Press Briefing

Malacañang Press Briefing of Palace Press Officer and Undersecretary Claire Castro with Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs Secretary Frederick Go


Event PCO Press Briefing with SAPIEA
Location New Executive Building, Malacañang, Manila

PCO USEC. CASTRO: Magandang araw, Pilipinas.

President Ferdinand R. Marcos Jr., always in action! Upang masiguro ang kaligtasan ng bawat isa sa oras ng sakuna, nanawagan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng pagpapatupad ng whole-of-government approach para masiguro ang walang-tigil na tulong at suporta ng gobyerno sa mga kababayan nating binaha dulot ng malakas na pag-ulan dala ng Bagyong Crising, Dante, Emong at ng hanging habagat. Kaninang umaga ay binisita ni Pangulong Marcos Jr. ang evacuation centers sa Maly Elementary School at Sta. Ana Covered Court sa San Mateo, Rizal na lubhang nasalanta ng bagyo.

[VTR]

Pinulong din ng Pangulo sa isang situation briefing ang mga ahensiya ng gobyerno kung saan pinag-utos niya ang mga sumusunod:

Pag-deploy sa mga search, rescue and retrieval (SRR) teams ng AFP, PNP, Philippine Coast Guard at BFP para sa agarang tulong sa mga binaha at lubhang naapektuhan ng sama ng panahon.

Siguraduhin ng DSWD ang sapat at mabilis na pamamahagi ng family food packs at iba pang relief assistance before, during at after ng sama ng panahon.

Patuloy na clearing operations ng DPWH at MMDA sa mga pangunahing kalsada na hindi madaanan dahil sa tubig-baha.

Para naman masiguro at mas paigtingin pa ang pagkontrol sa pagbaha, inatasan din ni Pangulong Marcos Jr. ang MMDA na ipagpatuloy ang flood mitigation project upang masiguro na ang lahat ng pumping stations at floodgates ay gumagana sa kanilang pinakamataas na kapasidad at paglilinis at pag-alis ng bara sa mga daluyan ng tubig.

Kabilang na din sa hakbang ng pamahalaan ang pag-update ng DPWH Flood Control and Drainage Masterplans para sa Metro Manila, 18 major river basins at iba pang critical principal rivers upang masigurong epektibo ang flood control measures.

Binibilisan na rin ng MMDA at DPWH ang pag-update ng comprehensive drainage masterplan.

Binigyang-diin naman ni Pangulong Marcos Jr. na sinisiguro na ngayon ng DA at DTI na may sapat na supply ng pagkain at pangunahing bilihin. Utos din ng Pangulo na mas paigtingin pa ang price monitoring upang maiwasan ang pag-abuso sa presyo lalo na sa mga lugar na nasa ilalim ng state of calamity.

Nananawagan naman ang Pangulo sa mga kababayan natin na patuloy na makinig at sumunod sa mga tagubilin at anunsiyo ng mga lokal na pamahalaan upang masiguro ang kanilang kaligtasan sa oras ng sakuna.

Panawagan din ng Pangulo na mas mag-ingat ang lahat sa mga sakit na lumalaganap tuwing panahon ng tag-ulan gaya ng leptospirosis at dengue. Hinimok din ng Pangulo ang bawat Pilipino na makiisa sa mga hakbang ng gobyerno na panatilihing malinis ang mga estero at iba pang daluyang-tubig upang maiwasan ang pagbaha.

Lagi pong tandaan: Ang lahat ay dapat na nagtutulungan upang maiwasan ang anumang sakuna dahil sa Bagong Pilipinas, bawat buhay ay mahalaga at ang bawat isa ay may bilang.

Katatapos lamang ng tatlong araw na official visit ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Washington D.C. sa imbitasyon ni US President Donald Trump. Ang pagbisitang ito ay isang patunay sa malalim at matibay na ugnayan ng Pilipinas at Estados Unidos.

Sa kaniyang pakikipagpulong kay President Trump gayundin kina US Secretary of State and National Security Adviser Marco Rubio at US Secretary of Defense Pete Hegseth, tiniyak ng Pangulo ang panibagong sigla ng ating alyansa hindi lamang sa larangang ng seguridad kung hindi pati na rin sa ekonomiya, enerhiya at teknolohiya. Nagkasundo ang dalawang panig na mas paigtingin ang depensa at seguridad sa Indo-Pacific lalo na sa usapin ng South China Sea at sa paggamit ng EDCA sites para sa disaster response.

Sa larangan ng kalakalan, napagkasunduan ang pagbaba ng US tariff rates sa mga produktong Pilipino mula 20% sa 19% – isang hakbang patungo sa mas bukas at patas na kalakalan.

Bilang bahagi ng kasunduan, bubuksan din ng Pilipinas ang merkado sa ilang produktong Amerikano tulad ng automobile, soy, wheat, at mga gamot na magpapababa ng presyo at magbibigay-benepisyo sa ating mamamayan.

Bukod pa rito, ipinahayag ng Estados Unidos ang dagdag na 15 million dollars para sa Luzon Economic Corridor at 48 million dollars naman para sa foreign-assisted projects sa iba’t ibang sektor.

Nakipagpulong din si Pangulong Marcos Jr. sa mga lider ng sektor ng imprastraktura, health care, at semiconductors kung saan nakalikom ang Pilipinas ng mahigit 21 billion dollars na investment pledges na inaasahang lilikha ng libu-libong trabaho para sa mga Pilipino.

[VTR]

Ngayong araw ay makakasama natin si Special Assistant to the President for Investments and Economic Affairs Secretary Frederick Go para bigyan tayo ng update tungkol sa US tariff negotiations. Good afternoon po, Secretary Go.

SEC. FREDERICK GO: Magandang hapon, Claire.

Napababa ng Pangulo natin ang US tariff from 20% to 19% at ang sabi nga po ni President Trump na si Pangulong BBM ay mahusay at tough negotiator. Mayroon po akong apat na gustong i-explain po sa inyo ‘no. Ang unang-unang gusto kong ipaliwanag sa inyo na ito ay universal tariffs po galing sa Estados Unidos. Hindi po tayo nakipag-usap sa kanila tungkol dito. This is something na in-impose po ng Amerika sa buong mundo, okay.

Ang pangalawang gusto kong ipaliwanag po sa inyo, ang magbabayad po nitong taripa ay hindi po tayo. Ang magbabayad ng taripa na ito ay ang mga Amerikano, ang mga importers, ang mga buyers ng mga produkto galing sa buong mundo. So, sa huli, ang magbabayad po nitong mga taripa ay mga consumers po ng Amerika. Mga mamamayan ng Amerika na bibili ng mga produkto na in-import nila, sila po ang magbabayad nitong mga taripa.

Pangatlo po, ang gusto kong talagang i-emphasize ay ang 19% na tariff on the Philippines is one of the lowest in Southeast Asia. Maliban sa Singapore na ten percent ang taripa nila, tayo na po ang second pinakamababa sa Southeast Asia.

Bakit po ito importante? Importante ito dahil kapag mababa ang ating taripa, makaka-attract po tayo ng mga foreign direct investors in the Philippines para magtayo ng mga pabrika, magtayo ng mga negosyo sa Pilipinas para makapag-export ng kanilang mga produkto sa America. At kung hindi po mababa ang taripa natin, itong mga foreign direct investors po ay magtatayo ng mga pabrika o ng mga negosyo nila sa mga iba’t ibang bansa sa Southeast Asia. So, importante na tayo ang second to the lowest dito sa Southeast Asia para dito po sila magsitayo ng mga negosyo nila.

At ang huling gusto kong ipahayag ay hindi pa po tapos ang negosasyon. Our technical working groups will continue to work with their counterparts from America to finalize the details of this arrangement. Marami pang kailangang pag-usapan, so hindi pa po tayo tapos.

PCO USEC. CASTRO: Magandang umaga ulit, Sec. Go. Mas maganda po talaga na matanong po namin kasi marami pong mga netizens, madaming mga kababayan natin na medyo naalarma kasi samu’t saring mga opinyon, ispekulasyon ang nababasa nila, napapanood nila sa kanilang mga … sa YouTube channels ‘no at sa ibang mga social media platforms.

So, ang tanong po muna natin, Secretary Go, ano po ba iyong difference natin sa ibang bansa sa Asia, kagaya po ng Vietnam na may 20% po na tariff rates na ipinataw ang US?

SEC. FREDERICK GO: Magandang pagkakataon ito ‘no para ma-debunk po natin lahat ng fake news at lahat ng mga maling akala. So, on Vietnam, Vietnam has two rates. Their base rate is 20%. And if they have transshipments, meaning products from another country, ang rate nila ay 40%. So, dalawa po ang rate ng Vietnam – 20% kapag gawa sa Vietnam, 40% kapag ang malaking porsiyento ng produkto ay galing sa ibang bansa.

At ang gusto ko talagang ma-stress ngayon ay binigay ng Vietnam sa America lahat, full market access ang tawag doon. Mababasa ninyo lahat iyan, mga mahilig sa fake news, mababasa ninyo iyan – full market access ang binigay ni Vietnam. In short, binigay na ni Vietnam lahat sa America, at ang kapalit ay 20% at 40%. Sa atin po, 19% at hindi po natin binigay lahat.

PCO USEC. CASTRO: Maganda pong balita iyan. Ito naman po: Sa Indonesia po na 19% din po kagaya natin, ano po ang pagkakaiba natin?

SEC. FREDERICK GO: Iyon, ang Indonesia rin, binigay din nila full market access, in short, binigay rin nila ang lahat at ang kapalit noon ay 19%. At marami pang ibang pinangako ang Indonesia sa America, mababasa ninyo po iyon sa news. For example, nangako pa ang Indonesia na bibili sila ng 50 Boeing planes from America – malaking bagay po ito. Tayo, wala po tayong ganoong ipinangako.

PCO USEC. CASTRO: Okay po. May mga concern ang ibang pulitiko at mga ulat na maaapektuhan ang agricultural industries dahil binuksan daw natin sa US itong mga produkto natin na nandito sa Pilipinas, gaano po ito katotoo?

SEC. FREDERICK GO: Hindi rin po ito totoo. Maga-guarantee ko po sa inyo, talagang pinag-aralan namin lahat ng mga malalaking industriya natin sa Pilipinas where we are a significant market producer, hindi po natin ito sinama sa binigay sa America. So, talagang binusisi po namin iyan, ng DTI, ano iyong mga produktong kailangan nating protektahan, ano iyong mga farmers natin na kailangan nating protektahan; at prinutektahan natin lahat po iyan.

PCO USEC. CASTRO: Kasama po ba rito ang pagprotekta sa industriya ng asukal or sugar?

SEC. FREDERICK GO: Yes, sugar is not included in the concessions we granted.

PCO USEC. CASTRO: How about po iyong corn, kasama po ba sa pinuprotektahan natin?

SEC. FREDERICK GO: Yes, kasama rin ang corn. Wala rin siya sa binigay natin.

PCO USEC. CASTRO: Okay. Iyon pong bigas?

SEC. FREDERICK GO: Yes, prinutektahan din po natin. Hindi rin iyan kasama sa binigay natin.

PCO USEC. CASTRO: Eh iyon pong manok?

SEC. FREDERICK GO: Yes, hindi rin natin iyan sinama sa binigay natin.

PCO USEC. CASTRO: How about pork po?

SEC. FREDERICK GO: Yes, hindi rin po iyan kasama sa binigay natin. Lahat po ng binanggit ninyo, lahat ng mga produkto na iyan, hindi natin tinanggal ang taripa ng mga produkto na papasok sa Pilipinas – ‘as is’ po lahat iyan.

PCO USEC. CASTRO: So, protektado po pala iyong agricultural sector po natin?

SEC. FREDERICK GO: Yes, ma’am, malinaw na malinaw po iyan.

PCO USEC. CASTRO: Eh ito pong seafood po, mga isda, kasama rin po ba ito sa puprotektahan natin?

SEC. FREDERICK GO: Of course, yes. It is also not included in the concessions that we gave out.

PCO USEC. CASTRO: So, wala po pala silang dapat ipag-alala lalo na po iyong mga magsasaka natin at mga mangingisda?

SEC. FREDERICK GO: Ay, talaga po. Alam mo, marami kasi talagang fake news, maraming tsismis, maraming maling akala. Lahat po ng binanggit ninyo – rice, sugar, corn, fisheries, pork, chicken – hindi po natin tinanggal ang taripa ng mga iyan. Kaya iyong mga nag-aalala tungkol sa mga produkto na iyan, huwag po kayong mag-alala, hindi po totoo ang akala ninyo.

PCO USEC. CASTRO: Ayan po, salamat po diyan. At ayon din po kay Presidente, nagbukas daw po tayo ng pharma, ano po iyong comment ninyo dito?

SEC. FREDERICK GO: Maganda po iyan. Talagang sadya naming tiningnan iyan dahil kapag mas maraming suppliers tayo ng pharma—mahal po ang gamot sa Pilipinas eh. Kapag pinasok po natin iyan na may taripa, eh di mas mahal pa po ang presyo ng gamot. So, kapag tariff-free po ang gamot, makakababa po iyan ng presyo ng gamot sa ating bansa.

PCO USEC. CASTRO: Kaya pala sumang-ayon na zero percent na tariff para sa mga gamot para marami rin pong makinabang na mga kababayan natin?

SEC. FREDERICK GO: Yes, para makatulong sa lahat ng Pilipino.

PCO USEC. CASTRO: Eh binuksan din daw po natin sa automobile ang zero percent tariff. Ano po iyong komento natin dito?

SEC. FREDERICK GO: Yes, ganito kasi po iyon ‘no: Katulad ng sinabi ko kanina, tiningnan natin ano iyong mga industriya natin sa Pilipinas; at iyong mga industriya natin na gumagawa tayo ng mga bagay, prinutektahan po natin iyan. Eh alam naman po natin na hindi tayo gumagawa ng kotse, hindi naman tayo gumagawa ng automobile sa Pilipinas. So, by opening the automotive or car sector to the US, wala po tayong sinaktan dito sa atin.

PCO USEC. CASTRO: So, walang maaapektuhan dito sa atin.

SEC. FREDERICK GO: Iyan talaga ang punto namin. Maraming akala na—ewan ko kung ano iyong mga inaakala nila na maraming masasaktan dito sa Pilipinas, hindi po. Kasi ang mga sectors na in-open natin, wala tayong masasaktan na industriya dito.

PCO USEC. CASTRO: Iyon iyong hindi natin pinu-produce.

SEC. FREDERICK GO: Yes po, yes po, or we produce in very, very, very, very little quantity.

PCO USEC. CASTRO: Eh iyon pong sa soy at sa wheat?

SEC. FREDERICK GO: Iyon din po, iyon din po. Following the same principle, hindi naman tayo gumagawa ng soya dito, hindi naman po tayo gumagawa ng wheat dito, kaya mabilis itong buksan. So, pareho iyong prinsipiyo po.

PCO USEC. CASTRO: Kapag pinasok po at zero percent tariff po ang wheat and soy, sino po iyong makikinabang?

SEC. FREDERICK GO: Unang-una po, ang wheat, bababa po ang presyo ng mga pandesal, ng mga tinapay sa Pilipinas. Ang soya naman po, ito po ang feed material po ng ating mga baboy, mga manok at saka po iyong mga isda. Ito po iyong feeds na kinakain po ng mga hayop that we produce domestically.

PCO USEC. CASTRO: Mas makakatulong pa rin po pala sa mga magsasaka, sa mga mangingisda natin?

SEC. FREDERICK GO: Siyempre po. Yes, ma’am. Iyong mga pinapapasok natin na walang taripa, ang purpose po noon ay ibaba ang presyo ng bilihin sa Pilipinas, so kapag nagpasok tayo ng gamot, for example nawala ang taripa, mumura ang gamot; kapag nagpasok tayo ng feeds dito na mura, eh di mumura rin ang presyo ng baboy, presyo ng manok, presyo ng isda. Ganoon po iyon. So, ang pinapapasok natin, ang mga pagbaba ng presyo ng mga bilihin.

PCO USEC. CASTRO: Opo, ayan. Maliban po sa tariff cut, ano pa po ba ang nakuha natin sa US trip ni Pangulong Marcos Jr.?

SEC. FREDERICK GO: Nabanggit na po ni Presidente na nakakuha pa tayo ng suporta ng Luzon Economic Corridor, may additional po yatang mga 15 million dollars na ibibigay ang Amerika sa atin; tapos po sa mga private meetings din po, maraming private meetings po si Presidente; he met over 10 companies and organizations from the United States sa biyahe niya.

PCO USEC. CASTRO: Okay, maganda rin po pala ang naidulot ng US trip na ito ng Pangulo.

SEC. FREDERICK GO: Yes, ma’am, at nabanggit na po niya na ang halaga ng mga investment commitments na nakuha niya at nakapag-announce na rin po kami sa media just yesterday or today po. Sorry, nawawala ako sa oras ngayon eh.

PCO USEC. CASTRO: Kakauwi lang po kasi kaninang 6 A.M. lang umuwi…

SEC. FREDERICK GO: Kakauwi lang so hindi ako sigurado kung kailan lumabas pero may na-meet po kaming isang hospital group na magtatayo ng isang malaking hospital sa Pilipinas. Ang commitment po niya ay 500 million dollars. So, world-class hospital, world-class medical facilities po.

PCO USEC. CASTRO: Naku, sana talagang magtuluy-tuloy po ang magandang balita na ito. Eh, Sec. Go, sa mga private business meetings naman po, ano po ba iyong nakuha natin?

SEC. FREDERICK GO: Marami po tayong ibang nakausap. Nakausap din po natin si Cerberus, sila po iyong nakabili ng shipyard sa Subic na ngayon ay may Hyundai shipbuilding facility na tinatayo diyan. Ang good news po doon, ang Hyundai originally ang opening po nila ay next year, 2026. May good news sila sa amin na they believe makaka-open sila ng fourth quarter of this year. At ang Cerberus din po ay tumitingin sa mga iba’t ibang businesses katulad ng energy, logistics sa Pilipinas and nag-iisip silang mag-invest ng mga 10 to 15 billion pesos po sa Pilipinas.

Na-meet din po ni Pangulo ang I Squared. Ito po si I Squared, ang dami nilang negosyo po sa Pilipinas pero ang gusto nilang palakihin po ay iyong LNG – liquefied gas – at cold storage facilities po dito sa Pilipinas.

At na-meet din po ni Pangulo ang GIP na nag-iisip pong mag-invest ng napakalaking halaga sa infrastructure dito sa Pilipinas.

PCO USEC. CASTRO: Ito naman po mula kay Ivan Mayrina, Sec. Go: The 19 percent tariff that Trump announced is an increase from what percentage or is this a totally new tax, so from zero?

SEC. FREDERICK GO: Ang 19 po na ito…before we went to the US it was at 20 percent. So, with our trip napababa po ito ni Pangulo from 20 percent to 19 percent.

PCO USEC. CASTRO: Okay. Ito pa po mula naman po kay Jean Mangaluz ng Philippine Star: While President Marcos has dubbed the one percent reduction on tariff rate as a success, many are calling this—sabi ninyo nga po may mga fake news—as an unfair deal since we would open several markets to the US. Pero parang na-explain ninyo na rin po. Pero sige po, ano po, what’s your reaction po on this?

SEC. FREDERICK GO: Yea. Unang-una po ay hindi naman kasi talaga po ito deal ‘no kaya ipinaliwanag ko sa umpisa po na hindi naman ito isang taripa na bilateral discussion or multilateral discussion – unilateral po ito. Talagang in-impose lang po ito ng Amerika sa atin at sa buong mundo; at hindi lang po sa atin, sa buong mundo niya po ito ginawa kasama na ang European Union, kasama na po ang Japan, Korea, Mexico, Canada, China – lahat po ito in-impose-an niya ng tariff. So, hindi naman tayo nag-iisa rito.

PCO USEC. CASTRO: Sec. Go, sabi ninyo po kanina, hindi naman po tayo magbabayad noong 19 percent na tariff kung hindi iyong mga nag-i-import sa Amerika, most probably baka mga US citizens pa po ang magbabayad nito. Can you elaborate on that po?

SEC. FREDERICK GO: Example po, kung mag-export po tayo ng isang bagay from the Philippines and let’s say ang halaga niya ay 100 dollars, pagdating niya po sa Amerika ang bumibili from America kailangan niyang magbayad ng 19 dollars na buwis sa America. So, ang cost po niya sa America ay 119 dollars para sa produkto na iyan; at kung ibibenta niya po ito sa mga citizens ng Amerika – kailangan niyang kumita ‘di ba? So, dati siguro kung nabili niya sa atin ng 100, ibibenta niya sa customer niya ng 120. Ngayon po cost niya 119, siguro kailangan niya ibenta sa customers niya 150 na or 140 na. So, in the end, ang magbabayad po nitong taripa na ito ay iyong mamamayan ng Amerika.

PCO USEC. CASTRO: Iyong consumer doon sa Amerika.

SEC. FREDERICK GO: Iyong consumer po doon ang magbabayad.

PCO USEC. CASTRO: So, kapag ganoon po tumaas ang presyo halimbawa ang produkto ng Pilipinas sa taas sa Amerika, so, mas lalo tayo dapat maging competitive para kahit medyo mahal ay talagang iga-grab pa rin nila iyong produkto ng Pilipinas.

SEC. FREDERICK GO: Yes, in a way you can say that. Mayroon ngang kasabihan eh, kung tayo lang ang nilagyan ng taripa, totoong sinabi mo; pero, kung nilagyan din ng taripa iyong buong mundo, eh ‘di pantay-pantay lang po lahat.

PCO USEC. CASTRO: So, sir, ang ibig sabihin nito, since ang pinakamababa sa Asia is Singapore?

SEC. FREDERICK GO: Yes, at 10 percent.

PCO USEC. CASTRO: Pero, ang sinasabi ninyo kanina ay wala tayo masyadong ibinigay na concession sa US, kumbaga talagang ipinaglaban din ni Pangulo iyong mga karapatan ng mga magsasaka natin, mga mangingisda natin at ibang mga industriya rito. So, ang lumalabas ba ay parang second best tayo sa Singapore?

SEC. FREDERICK GO: We’re really second best at 19 percent, kasi after Singapore at 10 percent tayo na iyong pangalawang pinakamababa. Pero siyempre mayroon din tayong ibinigay sa Amerika as concessions. However, talagang pinag-defend natin, prinotektahan natin iyong mga importanteng mga sectors dito sa Pilipinas.

At sa mga naririnig ko in the last few weeks, ang concerns talaga ay revolving around mga agrikultura ‘di ba at talaga namang prinotektahan namin iyan. So, never was there a moment na iyong mga sectors na concerned sila ay binigay natin – never natin po iyan binigay.

PCO USEC. CASTRO: If you have personal knowledge po, Sec. Go, bakit tinawag na tough negotiator? Medyo nahirapan bang magkaroon ng negosasyon with Pangulong Marcos kasi medyo ayaw niyang ibigay ito, kailangang ipaglaban ito? May ganoon po ba?

SEC. FREDERICK GO: Eh comment po iyan ni President Trump, ini-echo ko lang po iyong sinabi niya.

PCO USEC. CASTRO: Iyon po. At ito pa po, mula kay Alexis Romero, parang nasagot ninyo na rin po kanina but anyway banggitin ko na rin po: Ambassador Romualdez says that trade negotiations will continue. So, parang sinabi ninyo po, “Opo, hindi pa po tapos ito.” What are the desired outcomes of those negotiations?

SEC. FREDERICK GO: Well, yeah, nabanggit ko na po kanina na hindi pa ito tapos, marami pang kailangang pag-usapan, lahat ng fine prints. Parang kontrata po ito eh, marami pang detalyeng kailangan nating ayusin. At siyempre pinaglalaban din natin iyong mga ibang sectors natin dito sa Pilipinas that are exporting to America. Siyempre, hihingi tayo na sana mapagbigyan niya ng pabor ang mga export industries natin.

PCO USEC. CASTRO: So, kailangan din po rin natin itong pangalagaan din?

SEC. FREDERICK GO: Of course.

PCO USEC. CASTRO: So, maraming, maraming salamat, Sec. Go, sa iyong mga kasagutan sa mga katanungan ng mga netizens at from the MPC. Salamat po.

SEC. FREDERICK GO: Salamat. Thank you.

PCO USEC. CASTRO: At iyan po mga kababayan, naliwanagan po tayo kung ano ang katotohanan mula sa mga taong tunay na nakakaalam at mismong kasama ng Pangulo sa meeting with US President Donald Trump. Huwag po tayong maniwala sa mga haka-haka at espekulasyon ng iba na hindi naman alam ang kabuuang naganap at wala mismo sa US trip ng Pangulo.

Muli, atin pong binibigyan-diin na hindi gagawin ng Pangulo at ng kaniyang economic team ang anumang hakbang na makakasira sa ating ekonomiya, sa taumbayan at sa Bagong Pilipinas.

At bago po tayo magtapos, good news po ito sa mga commuters sa Davao: Libreng Sakay, nakaabot na sa Mindanao. Umabot na sa Mindanao ang Libreng Sakay ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. Inilunsad ngayong araw ng Department of Transportation ang unang Libreng Sakay program para sa mga bus na bumibiyahe sa rutang Lasang to Roxas via Sasa sa Davao City.

Ang nasabing Libreng Sakay sa Davao City ay tugon ng DOTr katuwang ang LTFRB sa utos ni President Marcos Jr. na ibsan ang pang-araw-araw na kalbaryo ng mga commuter sa biyahe at pamasahe.

Ayon kay Transportation Secretary Vince Dizon, pinag-aaralan na rin nila at ng LTFRB ang pagdagdag ng mga bus sa naturang ruta at pagdagdag ng iba pang mga rutang may Libreng Sakay tulad ng Cabaguio. Mahit 6,000 passengers ang inaasahang makikinabang dito araw-araw. Aabot naman sa 70 million pesos kada taon ang inilaang budget para sa Libreng Sakay na tatakbo mula 6 to 9 A.M. at 5 to 8 P.M. kada araw kahit weekend at holiday. Magpapatuloy ang Libreng Sakay hanggang sa 2028.

Sa Bagong Pilipinas, layon ng Pangulo na pagaanin ang pang-araw-araw na biyahe ng mga mananakay saanmang panig dito sa bansa.

[VTR]

PCO USEC. CASTRO: At dito na po nagtatapos ang ating press briefing. Magandang araw para sa Bagong Pilipinas.

 

###