Press Briefing

Malacañang Press Briefing of Palace Press Officer and Undersecretary Atty. Claire Castro


Event PCO Press Briefing with MPC
Location New Executive Building, Malacañang, Manila

PCO USEC. CASTRO: Magandang araw, Malacañang media, welcome sa ating briefing ngayong araw. Narito po tayo para sa isang mahalagang anunsiyo.

Kinukumpirma po na vineto [veto] po ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang House Bill No. 8839 na kilala bilang “An Act Granting Philippine Citizenship to Li Duan Wang.” Sa kaniyang veto message ay sinabi ng Pangulo and I quote: “I am unable to blindly ignore the alarming and revealing warnings raised by our relevant national agencies that find the subject grantee’s character and influence to be full of ominous and dire consequences, if not, of a clear and present danger.

Ayon sa Pangulo, ang ipagsawalang-bahala ang babalang ito ay tila pagsuway sa ating tungkulin sa sambayanang Pilipino. Ang Filipino citizenship ay isang pribilehiyo at hindi ipinamimigay nang basta-basta, hindi rin ito dapat gawing kasangkapan upang pagbigyan ang pagsulong ng mga kaduda-dudang interes.

Sinabi rin ng Pangulo na kapag tayo ay nagbigay ng Filipino citizenship, higit pa sa mga ligal na karapatan ang ating ibinibigay – binubuksan natin ang buong karangalan ng ating kasaysayan, ang ating lahi at ang ating pamana kaya dapat ang tatanggap nito ay sumasailalim din sa mga adhikain ng ating bayan.

Handa na po tayong sumagot sa inyong mga katanungan.

TUESDAY NIU/DZBB: Hi, ma’am. I was about to ask kung ano po iyong basis sana ni Presidente for vetoing that legislative naturalization. Pero since nabanggit na po ninyo, I understand iyong sinusulong nilang legislation for that, ma’am, ay supported by majority of the senators. So, is there any message of the President to the senators na nagbaba dito sa legislation na ito?

PCO USEC. CASTRO: Unang-una po, nais ipaalam ng Pangulo na kung may mga kaduda-dudang interes at hindi naman po bingi ang ating Pangulo para dinggin at pakinggan kung ano iyong kaniyang mga nakukuhang mga data or facts about supposed to be grantee. So, kung nagkaroon man ng desisyon ang Kongreso na patawan or bigyan ng Philippine citizenship itong si Li Duan Wang, hindi po kumbinsido ang Pangulo. At iyon lamang po, hindi natin ipamimigay ang Philippine citizenship kung may mga kaduda-dudang interes iyong tinatawag na grantee.

PIA GUTIERREZ/ABS-CBN: Hi, ma’am. Ma’am, there have been speculations about the President’s health lately. Kumusta na po ang Pangulo?

PCO USEC. CASTRO: Kung makikita ninyo po, iyan naman po ay talagang pinapakalat – siguro para palabasin na ang Pangulo ay hindi maganda ang kalusugan, not in good health. Mapapansin ninyo po, siguro po kahit po iyong mga media, halos araw-araw naman po ay nakikita ninyo ang Pangulo sa kaniyang mga activities at sa kaniyang pagsama dito sa Alyansa.

Maliban diyan ay mayroon pa rin po siyang mga meeting kasama po kami, at sa aking perspektibo dahil nakakasama tayo mismo ng Pangulo, maganda po ang kalusugan ng ating Pangulo dahil kung hindi po maganda ang kalusugan ng ating Pangulo, malamang ay hindi na po siya nakakaganap ng kaniyang mga tungkulin sa araw-araw.

At ang aking pakiusap lamang po sa mga fake news peddlers, huwag ninyo pong gawan ng kuwento ang Pangulo patungkol sa kaniyang kalusugan. Hindi po iyan maganda para sa ating bansa, dapat po ipagdasal pa po natin na maging maganda ang kalusugan ng mga namumuno sa atin. At iwasan po nila na magbigay ng speculation; kahit hindi po doktor ay nagpapakadoktor sa social media.

MARICEL HALILI/TV5: Good morning, Usec. Ma’am, may we have your reaction about the statement of Honeylet Avanceña congratulating the current administration for the situation of kidnapping and killings in the country? There was, I think, a sarcasm in her tone.

PCO USEC. CASTRO: Nakakalungkot dahil muli mababanggit na naman natin ang mga kaalyado ni dating Pangulong Duterte. Hindi po ginagawa na katatawanan ang isang ganitong klaseng sitwasyon.

Kaya kay Ms. Honeylet Avanceña, huwag ninyo pong gawin na issue dahil may buhay po ditong nakasalalay, may mga buhay na nawala. Huwag ninyong gawing issue ito at gawin ninyong katatawanan ang gobyerno.

Hindi natin malaman bakit ganoon ang naging attitude ni Ms. Honeylet. Parang ikinatutuwa pa ba niya na may mga ganitong sitwasyon sa bansa. Hindi ba dapat bilang Pilipino, nagkakaisa tayo upang ang bansa natin ay umangat hindi para lamang para sa taumbayan at para na rin mapakita natin sa buong mundo na ang Pilipinas, at ang mga Filipino ay nagkakaisa.

Huwag silang gumawa ng gulo dahil hindi po iyan maganda. Huwag nilang simulan ang gulo sa pamamagitan ng pagbibigay ng ganitong mga klaseng remarks o pananalita.

Ang Pangulo po at ang administrasyon ay kinukondena ang bawat krimen na nangyayari sa bansa. Sa katunayan nga po, nagpatalaga na po ang Pangulo – nagkaroon na po ang PNP ng Special Investigation Task Force para mag-focus po sa kaso na ito ni Mr. Anson Que.

At itong si Police General Elmer Ragay, a former Director of the Anti-Kidnapping Group ay na-relieve na po dahil hindi po nasisiyahan sa pagkakataong ito sa kaniyang performance. Kaya po ang itinalaga ay si Police Colonel David Poklay na dati pong Criminal Investigation and Detection Group, kasama po siya diyan dati.

So, makakaasa po ang taumbayan at ang buong sambayanan na hindi po tutulugan ng gobyerno ang mga ganitong klaseng sitwasyon. Pananatilihin po natin na magkakaroon ng hustisya, bibigyan natin ng hustisya ang dapat na bigyan ng hustisya at hindi po natin hahayaan na mangyaring muli ang naganap sa mga naging biktima ng EJK.

Kaya muli, pinapanawagan po natin kay Ms. Honeylet Avanceña: Huwag na po sana mamutawi sa inyong bibig ang mga ganitong klaseng pananalita dahil hindi po rin natin gugustuhing i-congratulate ang dating Pangulong Duterte sa mga nagawa pong EJK dahil po buhay po ang pinag-uusapan dito.

At dito na po natatapos ang ating briefing sa araw na ito. Maraming salamat po para sa Bagong Pilipinas.

 

###