Press Briefing

Public Briefing #LagingHandaPH hosted by Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar and PCOO Undersecretary Rocky Ignacio


Event Public Briefing #LagingHandaPH
Location People’s Television Network (PTV), Quezon City

SEC. ANDANAR: Magandang umaga Pilipinas at sa lahat po ng ating mga kababayan saan mang panig ng mundo.

Ngayong araw po ay dapat ipatutupad ang pilot run ng granular lockdown dito sa Metro Manila pero kagabi inanunsiyo ng IATF na pansamantala munang ipagpapaliban ito. Sa halip extended ang pagpapatupad ng Modified ECQ sa buong National Capital Region hanggang September 15; ang Ilocos Norte naman po ay balik MECQ rin hanggang katapusan ng buwan. Pag-uusapan po natin ‘yan mamaya.

Ako po ang inyong lingkod, Secretary Martin Andanar. Magandang umaga sa’yo, Usec. Rocky.

USEC. IGNACIO: Good morning din, Secretary Martin. Bukod po diyan ay aalamin din natin ang pinakahuling update sa pananalasa naman ng bagyong Jolina sa ilang bahagi ng Luzon at Visayas at gayun din ang issue sa kabuhayan ng mga mangingisda sa Manila Bay sa gitna ng rehabilitasyong ginagawa ng pamahalaan dito.

Magandang umaga po sa lahat, ako po si Usec. Rocky Ignacio.

SEC. ANDANAR: Simulan na po natin, Rocky, ang talakayan dito sa Public Briefing #LagingHandaPH.

Kaugnay nga po sa pansamantalang pag-postpone sa implementasyon ng granular lockdown system dito sa Metro Manila, makakapanayam natin ang Tagapagsalita ng National Task Force Against COVID-19, si Retired General Restituto Padilla, Jr. Magandang umaga po sa inyo, General.

NTF SPOKESPERSON PADILLA: Magandang umaga, Sec. Martin; magandang umaga Usec. Rocky at saka sa lahat po ng nakasubaybay sa programa. Magandang umaga po sa inyong lahat at harinawa po nasa maayos kayong kalagayan.

SEC. ANDANAR: General, ano pong nangyari at biglang kumambiyo ang IATF sa pagpapatupad ng granular lockdown dito sa Metro Manila na supposedly ay ngayong araw magsisimula; bakit po ito biglang binawi?

NTF SPOKESPERSON PADILLA: Well unang-una, Sec. Martin, iyong atin pong guidelines na inaantay ay hindi pa po handa at hindi pa po naipapamahagi sa lahat ng mga mag-i-implement. At nagkaroon pa rin po ng meeting kahapon, ang ugnayan na ‘to ay kasama po ang mga Metro Manila mayors at marami rin pong lumabas na mga katanungan doon na maaring hindi pa rin po naging bahagi ng mga nakalatag o nakahandang guidelines na kinakailangang palawigin.

So iyong rollout noong pilot quarantine na ito ay madi-delay nang kaunti hangga’t hindi pa po naihahanda at naidi-disseminate iyong mga guidelines na tinutukoy natin. So abangan po natin ‘yan para mas maging maliwanag po.

SEC. ANDANAR: All right. General, matanong lang po kung kinapos ba sa preparasyon kaya hindi muna ipatutupad?

NTF SPOKESPERSON PADILLA: Ah maaari po, kasama na rin po ‘yan at kasama na rin po siguro ang panawagan ng ibang mga health workers natin na medyo i-delay pa po nang kaunti. May panawagan iyong iba na i-delay ng two weeks pero iyong pinakamalaking bahagi po kasi niyan ay iyong lumalabas na pangangailangan na mas palawigin pa iyong guidelines nang sa ganoon sakop na po lahat ng mga katanungan noong mga Metro Manila Mayors at ng iba pang mga parties na naglabas po ng katanungan at ng clarification.

SEC. ANDANAR: Paano po napapayag ang economic managers sa postponement ng granular lockdown? May compromise naman po bang napag-usapan, General?

NTF SPOKESPERSON PADILLA: Actually ho, Sec. Martin, status quo tayo ‘no. So same conditions tulad ng bago nag-anunsiyo, ‘yan pa rin ang susundin natin at hindi nagbabago po iyong mga dating mga pagbabawal na nakalatag doon sa previous MECQ. So wala hong nagbago, in-extend lang ho ito hanggang sa kalagitnaan ng buwan maliban lang po doon sa pagluluwag doon sa mga lifted countries na binan (ban) po natin ang entry. So ngayon wala na po ‘yun, nakapag-lift na po tayo ng entry ban doon sa mga bansang iyon.

Tapos nagpalawig pa po tayo ng tinatawag na green list at saka yellow list, red list countries para sa mga matataas na kasong countries na kinakailangan nating bantayan or luwagan as the case may be.

So iyon po siguro iyong maaaring naging mga dahilan nito at kaya nga po hanggang sa ngayon ay patuloy pang nakikipag-ugnayan ang technical working team na naghahanda po ng mga guidelines na ito para mas maging mainam iyong pilot.

SEC. ANDANAR: Ano naman po ang masasabi ng pamahalaan doon sa mga negosyanteng naghanda na sa pagbubukas ng kanilang establisyimento sa araw na ito? Pero dahil MECQ ulit ay mapipilitan na namang magsara eh mayroon nang mga namalengke, mayroon nang namili ng mga gamit, pinuno na iyong mga pantries, nagrireklamo sila ngayon. So, what do you say about this?

NTF SPOKESPERSON PADILLA: Well actually talagang malaki naman talaga ang impact ng ating mga sitwasyon ngayon sa ating negosyo. Pero by and large ito naman pong mga establishment na ito ay pinapayagan naman na mag-operate pero sa take-out basis lang. So wala po tayo sa MECQ conditions dito sa atin sa Pilipinas na pahintulot na magbukas. So hindi naman na po tatagal ito, hanggang kalagitnaan na lang po ng buwan or earlier kung lumabas na po iyong mga guidelines at mai-cascade na po ito sa lahat ng mga ahensiyang magpapatupad.

So konting panahon na lang po, ang atin naman pong ambag ay tulong na rin sa ating mga frontline workers kasi medyo critical pa rin ang ating hospital COVID cases level at punuan na po ang mga ospital. So maaaring itong panahon na idinulot natin sa paghahanda nitong guidelines para sa granular lockdown ay makakatulong pa rin doon sa pagbaba ng kaso.

SEC. ANDANAR: Samantala, General, pun—[LINE CUT]

NTF SPOKESPERSON PADILLA: Hello, Sec. Martin, naputol po kayo.

USEC. IGNACIO: Opo. Yes, General, puntahan lang muna natin iyong ilang tanong ng ating kasamahan sa media ‘no. Ang tanong po ni Mariz Umali ng GMA News, may follow up po siya doon sa bakit dinefer iyong GCQ sa NCR: Ano po ang nakita nilang data information for them to stop the implementation of GCQ?

NTF SPOKESPERSON PADILLA: Well it’s not a matter of ano ‘no, iyong sinasabing may data’ng lumabas kung hindi iyong primarily iyong paglabas ng guideline para sa granular at modified pilot testing noong quarantine conditions para sa isang bagong approach sa pag-control sa COVID case rise. So ito iyong main purpose, so iyong guidelines ay hindi pa handa at may mga katanungan pa rin na lumabas galing po doon sa mga kapulong ng technical team kahapon kasama na diyan ang mga Metro Manila Mayors.

So ito namang ginagawang pilot test na ito ay bahagi na rin ng pagkakaroon nang panibagong pagtingin sa maaaring mas mainam na pagtulong sa pagbaba ng kaso at pagprotekta sa mga kababayan natin laban sa virus na ito para na rin magbigay-daan sa pagbubukas ng ekonomiya at mapayagan ang mga negosyo na nakasara hanggang sa ngayon na magbukas nang paunti-unti, ganoon din sa iba pang mga aktibidades na maaaring payagan.

USEC. IGNACIO: Opo. Iyong second question po ni Mariz Umali ng GMA News: Sabi po until September 15 ang MECQ sa NCR pero may posibilidad daw po na mapaikli ito sabi ni Secretary Año po sa meeting ng IATF. Ano po ang magiging basehan para paikliin ang MECQ sa NCR at gawin nang GCQ with alert level system?

NTF SPOKESPERSON PADILLA: Iyong guidelines primarily ang magiging basehan ‘no. Kung nailabas na iyong guideline at medyo comprehensive na ito at naiintindihan na ng karamihan lalo na iyong mga magpapatupad at wala na po tayong mga mas maraming point of clarification na lalabas at madali na ‘tong i-rollout, maaari nang gawin iyong pilot testing dito po sa mga lugar sa Metro Manila na siyang magiging pilot test area; so iyon naman po ang primary reason kaya na-delay ito nang paglabas.

USEC. IGNACIO: Opo. General Padilla, may reaksiyon po ba kayo sa naging komento ng OCTA Research na posibleng hindi maging epektibo ang granular lockdown dahil posibleng kalat na po iyong virus at hindi nito totally mari-restrict ang movement ng mga tao?

NTF SPOKESPERSON PADILLA: Well, ang ating current quarantine conditions lalo na po sa MECQ, nilabas na rin po ng ating mga technical experts galing DOH, na sinabi na nila na hindi na nagiging mas epektibo iyong ganitong klaseng approach dahil nga may mobility pa rin na involved. So kung ikukumpara natin ito sa nakaraang taon ng pag-implementa ng mga quarantine conditions natin lalo na itong mga istrikto, ang lumalabas, hindi na kasing istrikto ngayon kasi mayroon na tayong mga pinapayagang mga negosyo at mga activities para magbigay-daan sa mga kababayan natin na kinakailangang mamintina ang kanilang hanapbuhay at masuportahan ang kanilang mga pamilya.

Bagama’t tayo ngayon ay nagbibigay ng diin sa mas maayos na pagpapatupad ng mga minimum public health protocols, iyong pagsuot ng mask, pagsuot ng face shield lalo na kapag Nagku-commute at pagdistansiya sa tao at iyong paghuhugas lagi. So kasama na rin diyan ang pinalawig at pinabilis na pag-rollout ng pagbabakuna dahil mainam nating makikita sa mga datos na karamihan ng nagkakasakit ay iyong mga walang bakuna. Kaya nga po, nandiyan na rin po ang commitment ng ating mga local chief executives pati na ng mga ibang LGUs na mabigyan lang sila ng sapat na supply ng bakuna, mairu-rollout nila nang mabilis ito nang sa ganoon ay mabigyan pa natin ng proteksiyon ang ating mga kababayan.

So ito na po iyong sinasabi natin noong nakaraang taon na kinakailangan tayong magbalanse ng public health at saka ng ekonomiya dahil medyo bagsak na rin po talaga ang ekonomiya natin at kailangang bigyan natin ng puwang para makabawi.

At isa pa, ito pong approach ng karamihan po ng bansa sa buong mundo ay how to live with the virus, ‘ika nga. So tinitimpla natin lahat pati na po ang Pilipinas kung ano ang mainam na paraan para makapagpatuloy tayo ng ating mga activities, mabuhay natin ang ekonomiya, mabigyan ng daan ang mga taong kinakailangang maghanapbuhay, while at the same time, protecting public health.

USEC. IGNACIO: Opo. General, kunin ko lang iyong mensahe mo sa publiko, ano po. Kasi ang sinasabi po ng ilan, ito daw pong pagbawi ng pamahalaan sa quarantine classification ay isang nagpapakita diumano na talagang kakulangan ng kahandaan ng pamahalaan. Ano po ang masasabi ninyo dito at ang mensahe ninyo sa publiko?

NTF SPOKESPERSON PADILLA: Unang-una po ‘no, ito pong nangyayaring medyo pag-reverse ng announcement, siguro ho ay kinakailangan tingnan lang po natin on a positive light. Maaaring may mga lumabas na katanungan at mga point of clarification na kinakailangang suriing mabuti at ayusin pa kaya hindi po ini-rollout ito.

So sa susunod po siguro, bilang lesson learned ng pamahalaan ay kinakailangan talaga na nakahanda lahat ng guidelines bago magkaroon ng anunsiyo. Pero again, if I may mention, tulad nga po nang binanggit ko, tingnan lang po natin on a positive light at ipairal po natin iyong bayanihan spirit na magtulung-tulong tayo dahil after all, the secret and the key to controlling the spread of the virus lies in each one of us. Nakasalalay po sa ating lahat ang susi sa pagkontrol sa pagkalat ng virus.

Kung tayo po ay tumatalima at sumusunod nang maayos sa mga abiso ng ating mga health experts at nagsisigurado po tayo na nanatiling safe at malayo po sa virus, hindi po kakalat ang virus. Pero kung tayo po ay nagiging very laxed, nagkakaroon po tayo ng pandemic fatigue, nakakalimot po tayo sa pagpapatupad ng mga minimum public health standards, talaga pong kakalat ang virus dahil hindi natin siya nakikita. At ang pagkalat ngayon ay karamihan nakasentro po sa pamilya. Safe po kapag lumalabas ang mga kababayan natin lalo na iyong mga nagtatrabaho at lumalabas for errands, pero pagdating sa bahay, nakakaligtaan nila na mag-ingat. So maaaring mayroong viral load silang dala, naipapasa nila sa mga mahal sa buhay.

Kaya nga po ang hinihikayat natin hanggang sa ngayon ay maski sa bahay, iyong mga lumalabas, mag-mask pa rin para hindi mo maipasa at makapag-ingat sila nang mabuti. Tulad nang patuloy na pagbabanggit ng pagbabakuna, magpabakuna po lahat kapag nagkaroon na ng pagkakataon.

USEC. IGNACIO: Okay. Maraming salamat po sa inyong panahon. Makikibalita po kami sa development ng balitang iyan, at salamat po sa inyong impormasyon.

Nakausap po natin si NTF Spokesperson, Ret. General Restituto Padilla, Jr.

NTF SPOKESPERSON PADILLA: Maraming salamat, Usec. Rocky. Ingat po tayong lahat at tuloy po tayo ng panalangin para matulungan po tayo ng Poong Maykapal. Maraming salamat po.

USEC. IGNACIO: Opo. Nagpapasalamat din po tayo kay Secretary Martin Andanar na nakasama po natin kani-kanina lamang.

Samantala, sa iba pa po nating balita: Sinabi ni Senate Committee Chair on Health and Demography Senator Bong Go na dapat din pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang pag-a-upgrade sa mga health facilities sa bansa. Suportado [niya ang] panawagan ng DOH na maglaan ng pondo para sa SRA ng healthcare workers na exposed sa COVID-19 sa susunod na taon. Ang detalye niyan sa report na ito:

[VTR]

USEC. IGNACIO: Sa atin pong lagay ng panahon, sa kasalukuyan ay dalawang bagyo na po ang nasa loob ng Philippine Area of Responsibility na patuloy po na minu-monitor ng PAGASA, ang Bagyong Jolina at Bagyong Kiko. Bagama’t bahagyang humina kaninang umaga ay nag-landfall na rin si Bagyong Jolina sa eastern portion ng Batangas. Sa direksiyon nitong west-northwest, binabantayan na rin ang posibleng pag-landfall nito mamaya sa may Bataan Peninsula. Inaasahang patuloy itong magdadala ng pag-ulan sa natitirang bahagi [garbled] at Southern Luzon area kabilang ang Metro Manila. Tinataya namang lalabas ng Philippine Area of Responsibility ang bagyo [garbled].

Kaugnay po niyan, alamin natin ang update sa ginagawang rescue and relief operations ng National Disaster Risk Reduction and Management Council or NDRRMC sa mga apektadong lugar ng bagyo. Makakausap po natin si Usec. Ricardo Jalad. Magandang umaga po, Usec.

USEC. JALAD: Magandang umaga, Usec. Rocky. Magandang umaga rin sa ating mga kababayan.

USEC. IGNACIO: Opo. Usec., kumusta na kayo? Hihingi po kami ng update muna sa current situation ng mga dinaanan nitong si Bagyong Jolina. Anu-ano ang mga lugar po ang heavily affected na ng bagyo? At saan po inaasahan dadaan ito in the next 24 hours?

USEC. JALAD: USec. Rocky, sa nakaraang mga dalawang araw mula noong Lunes hanggang kaninang umaga ay maraming lugar dito sa Visayas at Bicol Region at MIMAROPA, ang naapektuhan nang husto ni bagyong Jolina and pinakamatinding epekto ni Jolina ay iyong pagbuhos niya ng mabigat na pag-uulan.

In fact, noong Lunes, tayo ay nakapag-release ng limang heavy rainfall advisories, mostly iyan ay diyan sa CARAGA at saka sa Region VIII. Nasundan naman iyan kahapon, Martes, at tayo ay nakapag-release ng sampung heavy rainfall advisories. Ito ay mga orange or intense at saka torrential rains ano.

Kahapon, nabuhusan nang husto ng matinding pag-uulan ay dito naman sa MIMAROPA, still, Region VIII, at Bicol Region. At iyon ay nagpatuloy hanggang kaninang umaga ng 8:35 in the morning. As of 8:35 ay pitong heavy rainfall advisories na; orange at saka red rainfall advisories ang ating nai-release sa mga lalawigan dito sa MIMAROPA at CALABARZON.

And sa ngayon, may mga lugar dito sa Region VIII na mayroong ongoing rescue operations and mayroong 12 fishermen ang naiulat na na-rescue diyan sa Sto. Niño, munisipyo ng Sto. Niño, Samar Province at mayroon pang pinaghahanap na limang mangingisda na sila’y naabutan ng bagyo na nasa laot pa lamang.

And maliban diyan ay may mga report ng flooding but hindi naman seryosong flooding na ating namu-monitor kaya nga ang ating focus ngayon diyan sa Region VIII ay ang pag-rescue ng mga mangingisda na nasa karagatan pa.

And ngayon na humina ang bagyong Jolina, inaasahan pa rin natin ang malakas na pag-uulan hanggang intense rains diyan sa mga areas na kung saan ang sentro niya ay malapit. Ito ay hanggang sa MIMAROPA, CALABARZON, at saka even Region III. Kaya ating ipinapaalala sa ating mga kababayan na makinig sa mga abiso ng NDRRMC at sa local government units.

USEC. IGNACIO: Opo. USec., alam po natin na sa mga panahon ng kalamidad eh talagang target po ng NDRRMC itong sinasabi nating zero casualty. Pero mayroon po ba kayong nai-report na casualties dito sa pagtama ng bagyo?

USEC. JALAD: Sa ngayon ay unofficial report pa lamang ano, may mga pinaghahanap pa lamang na mga mangingisda at wala pa namang naiuulat na kumpirmadong patay dahil dito kay bagyong Jolina.

USEC. IGNACIO: Opo. Pero, USec., sa ngayon po binanggit ninyo na nga po iyong mga isinasagawa ninyong rescue operation, pero ilan po iyong kinakailangan mai-rescue at ilan po iyong kailangan pa ring dalhin sa evacuation centers?

USEC. JALAD: Maraming mga kababayan natin ay naiulat na nakapag-evacuate. In fact, sa lahat ng mga regions na apektado nitong Jolina, ang nakatala dito sa ating situational report ay umabot nang mahigit 10,000 mga kababayan natin ang nasa evacuation centers. And inaasahan natin na doon sa mga lugar na unang dinaanan ni Jolina ay bumuti naman ang panahon ay maaaring nagbabalikan na rin iyan, ang ating mga kababayan sa kani-kanilang mga kabahayan.

And mayroon pa rin tayong mga lugar na ano… kaninang umaga ay matindi ng pag-ulan and ang focus natin ngayon dito sa NDRRMC ay pagkalap sa mga reports galing sa mga regional offices ng OCD na apektado nitong bagyong Jolina at iyan naman ay nanggagaling sa ating mga local government units. So as of the latest, ang report na missing pa rin diyan sa Region VIII ay limang nga kababayan natin na mangingisda. Mayroon ng nai-report sila na na-rescue na 12 mangingisda.

USEC. IGNACIO: Opo. USec., kaya ko naitanong rin iyong sa evacuation center dahil alam natin itong Delta variant eh mas mahirap po ang paglaban dito dahil sa mabilis na nakakahawa. So, papaano po iyong paraan ng evacuation sa ngayon. Ano po ang ginagawa ninyo para matiyak na hindi magiging superspreader ang areas lalo na iyong tinutuluyan po ng ating mga kababayan sa ngayon?

USEC. JALAD: Iyan ay patuloy nating ipinapaalala sa ating mga local government units kasi sila naman ang namamahala sa sitwasyon nila diyan sa mga evacuation centers ano. And iyan ang emphasis natin na kinakailangan sundin iyong ipinapatupad nating mga minimum public health standard. Kailangan hindi dikit-dikit ang ating mga kababayan diyan sa evacuation centers.

So, ibig sabihin niyan gagamit sila ng mga mas maraming evacuation centers. Iyong ating mga eskuwelahan ngayon ay hindi naman ginagamit pa. Iyan ay dapat gamitin as evacuation centers at iba pang mga facilities na pupuwedeng gawing evacuation centers like mga multi-purpose halls, mga gyms, na safe para sa ating mga kababayan na tumuloy at umiwas dito sa pananalasa ng bagyong Jolina at saka mga iba pang mga kalamidad na darating pa.

USEC. IGNACIO: Opo. USec., nandito pa rin po si Jolina pero kakapasok lang din po ng bagyong Kiko. Saan po ito inaasahang tatama sa susunod na 24 oras; at handa na rin po ba tayo sa posibleng paghagupit nito?

USEC. JALAD: Si bagyong Kiko ay nakikita natin na medyo norte ang kaniyang track pero dahil nga dito kay bagyong Jolina, maaaring bumaba ang kaniyang track; so, iyon ang ating paghahandaan pa rin.

Iyong mga probinsiya na dinaanan ni bagyong Jolina ay huwag kampante na malayo ang magiging track ni bagyong Kiko sa kanila. Dapat pa rin maghanda sa pag-alis ni Jolina, maghanda para sa pagdating naman ni Kiko.

At ating titingnan base sa advisory ng PAG-ASA kung ano ang posibleng track ni Kiko.

Kaya nga ang ating NDRRMC Operations Center ay naka-activate na ang alert level 4 para patuloy na i-monitor ang magiging behavior nitong si bagyong Kiko. Iyan bale ay sinimulan natin mula noong Linggo pa noong ating nakita na mayroong low pressure are na maaaring mag-develop into a tropical cyclone.

So, patuloy na pagmu-monitor ang ating ginagawa dito sa NDRRMC at iyan naman ay ating binabato, inaabiso natin sa ating mga Regional Disaster Risk Reduction and Management Councils, sa mga regional offices ng OCD, at ultimately sa ating mga local government units, na sila ang first responders talaga dito sa anumang mararanasan nating mga kalamidad.

USEC. IGNACIO: Opo. USec., maiba naman tayo. Bukas po, September 9, ay gaganapin itong 3rd Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill sa bansa. So, ano pong mga activities ang magaganap with this?

USEC. JALAD: So, kahit tayo ay nasa pandemya, kahit na mayroong bagyo ay tinutuloy pa rin iyong ating quarterly National Simultaneous Earthquake Drill although kakaiba ang ating ginagawa na ngayon. Wala ng actual simulation exercise or field simulation exercise, ito ay gagawin natin through virtual means upang nandoon pa rin, ma-maintain natin iyong ating muscle memory o ang ating automatic reaction kapag mayroon tayong mararanasan na lindol ano.

So, mayroon tayong programa bukas na online National Simultaneous Earthquake Drill at mayroon din naman tayong patuloy ding mga programa through online means na mga webinars related to iba’t ibang mga ano pa, mga kalamidad hindi lang sa paglindol.

USEC. IGNACIO: Opo. Usec., may tanong lang po iyong ating kasamahan sa media, si Evelyn Quiroz ng Pilipino Mirror: Over a hundred personnel of the National Risk Reduction and Management Council din po ay have tested positive for COVID-19. To what do you attribute this massive infection in your office? Are safety protocols not being observed?

USEC. JALAD: Noong August 24 nagkaroon kami ng mass testing dito sa Office of Civil Defense, iyon ay Martes ano, bunga iyon sa na-detect namin na dalawang active cases noong August 23, Lunes. So mayroon tayong na-identify na mga close contacts noong dalawang taong naging positive pero in-expand natin iyong target natin ng mass testing.

Even pati ako na hindi naman close contact ay nagpa-test na rin at tayo ay nakapagtala ng 147 COVID positives doon sa testing na iyon noong August 24. At karamihan diyan ay mga asymptomatic, siguro mga 90% at kasama na rin ako sa nag-positive, I was asymptomatic the whole two weeks of my isolation ano. Mayroon lang mga 10% na with mild symptoms. Walang nadala sa ospital sa aming mga kawani na nag-positive, mayroon lang tayong dinala sa mga hotel isolation facilities at karamihan ay sa isolation sa kanilang tahanan katulad ko.

So iyong pagkakaroon natin nang maraming cases dito sa OCD, karamihan naman diyan ay nanggagaling talaga sa communities dahil iyong unang dalawa na nag-positive noong August 23 ay iilan lang naman iyong detected sa kanila na mga close contacts so hindi natin ma-attribute na iyong 147 na iyon ay nanggaling doon sa unang dalawang nag-positive. So alam naman natin na talagang may community spread na itong COVID-19 virus.

USEC. IGNACIO: Opo. Bago po ako magpaalam eh siyempre, Usec., gusto kong kumustahin iyong kalagayan ninyo. Kayo po ba ay kumusta na? Kayo po ba ay nag-negative na or nakapag-test na rin kayo ulit at ilang araw pa po kayo dapat mag-isolate?

USEC. JALAD: Ako ay released na sa home isolation. Nag-negative na rin sa PCR swab and hindi ako nagkuntento doon sa PCR swab na negatibo ang resulta, ako rin ay nagpa-rapid antibody test at lumabas nga doon na positive na ako sa IgG, meaning nakalipas na iyong aking infection ng COVID-19 virus. So fully recovered na ako and ako naman ay asymptomatic all throughout noong aking isolation for two weeks.

At ganoon din iyong ating mga kasamahan dito, kahapon noong sila ay lumabas sa kanilang isolation hotels at galing din sa kanilang mga tahanan at bumalik sa opisina, sila ay idinaan natin sa rapid antigen test at lahat naman sila ay negatibo na sa COVID-19 virus. So recovered na lahat ng ating mga kasama dito sa Office of Civil Defense na nag-positive lately.

USEC. IGNACIO: Opo. Pero, Usec., lahat po ba sa inyo ay fully vaccinated na?

USEC. JALAD: Karamihan ay fully vaccinated ano. Nasa 90% vaccinated ang Office of Civil Defense.

USEC. IGNACIO: Okay. Kami po ay nagpapasalamat sa inyong panahon, Usec., mag-iingat po kayo. Nakausap po natin si Usec. Ricardo Jalad, ang Administrator ng Office of Civil Defense. Mabuhay po kayo, Usec.

USEC. JALAD: Maraming salamat, Usec. Rocky. Mabuhay din kayo.

USEC. IGNACIO: Samantala, base naman sa pinakahuling tala ng COVID-19 sa bansa, bagama’t bahagyang bumaba, pumalo pa rin sa lampas labingwalong libo ang bilang ng bagong nagka-COVID sa Pilipinas. Sa kabuuan ay umabot na ang bilang na iyan sa 2,121,308; 18,945 naman ang mga bagong gumaling; 1,928,173 ang total recoveries katumbas ng 90.9% ng total cases; 1.63% naman ang mga nasawi sa bilang na 34,498 total deaths matapos po itong madagdagan ng 161 kahapon.

Dahil sa mas tumaas na bilang ng mga gumaling kaysa sa mga nahawahan, bahagyang bumaba sa 158,637 ang active cases. Ganoon pa man po, katumbas pa rin po ito ng 7.5% ng mga kabuuang bilang ng mga nagkasakit ng COVID-19.

Sa pagpapatuloy ng Manila Bay Rehabilitation Project ng pamahalaan sa pangunguna ng Department of Environment and Natural Resources, kamakailan po ay inanunsiyo ng kagawaran ang planong demolisyon sa mga iligal na tahungan, fish fence at iba pang istrukturang pangisdaan dito. Inalmahan naman po ito ng mga kababayan natin na tanging ang pangingisda lang sa Manila Bay ang ikinabubuhay.

Lilinawin ang mga usaping iyan kasama po ang Tagapagsalita ng DENR na si Undersecretary Benny Antiporda. Magandang umaga po, Usec.

DENR USEC. ANTIPORDA: Magandang umaga po Usec. Rocky at magandang umaga sa atin pong mga tagapanood at tagapakinig.

USEC. IGNACIO: Opo. Usec., ano po ang dahilan kung bakit kailangang i-dismantle itong mga tahungan at fish fence sa may bahagi po ng Manila Bay? Kailangan po ba talagang gawin ito para sa rehabilitation ng Manila Bay?

DENR USEC. ANTIPORDA: Well, una po muna, lilinawin po natin ano po. Wala pong katotohanan na pati po iyong mga tahungan ay idi-dismantle ano po. Iyan pong tahungan ay pinapayagan po iyan sa kautusan po ng atin pong Korte Suprema doon po sa mandamus na ang shellfish po ay pinapayagang ‘ika nga ay magparami ng shellfish diyan sa ating Manila Bay ano po. Pero iyon pong mga fish pen na ito, itong mga illegal structure ano po, na fish cages, iyong baklad po and sapra, iyan po iyong hindi pinapayagan ano po.

Ang sinasabi po natin dito, napansin naman po natin noong July po noong kasagsagan po ng bagyo ay nakita natin kung gaano karami pong kawayan at iyong mga galing po sa mga illegal structure na iyan na napadpad po dito sa ating mga shorelines ano po. Iyan po iyong nating basura na nilinis po ng atin pong pamahalaan. Kung kaya’t ito po iyong nagbigay ng talagang malaking polusyon din dito sa ating Manila Bay.

And bilang pagpapaliwanag naman po, eh ang atin pong mga kababayang maliliit na mga fisherfolks, na mga mangingisda ang unang-unang makikinabang po sakaling linisin po natin ito. Dahil unang-una, ang binigay po ng batas sa mga municipal waters ay 15 kilometers from the shoreline ano po. Iyon po iyong tinatawag na municipal waters na kung saan diyan po itinayo iyang mga iligal na baklad na iyan at mga sapra, noong itinayo po iyan, ang nangyari po is nawalan po ng espasyo para po makapangisda ang atin pong mga maliliit na mangingisda at kailangan pa pong bumiyahe sila ng 15 kilometers away from the shoreline para ho makarating sila sa lugar na puwede silang makakuha ng mga isda.

Kita ninyo naman po rito sa ating mga larawan na talaga po namang wala na hong lugar diyan para mangisda iyong ating maliliit na mangingisda ano po. And of course ito po, ang unang-unang makikinabang diyan, iyon pong mga nangisngisda na de-sagwan ang ginagamit sa kanilang mga bangka ano po. Would you imagine kapag tinanggal po natin iyan within one kilometer or a few hundred meters from the shoreline ay puwede ka nang mangisda. Samantala ito pong mga baklad at sapra na ito ay talaga po namang humaharang sa kanila at dahil po sa lalaki ng mga iyan ay sila lang po iyong nakakahuli ng mga isda ano po.

So huwag po tayong padadala sa mga sabi-sabi na ang unang-unang magiging biktima ay ang ating mga maliliit na fisherfolks dahil ang unang-una pong makikinabang diyan ay iyong ating maliliit na fisherfolks.

On the tahungan naman po, well, there’s a coordination between the DENR and the BFAR already, of course, through their Executive Director, Director Gongona, na talaga pong magbibigay po ng assistance or technical support pa po sa atin pong mga magtatahong kung saan ide-develop pa po iyong kanilang technology into long line. Iyong long line method po na tinatawag na environmental friendly po kaysa doon sa ginagamit nilang sistema ngayon.

So, doon po sa mga may permits po na magtatahong, aba’y wala pong dapat ikatakot at tuloy po iyong inyo pong paghahanapbuhay diyan and of course mas tutulungan pa at mas lalaki pa po iyong market ninyo dahil sa halip po na iyong mga iligal na sapra at iyang mga iligal na baklad na iyan na nandiyan, eh iyong mga legal po na magtatahong po ang papayagan po sa lugar na iyan.

USEC. IGNACIO: Opo. Pero ang depensa po nila dito, USec., sila raw po ay nakatutulong nga dito para mapayabong itong ecosystem sa Manila Bay. Ano po ang masasabi ninyo rito? Nagkaroon po ba ng parang dayalogo sa pagitan nila or papaano po natin naipaliwanag itong proyektong ito?

DENR USEC. ANTIPORDA: Well, nagkaroon po ng dayalogo diyan. Malinaw naman po iyong hinihiling natin sa kanila noon pa na unang-una ay iligal po iyang baklad na iyan at iyang mga sapra, fish cages, fish pens na iyan, iligal po iyan. Wala ho silang permit and at the same time iyan po iyong mga nakukuha nating malalaking kawayan na napapadpad po dito ho sa Baywalk area.

Nakita naman po natin na noong nagka-bagyo noong niligpit po iyon… nilinis po iyan ng DENR at ng local government, and of course, ng MMDA. Eh, talaga po namang puro kawayan. Ayan po, kita ninyo puro kahoy po iyong nakukuha natin diyang kawayan na galing po sa kanilang mga baklad ano po at sapra.

Kapag bumagyo po kasi at sinira po iyan, eh ang nangyayari po eh pinababayaan na lang po nila iyang anurin ng ating karagatan kung kaya’t once and for all sosolusyunan natin po ito na talagang hindi na po papayagan iyong mga iligal na gawain na iyan; and again, ang makikinabang po kapag nawala po iyan ay iyong mga maliliit talaga nating mangingisda.

Mayroon man hong maaapektuhan na mga mangingisda na sinasabi, iyan po iyong mga pinasusuwelduhan nitong mga investor na nagtatayo ng mga baklad na iyan. These are big companies ‘no, hindi ho maliit ang investment diyan kung kaya’t hindi po maliliit na mangingisda ang naaapektuhan diyan ano po. At they are being deprived of their right na magkaroon ng magandang ani o panghuhuli dahil po diyan sa mga baklad at sapra na iyan.

USEC. IGNACIO: Opo. USec., may tanong lang po iyong kasamahan natin sa media, si Evelyn Quiroz ng Pilipino Mirror: Are there measures in place to ensure that the residents of the area do not put up fish pens again the moment the DENR people leave?

DENR USEC. ANTIPORDA: Well, nagkaroon na po ng close coordination with the local governments of Bacoor, Cavite City, iyong Noveleta po at Kawit, lahat ho iyan nagkaroon po ng close coordination na nagsasabing iyon pa lang pong pagdating ng kawayan para ho ilalatag diyan sa karagatan ay ire-regulate na po at pipigilan na po para hindi na ho makarating diyan sa dagat, dahil alam naman po natin na bago makarating sa karagatan iyan of course dito ho sa lupa talaga galing iyang kawayan kung kaya doon pa lamang po ay babantayan na po namin iyan.

USEC. IGNACIO: Opo. Sa ngayon po ay nasa ilang porsyento na iyong natatapos sa rehabilitasyon ng Manila Bay, USec.?

DENR USEC. ANTIPORDA: Well, wala po akong ano—wala ho akong authority para sagutin iyan, ang makakasagot po niyan ay ang ating Undersecretary for Manila Bay Inter-Agency Task Force which is USec. Jonas Leones.

Pero siguro ho ang masasagot ko lang ay tungkol po rito sa mga illegal structure na ito, na aquaculture structures na ito which is as of now po ang nakatakda pong gibain natin are 271 illegal aquaculture structures sa Cavite City; 97 sa Kawit; and dalawa naman po sa Noveleta. Kung mapapansin ninyo, sa Bacoor po ni isa ay wala dahil nandiyan po iyong mga tahungan. So, iyong mga tahungan po ay tutulungan pa po na mapayabong iyong kanilang ani.

USEC. IGNACIO: Okay. Maraming salamat po sa inyong paglilinaw, Undersecretary Benny Antiporda mula po sa DENR, Mabuhay po kayo, USec.

DENR USEC. ANTIPORDA: Salamat po, USec. Rocky. And again, nakikiusap po tayo sa taumbayan, huwag po tayo padadala sa mga maling pahayag ng ilan pong mga samahan na alam naman natin na ang tanging hangad lamang ay sirain po iyong magandang ginagawa ng pamahalaang ito, ano po. Tuloy po iyong ginagawa namin para po sa ating maliliit na mangingisda ang of course, ang atin pong pakikibaka para ho sa isang magandang kinabukasan ng ating kalikasan.

Again, maraming salamat, USec. Rocky.

USEC. IGNACIO: Okay. Maraming salamat po, USec. Antiporda!

Samantala, sa tatlong araw na pag-iikot ng outreach team ni Senator Bong Go sa Bohol kasama ang ilang ahensiya ng pamahalaan ay daan-daang residente nito na apektado ng pandemya ang nabigyan ng tulong. Narito ang detalye:

[VTR]

USEC. IGNACIO: Puntahan naman po natin ang mga balitang nakalap ng Philippine Broadcasting Service. Ihahatid iyan ni John Mogol ng Radyo Pilipinas.

[NEWS REPORT]

USEC. IGNACIO: Maraming salamat sa iyo, John Mogol ng PBS-Radyo Pilipinas.

Bilang ng mga young entrepreneurs sa Benguet dumami sa panahon ng pandemya. Si Alah Sungduan sa detalye:

[NEWS REPORT]

USEC. IGNACIO: Samantala, mag-uulat naman [garbled] sa Central Visayas si John Aroa ng PTV-Cebu.

[NEWS REPORT]

USEC. IGNACIO: Davao City LGU ipapatupad ang full operational work from home at skeletal workforce arrangement sa lahat ng opisina ng gobyerno sa lungsod. May ulat si Hannah Salcedo:

[NEWS REPORT]

USEC. IGNACIO: Maraming salamat, Hannah Salcedo ng PTV-Davao.

Maraming salamat din po sa ating partner agencies para sa kanilang suporta sa ating programa at maging ang Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas o KBP.

At dito na po nagtatapos ang ating programa sa araw na ito. Maraming salamat po sa inyong pagtutok. Sa ngalan po ni Secretary Martin Andanar, ako po si Usec. Rocky Ignacio. Magkita-kita tayong muli bukas dito lamang sa Public Briefing #LagingHandaPH.

##


News and Information Bureau-Data Processing Center