SEC. ROQUE: Magandang tanghali, Pilipinas.
Naglabas po ang Social Weather Station ng isang survey kaugnay ng satisfaction rating ni Presidente Rodrigo Roa Duterte. Isinagawa ang survey noong June 23 to 26, 2021 kung saan itinanong kung gaano nasisiyahan o hindi nasisiyahan ang mga respondents sa pagganap ng tungkulin ni Presidente Duterte bilang Presidente ng Pilipinas.
Ito po ang lumabas na resulta ha: Seventy-five (75) percent po ang nasisiyahan, samantalang 13% ang hindi nasisiyahan o positive 62 net satisfaction rating. Tinawag itong ‘very good’ ng SWS. Ito ang pinakamataas na satisfaction rating ng isang Pangulo sa huling taon niya ng kaniyang termino.
Tignan po natin ang ating infographics: Makikita po natin ha sa infographics na ito na si Corazon Aquino ay +24 noong kaparehong panahon; si Presidente Ramos ay +49; si Presidente Estrada po ay hindi natapos ang kaniyang termino; si Presidente Arroyo po ay -31;
si President Aquino ay +30; at ang ating Pangulo po ay +62.
So sa mga nagsasabi na bumaba raw po ang satisfaction rating ng Presidente, kung bumaba po, napakataas pa rin po. Siya ang pinakamataas mula po nang nagkaroon po tayo ng demokrasya matapos ang martial law.
Sa usaping bakuna naman po: Kinumpirma ng Department of Health na magsisimula na po ang pediatric vaccination or ang vaccination ng ating mga kabataan mula 12 hanggang 17 years old with comorbidities. Magiging bahagi sila po ng priority group A3.
Pero ang panawagan sa lahat po ng mga magulang, ipa-master listing na po natin ang ating mga kabataan para kung talagang tuluy-tuloy na ang bakuna ay naroon na po ang kanilang mga pangalan.
Sa ngayon po, isinasapinal ng DOH ang guidelines sa bagay na ito. Tiyakin natin na magkaroon ng informed consent ang magulang or guardian at bata bago po mabakunahan. Siguraduhin din natin ang supply availability ng Pfizer at Moderna kasi ito po iyong tanging bakuna na binigyan ng Emergency Use Authorization para sa ages 12 to 17 years old ng ating Food and Drug Administration. Kailangan ding masiguro na may equitable access sa medical clearance ng doktor ang mga bata na mayroon pong comorbidities. So para doon sa mga matuturukan, informed consent ng mga magulang at saka consent po ng mga kanilang doktor dahil sila po ay may mga comorbidities.
Samantala, nasa apatnapu’t limang milyon na po or 45,147,577 doses ang total vaccines administered ayon po ito sa September 29, 2021 National COVID-19 Dashboard. Sa bilang na ito, mahigit dalawampu’t isang milyon or 21,103,317 ang fully vaccinated. Sa Metro Manila po ha, mahigit labinlimang milyon or 15,634,542 ang total vaccines administered. Sa bilang na ito, nasa pitong milyon or 7,208,552 or 73.73% ang fully vaccinated as of September 29, 2021. Eighty percent po ang tinatarget natin sa Metro Manila, at kapag na-target po natin ang 80%, kinakailangan magkaroon po tayo ng komemorasyon.
May dumating ngayong umaga po, September 30, na 1,233,300 Moderna vaccine na binili ng pamahalaan at ng pribadong sektor. Dumating naman po kagabi, September 29, ang 391,950 doses ng Pfizer vaccine. At sa unang araw ng Oktubre, may inaasahan tayong darating na 883,350 doses ng Pfizer mula COVAX at dalawa’t kalahating milyon, 2.5 million doses naman po ng Sinovac.
COVID-19 updates naman po tayo ‘no. Ito po ang ranking ng Pilipinas sa mundo sang-ayon sa Johns Hopkins World Meter COVID-19 Data as of September 30, 2021: Number 18 po tayo pagdating sa total cases; Number 14 pagdating sa active cases; Number 137 sa cases per 100,000; at Number 105 po tayo sa case fatality rate na 1.51%.
Patuloy po ang pagbaba ng mga bagong kaso, nasa 12,805 na po ito sang-ayon po sa September 29, 2021 datos ng DOH. Nasa higit dalawang milyon or 2,365,229 na po ang mga gumaling. Tumaas rin po ang atin recovery rate ‘no, nasa 93.3% na ito. Samantalang nasa 38,164 ang binawian ng buhay dahil sa coronavirus. Nakikiramay po kami.
Ito naman po ang kalagayan ng ating mga ospital: Sa buong Pilipinas, 74% po ang utilized ICU beds; sa Metro Manila, nasa 75% po ito. Sa buong Pilipinas, 63% po ang utilized isolation beds; sa Metro Manila, nasa 53% po ito. Sa buong Pilipinas, 67% ang utilized ward beds; sa Metro Manila, nasa 64% po ito. At sa buong Pilipinas, 53% po ang mechanical ventilators; sa Metro Manila, nasa 56% po.
Sa ibang mga bagay, good news po: Nakapag-release ang Pag-IBIG ng home loans na umabot sa 58.52 billion sa 57,235 nilang mga miyembro. Ito ay mula Enero hanggang Agosto ngayong taon. Ito ay 96% mas mataas mula sa 29.9 billion nilang ini-release noong 2020.
Paalala lamang po ha mula sa Pag-IBIG: Mayroon tayong penalty condonation program na Mandatory Monthly Savings Remittances for Financially Distressed Employers Due to COVID-19 Pandemic. Ito ay nakapaloob po sa Pag-IBIG Fund circular na inisyu noong July 2021. Patunay po ito na sa gitna ng pandemya ay maaasahan ang pamahalaan sa mga programa nito sa mamamayan.
Dito po nagtatapos ang ating presentasyon. At kasama po natin ang isa sa aking paboritong secretary sa Gabinete, ang ating NEDA Secretary, Secretary Karl Chua.
Sir, ano ba ho ang prospects na lalo pang mabuksan ang ating ekonomiya? Dahil alam ninyo naman po ang aking paninindigan, consistent po iyan, hindi naman po pupuwede na habang pinabababa ang COVID cases, mas maraming mga hanay ang nagugutom.
So ano po ang prospects nang mabawasan natin ang mga nagugutom sa pamamagitan ng pagbibigay nang mas marami pang hanapbuhay sa ating mga kababayan?
NEDA SEC. CHUA: Magandang hapon, Spox Harry, at sa mga nanunood sa ating programa.
Ang iuulat ko po ngayon ay iyong update sa ating ekonomiya. Magsimula po tayo, iyong progress muna sa first three quarters ng 2021. Ito iyong pangalawang taon na hinaharap natin ang COVID-19 pandemic. At nagagalak po ako na ang mga datos ay nagpapakita ng malaking progress sa ating ekonomiya, sa ating job creation also.
Ito iyong mga datos na ibabahagi ko po sa inyo: Una, iyong ating Philippine economic growth is beginning to recover pero iyong sustainability, iyong … makikita po natin iyong tuluy-tuloy na paglago ng ekonomiya na six percent or more will actually depend on the actions we are dealing with against the virus. So nakikita po natin dito na bumagsak nga po ang ating economic growth last year to as low as minus 17% iyong second quarter, iyong peak po ng COVID-19 pandemic, pero bumabawi tayo dahan-dahan. Pati iyong pinaka-latest na growth rate natin for the second quarter of 2021 ay positive 11.8% na.
Iyong mga iba’t ibang sektor ng ating ekonomiya, may malaking progress din. Itong datos na ito ay iyong ating manufacturing index. Iyong pula ay iyong 2020 performance. Bumaba siya nang malaki dahil sa pandemic at sa ating mga strict quarantine. Pero nakikita ninyo naman ngayon sa 2021 dahil mas binabalanse na natin iyong COVID-19 concerns at iyong non-COVID-19 concerns including job creation, malaki po ang improvement, umaabot na po sa 94% po iyong ating index or manufacturing production.
Ito rin ay nakikita natin sa ating exports. Iyong bumaba po last year, iyong sa red, na negative sa panahong ito ay malaki po ang binawi natin sa second quarter at entering the third quarter. At ito ay we are hoping to continue itong progress.
Sa ating imports naman dahil marami po tayong ini-import para sa ating ‘Build, Build, Build’ program at sa expansion ng ating mga factories and other equipment at nakapag-recover din tayo. So ang latest po na import growth natin ay +24% sa July 2021. Last year, ito ay –21. So, ito ang mga factors na tumutulong sa ating recovery dahil mas binabalanse na natin ang COVID and non-COVID concerns kasi iyong dalawa po ay mahalaga.
Ngayon, punta po naman tayo sa spending ng government on capital outlay. Ito iyong pagpupondo natin sa infrastructure. In 2020 po, iyong red line bumagsak po ang ating infrastructure spending to as low as 170 billion tapos dahan-dahan po tayong nag-build-up. Pero sa second quarter of 2021, iyong ating latest data ay umakyat na po ito sa P282 billion iyong spending natin at ang paniniwala namin ay sa third quarter ay mas mataas pa ang makikita nating capital outlay ng government on infrastructure.
Ngayon, tingnan po natin ang latest data from the Philippine Statistics Authority on unemployment. Ang unemployment rate natin last year, kita ninyo po iyong red ay napakataas, iyong 17.6% tapos 10% unemployment pero in 2021 naibaba natin ito to as low as 6.9% sa July pero expectedly umakyat po ito sa 8.1% kasi sa August bumalik po tayo sa ECQ. Pero iyan ay kailangan para makontrol natin ang spread ng Delta variant.
Ngayon, punta po muna tayo ngayon sa underemployment, iyong mga may trabaho pero sa tingin nila ay kulang iyong kanilang suweldo. Umakyat man ito sa 20.9% sa July pero ito ay triggered by iyong weather disturbance sa agriculture. Sa August naman, iyong gumanda po iyong panahon, bumalik naman po iyong mga trabaho sa agriculture at naibaba natin ang underemployment rate natin to 14.7%. Ito ay mas mababa pa sa recent months na nakikita natin iyong nagno-normalize na iyong ating ekonomiya.
Ngayon, in terms of job creation, nakikita po natin na nakasalalay sa degree or restrictiveness ng ating quarantine. Halimbawa, iyong January 2020 iyong naka-color green, iyong wala pang ECQ, malaki pa iyong ating employment, 42.5 million. Pero noong pumasok na iyong April 2020, naka-red kasi ECQ iyan, bumaba po iyong ating employment by 8.7 million. At tuwing humihigpit tayo sa July 2020, sa April 2021, at sa July-August ay bumababa iyong ating employment. Pero tuwing nagluluwag tayo iyong naka-yellow na GCQ or MGCQ ay bumabalik naman iyong ating employment.
Ginagawa po natin itong monthly survey ng labor force para iyong ating policy ay mas timely. So far, nakita po natin na iyong net employment creation natin since January 2020 up to August 2021, +1.7 million jobs iyong naibalik natin sa ating ekonomiya. Ngayon po, bagaman at nag-ECQ tayo last month at nasa heightened quarantine tayo ngayon, Alert Level 4, nakikita po natin na iyong ating mobility ay hindi naman tulad ng last year.
Iyong red, iyan iyong mobility o iyong pag-visit sa public transport station last year. Nakikita ninyo last year almost 80% down pero this year iyong blue, ito ay 25% down lang, latest. Ibig sabihin, mas marami iyong nagbibiyahe papunta sa kanilang trabaho at iyong pumapasok naman sa office, iyong latest na blue line ay 25% down. So, ibig sabihin po nito kahit po ay mas mataas iyong quarantine level natin, marami naman po tayong mga risk management strategy para maibalik iyong mga trabaho natin at the same time ikontrol iyong spread ng COVID-19 o iyong Delta variant.
Ngayon, iyong recent development natin sa September 2021, pababa na po iyong mga cases ng COVID sa buong Pilipinas, iyan iyong blue line, at iyong nasa NCR. Pero hindi po ibig sabihin na safe na tayo, ibig sabihin ay gumagana po iyong ating strategy of balancing the risk between COVID and non-COVID. So, tuloy po iyong ating strategy na we use granular lockdowns and we use more targeted approach para ikontrol iyong COVID lalo na iyong sa mga spaces na close o may close contact or walang ventilation.
Ang latest data po natin, 69% po ng ating ekonomiya ay nasa heightened quarantine. Ito po iyong GCQ with restriction or Alert Level 4 and up, 23.3 million workers po iyong affected dito. Pero ang good news po pababa na iyong cases, so, nakikita po natin na starting October mas may opportunity po tayo na ibaba pa further ang ating quarantine classification. So, iyan ang kailangan nating gawin alongside iyong vaccination natin para mas mapabilis iyong pagbukas natin ng ating ekonomiya.
Ngayon, naglabas po iyong NEDA a few weeks ago, iyong total cost of COVID-19 and a quarantine on present and future generation at ang sabi po ng report ng NEDA at iba pa iyong mga [unclear] nang mabilis, iyong ating long run total cost ng COVID and the quarantines both to the present and future society, ibig sabihin iyong anak natin at iyong apo natin, ay aabot na sa 41.4 trillion. Ito po ay base sa data, in NPV terms, ibig sabihin in net present value terms, iyong halaga ng pera sa taong 2020
Sa 202o, alam po natin na nagsara po iyong ating ekonomiya kaya we lost 4.3 trillion pero in the next 10 to 40 years ay tuloy po iyong ating increase ng loss dahil una, iyong consumption and investment hindi siya magiging kasing taas ng pre-pandemic in the next ten years dahil may mga sectors na kailangan ng social distancing na hindi mag-o-operate nang 100% tulad ng amusement, tourism, restaurant and public transport.
Consequently, iyong tax revenue natin will be lower. Pero nakikita po natin na by the tenth year magco-converge ulit sa pre-pandemic growth path. At iyong pangatlo, dahil hindi po nakapasok ang mga estudyante, kulang pa iyong mga pinag-aralan nila dahil hindi face-to-face at marami pong namatay, nagkasakit sa COVID and non-COVID factors, mayroon pa rin iyang impact sa future productivity and wages. So, ito po iyong datos.
Pero may solusyon naman diyan at ito iyong recommendation ng NEDA. Kaya po natin na maibalik iyong paglago ng ating ekonomiya to 4-5% this year and 7-9% next year by doing three important things:
Iyong una, accelerating iyong vaccination program at by next month po ay magsisimula na iyong general population pati sa mga teenagers from twelve and up. So, iyan ang pinakamahalaga na dapat nating gawin. The moment na pumasok iyong supply nakita po natin na mabilis naman po iyong inoculation natin, aabot nga sa half a million per day iyong peak natin.
Iyong pangalawa is to manage the risk better. So, naniniwala kami na tama iyong istratehiya natin to have granular lockdowns at habang ginagawa po natin iyan sa NCR, pina-pilot natin, bumababa naman iyong cases, so, gumagana po. So, dapat lahat po ay magtulungan at gawing mas posible itong strategy. Kasama na rin po iyong pagbalik ng face-to-face schooling, pag-pilot natin.
At iyong pangatlo, iyong ating recovery program, malaki po iyong budget natin, kailangan nating gamitin. Nandiyan na rin po iyong ating mga other complementary measures like iyong CREATE Law, iyong FIST Law, at iyong pag-approve in the coming months ng 2022 Budget.
At siyempre sa darating na taon ay babalikan po natin iyong budget allocation para ma-address po natin iyong gap sa education and health kasi kailangan nating ibalik iyong sigla ng ating human capital.
So, iyon po ang aking ulat. Maraming salamat at sa uulitin po.
SEC. ROQUE: So, Sec., sang-ayon ba kayo sa aking nasabi dati na ang solusyon ay hindi lockdown kung hindi dapat matuto tayong mabuhay kasama ang COVID because hindi naman aalis ang COVID at kinakailangang buksan talaga ang ekonomiya nang makapaghanapbuhay ang ating mga kababayan?
NEDA SEC. CHUA: Tama po iyan, Spox Harry. Naniniwala at sumasang-ayon po ako. Iyong ating lockdown, hindi po para sa entire area iyan, dapat hanapin natin iyong sources of highest risks at tama po iyong ginagawa nating granular lockdown. At nakita po natin sa pilot gumagana siya. Bumabalik iyong trabaho pero bumababa iyong kaso ng COVID.
SEC. ROQUE: Eh, ano hong sasabihin natin doon sa mga nagsasabi na dapat lockdown ang solusyon?
NEDA SEC. CHUA: Well, ang nakita po natin sa datos ay iyong lockdown ay hindi po nagso-solve ng problem ng ating pandemic, ito ay nakakapagdagdag sa bilang ng nagugutom, sa mga kailangan ng gamot para sa kanilang ibang sakit, at iyong totoong solution diyan ay iyong pag-implement natin ng minimum health standards at pag-focus natin ng ating strategy sa mga highest risks areas. Iyong may mga close contact, iyong mga walang ventilation, iyon po ang tutukan natin. At nakita natin three times na since nag-lockdown tayo o bumalik tayo sa ECQ na itong istratehiya ay gumagana.
SEC. ROQUE: So, maraming salamat, Sec. Chua. At uulitin ko po sa ating mga kababayan, ‘no, ang lockdown po ay hindi solusyon. Hindi po mawawala nang tuluyan ang COVID sa mga darating na panahon. Importante po, pag-ingatan natin ang mga buhay nang tayo po ay makapag-hanapbuhay dahil ang Pilipino po ay masipag, matiyaga, magpupursige, buksan lang ang ekonomiya.
Maraming salamat, Sec. Chua. Pumunta na po tayo sa ating open forum. Go ahead, Usec. Rocky.
USEC. IGNACIO: Yes. Thank you, Secretary Roque. Good afternoon, Secretary Karl Chua.
Unang tanong po mula kay MJ Blancaflor ng Daily Tribune—pasensiya na, Secretary, hindi ko po alam kung nai-present ninyo ‘to pero ito po ‘yung tanong niya: Will Metro Manila shift into a more lenient alert level? Kailan kaya ito ia-announce?
SEC. ROQUE: Iyan po ay desisyon ng DOH at magkakaroon po tayo ng pagpupulong mamaya sa IATF. Alam ko po na ang mga MMDA mayors ay nagsuhestiyon na na ibaba sa Level 3 at suportado po natin ‘yan pero ang desisyon po ay magiging desisyon ng DOH. Sec. Chua?
NEDA SEC. CHUA: Iyan po ay tama. Idi-discuss po ng IATF ‘yan mamaya at nakikita po natin sa data na pinakita ko po na may opening po tayo kahit na hindi ganiyan kahigpit ang ating lockdowns or quarantine ay bumababa naman iyong cases.
USEC. IGNACIO: Opo. Ang second question po ni MJ Blancaflor: Can we say that the new alert level system with granular lockdowns is effective in our pandemic response? Na-expand na ba itong quarantine system sa provinces or other regions next month?
SEC. ROQUE: Well, sa aking pananaw po bilang isang layman ‘no, bumaba po iyong ating tinatawag na reproduction rate at bumababa ‘yung mga numero ng kaso. Kasi ang siyensya naman po sa granular lockdown, i-isolate iyong may mga sakit ‘no pero ‘yung mga walang sakit eh hayaang maghanapbuhay.
Pero tanungin natin ang opinyon ng dalubhasa sa larangan ng ekonomiya, si Secretary Karl Chua. Sec., tingin ninyo ba gumana iyong granular lockdown?
NEDA SEC. CHUA: Ayon po sa data natin, Spox Harry, ay gumagana ito kasi nga nakikita po natin na kahit na naka-less restriction po tayo at gumagamit tayo ng granular lockdown ay iyong kaso ng COVID ay bumababa at bumabalik iyong ating trabaho ayon sa ulat ng ating Philippine Statistics Authority. Ang kailangan po natin gawin ngayon ay, i-expand ito, expand the pilot at matuto po tayo sa ating experiences sa iba’t ibang lugar ng Pilipinas. At iyan sa tingin ko ‘yung ating solusyon kasi hindi talaga puwedeng bumalik sa whole country or whole region lockdown kasi itong virus iyon nga, mabilis na aalis at tayo ay kailangan matutong to live with this virus. Thank you.
USEC. IGNACIO: Opo. Sunod naman pong tanong mula kay Llanesca Panti ng GMA News Online: Bloomberg’s COVID-19 resiliency report ranking the Philippines last race. The problem to our dismal testing rate since we are only testing the sickest and thus there’s likely high levels of undetected infection. What is the budget for testing and are there plans to spend more? Why or why not?
SEC. ROQUE: Well, unang-una ‘no ‘yung Bloomberg ‘no, mapapansin ninyo po ang Bloomberg – 194 countries, 53 lang po ang sinurvey. Now kaya po maintindihan po ng lahat kapag tayo po ay huli, hindi naman po ibig sabihin huli tayo sa buong mundo. Huli lang tayo doon sa mga pinag-aralan ng Bloomberg.
Pangalawa po, marami rin pong mga kuwestiyon ang lumalabas diyan sa survey na ‘yan pero ang masasabi lang po natin diyan, siguro where we can agree is ang tini-test nila iyong economic resilience at sinabi na nga rin po ni Secretary Chua kanina na every time kasi tayo nagla-lockdown, talagang nasasara ang ekonomiya at wala pong economic resilience kapag tayo’y nagla-lockdown. So in that sense we agree na siguro dapat talagang—we need to learn how to live with the virus at hindi solusyon talaga ang lockdown.
At pangatlong punto eh talaga namang aminado tayo na talagang nagkulang iyong ating mga bakuna dahil sa buong daigdig eh sinolo po ng mga mayayamang bansa ‘yung bakuna kaya nga po medyo mas nauna iyong mga developed countries na magbukas ng ekonomiya matapos nilang bakunahan iyong kanilang mga kababayan ‘no. So, pero ngayon naman po sagana tayo sa supply at tingin ko po makakahabol din tayo with the developed countries na nag-monopolize noong mga bakuna.
Secretary Karl Chua, because this is an issue of economic resilience, can you add?
NEDA SEC. CHUA: Salamat, Spox Harry. Iyong idadagdag ko lang ay itong Bloomberg na survey is a work in progress.
So every time nagsi-survey sila, tinitingnan nila ano ‘yung policy in place at ‘yung sa nakaraang mga linggo ay nagbabago at ini-improve po natin ‘yung ating policy. Tulad ng—iyong pag-focus natin isa granular lockdown at iyong ating focus na ‘yung ating attention ay ilaan lamang sa ‘yung 3Cs – iyong closed spaces, iyong crowds at iyong close contact.
And we allow all the rest of the economy to function normally at nakita po ‘yan natin sa latest labor force survey na ni-release ng Philippine Statistics Authority na bumabalik ‘yung ating trabaho at bumababa ‘yung level of underemployment. So ‘yan po ‘yung kailangan nating gawin, tuloy natin i-evaluate iyong policies natin para mabuksan pa lalo ‘yung ating ekonomiya.
Iyong sa vaccination naman, it is not a question of demand kasi we are able to inoculate half a million sa ating peak. Basta dumating lang ‘yung supply, we will do our part. Sa Metro Manila, I think almost all the adult population ay na-vaccinate na and in major cities lampas na ng 50% at we are now focusing on the next level which is the rest of the regions, the general population and the children 12 and above. Thank you.
SEC. ROQUE: Bago tayo magpatuloy ‘no, ‘yung tanong kanina kasi tungkol doon sa testing ‘no. Well tayo naman po, ang sinusunod natin ‘yung risk-based testing – hindi po lahat tini-test natin, iyong mga nagkaroon ng exposure at iyong mayroong mga sintomas ‘no. At tayo naman po ay umaabot na sa mga mahigit-kumulang 80,000 tests per day at kung ang average cost po nito ay P2,000 per test eh pumapatak po ‘yan P160 million per day po ‘yan na sinasagot po ng ating gobyerno at ng ating mga mamamayan.
Now tingin naman po natin na dahil bumababa po ngayon ang ating mga kaso, bumaba na po from a high of 20,000 per day eh nagpapakita po ‘yan na gumagana iyong ating istratehiya. Pero ang testing ay isang component lang po ‘yan, ang sinusunod po natin ay ‘yung PDITR – iyong PREVENTION, iyong MASK, HUGAS, IWAS at BAKUNA, ‘yung ating TESTING, iyong ating ISOLATION at ‘yung ating REHABILITATION ‘no. So kinakailangan po talaga paigtingin ang PDITR at hindi lang po ang testing.
USEC. IGNACIO: Thank you, Secretary Roque. Ang susunod pong magtatanong via Zoom, si Triciah Terada ng CNN Philippines.
SEC. ROQUE: Go ahead, please.
USEC. IGNACIO: Mukhang wala po yata si Triciah.
SEC. ROQUE: Trish? Nawala si Trish. Okay, balikan natin si Trish.
USEC. IGNACIO: Tanong po muna ni Rosalie Coz ng UNTV: Ano po ang hakbang ng tanggapan ni Pangulong Duterte sa kahilingan ng business at labor leaders na ipagpaliban ang increase ng monthly SSS contribution? Pagbibigyan ba niya ito kasi hindi pa rin tuluyang nakakabawi ang mga negosyo at trabahante sa gitna ng pandemic. Bakit nabinbin ang pagpapalabas ng EO na nagpapatupad ng RA No. 11548?
SEC. ROQUE: Pinag-aaralan po ngayon ‘yan ng Office of the President. Mayroon na pong sinubmit na rekomendasyon ang SSS ‘no. Pero ang tinitingnan po natin, iyong financial viability ng SSS at the same time iyong kahinaan ng negosyo at ng hanapbuhay sa kabila po ng pandemya. So asahan po natin ang desisyon sa lalong mabilis na panahon.
USEC. IGNACIO: Opo. Pahabol naman po ni Alvin Elchico ng ABS-CBN: Ano po ang masasabi naman ng Palasyo sa apela ng mga employers and workers para ibalik sa old rate ang SSS contribution?
SEC. ROQUE: Well, ang new rate po kasi eh mandated by law kung hindi po ako nagkakamali ano. Pero pinag-aaralan po lahat ‘yan dahil tinitingnan po natin kung paano nga maiibsan iyong kahirapan ng ating mga kababayan ngayon.
USEC. IGNACIO: Opo. Tanong pa rin po ni Rosalie Coz ng UNTV: Personal bang maghahain ng kaniyang COC ng Punong Ehekutibo? Anong paghahanda ang ginagawa ng Palasyo kaugnay nito? May mga pagpupulong pa rin ba ang Gabinete at ang IATF sa Pangulo within the COC filing period?
SEC. ROQUE: Hindi ko po alam kung anong magiging desisyon ni Presidente at ‘antayin po natin ang October 8 ‘no. Ang alam ko lang po ay mayroon na siyang pinirmahang Certificate of Candidacy ‘no and acceptance of nomination. Tuluy-tuloy naman po ang trabaho, work as usual po, mamayang gabi po magkakaroon ng Talk to the People bagama’t talaga pong napakadaming mga meeting at karamihan ay political ang pinag-uusapan ng Presidente itong mga nakalipas na araw.
USEC. IGNACIO: Okay. Tanong po ni Ivan Mayrina ng GMA News: There have been issues with the DOH reporting system lately. Isn’t there a danger that the decision on alert levels and other important policy decisions might be compromised on inaccurate data.
SEC. ROQUE: Well, alam ninyo po iyong alert level system naman natin ‘no ay tinitingnan pa rin natin ‘yung average daily attack rate at saka iyong health care utilization rate at saka ‘yung health care utilization rate nga po ay gumagamit ng ibang impormasyon bukod pa po doon sa COVID-KAYA ‘no.
When it comes to case data po ‘no, hindi po naapektuhan ang mga datos ng DOH dahil mayroon pa rin pong access ito sa COVID-19 document repository system kung saan po nanggagaling iyong mga bagong kaso ng COVID. At dahil dito po ay malalaman pa rin natin talaga kung ano talaga iyong tunay na 2-week growth rate at saka iyong average daily attack rate.
So iyong mga technical issues po na naapektuhan dahil po sa COVID-KAYA ay wala pong impact pagdating po doon sa assessment o sa computation ng mga metrics natin na ginagamit po para sa alert level system ng National Capital Region.
Ganoon pa man, patuloy pong nakikipag-coordinate ang ating DOH sa DICT bilang lead agency sa pag-manage po ng system at para magkaroon po ng long-term solution dito sa mga naging problema natin.
USEC. IGNACIO: Opo. Nagbigay po ng tanong si Trish Terada ng CNN Philippines, basahin ko na lang, Secretary Roque: Reaksiyon po sa panawagan ni Senator Joel Villanueva to abolish ang IATF and empower the LGU instead since mas alam po nila i-handle iyong kani-kanilang jurisdictions?
SEC. ROQUE: Well, kung wala pong IATF, wala po tayong naging desisyon ‘no, pagbili po sa bakuna para sa buong bayan, sa buong bansa. Wala po tayong nagkaroon ng mga alert level system, ng mga quarantine classification. At napakahirap po kasing gawin iyan kung walang kumukumpas. Ang papel lang naman po ng IATF ay tagakumpas. Talaga naman pong ang nagpapatupad po niyan ay ang mga lokal na pamahalaan.
At nakikita naman natin sa buong mundo, kung titingnan ninyo naman iyong mga ranking ng Pilipinas sa buong mundo ay hindi naman po nagpapakita na tayo po ay nangunguna sa lala ng COVID ‘no. Alam ko po tumaas ngayon dahil sa Delta variant, pero ang titingnan po natin talaga, iyong pinakaimportante, ilan ang namatay. At sa ngayon po, talaga naman pong mas mababa ang mga namamatay kung ikukumpara natin sa buong mundo at 1.5% na case fatality rate.
So sa tingin ko po, tama po na nagkaroon po tayo ng IATF. At uulitin ko po, ang IATF naman po, iyan po ay binuo or sa pamamagitan ng isang executive order sa naunang gobyerno at hindi po sa gobyerno ni Presidente Rodrigo Roa Duterte. We do not claim to have been perfect, but certainly, let’s give due recognition where it is due dahil nakikita naman po natin na naiiwasan natin ang mas marami pa sanang mga kamatayan or mga taong namatay kung hindi po tayo nag-implement ng mga measures na sinangguni at binuo po ng ating IATF.
USEC. IGNACIO: Susunod pong tanong ni Trish Terada ng CNN Philippines: May mga Cabinet members na bang nag-tender ng resignation sa Office of the President in preparation for their filing of COCs? Sinu-sino na ang mga nag-resign? When can we expect the President’s decision to fill the vacant positions?
SEC. ROQUE: Wala pa po akong nababalitaang nagri-resign. Ang paghain naman po ng certificate of candidacy will have the effect of resignation. Okay? So hindi na po kinakailangang mag-resign kapag naghain ng certificate of candidacy. At ang aking inuulit-ulit po, hindi po ibig sabihin na palibhasa mawawala ang sekretaryo, magkakaroon na po ng leadership vacuum kasi palagi po iyang mayroong OIC. Kaya po mayroon tayong palaging Usec at mga ASec sa iba’t ibang departamento.
USEC. IGNACIO: Opo. Ang sunod pong tanong ni Trish Terada: Are you running for senator? When are you going to file your COC?
SEC. ROQUE: Antayin na lang po natin ang Oktubre a-otso.
USEC. IGNACIO: Ang pang-apat pong tanong niya: When is the President expected to file his COC?
SEC. ROQUE: Wala po akong petsa na nalalaman. Hintayin po natin ang deadline which is October 8.
USEC. IGNACIO: Opo. Mula naman kay Naomi Tiburcio ng PTV: Nabawasan po ang underemployment rate at tumaas ang labor force participation rate nang buwan ng Agosto. Ano po ang dahilan sa likod nito at ano raw po ang masasabi ng Malacañang dito?
SEC. ROQUE: Siguro si Sec. Karl Chua…
SEC. KARL CHUA: Salamat po sa tanong. Kagaya po ng sinabi ko, iyong ating risk management strategy ay gumagana. Ibig sabihin, while we were in some form of heightened quarantine, we allow the majority of workers to operate or to go back to work; tuloy po iyong ating public transport; iyong mga pinagbawalan lang natin ay iyong mga nasa close spaces, crowds at close contact areas. So iyan po ang dahilan kung bakit bumabalik iyong trabaho at gumaganda po ang ating underemployment rate. Salamat.
USEC. IGNACIO: Tanong naman po mula kay Ivan Mayrina ng GMA News: Sa isa daw pong press conference, sinabi ng isang senadora na pareho ng tono iyong pag-discredit ni Atty. Topacio sa witness niya at isa sa pag-discredit din ng Pangulo sa investigation.
SEC. ROQUE: Hindi ko po alam kung ano iyong ibig sabihin iyong pareho ang tono ‘no. Ang sinasabi ni Presidente, sabi nila overpriced – wala namang overpriced maski sa face shield o sa PPEs. Sabi nila, hindi raw sumunod sa proseso – eh ang sabi naman ni Presidente, paanong hindi susunod sa proseso eh Kongreso ang bumuo ng Bayanihan I na siyang nagbigay ng kapangyarihan kay Presidente na bumili as expeditiously as possible iyong mga kinakailangan natin sa pandemya.
Ngayong wala nang isyu ng overprice at walang isyu ng paglabag, may lumalabas naman diumano na isyu daw ng tampering. Alam mo lilinawin ko ito ha, ako nagkamali rin dito: Iyong face shield pala na sinasabi nilang may tampering, hiwalay iyan sa doon sa face shield na kabahagi ng 9-piece PPE set na binili noong Abril 2020 – separate order pa pala iyan ‘no. Noong 2021 kung hindi ako nagkakamali. Pero ang sabi naman ni Presidente, lihis na iyan sa isyu na iyan kasi hindi iyan kasama sa purchase ng April 2020. I hope that is clear to everyone.
Iyong diumanong tinamper na face shield, hindi kabahagi noong 9-piece PPE na binili noong April 2020. Ito ay ibang purchase pala ng 2021, standalone purchase, iyon iyong pinurchase lamang at parang dumaan pa iyan sa regular bidding. Pero ganoon pa man, kung nagkaroon ng tampering ang sinasabi nga ng Presidente, eh bakit gamot ba ang plastic na may expiration date, eh wala naman. So hindi ko po maintindihan kung mayroon pang pagtanong ng tono sa pag-dismiss, eh kasi malinaw, sabi na ni Chairman Michael Aguinaldo, Senadora, kung natutulog ka noong panahon na iyon, wala pong overprice.
USEC. IGNACIO: Second question po ni Ivan Mayrina: Double standard daw ang ipinapakita ni Secretary Roque na agad naniniwala sa mga statement ni Michael Yang, pero ang statement ni Mago, dini-dismiss at kailangan pa ng corroboration. Sure daw ang Senador na hindi vinet ni Secretary Roque ang statement nina Huang at Yang, etc.
SEC. ROQUE: Kasi, Senadora, kung bihasa ka sa batas, alam mo kung ano iyong tinatawag na hearsay; alam ko kung ano iyong admissible evidence. Ang talagang matibay na testimonya, Chairman Michael Aguinaldo: Walang overprice.
Let’s move on, Senadora. Kasi alam kong mahirap tanggapin na walang mangyayari doon sa imbestigasyon ninyo. But move on, because the facts are very clear as the light of day.
USEC. IGNACIO: Question from Kris Jose ng Remate/Remate Online: Nabanggit po ninyo sa isang panayam na depende po sa supply ng bakuna para masimulan po iyong pagbabakuna sa general population sa susunod na buwan. Ibig po bang sabihin nito, malabo pang maisakatuparan ang pagbabakuna sa general population sa buwan ng Oktubre dahil po diyan mas lalo pong malabong makamit ang herd immunity bago matapos ang taon?
SEC. ROQUE: Hindi po, nandiyan nga ngayon ang ating supply. Itong buwan na ito, magkakaroon tayo ng higit 100 million na supply. So, magtutuloy po tayo ng pagbabakuna sa general adult population, tuloy na tuloy na po iyan. Siyempre iyong whether or not it can be sustained all the way, eh depende po iyan sa supply. Pero ngayon po kampante tayo dahil sagana tayo sa supply.
USEC. IGNACIO: Opo. Sunod po niyang tanong: Mensahe po para kay Senator Pacquiao na nag-anunsiyo na po ng kanyang pagriretiro sa boxing?
SEC. ROQUE: Well, nagpapasalamat tayo kay Senator Pacquiao because he has honored the country with his many successes and we share and rejoice of his triumphs as well as in his defeats. We are proud that he is a Filipino, and he has also made us very proud to be Filipinos.
USEC. IGNACIO: Okay. Mula naman kay Vanz Fernandez: With the gradual acceleration of economic activity, what steps are to be taken to prevent or to control the potential damage or unaware COVID positive individuals joining in the opening of economic activities and loosening restrictions?
SEC. ROQUE: Iyan po iyong PDITR: Prevention – mask, hugas, iwas at bakuna. Tapos kinakailangan po natin iyong Detection sa pamamagitan ng at iyong pinaigting na Testing, pagkatapos po Isolation at saka contact tracing and then later on iyong Rehabilitation.
Wala pong substitute sa PDITR, pati po bakuna bagama’t iyan ay magbibigay ng proteksiyon ay buwan po ang aabutin, at least buwan po iyan from the first shot bago magkaroon po ng protection. So, importunate pa rin po mask, hugas, iwas, bakuna.
Sec. Chua, would like to add?
SEC. CHUA: Nothing to add; kumpleto na po iyong sagot, sir.
SEC. ROQUE: Okay, thank you.
USEC. IGNACIO: Opo. Mula naman kay Sam Medenilla ng Business Mirror: Reaksiyon lang po daw sa pag-certify ni President Duterte sa 2022 GAA. May target date po kaya si President Duterte when the national budget should be passed into law?
SEC. ROQUE: Well, ang certification naman po will have the effect of doing away with –iyong hiwalay na second and third reading. Of course, the intention is to give priority and to expedite the passage of the budget law because iyan po ay isang pandemic budget at hindi po pupuwedeng maantala iyong mga serbisyong ibibigay natin sa taumbayan sa panahon po ng pandemya.
USEC. IGNACIO: Thank you, Secretary Roque. Thank you, Secretary Chua.
SEC. ROQUE: Maraming salamat, Secretary Karl Chua. Salamat sa inyong mensahe na kinakailangan mag-ingat buhay para makapaghanapbuhay and we need to learn to live with the virus.
At maraming salamat sa iyo, USec. Rocky. Maraming salamat sa ating mga kasama sa Malacañang Press Corps.
Mga kababayan natapos na naman po ang isang regular press briefing. Mamaya po mayroong Talk to the People ang ating Presidente. Sa ngayon po, ito po ang inyong Spox Harry Roque, sa ngalan ng ating Presidente Rodrigo Roa Duterte, nagsasabi: Pilipinas, kakayanin po natin ito. Nandiyan po si COVID, pero kinakailangan patuloy tayong mamuhay, patuloy tayong maghanapbuhay, pag-ingatan lang po natin ang ating mga buhay, kaya po natin ito. Magandang hapon po sa inyong lahat.
##
—
News and Information Bureau-Data Processing Center