PCO USEC. CASTRO: Magandang araw, Malacañang Press Corps.
Nais ni Pangulong Marcos Jr. na mas maging epektibo ang pagtugon sa isyung pangkalusugan para sa taumbayan. Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pamamahagi ng 387 ambulances sa tulong na rin ng PCSO sa pamumuno ni GM Mel Robles para sa iba’t ibang LGUs sa Luzon. Kabilang ang Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol at Cordillera Administrative Region sa makakatanggap ng mga bagong ambulansiya na angkop ang disenyo sa mga makikitid na daan sa bansa.
Tinatayang umabot na sa 618 na ambulansiya ang naipamahagi sa buong bansa mula June 2022 hanggang June 2025 sa panahon po ni Pangulong Marcos Jr. Pagpapatatag ito sa pangako ng Pangulo sa taumbayan na pagtibayin pa ang healthcare services at healthcare system ng bansa.
Diin pa ng Pangulo, walang lugar ang pulitika sa usaping pangkalusugan kaya walang komunidad ang maiiwan, walang Pilipino ang mapapabayaan. Inutos naman ni Pangulo sa PCSO na paigtingin ang pagpapatupad ng Medical Transport Vehicle Donation Program upang mas maraming Pilipino pa ang makinabang at tiyakin na lahat ng cities and municipalities ay mabibigyan ng ambulansiya.
[VTR]
Mas maraming trabaho ang nakalaan sa ating mga kababayan. Ikinagalak ni Finance Secretary Ralph Recto ang bagong Labor Force Survey na nagtala na participation rate. Aniya, patunay lamang ito na patuloy na dumarami ang mga Pilipinong may maayos at disenteng trabaho. Ayon sa bagong ulat, umabot sa 1.42 million jobs ang nalikha sa bansa – senyales na mas maraming Pilipino ang nakakakita ng oportunidad upang magtrabaho dito.
Ayon sa Pangulo, hindi rito natatapos ang obligasyon ng pamahalaan – nais niya na gawing mas aktibo pa ang paglikha ng trabaho sa bansa. Kaya nilalayon ng Department of Finance na paunlarin pa ang national and local partnerships na makapagbibigay ng immediate placement at long-term support sa mga job seekers. Kabilang sa employment generation efforts ng gobyerno ang Life Assistance Program ng DOLE para sa mga manggagawang apektado ng labor violations, mayroon ding National Reintegration Network para sa mga balikbayan na OFW, may Digital and Green Skills for Youth in ASEAN initiative para ihanda ang labor force sa future-ready sectors gaya ng sustainable construction.
Nag-issue din ng joint memorandum circular ang DOLE kasama ang 38 government agencies upang pabilisin ang job-generating investments sa bansa. Sa pakikipagtulungan ng TESDA at CHEd, paiigtingin din ang training sa integrated circuit design assembly test and packaging para mapunan ang pangangailangan ng highly-skilled workers.
[VTR]
At maaari na po akong tumanggap ng inyong mga katanungan.
MARICEL HALILI/TV5: Magandang tanghali po, Usec. Ma’am, just a quick comment lamang po doon sa naging pahayag ni Vice President Sara Duterte sa The Hague. She mentioned na nakausap daw niya si FPRRD and mayroon daw “last wish” na binigay sa kaniya saying na huwag na daw iuwi iyong kaniyang katawan sa Pilipinas, ipa-cremate na lang daw siya doon at iyong ashes na lang ang iuwi. Would you like to comment on that, Usec.?
PCO USEC. CASTRO: Ah, family matters po iyan at pampamilyang usapin so sa kanila pong desisyon iyan.
ANNA BACHO/GMA NEWS ONLINE: Good morning, Usec. Ma’am, on VP Sara lang din po. Mayroon po kasi siyang recent statement, sinagot po niya iyong sabi ni Presidente na iwasan na iyon pamumulitika at magtrabaho na lang. Ang sabi niya, “Siguro tumingin siya sa salamin ‘no, ‘pag sinasabi niya iyong stop na ang pamumulitika kasi sila iyong namumulitika. Ang ginagawa lang namin lahat ay sumasagot kami.” Baka po may reaction lang po tayo.
PCO USEC. CASTRO: Tama naman po na ang bawat tao lalong-lalo na po ang public servant ay dapat na nananalamin at ina-assess niya iyong sarili niya kung siya ba’y nagtatrabaho, namumulitika o nagbabakasyon lang. Ang Pangulong Marcos Jr., alam po niya ang direksiyon niya, alam po niya ang dapat na gawing trabaho at iyan po ang pinag-uutos sa lahat ng public servants lalong-lalo na po sa ilalim ng Executive Department. Ang utos sa amin ay magtrabaho, iwasan ang pamumulitika.
Nakita ninyo naman po siguro kanina lamang po ay pinasinayaan niya ang pagbibigay ng 387 na ambulances para sa mga LGUs natin. Nakita ninyo na rin po kung papaano siya tumulong na mapaunlad pa ang sektor ng agrikultura, pati na po ang mga mangingisda ay nakikinabang sa binibigay po na tulong at ayuda ng pamahalaan ni Pangulong Marcos Jr. Hindi po nag-aaksaya ang panahon ang ating Pangulo para tumulong sa taumbayan. Trabaho lamang po talaga ang nasa isip ng ating Pangulo.
Sa ngayon po ba ay nasaan si VP Sara or si Bise Presidente noong iyan ay sinabi niya? Nasaan po ba siya ngayon? The Hague, okay, at ang ating pagkakaalam hanggang kailan po siya doon? Hanggang July 23. So, iyon lamang po. Tandaan po natin, ang Pangulo po aksiyon, aksiyon – hindi bakasyon.
ANNA BACHO/GMA NEWS ONLINE: Ma’am, ang sabi niya, sumasagot lang din naman daw po siya sa mga attacks po ng Marcos admin. May dagdag po ba tayong comment doon?
PCO USEC. CASTRO: Siguro po, mas magandang ma-review po niya iyong kaniyang mga sinabi. Tandaan po natin, noong inilunsad po iyong bente pesos na bigas, iyon po ba ay pag-atake sa Bise Presidente? Pero inatake niya po ang proyektong ito ng Pangulo na bente pesos na bigas at marami pa pong sinabi ang Bise Presidente na hindi naman po issue ng Pangulo at ng gobyerno.
IVY REYES/BILYONARYO NEWS CHANNEL: Hi, Usec., good morning. Sa isang interview po ni Mr. Chavit Singson, sinabi niya po na parang nakalimutan na po siya ng Pangulo after the elections kahit malaki po iyong tulong niya dito at that’s the last time they will help a Marcos po.
PCO USEC. CASTRO: Sa ngayon po, hindi po natin alam kung nadinig na po ng Pangulo ang mga tinuran po ni Governor Chavit Singson. Pero sa ating pagkakaalam po, ang ating Pangulo naman po ay hindi po siya nakakakalimot at kahit siya po’y nakalimutan, hindi pa rin makakalimot ang Pangulo. So, hindi lang po siguro sila nagkakausap or hindi po natin alam. So, hintayin na lang po natin kung anong magiging tugon ng Pangulo dahil kung sila naman po ay naging maganda ang relasyon dati kung mayroon man po at iyon naman po ang sinabi ni Governor Chavit, wala po tayong magiging negatibong tugon mula sa Pangulo.
IVY REYES/BILYONARYO NEWS CHANNEL: Ma’am, just a follow up on the sabungeros story development. Sinabi po ni SOJ Remulla na based sa intelligence na natanggap nila at dokumento, iyong mga involved noong sa drug war ni former President Duterte ay possibly involved din sa missing sabungeros case. May response po ba ang Palasyo at have we heard from General Torre about this?
PCO USEC. CASTRO: Okay. Kung ganiyan po ang nakikita sa mga imbestigasyon, mas lalo pa po dapat itong palawigin, iyong pag-iimbestiga rito dahil mukhang kone-konektado ang mga nagawang krimen – kung ito man po ay mapapatunayan. Hindi po natin sinasabi na sila na po ay guilty pero mas gusto po ng Pangulo, iuutos po talaga niya na dapat mabigyan ng hustisya ang mga nabiktima.
SAM MEDENILLA/BUSINESS MIRROR: Good afternoon, ma’am. Itatanong ko lang po, ma’am, kung ano po iyong naging posisyon ni President Marcos doon sa report ng LWUA noong na-submit na sa Office of the President?
PCO USEC. CASTRO: Opo, ang Pangulo po ay naaral na po ang report mula sa LWUA, at siya po mismo ang nag-aral nito. At ang rekomendasyon po sa kaniya ay kaniya naman pong inayunan.
SAM MEDENILLA/BUSINESS MIRROR: Ano po?
PCO USEC. CASTRO: Ang rekomendasyon po ay saka na po namin ibabahagi sa inyo, kailangan po muna naming umaksiyon. Hindi po ngayon ang tamang panahon para i-reveal kung ano po ang dapat na gawin ng pamahalaan para sa mga nabibiktima ng kakulangan ng supply ng tubig.
SAM MEDENILLA/BUSINESS MIRROR: Ma’am, pero may immediate marching orders po ba si President sa LWUA or doon sa other eight (8) concerned government agencies?
PCO USEC. CASTRO: Kapag tayo po ay nabigyan na po ng pagkakataon na maibigay po ang detalye kung anuman po ang gagawin ng gobyerno at pamahalaan para sa mas mabilis na pag-aksiyon sa mga biktima nitong kakulangan ng supply ng tubig, ibabahagi ko po sa inyo.
SAM MEDENILLA/BUSINESS MIRROR: Last na lang po, ma’am. Iku-confirm ko lang din po kung natanggap na rin po ba ng Office of the President iyong enrolled bill ng Konektadong Pinoy?
PCO USEC. CASTRO: Parang hindi ko siya natanong ngayon. Sige po, itatanong ko muli. Hindi ko siya natanong sa ngayon patungkol diyan.
CHLOE HUFANA/BUSINESS WORLD: Good afternoon po, Usec. I-confirm lang po namin: Do we have a new PCO Secretary na po?
PCO USEC. CASTRO: Sa aking pagkakaalam, wala pa po. Nananatili pong acting secretary si Jay Ruiz, at kapag mayroon namang bago—kung mayroon man po ha kasi iyan po yata ang lumalabas sa mga bali-balita, wala pa po akong makukumpirma kasi wala pa po ring dumarating sa akin kung anuman po iyong update.
CHLOE HUFANA/BUSINESS WORLD: So, we’re denying po na ang new secretary ay si Mr. Dave Gomez?
PCO USEC. CASTRO: Hindi ko po madi-deny, hindi ko rin po masasabing oo o hindi dahil wala po sa akin pang naibibigay na anuman pong update.
CHLOE HUFANA/BUSINESS WORLD: On other matters po, Usec. May natanggap na po bang letter ang Philippines from the US on tariff?
PCO USEC. CASTRO: Wala pa rin, opo. Ito naman po ay ipinangako ni Secretary Frederick Go, kapag po mayroon na, siya po mismo ang magbabalita at siya po mismo ang mag-i-explain sa media patungkol po dito.
PIA GUTIERREZ/ABS-CBN: Hi, ma’am. A June survey of the SWS showed that majority of Filipinos, actually 42% disagree with the impeachment complaint of Vice President Sara Duterte, while 32% lang po ang agree kumpara po ito sa kanilang December survey which showed that 41% iyong sumusuporta noon sa impeachment at 35% lang iyong disagree. As the impeachment po is a constitutional accountability mechanism for our officials, nababahala po ba ang Palasyo na mas marami nang Pilipino ang hindi sumusuporta dito sa impeachment complaint?
PCO USEC. CASTRO: Unang-una po, again, wala po at hindi po makikialam ang Pangulo at ang administrasyong ito kung magkakaroon man po ng impeachment trial o hindi. Pero sa aking pagkakaalam, noong June 2, parang lumalabas na sa SWS survey, 88% sa mga Pilipino ang nais na humarap si Bise Presidente sa impeachment trial. Ngayon po parang 42% ang disagree sa impeachment complaint, tama po ba? So parang magkaiba po yata ang gusto ng tao na dapat siyang humarap sa isang impeachment trial at 42% iyong hindi sang-ayon sa impeachment complaint.
But anyway, kung anuman po ang sinasabi ng survey, iyan po ang sentimiyento ng taumbayan, so igagalang po natin iyan.
PIA GUTIERREZ/ABS-CBN: To clarify, iyong sinasabi ninyo, ma’am, is a different survey. It’s from OCTA, 78% of—
PCO USEC. CASTRO: Eighty-eight percent iyong SWS, June 2. Eighty-eight percent of the Filipino—tama ba?
PIA GUTIERREZ/ABS-CBN: Nakita ko dito, ma’am, OCTA.
PCO USEC. CASTRO: Iyong OCTA is 78%?
PIA GUTIERREZ/ABS-CBN: Yes, opo.
PCO USEC. CASTRO: SWS ng June 2, lumabas nang June 2?
PIA GUTIERREZ/ABS-CBN: Itong lumabas, ma’am, na survey, it was conducted last June.
PCO USEC. CASTRO: Yeah, oo. Pero okay, sige, anyway, kung anuman po ang sentimiyento ng taumbayan, igagalang naman po natin iyan. At muli, ayaw po ng Pangulo na maipahid sa atin, sa administrasyon iyong impeachment trial dahil ito po ay nasa kamay na po ng mga senador. So, kung ano po ang kanilang move sa impeachment trial, nasa kamay na po nila iyan.
PIA GUTIERREZ/ABS-CBN: Nabanggit din kasi, ma’am, ni VP Sara sa interview niya sa The Hague na iyong resulta ng survey ay dahil siguro naiintindihan ng mga Pilipino na pure political persecution at harassment lamang ang impeachment laban sa kaniya?
PCO USEC. CASTRO: Okay, kung iyon po ang kaniyang opinyon, eh di igalang po natin, kung feeling niya po ay political persecution. But as far as the administration is concerned, wala pong political persecution na ibinabato sa Bise Presidente. Ito naman po siguro ay nakikita kung ano iyong mga dokumento na naisiwalat na sa hearing. At tulad nga ng sinabi natin noong mga nakaraang buwan, katulad ng sa OCTA Research, 78% ang sumasang-ayon na dapat humarap ang Bise Presidente sa impeachment trial.
AILEEN TALIPING/ABANTE: Good afternoon, ma’am. Itatanong ko lang kung mayroon kayong received info or mayroon kayong update doon sa flooding sa Kerr County sa Texas? May mga Pilipino bang affected doon?
PCO USEC. CASTRO: Sa ngayon po, ang balita po sa atin ng Philippine Consul General, wala pong Pilipinong naapektuhan. Pero patuloy po ang konsulado natin na nakikipag-ugnayan po sa Filipino community. At kung mayroon po silang pangangailangan ay tumawag lang po sila at humingi ng tulong sa ating gobyerno, at ang pagtulong po na iyan ay hindi po ipagkakait sa kanila. Handa pong tumulong ang gobyerno at ang pamahalaan kung ano po ang pangangailangan ng ating mga kababayan doon. At, of course, pinagdarasal din po natin ang kalagayan ng mga naapektuhan po sa Texas.
JOCELYNN MONTEMAYOR/MALAYA BUSINESS INSIGHT: Ma’am, hihingi lang po kami ng clarification regarding sa speech ni Presidente kanina, iyong binanggit po niya na gusto niya para maging zero contribution daw po doon sa mga pasyente. Ano po ba ito, sa PhilHealth contribution o iyong babayaran ng pasyente sa ospital talaga na on top sa PhilHealth contribution?
PCO USEC. CASTRO: Opo, para mas maliwanag po, maganda po itong aspirasyon ng Pangulo. Sino ba naman po ang hindi magnanais na wala na sanang bayaran sa ospital ang sinumang Pilipino kapag sila ay naoospital. So sa abot ng makakaya, ang aspirasyon po ng Pangulong Marcos Jr. ay mabawasan po o kung puwede ngang maging zero ang out of pocket expenses ng ating mga kababayan kapag sila ay naoospital. Iyan po, sa ospital. Yes po, out of pocket expenses, sa ospital, okay. Kaya nga po pati po iyong PhilHealth coverage ay pinalalakihan na rin po ng Pangulo natin para po mas makinabang po ang ibang mga kababayan natin na nalalagay po sa ganitong klaseng sitwasyon. Okay?
Bagong pag-asa para sa persons deprived of liberty. Alinsunod sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na itaguyod ang hustisya at kalinga, 10,739 na persons deprived of liberty o mga taong nakapiit ang nakapagtapos ng elementary at high school sa ilalim ng Alternative Learning System ng Department of Education.
Nabigyan din sila ng time allowance for studying, teaching and mentoring ayon sa Republic Act 10592 bilang pagkilala sa kanilang pagsisikap.
Samantalang 107 PDLs naman ang nakapagtapos ng kolehiyo sa ilalim naman ng Tertiary Education Behind Bars Program sa pakikipagtulungan ng Commission on Higher Education habang 720 PDLs naman ang nakapag-enroll na sa iba’t ibang degree programs. Pinalalawak pa ito ng Bureau of Management and Penology (BJMP) sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa iba’t ibang kolehiyo at unibersidad.
Kaugnay, 112,707 PDLs na rin ang nakatanggap ng pagsasanay sa iba’t ibang teknikal at pangkabuhayang kasanayan katulad ng carpentry, electronics, welding, arts and crafts, at small-scale entrepreneurship sa tulong ng TESDA at ng mga katuwang mula sa civil society.
Ang buhay ay mahalaga. Ang mga naligaw ng landas noon ay maaari pang bigyan ng pag-asa ngayon kaya paigtingin pa ang huli, hindi patay sa mga operasyon.
[VTR]
PCO USEC. CASTRO: At bago tayo magtapos, palakasin ang ugnayan ng lokal at national government. Nakatakdang makasama ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa isang ‘meet and greet’ ngayong hapon ang ilang mga first-time government officials sa paglalayong mapalakas ang ugnayan ng national at local government.
Bibigyan-diin ni Pangulong Marcos Jr. na paigtingin pa ang ugnayan upang masiguro na maipaabot ang kaunlaran sa anumang sulok sa bansa para mas mabilis na mararating ang pangarap ng Bagong Pilipinas.
Ipapahayag din ni Pangulong Marcos Jr. ang positibong suporta ng national government sa pagtupad ng mga programa ng mga LGUs kabilang na rito ang pagsuporta pagdating sa disaster preparedness, peace and order, at digitalization sa mga lokal na pamahalaan.
Nais din ng Pangulo na gabayan ang local government officials upang mas mailapit ang serbisyo sa mga tao at itaguyod ang kultura ng transparency at performance-based governance.
At dito na po nagtatapos ang ating press briefing. Magandang araw para sa Bagong Pilipinas.
###