Press Briefing

Public Briefing #LagingHandaPH hosted by Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar and PCOO Undersecretary Rocky Ignacio


Event Public Briefing #LagingHandaPH
Location People’s Television Network, Inc. (PTV), Quezon City

SEC. ANDANAR: Isang mapagpalang araw sa mga minamahal kong kababayan sa iba’t ibang panig ng mundo. Samahan ninyo po kami na alamin ang mga pinakahuling balita tungkol sa COVID-19 sa loob at labas ng bansa. Mula sa PCOO, ako po ang inyong lingkod, Secretary Martin Andanar.

USEC. IGNACIO: At mula rin sa PCOO, ako naman po si Undersecretary Rocky Ignacio, kasama ninyong makikiusisa sa mga hakbangin ng ating pamahalaan para labanan ang pandemiyang ito.

SEC. ANDANAR: Basta laging handa at sama-sama, kaya natin ito. Kaya naman, bayan, halina’t samahan ninyo kami dito sa Public Briefing #LagingHandaPH.

USEC. IGNACIO: Kasama rin nating magbabalita ngayong araw sina John Mogol ng Philippine Broadcasting Service, Allan Francisco ng PTV-Manila, Eddie Carta ng PTV-Cordillera at si Regine Lanuza ng PTV-Davao.

SEC. ANDANAR: Silipin din natin ang mga pinakahuling balita sa bansa.

Senador Bong Go naglabas ng pahayag tungkol sa hinaing ng mga OFWs patungkol sa pagtaas ng PhilHealth premium contribution. Ayon sa Senador, ang naturang pagtataas ng premium ay naaayon sa Universal Healthcare Law na naisabatas noon pang 17th Congress na naglalayong mas paigtingin ang programang pangkalusugan para sa mga Pilipino.

Sa naging report din ng PhilHealth noong nakaraang taon ay lumalabas na mas mataas ang halaga ng naging claims ng mga OFWs at kanilang pamilya kung ikukumpura sa premiums na binabayaran ng mga ito. Gayunman ay umapela si Senador Go sa PhilHealth na gawan ng paraan na i-delay ang paniningil nang mas mataas na kontribusyon lalo pa’t humaharap ang buong mundo sa krisis na dulot ng COVID-19.

Dapat din daw na amyendahan ang naturang circular order kung saan kasama pa ang mga Overseas Filipinos in distress sa dapat magbayad ng dagdag na kontribusyon. Umapela din siya na mas paigtingin pa ang information drive ng PhilHealth para malinaw na maipaabot sa ating mga kababayan ang mga pagbabagong ipinatutupad ng ahensiya.

USEC. IGNACIO: Samantala, paglalatag ng mga plano para sa mungkahing Balik-Probinsiya Program ng pamahalaan sinimulan na po.

Sa isinagawang virtual meeting noong nakaraang linggo na pinangunahan ni Executive Secretary Salvador Medialdea at dinaluhan ni Senator Bong Go, kasama ang ilan pang key government officials, napagkasunduan ang pagpapatupad sa Balik-Probinsiya Program ay mahahati sa tatlong phase na tutugon sa pangangailangan ng bawat mamamayan sa pamamagitan ng mabilisan, panandalian at pangmatagalang solusyon.

Sa nasabing pagpupulong ay tinukoy na rin ang mga programang kasalukuyan nang ipanatutupad ng ilang mga ahensiya na makatutulong sa pagpapabilis at pagiging epektibo ng Balik-Probinsiya Program ng pamahalaan.

Kabilang sa key agencies dito ang DSWD, Department of Agriculture, Trade and Industry, Education, Labor and Employment, Transportation, Housing at Health. Ayon kay Senator Go, mahalaga ang maigting na pagtutulungan ng pamahalaan para masigurong mabibigyan ng magandang panimula at sapat na kabuhayan ang bawat indibidwal o pamilya na makikiisa sa programa.

SEC. ANDANAR: Samantala, mga atleta sa bansa dapat din patuloy na suportahan sa gitna ng COVID-19. Kasabay sa naging panawagan na ito ni Senador Go ay pinasalamatan din niya ang Philippine Sports Commission at Games and Amusement Board sa naging inisyatiba ng mga ito na patuloy na bigyan ng assistance ang ating mga national athletes.

Kamakailan lang ay nagbigay ang PSC ng allowance sa humigit-kumulang isanlibong atleta at coaches sa kabila ng ‘No training, no allowance’ policy nito. Nagtakda din ng temporary housing at namigay ng pagkain ang PSC sa mga na-stranded na atleta dahil sa pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine sa buong Metro Manila; at nagsagawa ng online medical consultation at psychological session upang patuloy na ma-monitor ang kalusugan ng ating mga national athletes.

Ang Games and Amusement Board naman ay patuloy ang pakikipag-ugnayan sa DSWD para mabigyan ng food packs at financial assistance ang ilan pang mga atleta sa ilalim naman ng programang Assistance for Individuals in Crisis Situations Program ng ahensiya.

Bilang chairperson ng Senate Committee on Sports, hinikayat din ni Senadong Bong Go ang mga business owners sa industriya ng palakasan na magbigay din ng suporta hindi lang sa ating mga atleta kung hindi maging sa kanilang mga empleyado rin sa gitna ng krisis na pinagdadaanan ng bansa.

USEC. IGNACIO:  Samantala, Secretary Martin, silipin natin ang pinakahuling bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa. Lumampas na po sa 9,000 mark ang bilang ng confirmed cases sa Pilipinas, iyan po ay matapos madagdagan ng 295 positive cases ang kabuuang bilang sa bansa as of 4 P.M. kahapon na ngayon po ay may total count na 9,223.

Samantala, naitala rin ang karagdagang 90 cases ng mga naka-recover mula sa sakit sa kabuuang bilang na 1,214; habang 607 naman po ang pumanaw. Kahapon naitala ang pinakamataas na bilang ng mga naka-recover sa nakalipas na pitong araw habang pinakamababa naman ang bilang na apat sa karagdagan ng mga nasawi sa loob ng isang linggo. Kapansin-pansin din na nananatiling mataas ang nadadagdag sa recovery cases kung ikukumpara sa mortality case dahil sa COVID-19.

Paulit-ulit po ang aming paalala na huwag maging kampante habang nananatili ang banta ng COVID-19 – panatilihin ang social distancing, manatili sa ating mga tahanan at ugaliin ang paghuhugas ng kamay.

SEC. ANDANAR: Para po sa inyong mga katanungan at concerns tungkol sa COVID-19, maaari po ninyong i-dial ang 02-894-COVID o kaya 02-894-26843. Para naman po sa mga PLDT, SMART, Sun at TnT subscribers, i-dial po ang 1555.

Maaari rin po ninyong tawagan ang hotline numbers ng iba’t ibang ahensiya ng ating pamahalaan na makikita ninyo sa inyong TV screens.

Patuloy po kayong makibalita sa mga pinagkakatiwalaang sources ng impormasyon tungkol sa COVID-19, maaari ninyo pong bisitahin ang www.doh.gov.ph o atin pong www.covid19.gov.ph

Oras po natin, 11:09 ng umaga. Maya-maya ay makakasama natin sa ating Public Briefing sina Secretary Eduardo Año ng Department of Interior and Local Government; Atty. Arnie Salvosa, ang Assistant Vice President for Corporate Services Department ng PAGCOR; Senior Gaming Officer Diane Erica Jogno; at si Brigadier General Ricardo Morales, ang presidente at CEO ng PhilHealth.

Samantala, una nating makakapanayam si DOTr Undersecretary for Administrative Services, Atty. Artemio Tuazon. Magandang umaga po sa inyo, Usec.

USEC. TUAZON:  Magandang umaga po, Secretary Martin at Usec. Rocky.

SEC. ANDANAR: Usec., under the transportation guidelines sa ilalim ng GCQ, limitado lang na mga driver at PUV operators ang papayagang makapagbiyahe. Paano po madi-determine kung sino lang ang maaaring pumasada?

USEC. TUAZON: Secretary, under po doon sa programa natin at sa guidelines po ng public transportation, mayroon pong hierarchy of public utility vehicles na sinusunod. Ito po ay based on the capacity of (garbled). Nauuna po iyong mga buses; pangalawa po iyong mga modernized (garbled) jeeps natin; at pangatlo po iyong mga luma na, mga ordinaryo po nating mga jeepneys. So depende po iyon sa ano po ang kakayanan ng kalsada at ang pangangailangan po ng mga pasahero.

SEC. ANDANAR: Usec., bukod po doon sa physical distancing, paano po masisiguro ang health at safety protocols sa pag-resume ng transportation? Halimbawa, sa mga bus na may kundoktor o kaya sa dyip na pasa-pasa po ang bayad.

USEC. TUAZON: Secretary, sa mga bus po, ang capacity po nila ay magiging 50% lang po o kalahati po ng ating total usual capacity po. So may mga alternate seating po iyan, sa harap, sa tabi at saka sa likod.

Ngayon po iyong ating bus driver at conductor po, masi-separate po sila ng non-permeable material, sir, iyong mga acetate kung tawagin, Secretary. At bukod po roon, sa atin namang modernized jeep, ang pinu-propose natin ay iyong paggamit po ng Automatic Fare Collection System [AFCS] para wala na pong pasahan ng pera.

Ngayon po, doon sa mga dyip naman na wala pong AFCS, ang gagawin po natin ay iyong pasahero bago po sumakay sa likod ng dyip ay dapat po ibigay na iyong bayad doon sa driver sa harap po.

USEC. IGNACIO:  Ano naman po daw iyong ayudang maaaring ibigay sa mga displaced drivers at paano nila ito makukuha?

DOTr USEC. TUAZON:  Ang DOTr po ay nag-submit ng proposal sa House of Representatives na isama po sa stimulus package ng gobyerno iyong pag-aayuda po sa ating mga operator at driver na maapektuhan po nitong limited capacity. Kasama na po doon iyong fuel subsidy, iyon pong mga loans para sa kanila po at saka iyong deferment po ng interes po doon sa mga nag-avail po ng ating PUV MP loans.

USEC. IGNACIO:  Opo. Magre-resume na rin po iyong ibang aviation activities sa mga lugar na nakapailalim sa GCQ. Ano po iyong mga guidelines sa ‘new normal’ in air travel?

DOTr USEC. TUAZON:  For the airports Ma’am under the GCQ, tama po kayo, mag-uumpisa na po mag-operate po iyan kapag commercial flights. Ngayon po ang DOTr po ay sinabihan po iyong ating mga airlines na gamitin po iyong sinasabing modelo po, iyong hub-and-spoke na model po [garbled] karamihan po ng ating major airports like NAIA, Cebu and Clark are still under ECQ, ini-encourage po ng DOTr na gamitin po ng mga airlines iyong ibang regional airports natin as their hub for their other flights to the other GCQ areas po.

USEC. IGNACIO:  Opo. Usec., kasi iyong International Air Transport Association at International Chamber of Shipping o ICS, sabi po dito, iyong government should facilitate the movement of seafarers who have been affected by travel restriction. Ang sinasabi lang nila, nagre-request po sila na i-identify daw po ng government iyong mga airports that seafarers can use for crew changes and make appropriate adjustment to current health and immigration protocols, – Ano po ang reaction ninyo dito?

DOTr USEC. TUAZON:  Tama po iyan, ma’am. Actually po ang ating mga airports na nagsi-service sa ating mga seafarers po ay dalawa, iyon pong karamihan ay nasa NAIA Terminal 1 and 2 at iyong iba po naman ay lumalapag iyong kanilang flights sa Clark International Airport.

Ngayon po by request po ni Secretary Galvez, ang ating National Implementer, isinara po muna natin iyong mga airports po natin for 1 week starting yesterday po para lang mailagay na po natin iyong karampatang mga sistema at iyong pang-testing po natin para sa ating mga OFWs. Inaayos din po iyong lugar para sa ating OFWs as well as iyong mga nagha-handle po sa atin sa airports.

SEC. ANDANAR:  Usec., puwede mo kaming bigyan ng updates sa mga ongoing Build, Build, Build Projects ng pamahalaan as spearheaded by the DOTr?

DOTr USEC. TUAZON:  Secretary we have at least, I think 13 projects that were approved by the IATF to continue. Most of them are with the rail projects natin, iyong atin pong malalaking rail projects – they are the MRT 3 rail replacement works, the LRT 2 East Extension and LRT 2 West extension at the LRT 2 fire restoration – iyan po iyong sa Santolan Station natin na nasunog. The MRT 7, the Metro Manila Subway, the MRT-LRT common station in North Avenue in Quezon City, the PNR Clark 1, the PNR Clark 2, the Subic Clark Railway, the PNR Bicol and the Mindanao Railway, Secretary.

SEC. ANDANAR:  Paano po naman natin sinisiguro ang health and safety protocols sa ating mga construction workers?

DOTr USEC. TUAZON:  Secretary, they will be required to undergo testing, COVID-19 testing prior to reporting for their areas. Tapos po doon, iyong iba sa kanila ay iha-house within site sir, kung tawagin natin ay ‘on-site housing’ para hindi po sila kumakalat at palabas-labas. Iyong iba naman po ay susunduin ng shuttle na diretso sa kanilang construction sites. Of course sir in all of these, iyon pong ating mandatory wearing of face mask, iyong handwashing, iyong social distancing – they will all be observed po.

SEC. ANDANAR:  Usec., ang economic plans po na inihanda ng DOTr – pakipaliwanag lang po sa amin sir – ito po ay as soon as matapos ang epekto ng pandemya sa bansa?

DOTr USEC. TUAZON:  Katulad po nasabi ko kanina, ang DOTr po ay nag-submit din po ng mga proposals sa ating House of Representatives para mapasama ito sa stimulus program ng ating gobyerno para po matulungan ang ating transport sector, Sec. We have submitted already the proposal and we are awaiting the House of Representatives sa decision on the matter, sir.

USEC. IGNACIO:  Ang tanong po naman mula kay Samuel Medenilla ng Business Mirror: Nag-impose po ng one (1) week suspension for in-bound flights ang DOTr and ang Task Force COVID to decongest quarantine facilities. Ilang OFWs po ang expected na makaka-complete ng kanilang 14-day quarantine para doon po sa nasabing period. At kung kailan naman daw po magre-resume ang domestic flights after po nitong suspension ng in-bound flights.

DOTr USEC. TUAZON:  Actually Usec., we have around 16,000 OFWs inside the National Capital Region na dapat ma-test po. We are [garbled] those [garbled] we are shifting test to PCR—RTC testing po. Ngayon siguro po, if everything that we have planned comes into place po. Iyang testing po natin for these 16,000 OFWs na nandito na sa NCR po ay matatapos natin by the end of this week po. So after that po we can, again, open the airports.

Actually kaya rin po tayo nag-shift ng testing po to [garbled] po is because mas [garbled] kailangan silang i-maintain for 14 days sa quarantine. Puwede na po natin silang papauwiin sa probinsya nila.

USEC. IGNACIO:  Okay. Maraming salamat, Usec. Artemio Tuazon ng DOTr, mabuhay po kayo…

SEC. ANDANAR:  Samantala Rocky, eh kailangan masagot itong issue ng PhilHealth kaya mamaya makakausap natin si General Morales para masagot niya ito.

Okay. Bago iyan ay unahin muna natin si DILG Secretary Eduardo Año – Magandang umaga pong muli sa inyo Secretary Ed, good to see you again.

SEC. AÑO: …Magandang umaga naman Sec. Martin at sa ating viewers at mga listeners.

SEC. ANDANAR:  Ngayon pong may guidelines nang nailabas ang IATF para sa mga lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine, dapat na rin po bang asahan na ang Metro Manila at ilan pang ECQ areas ay mauuwi na sa GCQ after May 15?

SEC. AÑO:  Sana nga Sec. Martin ay ganoon ang mangyari, pero babantayan natin siyempre iyong tinatawag nating trends – iyong epidemiological trend ‘no, na sana ay bababa na talaga iyong mga positive cases. At saka lalo pang tumaas iyong ating mga capacity sa pag-test at saka iyong ating mga tinatawag na healthcare facilities ay madagdagan pa.

SEC. ANDANAR:  Sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa, advisable pa rin po bang isailalim sa total General Community Quarantine ang high-risk areas, gaya po ng Metro Manila or mayroon pong mga lugar sa Metro Manila General—or Secretary Año na eh mataas po talaga ang rate ng positive ng COVID-19.

SEC. AÑO:  Ang masasabi natin, iyong ginagawa nating response sa ngayon ay from total ECQ sa buong Luzon ay bumababa na tayo sa GCQ sa ibang mga lugar na nag-improve na para mabalanse natin iyong tinatawag na economy versus health or growth versus health ‘no, at siyempre ang ating basis diyan, iyong tinatawag nating LGU epidemiological framework response ‘no. Iyon bang pagdami niya at nag-a-accelerate pa rin, nag-decelerate na ba, zero na at saka iyong capacity na mag-respond iyong healthcare, kasama na iyong case utilization rate ‘no.

Halimbawa, kakaunti nga iyong case mo pero iyon pala iyong lahat ng ICU at saka ventilators mo ay nasa full maximum capacity na, nagagamit na siya. Eh kung magkakaroon pa ng second wave o kaya ay surge or outbreak, mahirap i-handle. So iyon iyong mga panuntunan. Pero ang kuwan talaga dito … ang pinaka-bottom line talaga dito, iyong pagsunod ng ating mga kababayan, iyong tinatawag nating social behavior na ready na tayo, na kahit walang GCQ o kaya naibaba ang ECQ to GCQ, gagawin mo naman iyong personal role or part mo – iyong physical distancing, pagsusuot ng face mask at saka bottom line diyan, stay at home kung wala kang gagawin, stay at home talaga.

Then GCQ at saka—akala kasi kapag GCQ ay puwede nang mag-relax, puwede nang magpunta ng mall – hindi pa rin iyon, community quarantine pa rin iyon. Ang ating pag-unlad at kung papaano natin matatapos iyong COVID na ito ay nakasalalay sa bawat mamamayan natin, individual person.

USEC. ROCKY: Secretary Año, tungkol naman po sa second tranche ng Social Amelioration Program, may sapat na pondo po ba ang gobyerno para dito?

SEC. AÑO: Yes. Nagkaroon tayo ng pagpupulong sa IATF at doon ay napag-usapan ang ating—first tranche muna tayo, tatapusin natin itong maipamigay. Nagbigay tayo ng extension; at dapat doon, iyong ating mga LGUs, mai-submit din agad iyong mga pangalan ng mga hindi nakasama na qualified kasi sa second tranche ay isasama na sila at babayaran din pati iyong first month. Sa mga under ECQ, sa second month kasi bibigyan natin prayoridad iyong mga nasa ECQ na areas. Pero iyong unang buwan, commitment iyan ng ating Pangulo, talagang bibigyan natin lahat pati iyong mga hindi nakasama.

USEC. ROCKY: Eligible rin ba po makatanggap iyong mga hindi nabigyan ng tulong mula naman dito sa GCQ areas? At marami pong nagtatanong kung iyon daw pong SAP form ay dapat ay may bar code? Kasi mayroon daw po silang minsan natatanggap na walang bar code.

SEC. AÑO: Dapat iyan ay may bar code. Iyan pag-account ng bawat card na iyan at iyong hindi nga nakasama sa listahan dapat ay i-submit ng ating LGU iyan either in the form of survey form or kung papaanong listahan iyong ginawa ng LGU para iyan ay ma-validate ng DSWD. Sa susunod na bibigayan ay makakatanggap na rin sila.

SEC. ANDANAR: Sec. Ed, naging mainit kahapon iyong ginawang pagsita kay dating Senador Jinggoy Estrada dahil umano sa hindi nito pagse-secure ng permit para magsagawa ng relief operations. Ano po ba ang guidelines o tamang proseso sa pagsasagawa ng mga relief operations at feeding program?

SEC. AÑO: Unang-una, nagpalabas nga ang IATF ng panuntunan pati ang DILG na dapat ang lahat ng magsasagawa ng relief goods at operations, unang-una, dapat authorized iyan. Meaning to say, coordinated iyan sa local government units at mayroon silang certification. Kasi ang LGU kasi ang dapat namumuno diyan para alam nila kung sino iyong nakatanggap, hindi nakatanggap, saan papasok iyong LGU para naman matugunan iyong hindi mga nakatanggap at may mga ahensya tayo na nakatalaga diyan katulad ng OCD. Kasi napatunayan natin na may mga grupo na nagsasamantala na kunwari ay magdi-distribute ng goods, iyon pala magko-conduct ng rally o kaya ay nininegosyo lang nila.

So, iyong sa pagkakaaresto kay former Senator Jinggoy Estrada, unang-una, wala siyang official coordination or [SIGNAL FADES] from the City Government, so paglabag po iyan ng ECQ guidelines. Pangalawa, iyong mga nagdi-distribute, wala rin silang quarantine pass, they are not Authorized Person Outside Residence so violation na naman iyon. Pagkatapos, nakita ko sa video at [SIGNAL FADES] may mga pagsuway sa physical distancing. At pang-apat, pati iyong mga seniors at saka minors ay lumabas na ng bahay, eh ‘di another pagsuway na naman iyon.

So dapat sana – naiintindihan naman natin iyong kagustuhan ni Senator Jinggoy na makatulong – dapat ay ayon ito sa legal na pamamaraan at sa panuntunan ng ECQ guidelines so dapat nag-coordinate siya sa LGU. Kung kaaway naman niya iyong LGU, nandiyan naman ang OCD, ibigay mo iyong gusto mong ipamigay doon kung saan ang intention mo and let OCD do its job kasi may mga ahensya sa ilalim niyan.

Pero before that, kasi may mga complaints na rin, for example, iyong mga vendors sa Agora Market ay nako-complain kasi mayroong rolling stores na ginawa na nagbebenta sa half the price. So una, wala itong business permit; pangalawa, unfair competition naman ito sa mga legal na nagtitinda na kung ang presyo ay half the price. At nakita din natin sa picture doon iyong unsanitary practice ng pag-distribute ng goods, halimbawa, iyong bangus hawak-hawak, ibibigay sa ibang tao, ipapasa-pasa.

So, ito naman [SIGNAL FADES] ang kagustuhan ni Senator Jinggoy na makatulong at naiintindihan naman ng ating mga kababayan iyon pero dapat ay ilalagay natin sa tama at legal na [SIGNAL FADES]. 

USEC. ROCKY: Opo, Secretary, pero kapag daw po nagpapatuloy na two hundred iyong naitatala na pagtaas pa rin ng COVID cases sa positive, magpapatuloy po daw ba ang ECQ?

At tanong naman kay Mylene Alfonso ng Bulgar: Sa kabila daw po ng pakiusap ni Pangulong Duterte na huwag maningil ng upa, may isang video daw po na nag-viral tungkol sa isang bagong panganak na ginang sa Caloocan City na pinapalayas di umano dahil hindi sila makabayad ng upa. Ano po iyong aksyon naman daw ng government dito?

SEC. AÑO: [Garbled] doon sa tinatawag natin na dumadami iyong numero, expected naman natin iyan sapagka’t tumataas iyong ating kapasidad sa pag-test. So, ibig sabihin iyong mga dumaraming numbers na iyan, iyong mga PUMs, PUIs, nadi-discover natin positive pala sila. So nandiyan na sila, may sakit na sila, na-discover lang natin. Ang importante dito ay bumababa iyong ating death rates, iyong mga namamatay natin; at iyong case doubling sa bawat lugar ay bumababa.

So ang mga matitira na lang siguro na mga lugar dito ay iyong talagang sobrang taas pa na mayroon pa ring community transmission katulad ng Quezon City, mataas pa rin iyan; sa CALABARZON, may mga probinsiya diyan na matataas pa rin katulad ng Rizal. So iyon ang mga lugar na binabantayan natin.

Pero pupuwede din kasi na pagdating after May 16 ay pupunta naman tayo sa localized ECQ na. Puwede hindi na buong probinsiya sa mga naka-ECQ ngayon kung hindi pupunta na tayo sa mga barangay, sa munisipalidad or component city na iyon lang ang ilo-lockdown natin para mai-converge, consolidate iyong resources at saka mai-focus natin iyong pag-intervene sa mga cases dito sa mga areas na ito.

Pangalawa, doon naman sa tanong mo, titingnan natin iyan. Iyan ay iyong mga tinatawag nating mga isolated cases. Kukuhanin natin iyong data at titingnan natin kung papaano nating matutulungan itong buntis ‘kamo ay pinalayas kasi sa panahon ngayon dapat bayanihan. Intindihin natin iyong sitwasyon ng ating mga kababayan para naman makatulong tayo sa kanila.

USEC. ROCKY: Concern naman mula sa isang residente po ng Quezon City. Bakit daw po sa kanilang lugar sa Guirayan, Baloy, Zaragosa at sa Pawol Street sa Barangay Doña Imelda at Barangay Captain Ubaldo, wala daw pong natatanggap na kahit anong ayuda o relief packs? Sana daw po ay matulungan sila, Secretary.

SEC. AÑO: Yes, kukuhanin natin iyong mga complaints na iyan at nakaantabay iyong ating mga regional directors, provincial directors, MLGOOs at saka CLGOOs. Kapag may mga ganiyan agad kaagad iniuugnay iyan ng mayor, barangay captain at ibinibigay iyong mga pangalan para mayroon tayong sagot at magawan nila ng tamang aksyon.

So, iyong ating DILG Emergency Operations Center kasama iyong ating mga complaint centers, 24/7 naman iyan. So, hintayin namin ang mga iyan, kukuhanin namin ang mga data na iyan and we will take actions.

SEC. ANDANAR: Maraming salamat po sa inyong oras, DILG Secretary Ed Año. Mabuhay po kayo, sir.

SEC. AÑO: Maraming salamat din. Sa ating mga kababayan, stay at home, wear face mask and observe physical distancing.  We can beat the virus, the COVID virus. Thank you.

USEC. ROCKY: Secretary Martin, Silipin naman natin ang pinakahuling bilang ng COVID-19 cases sa ASEAN Region. Nangunguna pa rin ang Singapore sa may pinakamaraming kumpirmadong kaso sa buong rehiyon na sinusundan ng Indonesia at ng Pilipinas, habang ang Thailand naman po ay nasa ika-limang puwesto ang may pinakamataas na bilang ng recovered cases sa buong ASEAN Region.

Sa buong mundo naman po, ang Estados Unidos pa rin ang may pinakamataas na confirmed cases na sinusundan ng Espanya, Italya, UK at France; habang nasa ikaapatnapu’t isang puwesto po ang Pilipinas sa buong mundo.

SEC. ANDANAR: Salamat, Usec. Rocky. We also have on line, ang ating Pangulo at Chief Executive Officer ng PhilHealth na si retired Brigadier General Ricardo Morales. Magandang araw po sa inyo, sir.

PRES/CEO PHILHEALTH MORALES: Good morning, Secretary Martin at Usec. Rocky, good morning – magandang umaga sa inyo.

SEC. ANDANAR: Opo. Talagang naging halos umusok po iyong internet kahapon, the entire weekend dahil po sa announcement ng PhilHealth. At gusto po naming makuha ang inyong side, kung ano po ang talagang ibig sabihin nitong dagdag na kontribusyon na 3%? Pakipaliwanag lang po, ito po ba ay 3% or 2.7% or .03% – ano ho ba talaga ito?

PRES/CEO PHILHEALTH MORALES: Mandated by law iyan, iyong Universal Healthcare Act na pinirmahan ng Pangulo natin last year, mag-i-increases ng .5% per year starting this year hanggang 2024. So last year, 2.75% ang rate natin, this year ay magiging 3%. So iyon ang premium rate na nakasaad sa batas, so in-implement lamang ng PhilHealth kung ano iyong sinasabi sa batas. And we announced last year, November last year, itong increase na ito and inulit din natin itong, recently ‘no, iyong increase. And itong recent circular, ito iyong nag-result ng outcry sa mga OFWs. But hindi lang naman OFWs ang covered ng increase; lahat ng direct members – those who are self-employed and paying their own premiums are affected by this increase.

SEC. ANDANAR: So .5% po iyong increase, hindi po 3%?

PRES/CEO PHILHEALTH MORALES: No, no, no. The total for this year is 3% of the monthly pay of the member.

SEC. ANDANAR: Okay. Ano po ang magandang idudulot ng increase na ito sa kabuuang serbisyo ng PhilHealth para sa miyembro?

 PRES/CEO PHILHEALTH MORALES: Well, mas mabuting coverage at better services. Alam mo, Secretary Martin, last year ay nakapag-collect tayo sa mga OFW members natin ng mga a little over one billion na premiums. But in return, iyong mga OFWs natin and their dependents, iyong mga nandito sa Pilipinas, received 1.7 billion of healthcare benefits from PhilHealth. So, lamang iyong ating mga OFWs and their dependents, kasi nandito sa Pilipinas iyong mga dependents nila – so a change ng premiums and benefits.

So, under Universal Healthcare, lahat ng Pilipino ngayon ay member ng Universal Healthcare. There are about 10 million OFWs overseas, and then ang naka-register lang sa database ng PhilHealth is about 3.6 million. So malaking membership pa iyong hindi naku-cover. Kailangang i-cover ito dahil ang mga OFWs natin ay may mga pamilya rito sa Pilipinas. As a matter of fact, 70% ng benefit payments ay kini-claim ng dependents ng OFWs natin dito sa Pilipinas, 30% lamang iyong nasa abroad ang kini-claim. So kailangan ma-cover natin ang lahat ng OFWs kasi ito ang nakasaad sa Universal Healthcare Law.

USEC. IGNACIO: So, General, ang ibig mo pong sabihin, itong increase na ito ay base po sa Universal Healthcare Act. At paano naman po daw iyong magiging proseso ng pagbabayad, lalo na sa panahon ng transition period nito? Mayroon daw po bang ibibigay na grace period for this year?

PRES/CEO PHILHEALTH MORALES: Actually, Usec. Rocky, nag-release na tayo ng pronouncement na ire-relax natin iyong collection period, may moratorium hanggang May 30 ano, kasi iyon din ang spirit ng Bayanihan Law, along with iyong GSIS and SSS.

Pero ngayon, since … I’m sure hindi pa naman matatapos ito ng May 30, we’re looking at a longer period of the moratorium, so in effect, flexible payment period. You know the reason na hindi masyado natin giniit itong moratorium sa payment kasi mayroon din namang mga members na gustong magbayad. So, hindi naman natin tatanggihan iyon dahil kailangan ma-sustain iyong pondo. Ang laki-laking makakaltas sa pondo natin, dito sa COVID-19, so hindi natin masyadong giniit na moratorium, kasi baka iyong gustong magbayad at kaya naman magbayad eh hindi na rin magbabayad. But right now, we are also considering na i-declare na optional iyong payment ng premiums.

SEC. ANDANAR: Opo, General, kasi talagang ang dami pong nagagalit at nagpahayag ng disgusto sa initiative na ito ng PhilHealth sa pamamagitan ng signature campaign at online petitions laban dito. So napakahalaga po talaga, General, na linawin po natin kasi three percent na contribution for this year is a result of the .5% yearly increase, tama po ba? Linawin po natin…

PRES/CEO PHILHEALTH MORALES: Yes. Last year—hindi, from hereon in, .5%. But from 2019 to 2020, the increase is from 2.75% last year to 3% this year. So .25 lang ang increase from last year; 2020 to 2021, up to 2024, .5% increase per year, so iyon ang ‘in the future.’ Iyong 2019 to 2020 – .25 lamang iyong in-increase.

SEC. ANDANAR: Iyon po kasi ang problema natin kasi, General, doon po tayo nagkaproblema kasi batay po doon sa mga sinasabi ng ating mga kababayang OFW, ang akala po nila ay 3% increase. Pero base po sa paliwanag ninyo po ay 2.75% na ang binabayad since last year so therefore, ang itinaas ay .25% Tama po ba?

PRES/CEO PHILHEALTH MORALES: That’s correct, that’s correct, oo.

SEC. ANDANAR: So iyan po siguro ang dapat natin i-clarify, General, sa publiko lalung-lalo na sa ating mga OFWs kasi kawawa din po iyong ating mga OFWs. Mayroon din pong nagsasabi sa kanila na—of course, lahat po ng kanilang mga daing ay lumalabas na po ngayon. Sinasabi nila na this is so unfair, hindi na nga nabigyan ng ayuda iyong mga pamilya nila dahil mayroon daw OFW na kamag-anak tapos ito pa, dagdag na pahirap. But then again, it boils down to a simple explanation na iyong increase is .25, hindi 3%.

PRES/CEO PHILHEALTH MORALES: No, no, no, .25 ang increase from last year not 3%.

SEC. ANDANAR: Iyan, salamat po sa explanation, General, at least maliwanag po iyan. Usec. Rocky, do you have a question.

USEC. IGNACIO: Opo. May tanong lang po dito: Ano daw po iyong tulong ng PhilHealth doon naman daw po sa mga senior citizen na nagkasakit o apektado ng COVID-19? At ang tanong naman po galing kay Samuel Medenilla ng Business Mirror: Magkano po ang current funds at liabilities ng PhilHealth? Mas malaki ba o mas mababa pa ito kung ikukumpara po same period last year? At ano daw po ang reason for this trend?

PRES/CEO PHILHEALTH MORALES: Iyong senior citizens are covered by law, hindi na sila magbabayad ng premiums – special po iyan for senior citizens kaya fully covered by PhilHealth.

And then sa COVID-19 naman, mayroon tayong—if they were admitted up to April 14, ‘at cost’ ang sasagutin ng PhilHealth. Kung anuman iyong ginastos sa kanila, sasagutin ng PhilHealth, wala silang dapat ibayad. Ngayon iyong nakapagbayad na, iri-reimburse sila fully ng PhilHealth.

Ngayon, after April 14, mayroon tayong case rate na pinablish [published]. Ang pinakamataas natin na case rate, for critical pneumonia which is the complication associated with COVID-19 ay 786,000. And then kung indigent iyong pasyente, hahanapan pa natin ng pondo iyan through iyong Malasakit Center and the other sources of funds para hindi na maglabas ng pera iyong ating naghihirap na mga kababayan.

Ngayon, as to the funds of PhilHealth, we have enough funds. We have a net worth of about 200 billion. And then naglabas tayo ng cash advance sa mga hospitals worth 30 billion of which 14 billion na iyong na-advance natin sa mga accounts ng hospitals lalo na iyong mga hospitals sa NCR dahil hot bed nga ito ng COVID-19. So we are well-covered in so far as funding for COVID-19 response is concerned.

USEC. IGNACIO: General, tanong naman mula kay Joseph Morong ng GMA News. Totoo daw po ba na hindi makukuha ng OFWs ang Overseas Employment Certificate kung hindi daw po makakabayad ng PhilHealth contribution?

B/GEN. MORALES:  Hindi naman ang PhilHealth ang may hawak ng Overseas Employment Certificate kung hindi POEA at saka, I think, OWWA. But nakikipag-ugnayan kami sa kanila para ma-register iyong mga OFWs natin bago sila umalis ‘no kasi may mga pamilya nga sila rito and then napakababa ng enrollment rate natin.

Walang tao ng PhilHealth sa mga airports and sea ports na magtse-check ng Overseas Employment Certificate. Pinapakiusap lang namin ito sa POEA na matulungan kaming i-register, i-enroll ang mga departing OFWs, para ma-cover natin sila and especially their dependents na naiwan dito sa Pilipinas.

USEC. IGNACIO:  Okay, maraming salamat po sa pagpapaunlak ninyo Brigadier General Morales, ang presidente and CEO ng PhilHealth. Maraming salamat po.

B/GEN. MORALES:  Thank you, Usec. Rocky. Thank you Secretary Martin.

SEC. ANDANAR:  Salamat po. Sa puntong ito, makakapanayam natin mula sa PAGCOR sina PAGCOR Corporate Services Assistant Vice President Arnie Salvosa at si Senior Offshore Gaming Officer Diane Erica Jogno. Magandang araw po sa inyong dalawa. 

MISS JOGNO: Magandang umaga po, Secretary Martin.

ATTY. SALVOSA:  Magandang umaga po, Secretary Martin. Magandang umaga po sa ating lahat ng kababayan.     

SEC. ANDANAR: Sa pag-resume ng partial operations ng POGO sa bansa, ano po ang mga guidelines na kailangang sundin?

MISS JOGNO:   Okay, Sir Martin, para po sa pag-resume partial operations ng ating POGO licensees and their accredited service provides, unang-una po dapat ay makapagpresinta  sila ng certificate of registration with BIR and any certificate or document attesting na wala na po silang liabilities with BIR as of March 2020. So very strict po kami sa requirements na ito na ma-settle po nila iyong kanila pang remaining na unpaid taxes with the BIR.

As to PAGCOR requirement naman po, they have to update the payment of their regulatory fees and kailangan din po nilang magbayad ng minimum guarantee fee for the month of April kahit po wala silang naging operations for the month of April.

SEC. ANDANAR:  Marami ang kumuwestyun sa legality ng POGO at kung bakit ito pinayagang mag-operate sa gitna ng umiiral na ECQ. Paano po ito naging legal, ma’am, para po sa kapakanan ng mga kumukuwestyun.

MISS JOGNO:  Humingi po kami ng permiso para mapayagan ang partial operations ng Philippine Offshore Gaming Operation dahil isa po sa component nito which is the support services ay performing po as a BPO. Mahalaga po nating maalala na ang POGO po ay may tatlong key component – ang players, operators and support services.

Ang players po at ang operators are situated outside the country, nasa labas po sila ng Pilipinas. Ang may physical presence po dito sa ating bansa ay ang mga support services napi-perform po ng ating mga service providers, sila po ang nagpo-provide ng customer service, [garbled] support, business development functions among others para po sa kanilang operators. Ito po ay subcontracted services; and being subcontracting service, sila po ay BPO. Kaya po kami ay napayagan mag-resume na ang partial operations.

USEC. IGNACIO:  Opo, para naman kay VP Salvosa. Punta naman po tayo doon sa posibleng implication ng resumption ng POGO operations sa bansa. Paano po makakatulong sa programa ng pamahalaan para naman po ma-mitigate ang epekto ng COVID-19?

ATTY. SALVOSA:  Magandang umaga po, Usec. Rocky. Unang-una po ay siyempre mayroon pong in-allot ang Congress na 1.5 trillion na puwedeng i-realign na budget para sa ating respond sa COVID-19. Ngunit sa ating—basic po sa ating national budget the … most of the funds na naka-budget na ay kailangan pang tugunan ng appropriate na revenue from the collection of government like sa taxes po, sa mga fees at saka sa mga licenses. Ngayon po, iyon pong POGO ay napatunayan na po na it’s a strong, it’s a good source of revenue for government. Tulad po noong isang taon, umaabot po ng 11 bilyon ang kinita ng gobyerno sa POGO na binubuo po ng mga license fees sa PAGCOR at saka po 6 billion na ibinayad sa buwis sa BIR.

SEC. IGNACIO:  So, ano naman daw po iyong mga health and safety measures na kailangang gawin at dapat sundin po ng POGO para sa kanilang workers? At paano po ito imo-monitor ng PAGCOR?

ATTY. SALVOSA:  Tulad po noong nabanggit ng aming Chairman noong isang araw, unang-una po diyan, kung ang isang worker ng POGO ay may nararamdaman na bago siya pumasok ay hindi na po siya papayagang pumasok, imbes ay dadalhin na po siya diretso sa ospital. Bago po pumasok ang mga workers ng POGO ay sila muna ay mag-a-undergo ng testing at iyong mga nag-negative lang po doon sa test ang papayagang pumasok. Io-observe din po iyong requirement sa guidelines na inaprubahan ng IATF na kailangan ay may shuttle service iyong mga pupunta sa work site at iyong mga iba na nasa work site ay kailangang bigyan ng accommodation.

At 30 porsyento lang po ng total manpower ng POGO operator ang papayagang pumasok o pumunta sa work site nila, samantalang ang iba ay ipagpapatuloy sa work from home. Ang work site naman po ay they will still observe iyong social distancing at saka iyong sanitation. Ang work site din po ay nire-require na magkaroon ng isolation room, kung saan kung saka-sakaling mayroong makaramdam ng mga sintomas sa work site ay immediately dadalhin siya sa isolation room at eventually dadalhin siya sa ospital. So, pagbalik po nila sa kanilang housing – they are also provided housing – babalik po ulit sila sa kanilang shuttle service.

SEC. ANDANAR:  Maraming salamat po sa inyong panahon, Atty. Arnie Salvosa at Diane Erica Jogno ng PAGCOR. Mabuhay po kayong dalawa.

USEC IGNACIO: Secretary Martin, makibalita naman tayo sa Cordillera region kasama si Eddie Carta. Go ahead, Eddie.

[NEWS REPORTING]

SEC. ANDANAR:  Salamat, Eddie Carta. Samantala, makibalita naman tayo sa Davao Region kasama si Regine Lanuza. Maayong buntag nimo, Regine. Balikan natin si Regine. Alamin muna natin ang mga nakalap na balita mula po naman sa Philippine Broadcasting Service, nandiyan po si John Mogo. John?

[NEWS REPORTING]

USEC. IGNACIO:  Okay, maraming salamat, John. Balikan natin si Regine Lanuza mula naman sa Davao City.

[NEWS REPORTING]

USEC. IGNACIO:  Okay, maraming salamat sa iyo Regine, nag-ulat mula sa Davao City. Secretary?

SEC. ANDANAR:  Ayun, talagang siksik na siksik ang ating balitaan ngayong umaga, Rocky, at mayroon na naman tayong mga  naliwagang  na mga isyu, lalung-lalo na itong mga OFWs na  na-increase-an ng bayad sa PhilHealth. Pero ang importante dito ay nanawagan din si Senator Bong Go na dapat ito ay magkaroon ng moratorium, dapat hindi sa panahon ngayon na naghihirap tayong lahat. Samantala, magbabalita rin si Allan Francisco mula po naman sa Quezon City. Allan, come in.

[NEWS REPORTING]

SEC. ANDANAR:  Maraming salamat, Allan Francisco. At, Rocky, pasalamat din tayo sa mga  naging panauhin natin ngayong araw na ito sa Public Briefing #LagingHanda at sa lahat po ng mga agencies sa kanilang paghahatid ng balita at impormasyon. Maraming salamat din—

ito mahalaga ito ha. Pasalamatan natin ang Filipino Sign Language Access Team for COVID-19 sa inyong araw-araw na suporta sa ating programa. Mabuhay po talaga kayo, mga sir at mga ma’am.

At diyan po nagtatapos ang ating programa para sa araw na ito. Ako po ang inyong lingkod, Secretary Martin Andanar mula sa Presidential Communications Operations Office.

USEC. IGNACIO: At mula pa rin sa Presidential Communications Operations Office, ako naman po si Undersecretary Rocky Ignacio.

SEC. ANDANAR:  Hanggang bukas po muli, dito lamang sa Public Briefing #LagingHandaPH.

 

###

 

SOURCE: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)