Press Briefing

Malacañang Press Briefing of Palace Press Officer and PCO Undersecretary Claire Castro


Event PCO Press Briefing with MPC
Location New Executive Building, Malacañang, Manila

PCO USEC. CASTRO: Magandang araw, Malacañang Press Corps.

Updates sa seafarers attacked by Houthi rebels: Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na siguraduhin ang kaligtasan ng ating mga kababayang nasagip mula sa Houthi rebels sa Red Sea, nakauwi na sa bansa kagabi, July 16, ang walong seafarers na nasagip mula sa MV Eternity C.

Sa ulat ni Migrant Workers Secretary Hans Cacdac, dumating noong isang araw sa Jizan Port sa Saudi Arabia ang walong Filipino seafarers na inatake ng mga rebeldeng grupo na Houthi noong July 7 at 8. Bago makarating sa bansa, nabigyan na ng agarang tulong ang mga marino sa pamamagitan ng pagtutulungan ng MWO, OWWA at ng Philippine Consulate General sa Jeddah, Saudi Arabia – ito ay batay na rin sa utos ng Pangulong Marcos Jr.

Makakatanggap din sila ng financial assistance mula sa AKSYON (Agarang Kalinga at Saklolo para sa mga OFW na Nangangailangan) Fund ng DMW, Emergency Repatriation Fund ng OWWA, at DSWD at medical care sa DOH. Bibigyan din sila ng tulong mula sa NNIC (New NAIA Infrastructure Corporation) sa ilalim ng DOTr at iba pang tulong mula sa national reintegration network para sa kanilang pagsisimula dito sa Pilipinas.

Ayon na rin sa utos ng Pangulo, kasalukuyan nang kinu-contact ng pamahalaan ang pamilya ng labintatlong seafarers na nasa barko pa. Ang lahat ng hakbang na ito ay ayon sa nais ni Pangulong Marcos Jr. na tiyakin ang kaligtasan at kapakanan ng mga seafarers. Isang patuloy na sa Bagong Pilipinas, walang maiiwang Pilipino saanman sa mundo.

[VTR]

Para pagaanin ang pang-araw-araw na pasanin ng mga Pilipino, epektibo na kahapon ang 50% fare discount ng mga senior citizens at PWDs sa LRT 1, LRT 2 at MRT 3. Ayon ito sa mithiin ni Pangulong Marcos Jr. na ilapit ang ginhawa sa ating mga kababayan lalo na sa vulnerable sectors. Kasunod ito ng 50% discount para sa mga estudyante noong Hunyo. Layunin ng Pangulo na mabawasan pa ang gastos ng mga seniors at PWDs para may dagdag budget sila sa kanilang maintenance medication at mga support or assistive equipment.

Bukod sa mas pinalaking fare discount, inanunsiyo din ni Pangulong Marcos Jr. na magsisimula na ang operasyon ng tatlong Dalian light rail vehicles sa MRT 3. 2014 pa nabili ng gobyerno ang mga tren pero hindi pa rin ito napakinabangan ng taumbayan kaya’t ginawan ng paraan ng mga eksperto para maging operational at magamit na ang mga ito.

Nasayang ang potensiyal ng Dalian trains noong mga nakaraang administrasyon kaya’t minabuti ng Pangulo na ipaayos ang mga bagon para sa ating mga kababayan. Sa susunod na taon ay target na maging operational na ang natitirang 45 Dalian trains para gawing mas maginhawa ang biyahe ng mga pasahero.

Inatasan naman ng Pangulo ang DOTr na pabilisin pa ang inspeksiyon sa mga natitirang Dalian trains para magamit na ito sa lalong madaling panahon. Siguraduhing masusuri at magagawa ang regular maintenance ng mga tren at tiyaking gumagana ang mga escalators at elevators sa mga train stations para sa mas convenient at magagamit ito ng mga commuter.

Bilang solusyon sa traffic at congestion ng public transportation, panoorin po natin muna ang video:

[VTR]

Personal na binisita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Camp Aguinaldo Station ng Metro Manila Subway Project kahapon. Batid ng administrasyon ang urgent need sa mas epektibo at maaasahang mass public transit sa bansa kaya’t kasama ang DOTr ay nag-inspeksiyon ang Pangulo sa construction site para alamin ang status ng proyekto at tiyaking umuusad ito.

Ang Metro Manila Subway ang kauna-unahang underground railway system ng Pilipinas na tatahak mula Valenzuela hanggang Parañaque at may habang higit 33 kilometers. Inaasahang kayang gawing 41 minutes na lang ang biyahe mula Valenzuela hanggang Manila Airport sa oras na maging operational ito.

Konektado naman ang subway sa MRT 3, MRT 7 at North-South Commuter Railway para sa maayos na transfer ng mga pasahero patungo sa iba’t ibang destinasyon. Layunin ng subway project na gawing mas mabilis ang at convenient ang pagbiyahe ng mga commuter mapa-estudyante o empleyado man. Hindi na kailangang gumising nang sobrang aga para lang makaiwas sa traffic.

Nagbigay naman ng direktiba si Pangulong Marcos Jr. sa DOTr at DBM – siguraduhing matatapos ang proyekto ayon sa target date, tiyaking maayos ang construction sites para hindi makadagdag sa abala ng commuters at siguraduhin din ang tamang pag-release ng pondo para on-time matapos ang proyekto.

[VTR]

At maaari na po akong tumanggap ng inyong mga katanungan.

ALVIN BALTAZAR/RADYO PILIPINAS: Usec., good morning po. Usec., may directive po ba si Pangulong Marcos amid the expected arrival of “Crising” na eventually sabi ng PAGASA ay mukhang magiging bagyo na?

PCO USEC. CASTRO: Opo, mayroon pong mga direktiba ang ating Pangulo sa mga concerned agencies katulad po ng NDRRMC, nag-raise na po sila ng Blue Alert Status noon pa pong July 16 as of 11 A.M. at nagku-conduct na rin po sila ng pre-disaster risk assessment at nag-activate na rin po iyong Virtual Emergency Operation Center noon pa pong July 16, 2025. At patuloy pa rin po ang pagmo-monitor at pagbibigay po ng mga advisories sa mga stakeholders, sa ating mga kababayan. Pati po ang DOST-PAGASA ay ganoon din po, may continuous weather monitoring and provisions of weather updates to all stakeholders. Pati po ang DILG, ang DSWD ay nakaalerto na po patungkol po dito.

ALVIN BALTAZAR/RADYO PILIPINAS: Usec., isang tanong pa sana. Iyong tungkol doon sa Senate Bill 2450, nasa third reading na at tungkol ito sa proteksiyon ng green ecosystem na may kinalaman din, Usec., doon sa welfare ng mga mangingisda natin at medyo mata-touch din iyong proteksiyon sa West Philippine Sea. Eventually, pupunta rin ito sa Office of the President after noong bicameral eh. Suportado ba ito ng Palasyo, Usec.?

PCO USEC. CASTRO: Opo. Sa lahat po ng ikagaganda ng ating environment, sa ating ikaaangat po ng taumbayan, mga mangingisda po, hindi po ito tututulan ng Pangulo.

TRISTAN NODALO/NEWSWATCH PLUS: Hi, Usec. Good morning. Iyong tagapagsalita po ni Vice President Sara Duterte kahapon po ay nagsabi siya na keeping Vice President Sara Duterte out of the loop is a disservice to the nation. Ang sabi niya po ay kumbaga iyong hindi pagsuporta sa Vice President pagdating sa pondo ng kaniyang mga proyekto at programa and not being able to support the Vice President is a great disservice to the country. May response po ba ang Malacañang dito?

PCO USEC. CASTRO: Para po on the part of the Palace, welcome po kung anuman po ang suhestiyon na makabuluhan, magandang suhestiyon na magmumula sa OVP. Hindi po ito tinatanggihan at hindi po sinasara ng Pangulo ang pintuan sa Bise Presidente. Lahat po ng maaaring suhestiyon na makabuluhan ay tatanggapin po iyan kung ito naman po ay makakatulong sa taumbayan.

Tandaan po natin, mismong si Bise Presidente ang nagsabing siya raw po ay mayroong formula or alam para maipababa ang presyo ng bigas pero ayaw niya pong i-share sa gobyerno at sa administrasyon dahil ayaw niyang tulungan ang Pangulo. So, hindi po nanggagaling sa Pangulo o sa administrasyon na ito ang pagharang sa kaniyang mga gustong gawin para sa taumbayan. Unang-una po ay handa pong makinig ang Pangulo sa anumang kaniyang suhestiyon na may kabuluhan.

Patungkol naman po yata sa budget, hindi naman po humahadlang ang administrasyon na ito kung siya man po ay humihingi ng mas mataas na budget. Tandaan po natin, kahit po ang DBM ay binigyan po siya, pinataas po ito sa initial proposed budget nila for 2026, binigyan pa po at in-increase sa 170 million, inaprubahan po ito ng DBM. At sa ngayon po, ang proposed budget ng OVP ay from 733 million ay ginawa pong 903 million. Okay, kung hindi po tayo nagkakamali, medyo malaki po kasi ang hiningi nila, ang proposed budget nila para sa taong 2025, parang 2.03 billion. Nagkataon lamang po na hindi niya po ito naipagtanggol nang maayos sa House of Representatives. So, kung anuman po ang naging desisyon ng House of Representatives, ng Congress, ay hindi na po ito saklaw ng Pangulo. Mas mabuti po siguro kung mas nais niya po ng mas malaking budget, katulad ng isang estudyante kung mayroon kayong thesis na gustong idepensa, idepensa ninyo po nang maayos para po kayo ay mapagbigyan.

TRISTAN NODALO/NEWSWATCH PLUS: On another topic lang po. Si Senator Imee Marcos ay nag-file ng bill kahapon, calling it a “President Rodrigo Duterte Act”. Sabi niya po, the bill hopes to prohibit the transfer of individuals in the Philippines to foreign entities not recognized under an active treaty or without the person’s consent or a local court order. Violators may face up to 20 years in prison. Ito raw po ay ginawa dahil nga po para ma-prevent iyong future cases of “extraordinary rendition” katulad ng nangyari kay dating Pangulong Duterte. Ano po ang reaksiyon dito ng Palace sa bill ni Senator Imee?

PCO USEC. CASTRO: Trabaho naman po ng isang senador na gumawa ng makabuluhan na batas para sa taumbayan, sa ikauunlad ng bansa, hindi para sa pansariling kapakanan. So, good luck po.

ANALY SOBERANO/BOMBO RADYO: Usec., good morning. Update lang po sana sa naging command conference na pinangunahan ni Pangulong Marcos sa Camp Aguinaldo. May mga instructions po ba siya or directives sa ating Armed Forces of the Philippines?

PCO USEC. CASTRO: Opo, nagkaroon po kanina ng command conference with the AFP, at ginanap po ito sa Camp Aguinaldo sa Quezon City. Pero iyong ibang mga detalye po ay hindi po natin maibibigay for security purposes po.

ANALY SOBERANO/BOMBO RADYO: Okay. Usec., itong pulong po ba ni Pangulo sa AFP ay possible din na kukuha siya ng mga data, information para maisama niya po iyong report na iyan sa kaniyang State-of-the-Nation Address?

PCO USEC. CASTRO: Muli, hindi po ako makakapagbigay ng detalye. At kung mayroon man po, malamang kung ito ay masasabi niya sa SONA, madidinig naman po natin ito.

ANALY SOBERANO/BOMBO RADYO: Last na po, isa na lang, Usec. Pa-expound na lang po, Usec., doon sa Memorandum Circular 87 na inilabas po ng Office of the President kung saan hinihikayat ang lahat ng mga government agencies and private sector na i-promote ang pagtataguyod ng maritime and archipelagic nation.

PCO USEC. CASTRO: Dapat lamang po. dapat lamang po natin i-promote at ipagtanggol ang ating sovereign rights, ang ating mga karapatan patungkol po sa rights ng ating bansa. Kaya nga po sabi natin, muli, magkaisa po tayo; bawat Pilipino dapat ipagpunyagi kung anong mayroon tayo sa Pilipinas; maging pro-Philippines lagi.

LUISA CABATO/INQUIRER.NET: Good afternoon po, Usec. ES Bersamin told Kyodo News that Senator dela Rosa may be arrested by the Philippine law enforcement if the ICC issues a warrant and if there is an Interpol notice. And before Duterte’s arrest in March, the Interpol released a Diffusion Notice which was transmitted after prior consultations with the government of the Philippines. Mayroon na po bang communication iyong ICC or Interpol about possible arrest ng mga co-accused ni former President Duterte?

PCO USEC. CASTRO: Sa ngayon, wala pa po tayong natatanggap na anumang communication kung mayroon na pong warrant of arrest para sa mga co-perpetrators ni dating Pangulong Duterte.

Laban kontra-droga, patuloy na inaaksyunan. Tinatayang nasa higit 304 million pesos na halaga ng iligal na droga ang nasabat ng Bureau of Customs sa NAIA sa loob lamang ng isang araw, alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paigtingin at palawakin pa ang operasyon kontra illegal drugs sa buong bansa.

Umabot sa 44 kilograms ng hinihinalang shabu ang nasabat ng ahensiya sa dalawang magkahiwalay na operasyon sa NAIA Terminal 3 nitong July 14. Nasa kustodiya na ng PDEA ang dalawang suspek habang sasailalim naman sa chemical analysis ng PDEA lab service ang nakumpiskang droga.

Pinuri ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno ang koordinasyon sa pagitan ng PDEA, NAIA at Customs personnel sa pagbabantay ng boarder ng bansa laban sa dangerous drugs at drug traffickers.

[VTR]

PCO USEC. CASTRO: Para isulong ang kalusugan at labanan ang malnutrisyon, nagsanib-puwersa ang DOH, DSWD, DILG at 235 LGUs upang paigtingin ang mga programang pangkalusugan para sa mga batang Pilipino lalo na sa kanilang first 1,000 days. Ayon ito sa nais ni Pangulong Marcos Jr. na gawing mas malusog ang bawat batang Pilipino; lahat dapat kumpleto ang nutrisyon mula pagsilang hanggang paglaki.

Inilunsad ng DOH ang Nutrition Leadership and Governance Program upang palakasin ang kapasidad ng mga lokal na opisyal para mabigyan ng sapat at karagdagang serbisyo sa mga buntis, ina at sanggol sa kanilang nasasakupan. Sa ilalim ng programa, makakaasa ang mga kababayan natin ng suporta sa prenatal care at maternal nutrition, proper breastfeeding at complementary feeding, malinis na mga pasilidad, at mas mabilis at abot-kayang access sa health services sa bawat LGU sa buong bansa.

Kakulangan ng sustansiya ang sanhi ng pagkakabansot at malnutrisyon sa mga bata kaya minarapat ng mga ahensiya at lokal na pamahalaan na isulong pa ang kampaniya para mas malusog at masiglang kabataan. Dahil sa Bagong Pilipinas, walang batang maiiwan sa laban para sa kalusugan.

[VTR]

PCO USEC. CASTRO: May announcement lamang po tayo: Nakipag-ugnayan po ang Department of Foreign Affairs sa pamamagitan po ng Philippine Consulate in Los Angeles. At sa kanilang nakuhang report, sinasabi po dito ang ilang bahagi at aking babanggitin, “Some of the terms used in the purported letter were not in line with the BHPD’s standard language and protocol. BHPD would not include terms such as expected to be drug overdosed, suspected to be cocaine and summoned to BHPD.”

With reference to Mr. Tiglao’s post on the screenshot of a purported report surrounding the circumstances of the death of Mr. Paolo Tantoco in Los Angeles, the Philippine Consulate in Los Angeles had verified with the Beverly Hills Police Department on the veracity of the alleged report and found that the police report posted by Mr. Tiglao was altered. The altered letter contained terms that were not in line with the Beverly Hills Police standard language and protocol.

Nabanggit na po natin noong nakaraang araw kung ano iyong kanilang mga idinagdag na mga diumanong facts na hindi po talaga nakalagay sa nasabing police report.

At mayroon pa po tayong isang announcement: Following the confirmed resignation of ERC Chairperson Monalisa Dimalanta effective August 8, we extend our deepest gratitude for her dedicated service to the Commission and to the Filipino people. We wish her continued success as she returns to private practice.

On behalf of the Office of the President, I am pleased to announce the new appointments to the Energy Regulatory Commission (ERC) effective August 8, 2025. Appointed as Chairperson of the ERC is Atty. Francis Saturnino C. Juan.

A seasoned energy expert, Atty. Juan brings with him decades of experience in regulatory affairs having previously served as executive director and general counsel of the ERC and currently as president of the Independent Electricity Market Operator of the Philippines. He has played a key role in operationalizing the Wholesale Electricity Spot Market, advocating consumer protection and promoting renewable energy development through tariff reforms.

With his deep institutionalized knowledge and leadership, we are confident that Chairperson Juan will steer the ERC toward more efficient, transparent and pro-consumer decision-making. We look forward to smooth and seamless transition under his chairmanship.

We also welcome the appointments of Atty. Amante A. Liberato and Atty. Paris G. Real as ERC commissioners effective upon their assumption of office.

Atty. Liberato is currently serving as Deputy Executive Secretary for Finance and Administration at the Office of the President. A lawyer and Certified Public Accountant, he brings extensive experience in public finance, legal reform and governance having previously served with the Commission on Audit and in various consultancy roles across the legislative and executive branches. His strong background in fiscal management and regulatory policy will be vital in supporting institutional reforms within the ERC.

Atty. Paris Real meanwhile is a seasoned litigator and a legal adviser with more than two decades of experience including active participation in high impact ERC regulatory proceedings for more than 10 years. He is known for his focused on legal integrity, consumer protection that is expected to strengthen the Commission’s quasi-judicial processes.

Together, these appointments reflect the President’s commitment to energizing the ERC with leaders who uphold integrity, transparency and public service.

We look forward to the reforms and progress they will help bring under Bagong Pilipinas. Maraming salamat po.

At dito na po nagtatapos ang ating press briefing. Magandang araw para sa Bagong Pilipinas.

 

###