SEC. ANDANAR: Magandang umaga, Pilipinas. Sa ating krisis na nararanasan ngayon dahil sa COVID-19, kritikal na papel ang ginagampanan ng ating pagkakaisa at pagtutulungan upang tuluyan nating masugpo ang sakit na ito.
USEC. IGNACIO: Kaya naman po para siguruhing tayo po ay laging handa at may sapat na kaalaman, narito pong muli kami upang ihatid sa inyo ang mga importanteng balita at impormasyon na nagdatingan sa labang ito. Ako po si Usec. Rocky Ignacio.
SEC. ANDANAR: Ako po naman si Secretary Martin Andanar. Samahan ninyo po kami sa isa na namang makabuluhang talakayan ngayong araw dito sa Public Briefing #LagingHandaPH.
Upang sumagot sa mga tanong ng bayan, maya-maya lang po ay makakausap natin via VMIX sina DOST Secretary Fortunato ‘Boy’ de la Peña, DILG Undersecretary Martin Diño, MMDA Assistant Secretary Celine Pialago.
USEC. IGNACIO: Samantala, makakausap din po natin via phone patch si Charge d’Affaires of the Embassy of the Republic of the Philippines in Kuwait Charleson Hermosura. At mamaya makakasama rin natin sa pagbibigay ng pinakahuling ulat si Czarinah Lusuegro ng Philippine Broadcasting Service at ilan po sa ating mga PTV Correspondents mula sa iba’t ibang lalawigan.
SEC. ANDANAR: Sa puntong ito Rocky ay diretso na tayo kay DOST Secretary Fortunato ‘Boy’ de la Peña. Magandang umaga po sa inyo, Sec. Boy.
SEC. DE LA PEÑA: Magandang umaga po, Secretary Andanar at sa lahat ng ating tagasubaybay. Magandang umaga din kay Usec. Ignacio.
SEC. ANDANAR: Sec. Boy, ang DOST po ay nag-distribute ng 132 specimen collection booths at nai-release na rin po ang design na ito for free para sa fabricators and engineers. Kumusta po ang installation po ng mga ito?
SEC. DE LA PEÑA: Ang hiniling sa amin ng Department of Health ay 132 units for deployment in the different public hospitals in Luzon, Visayas and Mindanao. Out of these 132, 38 are for what we call ‘Level 2’ and ‘Level 3’ hospitals, ito po iyong mga mas malalaking ospital; at iyong 94 naman po ay for the regions. So as of today, we have delivered 53 in regions – NCR, Region II and Region III; and the rest are in the process of delivery because these will be transported to different regions.
SEC. ANDANAR: Sec. Boy, gaano po kalaki ang maitutulong nito sa isinasagawang mass testing sa ating bansa?
SEC. DE LA PEÑA: Mahalaga po ito kasi gusto nating bigyan ng proteksiyon ang ating mga healthworkers. So in this particular case, iyon pong mga kumukuha ng samples sa mga pasyente ay mayroon silang adequate na harang, nakaharang sa kanila para hindi magkaroon ng direct contact ang pasyente.
Kung mapapansin po ninyo, mayroon iyang plywood walls, may clear waterproof acrylic window at mayroon din pong air conditioning naman iyan for the comfort of our medical personnel, at mayroong tinatawag na roof-mounted ventilator with filter. At saka mayroon din po siyang slanted specimen table para ma-maintain iyong distance between the tester and the patient. At saka mayroon din po siyang isang feature, ito po ay iyong pagkakaroon ng positive pressure that has to be maintained inside the booth, okay, nang sa ganoon po ay ma-prevent ang entry ng outside contamination inside the booth. So mayroon siya pong pressure sensor na ginagamit.
SEC. ANDANAR: Mayroon na po ba tayong mga engineers at mga fabricators na interesadong mag-reproduce po nito?
SEC. DE LA PEÑA: Well, ini-launch po natin noong Lunes, at ito ay sa kagandahang loob din ng original designer na ishi-share po nila iyong design na kanilang ginawa. Ito pong original na gumawa nito ay isang start-up company na tinulungan ng DOST, ng Philippine Council for Industry, Energy and Emerging Technologies Research and Development. Ang bilin lang po nila at namin din ay kailangan sundin nila iyong specifications kasi iyon pong specifications na iyon ang in-approve ng Department of Health.
Iyan po, bago kami nag-produce noong karamihan ng units ay nagtalaga muna kami ng apat na units; mayroon sa RITM, mayroon po sa San Lazaro at mayroon din dito sa Jose Rodriguez Memorial Hospital.
USEC. IGNACIO: Secretary, maraming interesado po dito sa ating mga kababayan tungkol naman po sa inyong research about the anti-viral properties po ng virgin coconut oil. Naaprubahan na rin po ang clinical trial nito. Ano na po ang status nito ngayon? Mayroon na po ba kayong nakita na positibong resulta dito?
SEC. DE LA PEÑA: Ah hindi pa po kasi ang sumunod po sa approval ng Ethics Board ay iyong training ng personnel po ng mga nasa ospital lalung-lalo na po iyong nasa Santa Rosa Community Hospital dahil iyong kanila pong mga cases doon, ito po iyong mga PUIs at saka iyong mga suspected cases. Pero mayroon na po silang mga sintomas, iyong mga inuubo at saka nahihirapang huminga.
So ang achievement po natin so far bukod sa pagkakaroon tayo ng approval ng Ethics Board ay nagkaroon na po kami ng agreement sa lahat ng parties that are involved. Nagpapasalamat kami sa local government po ng Santa Rosa sa pamamahala ni Mayor Arlene Arcillas, sila po ang nag-o-operate noong Community Hospital.
At katulong din po namin dito ang Food and Nutrition Research Institute na siya pong actually ang nagsasagawa ng actual research at sila rin ang nagpo-provide ng mga menu na ini-execute naman po ng isang caterer na aming pinili, at itong VCO ay inihahalo po unti-unti sa kanilang meals hanggang sa makabuo nang, pagkakaalam ko po, ay tatlong kutsara.
At katulong din po namin dito ang Philippine Coconut Authority na siyang nagbibigay naman po ng supply ng unbranded virgin coconut oil at bukod pa po doon ay tumutulong silang magpondo dito sa research na ito.
Aabot po ng 28 days, kasi noong Martes lang po natapos iyong training ng mga personnel sa hospital: kasama na po doon iyong dietician, iyon pong medical technologies; at ngayon po ongoing ang enrolment ng mga pasyente. Nais po naming makabuo ng 45 participating patients doon sa Santa Rosa at 45 naman din po na hindi bibigyan ng VCO para mai-compare.
Sa PGH po, inaasahan namin na bago mag-Lunes ay magkaroon na ng approval ng Ethics Board ng UP Manila, pero ready na po sila doon sa gagawing trials. Mayroon na rin po tayong naipadalang sample noong mga derivatives ng coconut oil sa isang testing facility abroad na kung saan mayroon silang collection nitong SARS-CoV 2 virus na siyang pinanggalingan po ng COVID-19 dahil po kailangang makita natin kung sa in vitro trials na iyan ay malakas ang aksiyon at mapapahina/mapapababa po ng ating mga materyales na ipinadala doon iyong infectivity po ng virus nila, ng virus nila doon. So iyan po ang estado ng tungkol sa virgin coconut oil.
USEC. IGNACIO: Tayo po ay umaasa sa tagumpay ng virgin coconut oil. Secretary, ilan pong mga online o mobile applications ang kinikilala po ng DOST para gamitin ng ating mamamayan para po makatulong sa ating paglaban sa COVID-19. Ano po iyong mga features ng mga apps na ito?
SEC. DE LA PEÑA: Iyan po ay mayroon kaming—kasi po mula po noong magkaroon nga nitong problema tayo sa COVID-19, marami nang nagpapadala ng mga suggestions sa DOST na hindi naman po namin puwedeng kami gumamit noong lahat na iyon. Kaya ang ginawa po namin ay isa-isang in-evaluate po iyong mga pinadala nilang mga apps at iyong mature enough, developed ‘ika na nga, iyong ready na pong i-adopt noong mga pupuwedeng gumamit.
So iyong mga application niyan eh contact tracing ano, and so—ang iba po naman ay pinayuhan namin kasi marami na po iyong mga proposed na mga apps sa contact tracing ay pinayuhan na mag-isip naman ng ibang applications.
At meron pong mag-develop ng ibang application areas katulad po noong pagma-manage ng effective relief operations at saka po iyong pagma-manage ng delivery ng Social Amelioration Program. Mayroon naman pong apps na nag-develop ng system para sa sistema ng pagtanggap ng donasyon lalo na po iyong mga medical supplies at iyong pag-distribute po nito.
In addition po ay mayroon naman rin tayong sariling app na dinevelop, iyong napag-usapan noong minsan dito, iyon pong FASSSTER [Feasibility Analysis of Syndromic Surveillance using Spatio-Temporal Epidemiological Modeler] na isang disease modeling tool na dinevelop po ng team ng Ateneo de Manila University, ng UP National Institute of Health at mga Epidemiology Bureau po ng Department of Health at ang DOST po ang nag-pondo ng proyekto na iyan. Simula pa po noong panahon ng pag-develop namin ng modelo para sa dengue, typhoid fever at measles, kaya noong biglang dumating ang COVID-19 nag-shift po ang attention nila sa COVID-19. So ito pong FASSSTER bukod sa mga pagpo-forecasting at now casting po ng mga trends ay nagagamit pa rin po for contact tracing at higit sa lahat iyong contact monitoring.
So ang iba pong pangalan ng aming mga natanggap at ang aming tulong na lang sa kanila kung nakita namin na mature na nga at ready for adoption na iyong mga apps ay isinama namin sila doon sa bago naming DOST apps naman ang title noong aming website na kung saan iba’t ibang aspeto po ng research and development at mayroon kaming isang malaking section para sa COVID-19 na may iba-iba ring kategorya at doon ninyo makikita halimbawa iyong mga apps na may pangalang, BirdsEye, mayroon pong QBID, mayroong Covid19Tracker.Ph., mayroong CLEAR na ibig sabihin ay ‘Citizens Logistics and Early Assessment Reporting Tool,’ mayroon naman pong WeTrace ang pangalan, at mayroon naman pong—at iyon nga, ang kanilang hangad ay ma-convince ang ating mga kababayan na tumulong usually sa contact tracing at sa iba pang aspeto. Ito po ay karamihan ay naka-design for community based applications.
Kaya iyong mga LGUs puwedeng-puwede… kahit sa barangay po ay puwedeng magamit iyong mga apps. Kaya iyong amin pong pagkaka-post doon sa aming website, kasama na rin po kung sino iyong source, ang nag-develop ng apps at kung paano sila mako-contact.
USEC. IGNACIO: Secretary, sabi nga iba ang galing ng mga Pilipino, pero paano po ninyo sinusuportahan iyong mga iyong mga useful na technologies, at saka sabi nga po ni Pangulong Duterte kailangan daw pong magpatuloy ang trabaho ng DOST for 24 hours at magdagdag nga manpower kung kinakailangan. Ano naman po ang plano ninyo dito?
SEC. DELA PEÑA: Okay naman po iyon, at ang maganda ang hangarin ng ating Pangulo. Unang-una, iyon pong pag-double ng manpower, hindi naman po ibig sabihin iyong lahat ng manpower ng DOST. Kasi po ang DOST ay isang departamento na may 18 ahensiya, mayroon kaming weather bureau, mayroon kaming volcanology. So, iyong mga ahensiya po na mayroong kinalaman sa pagde-develop ng mga solusyon sa COVID-19, at ang amin pong maipapangako diyan, madodoble po talaga iyong manpower kapag naumpisahan lahat iyong mga proyekto na nasa aming pipeline. Kasi po iyong ibang proyekto, ako po ay nagpakita sa Pangulo noong Lunes ng 13 proyekto na aming isinasagawa, pero mayroon pa po doon na madagdag at iyon iba noon actually ay mag-uumpisa pa lang.
Kaya kapag po inumpisahan na lahat iyong aming nakaplano, na actually po ay pinondohan na rin namin, ay madodoble po iyong personnel na involved sa mga proyekto. Pero marami pa pong paraan ng pagpaparami ng aming mga manpower, isa po ay itong napakagandang development na nakita po namin na iyon pong mga DOST scholars both at the BS level, MS and Phd po ay nagbo-volunteer sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas, sa iba’t ibang uri ng ahensiya, sa iba’t ibang uri ng trabaho, mayroong nag e-encode lamang ng mga data, mayroon tumutulong as statistical clerk, mayroon ding nag-volunteer din naman doon sa mga testing centers at mayroon din po sa RITM. So iyan po ay puwede pa naming madoble. As of today po, mayroon na po sigurong humigit-kumulang ay 800 DOST scholar.
Noong mag-report po ako sa Pangulo noong Lunes 4 lang po aking sinabi pero ito po ngayon ay nasa 800 na at alam ko po ay dadami po; at kami po ay natutuwa dahil ito ay pagpapakita ng sense of bayanihan ng ating DOST scholar.
Mayroon din po kaming mga madadagdag na mga eksperto dahil nga sa dami po ng suhestiyon na dumadating sa amin na sinasabing i-try ninyo ito, i-try ninyo iyon, i-test ninyo ito, i-test ninyo iyon, gamitin ninyo ito, gamitin ninyo iyon. Kailangan po namin ng mga additional expert doon sa aming experts poll na maghimay o mag-evaluate nitong mga iba’t ibang suggestion kung ano ang puwedeng ituloy. Kaya iyon po.
Iyon naman pong 24/7, unang-una, ang atin pong mga tauhan may mga naka-assign po na mag-monitor sa mga technology development sa abroad at iyan po siyempre kapag nasa ibang bansa, iba rin ang oras nila, kaya mayroon pong naka-duty sa gabi, mayroon naman pong nagwo-work from home na talagang sa gabi, mayroon namang nagmo-monitor ng mga projects lalo na po iyong mga projects na may kinalaman sa mga clinical trials, iyan po ay anytime ay puwede tumawag sa amin para naman ikonsulta kung anuman iyong kanilang mga concerns. So iyan po ay maisasagawa natin at ika nga basta tulung-tulong at nagkakaisa diyan sa we heal as one, iyan po ay magagawa natin
SEC. ANDANAR: Sec. Boy, during the IATF meeting na-mention po ninyo ang kinakaharap nating problema tungkol sa supply ng ventilators sa ating mga health facilities. Ano po ba itong ‘Project Ginhawa’ na inyo pong isinasagawa to address this problem?
SEC. DELA PEÑA: Ang Project Ginhawa po ay sa pagtutulungan ng mga grupo ng mga medical experts po lalo na iyong mga pulmonologist sa UP Manila o sa UP National Institute of Health, katulong naman o nila iyong mga siyentipiko din at mga instrumentation engineers sa Dela Salle University sa pag-develop ng design. Ito po ay proyekto na, naumpisahan na namin bago pa magkaroon ng COVID-19 gawa nga po noong aming realization na napakaraming ospital na kulang na kulang sa ventilator o respirators ano. Mayroon pong mga maliliit na ospital na may capacity na 10 sa ICU, pero iisa lang po ang ventilator nila. So, ang naisipan po namin paano maibaba ang presyo ng ventilators kaya nagkaroon kami ng Proyektong Ginhawa.
At nandoon po kami sa stage ng prototype development na tatlo sana iyong ipapa-execute namin sa isang manggagawa ng ventilator sa China gawa nga po ng kailangan muna naming makita kung successful iyong design inabutan naman po tayo nitong, pahirapan pa naman sa pagkuha ng mga paggawa ng mga kontrata sa mga kumpanyang katulad nila dahil sa dami nga ng kanilang orders na natatanggap from other countries na malalaking volume. Kaya ngayon po pinagtutuunan namin ng pansin alin ba iyong mga parts na kailangang i-import, na baka naman puwedeng gawin ito at ang ginawa namin hindi namin ili-limit sa Project Ginhawa, binuksan po namin ang oportunidad para sa ibang grupo na gustong mag-propose na mag-develop ng ventilators at nasa stage po ngayon na naghihintay kami ng kanilang proposals. So iyan po ang aming sitwasyon, hindi pa natin maipangako na aabot ito ng halimbawa ng June o July, but at least iyon ang mga objective natin na maging self-reliant man lang sa ventilators whether it’s COVID-19 period or not eh importante po iyon kaya itutuloy po namin iyong proyekto na iyon at salamat sa Pangulo nabigay siya ng incentive, sana nga po eh mayroog maka-develop na agad at maka-take advantage ng reward na ipinangako ng Pangulo.
SEC. ANDANAR: Ilang araw po ba ang kakailanganin bago ma-aprubahan o maproseso ang application ng rapid pass ng mga frontliners? Iyan po ay isa sa mga tanong na naipadala po sa atin.
SEC. DELA PEÑA: Iyon po kasing proseso, madali lang. Ang problema nga lang po itong biglang dagsa ng dami. Kaya as of today ay, mayroon po akong statistics dito sa akin, ay mahigit po siguro mga 2,500 iyong applications ngayon na naka-register and close to, siguro mga 1,600 or 1,800 na po ang naisyuhan ng RapidPass, iyong iba po ay pending processing pa, iyong iba naman ay mayroong mga cases na hindi naman karamihan na-disapprove for one reason or another at ngayon ay ina-anticipate namin, ang pinaghahandaan po natin ay iyong sitwasyon na kahit dumating na itong katapusan ng ECQ ay hindi naman—dahil sa new normal kakailanganin pa rin po natin ang mga checkpoints sa aking tingin.
Kaya natutuwa naman po kami at napakalaki po ng kooperasyon ng ating Philippine National Police para doon sa actual na taga-check doon sa mga linya at iyon pong AFP na nagpo-provide ng security. Of course, DICT is supervising in terms of the quality assurance, cyber security and data management, kami po ang nakabantay lang as coordinator ng project dahil kami ang nag-umpisa nito, ay kailangang nandiyan kami hanggang sa iyan ay ma-perfect.
SEC. ANDANAR: Maraming salamat po sa inyong panahon, DOST Secretary Boy Dela Peña. At Usec. Rocky, mayroon lang tayong paglilinaw, ipinadala po sa atin ni Secretary Mon Lopez at babasahin ko lang po ito verbatim: IATF is not insisting that seniors are under house arrest or will be under arrest. Sabi niya, this is just an overall policy presented to us due to vulnerability of the age segment especially during the quarantine period. The operating guidelines are to be issued of course: The seniors who are actively working or running businesses will be allowed; we will use ID system; also, allowing of course those needing medical check-ups and other procedures; also buying food, medicines and asking for government assistance. Iyon po ay paglilinaw ni Secretary Mon Lopez.
USEC. ROCKY: Okay, malinaw po iyan sa lahat. Samantala, Secretary, makakausap naman po natin ngayon si DILG Undersecretary Martin Diño. Magandang araw po, USec.!
USEC. DIÑO: Magandang, magandang araw at good morning sa inyong lahat at kay tukayo, Secretary Martin.
USEC. ROCKY: Marami po kasing nagtatanong, ito pakilinaw lang po ito kasi sinasabi ngayong April 30 iyong last day daw po ng SAP distribution ng mga LGUs. Pero nilinaw na rin naman po ito ng DILG. Pero ano na po iyong status nang nakakarating sa inyo, gaano na po ba karami ang nabibigyan talaga nitong SAP mula sa 18 million families na beneficiaries po nito?
USEC. DIÑO: Actually, magmula nang nag-announce si Secretary Harry Roque na nagbigay ng deadline, talagang nag-double time lahat ng ating mga mayors kasi sabi nga ng DSWD, as early as April 3 ay nag-distribute na sila. Anyway, ang sabi naman ni Secretary Año na titingnan namin ang dahilan ng mga local government mayors natin kung bakit na-delay kasi siyempre, advantage din nila kung matatapos nila agad ito dahil iyong second tranche ay ipapa-facilitate na agad. Kaya iyan ay depende sa mabilis na distribution nila.
Sabi ko nga, kung pinagkatiwalaan ang mga barangay, kasi siyempre naging barangay captain ako for almost thirteen years, ay napakabilis ng distribution niyan. Makikita mo ngayon kaya nagkaroon ng mga problema kamukha nito iyong nangyari sa Lucena na kung saan iyong social distancing na naman natin ay na-violate na naman dahil ilang barangay ang pinapunta doon sa mall pero kung iyan ay ipinagkatiwala ng mga local mayors natin sa kani-kanilang mga punong barangay – actually, may accountability naman iyan eh – kasi kaya siguro mayor, iyong mga local government mayor natin ang nagpamigay niyan ay iyong accountability.
Kasi from DSWD, downloaded sa city mayor or municipal mayor, ngayon iyong mga municipal mayor at saka city mayor karamihan sa kanila sila ang nag-distribute. Just imagine in Quezon City, you have 142 barangays eh kung iisa-isahin mo iyan eh ‘di tapos na iyong ating programa ay nagpapamigay ka pa pero kung iyan ay dinownload mo agad sa 142 barangays, in a matter of 2-3 days tapos iyan, madi-distribute agad lahat iyan at puwede pang house to house iyan.
Anyway, nandidito na tayo at siguro baka bukas ay kasama ako ng DSWD, iikot kami sa Region III and we will observe kung ano iyong mga mangyayari diyan at agad-agad magpapa-meeting kami sa mga liga president ng Region III at siguro baka ganito na iyong mangyari na ang DSWD ay makikipag-usap na para kung ano ang pinakamagandang scheme na magagawa natin kasi kailangang-kailangan na makarating agad ang pera sa ating mga mamamayan dahil ang tagal na nila na nasa loob ng tahanan.
Just imagine what? This is our forty-five days at walang puwedeng delay na mangyari. Kailangan agad-agad ay makarating sa kanila itong mga ayuda na ito ng ating pamahalaan. And just imagine, this is the biggest na nabigay ng government, this is 200 billion tapos siyempre iyong first tranche natin ay dapat iyon napamigay agad iyan.
At para mapasunod natin sila, kamukha nito, iyong ating tinatawag na Enhance Community Quarantine dahil ang minimithi ngayon ng lahat ng mga local government ay mapunta na kami doon sa General Community Quarantine.
USEC. ROCKY: USec., papaano po iyong magiging proseso, sakali pong hindi makapag-comply iyong ating mga ilang barangay? Kasi kayo rin po ang nagpapalabas ng show cause order sa mga barangay captains, mayroon po bang nadagdagan din dito?
USEC. DIÑO: Sa ngayon kasi puro complaint pa lang ang umaabot sa amin pero sa totoo lang, wala sa kamay ng kapitan ang pera. Pero iyong mga pamamaraan kamukha nito, ano ba iyong unang-unang reklamo sa barangay? Iyong unang linggo, sampung barangay agad ang ni-report sa amin na may sabong; pagkatapos ayan na, sunod-sunod na iyong mga inuman sa kalsada; pagkatapos iyong sugal, bingo; iyong mga bata nagkalat sa kasada – ito iyong first week.
Tapos kasama din diyan iyong pagbibigay natin ng quarantine pass na kung saan there are barangays na naningil from ten pesos up to five hundred pesos, pagkatapos iyong iba ay nagbigay nga ng libreng quarantine pass pero naningil naman ng barangay ID at saka certification.
So, ang sumunod na complain diyan ito na, iyong pamimigay ng pagkain. Ang pondo galing sa barangay at galing sa siyudad. Ano na, iyong complain na si kapitan namili ng pagbibigyan, kung hindi iyong mga kamag-anak niya iyong una, pagkatapos iyong mga kaalyado niya sa pulitika at parang namersonal. So, ito iyong sumbong sa atin.
Then pagkatapos niyan, ito na iyong nilabas na… iyong ating Socials Amelioration para dito sa atin at ito ay DSWD. Sa totoo lang po, wala po sa barangay ang listahan na iyan, ang listahan na iyan ay kinuha noong 2015. Ito nga ho iyong list noong time pa noong previous Administration and alam naman natin na nagkaroon ng controversy ito most especially iyong 4Ps.
Kaya nga si Secretary Bautista nagkaroon agad kami ng tie-up para iyong Listahanan 3, para malinis namin iyong mga records ng past administration pero inabot na po tayo nitong COVID-19. Kaya ngayon, sabi ko nga, ang ating mga barangay handang-handa po kami, out of 42,045 barangay mayroon kaming listahan na updated kasi hanggang 2015 lang iyan. may record kami, nadagdagan iyan 2016, 2017, 2018, 2019, 2020, kasi everyday bukas ang barangay hall, everyday may pupunta diyan kukuha ng senior citizen, kukuha ng clearance para sa trabaho, kukuha ng barangay clearance para sa eskuwela, sa pag-a-abroad.
So, ang barangay talaga mayroon kaming record niyan. Actually, nandidito na kami sa pagda-database ng inhabitant ng lahat ng barangay at saka in preparation for the national ID system kaya lang nga, ito iyong inabot natin…
USEC. DIÑO: Pero ganoon pa man, siguro after this, talagang tuluy-tuloy na iyong gagawin natin sa barangay level dahil it is high time for us na magkaroon na ng talagang record ang … magmula sa barangay, cities and municipalities, province, region up to the national level. So ito na po iyong ating tinatarget dito. And bukas, iikot po kami sa Region III, and of course, again, tawagan ko iyong mga provincial president ng Liga ng mga Barangay, may meeting po tayo na gaganapin sa San Fernando, Pampanga. Iyon po.
SEC. ANDANAR: Usec., ano po ang parusa ninyo sa mga barangay officials na di-umano ay nagbebenta ng mga SAP form at quarantine pass, pati na rin daw po iyong ilang opisyal na namimili o nagiging selective sa distribution para sa SAP form?
USEC. DIÑO: Huwag na natin paliguy-liguyin pa iyong mga ikakaso natin, ito na. Ito ho iyong ginawang batas, ito iyong Republic Act 11496. Ito po ay ginawa para specifically para doon sa State of National Emergency on COVID-19. Doon na tayo pumunta sa Section 6, anong nakalagay dito? Ito iyong offense ha, ang nakalagay dito: Disobeying the national government policies or directive in imposing quarantine. Malinaw po ito, nakalagay po ito, mga kapitan. Doon sa mayor at saka governor, si Secretary ang sa inyo; ako ang sa mga barangay. Ito ho ang ipa-file naming kaso sa inyo Under Republic Act 11469, ano ang parusa? Punta tayo sa parusa ha. Para kasi—baka mamaya madami pa tayong mga batas na gagamitin, ito ginawa itong batas na ito specifically para sa nangyayari ngayon.
Anong nakalagay dito? Section 6, Penalties: The following offenses shall be punishable two months imprisonment at magbabayad kayo from P10,000 to one million. At ito ang kasunod niyan, ang kasunod niyan ay mayroon hong additional to the penalties prescribed will suffer perpetual or temporary absolute disqualification shall be imposed sa lahat po ng mga barangay official, magmula kay kapitan na hindi ninyo pinatupad iyong inuutos sa inyo na quarantine. Ano ito? Ito iyong 24/7 na dapat ang mga constituents ninyo ay nasa loob ng bahay. Ang dapat na nasa kalsada lang ay ang mga mamamayan ninyo na inisyuhan ninyo ng quarantine pass. At saka iyan quarantine pass na iyan, kailangan nakasabit sa dibdib nila so that we can monitor na lahat lang nang tutungtong ng kalsada ay iyong inisyuhan ninyo ng quarantine pass.
At ngayon, sabi ko nga, para naman mapasunod ninyo sila, kayong mga kapitan papunta ng barangay tanod, lahat kayo ay mag-ID din para ngayon kung naninita kayo, mayroon kayong ipakikita na sinusunod ninyo iyong batas. Malinaw tayo diyan.
Kaya nga nakita ninyo, anu-ano itong mga isinampa namin, more or less one hundred na ang napalabas ko na show cause order. Mayroon naman kayong pagkakataon na sagutin kasi mayroon pong complaint center ang DILG. Mayroon po kaming 24/7, 46 days na na hotline na kung saan ito iyong tinatawag na DILG Emergency Operation Center. Libo na po ang nakuha naming complaint coming from the barangay. Dito po sa Metro Manila, sabi ko nga, more or less, one hundred show cause order na po ang aming nilabas.
Mayroon po kaming complaint sa Luzon, Visayas and Mindanao, at ito naman ay itu-turn over ko kay Director Karl Rimando ng National Barangay Operation Center para po iyong aming mga opisina … kasi ang DILG po ay mayroon kaming tinatawag na regional office, tapos mayroon kaming provincial office, at mayroon kaming city and municipal office all over the Philippines, kaya ho on top of the situation kami dito. At ang DILG, again, nakatutok kami sa lahat ng LGU, from governor, city mayor and municipal mayor and down to 42,045 barangays.
Ako naman, sa barangay po, more or less mga one thousand lang naman ang nagreklamo. So may magagaling—ako, saludo po ako sa ating mga barangay captain na 24/7 nagtatrabaho. At sila, mahigit kwarenta mil na barangay po sa buong Pilipinas ang nagtatrabaho 24/7, magmula kay kapitan, kagawad, secretary, treasurer, pati po iyong ating mga SK, ating tanod, barangay health worker. Lahat po ng ating tao sa barangay, even the lupon, andiyan po pati sa repacking kasama natin. Pero mayroon talagang iilang pasaway.
Ito ho ngayon ha, ang reklamo sa akin, mag-ingat kayo mga kapitan, oras na nakakuha ako ng affidavit at sinabi na talagang nanghihingi kayo ng one thousand kada recipient at sinasabi ninyo na donation sa barangay, mayroon akong pangalan ng barangay, mayroon akong pangalan ng mga tao kung sinu-sino ito.
Ito pa, sinasabi ninyo na hati – unang-una, huwag ninyo pong gawin iyan, kapitan, dahil may accountability, mayroon tayong accounting na gagawin dito; magli-liquidate ang mga mayor ninyo. At in the event na pagkatiwalaan kayo ng mayor ninyo at kayo ang nagpamigay ay mayroon kayong obligasyon din kay mayor for the liquidation.
Ito pa, iyong form, mayroong nagbebenta sa inyo – magmula kapitan, kagawad – at huwag na huwag, basta napatunayan namin kayo na ay namili, kayo ay namili ng mga kakampi ninyo, kamag-anak ninyo at naglagay kayo nang hindi qualified, iyang form na pinamimigay ng DSWD ay mayroong code. Ano ho iyan, official document ng gobyerno dahil iyan ay may kaakibat na halaga. Kapag ikaw ay naaprubahan diyan, ibig sabihin, ikaw ay bibigyan ng pera ng gobyerno galing sa tax ng ating mga mamamayan, at mayroong accountability diyan. Kaya kung sinuman ang mga makakatanggap niyan, may accountability kayo sa pamahalaan.
Mayroon na tayong mga nakasuhan, lalung-lalo na sa barangay, na iyong pangalan niya ay isinama sa listahan – huwag po. Kaya ho nag-a-identify ang ating Inter-Agency Task Force kung sino ang mga target beneficiaries natin. And of course, alam na alam natin, mga kapitan – sabi ko nga sa inyo kadugo ninyo ako – alam natin kung sino ang mga talagang less fortunate sa ating barangay. Alam ninyo iyan, may record tayo niyan. Araw-araw na kinukuha ng ating secretary iyan. Kaya huwag po, huwag ninyong gawin iyan.
Ito naman, doon sa ating mga senior citizens: Mga kapitan, alam natin kung sino iyong ating mga senior citizens, alam natin kung sino iyong mga walang kasama sa bahay, bigyan ninyo po ng quarantine pass. In the event na hindi na kaya ni lolo’t lola, eh obligasyon na ng barangay, papunta na kayo ng tanod; mag-assign na kayo. May tao tayo per street, ano ba kayo. Per street may tao tayo na puwede ninyong isama na kung may mga pangangailangan si lolo’t lola, at kayo na ang bumili, barangay na. May vehicle tayo, may sasakyan tayo eh pagserbisyuhan naman natin ang ating mga senior citizens sa ating barangay.
Alam ninyo, ang organisasyon ng barangay, magmula sa barangay captain, iyong pitong kagawad, mayroon tayong pitong sitio; iyong pitong sitio, mayroon kayong tigsa-sampu na purok leader; iyong purok leader, mayroon kayong street level coordinator. Kaya kung information lang at saka iyong distribution ng pagkain ang pag-uusapan, kayang-kaya natin sa barangay iyan. Sabi ko nga, we are the smallest or basic political unit of this government. Kaya lang, talagang kailangan lang iyong talagang magagaling na barangay captain nagtatrabaho, there are 40,000 of that, at mayroon pa rin. Pero anyway, iyong mga niri-report sa amin na mga … may complain, may verification naman kami, may team ako na bumababa 24/7 at iniikot namin lahat ng mga reklamo.
Ngayon may mga nagmatigas pa, eh baka ipakita namin sa inyo. Pinakamahina … iyong mga binigyan ko ng show cause order, pinakamahina na po iyong dalawampung reklamo, umaabot pa iyan nang mahigit singkuwentang reklamo. Kumbaga sa ano, recidivist – paulit-ulit na iyong pangalan ninyo, barangay ninyo ang lumalabas. Kaya ho sagutin ninyo lang iyan at titingnan ko naman po kung iyong programang ginawa ninyo ay talagang kapaki-pakinabang o tinitingnan namin kung kayo ay napupulitika lang.
So ito po iyong ating ginagawa, idol, Secretary Martin.
SEC. ANDANAR: Maraming salamat, tukayo, Undersecretary Martin Diño. Mabuhay po kayo, sir, diyan sa DILG.
DILG USEC. DIÑO: Thank you, mabuhay. At ang pakiusap ko na lang ‘no, ngayon wala na hong pakiusapan. Ito nang sinasabi ko sa inyo, aarestuhin na po kayo oras na lumabas kayo ng bahay. Unang-una kayong mga pasaway, kayong mga sugarol, kayong mga sabungero, kayong mga lasenggo at nag-iinom sa kalsada, tapos iyong mga nagpapabaya na magulang na pinababayaan ninyo ang anak ninyo sa kalsada. Wala na hong patawaran ngayon, 45 days na tayo dito sa problema natin dito sa COVID-19.
Ang gobyerno, bilyon ang ginastos para masigurado lang na kayong mga pasaway nasa loob kayo ng bahay ninyo. Pasensyahan po tayo, kakasuhan namin kayo at isasampa naming kaso sa inyo iyong makukulong kayo nang dalawang buwan at magbabayad kayo ng sampung libo.
At ito ang sabi ko nga sa mga kapitan, mga kapitan kapag hindi natin kaya, humingi na kayo ng tulong sa national government, padadalhan namin kayo ng pulis, padadalhan namin kayo ng sundalo para umikot doon sa barangay ninyo dahil hindi na tayo puwedeng mag-aksaya ng panahon. Dalawang beses nang na-extend ito dahil lang sa mga pasaway. Eh lahat tayo nagsakripisyo, kaya’t kung gusto ninyong lumipat na tayo sa General Community Quarantine, eh magsama-sama tayo, ikondena ninyo na.
Ngayon, ako, I will consider lahat ng mga pasaway na lalabas carrier na kayo, kasi kayo, banta na kayo sa seguridad ng ating bansa at sa seguridad ng buhay ng aming pamilya. At hindi kami papayag na mamamayagpag kayo diyan sa labas ng barangay o sa mga tahanan ninyo. We will make sure na ngayon pagdudusahan ninyo itong pagiging pasaway ninyo and we will make sure of that. And I will make sure na ang mga barangay captain ay susunod na talagang ngayon eh ipatupad natin ang batas.
Tama na iyong mga pagbibigay-pagbibigay diyan – tama na iyon. Our government suffered too much. So sa inyo, maraming, maraming salamat at mabuhay po ang, unang-una iyong mga kasama kong mga barangay sa buong Pilipinas, tapos iyong mga frontliners natin. At thank God, lahat po ng team ko nagpa-test na kami at lahat kami negative at ready to fight again sa baba.
So again, thank you. Mabuhay po.
USEC. IGNACIO: Maraming salamat po kay DILG Undersecretary Diño. Ngayon po, alamin naman natin ang kasalukuyang lagay ng ating mga kababayang Pilipino sa Kuwait. Nasa linya po ng telepono si Chargè d’Affaires of the Embassy of the Republic of the Philippines in Kuwait Charleson Hermosura – magandang araw po.
AMBASSADOR HERMOSURA: Magandang araw at magandang umaga po mula dito sa Kuwait Usec. Rocky and Secretary Martin.
USEC. IGNACIO: Opo. kumusta na po iyong sitwasyon ninyo diyan sa Kuwait at paano po ninyo hinaharap, kasama ang ating Filipino community iyong banta po na dala ng COVID-19?
AMBASSADOR HERMOSURA: Okay. So as of yesterday, kasi po itong Ministry of Health nag-publish ng daily bulletin of COVID numbers po nila sa kanilang official pages. Mayroon po tayong confirmed 51 Filipinos in Kuwait who are confirmed positive for COVID-19. Unfortunately may dalawa na pong namatay because of the disease.
Ngayon po, ang Kuwait ay hindi naisalba doon sa economic downturn from this Covid-19. Marami po kasi ditong establisyimento gaya ng restaurant, ng gym, ng salon, ng shops ay sarado; may mga restaurant, minimal operation po para sa takeout and delivery lamang. So marami po tayong mga displaced OFW dito sa Kuwait, some are terminated, while there are a lot na talagang no-work, no-pay po sila.
So ngayon, DOLE AKAP Program is in place. Ang POLO Kuwait nakatanggap na po ng 18,515 applications and so far ang na-approve na po ay 3,618. Ngayon, para lang maiwasan po iyong crowding dito sa embahada at sa POLO Kuwait which might catch the attention of authorities and ayaw nila ng crowding ngayong mayroong COVID-19, dineligate natin ang cash aid pay out sa [unclear] centers are anticipating receipt noong approval po ng Central Bank Kuwait para magawa po iyong pagbayad ng cash payout sa mga na-approve na application para sa DOLE AKAP Program.
Sa mga aplikante po natin binalikan at sinabihan na kailangan mag-complete ng requirements, sana po ay mai-submit na po nila ito. Ngayon po nag-launch din kami food drive noong April 5. So far nakapag-distribute po tayo ng 14,000 food packs. Malaki po ang pasasalamat po natin sa Filipino community because tumulong po sila sa pag-distribute ng food packs na ito all over Kuwait, maski doon sa dalawang areas na naka-lockdown po ngayon.
And ginagawa po ito ng ating mga kababayan na tumutulong sa atin despite iyong curfew po natin from 4 P.M. to 8 A.M. So they really ensure na ma-distribute iyong food packs before the curfew strikes. Kami po ay talagang proud sa spirit of bayanihan dito sa Kuwait at talagang nagpapasalamat po kami.
USEC. IGNACIO: Opo. Sir, mayroon pong amnesty program para sa ating mga OFWs, iyon pong mayroong mga expired visas at may mga.., kung ano pang ibang kaso diyan sa Kuwait. Paano po iyong naging proseso dito at gaano po kalaki iyong naitutulong nito para sa ating mga OFWs o iyong mga mas nangangailangan nating mga kababayan sa Kuwait?
AMBASSADOR HERMOSURA: Okay. So actually po as early as March 25, ang gobyerno ng Kuwait ay nag-fund ng repatriation ng mga distressed OFWs at ng mga Pilipino na nakakulong sa Central Jail saka sa Immigration Holding Center because they were undocumented.
So we supported it and provided assistance, so may 253 pong nakauwi. Dahil sa support at assistance na ginawa ng embahada, minabuti po ng gobyerno ng Kuwait na unahin ang lahat ng mga Pilipino doon sa amnesty program from April 1-5. So iyong April 1-5 po na iyon ay nakalaan para sa application ng mga Pilipino po lamang and doon sa panahon po na iyon, in fact until April 7, tayo po ay nakapagpauwi ng 2,107 Filipinos na undocumented. When we say ‘undocumented’, ito po iyong mga may absconding or runaway cases at mga visas na expired before March 1.
During that period po, ang embahada was on the spot kasi po nag-issue po tayo ng travel document para doon sa mga, sa kasamaang-palad wala sa kanila ang kanilang passport. At sa embahada naman po, pumunta ang mga ina na kailangang magrehistro ng birth noong kanilang mga undocumented children.
So ngayon from April 26, ongoing iyong amnesty ulit para sa lahat ng nationality. Today is actually the last day, so we continue to update po lahat ng mga undocumented Filipino sa Kuwait na hindi pa nag-apply. Ngayon na po ang huling araw, mag-apply na ho tayo. Ang guidelines po para sa pag-a-apply is all over the news at nasa Facebook page po ng embahada.
SEC. ANDANAR: Okay. Sa ngayon po sir, may mga kababayan pa ba tayong nais na umuwi ng ating bansa, na gusto na pong magpa-repatriate?
AMBASSADOR HERMOSURA: Okay. So ganito po iyon, dito po sa Kuwait, for cost-benefit analysis po, minabuti po naming kunin muna ang survey ng mga Filipinos na mayroong cancelled visas, ito po iyong mga nagtapos na ang kontrata or pinayagan ng kanilang mga employers na umuwi at saka iyong mga family visas. So far, we have received only 79 respondents expressing their intention na umuwi. So we are coordinating with proper authorities to make this possible.
SEC. ANDANAR: At para sa ating mga kababayan diyan sa Kuwait na nais po humingi ng tulong, paano po nila kayo mako-contact Chargè d’Affaires, sir?
AMBASSADOR HERMOSURA: Okay. Ang embahada po ay nakabukas pa rin from 9 A.M. to 2 P.M. para doon sa gusto hong pumunta para sa tulong na kailangan po nila. Ngayon po, kami din po ay puwedeng ma-contact din po doon sa aming Facebook page para sa lahat ng tulong na kailangan po nila.
Ngayon it’s also possible, nasa Facebook page din po ng embahada [garbled]… So 24 hours po iyon, kung mayroon man pong nangangailangan ng tulong, puwede pong tumawag kaagad sa amin.
SEC. ANDANAR: Maraming salamat po, Kuwait Chargè d’Affaires Charles Hermosura – Mabuhay po kayo.
AMBASSADOR HERMOSURA: Walang anuman po…
USEC. IGNACIO: Samantala, dumako naman po tayo sa pinakahuling update patungkol pa rin sa COVID-19 sa ating bansa. As of 4 P.M., April 29, 2020, umabot na po sa 8,212 ang kabuuang kaso ng COVID-19 at nasa 558 naman po ang bilang ng mga nasawi. Pero patuloy pa rin po ang pagtaas ng mga gumagaling na pumalo na po sa 1,023. Nasa ika-tatlumpu’t-siyam na puwesto naman ang Pilipinas sa buong mundo at sinundan ito ng Norway na may 7,660 confirmed cases.
Samantala, sa ibang balita naman. Umapela si Senator Bong Go na bigyang pansin ang kalusugan ng mga senior citizen dahil po sila ay kinikonsiderang vulnerable sector ng lipunan. Ayon po sa Republic Act 9994 o mas kilala bilang Expanded Senior Citizen Act of 2010 ang mga senior citizen ay entitled po sa 20% discount at exempted sa pagbabayad ng Value Added Tax o VAT.
Dagdag pa ng senador na dapat anya siguruhin ng Department of Health na sapat ang supply at abot kaya ang presyo ng mga medisina, vitamins at minerals supplements upang mas mapalakas ang kanilang resistensiya laban sa anumang uri ng sakit.
Samantala, Secretary, makakausap naman po natin si MMDA Assistant Secretary Celine Pialago. Magandang araw sa iyo, Celine?
ASEC. PIALAGO: Magandang araw Usec. Rocky; at kay Secretary Andanar po, magandang araw din po.
USEC. IGNACIO: Asec, kumusta na iyong lagay ng ating mga lansangan. Ano iyong mga usual violations na naitatala; pero kasi kung may mga violators sa kalsada, mayroon ding MMDA na nag-violate doon sa tinatawag nating social distancing, kasi nasa ECQ tayo. Ano na iyong nangyari sa kanila, Asec?
ASEC. PIALAGO: Usec. Rocky, sampung Traffic Constable po pinagsama-sama na iyan, iyong iba po na-suspend, iyong iba naman po ay na-terminate.
Tatlo po sa ating Traffic Constable, Usec. Rocky, ang nahuli po na may back ride at lumabag po sa ‘no angkas policy,’ sila po ay haharap sa 30-day preventive suspension; at mayroon din po tayong Traffic Constable, Usec Rocky, na walang suot na face mask at iyon din po ay na-suspinde. Iyong isa naman po nating Traffic Constable, USec. Rocky, na nanakit po ng kanyang live in partner at stepson ay kasalukuyan pong nakakulong at tinanggap na po niya ang kanyang termination order kahapon.
Iyong tatlo naman po nating Traffic Constable, Usec. Rocky, lumabas sa physical distancing and drinking outside the residence. So, ang ginawa ho diyan, Usec. Rocky, iyong isa po ay job order, terminated na po, iyong dalawa naman po ay suspended po for 30-days.
USEC. IGNACIO: Kaugnay naman doon sa isyu ng isang MMDA traffic enforcer na hinihinalang namatay dahil sa COVID-19. Ano iyong action po o iyong mga pag-iingat na ginagawa ng MMDA para hindi na maulit itong ganitong sitwasyon at paano ninyo pinoprotektahan ang mga frontliners na MMDA?
ASEC. PIALAGO: USec. Rocky, iyong kaso po ni Mr. Maralit ‘no hanggang ngayon po ay inaantay natin iyong resulta ng kanyang COVID test, pero ho ang nagiging habang po ng aming ahensiya, mayroon po tayong regular temperature check, mayroon din po tayong ibinibigay na vitamins, alcohol sa lahat po ng ating frontliners at lahat po ng enforcers sa ground. Mayroon din po tayong medical clinic activated po iyan simula po ng nasa ilalim sa ECQ ang Metro Manila. Mayroon din po tayong sariling quarantine facility, Ma’am, para po sa ating mga sariling empleyado. At patuloy po Usec ang pag-disinfect natin ng ating mga sasakyan at ilang facilities.
SEC. ANDANAR: Naatasan po ang MMDA to coordinate the handling of COVID-19 dead bodies, ito po iyong ipinaliwanag po ninyo last week, kumusta po ang naging management natin dito, Celine?
ASEC. PIALAGO: Secretary, mayroon naman tayong 25 crematorium sa Metro Manila. And so far po sa 25 na crematoriums na iyan, apat po diyan ang public crematoriums, mayroon po sa Navotas, Quezon City, Pasay po at saka po Mandaluyong.
So far po ang pinaka-latest Secretary kaya pang i-handle ng ating mga Local Government Units ang bilang po ng mga cadavers sa kanilang siyudad. Sa ngayon naman po iyong ating pong mga recipients ng ‘cremate now, pay later,’ sila po ay maayos namang nakikipag-ugnayan sa DSWD. So, so far Secretary, wala pong naitatalang problema, maayos naman po ang coordination between LGU and crematory services.
SEC. ANDANAR: Banggitin na rin natin iyong ‘cremate now, pay later’ scheme for COVID-19 related deaths, ito po ba ay naipapatupad na mayroon na po bang nag-avail nito?
ASEC. PIALAGO: Yes, Secretary. Dahil po mayroon na tayong MOA ready for circulation at iyon nga po, Secretary, iyong mga public crematoriums po natin kaya pang i-accommodate, so ibig sabihin po libre pa po iyon, hindi pa po ganung kadami ang naga-avail ng cremate now, pay later. Pero remind lang po natin iyong ating mga kababayan, para lang po iyan sa mga indigent nating kapwa Pilipino.
So, ngayon po, Secretary, dahil iyong ating mga public crematorium ang capacity naman po noon ay nagre-range ng dalawa hanggang 18 sa loob ng isang araw, nakaka-average po sila ng 5 to 8. So, so far sir, pag public crematorium, Secretary, walang kailangang bayaran. So iyong cremate now, pay later hindi pa po ganoon kadami iyong nag-a-avail noon, Secretary.
SEC. ANDANAR: Ano po ang inyong mensahe, Ma’am, sa publiko?
ASEC. PIALAGO: Secretary, since extended po ang ECQ sa Metro Manila, manatili lang po sa tayo sa ating mga tahanan at sumubaybay po sa Laging Handa para iwas po sa fake news Secretary, dahil ang dami pong nagpapakalat ng mga balita na hindi naman po nararapat. Manatili lang po sa inyong tahanan at hindi rin po tatanggapin ang inyong mga barangay quarantine passes sa major thoroughfares.
Pero in fairness Secretary, bumaba po ang bilang ng mga nahuhuli natin sa EDSA and Commonwealth, so at least po iyong iba po ay nakikinig na talaga.
SEC. ANDANAR: Maraming salamat MMDA Assistant Secretary Celine Pialago.
Mga kababayan, isang makabuluhang diskusyon naman at mahahalagang impormasyon ang ating nakalap ngayong umaga kaya kami po ay nagpapasalamat sa ating mga nakausap sa kanilang oras na inilaan sa ating programa. Asahan po ninyo na patuloy po naming ihahatid ang mga importanteng impormasyon na kailangan nating lahat.
USEC. IGNACIO: Ang public briefing po ay hatid sa inyo ng iba’t ibang sangay ng Presidential Communications Operations Office sa pakikipagtulungan ng Department of Health at kaisa ng mga Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas o KBP at maraming salamat din po sa Filipino Sign Language Access Team. Mabuhay po kayo.
SEC. ANDANAR: Ngayong panahon ng krisis, mas lalong dapat nating ipadama ang tunay na pagmamahal sa bayan at sa kapwa Pilipino. Magkaisa, sumunod, maging maalam at mapagmatyag, dahil hindi lamang ang mga frontliners ang may papel sa laban na ito, lahat tayo, ikaw ay magiting na homeliner at hindi natin papayagang kumalat pa ang virus na ito. Tandaan sa ating pagtutulungan at pagkakaisa malalagpasan natin itong lahat; Together we heal as one. Muli ako po si Secretary Martin Andanar.
USEC. IGNACIO: At mula pa rin po sa Presidential Communications Operations Office, ako po si Usec. Rocky Ignacio.
###
SOURCE: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)