Press Briefing

Malacañang Press Briefing of Palace Press Officer and Undersecretary Atty. Claire Castro with ICC-Accredited Lawyer Atty. Joel Butuyan


Event PCO Press Briefing with MPC

PCO USEC. CASTRO: Good morning. Magandang umaga, Malacañang Press Corps, welcome sa ating press briefing ngayong araw. Simulan natin sa magandang balita na dala ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Bagong Pilipinas. Panoorin po natin ang mga good news na handog ng PhilHealth at ng Office of the President.

[VTR]

PCO USEC. CASTRO: At ito po ang mga good news natin sa araw na ito.

Makakasama rin po natin maya-maya lamang ang isang eksperto, ICC-accredited lawyer at international law expert na si Atty. Joel Butuyan. Pero bago po iyan, handa na po tayong sumagot sa inyong mga katanungan.

PIA GUTIERREZ/ABS-CBN: Hi, ma’am, magandang umaga. Ma’am, can we get Malacañang’s reaction to the decision of the Timor-Leste Court of Appeals to reject the request of the Philippine government for the extradition of former Congressman Arnulfo Teves Jr.? At ano po ang susunod na mga legal actions na gagawin ng gobyerno tungkol dito?

PCO USEC. CASTRO: Medyo nagulat po ang administrasyon lalung-lalo na po ang DOJ patungkol po dito dahil ayon po sa kanila ay nagawa naman po nila lahat at naibigay po lahat ng mga ebidensiya at mga records po para po ma-grant ang extradition. Naipakita rin po nila na wala po tayo ngayong death penalty at ito ay suspended.

Pero dahil po dito, nagkaroon po sila ng pagsusuri at, in a way, nagtaka rin po dahil sa pangalawang beses po ay talagang na-grant po iyong petition natin for extradition. At lumalabas nga po ay itong apela lamang po ang na-grant po pabor po kay dating Congressman Teves, at ang naging isyu lamang po yata dito ay mga teknikalidad patungkol po doon sa umiiral na batas sa atin.

Pero ayon po sa DOJ, at nakausap po natin si Asec. Mico, ay mag-aapela po sila, magpa-file po sila ng appeal sa Court of Appeals po ng Timor-Leste.

PIA GUTIERREZ/ABS-CBN: May reaksiyon na po ba tungkol dito si Pangulo?

PCO USEC. CASTRO: Hinayaan na lang po natin muna sa DOJ kung ano ang dapat gawin, iyon po ang ayon sa Pangulo.

PIA GUTIERREZ/ABS-CBN: Ma’am, doon sa decision, the court, the Timor-Leste court cited a provision in their constitution which prohibits extradition if there is a “well-founded risk of being subjected to torture, inhumane, degrading or a cruel treatment”. Do you think that there is reason for the Timor-Leste court to fear that former Congressman Teves will be subjected to such treatment here in the Philippines?

PCO USEC. CASTRO: Kahit naman po sa Konstitusyon natin ay bawal po iyan. Kaya nga po noong sila po ay naglahad ng kanilang mga ebidensiya, ang ating administrasyon through DOJ, ipinakita po natin na ang lahat ng mga ito ay hindi po mangyayari sa ating administrasyon. At Nagtataka nga po sila kung bakit po kaya nabaliktad po ang unang desisyon po ng korte po ng Timor-Leste. Kaya po sa pamamagitan po ng appeal na kanilang isasampa, ipapakita po nila na dapat po talagang ma-grant ang extradition.

MARICEL HALILI/TV5: Good morning, ma’am, one quick follow-up lang. Gaano kalaking setback ito in terms of the investigation against Congressman Teves?

PCO USEC. CASTRO: Malaki po ang magiging impact po nito considering na may mga diumano’y biktima na nag-complain naman laban po kay dating Congressman Teves. So, kaya po hangga’t makakaya ng administrasyon, ilalaban pa rin natin ito para po sa hustisya sa mga diumano’y biktima.

JEAN MANGALUZ/PHILSTAR: Good morning. Justice Secretary Remulla admitted that the justice system in the Philippines has failed the EJK victims and that cases are very hard to pursue here. So, are we still capable of pursuing drug war cases beyond former President Duterte? How are we looking for accountability for other drug war suspects?

PCO USEC. CASTRO: Sa ngayon po, hindi po tayo tumitigil na magbigay ng hustisya; hindi rin po natin tinitigilan ang paglaban sa mga iligal na droga. Kakayanin po natin ito at hindi po tayo magsasawalang-bahala po patungkol dito.

JEAN MANGALUZ/PHILSTAR: Quick follow up. Are we taking specific steps to address the systematic—supposed systematic lapses in the justice system?

PCO USEC. CASTRO: Ngayon po, nakikita po natin kung papaano po magtrabaho ang administrasyon. Nagkataon lamang po siguro kaya nagkaroon po ng kaso sa ICC dahil gumagana man po ang hustisya sa ibang tao, nagkataon lamang po siguro na iyong hustisya na dapat na makamit dahil sa pangyayari sa war on drugs ay hindi nakamit sa panahon ni dating Pangulong Duterte.

JEAN MANGALUZ/PHILSTAR: Pero, how will we pursue justice in the Marcos administration?

PCO USEC. CASTRO: Kung mayroon pong mga nag-file ng complaint at kumpleto naman po ang ebidensiya at mapapakita po na dapat pong iakyat ang mga kasong ito sa korte, iyan po ang gagawin ng DOJ.

ANN SOBERANO/BOMBO RADYO: Usec., good morning. Reaction lang din from the Palace. Former Presidential Spokesperson Harry Roque said that he is no longer in The Hague at pinu-formalize na lang daw po niya ngayon ang kaniyang asylum process. Reaction po!

PCO USEC. CASTRO: Siguro po, mas maganda po talaga since hindi naman po siya parte ng legal team ni dating Pangulong Duterte, hindi po ba iyan ang kaniyang dahilan kung bakit hindi siya uuwi. Mas maganda pong umuwi muna siya dito at patunayan niya po talaga na siya po ay walang kasalanan. Sabi nga po natin, siya mismo po ang nag-amin, siya po mismo – galing sa kaniyang bibig ang mga kuwento, ang mga dokumentong kaniyang sinabi sa Quad Comm hearing. Hindi po ba mas maganda na siya na rin po ang mag-present nito para mapatunayan niyang siya ay malinis.

ANN SOBERANO/BOMBO RADYO: Ma’am, since wala pa pong kaso laban kay Atty. Roque and wala na po siya sa The Hague, nagtatago na po siya ngayon, ano na lang po puwedeng gawin ng gobyerno? I-monitor po ba siya o makipag-coordinate kayo sa Interpol sa whereabouts niya?

PCO USEC. CASTRO: Hangga’t wala po kasing kaso, hindi siya maituturing na fugitive, hindi naman po natin mahihiling sa Interpol na magkaroon ng Red Notice – most probably Blue Notice. Pero isasangguni po muna natin sa DOJ kung ano po iyong susunod nilang hakbang.

MARICAR SARGAN/BRIGADA NEWS FM: Good morning po, Usec. May lumabas po na report na diumano nag-file daw po o nag-request ng asylum si former President Rodrigo Duterte sa China pero na-deny. May information po ba iyong Palace dito? Ano po iyong nakarating sa inyo?

PCO USEC. CASTRO: Wala po kaming ganoong impormasyon na natanggap. Hindi po iyon ang mga lumalabas na info na dumarating sa Palasyo.

MARICAR SARGAN/BRIGADA NEWS FM: Ano po iyong nakarating, ma’am?

PCO USEC. CASTRO: Na pauwi siya mula sa Hong Kong [laughs], iyon lang.

MARICAR SARGAN/BRIGADA NEWS FM: So, wala pong nakaraang about asylum?

PCO USEC. CASTRO: Wala po, wala po. Walang nakarating sa amin.

EDEN SANTOS/NET25: Good morning po, Usec. Sa hearing po kahapon ng committee ni Senator Imee Marcos ay dineny [deny] ni Secretary Remulla na hindi po si PBBM, hindi rin po si Secretary Gibo at si Secretary Año iyong sinasabing mastermind noong pag-aresto po kay dating Pangulong Rodrigo Duterte. Sino po iyong nag-utos sa PNP especially kay General Torre para po isagawa iyong pag-aresto sa dating Pangulo?

PCO USEC. CASTRO: Itatanong ko lang po, sino po ba nagsabi—sino po iyong nagsalita, nagsabi ng word na “mastermind”?

EDEN SANTOS/NET25: Iyon po ‘yung binabanggit sa senate hearing kahapon. So, kung hindi man mastermind—

PCO USEC. CASTRO: Oo, tanong ko lang po kasi para po—

EDEN SANTOS/NET25: Sino po iyong nag-utos? Ayun na lang po iyong word.

PCO USEC. CASTRO: —so we have to correct that. May mastermind ba tayong nadinig? Kasi for us, it’s… medyo negative iyong dating, parang mafia iyong dating.

EDEN SANTOS/NET25: Sino po iyong nag-utos kung hindi po mastermind?

PCO USEC. CASTRO: Unang-una po, nagpapasalamat po tayo na nagkaroon po ng senate hearing patungkol dito. Mas naliwanagan ang tao, ang taumbayan kung ano ba ang nangyari, napaliwanag po kung ano iyong batas at kung ano lang iyong ginawang batas kaya maraming salamat sa pagkakaroon po ng senate hearing na ito.

Kung sino po ang nag-utos, wala po tayong personal knowledge diyan; kung ano po ang napag-usapan, wala pa rin po tayong personal knowledge diyan; kung naganap na po ang dapat na naganap, iyan po ay naaayon naman po sa batas.

EDEN SANTOS/NET25: So, ibig sabihin po, sariling desisyon po ni General Torre iyong lahat ng nangyaring pag-aresto, pagsundo sa NAIA sa dating pangulo at sa kanilang grupo?

PCO USEC. CASTRO: Wala po akong sinabing ganiyan. Ang sinabi po lang naman natin, wala po tayong personal knowledge kung ano po ang napag-usapan nila.

EDEN SANTOS/NET25: Okay. ICC has no jurisdiction over the state but has jurisdiction over individuals according to Justice Secretary Remulla. Can you elaborate po itong binanggit niyang ito or can you explain it para po mas maliwanagan ng taumbayan?

PCO USEC. CASTRO: Kasama natin po mamaya si Atty. Joel Butuyan at siya po ang mag-i-explain patungkol po diyan.

PIA GUTIERREZ/ABS-CBN: Ma’am, itatanong ko lang kung may directive po ba ang Malacañang sa mga awtoridad patungkol po doon sa situation sa NLEX, iyong heavy traffic po doon sa NLEX because there are fears that there may be economic implications lalo na at nabanggit na iyong repair ng Marilao Interchange Bridge may take two to three weeks after iyong nangyari doong aksidente?

PCO USEC. CASTRO: Tatanungin po muna natin sa pinaka-head po ng ahensiya dahil as of the moment, wala po tayong impormasyon patungkol po diyan. Pero ibibigay po namin ang agarang kasagutan kapag po nakausap na po natin.

At ngayon po, makakasama natin ang ICC-accredited lawyer and international expert na si Atty. Joel Butuyan para magbigay po ng linaw sa iba pa pong katanungan. Good morning, Atty. Joel.

ATTY. JOEL BUTUYAN: Good morning, Usec. Claire, at maraming salamat sa imbitasyon ngayong umaga.

PCO USEC. CASTRO: Opo. Kahapon po sa senate hearing ay marami pong naging issue pero hindi po masyadong na-elaborate iyong mga sagot dahil po minsan ay naka-cut po agad. Unahin po natin, Atty. Joel, sinasabi po na mukhang labag ang ginawa sa pag-surrender kay dating Pangulong Duterte na walang court order. Maaari ninyo po bang i-explain dahil ang sinasabi po ni SOJ Boying Remulla ay nasa batas naman po ng RA 9851 na puwedeng i-surrender sa international court? Pakiliwanag nga po iyan, Atty. Butuyan.

ATTY. JOEL BUTUYAN: Usec. Claire, dalawang basehan iyong validity ng implementation ng warrant of arrest ‘no: Unang-una, nandiyan iyong Republic Act 9851 which is actually a mirror image of the Rome Statute, ito iyong statute ng ICC and nakasaad doon sa may Article 17 ng RA 9851 na kapag may warrant of arrest na inisyu ang isang international court, mayroong option ang Pilipinas na i-surrender directly to the international court iyong suspect ‘no, isa iyon; pangalawa, iyong Article 59 ng Rome Statute – nakalagay doon na kapag inaresto iyong isang tao sa Pilipinas ‘no halimbawa, ang procedure ay puwedeng idaan sa competent judicial authority at mayroon lang na very basic na puwedeng tanungin iyong competent judicial authority; wala na siyang jurisdiction para kuwestiyunin pa iyong validity ng warrant of arrest, nakalagay doon sa Article 59 mismo. Ang puwede niya lang gawin is i-verify iyong identity ng naaresto kung siya nga iyong nakalagay sa warrant of arrest and to make sure na iyong rights noong arrested person ay respected pursuant to our domestic law ‘no.

Ngayon, mayroon nang decision ang ICC mismo with respect to ano ba iyong binding effect ng procedure under Article 59 kung kinakailangang dumaan sa domestic judicial authority. Sabi ng ICC sa Ongwen case noong 2015, na there is no duty on the arresting country to follow the procedure under Article 59. So, hindi kinakailangang dumaan sa domestic judicial authority, for as long as iyong substance ng Article 59 is complied with, which is, iyong identity ng accused at saka kung respected iyong rights ng accused – anong nangyari sa pag-aresto kay former President Duterte – binasahan siya ng Miranda rights niya. So, that’s pursuant to our domestic law on arrest and then mayroon siyang abogado doon, hindi lang isa, dalawa.

So, iyong substance ng Article 59 were actually complied with, so talagang both under our local law and under the ICC statute [are] complied with; valid iyong implementation ng warrant of arrest, Usec. Claire.

PCO USEC. CASTRO: Ibig sabihin, Atty. Butuyan, kahit hindi po tayo miyembro dito sa ICC at ang ginamit natin primarily ay ang ating batas ng RA 9851, kung tatanungin pa rin nila kung may substantial compliance tayo dito sa Article 59 ng Rome Statute, ibig sabihin nakapag-comply tayo, although hindi iyon iyong ginamit natin na batas kung hindi iyong RA 9851, ganoon po ba iyon?

ATTY. JOEL BUTUYAN: Tama iyon, Usec. Claire. We fully complied with our domestic law, dahil nga mayroong discretion iyong Philippine government to directly surrender the suspect to the international court.

PCO USEC. CASTRO: Okay, so hindi po kailangan ng court order, katulad po ng sinabi ninyo?

ATTY. JOEL BUTUYAN: Sa batas po natin, hindi na kailangan ng court order.

PCO USEC. CASTRO: Mayroon po, siguro nadinig po ninyo sa hearing kahapon, sinasabi po ni VP Sara na ito daw ay maliwanag na warrantless arrest dahil ang warrant of arrest ay dapat daw nagmumula sa local courts ng Pilipinas. Ano po ang masasabi po ninyo doon?

ATTY. JOEL BUTUYAN: Mayroon pong warrant of arrest and it was issued by an international court na naging miyembro tayo. So, hindi po totoong warrantless arrest ito, dahil talagang mayroong warrant covering the arrest of the former President.

PCO USEC. CASTRO: Iniisyu rin po, na sabi ni Senator Imee dahil ang una yatang ipinakita ay e-warrant. Ano po ang masasabi ninyo sa batas po natin patungkol sa e-warrant of arrest?

ATTY. JOEL BUTUYAN: Usec. Claire, sa batas mismo natin, hindi kailangang ipakita iyong physical warrant of arrest at the time of arrest for as long as there exist a warrant of arrest, pupuwedeng mag-aresto. In fact, puwede na sa atin iyong e-warrant na sinasabi, doon sa revision ng ating Rules of Court. Even sa ICC mismo, hindi kailangang ipakita iyong physical warrant of arrest dahil pupuwedeng e-warrant din iyan. In fact, iyong proceedings ng ICC, even iyong kanilang trial, lahat, paperless na iyan, talagang ano na lahat, talagang e-documents lahat iyong ginagawa doon.

PCO USEC. CASTRO: Pero kung napanood po ninyo iyong hearing kahapon, may ipinakita po kasing video na sinasabi ni dating Pangulong Duterte, kasi may ipinapakita sa kaniya na warrant of arrest, parang sinabi niya na bakit ninyo ipapakita sa akin iyang papel na iyan, so it means mayroon ding physical copy ng warrant of arrest na ipinakita sa kaniya?

ATTY. JOEL BUTUYAN: Tingin ko prinint iyong e-warrant na iyon at ipinakita sa kaniya, at valid po iyong ganoong klaseng procedure.

PCO USEC. CASTRO: Valid po iyon?

ATTY. JOEL BUTUYAN: Oho.

PCO USEC. CASTRO: Ito pa po, Attorney, sinabi po ni VP Sara, lumalabas daw po na ito ay extra rendition lamang, ano po ang masasabi ninyo doon?

ATTY. JOEL BUTUYAN: Iyong extra rendition (extraordinary rendition) ay iyong pag-aresto ng parang, isang terorista na isu-surrender sa isang country, sa ibang country, hindi sa international court ‘no. Doon, walang warrant of arrest iyon, iyong extra rendition, ito mayroon pong warrant of arrest issued by an international court and hindi ito country to country, so hindi ho extra rendition iyong nangyari dito.

PCO USEC. CASTRO: At isa pa po, pinag-uusapan din po iyong diffusion at saka iyong red notice, ang sabi po kasi ang natanggap po nila ay iyong wanted person diffusion. So, ano po sa tingin po ninyo, nakapag-comply po dahil hindi daw po red notice ang natanggap, ano po ang masasabi po ninyo doon?

ATTY. JOEL BUTUYAN: Para sa akin, Usec. Claire, iyong Interpol actually is just an international coordinating organization, hindi siya talagang iyong may power to really have a warrant effected ‘no. Siya lang iyong nagko-coordinate na para maibigay iyong warrant of arrest na galing sa isang, either isang country o isang international court and idadaan papunta doon sa isang country na may custody ng suspect.

So whether it’s diffusion or red notice iyan, it doesn’t matter kasi talagang kung iyong red notice, binibigay iyan ‘shotgun’ sa lahat ng mga members ng Interpol; iyong diffusion, usually country to country iyan. Pero regardless of the terminology, coordinating agency lang, organization lang iyong Interpol. Ang mahalaga is valid warrant of arrest iyong ibinigay ng Interpol sa atin regardless of how it gave it to us.

PCO USEC. CASTRO: So, in other words, Atty. Butuyan, kapag wanted person diffusion at may nakalagay doon na nagpapatulong para arestuhin, kailangan pa rin pong makipag-coordinate ang gobyerno natin sa Interpol?

ATTY. JOEL BUTUYAN: Pupuwede pong ano—kailangang makipag-coordinate rin dahil member tayo ng Interpol. Pero kagaya nga po ng sinabi ko, kung sinerve sa atin iyan ng Interpol, ibig sabihin valid iyong warrant of arrest na iyan and mayroon talaga tayong obligation na i-implement iyong warrant of arrest na iyan.

PCO USEC. CASTRO: Tinanong din po kasi ni Senator Imee, kapag daw po hindi tayo nakipag-coordinate sa Interpol, ano po iyong maaaring maging consequence nito?

ATTY. JOEL BUTUYAN: Pupuwede pong sa susunod na sila naman iyong may kailangan ay hindi naman tayo pagbibigayn ng Interpol kung sakaling mayroon tayong request for extradition halimbawa or implementation of a warrant ng halimbawa ng citizen natin or any foreigner who commits a crime in the Philippines and we request for the custody of that suspect or that accused ay puwede tayong hindi pagbigyan because we violated our commitment sa Interpol.

PCO USEC. CASTRO: Mayroon pa po kayong nais idagdag, iyong panghuling salita patungkol po dito sa pagsilbi ng warrant of arrest at pag-surrender kay dating Pangulong Duterte sa ICC?

ATTY. JOEL BUTUYAN: Nakita naman po natin iyong pag-serve ng warrant of arrest, naka-video nga lahat iyong mga pangyayari. And kung ikukumpara natin iyong pag-serve ng warrant of arrest kay former President Duterte sa pag-serve ng warrant of arrest sa ordinary suspect or criminal sa Pilipinas, eh sobrang nakakalamang si former President Duterte. In fact, ang daming privileges that was extended to him, over and beyond what is required by law. So, sa substance po, walang na-violate and valid iyong implementation ng warrant of arrest.

PCO USEC. CASTRO: Okay, maraming salamat, Atty. Butuyan.

ATTY. JOEL BUTUYAN: Salamat din po.

PCO USEC. CASTRO: At dito na lamang po nagtatapos ang ating briefing. Maraming salamat, Malacañang Press Corps, at magandang umaga sa Bagong Pilipinas.

 

###