Press Briefing

Public Briefing #LagingHandaPH hosted by Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar and PCOO Undersecretary Rocky Ignacio


Event Public Briefing #LagingHandaPH Episode #49
Location People’s Television Network, Inc. (PTV), Quezon City

SEC. ANDANAR: Magandang umaga po sa lahat ng ating mga kababayang nakatutok sa ating programa mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Ako po ang inyong lingkod, Secretary Martin Andanar mula sa PCOO. Good morning, Rocky.

USEC. IGNACIO: Good morning, Secretary. Ako naman po si USec. Rocky Ignacio mula pa rin po sa PCOO.

SEC. ANDANAR: Basta laging handa at sama-sama, kaya natin ‘to. Kaya naman bayan, halina’t samahan ninyo po kami dito sa Public Briefing #LagingHandaPh.

USEC. IGNACIO: Samantala, silipin na muna natin ang pinakahuling bilang ng COVID-19 sa bansa. As of 4 P.M. kahapon po naitala ng DOH ang 264 new cases sa Pilipinas, sa kabuuang bilang na 11,350. Umabot naman sa higit dalawang libo ang bilang ng mga gumaling mula sa sakit matapos itong madagdagan ng 107 new recoveries, habang nasa 751 patients naman po ang nasawi na nadagdagan kahapon ng 25 new deaths. 63% po sa mga bagong kasong ito ay nanggaling sa Metro Manila, 28% sa Region VII, Central Visayas at 9% naman po sa iba pa.

Samantala, sa bilang na ito ay nasa pangatlong puwesto pa rin ang Pilipinas sa buong ASEAN Region sa may pinakamataas na COVID-19 cases. Nangunguna na pa rin po ang Singapore na sinusundan naman ng Indonesia. Kapansin-pansin naman po ang bansang Malaysia ang may pinakamataas na bilang ng recovery cases sa 5,223 habang nananatiling walang casualty sa mga bansang Vietnam, Cambodia at Laos.

Sa buong mundo naman po ay naitala ang 4,254,302 na total count ng COVID-19 positive ayon sa datos ng Johns Hopkins University and Medicine; 1,483,198 naman po ang mga naka-recover na habang 291,334 naman po ang nasawi. Nangunguna pa rin ang Estados Unidos na may pinakamaraming naitalang kaso na ngayon po ay sinusundan na ng Russia, Espanya, United Kingdom at Italya.

SEC. ANDANAR: Para po sa inyong mga katanungan at concerns tungkol sa COVID-19, maari pong i-dial ang (02) 894-COVID o kaya ay (02) 8942-6843. Para naman sa mga PLTD, Smart, Sun at TNT subscribers, i-dial po ang 1555. Maari ninyo ring tawagan ang hotline numbers ng iba’t ibang ahensiya ng ating pamahalaan na makikita ninyo sa inyong TV screens.

Patuloy po kayong makibalita sa mga pinagkakatiwalaang sources ng impormasyon tungkol sa COVID-19. Maaari ninyo pong bisitahin ang doh.gov.ph/covid19tracker or www.covid19.gov.ph.

Samantala, sa pagdagsa ng aplikasyon para sa Balik Probinsya, Bagong Pag-asa Program ng pamahalaan ay binigyang-diin ni Senador Bong Go ang kahalagahan ng pagpapalakas sa sektor ng agrikultura para rin masiguro ang sapat na pagkain para sa bawat pamilyang Pilipino. Anya, mahalaga ang food security para isustena ang pangangailangan ng mga uuwi sa kani-kanilang mga probinsya. Dagdag pa niya na mahalaga rin ito para masiguro ang regional development na isa rin sa mga layunin ng nasabing programa.

Iminungkahi ng Senador sa Department of Agriculture na i-realign ang ibang mga programa nito para pagtuunan ang food security sa pamamagitan nang patuloy na pamimigay ng mga binhi, pagsuporta sa backyard poultry farming, probisyon sa mga low to zero interest credit programs at mga libreng training sa pagtatanim at pagsasaka. Sinabi rin ng Senador na mahalaga rin ang pagkakaroon ng mga programa sa agrikultura ng mga lokal na pamahalaan na sasang-ayon sa mga existing programs ng Kagawaran ng Agrikultura.

USEC. IGNACIO: Secretary, maya-maya po ay makakasama rin nating maghahatid ng balita sina John Mogol mula sa Philippine Broadcasting Service, Breves Bulsao mula sa PTV Cordillera, John Aroa mula sa PTV Cebu at si Allan Francisco mula sa PTV Manila.

Samantala, kahapon po inanunsiyo na ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na isasailalim na sa Modified Enhanced Community Quarantine ang National Capital Region, Laguna at Cebu City simula po sa May 16 hanggang May 31st, habang ang ilang mga lugar at probinsya naman po sa bansa ay puwede nang mag-shift sa GCQ at Modified GCQ.

SEC. ANDANAR: Bagaman at nasa ECQ pa rin ang NCR, Laguna at Cebu City ay mayroon pa rin itong mga kaunting pagbabago o slight changes ika nga. At para linawin ang mga pagbabagong ito ay makakapanayam po natin ang Tagapagsalita ng Department of Interior and Local Government Undersecretary Jonathan Malaya at si Police Leiutenant General Guillermo Eleazar, ang Commander ng Joint Task Force COVID Shield. Magandang umaga po sa inyo, USec. at General.

USEC. MALAYA: Yes, magandang umaga po sa inyo Secretary Martin at Usec. Rocky.

P/LT. GEN. ELEAZAR: Yes, good morning sa inyo Secretary and USec. pati na rin po sa mga nakikinig at nanonood sa ating programa.

SEC. ANDANAR: USec. Jonathan, sir, under the Modified ECQ, papayagan na umanong lumabas ng bahay ang mga tao basta’t para lang bumili ng essential goods. What will happen to the quarantine pass for ECQ once the Modified ECQ and GCQ takes effect in certain areas?

USEC. MALAYA: Opo, Secretary. Iyon pong ating quarantine pass ay kailangan pa rin po iyan sa lahat ng mga lugar na nasa quarantine ‘no. Kasi nga po ‘pag sinabi po kasing modified quarantine or modified community quarantine or kung anumang klase pong community quarantine ay limitado pa rin po ang paglabas at paggalaw ng ating mga kababayan. So tuluy-tuloy pa rin po iyong ating quarantine pass system, iyon nga lang ang papadaanin na lang po ng ating kapulisan sa ating mga checkpoints ay iyong may mga essential na gagawin. For example, bibili ng pagkain or bibili ng medicine or gamot; or kaya doon naman sa GCQ ay iyong mga papasok sa trabaho. Ngunit ang curfew po ay nandiyan pa rin whether it’s ECQ or GCQ.

P/LT. GEN. ELEAZAR: Secretary Martin, gusto ko lang sanang dagdagan iyon. Basically, based doon sa mga permitted establishments, dalawang category ang ating mga APOR, authorized persons. Una iyong bahagi ng workforce, ito iyong mag-o-operate nitong mga permitted establishments. Pangalawa, ito iyong mga kababayan natin na mag-a-avail nitong mga goods and services na ipo-provide nitong mga permitted establishments. So basically kung ikaw ay bahagi ng workforce eh puwede kang mag-cross sa mga borders, kino-consider kasi niya na talagang ikaw is a member nitong mga essential industries na ito.

Now kung ikaw naman ngayon ay bahagi noong sinasabi nating mag-a-avail nitong mga basic goods and services na ito, eh dapat ia-avail mo iyon basically doon lamang sa lugar mo, so iyon ang medyo haharangan natin. ‘Di ba sa ECQ or Modified ECQ eh sinasabi nga, one member per household ang allowed diyan kaya napakaganda nitong mga quarantine pass na binibigay natin kasi maa-identify natin. Pero dito sa GCQ ngayon, eh anybody from 21 to 59 so—but still, you have to avail them practically doon sa mga lugar ninyo at hindi na dapat kayo magko-cross pa ng border.

Well, of course, may mga exemption iyan and our enforcers naman will use their common sense as well as humanitarian and medical consideration. But basically, iyon po iyong magiging basehan natin whether ECQ siya or GCQ.

SEC. ANDANAR: General Eleazar, sir, dahil marami na rin pong mga probinsya ang sasailalim nga sa nabanggit mo, Modified GCQ, kung saan back to normal na po—well more or less ang movement ng tao pero required pa rin ang face masks at physical distancing. Does this mean na puwede na ring mag… you know, bawas ng mga bantay o checkpoints sa mga lugar na ito?

P/LT. GEN. ELEAZAR: Well, iyon po kasing sinasabi natin na mga lifted na iyong quarantine, pero iyon po kasi mga Modified GCQ pa rin sila. In essence, lahat po tayo sa buong Pilipinas ay mayroon tayong minimum health requirements. Iyon nga, iyong wearing of face mask is a must, pati na rin iyong ating physical distancing. Iyong checkpoint operation po natin, eh kahit po naman—before ECQ may checkpoint na tayo eh, eh ‘di lalo na ngayon na mayroon tayo so that we can check kung ang ating mga kababayan ba are observing itong physical distancing sa sasakyan at the same time if they are wearing face mask; at the same time, nagsasagawa na rin tayo noong ating usual at kailangan na anti-criminality operation.

USEC. IGNACIO: Opo. General, ano naman po ang reaction ninyo sa pag-shift na nga o paglipat po ng NCR, Laguna at Cebu City sa Modified ECQ? Nakahanda ba iyong ating mga pulis sa posibleng mga pagbabago po sa patakaran dito lalo pa’t ini-expect po natin na posible ring marami na pong mga tao ang lalabas din sa kanilang mga tahanan?

GENERAL ELEAZAR: Sinasabi nga po natin even before ng ating Pangulo, base na rin sa rekomendasyon ng ating IATF and crisis managers, nakahanda po ang ating kapulisan. Ang atin pong Chief PNP, Police General Archie Gamboa, ay dati nang nagbigay ng instruction para sa po sa mga adjustments na ito. At ngayon nga na lumabas po iyong mga iba’t-ibang areas, mayroon tayong Enhanced CQ, Modified ECQ, mayroong tayong GCQ at iyong sinasabi nating Modified GCQ or iyong new normal natin ay ngayon po ay pinaplantsa na rin namin itong aming mga gagawin mga list of APOR on those different areas. At patuloy kami na kumukuha pa rin po ng mga details ng mga protocols na manggagaling sa iba’t-ibang ahensiya na involved po dito sa ating IATF decision.

USEC. IGNACIO: Opo, para naman po kay Usec. Malaya. Usec., kahapon po ay in-introduce na rin ni Secretary Roque iyong tinatawag nating zoning scheme para sa mga barangay. Paki-elaborate lang po ito? At ibig bang sabihin po nito ay nasa kamay na ng LGU iyong pagdi-decide kung kailangan pa pong i-lockdown or maglagay pa rin nang mas mahigpit pa rin na quarantine policy sa kani-kanilang mga barangay?

USEC. MALAYA: Opo, Usec. Rocky, ito pong sistemang ito ay inaprubahan ng IATF dahil nga ginagalang nga po namin iyong local autonomy, at ito din po ang kahilingan ng ating Metro Manila Council noong sila ay nag-meeting at nagpasa sila ng resolusyon na mabigyan naman sila ng authority na magkaroon sila ng authority to lockdown a certain barangay in their respective area. Kasi nga po mayroon na po tayong datos na granular ‘no, malalaman na po natin sa isang lungsod kung nasaan iyong mga tinatawag nating hot zones.

So dahil po dito sa naging pakiusap nila ay inaprubahan po ng IATF na puwede nang under the modified ECQ na ang mayor mismo na nakakaalam ng sitwasyon sa kaniyang lugar ay puwede nang mag-implement ng mga lockdown na ito sa mga barangay. At madami na pong gumawa nito. Gumawa na po nito ang Quezon City, ang Lungsod ng Maynila, ang Lungsod ng Caloocan at iba pang mga LGU para nga po ma-contain iyong mga lugar na sa tingin nila ay critical zones.

So ito pong classification na ito ay ibinibigay namin sa mga local government units para sila na ang mag-implement doon sa kanilang lugar so long as kapag ginawa po nila ito ay they are coordinating with the regional IATF and with the Department of Health.

USEC. IGNACIO: Opo. Usec., papaano po nila puwedeng gawin ito? Kailangan pa rin ba nilang kumuha ng approval sa IATF at sa DILG bago po mag-decide at ipatupad iyong ganitong guidelines?

USEC. MALAYA: Hindi na po kailangan ipaapruba ito sa IATF. Maliwanag po doon sa Omnibus Guidelines on ECQ and GCQ na pinalabas natin under the executive order by the President, na ang authority kapag nasa barangay level ay nasa kamay na po ng mga mayor. So kahit po sa amin sa DILG ay hindi na rin po kailangan na magpaalam.

Ang pakiusap lang po namin sa ating mga mayor ay kung gagawin po nila ito ay kailangan magkonsulta po sila sa kanilang Department of Health, sa kanilang—mga taga-Department of Health; at kung sa probinsiya naman, sa kanilang Regional IATF, iyong counterpart ng National IATF para po ma-guide sila doon sa kanilang magiging desisyon. Dahil nga po ang gusto po nating mangyari dito sa ating quarantine, especially if it’s going be a lockdown of a barangay, ay based po kailangan ito on science, data-driven. So kung ano po ang lumalabas sa datos ng DOH, iyon po sana ang maging guide ng ating mga mayor at gobernador.

USEC. IGNACIO: Opo, for General Eleazar. Sir, marami po ang nakakapansin na tila dumarami na ulit iyong mga sasakyan sa mga lansangan at tila po daw ay lumuluwag na rin iyong pagbabantay ng ating mga checkpoint, sa frontliners – totoo po ba ito?

GENERAL ELEAZAR: Naku, hindi po. Ang atin pong mga QCPs ay nagtsi-check ng mga sasakyan, partikular itong mga non-cargo vehicle, at ang ating Highway Patrol Group ay tumutulong dito. In fact, sa ulat po ng ating Highway Patrol Director na si Police Brigadier General Ely Cruz ay iyon pong nahuhuli nila parang lumalabas na one percent lang iyong non-APOR. Ibig sabihin, iyong mga lumalabas ay hindi sila authorized kaya nahuhuli pa rin nila.

The point is kasi siyempre marami po kasing mga establisyimento na bukas na, even dito sa ECQ natin, at nasa labas sila. The more important there is that natsi-check natin sila. Iyon nga ang magiging challenge natin kasi doon sa GCQ ay mas marami na na mga allowed na nasa labas at ito ngayon ang ating pagtutuunan ng pansin. Ang ating mga ginagawang mga checkpoint ngayon ay hindi lang fixed checkpoint kung hindi more on mobile checkpoint para ma-check natin sila. At doon sa mga lugar naman kung saan mayroon tayong fixed checkpoint, hindi natin puwedeng gawin na harangin lahat dahil it will defeat the purpose of partially re-opening our economy – tutukod po iyong trapik na iyan. Kaya ang gagawin nila, staggered or at random magtsi-check tayo. Kapag tumukod na, release, and then magtsi-check ulit. Kumbaga, ‘ika nga, tsamba-tsamba: Kapag nakalusot ka, suwerte mo; pero kapag natsambahan ka, lagot ka.

At ang instruction ng ating SILG, si General Año, at saka si Chief PNP ay talagang totohanin at hulihin, sampahan ng kaso. Nakita po natin for the past 57 days, ito ay minu-monitor natin, na ikinumpara natin doon sa last 57 days bago ang ating ECQ na bumaba po ng 66% ang krimen sa Luzon, 58% sa Visayas at 51% naman sa Mindanao – 61% sa buong Pilipinas. At nakita po natin iyon na pati na rin po iyong mga violators natin, noong mag-start tayo ng March 17, 8,200 iyong violators; kahapon, 1,037. Mula noong … sabihin natin itong the last 19 days noong nagbigay ng instruction ang ating SILG at Chief PNP ay hindi na po umabot ng 2,000 – in fact, halos 1,000 lang. At nakita po natin na dahil sa ating pinatutupad na ito, pati na rin iyong ating mga pagbabantay sa mga lugar kung saan permitted na lumabas sila o mag-operate ay nakatulong po iyon sa pagbaba ng krimen lalung-lalo na itong curfew natin.

Gusto ko pong sabihin sa ating mga kababayan dahil may nagtatanong: Pagdating ba ng GCQ ay may curfew pa rin? – tama po iyon. Base sa Omnibus Guideline, mandated ang curfew sa mga iba’t-ibang lugar. At tayo ay nagpapasalamat sa ating mga local chief executives sa pagsusulong nito. At kami po ay naniniwala na habang wala pang bakuna at vaccine ito, even sa sinasabi nating mga lifted na or iyong Modified GCQ, mas maganda mayroon tayong mga curfew dahil we lessen the window of opportunity for these criminals to their thing kung mayroon tayong mga curfew para sa mga non-workers.

USEC. IGNACIO: Opo. Para naman po kay Usec. Malaya. Iyon pong SAP distribution po ay magpapatuloy pa rin sa second tranche nito, ayon po kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque pero sa mga lugar na nasa ECQ lamang. Ibig sabihin ba nito na wala na pong maaasahang ayuda iyong mga naninirahan sa GCQ kahit hindi naman po lahat ng trabaho ay bukas na sa mga ito?

USEC. MALAYA: Opo, Usec. Based po doon sa ating announcement ni Spokesman Harry Roque kahapon, iyon pong mga nasa GCQ areas na nakatanggap na po ng first tranche ng Social Amelioration Program ay hindi na po tatanggap ng second tranche dahil nga po sila po ay nasa GCQ na at puwede na po silang bumalik sa trabaho ‘no, allowed na po iyan under IATF Resolution and as approved by the President.

Ngunit – ito po ang ngunit diyan – iyon pong mga left out families kahit po kayo ay nasa GCQ area ay kayo po ay mabibiyayaan din ng Social Amelioration Program, at iyan po ang isa sa mga in-announce kahapon ni Spokesman Harry Roque na inaprubahan na po ng ating Pangulo iyong additional 5.9 million Filipinos na left out whether you are in an ECQ or GCQ-area kayo po ay mabibiyayaan nitong Social Amelioration Program.

Kaya po sa mga nanunood po ngayon, especially po iyong mga tumatawag sa DILG at nagti-text sa amin na “Bakit ganito, kami ay kwalipikado, wala kaming trabaho sa ngayon. Iyong aking pamilya ay nagugutom na dahil hindi kami makapasok, at kami ay pasok sa kwalipikasyon ng Social Amelioration Program at ng DSWD ngunit kami ay hindi pa rin nakakatanggap dahil kulang daw ang SAP Form.” Maganda pong balita, kayo po ay mapapasama na whether you are ECQ or GCQ doon po sa pangalawang yugto ng Social Amelioration Program.

USEC. IGNACIO: Opo. Usec., kapag pinag-uusapan po natin iyong SAP distribution, nasaan na po tayo as far as completing this? At kumusta po iyong compliance ng mga barangay doon po sa listahan ng mga beneficiaries?

USEC. MALAYA: Sa pinakahuling datos po, Usec., na natanggap ng DILG kagabi, as of ten o’clock – kagabi – kasi araw-araw po kami nag-a-update ng aming datos – nasa 96% na po ng ating kabuuang intended beneficiaries ay nakatanggap na. Ang ibig pong sabihin nito nine out of ten, almost ten, ng mga benepisyaryo ay nabigyan na po ng social amelioration.

Ngunit ang nakikita po kasi natin sa TV ay iyong mga LGUs na medyo mabagal iyong kanilang pamimigay at iyan po ang naha-highlight ngayon, hindi po naha-highlight iyong katotohanan na daan-daang—milyon-milyong Pilipino na ang nakatanggap ng kanilang social amelioration.

At para po dito sa mga lugar na naging mabagal ang distribution ng SAP, nag-utos na po si Secretary Eduardo Año na magpalabas ng show cause order sa hindi lalampas trentang mayors sa buong bansa na base sa report ng aming mga region ay naging mabagal ang kanilang pamimigay ng social amelioration program.

At magkakaroon po kami ng announcement tungkol dito dahil ilalabas na nga po namin iyong show cause order at pagpapaliwanagin po natin ang mga mayors kung bakit hindi nila nailabas or na-distribute ang social amelioration program bago magkroon ng deadline noong May 10, 2020.

USEC. IGNACIO: Para naman po kay General Eleazar. In relation to that, para naman sa mga iniimbestigahang umano ay tiwaling local official, I understand we are receiving a lot of complaints po kasi lalo pa at inanunsyo na ng Pangulo iyong P30,000 na bounty na magtuturo sa mga sinasabing umano ay tiwaling opisyal. Paano po ito tinutugunan ng PNP?

GEN. ELEAZAR: Nangunguna po ang ating Criminal Investigation and Detection Group sa pag-iimbestiga po rito. Ang atin pong CIDG mayroon silang regional offices and provincial offices nationwide at pati na rin po lahat ng mga police station natin ay nagbibigay po ng tulong dito.

So, in coordination with the DILG, hahanapin po natin iyan at ang bilin ng ating Pangulo ay ito pong nagsasamantala dito sa ating kaban ng bayan ay hindi po natin palalampasin. Malinaw po ang instruction ng ating SILG at ang ating Chief PNP, hahanapin po natin sila at haharapin nila ang mga kaso na iyan.

USEC. IGNACIO: For Usec. Malaya, question po mula sa ating kasamang si Joyce Balancio ng Malacañang Press Corps. May mga magulang daw po na gusto nang personal na sunduin ang kanilang mga anak na na-stranded po sa Metro Manila pauwi ng Bicol. Sa kasalukuyan ay nasa GCQ na po. Puwede po ba daw na sila na iyong sunduin para hindi na isailalim sa Hatid Estudyante Program ng pamahalaan?

USEC. MALAYA: Well, Usec., kahit man po gustuhin natin ay hindi pa po nila puwedeng personal na sunduin dahil nga po mayroon po tayong stay at home policy specially ito pong Metro Manila ay ECQ area. Kahit po ang Kabikulan ay nasa GCQ area na ngayon. Kaya po pinapaliwanag namin kanina pa ni General Eleazar na kapag kayo po ay nasa quarantine, only essential services ang puwede ninyong maging dahilan paglabas at kung kayo po ay nasa GCQ, puwede na nga po kayong magtrabaho doon sa mga allowed industries lamang.

So, in other words, limited pa rin po ang galaw ng tao at hindi pupuwedeng bumiyahe na lang mula sa probinsiya papunta ng Metro Manila ang ating mga magulang na gustong pauwiin iyong kanilang mga anak.

Ngunit gaya nga po ng sinabi ninyo na rin, Usec., mayroon na pong programa ang gobyerno, iyong Balik-Estudyante Program na parte rin po ito ng Balik-Probinsiya, Bagong Pag-asa Programs na isinusulong ng ating pamahalaan. Ang alam ko po ito po ay pinapangunahan ng National Housing Authority, may secretariat na po iyan, Usec., at makipag-ugnayan po itong mga magulang na ito kasi susunduin po iyong mga kabataan, mga estudyante at iuuwi po sila ng pamahalaan sa kani-kanilang mga probinsiya.

So, nakikiusap po ako sa ating mga magulang, alam ko po na kayo ay nag-aalala para sa inyong mga anak ngunit kung kayo po ay magpipilit na pumunta ng Maynila ay mahaharang din po kayo sa mga checkpoints dahil hindi po allowed ang inyong gagawin. Makipag-ugnayan na lang po tayo sa National Housing Authority para po maiuwi kaagad-agad sa kani-kanilang mga probinsiya ang inyong mga anak.

GEN. ELEAZAR: Gusto ko sanang dagdagan lang, Usec. Rocky, na tama po iyon na hindi porke naging GCQ na eh puwedeng mag-uwian na. Pero kasama, complimenting that Balik Estudyante Program, mayroon tayong programa para sa locally stranded individuals at iyon pong sub-task unit nga po ng National Task Force natin on managing this locally stranded individual eh inaalam na po ng ating mga pulisya kung sino ang mga iyan. At ang kailangan lamang po ay sertipikasyon na manggagaling doon sa lugar kung saan sila ay nag-ii-stay ngayon na nag-undergo sila ng—may health certificate na hindi sila infected at saka pati po nag-quarantine na and at the same time ay mayroong certificate din naman na ina-accept siya ng pupuntahan niya and then iyon po ay ibibigay sa amin through that task unit.

At within the province, ang atin pong provincial director can give that travel authority at within kumbaga intra-region, within the region sa paglilipat sa ibang probinsiya, puwede pong magbigay ng travel authority naman ang ating regional director. At kung kayo naman ay lilipat sa ibang rehiyon like for example, sinasabi nila Region V – NCR o pabalik, so, iyon pong director for operations natin, si Police Major General Rico Licup ay mag-iisyu lang po ng travel authority as long as itong mga requirement na ito ay kumpleto. And we are processing this, ito iyong one-time na pag-assist natin sa kanila kasama na rin iyong ibang mga concerned agencies like the DOH, well of course, the DILG, DOTr, DOT kung sakali man po ang aming pakikipag-ugnayan sa kanila.

USEC. IGNACIO: So, bale dini-discourage ninyo po ang publiko na kahit nasa GCQ kayo at pupunta kayo sa area ng ECQ, huwag na muna po.

GEN. ELEAZAR: Tama po iyon. Opo, dini-discourage natin pero iyon pong may mga reason nga po kagaya ng mga nabanggit natin mga locally stranded individuals, na mga estudyante or mga workers na iyong kanilang trabaho ay hindi pa nag-open, so pino-process po siya pero may mga partikular na mga protocol na sinusunod at dapat tupdin.

USEC. IGNACIO: Opo. Para naman po kay Usec. Malaya. Ano naman po ang magiging partisipasyon ng DILG sa Balik-Probinsiya Program ng pamahalaan?

USEC. MALAYA: Opo, USec. Bago ko lang po sagutin iyong tanong, susugan ko lang po iyong sinabi ni General Eleazar.

So, puwede pong lumapit sila sa ating kapulisan at puwede rin po sa mga LGU. Dahil iyong mga LGU po ay kausap din ng ating—partners po kami niyan lagi, DILG po kami. So, iyong mga LGU po ay mayroon ding pakikipag-ugnayan sa kanilang mga counterpart LGU dito sa Maynila at mayroon nga pong ganitong sistemang ginagawa. So mayroon pong lalapitan at lalapitan ang ating mga kababayan para sa kanilang mga anak na gusto nang makauwi sa kani-kanilang mga probinsiya.

Ngayon naman po, Usec., dito sa ating programang Balik-Probinsiya, Bagong Pag-asa Program, malaki po ang tungkulin ng DILG dito dahil para po maging successful itong programang ito kailangan po paangatin natin ang mga probinsiya. Dahil gusto nga po nating pauwiin iyong ating mga kababayan sa kani-kanilang mga probinsiya pero kung wala naman pong naghihintay na trabaho doon, wala namang economic opportunities, employment opportunities, mahina po ang peace and order doon, ay umuwi po sila baka magbakasyon lang at maya-maya ay nasa Maynila na naman.

Ganiyan po ang nagiging cycle ng ating bansa, punta ng Maynila – balik sa probinsiya – punta ng Maynila. Ang gusto po sana natin ay maging matagumpay ito in the long run na iyong mga nandito sa Maynila ay umuwi na sa kanilang probinsiya at doon sila maging productive, doon na sila bumuo ng pamilya, doon na sila magtrabaho at doon na sila maging matagumpay sa buhay.

Kaya po ang magiging malaking tungkulin po dito ng DILG is to empower, to guide, and to provide assistance to our local government units para mapaangat po nila iyong kani-kanilang mga probinsiya para nga po makauwi na sa kani-kanilang mga probinsiya iyong mga nandito sa Metro Manila.

Ito po, Usec., na Balik-Probinsiya Program ay tatlong aspeto po ito gaya ng paliwanag po ni Senator Bong Go: Una, iyong immediate, ito iyong pinag-uusapan natin ngayon iyong mga gusto ng umuwi; Pangalawa, iyong mga medium term goals nito, iyong suporta po ng gobyerno sa mga small and medium scale industries, iyong manggagaling sa DTI, manggagaling sa DA, iyong suporta sa mga farmers para nga po maging progresibo ang mga probinsiya, iyong tinawatag ko kanina na ‘Angat Probinsiya’; At iyong long term naman po nitong Balik-Probinsiya Program dahil maganda pong programa ito, ito po iyong sinasabing reforms sa ating bansa. Long term reforms na hindi lang mararamdaman sa panahon ng Administrasyon na ito, ito ay mararamdaman din ng susunod na henerasyon at ng ibang administrasyon.

At kasama po dito, Usec., iyong isinusulong ng DILG na constitutional reform na kailangan na po nating amyendahan ang ating Saligang Batas para lumaki ang internal revenue allotment ng mga LGUs sa probinsiya at mapalakas natin iyong investments sa mga probinsiya by amending the Constitution para mawala na po iyong mga restrictive economic provisions na ating Saligang Batas.

So, lahat pong itong mga programang ito ay pasok sa Balik-Probinsiya Program at umaasa po kami sa DILG na ito po ay magiging tagumpay.

USEC. IGNACIO: Okay. Maraming salamat po sa inyong panahon, Usec. Jonathan Malaya ng DILG. At siyempre po kay Police Lieutenant General Eleazar, maraming salamat po.

Samantala, kumustahin naman po natin ang lagay ng ating mga kababayan sa Estados Unidos na siya pong may pinakamataas ngayon na bilang na nagpositibo sa COVID-19 sa buong mundo. We have on the line, the Philippine Ambassador to the Unites States Ambassador Jose Manuel Del Gallego Romualdez. Magandang umaga po dito sa Pilipinas, Ambassador.

AMB. ROMUALDEZ: Yes, good morning to all of you there in Manila.

USEC. IGNACIO: Ambassador, alam po natin na marami na rin pong mga Pilipino ang naapektuhan ng COVID-19 sa Amerika. What is our latest count on this po? At ilan po kung mayroon man, mayroon po bang nagpositibo na mga Pilipino diyan at mayroon po bang naka-recover na, Ambassador?

AMB. ROMUALDEZ: Well, ang Embassy dito at iyong mga Consulate Generals natin ay naka track sa mga—we were able to track about mga 253 confirmed cases among Filipinos in the United States and also in the Caribbean, that’s under our jurisdiction. About 137 ay namatay na dito sa disease na ito, including iyong mga 18 medical frontliners. Itong mga figures na ito ay mas malaki kaysa sa Filipino-American Community kung isasama mo lahat sila. Pero ang reported na nakuha namin ay 40 deaths na Fil-Am health workers, sa New York, New Jersey region alone. So, pero ang masasabi ko lang, talagang ang mga Filipino Healthcare workers dito sa Amerika ay talagang very much appreciated at recognized internationally for their remarkable contribution sa kanilang mga trabahong ginagawa dito. So, may mga Filipino frontliners dito ay nagdadala ng talagang mabigat na trabaho ng ginagawa nila para sa coronavirus, kaya ang mga Amerikano dito ay talagang very appreciative sa mga Filipino health workers na nandito sa Estados Unidos.

USEC. IGNACIO: Opo, Ambassador, kumusta naman po ang general welfare ng atin pong kababayan diyan, at ano po iyong ginagawa ng ating embahada para po abutin sila at matulungan dito sa gitna ng umiiral na crisis?

AMB. ROMUALDEZ: Well, ang sinasabi namin sa kanila ay i-follow lang, sundin lang nila iyong health advise na binibigay sa kanila ng mga local government at saka state government officials dito. Kami naman dito, ang ginagawa namin, we are just trying to give them much, much advise as we can. At kung marami sa kanila ang gusto umuwi sa Pilipinas, again, sinasabi namin na its either they stay in place or kung kailangan nila ng tulong, hinahanapan namin ng ng paraan kung paano namin matutulungan sila. Pero generally, marami naman sa mga Filipino-American community dito ay talagang sumusunod sa mga state at local – anong tawag dito – iyong stay in place or social stay in place. So, far wala naman kaming nakikitang hindi nila sinusundan iyong mga advise na binibigay. Alam mo naman tayo, we always follow the rules, at least dito sa Amerika, iyon ang nakikita namin.

USEC. IGNACIO: Opo, may mga nagsasabi po na or napapansin na erratic daw po iyong, allegedly, itong daily reported cases sa USA – mababa sa ibang araw, pero mataas naman po sa susunod na araw. What are the continuing efforts po, na ginagawa ng US government to respond to this?

AMB. ROMUALDEZ: Well, alam mo ang problema dito, kasi maraming mga states na nagbubukas na ng kanilang mga states activities. So iyon na nga, si Dr. Fauci, pinaka-number one na doctor ito sa America ngayon na who is the most credible, ang nagsabi nga na talagang very, it’s a big a risk that some states are taking kung immediately ibabalik nila sa dati iyong mga trabaho. Dahil there’s such a thing as a second wave, diyan mas malaki, kapag iyan ay nangyari, talagang mahihirap ang mga states to cope up with it.

Kasi parang mas matindi iyon. I suppose, iyan din ang iniisip ng ating gobyerno diyan sa Pilipinas, kaya sila very strict din sa lockdown natin, dahil kapag magkaroon ng second wave, diyan tayo matatamaan ng medyo mabigat.

Kaya ganoon dito, so, there are some states na mataas iyong kanilang mga nagiging cases at marami ding, of course, namamatay. Of course iyong New York ngayon, ang State of New York medyo bumababa na. Sabi nga ng governor doon, si Governor Cuomo, ang ginagawa nila tama, pero unti-unti nilang binubukas iyong mga negosyo sa New York para at least nako-control nila iyong pagkakaroon ng mga kaso.

USEC. IGNACIO: Opo, nabanggit po ninyo na nagbubukas na nga iyong ilang states diyan sa US. Kumusta po iyong economic situation diyan, lalo na iyong—sa ating mga kababayan na diyan po nagtatrabaho sa Amerika?

AMB. ROMUALDEZ: Well, of course marami sa kanila lalo na ang mga Fil-Ams na nagtatrabaho, of course alam naman natin na ang Amerika, medyo malaki ang resources nila, so nag-distribute ang US Federal government ng 2 trillion dollars, napakalaking pera talaga iyan. So each family was able to receive something at an average of 3,ooo dollars at saka iyong mga medium industry, enterprises like mga restaurants mga ganoon, nakakaroon sila ng mga tulong na binibigay na parang free loan ng gobyerno, basta huwag lang nila tanggalin iyong mga empleyado nila. So, iyon talagang malaking tulong iyon, marami sa ating mga Filipino communities dito sa Amerika, iyong mga kilala natin dito sa Virginia Beach mayroon silang maliliit na negosyo, nakatulong nang malaki iyong ibinibigay ng federal government. So, iyong programa na iyan o iyong tulong ng federal government, assistance, ay napakalaking bagay lalo sa maliliit na negosyo dito. Kaya marami sa ating mga Filipino-American businesses eh nakaraos doon sa tulong na iyon ng federal government.

USEC. IGNACIO: Ambassador, ano pong assistance ang binibigay daw po ninyo sa ating mga J1 visa holders na maapektuhan ng COVID-19 diyan sa Estados Unidos?

AMB. ROMUALDEZ: Iyan talaga napakalaking problema iyan iyong J1 visa holders. Dahil technically iyong mga J1 visa holders ay mga sponsored iyan, mayroong mga sponsors iyan.

So, ang ginagawan natin, hinihimay namin and of course lagi kaming nakikipag-ugnay sa state department, where we normally interact with that, we work together para mahanapan namin ng paraan. Lahat sa kanila kailangan nang umuwi ‘no, mayroon namang iba gustong maiwan, so tinutulungan naming ma-extend iyong kanilang visa para makahintay dito, hopefully makakabukas.

Pero majority of these visa holders are really deployed in hotels, maraming mga hotel ang sarado, restaurant and resorts at saka hospitality industry, so hindi nila malaman kung kalian magbubukas ulit ito. So, marami sa kanila talagang kailangan nang umuwi sa atin.

So, in the meantime, of course iyong kanilang mga expenses, kailangan talaga iyong sponsor. Pero kung wala naman, pinadadala namin iyong mga request sa ating gobyerno through the DFA, tinitingnan kung paano natin matutulungan na makauwi sila. Marami ring mga estudyante na nandito, na exchange visa program. Of course, some of them also are brought here are on a state-sponsored one.

So, we are working with the sponsors to try to ask them to defray the expenses to bring them home. Ang problema naman, of course limited naman iyong mga flights, so that is another reason why na medyo nahihirapan tayo kung paano natin pauuwiin. Maraming mga flights going to the Philippines kailangang dumaan sa Korea o Japan, so that another big problem that we have to try to resolved. So, napakalaking problema itong J1, talaga it is really doesn’t fall under our OFWs technically. Mayroon tayong OFW fund na talagang tumutulong sa ating mga workers na nasa labas. Pero iyong mga J1, ibang klaseng kaso iyan, so iyan ang tinututukan namin ngayon at naghahanap kami ng paraan kung papaano namin matutulungan itong mga J1 visa holders.

SEC. ANDANAR: Sir, mayroon po tayong report from One New PH na nagsasabi that Washington has approved the possible sale of Bell and Boeing attack helicopters to Manila despite the cancelation of VFA in February. Ano po ba ang ibig sabihin nito, well regarding the current relations between the Philippines and the United States despite the scrapped…?

AMBASSADOR ROMUALDEZ: Well, itong Black Hawk helicopters, matagal na nating hinihintay iyan eh. Ang ating Air Force, they have been waiting for these helicopters. They’re one of the best in the world right now. And I think this is of course approved by the President, well about a year ago as a matter of fact and the deliveries are just coming in only now, it takes time for it to be manufactured of course.

So in spite of the VFA about to be terminated on August 9, I think the United States is very much committed to helping us in terms of our modernization program and they really would like to see us really get as much equipment as possible from the United States para mayroon tayong inter-operability in terms of our Mutual Defense Treaty ‘no. So iyan patuloy iyan, there is really no stopping the program that we have in store between our military.

The VFA is really more of a local situation where we have American soldiers coming in; they are protected legally to be in the Philippines. They have this all over the world. In our case of course, we have terminated that so they’re prepared now for the program, iyong mga Balikatan, mga ganiyan, that will all be either totally removed, cancelled or perhaps in a limited basis, on a case-to-case basis which both government have to agree on.

USEC. IGNACIO: Okay. Maraming salamat po for your time, Ambassador Romualdez; and stay safe po.

AMBASSADOR ROMUALDEZ: Okay, maraming salamat din at stay safe kayong lahat diyan. Hindi ko na nakausap si Secretary Andanar, pakibigyan mo na lang ako ng best regard sa kaniya.

USEC. IGNACIO: Opo. I will, Ambassador. Salamat po.

AMBASSADOR ROMUALDEZ: Salamat. Thank you too.

USEC. IGNACIO: Samantala, alamin na natin ang balitang nakalap ng Philippine Broadcasting Service mula sa ating mga probinsya. Go ahead, John Mogol…

[NEWS REPORTING BY JOHN MOGOL]

[NEWS REPORTING BY FLORENCE TARCINA, RADYO PILIPINAS-TUGUEGARAO]

[NEWS REPORTING BY NASHRA ANNI, RADYO PILIPINAS-JOLO]

USEC. IGNACIO: Salamat John Mogol ng Philippine Broadcasting Service-Radyo Pilipinas. Samantala, kumustahin naman natin ang Cordillera Region kasama si Breves Bulsao. Breves…

[NEWS REPORTING BY BREVES BULSAO, PTV-CORDILLERA]

USEC. IGNACIO: Salamat, Breves Bulsao mula sa PTV Cordillera. Kasama rin nating magbabalita si John Aroa mula sa PTV Cebu. Go ahead, John.

[NEWS REPORTING BY JOHN AROA, PTV CEBU]

USEC. IGNACIO: Salamat sa’yo, John Aroa ng PTV Cebu. Muli rin nating pinasasalamatan ang ating mga naging panauhin ngayong araw at maging ang ating partner agencies sa kanilang paghahatid ng mga balita’t impormasyon. Maraming salamat din sa Filipino Sign Language Access Team for COVID-19 sa inyong araw-araw na suporta sa ating programa. Mabuhay po kayo.

At diyan po nagtatapos ang ating programa sa araw na ito. Sa ngalan po ni Secretary Martin Andanar, ako po si USec. Rocky Ignacio mula sa PCOO. Hanggang bukas pong muli dito pa rin sa ating Public Briefing #LagingHandaPh.

##

Source: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)