Press Briefing

Public Briefing #LagingHandaPH hosted by Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar and PCOO Undersecretary Rocky Ignacio


Event Public Briefing #LagingHandaPH Episode #107
Location People’s Television Network, Inc. (PTV), Quezon City

SEC. ANADANAR: Isang mapagpalang umaga sa lahat ng ating mga kababayan sa loob at labas ng bansa. Ngayon po ay araw ng Lunes, July 20,2020. Ako po ang inyong lingkod, Secretary Martin Andanar mula sa Presidential Communications Operations Office.

USEC. IGNACIO: At mula pa rin po sa PCOO, ako naman po si Usec. Rocky Ignacio. Good morning, Secretary.

SEC. ANADANAR: Good morning, Rocky. Kahapon, July 19 ay nakapagtala ng mahigit dalawang libong kaso ng COVID-19 sa bansa na sa kabuuan ay umabot na po sa 67,456 at nasa 22,465 ang mga gumaling matapos madagdagan ng 398; habang umabot naman sa 1,831 ang mga nasawi dahil sa sakit na nadagdagan kahapon ng 58.

USEC. IGNACIO: Araw-araw ay tuluy-tuloy rin ang aming paalala na huwag nang lumabas ng bahay kung hindi naman po kailangan, palaging maghugas ng kamay at panatilihin ang kalinisan ng ating kapaligiran, ganoon din po iyong paglayo ng nasa isang metrong distansiya mula sa ibang tao.

SEC. ANADANAR: At tandaan, basta laging handa at sama-sama kaya natin ito. Kaya naman simulan natin ang Public Briefing #LagingHandaPH.

USEC. IGNACIO: Sa kabuuan ay nasa 43,160 na po ang active cases sa bansa, 64% po diyan ay kabuuang bilang ng COVID-19 cases as of yesterday. Hindi pa rin po diyan kasama iyong bilang ng mga gumaling at nasawi mula sa sakit. 90.1% sa mga aktibong kaso ay mild symptoms lamang, 9.1% ang walang sintomas o asymptomatic samantalang parehong 0.4% naman ang severe at ang nasa kritikal na kondisyon.

SEC. ANADANAR: Pinakamarami naman sa recorded cases kahapon ay nagmula sa NCR na umabot sa 1,625, sunod ang lalawigan ng Laguna na may 115 reported cases at Cavite na may 76 cases, pang-apat ang Rizal na nakapagtala ng 75 cases at sumunod ang Cebu na may 55 cases.

Sa ating line graph ay kapansin-pansin ang patuloy na pagtaas ng recorded cases sa nakalipas na isang linggo. Bagaman bumaba ito noong July 14 na umabot lamang sa 634 cases, naging sunud-sunod ang pagtaas nito na umabot sa 2,498 noong July 16. Sa nakalipas na isang linggo ay umabot sa 11,799 ang kasong naitala sa bansa.

USEC. IGNACIO: Para po sa inyong mga katanungan at concerns tungkol sa COVID-19, maaari ninyo pong i-dial ang (02) 894-COVID o kaya ay ang (02) 894-26843. Para naman po sa PLDT, Smart, Sun at TNT subscribers, i-dial po ang 1555. Patuloy po kayong makibalita sa mga pinagkakatiwalaang sources ng impormasyon tungkol sa COVID-19, maaari ninyong bisitahin ang covid19.gov.ph.

SEC. ANADANAR: Para sa ating balita ngayong araw, pagpapaigting sa mga industriyang may kaugnayan sa agrikultura, mahalaga sa pagpapatupad ng Balik Probinsiya, Bagong Pag-asa Program ng pamahalaan. Sa isang pahayag ay sinabi ni Senador Bong Go na sa pagpapalakas ng agro-industries ay kasabay rin nitong lalago ang bawat lalawigan sa bansa na mahalaga sa implementasyon ng BP2 Program. Ang mga tinutukoy na agro-industries ay may kaugnayan sa mga raw materials na nanggagaling sa agricultural production. Aniya, ang pagdi-develop sa mga materyal na ito ay magdudulot rin ng karagdagang trabaho at economic activities sa mga lalawigan. Ito ay nakaayon din sa Philippine Rural Development Program ng pamahalaan na naglalayong magkaroon ng food security sa pamamagitan ng agri-fishery sector sa bansa.

USEC. IGNACIO: Samantala, labing walong taon pagkatapos po maipasa ang Philippine Nursing Act of 2002, kamakailan ay naglabas ng isang Budget Circular Memorandum ang Department of Budget and Management na naglalayon pong dagdagan ang sahod ng mga public nurse sa bansa. Mula po sa 22 to 24 thousand pesos ang mga entry level nurse po ay makakatanggap o maaari nang makatanggap ng 32 to 34 thousand. Ito ay para sa mga regular, casual o contractual at full time o part time position. Retroactive po ang pagpapatupad ng bagong salary grade na ito na epektibo po simula January 1st, 2020.

Pinapurihan naman ni Senator Bong Go ang naging desisyon na ito ng DBM at sinabing napapanahong ang pagtataas ng sahod sa mga public nurse lalo pa’t kabilang sila sa medical frontliners na patuloy na lumalaban sa COVID-19.

Secretary, paalala lang natin sa ating mga kababayan na nag-aabang po ng Lotto draw, kasalukuyan rin pong nagaganap ang catch-up draw ng PCSO Lottery. Maaari ninyo pong mapanood iyan sa livestream ng PTV sa Facebook at sa Youtube.

SEC. ANADANAR: Kasama rin po nating magbabalita sina John Mogol ng Philippine Broadcasting Service, Eddie Carta ng PTV-Cordillera, John Aroa ng PTV-Cebu at si Jay Lagang ng PTV-Davao.

Maya-maya ay makakapanayam natin sina National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer, Secretary Carlito Galvez, Jr.; MMDA Spokesperson Asec. Celine Pialago.

USEC. IGNACIO: Kung may mga tanong po kayong nais na mabigyang sagot ng ating mga resource person, i-comment ninyo po iyan sa ating livestream at sisikapin nating maipaabot sa kanila ang inyong mga katanungan.

SEC. ANADANAR: Una nating makakapanayam si Secretary Carlito Galvez, siya po ay ating Secretary sa OPAPP ngayon. Secretary Galvez, magandang umaga po sa inyo.

SEC. GALVEZ: Magandang umaga po sa ating lahat lalo na po sa ating mga healthworkers, mga doktor at mga nurses na talaga pong tumutulong po sa atin na mapuksa itong COVID.

SEC. ANADANAR: Last week po ay inanunsiyo ni Secretary Roque ang apat na Anti-COVID Czars who will directly report under you as the National Task Force Chief Implementer. Ano po exactly ang game plan behind this, Secretary?

SEC. GALVEZ: Ang game plan po natin dito ay para po tutukan ang ating mga istratehiya, ang ating istratehiya ng prevention, detection, treatment, isolation at saka iyong tinatawag nating re-integration ay idadaan po natin na test, treat, isolation and tracing. So nakikita po natin dito iyong mga apat po na istratehiya po natin ay napakaimportante po na nakikita natin sa lahat ng nangyayari sa buong mundo ay talaga pong itong apat po na ito ang dapat po nating tutukan.

Especially ngayon po na nag-open po tayo ng economy and we are expecting na talagang mag-i-increase ang ating mga cases at sa ngayon po ay may mga talagang—dumadagsa po iyong mga severe at saka iyong mga critical cases, so importante po talaga na mayroon tayong Testing Czar, mayroong tayong Tracing Czar na si General Magalong, atmayroon tayong Isolation Czar at mayroon po tayong Treatment Czar.

Sa atin po, tinalaga po ng ating mga NTF na ang Testing Czar po natin ay ang ating Deputy Chief Implementer na si Secretary Vince Dizon at ang ating Tracing Czar ay si General Magalong at ang ating tinatawag na Isolation Czar ay si Secretary Mark Villar. Noon pa man ay talagang tumutulong na po sa atin lalo na po si Secretary Mark Villar at talagang in-expand po natin ang mga isolation facilities.

At ito po ngayon, nakita natin ngayon na talagang ngayong umaga ay mayroon po kaming mga meeting sa ating mga LGUs at saka member ng ULAP at saka LMP ( League of Municipal Mayors), at sa ating mga LGUs na under ng GCQ. Sila naman po ay nag-present ng kanilang mga plano para po masunod po ang lahat ng nakikita nating mga istratehiya at ito po ay nakikita po natin… once na this strategy has been implemented ay bababa po at magkakaroon po tayo ng tinatawag na coping mechanism para at least makaya po natin ang mga tinatawag na mga cases dito po sa COVID.

SEC. ANADANAR: As we enter the second phase of the National Action Plan, Secretary Galvez, ang pinakamahalaga po dito ay ang partisipasyon ng ating mga kababayan at gayundin po ang kahandaan ng mga LGU. What exactly is in the second phase of the NAP at paano natin ito i-implement?

SEC. GALVEZ:  Sa nakita po natin kung saan mayroon po tayong limang strategic objectives. Ang unang-una po, ay ma-address po natin ang increase in cases; pangalawa, we have to learn for our lessons; at ang dapat po pangatlo, ang ating mga LGUs sila po talaga ang mag-lead ng ating fight against COVID.

Ang sinasabi po ng ating mahal na Presidente na talagang ang pag-address at pag-manage ng COVID-19 ay dapat mailagay po sa ating mga LGUs. At ito po nakikita po natin na ang ating ginagawa po ngayon ay talagang iyong mga mayors at saka governors ang nakita natin tumatayo, talagang masigasig na nakikita natin na sila mismo ang nagle-lead on the front.

Noong isang araw nga po ay binisita namin ng Manila, ang Taguig, also nakipag-ugnayan kami sa Navotas at saka sa Malabon at nakita natin na talagang ina-address nila ang kani-kanilang mga peculiar na mga sitwasyon doon sa mga area at nakita namin lalo na sa Taguig at Manila, kitang-kita po natin na talagang kayang-kaya po nila na i-manage though kahit   malaki ang mga cases, nakita natin na proactive po sila.

Ito po ang ginagawa po natin, inaaalalayan po natin ang ating mga LGUs on how to implement iyong localized lockdown, nakikita po natin kasi kapag through localized lockdown, we can protect our economy from suffering from tinatawag nating masyadong malaki na lugar na nala-lockdown. Sa localized lockdown po nakikita po natin na ang ating mga mayor at saka ang ating provincial governor ay binibigyan po natin ng kapangyarihan para po magkaroon po ng lockdown sa kanilang mga streets, sa kanilang compound at sa kanilang barangay at mga sitios. Dito po ay napapangalagaan po natin ang mga activities sa mga ekonomiya sa mga other areas na hindi po nagkakaroon ng mga cases. At saka po ang maganda po dito ay nagkakaroon po ng tinatawag na quick response para po maapula ang pagtaas ng mga kaso sa ibang area.

SEC. ANDANAR:  Isa rin siguro sa pinakamahalagang role sa ngayon ay ang kay treatment Czar Usec. Leopoldo Vega at kay isolation Czar Mark Villar, lalo pa at napapaulat ang diumano’y unti-unting pagbaba ng critical care capacity for hospital beds na ngayon ay nasa danger zone na. Should this be a cause for concern sa ating mga kababayan at ano po ang ginagawa ng ating pamahalaan to address this?

SEC. GALVEZ:  Sa ngayon po si Usec. Vega ay ginagawa na po niya iyong tinatawag na One Hospital Command. Iyong One Hospital Command po na ito na kanyang in-establish dito sa MMDA ay para magkaroon po ng proper referral system, para at least ang makita po natin para hindi po magkaroon ng tinatawag na ma-overwhelm ang ating mga ospital ay mayroon tayong tinatawag na private and public referral system. Kasi nakita po natin ang ating mga mamamayan kahit na po ang mga asymptomatic at saka mild cases ay dinadagsa po iyong ospital, which is hindi po dapat ganoon. Ang ano po natin mga level 3 hospitals po natin, dapat po ay mga tinatawag nating mga severe and critical cases ang ano po natin at saka ang mga treatment facilities po natin ay dapat naka-dedicate lang po sa tinatawag nating mga talagang symptomatic.

Iyong mga asymptomatic at saka mga mild ay doon po natin ite-treat sa mga treatment facilities na ginawa po ni Secretary Mark Villar. Ito po iyong mga temporary quarantine facilities na may Mega Facilities tinayo natin kagaya ng PICC, iyong ating Philippine Arena, dito sa ating tinatawag na… Mega Facilities sa area ng Region 3 at saka Region 4 at saka iyong in-establish nating mga Mega Facilities na conversions natin, World Trade Center. Iyon po ang nakikita po namin na dapat pong i-ayos ang mga referral system.

Ito rin po ang ginawa po natin sa Cebu, nakita po natin na iyong Cebu nagkaroon po ng overwhelming iyong mga tinatawag nating admissions, so nagkaroon na po tayo ng lessons learned na itong mga temporary quarantine facilities ay underutilized. Sa ngayon po maganda po ang utilization po natin ngayon, na more or less 80% ang utilization ng ating mga temporary facilities. At in-inspect po namin noong nakaraang Thursday, iyong East Avenue Medical Center. Itong East Avenue Medical Center, mayroon po siyang 97% ng halos 250 beds na puwede nating i-dedicate sa COVID patients. Maganda po ang facility po na ito at saka po iyong Quirino Memorial Medical Center, ito ngayon ko pa lang nakita na napakaganda ng kanyang mega-emergency room na halos iyong first floor ay napakalaki ng kanyang emergency wards at the same time, mayroon siyang 50 ICU beds.

So, iyon po ang nagiging challenge po namin ngayon na talagang ang palalakasin po namin, we will create some facilities na at least tataas po ang ating ICU beds at saka mga isolation facilities so that we can cope just in case magkaroon po ng surge. At tiningnan din po natin sa Fort Magsaysay, mayroon po tayong 467 beds po doon at napakalaki po ng kuwatro na puwede nating ilagay ang dalawang tao. So it can increase to 1,000 ward bed capacity para sa ating mga mild at saka mga asymptomatic patients especially iyong mga OFW na magpa-positive.

So, iyon po ang ginagawa namin ngayon na talagang very close ang cooperation po ng ating DPWH at saka iyong ating DOH para ma-expand po bang capacity po natin. Ang DOH po ngayon ay nagsagawa ng… iyong kanyang ginagawa po ngayon iyong 168 evacuation facilities na ngayon kino-convert na rin po natin na maging COVID ward beds. So mayroon na po tayong more or less 68 na nagawa na po ng DPWH at the same time, mayroon po tayong  tinatawag na mga dormitories na natapos na po sa Lung Center at saka sa ibang lugar na magagamit po ng ating mga nurses at saka mga health workers.

SEC. ANDANAR:  Tungkol naman po sa tracing na sa ngayon ay nasa ilalim jurisdiction ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong as the Tracing Czar. We are continuously hiring contact tracers, encoders at iba pang works and yet napapabalita na ilan daw sa mga contractual employers sa ilang mega swabbing facilities under DOH ay hindi po nasasahuran o nasusuwelduhan ng tama. Ano po ba ang masasabi niyo dito, sir?

SEC. GALVEZ:  Titingnan po natin iyon sa reklamo na hindi nasusuwelduhan. Pero sa ngayon po nag-report po sa amin si Mayor Magalong, ngayon po nagko-conduct siya ng briefing sa ating mga NCR Mayors at saka sa ating ULAP members at saka mga League of Municipal Mayor members at ang nakita po namin talagang mayroon po tinatawag tayong maraming gap. Kasi po ang nakita po ninyo na sa isang positive ay more or less mayroon tayong tinatawag na 37 contact. Dito po nakikita po natin na mayroon po tayong gap na iyong ating mate-test na tinatawag nating close contact ay hindi sapat. So, sa ngayon po nagkakaroon po kami ng adjustments and recalibration at ang ating mga mayors at ang ating mga LGUs ay natutuwa dahil kasi nagkakaroon po sila ng kaalalaman na iyong kanilang mga ginagawa ay mayroon po tayong mga gaps.

So ngayon  po ang ginagawa po namin, si Mayor Magalong ay nakipagpulong na po sa Region IV-A at saka NCR mayors, pumunta rin po siya sa Cebu at nakita po natin na iyong dati sa Cebu 50% lang ang ating mga contact tracers, ngayon po gumaganda po at nakikita po natin na napaka-inam at saka mayroon po silang tinatawag na mayroon silang mga apps at saka mga GIS configuration na nakikita iyong talagang actual na nangyayari at saka contamination at saka doon nakikita talaga ang relationship na kung ilan ang dapat nating mai-test in every  positive patient that we had.

So ngayon po  gumaganda na po ang ating  contact tracing at ang atin pong PNP, kami po ay nagpapasalamat kay Chief PNP Police General Gamboa, dahil nag-commit po ang NCRPO ng 700 contact tracers na puwedeng dalhin po sa NCR. Ganundin po si Secretary Lorenzana, sinasabi niya na ang Armed Forces lalo na iyong ating mga units ay puwede pong magamit para at least matulungan ang ating LGU, ang ating mga health workers sa mga LESU at saka iyong ating Armed Forces at saka PNP para po mapabilis ang ating contract tracing. Kasi ito po ang nangyari sa Dharavi model, iyong sa India at saka po sa Japan model na talaga ang ginawa po nila para hindi magkaroon ng lockdown sa kanilang economy ay ang kanilang tinatawag na army of tracers. Kaya po ang ating pamahalaan ay talagang maglalaan po ng pondo para sa pag-recruit at pagbibigay sa kung ano ang tamang pasuweldo sa ating mga contact tracers. So iyon po ang gagawin namin ngayon na talaga pong malaki po ang naitulong po ni Mayor Magalong para mapalakas po ang ating contract tracing dito sa bansa.

SEC. ANDANAR:   Sinabi po ni Senate President Vicento Sotto III na handa na ipasa ang Bayanihan to Recover as One o ang Bayanihan 2 pagkatapos ng ika-limang SONA ng Pangulo. Ano po kaya ang nakapaloob sa Bayanihan 2 at ano ang mga pagbabago na ipatutupad po dito?

SEC. GALVEZ:   Ang nakita po namin doon po ay sa testing po, alam ko mayroon po tayong ilalaan na more or less ten million at saka sa contact tracing na seventeen million at mayroon din po tayong nailaan para sa ating mga estratehiya sa ating national action plan sa COVID-19. At iyon lang po ang nakita ko po na… sa akin as being chief implementer, iyon po ang nakita po natin.

At saka ang isa po na nakikita natin na dapat na makita po natin iyong talaga pong continuous support natin sa ating mga health workers lalo na iyong pagbili ng mga PPEs ay tuloy-tuloy pa rin po iyon at saka pagbili po natin ng mga mumurahing mga test kits na puwede po nating gamitin.

SEC. ANDANAR:   Nabanggit ninyo rin po, Secretary, ang localized lockdown ng ilang barangay at siyudad pero marami po ang bumabatikos sa pag-deploy sa mga armored trucks and military personnel. It causes, diumano unnecessary panic sa mga mamamayan. Ano po ang reaksiyon ninyo dito, Sec. Galvez?

SEC. GALVEZ:   Pinulong po natin ang ating mga Army at saka ating PNP at tingnan ko iyong minimum essential forces ang puwedeng maibigay po doon.

Pero ang ginawa po doon sa Cebu, nakita ko rin po sa ating mga TV, nandoon po mayroon pong armored vehicles na naka-deploy pero wala naman po akong narinig na negative sa ano… lalo na sa mga barangay captains at saka mga LGUs. Ito lang po ay tinatawag natin na… parang tinatawag natin na demonstration. Ito po ang tinatawag nating isang taktika po sa isang military na kapag talagang mahirap po i-implement, matitigas ang ulo ng mga tao ay talagang kailangang magkaroon ng parang tinatawag nating ‘show of force.’

Pero wala po tayong ano na gamitin po iyon, ang ano po natin isa parang—alam po naman natin ang ating mga mamamayan kapag kunyari, for example, nakakita po ng tinatawag nating military saka pa lang sumusunod.

Marami po kaming mga ano…mga ano po, na mga revelation from different LGUs na kapag wala po talagang pulis at saka wala pong military na very visible ay talagang hindi po nasusunod po iyong mga tinatawag nating implementasyon ng ating mga quarantine protocols.

At marami pa nga po na mga mayors even sa NCR and even doon sa different part of the countries na talagang humihingi po sila. Ang isang example nga po si Mayor Toby humingi po ng more or less two hundred na PNP at dinagdagan po natin ng mga military para ma-enforce lang itong pag-implement ng ECQ dito po sa Navotas.

So, iyon lang po, ang ano nito, wala po tayong intensiyon na manakot, ang ano lang po natin dito ay para at least ipakita lang po na talagang we will enforce iyong quarantine procedures. Iyon lang po.

SEC. ANDANAR:   Sec. Galvez, sir, inaprubahan na rin ng NTF ang prototype ng motorcycle barrier na ipinasa po ng ride hailing app na Angkas. Ibig sabihin po ba nito na papayagan na rin ang mga motorcycle taxi sa mga susunod na araw?

SEC. GALVEZ:   Sa atin po, ang pinayagan pa lang po ng ating LTO ay ang ating tinatawag na pag-angkas ng mga mag-pamilya, iyong mag-asawa at ito po ay nakita po natin na iyong—nagpapasalamat nga kami sa Angkas na nagbigay sila ng mga prototype at saka ang ating governor ng Bohol, nagbigay sila ng prototype para magamit po na talagang barrier.

Sa ano po ay iba po ang nakita po natin, iyong pag-ano po ng Angkas, sa prangkisa ay iyan po ay sa ano po, sa realm po ng LTFRB at saka ng DOTr. Ang naaprubahan lang po ng IATF ay iyon lang pong paggamit ng barrier.

SEC. ANDANAR:   Bigyan din po natin ng daan ang mga katanungan from the media. Go ahead, Usec. Rocky.

USEC. IGNACIO:  Thank you, Sec. Martin. Sec. Galvez, may tanong pong ipinadala si Joseph Morong para sa inyo. Joseph Morong ng GMA 7: Ano daw po ang update sa Cebu LSI. They’re saying na walang ayuda na ibinibigay sa kanila and are they not going to be tested so they can go home already?

SEC. GALVEZ:   Ang ano po… ang nabilang po natin na ang LSI doon sa Cebu ay more or less ten thousand na gusto po nilang bumalik sa kanilang mga lugar lalo na sa Region VI at saka Region VIII.

Sa ngayon po ang napag-usapan po namin ng mayor ng Cebu City ay siya po ang magbibigay ng ayuda po doon sa ating mga LSI.

Ang ano po natin… ang isa sa mga inano po natin is iyong—kung magkakaroon po ng mga talagang tinatawag natin na magkaroon ng—maging GCQ na ang Cebu ay puwede po natin pagbigyan na iyong LSI po sa Cebu ay makalipat na po pero ang ano po natin considering that Cebu is a ano… ang naka-term natin ay isa sa mga epicenter, baka magkaroon po tayo ng polisiya na itong mga LSI na galing sa mga ibang affected areas—mostly affected areas ay magkaroon po ng mas higher stringent na rules bago ho natin payagan.

SEC. ANDANAR:   Maraming salamat po, Sec. Galvez. May paalala o mensahe po ba kayo sa ating mga kababayan?

SEC. GALVEZ:   Ipaalaala ko lang sa ating mga kababayan itong ating national action plan na phase 2, ang pinaka-importante natin ay magkaroon po ang ating mga sarili na talagang atin pong i-implement iyong minimum health standard. Kasi po kahit na ano pong gawin ng ating mahal na mga nasa gobyerno at ang mga tao ay hindi sumusunod doon pa rin sa ating tinatawag na pag-ano ng face mask at saka iyong mga face shield, kailangan ina-ano po natin iyong sinasabi nga po ng ating spokesman, ingat buhay, ingat hanapbuhay.

So, kailangan po natin na pag-ingatan ang ating sarili para mapag-ingatan po natin ang ating mga pamilya at ang hanapbuhay po natin ay also mapagaan po natin… mapagyaman po natin.

SEC. ANDANAR:   Maraming salamat sa inyong panahon, Sec. Carlito Galvez Jr. Stay safe at mabuhay po kayo.

[AD]

USEC. IGNACIO:  Samantala, nasa kabilang linya na rin po ang tagapagsalita ng Metropolitan Manila Development Authority Assistant Secretary Celine Pialago. Welcome back, Asec.

ASEC. PIALAGO:  Magandang umaga po Usec. Rocky at sa lahat po ng nanonood at nakikinig. Magandang umaga po sa inyong lahat.

USEC. IGNACIO:  Asec. Celine, kumustahin muna natin ng ang mga MMDA frontliners natin, may mga nadagdag po ba na taga-MMDA na – sana huwag naman – nagpositibo sa COVID-19? At siyempre, ano iyong assistance na ibinibigay ninyo sa kanila?

ASEC. PIALAGO:   Usec. Rocky, simula po nang tamaan ng pandemya ang ating bansa, ang MMDA po simula ng March hanggang ngayon ay nakapagtala po ng nasa mahigit 62 na kaso po ng COVID-19. Para po sa buwan ng July, mayroon po tayong 20 na active cases po ng COVID-19 and as we speak po, ma’am, isa po ang naitalang casualty mula po iyan noong March hanggang July. Mayroon po kami ngayon, ma’am, apat na nasa isolation facility.

Isa po sa hakbang ng aming chairman Danny Lim ay ang pagpro-provide ng isolation facility para po sa mga empleyadong magpo-positibo sa rapid test. Then kapag sila ho ay nag-positive, sila po ay ilalagay doon para po ii-schedule naman sa swab test.

Sa ngayo po, lahat po ng mga empleyado na nagpositibo ay nagpapagaling at iyong iba naman po sa kanila, 80%, ay asymptomatic. Ang aming chairman Danny Lim din po ang sumasagot ng kanilang pagkain, kanilang mga gamot and at the same time po sa tulong ng local government units, sila po ay nababantayan ng ilang mga health officials po kung saan po sila nakatira, Usec. Rocky.

USEC. IGNACIO:  Kumustahin na lang natin, Asec. Iyong EDSA bus way system rin na ipinapatupad ng MMDA along EDSA. So far, masasabi ninyo bang naging effective po itong bus way sa pag address doon sa traffic sa EDSA at mayroon bang initial concerns na lumitaw sa mga unang buwan ng interim implementation nito?

ASEC. PIALAGO: Ma’am, nagbalik-operasyon po iyong MRT noong Lunes. Nakakatuwa po dahil iyong ating mga commuters mas pinili pong gamitin iyong mga buses, nakita po nila iyong kagandahan ng EDSA bus way. Sa ngayon po ay mayroong nasa mahigit 550 na buses po na dumadaan dito sa ating EDSA bus way kasama na po diyan iyong mga buses for MRT augmentation. Mayroon din pong dini-dispatch na nasa mahigit 150 ang MRT 3 para po tugunan iyong pangangailangan ng ating mga commuters.

Sa ngayon po, Usec. Rocky, apat na na bus stops po ang nagagamit sa gitna. Ito po iyong nasa Santolan, mayroon din po sa Ortigas, mayroon din po sa Guadalupe, mayroon din po sa Main Avenue. Pero kapag galing po ng Monumento, ma’am, hanggang Quezon Avenue, mananatili po ulit sa kanan ang mga buses, papasok lang po ito sa gitna at iyong apat na bus stops na po ang gagamitin. Pagdating po ng Guadalupe, babalik po ulit sa curbside, dirediretso na po iyan hanggang PITX.

Mayroon din pong mini-loop, Usec. Rocky, Timog to Ortigas po iyan, at para naman po i-cater iyong bilang ng mga pasahero sa nasabing ruta. Sa ngayon po, ma’am, malapit nang makumpleto dahil ngayong linggo ay may paparating pong 9,000 na concrete barriers para po sa mga existing bus stops natin sa gitna po ng EDSA.

Gradual po ang magiging opening ng mga nasabing bus stops. Isa-isa ho, kung ano na iyong matatapos, iyon na ho iyong ipapagamit natin sa ating mga buses para ho magamit na rin ng ating mga commuters.

Iyong elevator po, ma’am, ilalagay na rin. Natapos na ho iyong inspeksyon sa mga nasabing bus stops, anytime, ang target time po ay September, fully operational na po lahat ng mga 16 bus stops natin sa kahabaan ng EDSA.

USEC. IGNACIO: Opo. Asec., last week ay nagkaroon ng report ang MMDA kung saan karamihan umano sa mga nahuhuling lumabag sa EDSA bus way rule ay mga government employees. Paano ito tinutugunan ng MMDA; at kung mayroon man po, ano iyong penalty na ipinataw sa kanila?

ASEC. PIALAGO: Tama, Usec. Noong mga nakaraang linggo po ‘no, nag-a-average ng 30 na violators po ang dumadaan sa EDSA. Pinagsama-samang huli po iyan ng HPG, IACT at MMDA. Fifty percent po dito, Usec. Rocky, nakakalungkot, ay mga kasamahan po natin sa trabaho. Usually ho, sila ay mga uniformed personnel na sakay po ng kanilang pribadong sasakyan o ng kanilang motorsiklo.

Sila po ay tiniketan. Wala pong naging exemption sa paglabag po ng batas-trapiko lalo na ho ang EDSA bus way ay para lamang sa mga city buses at mga emergency vehicles. So sila po ay pinatawan ng disregarding traffic sign na TVR na nagkakahalaga po ng 150 pesos.

Ma’am, ang dami hong nagtatanong kung bakit disregarding traffic signs lang, dahil iyong dati ho nating policy sa yellow lane na nasa kanan, 1,000 po iyan. Kailangan pa pong isangguni sa ating mga Metro Manila mayors kung applicable din ba iyong nasabing fine na dati sa yellow lane ay ililipat natin sa EDSA bus way. So isa po iyan sa inaayos po ng Metro Manila Council.

Ngayon po, nabawasan naman na ho iyan. Dati ho na nag-a-average, last week lang, ng 30 a day na violators, ngayon po naman, nakakatuwa naman ‘no dahil 15 to 18 po ang huli a day. Pinagsama-sama ho uling huli iyan ng HPG, IACT at MMDA. But this time, hindi na ho mga government employees ang nahuhuli natin, mostly po mga riders po na sumisingit-singit, lumalabas-pasok po sa ating EDSA bus way.

USEC. IGNACIO: Last month din ay maraming mga naitalang concrete barrier-related accident along EDSA lalo na kapag gabi. Hanggang ngayon ba ay mayroon tayong mga naitatalang mga katulad na insidente?

ASEC. PIALAGO: Noong buwan po ng June, Usec. Rocky, nakapagtala ng 40 concrete barrier-related accidents po sa kahabaan ng EDSA. Napakadami po niyan, nag-a-average po ng at least one accident a day. Ngayon po sa buwan ng July, nakapagtala po ng 12 concrete barrier-related accident. This time po, ganoon pa rin po iyong tipikal na nangyayari at rason kung bakit po nai-involve sa aksidente ang mga motorista. Kalahati po nito, lahat ay nabangga ang concrete barrier dahil po sila ay nakainom – under the influence of alcohol. Sila po ay dinidiretso sa mga traffic bureaus po at iniimbestigahan ng PNP dahil alam naman po natin na hindi sasapat, Usec. Rocky, iyong TVR lang para sa pagbangga natin sa mga concrete barriers na iyan.

Ang laking tulong po nung nasa mahigit na labing-anim na solar-powered early warning signs na inilagay po ng MMDA para ho abisuhan ng mga motorista. Lahat po ng concrete barriers natin, Usec. Rocky, reflectorized po iyan at hindi naman po tayo nagkukulang sa paalala na ang ating EDSA bus way o ang dating yellow lane po natin para sa mga buses, hindi na ho  nasa kanan iyan; nasa kaliwa at may harang pong concrete barriers. Stay on your lane. Maging defensive driver po tayo, huwag po tayong palipat-lipat ng lanes. Tigilan na po natin iyong habit na palipat-lipat tayo ng linya, nag-o-overspeed, nag-o-overtake para iwas po tayo accident.

USEC. IGNACIO: Tungkol naman po doon sa pag-aangkas sa motorsiklo, although extended hanggang July 26 iyon pong pagri-require sa barrier sa mga motorsiklo. Kumusta naman po iyong compliance rate ng mga motorista so far doon sa ginagawang pagbabantay ng MMDA sa ating mga kalsada?

USEC. PIALAGO: Sa totoo lang po, Usec. Rocky, ang nagiging papel po ng MMDA ay walang sawa po kaming nagpa-flag down pero nagpapaalala kung ano iyong requirements ng IATF sa usapin po ng mga barriers para po sa mag-asawang magkaangkas.

Usec. Rocky, ang lead agency ay PNP. Sila po ang nag-i-inspect lalo na ho iyong ipinakitang barrier prototypes na inaprubahan naman po ng ating mga awtoridad. Ito po iyong steel frame with plexiglass, isa ho iyan; at iyong isa naman po ay backpack-like contraption na puwede pong suotin ng driver at doon naman po hahawak iyong nasabing angkas. [AUDIO CUT]… Usec. Rocky, na iyon din po iyong sundin ng ating mga motorista, ng ating mga riders para iwas po tayo sa huli dahil nagbigay na ho ng deadline ang IATF. PNP po ang lead agency. Patuloy po nila kaming magiging katuwang, pero at the same time, pinapaalalahanan po natin ang mga riders kung ano po iyong dapat na itsura ng kanilang barrier. Napakaimportante po ng classification at itsura ng kanilang barriers.

USEC. IGNACIO: Opo. Asec. Celine, ngayon pa lang ay ipaliwanag ninyo na kung papaano o ano iyong magiging mahigpit na pagpapatupad ninyo doon sa barrier dito sa motorsiklo?

ASEC. PIALAGO: Yes, ma’am. Kami po ay naghihintay pa rin ng guidelines. Ang nasa amin po ay iyong mga aprubadong prototypes po ‘no, iyong mga aprubadong barriers para po sundin ng mga nasabing riders.

Ngayon po napakaliwanag naman po, may image example po ang IATF kung paano ito susundin, at sa lahat po ng mga na-flag down ng MMDA—kami po, Usec. Rocky, nakakapagpaalala kami nang magkaangkas, ang daily average namin ay nasa 500 riders a day. Pinapaalalahanan po namin sila, tinuturuan po namin sila kung ano po ang requirements ng IATF.

Pero po, ma’am, sa usapin po ng apprehension, PNP po ang nag-a-apprehend sa kanila sa ngayon. Kami po ay naghihintay ng guidelines kung paano po ang magiging sistema ng MMDA kung kami po ang mag-a-apprehend.

USEC. IGNACIO: Opo. Tungkol naman dito sa physical distancing sa mga public utility vehicle, bukod daw po sa LRT, marami ring nagrereklamong pasahero na hindi umano nasusunod ang physical distancing sa ilang bus at e-jeep. Ito po ba ay nababantayan o naoobserbahan ng MMDA; at authorized din po ba kayong manghuli ng mga PUV na may ganitong violation?

ASEC. PIALAGO: Usec. Rocky, iyong mga traffic constables po natin ay nakapuwesto sa iba’t ibang bus stops. For example, Usec, Rocky, sa kahabaan ng EDSA, may mga traffic constables po tayo diyan. Kaya po tinitiyak din ng MMDA bilang isa sa mga law enforcement agency na tiyakin po na nasusunod ang social distancing.

Kapag nakakatanggap po tayo ng report at nakikita po ng actual ng ating mga traffic constables, gumagawa po tayo ng report, Usec. Rocky, at sina-submit po natin ito sa DOTr at sa LTFRB para ho kausapin o panagutin po iyong mga nasabing bus operators.

Sa usapin naman po ng mga pasahero lalo na po doon sa mga bus stops natin sa kahabaan ng Commonwealth kung saan mas marami po doon, Usec. Rocky, iyong talagang nagsisiksikan at naghahabulan, naglagay po ng markings ang ilang mga private groups para ho tiyakin na masusunod ng ating mga commuters ang social distancing kapag sila ay pumipila; may mga traffic constables, traffic marshals, mayroon din pong mga barangay officers na nagbabantay.

Ngayon, ma’am, kung talagang magpapasaway at walang suot na mask, alam naman po natin na may violation po iyan. Sa amin po kasi, Usec. Rocky, kapag natikitan kayo ng violation ng social distancing, nasa limanlibong piso po iyon. Pero as much as possible po, ang aming paninita ay may kasamang compassion; hindi po kami basta-basta naninita at nang huhuli not unless po talagang ang titigas ng ulo ng ating mga kababayan.

So regarding naman po sa public transportation, Usec.  Rocky, niri-report natin ito sa LTFRB, at pinapatawag po nila iyong mga operators dahil, at the first place, Usec. Rocky, dapat alam nila ‘no from the time na bumiyahe sila at pinagbigyan at binigyan ho sila ng prangkisa at authorized route, dapat po masunod iyong mga safety health protocols na ibinababa po ng Department of Health.

USEC. IGNACIO: Okay, Asec., alam ko na ikaw ay abalang-abala sa iyong trabaho, bilang panghuli, ano na lang ang paalala ng MMDA sa ating mga motorista?

ASEC. PIALAGO: Well, ngayon po na nanatili po tayong GCQ dito sa Metro Manila at habang patuloy pong tumataas ang bilang ng kaso ng COVID, sana po iyong ating mga kababayan na nakikita rin namin sa labas, sana po lahat kayo ay essential. Iwasan po natin ang paglabas nang hindi naman kailangan. At kung kaya ho nating protektahan iyong ating mga vulnerable ho na miyembro ng ating pamilya, mga senior citizens ‘no, iyong mga bata, huwag po natin silang palabasin. Manatili po tayong sumunod sa batas trapiko dahil hindi naman po kami tumitigil na manita at manghuli dahil po 24/7 ang MMDA dahil mayroon po kaming command center.

Iyon lang naman po, Usec. Rocky. Mag-ingat po tayong lahat and God bless you all. Maraming salamat po.

USEC. IGNACIO: Maraming salamat sa iyo, Asec. Celine Pialago. Mag-ingat po.

Samantala, sa kasalukuyan ay libu-libo nang mga locally stranded individuals at repatriated OFWs ang natulungan ng ating pamahalaan na makauwi sa kani-kanilang mga probinsiya at muling makapiling ang kanilang mga pamilya, ito ay sa pamamagitang ng Hatid Tulong Program na ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte. Panoorin po natin ito:

[VTR]

SEC. ANDANAR: Puntahan naman natin ang balita mula sa Cordillera Region kasama si Eddie Carta. Go ahead, Eddie.

[NEWS REPORTING]

SEC. ANDANAR: Maraming salamat, Eddie Carta.

USEC. IGNACIO: Samantala, makibalita rin tayo mula sa mga iba pang lalawigan sa pamamagitan ng Philippine Broadcasting Service kasama si John Mogol. Go ahead, John.

[NEWS REPORTING]

USEC. IGNACIO: Maraming salamat sa iyo, John Mogol ng PBS-Radyo Pilipinas.

SEC. ANDANAR: Alamin din natin ang balita na nakalap ni Jay Lagang mula sa PTV-Davao.

[NEWS REPORTING]

SEC. ANDANAR: Salamat, Jay Lagang.

USEC. IGNACIO: Samantala, makakasama rin natin si John Aroa mula sa PTV-Cebu. John?

[NEWS REPORTING]

USEC. IGNACIO: Maraming salamat sa iyo, John Aroa.

SEC. ANDANAR: Pasalamatan din po natin ang ating mga partner agencies para sa kanilang suporta sa ating programa. Salamat din sa Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas, at sa Filipino Sign Language Access Team for COVID-19. Mabuhay po kayo.

At diyan nagtatapos ang ating programa, ako po si Secretary Martin Andanar mula sa PCOO.

USEC. IGNACIO: At mula pa rin po sa PCOO, ako po si Usec. Rocky Ignacio.

SEC. ANDANAR: Hanggang bukas pong muli dito lamang sa Public Briefing #LagingHandaPH.

 

###

 

 

SOURCE: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)