USEC. IGNACIO: Magandang umaga Luzon, Visayas at Mindanao. Tuluy-tuloy pa rin ang aming serbisyo para ihatid ang mga balita at impormasyon ukol sa mahahalagang isyu patungkol sa ating laban kontra COVID-19.
MR. BENDIJO: Kasama pa rin ang ating mga panauhin mula sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan na sasagutin ang ating mga katanungan. Samahan ninyo po kaming muli sa isang makabuluhang talakayan. At sa ngalan ni Secretary Martin Andanar, ako po si Aljo Bendijo. Good morning, Usec.
USEC. IGNACIO: Good morning, Aljo at ako naman po si Usec. Rocky Ignacio at ito ang Public Briefing #LagingHandaPH.
At upang sumagot sa mga tanong ng bayan, maya-maya lamang makakasama natin sa programa sina CHEd Executive Director Attorney Cinderella Filipina Benitez-Jaro; Dr. Annabelle Yumang, Regional Director of DOH-XI; OWWA Administrator Hans Leo Cacdac.
MR. BENDIJO: At makakasama rin natin sa paghahatid ng mga balita ang mga PTV correspondents mula sa iba’t ibang probinsiya, at ang Philippine Broadcasting Service. Samantala, para naman sa inyong mga katanungan, maaari kayong mag-comment sa live streaming ng ating programa sa PTV Facebook page.
At una sa ating mga balita, mahalaga ang pagsusuot po ng face mask upang makaiwas sa COVID-19. Ayon kay Senator Bong Go, ang simpleng patakarang ito ay mas nangangailangan ng higit na atensiyon mula sa pamahalaan dahil malaki ang maitutulong nito sa ating laban kontra COVID-19. Narito po ang kaniyang pahayag: [VTR of Sen. Go]
Samantala, hinimok naman ni Senator Bong Go ang mga biktima ng fake news at malisyosong social media posts na gamitin ang kanilang karapatan at pormal na ireklamo ang mga cybercrime offenses. Aniya, bagama’t may karapatan ang mga kritikong ipahayag nang malaya ang kanilang mga saloobin at opinyon, ang pagpapakalat po ng mga pekeng balita at mga malisyosong impormasyon sa social media ay hindi dapat pabayaan lalo na kung ito ay nagsasanhi ng pinsala sa ibang tao.
Matatandaang hiningi ng senador ang tulong ng National Bureau of Investigation para sa mga nagkakalat po ng mga pekeng balita, mga mali-maling mga balita at mga paninira laban sa kaniya. Ayon sa kaniyang pahayag, ginagamit niya ang legal na proseso ng pagrereklamo upang bigyan rin ng karapatan ang mga akusado na sumagot sa patas na paraan.
USEC. IGNACIO: Samantala Aljo, kasama and edukasyon sa naapektuhan ng dahil sa pandemyang dulot ng COVID-19. Maraming pagbabago ang dapat na gawin upang hindi mailagay sa kapahamakan ang buhay ng mga estudyante. At upang alamin ang update kaugnay diyan, makakausap natin si CHEd Executive Director, Atty. Cinderella Filipino Benitez-Jaro, magandang araw po.
CHED EXEC. DIR. BENITEZ-JARO: Magandang umaga rin po sa ating mga nakikinig. Magandang umaga po, of course, sa ating pogi at magandang host, at maraming salamat po sa pagbibigay ninyo sa amin ng pagkakataon na maipakita namin o maparinig natin sa ating mga kababayan ang plano ng Komisyon o direksiyon ng Komisyon para sa pag-o-open ng classes nitong academic year 2020-2021.
USEC. IGNACIO: Opo. Atty., mayroon pong apat na personnel ng CHEd na nagpositibo sa COVID-19 dahilan para po isuspinde ang trabaho sa ilang opisina ng CHEd. Kumusta na po ang lagay ng mga nagpositibo, kasama na po siyempre, napakahalaga ng contact tracing na ginagawa ng inyong tanggapan?
CHED EXEC. DIR. BENITEZ-JARO: Oo. Una siyempre sinisigurado pa rin po natin ang health ng ating mga empleyado kasama na iyong mga nagkaroon o nagpositibo sa COVID-19 ay natsi-check natin. Kaya naman sa Komisyon, una muna ginagawa namin ay isigurado na ang ating mga empleyado na nagpositibo nga ay naka—kumbaga ay sinusunod ang protocol ng DOH. Ang iba sa kanila ay naka-self quarantine sapagkat may kapasidad naman ang kanilang bahay para sa ganoon ay makapag—para doon sa tinatawag natin na self-quarantine.
Mayroon tayong isang empleyado na may asthma kaya naman nagri-request siya na kung maaari ay mai-transfer siya sa isang government hospital o sa health facility and we are coordinating it with the government agency concerned para sa ganoon ay mai-transfer natin ito.
USEC. IGNACIO: Opo. Atty., ang CHEd po ay nag-release ng 4 million funding para po sa limang anti-COVID-19 projects, ito po iyong Ifugao State University. Anu-ano po iyong mga proyektong ito at ano pong maitutulong nito sa kasalukuyang hinaharap po nating krisis?
CHED EXEC. DIR. BENITEZ-JARO: Alam po kasi namin unang-una, may kapasidad ang ating mga state universities and colleges para tumulong para sa ating mga measures against COVID-19. In fact as early as April, iyong ating mga state universities at colleges ay gumagawa na ng mga masks, ng mga alcohol, nagpo-produce ng mga alcohol para sa ganoon ay makatulong sa kanilang mga komunidad.
Kaya naman we recognize the efforts of our state universities and colleges pero alam naman natin of course mayroon pa rin silang mga financial constraints kaya naman dinagdagan po natin o binigyan po natin sila ng pondo para sa ganoon lalo nilang mapaigting ang kanilang pagtulong para sa ating gobyerno para sa, of course, sa mga measures po natin laban sa COVID-19.
MR. BENDIJO: This is Aljo Bendijo, at ayon po kay Chairman Prospero de Vera III ay nakahanda na ang CHEd sa muling pagbubukas ng klase sa darating na Agosto, ano po iyong mga paghahandang ginagawa po ninyo?
CHED EXEC. DIR. BENITEZ-JARO: Oo. April at May pa lang alam po namin na marami talagang mga pagbabago at mga adjustment na gagawin ng ating mga higher education institutions ganoon din ang kanilang mga faculty members at lalung-lalo na ang ating mga estudyante para sa pag-open ng academic year 2020-2021.
Kaya naman sinabihan na namin sila, una, in-espouse namin sa kanila na mag-shift tayo sa tinatawag nating flexible learning o iyong tinatawag nating online at offline learning at blended learning para sa ganoon ay—kumbaga ang mode of learning natin ay magiging depende pa rin sa kapasidad ng institusyon, kapasidad ng mga estudyante na ang ating goal at direction pa rin ay matutuloy pa rin natin ang learning despite this pandemic.
Kaya naman ang ating mga higher education institutions ay nagkaroon ng trainings sa kanilang mga faculty members para sa ganoon makapag-shift sila sa tinatawag nating new normal o sa ating flexible learning. At ganoon din naman, magkaroon din sila ng mga consultations sa kanilang mga estudyante para nakikita rin nila ano ba talaga ang pangangailangan ng ating mga estudyante at papaano pa rin natin sila mabibigyan ng edukasyon sa kabila ng pandemic na ito at sa kabila ng limitasyon para sa kumbaga tinatawag nating traditional o iyong face-to-face o in-person na mode of delivery.
MR. BENDIJO: Opo. Atty., iyon pong lagay ng enrollment sa iba’t ibang kolehiyo at unibersidad, kumusta na po?
EXECUTIVE DIRECTOR JARO: Noong 2019-2020, we have more or less three million higher education students. Dati rin kasi, June ang start ng sem kaya lang nagkaroon nga ng adjustment kaya naman most of our higher educational institutions will start their academic year ng August pa or September. Some institutions have already started with their enrolment kaya naman kinukuha pa namin ang impormasyon kung nagkaroon ba ng pagbabago sa numero ng mga estudyante na nag-enroll sa ating higher education institutions.
ALJO BENDIJO: Opo. Iyon po ng matrikula po, kumusta naman? May mga eskuwelahan ba, mga unibersidad, mga kolehiyong nagtaas po ng singil sa matrikula?
EXECUTIVE DIRECTOR JARO: Bago pa man po kasi ang COVID ang mga institusyon po, may mga nag-submit talaga ng application for increase in tuition fees. Kasi ang kanilang pagsa-submit talaga, March pa. So ibig sabihin, bago pa man nagkaroon ng pandemic, iyong ibang institusyon ay nag-isip na or nagkaroon ng kahandaan para makapag-increase ng tuition fee.
Pero pagpasok nitong… ng mga ginagawa natin dahil sa pandemya na ito, majority of our higher educational institutions have not increased their tuition fees. May mga iba pa rin na nagri-request pa rin na makapag-increase, pero pinag-aaralan pa namin sa Komisyon. Dahil ang ginawa po namin ay sinigurado namin na ang ating mga estudyante ay na-inform ng ating mga higher educational institutions ng kung anuman ang dapat nilang i-increase sa tuition fee at bakit sa kabila ng pandemyang ito.
USEC. IGNACIO: Opo. Attorney, Chairman De Vera asked to move face-to-face activities in second semester. Ano na po iyong mga specific activities na ito; at gaano po kalaki ang epekto nito sa curriculum na sinusunod ng bawat paaralan po?
EXECUTIVE DIRECTOR JARO: We recognize kasi that there are some programs na skills-based. Ibig sabihin, may laboratory component, may OJT or internship component talaga ang mga programa. So, itong mga skills-based natin at itong mga… siguro, OJT/internship components na ating mga programa or kurso, alam po namin na hindi talaga o mahirap na malipat ito sa full online o kaya naman sa tinatawag nating offline.
Kaya naman kung sa limitadong face-to-face classes ang niri-recommend natin ay, of course, magawa ito para sa mga city or municipality na konti na o wala nang, kumbaga, transmission, na maliit na ang numero o percentage of risk of transmission.
Kaya naman ang isa sa tinitingnan namin para talagang makita namin na handa na ang ating mga higher educational institutions para sa limited face-to-face classes ay as much as possible, we recommend na iyong magku-conduct ng kanilang laboratory o na magku-conduct ng kanilang limited face-to-face classes ay gawin nila nang siguro dulo ng semester na mas handa na tayo o kaya naman na mas preparado na ang ating mga higher educational institutions, o next sem.
USEC. IGNACIO: Opo. Attorney, paano naman po iyong isang estudyante ay graduating na at ang natitirang subject na lang po niya ay internship para maka-graduate, ibig sabihin po nito ay maaantala iyong kaniyang pag-graduate, iyong graduation?
EXECUTIVE DIRECTOR JARO: Sa amin naman—ito nga, kaya nga po ini-espouse po natin iyong flexible learning ay gusto natin na magkaroon pa rin ng continuity of education despite this pandemic kaya naman flexible learning po tayo.
Sa ating mga kurso/programa na may internship o may OJT na component, ang pinag-aaralan naman po din natin ay magkaroon din po siguro ng flexible na OJT or internship. Ibig sabihin, iyong mga parte na kaya nating gawin na online at offline pa rin – wala pa naman skills-based; wala pa naman, kumbaga, nangangailangan talaga ng limited face-to-face classes – ay gawin siguro sa pagsisimula ng… pag-o-open ng academic year. Ibig sabihin, simula ng semester.
Tapos iyong mga kailangan talaga ng limitadong face-to-face, doon natin ilagay nga sa dulo o kaya naman sa latter part of the semester.
ALJO BENDIJO: Opo. Attorney, paano po iyong limited face-to-face? Papaano po natin maisasakatuparan iyan, face-to-face classes in low risk MGCQ areas na inyo pong ipinapanukala/ipino-propose?
EXECUTIVE DIRECTOR JARO: Alam po natin na siyempre ang priority natin talaga naman sa ngayon din, although, siyempre kailangan magkaroon … ma-continue natin ang learning ng ating mga estudyante ay ang health and safety nila. Isa sa mga reservation ng mga parents at ng mga estudyante ay kung magkakaroon ng limited face-to-face classes ay, of course, the risk of transmission. Kaya naman kailangan nating magsagawa ng mga, kumbaga, pagbabago sa ating mga institusyon para maiwasan o ma-eliminate ang risk of transmission. Paano ba ito? Paano ba ito magkakaroon ng, kumbaga, ano ang mga pagbabago na kailangan nating gawin?
Katulad sa mga restaurant—para ma-visualize natin, katulad sa mga restaurant na kumbaga ay hiniwalay-hiwalay ang mga tables and chairs to ensure the social distancing protocol, gayun din naman ang pagwi-wear ng mask sa loob ng restaurant, ganoon din ang gagawin natin sa ating mga paaralan o ini-espouse sa ating mga paaralan na magkaroon sila ng pagbabago sa… siguro i-reconfigure nila ang kanilang mga classrooms para sa ganoon ay ma-reduce o ma-eliminate natin ang risk of transmission.
Siguraduhin na ang ating mga tables at chairs at ang distansiya ng ating mga estudyante sa kanilang guro ay malayo at nagpa-follow ng social distancing protocol.
Isa pa diyan sa mga ini-espouse natin ay, of course, kaya siya tinatawag natin na limited face-to-face classes ay hindi lahat ng estudyante ay papayagan o kumbaga magku-conduct ng limited ng face-to-face classes. Sapagka’t siyempre, para ma-reduce din natin o ma-eliminate natin ang risk of transmission, dapat din ay magkaroon din ng reduction sa number of students na pumapasok sa ating mga eskuwelahan para sa face-to-face classes.
Gayun din naman, ang isa pang tinitingnan natin, ng Komisyon, ay siguro iyong mga protocols sa loob at labas ng eskuwelahan, making sure na kapag – siguro i-emphasize natin sa mga estudyante – kapag may sakit ka, kapag may ubo at sipon ka o kaya may lagnat ka, huwag ka nang pumasok sa eskuwelahan para naman sa ganoon ay maiwasan natin na, kumbaga, siyempre kung hindi man COVID-19, makaiwas tayo sa paglaganap ng sakit.
Kaya naman siguro istrikto, istriktong protocol sa pagpasok sa eskuwelahan. Gayun din naman kahit nasa eskuwelahan na, saan man sigurong aspeto o saan mang lugar sa eskuwelahan kahit nasa library ka, kahit na siguro sa cafeteria nila tayo o kaya naman nasa classroom, nasa laboratory, dapat lahat ng social distancing protocol, lahat ng ating mga measures para sa ganoon ay maiwasan o ma-eliminate natin itong risk of transmission ay dapat gawin ng ating mga higher educational institutions.
USEC. IGNACIO: Opo. Attorney, ano naman po ang tugon ninyo doon sa minumungkahi po ni Northern Samar 1st District Representative Paul Daza ng pagkakaroon po ng CHEd office sa Samar para daw po ma-improve iyong pagpapaabot ng educational services at gawin itong available sa kaniyang lalawigan po?
EXECUTIVE DIRECTOR JARO: Kami naman, wala naman kaming objection diyan. Kasi in Commission on Higher Education, actually we have naman regional offices. But of course, we recognize ang ating mga regional offices ay may, kumbaga, kasi may mga regional offices tayo na ano eh, may mga isla talaga na siyempre hindi lahat ng isla ay may regional offices. Kaya naman kung magkaroon ng branch o magkaroon ng extension sa mga lugar na ito, wala kaming opposition para doon.
USEC. IGNACIO: Okay. Attorney, hingiin na lang po namin ang inyong mensahe doon po sa mga mag-aaral, siyempre mga magulang at sa lahat po ng manunood ngayon.
EXECUTIVE DIRECTOR JARO: Gaya nga ng sinabi ko kanina, maraming salamat sa pagbigay sa amin ng pagkakataon para maipakita namin ang direksiyon ng Commission on Higher Education. Alam po namin, we recognize the reservations of the parents, of the students and, of course, siguro some of our faculty members also, kung papaano ba natin gagawin itong new normal.
Of course, we have to continue education; we have to continue our learning, but we have to prioritize, of course, the safety and health of our students. Kaya naman kailangan talaga na magkaroon talaga ng preparasyon ang ating mga higher educational institutions; preparasyon para sa kanilang mga faculty members; preparasyon para sa kanilang mga estudyante at gayun din, kasama ang mga magulang ng ating mga estudyante para maipakita natin sa kanila ano ang plano ng ating higher educational institutions at mapadama natin sa kanila na lahat ay ginagawa para sa ganoon ay maiwasan natin ang pagkalat ng sakit na ito.
Marami sa ating mga higher educational institutions have already conducted trainings for their faculty members. We have already informed, we have already consulted our students para sa ganoon ay makita nila ano ba ang pangangailangan ng ating mga estudyante, ano ba ang pangangailangan din ng ating mga faculty members at matugunan itong mga pangangailangan nating ito.
Alam po namin, hindi lang naman sa education, lahat ng sector ng ating government ay nag i-experience talaga ng problema na ito, nagi-experience ng maraming challenges para sa ganoon ay of course, maitawid natin ang ating edukasyon sa part ng ating Education.
Siguro lang kailangan po natin din gawin ay maging bukas ang ating isip. Sapagkat kasama pa rin po dito ang sa preparasyon po natin para maipakita talaga natin na handa ay dapat una ay bukas ang ating isip sa mga pagbabago na ito at magkaroon tayo din ng bago, kasi ito, Ma’am mga bagong training din ito. Dahil alam ho natin, malaking change din ito sa ating mga faculty members, sa ating estudyante, mga bagong kaalaman din ito.
So, sana magkaroon din tayo ng bagong, I mean, bukas na isip para sa mga dagdag na kaalaman na ito, na magkaroon din tayo ng bukas na pag-iisip para sa ganoon ang mga changes na kailangan natin at siguro kung talagang may pangangailangan at mga kailangan dagdagan sa ating mga skills, i-recognize po natin ito para sa ganoon ay matugunan din ito ng ating higher education institutions at ganoon din ng mga government agencies concerned.
USEC. IGNACIO: Okay, maraming salamat po, CHED Executive Director Atty. Cinderella Filipina Benetiz-Jaro. Salamat po ang stay safe po, Attorney.
EXECUTIVE DIRECTOR JARO: Thank you po.
USEC. IGNACIO: Ang OWWA po ay isa sa mga ahensiya ng pamahalaan na walang tigil ang pagsuporta sa ating mga kababayang OFW. At upang po makibalita sa update kaugnay diyan, makakausap po natin si Administrator Hans Leo Cacdac – Admin, magandang raw po.
OWWA ADMINISTRATOR CACDAC: Magandang umaga, Usec Rocky at sa inyong tagapakinig, tagapanuod, magandang umaga rin po.
USEC. IGNACIO: Opo, alam ko pong bising-busy po kayo sa mga panahong ito, unahin ko na pong kumustahin ang bilang ng mga OFW po na napauwi na po natin sa bansa?
OWWA ADMINISTRATOR CACDAC: Opo, siyempre titingnan din natin din iyong mga datos na nakatala doon sa one-stop shop ng IATF na itinalaga sa NAIA. At higit kumulang, approaching, mga isang daang libo na mula noong nagsimula ang ECQ ang nauwing mga OFWs and sa gana naman po Joint IATF effort din ng pagpapauwi sa mga OFW sa kani-kanilang probinsiya, iyong Hatid Probinsiya Program ay umaabot na approaching 95,000 na po ang napauwi mula May 15, 2020. 95,000 na po ang napauwi through a joint effort of the DOLE-OWWA, DOTr, CAAP, PCG, PPA, DOH, BOQ at iba pang mga ahensiya, DILG kasama rin po natin.
USEC. IGNACIO: Opo, Sir Leo, pero hindi pa kasi talaga natatapos itong pandemya, pero gaano pa po karaming Pilipino ang inaasahan nating uuwi ng bansa at anu-ano po iyong mga paghahanda na ginagawa ninyo para tanggapin po ang pagdating ng ating mga OFW pa.
OWWA ADMINISTRATOR CACDAC: Well, ang nadinig ko kahapon, kasabay natin ang DFA sa House hearing at ang nadinig ko doon sa ulat ng DFA ay 50,000 this month. Kung titingnan naman din ang datos ng DOLE ay 150,000 ang ine-expect pa natin sa mga darating na buwan.
So, tayo ay nakahanda naman po, iyong effort ng DOLE-OWWA, si Sec. Bello ay nagpapasinaya ng return effort at repatriation assistance effort sa mga OFWs na nanunumbalik. Handang-handa naman po tayo sa repatriation assistance, mga welfare assistance on-site sa ibang bansa at pagdating dito sa Pilipinas, iyon naman pong required hotel quarantine facility, iyong mandatory quarantine facility ng IATF ay handang-handa rin po tayo mag-provide ng hotel quarantine facility hanggang sa kanilang transport, iyon nga po iyong iniulat ko kanina na 95,000 na po ang transported na OFWs to their respective home regions.
BENDIJO: Atty. Hans, good morning, this is Aljo Bendijo. Ano po iyong tulong na ipinaabot ng OWWA sa ating mga OFWs na uuwi po sa Pilipinas at papaano naman po kung may mga Overseas Filipino Worker na nagnanais na makabalik ulit ng ibang bansa? Ano po iyong mga protocol na ipinatutupad po ng inyong tanggapan, ng OWWA?
OWWA ADMINISTRATOR CACDAC: Yes, iyon pong mga tulong pinansiyal na pinasinayaan na ng DOLE, ni Sec. Bello sa pamamagitan ng We Heal as One Act, iyong DOLE-AKAP program for financially displaced workers, 2.5 billion na po ang nagugugol na halaga ng pera patungkol dito at higit kumulang lagpas 200,000 na ang nakinabang dito sa DOLE-AKAP program. Pero alam din natin na sabi nga po ninyo ay patuloy ang pagpapauwi ng ating mga kababayan mula sa abroad, OFW kaya’t patuloy ang ating financial assistance program.
Recently nagkaroon tayo ng added boost sa DBM at sumulat po si Sec. Bello kay Sec. Avisado, mga one month ago at nabigyan na po ng karagdagang pondo ang OWWA para magbigay rin ng financial assistance at sabay nito iyong OWWA Board of Trustees ay nag-approve din ng scholarship assistance, dagdag na scholarship assistance, dagdag na scholarship assistance sa mga nanunumbalik na OFWs at least one college dependent nanunumbalik na OFW.
And sometime in the last quarter of this year or maybe August or September sisimulan na natin iyong ating livelihood, kasi hindi pa muna ikinasa iyong livelihood kaagad kasi alam naman natin na cash assistance and immediate need ng ating mga kababayan, kaya ay social amelioration ang nagiging approach. But it’s time to shift to livelihood assistance at iyan na po ay gagawin natin sa darating na buwan, itong Agosto at Setyembre.
BENDIJO: Iyon pong mga kaso naman ng COVID-19 kumusta po sa ating mga OFWs at paano po natin sinisigurong ligtas ang ating mga kababayan laban po dito sa virus hanggang wala pang gamot at wala pang bakuna, Atty. Hans?
OWWA ADMINISTRATOR CACDAC: Yes, sa ngayon ay approaching mga 2,000 na ang nabigyan natin ng $200 or 10,000 pesos financial assistance doon sa mga natamaan ng COVID na OFWs. At doon naman sa mga nasasawing OFWs na kinasamaang palad patuloy po ang pagtulong natin sa mga pamilya nilang naiwan, tinutulungan po natin sila sa cremation or burial services, on top of the death benefits and livelihood and scholarship benefits that a deceased active OWWA member can obtain.
Kung inyo pong naitatanong, bukas po ay magkakaroon na noong second charter flight ng pagpapauwi ng mga deceased OFWs at 71 pong Saudi OFWs na nasawi ang uuwi bukas pasisinayaan ni Sec. Bello ang proceedings and mga 40 po sa kanila ay mga COVID afflicted, kaya’t bibigyan po natin sila ng parangal at assistance iyong mga kaanak nitong mga nasawing OFWs.
BENDIJO: May programa po kayo, ito pong OFW Dependent’s Scholarship Program (ODSP) at Education for Development’s Scholarship Program (EDSP). Attorney, paano po ito ma-avail at sinu-sino po ang qualified niyan? Maaari ba ninyo kaming bigyan ng detalye tungkol sa programang ito?
OWWA ADMINISTRATOR CACDAC: Yes, itong Educational Development Scholarship Program is for anak ng mga collegiate level, na mga anak ng mga active OWWA members na pasado, at least 80% grade point average whether high school or in the middle of college and recently mayroon lang exam na pinasisinayaan ng DOST. Recently po, we already announced the 400 new EDSP scholars that we have.
Iyon naman pong ODSP para sa mga collegiate level scholars ng mga OFWs na $600 and below and sahod. Sentro nito iyong mga anak na college level na mga kasambahay na OFWs at tinutulungan natin sila, binibigyan din natin sila ng scholarship. Itong ODSP walang exam required po ito. Iyong mga anak ng kasambahay and those earning $600 a month or less, wala pong exam required basta mag-apply lang po sa owwa.gov.ph at doon po sa ating Facebook accounts mag-apply lang po kayo doon. Mayroon tayong OWWA mobile app kung saan puwede rin pong mag-apply doon.
USEC. IGNACIO: Attorney, napakalaking tulong po niyan sa ating mga OFW. Kaugnay naman po doon sa nabanggit ninyo kanina na AKAP assistance, gaano na po ba karami iyong nabahagian ng tulong at ilan pa po iyong inaasahan ninyong dapat ay mabigyan ng tulong nito, Attorney?
ADMINISTRATOR CACDAC: Mga around 230,000 na, USec., ang nabigyan nitong DOLE AKAP P10,000 financial assistance but we know that we need to help so much more kaya iyong nabanggit ko kanina, ang DBM ay may idinagdag na one billion para tulong sa mga DOLE AKAP applicants, so that’s additional 100,000 beneficiaries na mabibigyan natin. So, patuloy lang ang pagbibigay natin noong benefit na ito para mas marami ang ating matulungan.
USEC. IGNACIO: Pero attorney, paano po iyong mga hindi kayang i-cover ng budget pero qualified po sa tulong o sa ayuda?
ADMINISTRATOR CACDAC: We will try to cover as much as we can, USec. So, halimbawa, itong one billion will cover 100,000. Ang OWWA Board of Trustees mayroon ding ina-approve na puwedeng sakupin iyong mga hindi nasakop nitong DOLE AKAP although it will cover only OWWA members, but still mayroon ding inilaan na two billion ang OWWA Board of Trustees.
So, mayroon naman tayong mga pondo na ilalaan natin until ma-cover natin lahat. Uunahin lang muna nating gugulin itong ibinigay ni Sec. Avisado mula sa national government na P1 billion. So, starting nga this coming week ay ilalarga na natin itong pagpapatuloy, parang part 3 ito ng DOLE AKAP.
USEC. IGNACIO: Attorney, alam ko abalang-abala kayo kasi mukhang nasa sasakyan din kayo at mukhang may pupuntahan pa rin kayo. Pero ano na lang po ang mensahe ninyo sa ating mga kababayan partikular po sa ating milyong OFWs.
ADMINISTRATOR CACDAC: Yes, tama kayo nasa biyahe ako. Puwede rin akong magbigay ng traffic report.
So, ang mensahe ko lang po ay simple, nandito po ang OWWA para patuloy na ipatupad ang ating mandato na pagtulong sa ating mga mahal na mga OFWs at kanilang mga pamilya. Patuloy ang ating pagpapatupad ng direktiba ng ating Pangulo na gawin ang lahat para tulungan ang mga OFWs kaya’t nandirito po tayo – food assistance, transport assistance. Sa mga nanunumbalik – bibigyan ng financial assistance; pagbigay ng social benefits; iyong scholarships; livelihood; at pagbibigay ng welfare assistance doon naman sa mga nasa abroad.
So, patuloy lang po tayo, dumulog lang po kayo sa 1348 hotline natin, sa Facebook at Twitter pages accounts natin sa social media at patuloy lang po tayong umasa at idulog ang inyong pangangailangan at tutulong po kami.
USEC. IGNACIO: Sige, attorney, pakakawalan ka na namin kasi alam namin na marami ka pang trabaho at maraming umaasa sa inyo. Maraming salamat po, OWWA Administrator Hans Leo Cacdac.
ADMINISTRATOR CACDAC: Salamat po!
USEC. IGNACIO: Nang pumasok po ang COVID-19 sa bansa, naging mabilis rin ang aksyon ng iba’t-ibang local government units. Katuwang po ang Department of Health sa pagpapatupad ng mga ordinansa upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa kani-kanilang nasasakupan kagaya po ng Davao Region.
At upang makibalita sa lagay ng rehiyon, makakausap po natin si DOH XI Regional Director Dr. Annabelle Yumang.
Magandang araw po, Doctor.
DIRECTOR YUMANG: Good morning! Magandang umaga po sa lahat lalo na po sa PTV 4 at saka sa lahat ng nakikinig sa atin ngayon.
USEC. IGNACIO: Doctor, update na lang po muna tayo sa Davao Region. Kumusta na po ang sitwasyon ninyo ngayon diyan sa gitna po ng COVID-19 pandemic at gaano na po karami iyong suspect cases natin at gaano na rin po iyong na-test natin?
Siyempre, kasunod pong tanong diyan, sapat po ba iyong ating mga testing centers para sa mga taga-Davao Region?
DIRECTOR YUMANG: Sa kasalukuyan, mayroon tayong naitalang 912 cases sa COVID-19 simula noong Marso and out of this 912, mayroon na tayong 496 cases na naka-recover at mayroon na ring 42 na namatay; at the moment, mayroon tayong 374 active cases.
Sa ngayon, mayroon tayong 272 cases na galing sa ating mga locally stranded individuals and also sa ating mga returning overseas Filipinos. So, sa ngayon mayroon tayong naitala na 4,597 suspect cases at ang mga ito ay nagiging positibo sa COVID—may 260 po na naging positibo sa COVID.
Mayroon din tayong 156 suspect cases na kasalukuyang nasa iba’t-ibang ospital at mga temporary treatment and monitoring facilities dito sa region. So—
USEC. IGNACIO: Doc—go ahead po.
DIRECTOR YUMANG: —kung pag-usapan natin tungkol sa test—po?
USEC. IGNACIO: Go ahead, ma’am po. Kumusta po iyong testing centers natin, sapat po ba ito?
DIRECTOR YUMANG: Testing? Okay. Tatlo ang ating COVID testing centers, mayroon tayo sa Southern Philippine Medical Center, sa Davao Regional Medical Center, and mayroon din tayo sa isang pribadong laboratory, ang One World Diagnostic Center.
So, sa ngayon mayroon na tayong 16,621 na katao ang na-examine sa buong region and umaasa pa rin tayo na sa mga susunod na araw madagdagan din ang ating mga laboratory to test sa ating mga constituents sa Region XI.
USEC. IGNACIO: Doc, according to Department of Health, napakagandang hakbang nga daw po iyong pag-assign ng Davao City mg isang medical institution na dedicated po para sa COVID-19 cases only. Gaano po ba kalaki ang naiambag ng—o naitulong ng hakbang na ito para po ma-manage ninyo iyong… hindi na kumalat pa ang COVID-19 sa Davao?
DIRECTOR YUMANG: Ma’am, totoo po iyong narinig ninyo na may mga activities or mga strategy dito sa Davao Region tulad ng pagde-dedicate ng COVID-19 facilities dito sa buong region.
So, right now mayroon tayong dalawang malalaking hospital which are the Southern Philippines Medical Center and the Davao Regional Medical Center to be our dedicated COVID hospital.
So, malaki ang naitutulong nito dahil ang pagtugon sa mga pasyente na mayroong COVID, nalimitahan ang pagkalat ng virus sa iba’t-ibang institution at maging ang pagbilis din sa ating pagre-report sa mga kaso.
So, ibig sabihin nito, na-confine lang or hindi ito kumakalat sa iba-ibang hospitals kasi nandoon lang ang mga pasyente or ang mga cases natin sa ating dedicated hospitals. Ito din ay isang magandang strategy kasi itong dalawang hospital ay malalaking hospital din sa buong region.
BENDIJO: Dr. Yumang, maayong buntag! This is Aljo Bendijo.
DIRECTOR YUMANG: Yes, maayong buntag, Aljo!
BENDIJO: Opo, kumusta? Gaano po kalaki iyong capacity ng SPMC sa kadako na kapasidad diha sa Southern Philippines Medical Center? Handa po ba ito kung sakaling madagdagan, huwag naman po sana madagdagan pa, pero kung madagdagan hindi maiwasan, gaano po kalawak ang kapasidad po ng ospital na iyan para po sa COVID-19 cases sa Davao, Dr.?
DIRECTOR YUMANG: Ang ating Southern Philippines Medical Center is a 1,500-bed capacity hospital, so malaki talaga ang hospital. But ang hospital ngayon is dedicating or mayroon siyang 244 beds but kung mag-excess na ngayon ang pasyente or there will be surge of patients, so mag-expand sila to other hospital wards.
Kaya lang, since SPMC is one of the hospitals that… nagta-triage ng mga pasyente, ang mga pasyente na ma-triage ngayon ay puwede na siyang ilipat, specially iyong mga pasyente natin na mild COVID or mild suspect, na puwede siyang ilipat sa ating mga temporary treatment ang monitoring facilities (TTMFs) dito sa Davao City.
So, right now, mayroon tayong siyam, we have nine TTMFs with a capacity of 438. So, that means that kung ano iyong surge na galing doon sa Southern Philippines Medical Center na mild confirmed at saka mild suspect cases, puwede na silang ipadala doon sa ating temporary treatment and monitoring facilities dito sa Davao City.
BENDIJO: Sa ngayon Dr. Yumang, sapat pa rin po ba iyong medical personnel na nag-a-attend sa ating mga COVID-19 patients diyan; at papaano po iyong mga infected, nahawaan nating mga medical workers, mga frontliners natin at ano po iyong mga suportang ibinibigay po natin sa kanila, iyong mga inabot nating suporta? May dagdag ba silang mga allowances?
DOH REG. DIR. YUMANG: Okay. So doon sa capacity ng ating mga medical personnel, nagkaroon tayo ng additional hiring of these health personnel, kasi nagkaroon talaga tayo ng limitation, mayroon tayong need ng mga healthworkers. So we have already hired about 510 health workers, these will be assigned to the different hospitals dito sa Region. And also, ongoing pa rin iyong ating hiring of the different health personnel to be assigned at the hospital and also to the different temporary treatment and monitoring facilities.
So doon naman sa sinasabi ninyo po na—iyong nagiging infected ba iyong mga—those medical personnel or the health workers na nagiging positibo sila sa COVID-19, sila naman ay nabigyan ng sapat na financial assistance and also iyong dalawang namatay na health personnel, sila naman po ay nakatanggap noong June 5 ng financial assistance din based on the Bayanihan Act.
So iyon po ang nagiging tulong natin sa mga health workers na nagiging positibo sa COVID-19. And besides that, all expenses naman po doon sa hospitalization nila ay wala po silang binabayaran kahit po sila ay employed by the other agencies, not only by the Department of Health or the SPMC.
MR. BENDIJO: Opo. Dr., iyong lagay naman po ng mga government accredited quarantine facilities diyan po sa Davao Region, gaano po karami ang kayang i-accommodate po ng atin pong mga facilities diyan?
DOH REG. DIR. YUMANG: Okay. So right now po, mayroon tayong 798 temporary treatment monitoring facilities and ang capacity po nito ay 6,492 beds, so ibig sabihin, mayroon tayong 6,492 na puwedeng maipasok sila for quarantine and also for treatment. So ito po iyong capacity ng ating different temporary treatment and monitoring facilities dito sa region.
USEC. IGNACIO: Pagdating po sa contact tracing Doc., sa Davao Region, paano po natin ito pinapalawak at pinapabilis at sapat po ba iyong ating mga personnel para magsagawa po nito? Doc.?
Aljo, mukhang nawala sa linya natin si Dr. Yumang.
Samantala upang bigyang-daan muna ang Hatid Tulong Program na layong mapauwi po ang mga na-stranded sa Maynila dahil sa umiiral na community quarantine ay pansamantala po munang ipinagpaliban iyong Balik Probinsiya, Bagong Pag-asa Program. Para po sa ibang detalye, panoorin po natin ito: [VTR]
MR. BENDIJO: At sa puntong ito naman, dumako tayo sa pinakahuling mga balita mula sa iba’t ibang lalawigan sa buong kapuluan. Makakasama natin si Aaron Bayato mula sa Philippine Broadcasting Service. Aaron…
[NEWS REPORTING]
MR. BENDIJO: Thank you, Aaron Bayato mula sa Philippine Broadcasting Service.
USEC. IGNACIO: Samantala, Aljo balikan po natin sa linya ng telepono si Dr. Annabelle Yumang, Doctor?
DR. YUMANG: Yes, Ma’am.
USEC. IGNACIO: Opo, pasensiya na po kayo, naputol po tayo kanina. Ulitin ko na lang po iyong tanong ko kanina sa inyo. Iyong pagdating po sa contact tracing, Doc sa Davao Region. Papano natin ito pinapalawak at pinapabilis; at kung may sapat po ba tayong personnel na nagsasagawa nito, Doc?
DR. YUMANG: Okay, iyong about sa contact tracing naman, mayroon na tayong 6,654 contact tracers sa buong region. So nakuha po natin iyong ratio na one contact tracer to 800. So as of today, mayroon na po tayong 5,248 na na-train na mga contact tracers, so kailangan na lang nating i-train iyong natirang 1,406. At saka ang target namin na ma-train itong 1,406 na mga contact tracers by July 30. So, by having this ideal number of contact tracers, mas mapalawak po natin at mapapabilis po ang ating contact tracing activity. Kasi sa ngayon marami na pong nabuong contact tracing team. So, iyong ang nagko-compose sa ating 6,654 contact tracer.
USEC. IGNACIO: Opo. Pero Doc, kumusta po iyong coordination ninyo with the LGUs pagdating po doon sa implementation nitong quarantine protocols naman po?
DR. YUMANG: Ma’am, iyong coordination po natin sa mga LGUs, pagdating sa ating mga protocol, maganda naman po ang ating coordination sa kanila. Una, ang DOH po ay nag-certify sa iba’t ibang mga temporary treatment and monitoring facilities ng ating mga LGUs. So, in-inspect natin ito para siguraduhin na nag-comply sila at naaayon naman sa standard iyong kanilang mga facilities.
Pangalawa kung mayroon mang nagpositibo sa kanilang probinsya, inaabisuhan natin kaagad sila sa lalong madaling panahon para makapagsagawa sila ng kaagarang contact tracing sa nasabing positive case, COVID patients.
Pangatlo, nagbibigay din po tayo ng technical assistance sa kanila katulad ng tinutulungan natin silang magkakaroon ng training ng kanilang mga contact tracers. And also, nag-o-augment din tayo ng mga human resources tulad ng mga encoders na na-assign sa bawat probinsya at saka sa munisipyo.
At panglima, nagbibigay din tayo ng mga PPEs sa ating mga TTMP of Temporary Treatment Monitoring Facilities para din sa kaligtasan at proteksyon ng ating mga frontliners.
USEC. IGNACIO: Doc, alam kong abala din po kayo sa mga panahong ito. Kunin ko na lang po inyong mensahe sa mga Davaoñeos at sa atin pong manunuod ngayong araw na ito?
DR. YUMANG: Okay, so sa lahat ng Davaoñeos na nanunuod sa atin ngayon o nakikinig, lubos naming naiintindihin ang iba’t ibang reaksiyon ninyo sa sitwasyon ng ating lugar ngayon. Nais ko pong ipaalala sa lahat ng tao na tayong lahat have the power to be the solution. So, tayo pong lahat can be the solution.
Apat na aksyon lamang po ang nais nating gagawin at ito ay ‘B’ – bawal walang mask, so every time na lumalabas po tayo sa ating bahay kailangan suotin natin ang mask sa tama.
Ang ‘I’ naman ay i-sanitize ang kamay, ugaliin po natin lahat na maghugas ng kamay o i-sanitize na gamit ng alcohol or alcohol-based na drug or sanitizer.
‘D’, dumistansya ng isang metro sa ibang tao.
‘A,’ action base sa tamang impormasyon, huwag po tayong basta-basta maniniwala sa mga unverified information.
Huwag po tayong maging kampante sa halip patuloy po tayong maging responsable. Tandaan: We can be the solution. Together we can beat COVID-19. Maraming salamat po.
USEC. IGNACIO: Okay. Maraming salamat po sa inyong panahon, DOH XI Regional Director Dr. Annabelle Yumang.
ALJO: At mula naman sa PTV Davao, may report si Clodet Loreto
(NEWS REPORTING)
USEC. IGNACIO: Dumako naman tayo sa update kaugnay sa COVID-19 cases sa buong bansa. Base po sa tala ng Department of Health as of July 17, 2020. Umabot na po sa 63,001 ang total number of confirmed cases, habang ang kabuuang bilang ng ating mga active cases ay nasa 39,593. Nadagdagan ng 17 katao ang mga naitalang nasawi kahapon, kaya umabot na ito sa 1,660 na total COVID -19 deaths sa buong bansa. Sa kabilang banda ang bilang naman po ng mga naka-recover ay umakyat rin sa 21,748 with 311 new recoveries recorded as of yesterday.
Kaya hindi po kami magsasawang ipaalala sa lahat ang physical distancing, tamang pagsusuot ng facemask, at palagiang paghuhugas ng kamay. Tandaan sa pagsunod at pakikiisa sa ipinatutupad na guidelines ng pamahalaan, makakatulong upang tuluyan nating mapagtagumpayan ang ating laban sa COVID-19, Bahay muna, buhay muna.
At iyan nga po ang mga balitang aming nakalap ngayong araw. Maraming salamat po sa mga naglaan ng kani-kanilang oras sa pagbibigay linaw sa mga impormasyon na mahalagang malaman ng ating mga kababayan.
ALJO: Ang Public Briefing ay hatid sa inyo iba’t ibang sangay ng Presidential Communications Operations Office sa pakikipagtulungan ng Department of Health kaisa ng Kapisanan ng mga Brodkaster sa Pilipinas o KBP.
USEC. IGNACIO: Asahan ninyo ang aming patuloy na pagbibigay impormasyon kaugnay sa mga update sa ating paglaban po sa COVID-19 pandemic. Maraming salamat din po sa Filipino Sign Language Access Team for COVID-19.
ALJO: Maraming salamat Usec. Happy weekend everyone at stay safe. Muli sa ngalan po ni Secretary Martin Andanar, ako po si Aljo Bendijo.
USEC. IGNACIO: Mga kababayan ang PTV po ay pansamantalang off the air bukas for disinfection of broadcast facilities. Asahan po ninyo na patuloy pa rin kaming magbibigay ng balita at impormasyon sa pamamagitan po ng aming online information portals and social media accounts. Ang regular broadcast po will resume on Monday, July 20, 2020.
Mula po sa PCOO, ako po si Undersecretary Rocky Ignacio magkita-kita po tayo sa Lunes dito lamang sa Public Briefing #LagingHandaPH.
##
—
Source: PCOO-NIB (News and Information Bureau)