PCO USEC. CASTRO: Magandang araw, Malacañang Press Corps.
Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na uusigin ng administrasyon ang sinumang nasa likod ng maanomalyang flood control projects ng pamahalaan, katuparan sa kaniyang naging pronouncements sa ikaapat na State of the Nation Address (SONA) at sisiguraduhing matutupad ito kahit pa man matamaan ang mga kontratista o sinumang malapit sa kaniyang puso kung sakaling mapapatunayan na may kinalaman sila sa maanomalyang proyekto.
Batay sa inisyal na impormasyon mula sa report ng DPWH, lumalabas na mayroong 9,855 flood control projects mula July 2022 hanggang May 2025 na nagkakahalaga ng 545.64 billion pesos. Sa nasabing bilang, 6,021 dito ay may project cost na mahigit 350 billion pesos na walang specific na sinasabi kung anong klase ng flood control structures ang ipinatayo, inayos o ni-rehabilitate.
Napansin ng Pangulo ang hindi pagkakatugma sa top ten provinces na may pinakamaraming flood control projects kahit ang iilan sa mga ito ay wala sa listahan ng top ten flood-prone provinces sa bansa tulad ng Cebu na may 414 projects, Isabela na may 341, Albay na may 273, Leyte na may 262 at Camarines Sur na may 252. Napansin din ni Pangulong Marcos Jr. na 20% sa total na 545 billion pesos budget ay nai-award sa 15 contractors lamang at lima sa mga ito ang may projects sa halos lahat ng rehiyon sa bansa.
Kasabay sa pagsasapubliko ng initial report sa flood control projects, inilunsad din ni Pangulong Marcos Jr. ang sumbongsapangulo.ph website na nagtatala ng lahat ng flood control projects. Sa tulong din ng website, maisusumbong ng taumbayan kung alin sa mga flood control projects ang palpak, hindi tinapos at iyong pawang kathang-isip lamang.
[VTR]
Pinuri naman ng Marcos administration si Pasig City Mayor Vico Sotto na agarang nagpakita ng suporta sa hakbang ng Pangulo na ipaalam sa taumbayan ang mga kontratista na may kinalaman sa mga flood control projects ng bansa. Kagaya ni Mayor Vico Sotto, hinihikayat din ng Malacañang ang lahat ng local government officials na makiisa sa panawagan ng pamahalaan na mag-report sa pangulo patungkol sa mga maanomalyang flood control projects.
Sa Facebook post ni Mayor Vico Sotto, malalaman kung sino ang mga namayagpag na mga contractor at mukhang iisa lamang ang may-ari – namayagpag sila noong nakaraang administrasyon hanggang ngayon.
Kahit anupaman ang gamiting pangalan ng inyong kumpanya, ang inyong trabaho ang susuriin at sa trabaho rin ninyo makikita kung may anomalya. Maging mapanuri! Mga dating na-blacklist, nag-iba lang ng pangalan at ngayon ay mukhang nakakapag-transact pa muli sa gobyerno. Mahiya naman kayo! Sagisag ito sa kahalagahan ng kolektibong aksiyon ng taumbayan at pamahalaan para labanan ang mga salot sa lipunan.
Sa hangarin na mabigyang-solusyon ang problema sa pagbaha sa bansa, binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagsasaayos sa mga flood control projects sa pamamagitan ng pagbibigay nang dagdag atensiyon sa mga ito. Ayon sa Pangulo, inaayos na rin ngayon ng pamahalaan ang mga sistematikong proseso ng pagsalo ng mga basura para hindi na ito makabara sa mga daluyan sa oras na tumaas ang tubig-baha.
Binigyang-diin din ni Pangulo ang anim na ongoing flood projects kung saan kasalukuyan nang tinatapos ang construction ng 1.43-kilometer drainage system sa Sumulong Highway.
Kahapon ay nagsagawa ng inspeksiyon si Pangulong Marcos Jr. sa Pasig-Marikina River Channel Improvement Project Phase IV sa Marikina Bridge Under Loop sa Barangay Santo Niño, Marikina City. Layunin ng proyekto na ito na mabawasan ang pagbaha dulot ng pag-apaw ng Pasig at Marikina Rivers; ito ay proyekto ng DPWH in partnership with the Japan International Cooperation Agency (JICA).
Sa isinagawang inspeksiyon, pinuri ng Pangulo ang pagiging handa ng lokal na pamahalaan ng Marikina sa pamumuno ni Mayor Marjorie Ann Teodoro dahil kahit na umabot sa third alarm ang Marikina River ay hindi tuluyang lumubog ang buong lungsod. Malaki rin ang improvement ng flood mitigation efforts ng Marikina, ibig sabihin ay gumagana ang kanilang flood control system. Hindi man perpekto sapagkat may naiulat pa ring pagbaha pero malayo na sa dating madalas na eksena ng pagtaas ng tubig sa lungsod.
Kagaya ng sinabi ng Pangulo sa kaniyang ikaapat na SONA, pananagutin ng pamahalaan ang sinumang umabuso sa paggamit ng pondo na para dapat sa flood control projects. Kahapon ay hinikayat din ng Pangulo na makilahok ang taumbayan at isumbong ang mga maanomalyang proyekto sa pamamagitan ng sumbongsapangulo.ph website.
Sa ilalim ng Marcos administration, makakatiyak ang bawat Pilipino na ang pera ng gobyerno ay mapupunta lamang sa mga proyektong makakatulong sa pag-angat at pagpapaganda ng buhay ng bawat mamamayan.
[VTR]
At maaari na po tayong tumanggap ng katanungan mula sa inyo.
CHLOE HUFANA/BUSINESSWORLD: Good morning, Usec. Given the ongoing budget preparations and the heavy reliance of some social programs on e-gaming revenues, when can the public expect a final decision on the online gaming policy so that any changes can be factored into the 2026 spending plan?
PCO USEC. CASTRO: Actually, nakausap po natin ang DBM at ngayon po kasi sila magsusumite ng budget, ng NEP, at ang panukala naman ng Pangulo na makausap ang mga stakeholders kasama na po ang representative mula sa mga simbahan ay hindi pa po ito nai-schedule as of the moment at ito pa lamang po ay kasasabi ng ating Pangulo lalong-lalo na doon sa MPC sa India. So, mag-i-schedule pa lamang po ang Pangulo para po makausap ang lahat ng maaaring mga concerned parties para maisagawa ang sapat na pag-aaral patungkol sa online gaming.
CHLOE HUFANA/BUSINESSWORLD: Kailan po natin i-expect itong scheduled consultation with stakeholders, within the month po kaya?
PCO USEC. CASTRO: Ah, maaasahan natin iyan pero tingnan po natin ang schedule ng Pangulo dahil marami pa po siyang… sa ngayon na schedule na ginagawa. Pero sa madali’t madaling panahon ay gagawin po iyan ng Pangulo.
CHLOE HUFANA/BUSINESSWORLD: And last question na lang, Usec. Si President said na a total ban would be bad. So, is he totally close na sa idea na wala nang total ban? Talagang regulation na lang?
PCO USEC. CASTRO: Maliwanag ang sinabi ng Pangulo diyan. Sa kaniyang opinyon, dapat aralin at hindi dapat magpadalus-dalos ng kilos dahil kailangan madinig natin lahat ng stakeholders at mga concerned parties patungkol dito. At ang sabi nga niya, hindi naman iyong paglalaro or iyong sugal mismo or online gaming ang nagiging problema kundi iyong pagiging addicted to gambling at iyon dapat ang umpisahan na masolusyunan. Pero ang sabi nga ng Pangulo, iyon lamang ay kaniyang opinyon at hindi pa po dito napapasama iyong mga dapat niyang madinig at kung sasabihin naman po sa nasabing pagmi-meeting or conference with other stakeholders na dapat na i-ban, iyon naman po ay gagawin ng Pangulo.
CHLOE HUFANA/BUSINESSWORLD: Thank you, Usec.
TRISTAN NODALO/NEWSWATCH PLUS: Hi, Usec. Good morning. Usec., nakarating na po kay Pangulong Marcos iyong panibagong insidente sa West Philippine Sea sa Bajo de Masinloc? Actually, dalawa po siya na nangyari kahapon: Iyong una, nagbanggaan iyong dalawang Chinese vessels habang hinahabol iyong Philippine Coast Guard vessel; and sa kabilang banda naman po, binomba rin po ng Chinese Coast Guard iyong BFAR vessels naman. So, ano po ang masasabi ng Malacañang dito sa nangyaring insidente po uli?
PCO USEC. CASTRO: Unang-una po, mapapakita natin kung gaano ba ka-strong leader ang ating Pangulo pagdating po sa ganiyang issue. Unang-una po sa nagbanggaan na dalawang Chinese vessels, makikita ninyo po kung papaano ba mamuno ang ating Pangulo dahil kahit na tayo iyong hinahabol ng Chinese vessels, ang Philippine Coast Guard, pero ninais pa rin nilang tumulong at magbigay ng ayuda or medical assistance kung kinakailangan ng mga nakasakay sa Chinese vessels na nagbanggaan. So, diyan natin makikita na kahit na pakiramdam natin ay tayo iyong naha-harass pero makakatulong pa rin ang mga Pilipino sa oras ng kagipitan.
At pangalawa naman po sinabi rin ng Pangulo na wala siyang ibibigay na panibagong instruction kundi mananatili pa rin ang pagprotekta sa karapatan ng Pilipinas, sa teritoryo at sa sovereign rights at maritime rights ng Pilipinas. At mananatili po tayo doon kung ano po iyong dating ginagawa, patuloy pa rin pong gagawin ng Philippine Coast Guard sa pagtulong sa mga mangingisda at pagprotekta sa ating maritime rights. At sinabi rin po niya na sa lahat ng laban ay hindi tayo aatras dahil ang mga Pilipino ay matatapang.
TRISTAN NODALO/NEWSWATCH PLUS: But, Usec., the Chinese foreign ministry din po ay nagbigay ng statement kagabi regarding the incident at sinabing ang Pilipinas daw po ang nag-i-infringe ng China’s sovereign rights sa Scarborough Shoal and these moves are of a malign nature. Sabi po ng China rin ay ginawa nila ito to safeguard their sovereignty and the Philippines’ intentional infringement and provocative activities are the root cause of the tensions.
PCO USEC. CASTRO: Okay. Hintayin po natin ang sagot ng DFA patungkol po diyan, pero alam po natin at mayroon naman pong naging arbitral award or ruling kung ano ang sinasabing karapatan ng Pilipinas. Kung ganiyan ang kanilang mensahe, hindi naman natin sila mapipigilan sa kanilang mga mensahe.
TRISTAN NODALO/NEWSWATCH PLUS: Thank you po.
AILEEN TALIPING/ABANTE TONITE: Good morning, Usec.
PCO USEC. CASTRO: Good morning.
AILEEN TALIPING/ABANTE TONITE: Update lang doon sa PrimeWater kung na iyong naging aksiyon ni Presidente doon sa recommendation ng LWUA sa kanilang investigation?
PCO USEC. CASTRO: Opo. Sa ngayon po, kahapon lamang po ay humingi rin po tayo ng update at hahayaan na lamang po natin ang Pangulo ang magsalita patungkol po dito. Pero soon—hintayin ninyo po, malapit na rin po iyan.
AILEEN TALIPING/ABANTE TONITE: Ma’am, may pakiusap lang iyong mga taga-Bulacan especially iyong subdivision na sobrang affected kung puwedeng madaliin na lang daw kasi hirap sila, hanggang ngayon poor service pa rin.
PCO USEC. CASTRO: Iyon po, iyan po ang ginagawa kaya makaasa po ang mga taga-Bulacan.
AILEEN TALIPING/ABANTE TONITE: Thank you, ma’am.
ANNE SOBERANO/BOMBO RADYO: Usec., good morning. Kahapon, Usec., sa privilege speech ni Deputy Speaker Antipolo Representative Ronaldo Puno, kaniyang isinusulong sa Kamara ang panukalang Constitutional Convention na layong linawin ang ilang nakakalitong probisyon sa ating 1987 Constitution. Partikular na tinumbok o inihalimbawa ni Representative Puno iyong salitang ‘forthwith’ na nasa Article XI, Section 3 and 4 sa impeachment dahil nagresulta ito ng kontrobersiya between sa dalawang kapulungan ng Kongreso. Ano po iyong reaction ng Malacañang dito?
PCO USEC. CASTRO: Actually, po sa mga ganiyan ay malalaman din naman po natin kung ano po ang isinaad noon ng mga framers of the 1987 Constitution. May mga pagkakataon lamang po siguro kahit maliwanag ang ibang mga definition or mga terms ay minsan napapalabo para mayroong mapaboran. At sa ngayon po ay hindi pa po masasabi ng Palasyo at ng Pangulo kung ano ang magiging reaksiyon dahil hindi pa naman po nakikita ang detalye ng gagawin patungkol po dito.
So, kung ito naman po ay ikagaganda at ikaliliwanag para hindi na mabutasan ang anumang mga provision dito sa Constitution ay hindi naman po ito tututulan ng Pangulo.
ANNE SOBERANO/BOMBO RADYO: Salamat, Usec.
CATHY VALENTE/THE MANILA TIMES: Hi. Hello, Usec. Good morning po. Usec., hingin lang po namin iyong reaksiyon ninyo doon sa naging statement ni Vice President Sara Duterte, ang sabi niya po, “Sa totoo lang, hindi naman po ako nagta-travel dahil gusto kong mag-travel. Nagta-travel ako, lumalabas ako ng bansa dahil frustrated ang Filipino communities abroad sa nangyayari dito sa ating bayan.” So, ano po ang statement ng Palasyo dito? Thank you.
PCO USEC. CASTRO: Well, una siguro nga po mapu-frustrate iyong mga kababayan natin abroad dahil ang Pangulo po ay nasa Pilipinas, nagtatrabaho, inaayos iyong mga problema at lumalaban sa mga anomaly at korapsiyon. Samantalang ang Bise Presidente ay madalas na nasa personal trip. At hindi po sagot ang pagbibiyahe para masolusyunan kung may problema man ang bansa. Hindi po trabaho ng Bise Presidente at wala po sa Konstitusyon na kailangan siyang magbiyahe para siraan ang Pangulo at para hilingin sa taumbayan ang pagbagsak at pagtanggal sa puwesto ng Pangulo, unang-una, dahil kapag pinatanggal po ang Pangulo sa kaniyang puwesto, ang makikinabang po diyan ay ang Bise Presidente. Hindi po iyon trabaho ng Presidente, maliwanag naman po siguro iyan sa ating Konstitusyon.
At siguro dapat mas maging maliwanag lamang na ang personal trip ay pang-personal agenda.
CATHY VALENTE/THE MANILA TIMES: Usec., isa pa po, sabi rin po ni Vice President Sara Duterte that she will explain the use of her confidential funds in the proper forum saying that the accusation should not be a mere ‘moro-moro’ or allegation with partisan motives. So, ano po ang reaction ninyo dito?
PCO USEC. CASTRO: Noon pa po dapat niya ginawa. Noon pa lang dapat nalinis na po sa COA pa lang noong nagkaroon ng AOM, bago pa nagkaroon ng notice of disallowance dapat ay naipaliwanag na nang maayos. Hindi na darating ito sa impeachment proceedings kung naging maliwanag lamang ang kaniyang pag-i-explain lalo na ng kaniyang mga tauhan na mula yata sa accountant hanggang kay Atty. Zuleika Lopez ay walang alam kung papaano nagastos ang confidential funds niya.
EDEN SANTOS/NET25: Good morning po, Usec. Regarding po sa investigation ng flood control projects. Kung ang DEPDev po, ang DPWH, Malacañang at ang House po iyong nagsasagawa ng investigation, papaano daw po makakakuha ng tamang pagdedesisyon sa mga taong sangkot po lalo na kung iyong iba po ay kaalyado ng administrasyon o kaya malapit po sa Malacañang ang ating mga kababayan?
PCO USEC. CASTRO: Sinabi po natin kanina, kahit malapit sa puso, kahit kaibigan, wala pong sisinuhin ang Pangulo – mananagot ang dapat managot. At sa pag-iimbestiga po hindi naman po kasama ang mismo ang DPWH, sila lamang po ang magbibigay, magpo-provide ng mga information, ng mga records dahil po ang siyang mag-iimbestiga rito po ay pangungunahan po ng Regional Project Monitoring Committees, at ang oversight team po ay ang Department of Economy, Planning and Development (DEPDev) regional directors, sila iyong chair; DBM regional directors, ang co-chair; DILG, regional director; at ang OP-PMS, regional team leader; at maaaring magkaroon din from the non-government or people’s organization as applicable. So, ang gagawin po nila, unang-una, ay site inspection, recording at saka po magri-report in consolidation.
So, lahat po ng naipon na records ng RPMC ay isusumite po ito sa DEPDev at iyong consolidated po ang siyang mismong ibibigay po sa Pangulo.
EDEN SANTOS/NET 25: Isang tanong lang po doon sa www.sumbongsapangulo.ph po. Mayroon po ba itong deadline kung hanggang kailan ang reporting ng ating mga kababayan? Mayroon po bang proteksiyon mula sa Pangulo o sa Malacañang iyong mga kababayan po nating magri-report doon dahil alam naman po natin na iyong mga projects na ito, ang nasa likod niyan ay mga congressman, mga maimpluwensiyang tao na baka kapag nag-report ay balikan po sila or malagay po sa alanganin iyong kanilang buhay at ang kanilang mga pamilya?
PCO USEC. CASTRO: Okay, wala po itong deadline, at hangga’t nandito po ang Pangulo bilang Pangulo ay mag-report po kayo at hindi po kinakailangang ilagay ang inyong pangalan. Huwag lamang po ninyo sanang gawing laro ang pagri-report, siguraduhin lamang po ninyo na iyong iri-report ninyo ay may basehan para po hindi naman masayang ang oras ng gobyerno para saliksikin pa po ang inyong ini-report, iyon pala ay niloko lamang po ninyo. So, sana po maging ano po, iyong verified at mayroon po talaga kayong alam patungkol sa mga projects na maanomalya at hindi po kinakailangang ilagay ang inyong pangalan kung kayo po ay natatakot sa pagri-report na ito.
MARICEL HALILI/TV5: Magandang umaga po, Usec. Usec., sabi ni Senator Ping Lacson, 60% of the budget for the flood control iyong nawawala due to corruption. How accurate is this and mayroon din po kasi silang sinasabi ni Mayor Magalong na nasa 67 congressmen daw iyong ginagamit na front itong mga contractor pagdating sa flood control, so sila iyong kumi-kickback. Mayroon na po bang pangalan na hawak ang Malacañang nitong 67 na ito? Ano iyong plano natin sa kanila?
PCO USEC. CASTRO: Okay, since sila naman po ang may alam dito, katulad nung ginawa po ni Mayor Vico Sotto, ipagbigay-alam po nila, kaya po mayroon po tayong sumbong sa Pangulo.Ph website, hindi na po nila siguro kailangang dito pa mag-report, i-diretso na nila ito sa Pangulo kung mayroon silang partikular na pangalan na alam at para po mas mabilis ang pag-iimbestiga. Welcome po lahat iyan at bigyan lang po nila ng kumpletong detalye.
Sabi nga po ng Pangulo, ayaw naman po nila—tayo, ng Palasyo—ayaw naman po nating magkaroon ng witch hunting na kahit wala pa pong ebidensiya, eh parang nalaman mo lang, ayon may anomalya, pero walang ebidensya, mahirap naman po, kasi baka iyong ibang inosente ay madamay.
MARICEL HALILI/TV5: Ano na po, ma’am, iyong status nung 15 contractors na ipinakita ni PBBM kahapon? Ibig bang sabihin noon—gaano kalaki iyong chances that they will be blacklisted?
PCO USEC. CASTRO: Ay hindi pa po, sinabi lang po, iyan na lang po iyong mga paunang impormasyon, na ito iyong medyo madaming mga projects na nakuha mula sa gobyerno. So, titingnan po natin, ang sabi naman po ng Pangulo, ang mga ni-report na ito, hindi naman ibig sabihin lahat iyan ay maanomalya. Mayroon naman na magaganda ang naging result na ginawa ng mga contractor na ito.
So, iyan po ang sisimulang imbestigahan, unang-una po, ang magiging basehan po nito ay kung existing ba iyong project; pangalawa, operational ba; pangatlo, kung effective. So, iyan ang titingnan, una ghost project ba iyan or existing; kung existing man, operational ba, gumagana ba; o kung gumagana ba, epektibo ba para sa pagkontrol ng baha.
CLAY PARDILLA/PTV 4: Good morning po, Usec. Usec., nabanggit po ninyo kanina iyong site inspection. Is it correct to say na nagsimula na po ito?
PCO USEC. CASTRO: Sa ngayon po, sa ngayon pong araw na ito dahil kakagawa pa lamang po, kakapahayag pa lamang po ng Pangulo kahapon, hihingi po ako ng detalye kung nagkaroon na ng site inspection. Pero bago po nag-report ang Pangulo sa bayan patungkol po dito, nakita na po natin mismo si DBM Secretary Amenah Pangandaman na siya mismo ang pumunta, kung hindi ako nagkakamali iyon ay sa Pampanga, dahil sa lubak-lubak na daan dahil sa naging cause ng pagbaha. So, isa lamang po iyong aksiyon na makikita natin at sunud-sunod po itong mangyayari.
CLAY PARDILLA/PTV 4: Ma’am, is there a new instruction from the Palace or from the President regarding entering into new contracts for flood control projects lalo na po iyong pagiging strict with companies that failed to complete?
PCO USEC. CASTRO: Definitely po, mas magiging istrikto kaya po nagbigay na po ng pahayag ang ating Pangulo kahapon at ibig sabihin, pati po kayo nasa media, magtulungan po tayo, mas maganda rin po na makita ninyo at maimbestigahan ninyo ang mga klase ng mga ito at mayroon nga po tayong nakita, may mga dati nang black listed, kasama na sa blacklist, pero nag-iba ng pangalan, pero ngayon ay parang namamayagpag pa rin. So, dapat iyon po ang bantayan natin at maging mapanuri tayo sa kanilang mga naging trabaho.
RACQUEL BAYAN/RADYO PILIPINAS: Usec., good morning po. 24-hours po after po i-launch ni Pangulong Marcos iyong sumbongsaPangulo website, would you know kung mayroon na po kayong mga report coming from public na pumasok sa website, and today po nabuksan na po kayo ulit ni Pangulong Marcos iyong website?
PCO USEC. CASTRO: Sa ngayon po ay hindi ko pa po nakausap ang ating Pangulo, pero siguro pagkatapos ng briefing, ako mismo ang titingin po.
MARIZ UMALI/GMA NEWS: Hi, Usec., good morning po. With regards to the issue on Bajo de Masinloc incident yesterday, how serious are the threats po, ma’am in Bajo de Masinloc for our Philippine Coast Guard and BFAR personnel to return so soon, when according to the original schedule, the mission was supposed to last for several more days?
PCO USEC. CASTRO: Okay, kahit anong klase na maaaring masabi nating pangha-harass eh, seryoso iyon dahil buhay din po ang nakataya rito. Pero hindi po nga aatras ang Pangulo, hindi po tayo magiging agresibo, dedepensa lamang po tayo, iyan din po ang sabi ng ating Pangulo. So, kung anuman po ang naging plano sa pagbibigay ng tulong sa ating mga mangingisda, hindi po iyon magbabago, tuluy-tuloy pa rin po iyon.
MARIZ UMALI/GMA NEWS: But the fact that the threat was there, they needed to come back right away, it’s not I didn’t want it, because apparently when I asked the President yesterday, I didn’t know that Raffy was in that boat, pero…
PCO USEC. CASTRO: What did you feel?
MARIZ UMALI/GMA NEWS: Relieved, ma’am. But anyway, going back, the threat was serious and real for the Philippine Coast Guard personnel, specifically in BRP Suluan to immediately come back.
PCO USEC. CASTRO: Muli, wala pang bagong instruction ang ating Pangulo, pero siyempre ang sasabihin ng Pangulo diyan, mag-ingat lamang po tayo at kailangan pa rin pong ipagpatuloy ang pagprotekta sa ating rights at ang pagtulong sa ating mga kapwa Filipino.
MARIZ UMALI/GMA NEWS: Sorry, one last lang. Do you think that the embarrassment that the Chinese experienced will in any way affect how they will act in the WPS?
PCO USEC. CASTRO: Hindi ko po masasagot. Siguro po iyong China mismo ang makaka…
MARIZ UMALI/GMA NEWS: Are you hoping?
PCO USEC. CASTRO: I just hope for the better world. Gusto ko mas maganda po, for the better result sa atin.
ANNA BAJO/GMA NEWS ONLINE: Good morning, Usec. Ma’am, may we just ask what if the president sees no reason to ask DPWH Secretary Bonoan and other concerned officials to recuse from the ongoing investigation ng flood control projects?
PCO USEC. CASTRO: Actually, sinabi ko na po kanina, hindi naman po siya kasama sa pag-iimbestiga, pero kinakailangan lang po kasi natin iyong mga records na magmumula din sa DPWH.
ANNA BAJO/GMA NEWS ONLINE: But, ma’am, how is the President’s trust and confidence po sa performance ni Secretary Manny Bonoan?
PCO USEC. CASTRO: Nananatili pa rin po ang tiwala kay Secretary Bonoan.
ANNA BAJO/GMA NEWS ONLINE: Ma’am, sorry, if I have to press this lang po. Ma’am, some lawmakers din kasi, they are urging the President to give names doon sa 15 contractors. So, ano po iyong intention ni President na i-release itong 15 contractors na ito?
PCO USEC. CASTRO: Dahil sila po iyong pinakamaraming project, so tingnan po natin kung ano ba iyong mga naging proyekto, sino ba iyong kumausap sa kanila, mga magaganda ba iyong mga naging trabaho nila, bakit parang sila lagi ang namamayagpag, so iyon po ang dapat kaya po iyan ni-release ng ating Pangulo.
ANNA BAJO/GMA NEWS ONLINE: Ma’am, will the President specify iyong names?
PCO USEC. CASTRO: Pulitiko?
ANNA BAJO/GMA NEWS ONLINE: Yes, ma’am, pulitiko, palace official or lawmakers?
PCO USEC. CASTRO: Kapag natapos na po iyong imbestigasyon?
SAM MEDENILLA/BUSINESS MIRROR: Good afternoon, ma’am. Itatanong lang po namin kung mayroon na po bang mga DPWH flood control projects iyong na-suspend amid the ongoing investigation po doon sa mga similar initiatives?
PCO USEC. CASTRO: Siguro, maya-maya lamang po, itatanong ko kung mayroon na pong update patungkol po diyan. Sa ngayon po ay wala pa po akong kopya kung may na-suspend, may napahinto, may natigil; alamin ko po maya-maya at kausapin din po natin si Secretary Bonoan patungkol po diyan.
SAM MEDENILLA/BUSINESS MIRROR: Last na lang for my part. May timeline po ba na binigay si President Marcos sa DEPDev to complete the audit noong mga flood control projects?
PCO USEC. CASTRO: Iyong timeline wala po tayong pag-uusapan dahil the sooner the better [na] mas mabilis ang trabaho. Hindi po ito tutulugan ng Pangulo, mas gusto niya po mas mabilis, iyon po.
SAM MEDENILLA/BUSINESS MIRROR: Thank you po
PCO USEC. CASTRO: At bago tayo magtapos, kaharap ang Malacañang Press Corps sa India, malinaw nating sinagot ang tanong patungkol sa ating reaksiyon kung nasaan ang Bise Presidente noong hindi masagot ng OVP spokesperson ang whereabouts niya noong araw na iyon. Ang sagot natin ay wala tayong impormasyon ukol dito; may nagbalita na papunta siya sa Kuwait, pero wala pang hinahain na request para sa travel authority. So, maliwanag – future – papunta or pupunta; iyan ang balita pero wala tayong impormasyon.
Pero ang sinabi ng Bise Presidente sa kaniyang panayam ay gumagawa tayo ng kuwento at sinabi natin daw na siya ay ‘pumunta’ [past tense] sa Kuwait nang walang travel authority. Nag-viral ito at nasabihan pa tayong fake news! Iyan ang naratibo ng iba pang mga sumusuporta sa kaniya. Kaya inalam natin kung bakit naging source na naman ng fake news ang Bise Presidente. Dahil in-edit pala ang video na tinutukoy niya at pinalabas na ang aking sinabi ay pumunta siya sa Kuwait nang walang inihain na request para sa travel authority. Panoorin po natin ang panayam sa Bise Presidente.
[VTR]
So, maliwanag ang sinabi ng Bise Presidente, na sinabi ko na umalis siya, so past tense. Umalis siya papuntang Kuwait nang walang travel authority. Panoorin po natin ang totoong sinabi ko sa briefing:
[VTR]
Pero ito ang lumabas na edited video na pinapakalat nila laban sa aking sinabi, panoorin po natin:
[VTR]
Okay, so in other words iyong sinabi natin na wala tayong impormasyon, at may napabalita na siya ay pumunta or pupunta sa Kuwait, na-edit po iyon. Maliwanag!
So ganiyan sila gumawa ng pekeng balita kaya nagiging paulit-ulit na source of fake news ang Bise Presidente dahil sa ganiyang mga klase na video na ini-edit—edited! Fake news again! Hindi naman mahirap maging responsible lalo na sa pagsagot sa mga tanong ng media.
So sa mga kababayan natin: Maging mapanuri po tayo.
At dito po nagtatapos ang ating press briefing, magandang araw para sa Bagong Pilipinas.
###