghahanap ng trabaho. Inaanyayahan ng DOH ang mga job seekers na mag-apply sa kanilang malawakang job fair na nagsisimula ngayong araw hanggang June 27.

Ang mga job fairs ay matatagpuan sa mga sumusunod na lugar sa Luzon, Visayas at Mindanao: Robinsons La Union ngayong June 23; SM Grand Central sa June 23 at 25; SM Tuguegarao ngayong June 23; SM Pampanga sa June 27; SM Trece Martires sa June 27; SM Legazpi sa June 24; SM Seaside Cebu sa June 27; Robinsons North Abucay sa June 23 at 24; KCC Mall, Zamboanga sa June 23 at 24; SM CDO Uptown mula June 24 hanggang June 25; SM GenSan mula June 24 hanggang June 25; SM Butuan sa June 25.

Paalala ng DOH, puwedeng mag-apply sa iba’t ibang rehiyon sa buong bansa. Nag-abiso rin ito sa mga job seekers na siguruhing kumpleto ang kanilang requirements bago pumunta sa job fairs. Oh, ano na, apply na! Sa bagong Pilipinas, may bagong trabaho, sigurado sa gobyerno. So, ano ang hinihintay ninyo po? Go ahead, sugod na.

MODERATOR: Thank you, Usec.

 

###