PCO USEC. CASTRO: Magandang umaga, Malacañang Press Corps. Welcome sa ating press briefing ngayong araw. Simulan natin sa magandang balita na dala ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Bagong Pilipinas.
Kinilala ni Pangulong Marcos Jr. ang mga lingkod-bayan at institusyon na nakatulong para mawala sa Financial Action Task Force Grey List ang Pilipinas. Dahil sa kanilang aksiyon para matugunan ang International Cooperation Review Group Action Plan Items noong 2024, kinumpirma ng FATF ang ating pag-alis sa grey list nitong Pebrero 2025. Ang ibig sabihin nito, mas mababa ang remittance fee at mabilis na pagpapadala para sa ating mga OFW.
Bukod dito, napadali rin ang international financing para sa mga negosyo at nagdulot ito ng mas pinalakas na proteksiyon laban sa money laundering terrorists financing at proliferation financing. Patunay ito na tuluy-tuloy ang aksiyon ni Pangulong Marcos Jr. at ng kaniyang administrasyon para mapakitang katuwang sa kaunlaran, maaasahan, ligtas at responsable ang Pilipinas. Panoorin po natin ito:
[VTR]
Nakakuha ang Pilipinas ng ten million dollars mula sa adaptation fund para sa isang proyekto sa Tawi-Tawi. Ang proyektong “Harnessing the Water-energy-food Nexus to Address and Adapt to Climate Change Impacts in Tawi-Tawi” ay naglalayong palakasin ang kakayahan ng mga komunidad laban sa mga epekto ng climate change. Partikular na susuportahan nito ang mga bayan ng Sibutu at Sitangkai para masiguro ang ligtas at matatag na access sa tubig sa harap ng tumitinding mga hamon dala ng climate change, isang malaking hakbang para sa mas matatag na kinabukasan ng ating mga komunidad sa Tawi-Tawi tungo sa isang Bagong Pilipinas.
[VTR]
At iyan lamang po ang mga good news natin ngayong araw.
Sa iba pa pong mahalagang anunsiyo, kasama po natin ngayon si Assistant National Statistician Rachel C. Lacsa ng PSA Economic Sector Statistics Service para magbigay ng iba pang detalye patungkol sa pagbaba ng inflation rate. Magandang umaga, Director Rachel.
PSA DIR. LACSA: Thank you po, Usec. Claire. Magandang umaga po sa inyong lahat. sa ngalan po ng aming Undersecretary, National Statistician and Civil Registrar General Claire Dennis Mapa, ako po ang mag-uulat ng antas ng inflation sa bansa para sa buwan ng Abril 2025.
Ang headline inflation o ang pagtaas ng presyo ng mga produkto at serbisyo sa bansa ay bumagal sa antas na 1.4 percent nitong Abril 2025. Ito po ang pinakamababang inflation rate na naitala mula noong Nobyembre 2019 na may 1.2 percent inflation.
Noong Marso 2025, ang inflation ay naitala sa antas na 1.8 percent at 3.8 percent naman noong Abril 2024. Ang average inflation mula noong Enero hanggang Abril 2025 ay nasa antas na 2 percent.
Ang pangunahing dahilan ng mas mababang antas ng inflation nitong Abril kaysa noong Marso 2025 ay ang mas mabagal na pagtaas ng presyo ng mga produkto ng food and non-alcoholic beverages sa antas na 0.9 percent. Ito ay may 82.3 percent share sa pagbaba ng pangkalahatang inflation sa bansa.
Ang pangunahing nag-ambag sa pagbaba ng inflation ng food and non-alcoholic beverages ay ang mas mabilis na pagbaba ng presyo ng cereals and cereal products na may -7.4 percent inflation partikular dito ang bigas. Nagkaroon po tayo ng sunud-sunod na pagbaba ng presyo ng bigas mula noong Enero 2025.
Nakaambag din sa pagbaba ng inflation ng food and non-alcoholic beverages ang mas mabagal na pagtaas ng presyo ng vegetables, tubers, cooking bananas at iba pa na may 2.3 percent inflation, partikular dito ang talong at fish and other seafood na may 4.3 percent inflation tulad ng galunggong.
Ang pangalawang dahilan ng mas mababang antas ng inflation nitong Abril 2025 kaysa noong Marso ay ang mas mabilis na pagbaba ng presyo ng transport sa antas na -2.1 percent inflation. Ito ay may 15.2 percent share sa pagbaba ng pangkalahatang inflation sa bansa. Ang mga pangunahing nag-ambag sa pagbaba ng inflation ng transport ay ang mas mabilis na pagbaba ng presyo ng gasolina na may -12.4 percent inflation at diesel na may -8.3 percent inflation.
Pagdating sa National Capital Region, ang headline inflation ay bumilis sa antas na 2.4 percent nitong Abril 2025. Noong Marso 2025, ito ay naitala sa antas na 2.1 percent at 2.8 percent naman noong Abril 2024. Ang pangunahing dahilan ng mas mataas na antas ng inflation nitong Abril 2025 kaysa noong Marso sa National Capital Region ay ang mas mabilis na pagtaas ng presyo ng housing, water, electricity, gas and other fuels na may inflation na 5.1 percent. Ito ay may 98.1 percent share sa pagtaas ng pangkalahatang inflation sa National Capital Region. Ang pangunahing dahilan sa pagtaas ng inflation ng housing, water, electricity, gas and other fuels sa National Capital Region ay ang mas mabilis na pagtaas ng presyo ng kuryente na may 18.2 percent inflation.
Sa mga lugar sa labas ng National Capital Region, ang inflation nitong Abril 2025 ay bumagal din sa antas na 1.2 percent. Noong Marso 2025, ito ay naitala sa antas na 1.8 percent at 4.1 percent naman noong Abril 2024. Kagaya sa national level, ang pangunahing dahilan ng mas mababang antas ng inflation nitong Abril kaysa noong Marso 2025 sa mga lugar sa labas ng National Capital Region ay ang mas mabagal na pagtaas ng presyo ng food and non-alcoholic beverages sa antas na 0.6 percent. Ito ay may 80.9 percent share sa pagbaba ng pangkalahatang inflation sa mga lugar sa labas ng National Capital Region.
Ang mga pangunahing nag-ambag sa pagbaba ng inflation ng food and non-alcoholic beverages ay ang mas mabilis na pagbaba ng presyo ng cereals and cereal products na may
-7.9 percent inflation, partikular dito ang bigas. Nakaambag din sa pagbaba ng inflation ng food and non-alcoholic beverages ang mas mabagal na pagtaas ng presyo ng vegetables, tubers, cooking bananas at iba pa na may 2.2 percent inflation, partikular dito ang talong, at fish and other seafood na may 4 percent inflation tulad ng galunggong.
Ang pangalawang dahilan ng mas mababang antas ng inflation nitong Abril 2025 kaysa noong Marso sa mga lugar sa labas ng National Capital Region ay ang mas mabilis na pagbaba ng presyo ng transport sa antas na -2 percent inflation. Ito ay may 14.8 percent share sa pagbaba ng pangkalahatang inflation sa mga lugar sa labas ng National Capital Region at ang mga pangunahing nag-ambag sa pagbaba ng inflation ng transport ay ang mas mabilis na pagbaba ng presyo ng gasolina na may -12.3 percent inflation at diesel na may -8.2 percent inflation.
Dito po nagtatapos ang aking ulat sa inflation o pagtaas ng mga presyo ng mga bilihin at serbisyo sa bansa sa buwan ng Abril 2025. Salamat po at magandang umaga.
ALVIN BALTAZAR/RADYO PILIPINAS: Direk Rachel, magandang umaga po. Direk, nabanggit ninyo nga iyong inflation sa April ay 1.4 percent iyong pagbagal. And the other day naman nabigyang emphasis, iyong Financial Action Task Force kung saan ang status ng Pilipinas, wala na siya sa grey list. Ang tanong ko, Direk Rachel, iyon bang status natin doon sa FATF may epekto ba o contribution doon sa—somehow, para ma-maintain iyong pagbagal ng inflation?
PSA DIR. LACSA: Sa ngayon po ay hindi pa natin naaaral iyong impact po ng nabanggit ninyo po ‘no, but sa nakikita po natin ay bumababa o bumabagal iyong pagtaas ng ating inflation. Ang PSA po ay patuloy na nagmo-monitor ng mga presyo ng mga produkto at serbisyo sa bansa, so malalaman po natin sa mga susunod na buwan, iuulat po namin iyong mga inflation rates ng mga susunod na buwan po at makikita po natin kung magkakaroon ng epekto. Thank you po.
SAM MEDENILLA/BUSINESS MIRROR: Good morning, ma’am. Na-mention po nila na isa sa parang contributor kung bakit bumaba iyong inflation ay iyong presyo ng bigas. Since matatapos na po iyong harvest season, nagsisimula na iyong planting season, do we expect na mami-maintain ng Pilipinas iyong low inflation sa mga susunod na buwan?
PSA DIR. LACSA: Thank you po. Kagaya po ng nabanggit ko ‘no, simula po Enero 2025, tayo po ay may negative inflation, ibig sabihin po ay bumabagsak po talaga iyong presyo ng ating bigas po ‘no kumpara noong nakaraang taon. Kaya po minu-monitor po natin, alam ko po, naniniwala po ako na may ginagawang aksiyon ang ating gobyerno para po patuloy na mapababa ang presyo ng bigas kaya po we will see in the coming months, sa amin pong mga reports kung magpapatuloy po ito. But, again, mula po Enero 2025, pabagsak na po ang presyo ng ating bigas or mayroon na po tayong negative inflation.
SAM MEDENILLA/BUSINESS MIRROR: Hindi po ba medyo negative rin iyong pagdating naman sa mga farmers na umaasa doon sa presyo ng bigas?
PSA DIR. LACSA: Ang nakikita po natin, ang atin pong farm gate price ay bumababa nga rin po, even ang atin pong wholesale price ng bigas. At naniniwala po ako na mayroon pong ginagawa ang gobyerno para patuloy po na ma-balance iyong benefits for the consumers and even po for our farmers.
SAM MEDENILLA/BUSINESS MIRROR: I-clarify lang, ma’am. So, iyong mga susunod na buwan, next round ng inflation reporting, do we see na mami-maintain natin itong low inflation or tataas na siya?
PSA DIR. LACSA: Nakikita po natin na ang ginagawa ng gobyerno po, sa ngayon po ay mayroon po tayong maximum suggested retail price na 45 pesos per kilo sa atin pong bigas. Kung magpapatuloy po iyon, given din iyong mataas na presyo ng bigas noong nakaraang taon, base po sa base effect, magkakaroon pa rin po tayo ng tuluy-tuloy na pagbaba ng inflation, ng bigas at malaki po iyong weights kasi na tinatawag o iyong ambag ng bigas sa kabuuan ng CPI, ng consumer price index, and of course, ng inflation rate. Kaya kapag bumaba po o patuloy na bumaba iyong presyo ng bigas, we will be expecting din po na bababa rin po iyong all items or overall inflation.
But, of course, there are risks. Kagaya po ng nai-report ko, nakikita po natin iyong pagtaas naman ng presyo ng kuryente, na mataas din po iyong weight sa ating inflation. Kaya po makikita po natin iyong pagba-balance: Kung bababa po iyong presyo—patuloy iyong pagbaba ng presyo ng ating mga pagkain at mamo-monitor po iyong pagtaas din naman ng presyo ng kuryente at iba pang mga laman ng ating basket for the CPI, mami-maintain po natin iyong patuloy na pagbaba po ng ating inflation.
EDEN SANTOS/NET25: Good morning po, Dir. Rachel. Hindi lang naman po iyong pagbaba ng presyo ng talong o kaya ng bigas ang pinuproblema po ng ating mga kababayan kung hindi maging po iyong iba pang mga bilihin na nananatili pong mataas, ano po. Ito po ba ay mararamdaman na rin ng ating mga kababayan sa mga susunod po na buwan? Maging iyong … ano bang tawag doon, iyong sinasabi nating pagbaba ng inflation ay ramdam po ng ating mga kababayan?
PSA DIR. LACSA: Okay po. So, ang atin po kasing consumer price index, sa pag-compute po natin nito, marami po tayong kinu-consider, ano. Kagaya po ng nabanggit ninyo, hindi lang po pagkain; nandito rin po iyong alcoholic beverages, iyong clothing, iyong housing, water, electricity, gas, iyong mga gamit sa bahay, even health, transport at marami pa pong iba, even education services; so, lahat po ng ito ay minu-monitor po natin.
Sa ngayon po, for Abril 2025, ang nakita po natin na bumaba ay iyong mga nabanggit ko po: Food and non-alcoholic beverages; iyong clothing and footwear po, bumaba rin or bumagal iyong pagtaas ng ating inflation; iyong transport po natin ay mas mabilis iyong pagbaba ng presyo – mayroon po tayong negative 2.1% inflation. Ganoon din po, nakakita tayo ng pagbagal ng pagtaas ng inflation sa information and communication; sa recreation, sports and culture; pati na rin po sa personal care and miscellaneous goods and services.
Ang tumaas lang po ngayong buwan ng Abril ay nakita po natin sa alcoholic beverages; tobacco, particularly iyong cigarette po; at iyong housing, water, electricity, gas and other fuels nga po, particularly iyong electricity; at iyong health po, particularly iyong serbisyo po ng mga dentist service.
So, lahat po ng ito ay minu-monitor, at kagaya po ng sinabi ko kanina, kung magpapatuloy po iyong pagbaba ng presyo ng mga pagkain, malaki po iyong epekto nito. Ito po kasi iyong may highest weight sa pag-compute ng ating CPI at ng inflation – 38%. So, kapag bumaba po iyong mga presyo ng mga pagkain, malaki iyong hatak niya sa pagbaba naman din ng overall inflation.
EDEN SANTOS/NET25: So, makakatulong po ito para mabawasan din iyong mga kababayan nating nakakaranas ng gutom at saka ng kahirapan, pati po iyong mga kababayan natin na hindi makapagpagamot, ano po, sa mga susunod na buwan?
PSA DIR. LACSA: Tama po iyan ‘no. Sa atin pong mga tinatawag na bottom 30% income household kasi mas malaki pa po iyong weight ng food and non-alcoholic beverage sa pag-compute ng CPI ng bottom 30% income households. Kung sa all income po ay 38%, sa bottom 30% po, iyong atin pong mga poorest ay nasa 55% po ang weight ng food. Ibig sabihin, pinakamalaki iyong expenses nila sa pagkain. Kaya kapag bumababa po iyong presyo ng pagkain, malaki rin naman iyong kaginhawaan sa ating mga Bottom 30%.
EDEN SANTOS/NET25: Mga ilang porsiyento po kaya kung mayroon tayo na mababawas doon sa mga kababayan natin na nagsasabing sila ay nagugutom or hirap?
PSA DIR. LACSA: Sa ngayon po, wala po kaming datos. But, again, ang PSA po ay patuloy na nagmo-monitor.
PIA GUTIERREZ/ABS-CBN: Hi, ma’am. Follow-up lang po doon sa question ni Sam. Does the PSA see inflation staying on target which is between two to four percent po throughout the year, of course, barring any major shocks that might happen in the next few months?
PSA DIR. LACSA: Thank you po. Ang target po na inflation for the year, particularly this is from the BSP, is 2.3%. Kagaya po ng naiulat ko kanina, ang average po natin na inflation from January to April 2025 ay two percent. So, tayo po ngayon ay mas mababa pa doon sa target. Kung mami-maintain po natin iyong pagbagal ng pagtaas ng mga presyo o ng antas ng inflation sa mga susunod na buwan, maaabot po natin itong average or target inflation for the year 2025.
CHRISTIAN YOSORES/RADYO630: Hi, ma’am. Na-mention ninyo lang po kanina iyong tungkol doon sa bigas, so is it safe to say na nakatulong po iyong mga programs in the past months ng government regarding sa bigas dito po sa malaking ibinagal ng inflation sa bigas, like iyong MSRP? And then, inaasahan din po ba na itong pagbibenta ng bente pesos per kilong bigas ay makakatulong para ma-maintain po iyong mabagal na inflation ng bigas? Thank you.
PSA DIR. LACSA: Thank you po. Tama po iyon ‘no, naniniwala po kami na malaki iyong naging epekto ng ginagawa ng gobyerno para sa pagbaba ng inflation ng bigas or iyong pagbaba ng presyo ng bigas. Sabi ko nga po, ang atin pong MSRP ngayon ay 45 pesos per kilogram, madami na po tayong nakikita across provinces na may 45 na bigas and even lower for some provinces na hindi po natin nakikita noong mga nakaraang buwan dahil noong mga nakaraan, talaga pong nasa 50 pesos pataas po iyong presyo ng ating bigas.
So, yes po, malaki iyong naitulong noong ginagawa ng gobyerno at nakaambag po ito doon sa pagbaba ng presyo ng bigas at pagkakaroon natin ng negative inflation sa bigas mula noong January 2025.
PCO ASEC. DE VERA: Do you have more questions for ANS Lacsa? Thank you, ANS Lacsa. Usec. Claire?
PCO USEC. CASTRO: Thank you very much, Director Rachel. At ngayon po ay handa na po tayong tumugon sa inyong mga katanungan.
ANNE SOBERANO/BOMBO RADYO: Usec, good morning. Since papalapit na po ang halalan, by Monday na po, asahan na rin po natin na marami na pong magsisilabasan na mga fake news. Ano na lang po ang maipapayo ng Palasyo sa ating mga kababayan na boboto po sa Lunes? Thank you.
PCO USEC. CASTRO: Hindi lamang po naglalabasan mga fake news ngayong papalapit ang eleksiyon – matagal na pong naglalabasan ang mga fake news laban sa Pangulo, laban sa gobyerno. Unang-una po na maipapayo ng administrasyon ay maging mapanuri – unang-una po ay maging mapagmatyag; at huwag ninyo pong ibenta ang inyong dignidad; huwag ibenta ang bansa sa ibang mga bansa na maaaring may interes dito sa ating teritoryo, sa ating soberanya; huwag ibenta ang bansa sa pamamagitan ng pagiging keyboard warrior at ang tanging maging trabaho o goal ay gumawa ng fake news para sirain at maging negatibo ang taumbayan sa ating Pangulo at sa pamahalaan; iwasan po natin hangga’t maaari ang makinig, manood ng alam natin na ang content ay puro pagbatikos sa pamahalaan nang walang ebidensiya.
Maaari pong bumatikos, maaari pong punahin ang ating pamahalaan hangga’t may ebidensiya; hindi po iyan isinasara ang pinto. Ang pintuan po ng pamahalaan ay hindi naman po hahadlangan ang anumang mga kritisismo hangga’t mayroon pong basehan. Ang ingatan lang po natin ay ang mga fake news peddlers. Labanan po natin ang fake news para kayo po ay magkaroon ng magandang desisyon sa Mayo dose.
NEL MARIBOJOC/UNTV: Hello po. Sa nakaraang pagdinig po ng Senado may sinabi ang NICA na mismong ang buhangin natin sa coastal areas ang ipinantatambak sa ilang reclamation diyan sa West Philippine Sea. May direktiba po ba ang Pangulo ukol po dito?
PCO USEC. CASTRO: Opo. Matapos na makatanggap ng impormasyon patungkol po dito ay inutos po ng Pangulo na magkaroon po ng masinsinang pag-iimbestiga patungkol dito. At ngayon po ay ongoing ang investigation at kapag po nagkaroon na po ng pinal na pag-iimbestiga o konklusyon patungkol po dito ay gagawin po ang agarang pag-uutos – ito ay ayon doon sa maaaring maging resulta ng imbestigasyon.
TUESDAY NIU/DZZB: Good morning, Usec. I understand, ma’am, mayroon pong imbitasyon ang gobyerno natin sa mga international election observers among them is 104 members of European Union. Para po sa kabatiran ng publiko, ano po bang pakinabang ang makukuha ng bansa natin sa mga observer na ito at paano po tayo makatitiyak na hindi sila makakaimpluwensiya dito sa gaganapin nating eleksiyon?
PCO USEC. CASTRO: Kung may mga kumbidado po na neutral at wala naman pong pamumulitika, mas maganda pong makapag-obserba sila para makita po nila na ang eleksiyon sa Pilipinas ay malinis at para din po maiwasan kung anuman po ang maaaring dayaang mangyari.
IVAN MAYRINA/GMA 7: Kaugnay po ito doon sa tanong ni Nel kanina. Kung sakali nga pong may ganoong nangyayari, hindi naman ho siguro ito puwedeng itago dahil magkakaroon ng quarrying operations sa mga coastal areas, dadalhin ito sa kung saan man nagkakaroon ng reclamation. Hindi ho kaya may pananagutan dapat din ang mga lokal na pamahalaan dito and what does the Palace have to say about this?
PCO USEC. CASTRO: Kaya nga po ito ay iimbestigahan. Kung mayroon pong dapat managot, ito naman din naman po ang bilin ng Pangulo, ‘hindi pupuwedeng iwasan ang mga tao, kung may dapat panagutin dapat pong managot’.
So, masinsinan po at malalim na pag-iimbestiga po ang dapat na gawin dito.
MARICEL HALILI/TV 5: Good morning, Usec. Usec, may we have your thoughts on the statement of Vice President Sara Duterte saying that the President should be held accountable for the arrest of her father, former President Rodrigo Duterte. Sabi po niya, dapat talagang managot ang Pangulo ng Pilipinas because he allowed foreign entity, foreign organization to interfere with our national sovereignty. Your reaction po, Usec?
PCO USEC. CASTRO: Unang-una po ang pamahalaan po, ang administrasyon po ay gumawa po ng hakbang na naaayon sa batas at ito po ay in cooperation with the Interpol. Ang pamahalaan, nagsuko man po kay dating Pangulong Duterte, siya po ay kinokonsiderang isang akusado, isang suspek sa crimes against humanity particularly murder na ang nagsampa rin po ay kapuwa Pilipino na diumanong biktima ng extrajudicial killings ng madugong war on drugs.
Ang ginawa ng pamahalaan ay hindi naman po pagsuko ng soberanya kundi pagsuko ng isang akusado. Uulitin po natin ang sinabi ng Pangulo sa SONA 2022, “I will not preside over any process that will abandon even one square inch of territory of the Republic of the Philippines to any foreign power.” Hindi po ibebenta o isusuko man ng Pangulo ang anumang parte ng ating karapatan sa bansa kaninuman.
MARICEL HALILI/TV 5: So, Usec, having that, you don’t see any basis for the President to be…I mean, isn’t this a ground for impeachment kasi isa rin po iyan sa sinabi ni VP Sara na sabi niya, “It’s an impeachable offense. It’s a culpable violation of the Constitution and betrayal of public trust.”
PCO USEC. CASTRO: Tama po. Ang opinyon na nanggagaling sa Bise Presidente ay walang pinanggagalingan, walang basehan.
PIA GUTIERREZ/ABS-CBN: Ma’am, regarding pa rin po doon sa ICC arrest ni former President Duterte. The Office of the Ombudsman is requiring Marcos admin officials to file their counter affidavits, this is regarding Senator Imee’s request to probe high ranking officials of the government involved in the arrest. Una po, ano po iyong reaksiyon ng Malacañang dito and do we expect the administration’s full cooperation on the matter?
PCO USEC. CASTRO: Alam naman natin po kung ano po ang kapangyarihan ng Ombudsman. Sa napakabilis pong pag-aksiyon ng Ombudsman sa reklamo pong ito ni Senator Imee Marcos, tayo naman po ay tutugon. Ang mga nasabing mga opisyal ay tutugon po at sila po ay magsa-submit ng kanilang mga counter affidavits. At muli sasabihin natin, ang kanilang mga ginawa ay naaayon sa batas.
PIA GUTIERREZ/ABS-CBN: May directive po ba na specific si Pangulong Marcos tungkol dito?
PCO USEC. CASTRO: Unang-una po lagi naman pong sinasabi ng Pangulo, ‘sundin ang batas, kung ano ang procedure na valid at legal dapat lamang pong sundin.’
IVAN MAYRINA/GMA 7: Nabanggit ninyo po iyong napakabilis na aksiyon, ano hong ibig sabihin ninyo doon, Usec?
PCO USEC. CASTRO: Mabilis ho naman talaga.
IVAN MAYRINA/GMA 7: But is there anything unusual with the speed at which the Ombudsman issued that order?
PCO USEC. CASTRO: Wala po akong masasabi, basta ang sabi lamang po natin ay mabilis po ang pag-aksiyon.
IVAN MAYRINA/GMA 7: Thank you.
ALVIN BALTAZAR/RADYO PILIPINAS: Usec, good morning po uli. I’m sorry, Usec, for bringing this up again, regarding doon sa ilang ulit nang hindi pagkakabanggit ng Pangulo doon sa pangalan ni Congresswoman Camille Villar sa mga nakaraang campaign sorties. Malapit nang matapos iyong pangangampanya, and again, Usec., ano bang status ni Congresswoman Camille sa Pangulo? Naroroon pa po ba iyong tiwala, bahagi pa rin siya ng Alyansa?
PCO USEC. CASTRO: Unang-una po, ang Pangulo po, ang nais niya na makasama sa gobyerno ay ang mga taong tapat sa tao, tapat sa tungkulin at hindi pansarili ang inuuna. Pinili po ng Pangulo ang mga senatoriables po sa Alyansa dahil iyon po ang kaniyang paniniwala. Kung mayroon man pong hindi makakatugon sa ganitong klase ng kaniyang paniniwala na maging tapat sa tao, maging tapat sa taumbayan, ang tiwala pong iyon ay maaaring mawala.
MARICEL HALILI/TV5: Sorry, ma’am, what do you mean by that? Was it a deliberate effort from the President not to mention the name of Representative Camille Villar doon sa sunod-sunod na mga proclamation rally?
PCO USEC. CASTRO: Ang hindi po niya pagbanggit sa aking natatandaan ay iyong nangyari sa Cebu, ang pinakahuli. Pero kung anuman po ang—papaano niya ito nagawa o papaano niyang hindi nabanggit ang pangalan ni Camille Villar, tingin ko po ay nasa Pangulo po iyon. Wala po tayong personal knowledge kung anuman po iyong kaniyang nasa isip o nasa kaniyang damdamin ng mga oras na iyon.
MARICEL HALILI/TV5: Pero mayroon po bang nabanggit si Presidente personally kung ano po ang tingin niya ngayon doon sa status ni Representative Villar?
PCO USEC. CASTRO: Sa akin po, personally, wala. Tanungin po natin, kung mayroon po, kay Congressman Toby.
CLEIZL PARDILLA/PTV 4: Good morning, Usec. Balikan ko lang po iyong sa eleksiyon. Days before the election gaano po kahanda tayo in terms of polling precincts and security to ensure the safety of our voters? Thank you po.
PCO USEC. CASTRO: Uunahin ko po muna ang Department of Education, dahil alam po natin na mga guro ang makakasama po para sa eleksiyon sa May 12. Ang sabi po ni DepEd Secretary Sonny Angara, handa na po sila at magsasagawa po sila ng nationwide deployment, ang DepEd Election Task Force, para sa real time monitoring, tulong at agarang tugon sa mga insidente, simula sa Linggo, May 11. At may nakalaan pong pondo para sa mga honorarium sa mga magsisilbi ngayong halalan at para na rin po sa paghahanda at paglilinis ng mga paaralan bago at matapos ang eleksiyon.
Mayroon na rin po, kasado na rin daw po ang partnership ng DepEd sa COMELEC, AFP at PNP para tiyakin ang security, legal at medikal na tulong para sa mga guro sa halalan at makakatuwang din po ang IBP at ang PAO para magbigay po ng libreng legal assistance sa ating mga guro laban sa anumang harassment at legal threats. At ang sabi po ni Secretary Angara, ‘sa araw ng halalan, kasama ng mga guro at kawani ang buong puwersa ng pamahalaan – bantay, alalay at proteksiyon ang hatid sa ating mga guro ng bayan,’ so iyan po ang mensahe.
PCO USEC. CASTRO: Okay, bago po natin ibigay ang isa pang good news, gusto lamang po natin muling linawin. Noong tayo po ay nag-present ng larawan ni First Lady kasama po iyong mga representatives ng Girl Scout of the Philippines, ang date po noon ay March 11, nabanggit ko po na March 11, pero kalagitnaan nabanggit ko iyong May 11, pero May 7 pa lang po ngayon. So, iyong picture po, iyong larawan po na nandoon din po sa Facebook account ni First Lady ay March 11 at iyon nga rin po ang nabanggit ko, dahil parang sa pangalawang banggit ko ng buwan, ng araw ay nabanggit kong May 11, at na-pick po ito ni Miss Pia, so March 11 po iyon.
At bago pa tayo magtapos, isa pa pong good news: Alinsunod sa utos ni Pangulong Marcos Jr., na tiyaking walang Pilipinong maiwan offline, pinangunahan ng Department of Information and Communications Technology ang pagpapatupad ng ‘Digital Bayanihan’. Dito, nagbigay ang ahensiya ng laptops sa mga community college sa Camarines Sur sa ilalim ng CLICK o Courses for Literacy in Internet and Computer Knowledge na program ng DICT kung saan isinusulong na ang digital access ay isang basic right at hindi lamang pribilehiyo. Inaasahang makakatulong ang mga laptop na ito sa mga estudyante, guro, non-teaching personnel at maging local government workers para matuto, maging innovative at magkaroon ng mga bagong oportunidad.
Dahil sa enhanced access sa digital resources, inaasahan din na makakakita ng improved productivity, mas mahusay na academic outcomes at isang henerasyon ng tech savvy at future-ready na mga Filipino.
[VTR]
At dito po nagtatapos ang ating briefing. Maraming salamat, Malacañang Press Corps, at magandang tanghali para sa Bagong Pilipinas.
###