Press Briefing

Public Briefing #LagingHandaPH hosted by Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar and PCOO Undersecretary Rocky Ignacio


Event Public Briefing #LagingHandaPH
Location People’s Television Network, Inc. (PTV), Quezon City

SEC. ANDANAR: Magandang umaga, Luzon, Visayas and Mindanao at sa lahat ng ating mga kababayan sa buong mundo. Isang panibagong linggo na naman ang sama-sama nating haharapin tungo sa pagbangon ng ating bansa.

Ako po ang inyong lingkod, Secretary Martin Andanar mula sa PCOO. Magandang umaga, Rocky.

USEC. IGNACIO: Good morning, Secretary Martin. Ako naman po si Usec. Rocky Ignacio, tutok lang po sa pinagkakatiwalaang sources ng impormasyon para sa mga pinakabagong balita tungkol sa mga hakbang ng ating pamahalaan para labanan ang COVID-19 at tugunan ang sunud-sunod na pagsalanta po ng bagyo sa ating bansa.

SEC. ANDANAR: Basta sama-sama, laging handa, kaya natin ito. Ito po ang Public Briefing #LagingHandaPH.

USEC. IGNACIO: Isa po sa mga masasabi natin na labis na napinsala ni Bagyong Rolly ay ang water system ng mga probinsiya na labis na tinamaan nito. Kumusta na kaya ang aksiyon ng gobyerno upang mapanumbalik ang supply ng tubig sa mga lugar na labis na naapektuhan ng Bagyong Rolly. Makakausap po natin ngayong umaga ang Administrator ng Local Water Utilities Administration, si Ginoong Jeci Lapus. Magandang umaga po, Admin.

LWUA ADMINISTRATOR LAPUS: Magandang umaga, Usec.

USEC. IGNACIO: Opo. Dahil po sa matinding pinsala ng Bagyong Rolly sa mga probinsiya lalo na po dito sa Kabikulan, inatasan kayo ni Pangulong Rodrigo Duterte na tumulong na maisaayos po ang kanilang water system. Kumusta na po ang ating ginagawang hakbang kaugnay ng suliraning ito?

LWUA ADMINISTRATOR LAPUS: Noong Biyernes po ay natapos iyong assessment namin at pinadalhan namin ang OCD, pinadalhan din namin ang Budget at pinadalhan din namin si Secretary Mark Villar. Dangan po kasi hindi namin makontak iyong mga water districts sa Catanduanes, iyong assessment ay kailangang i-validate para malaman natin iyong eksakto ano po.

Kaninang umaga, nakontak na po iyong nga ibang mga water districts sa Catanduanes. Ang Catanduanes po ay iyong Virac po ang tinamaan nang mas malaki, mayroon po siyang approximately 8,000 household na napinsala, at sa ngayon po ay hindi lahat nakakakuha ng tubig.

Napag-alaman din po natin na hindi naman lahat nasira iyong kanilang mga deep wells, mayroong dalawang umaandar pero kailangan pa rin nila ng tulong para makakuha ng tubig para sa mga kababayan.

Bukas po, tutulak iyong team ng LWUA. Unang-una po, mayroon kaming water treatment plant na mobile para i-treat iyong mga tubig na puwede na gawing inumin ng mga tao. Ito po ay may kapasidad na 90,000 meters per day at tutulak po ito bukas, siguro mga by Wednesday ay nandoon na po at maghahanap ng tubig para doon na i-posisyon at makakuha ng tubig iyong ating mga kababayan.

Sa dami po ng bahay na walang tubig, kailangan natin ng distribution. Ang water district po ng Virac ay mayroong isang maliit na water tanker na 4,000 meters lang. Kung ang isang bahay po ay nangangailangan ng mga 100 meters per day eh kwarenta lang iyon. Kailangan po natin ng mga katulong para sa ating distribution ng tubig. So ito po ay ating palalakarin bukas, at kasama po nito ay iyong mga magba-validate ng nasira. At mayroon po tayong team ng maghahanap ng tubig, underground water; dala po nila iyong ating mga kagamitan, mga [unclear] na kailangan palitan natin iyong mga nasirang deep wells. So ito po ay …lahat-lahat sila ay lalakad bukas.

USEC. IGNACIO: Opo. Admin, alam po natin na napakahalaga po ng tubig dito sa ating mga kababayan diyan sa Kabikulan. Pero kayo po ba ay may inilatag ding timeline o hanggang kailan po maghihintay itong mga tao na ito sa gagawin pong rehabilitasyon ng LWUA? Ito po ba ay puwede nating sabihing gagawin ninyo sa loob ng isang linggo? Kasi sinabi po ng ating Pangulo na kailangan po agad na makumpuni po itong mga nasira o naapektuhan ng Bagyong Rolly.

LWUA ADMINISTRATOR LAPUS: Ang tubig po kasi ay kakaiba. Hindi po katulad ito ng kuryente na kapag bumagsak ang poste, magtatayo ka lang at maglalagay ka ng kable. Ang distribution lines po ng tubig, nasira po iyong mga main line nila. Nasa ilalim po ng lupa iyan, that’s about 5 feet below, so kailangan tayong mag-pressure test para malaman natin kung saan ang mga nasira – ito po ay magtatagal.

So ang pinaplano po namin ay iyong rehabilitation ay buo na. Kaya nag-submit po kami kaysa maghahanap tayo kung saan nasisira, iyong buong system na po ang aming gustong gawin. Kaya hindi po ito magagawa ng madaling panahon kasi iyong distribution lines po ay maghuhukay pa tayo lahat-lahat, maghahanap pa tayo ng tubig.

Para sa kaalaman po ng ating mga kababayan, ang tubig sa Catanduanes o Virac, ganiyan po, ay karaniwan po sa surface water – ibig sabihin sa ilog. Kapag tag-araw po, wala pong laman … nawawalan ng tubig iyong ilog, so karamihan sa kanila ay nasa deep well. Kung deep well naman po ay kailangan natin may recharging source, na mayroon kang dam na ganoon na iyong tubig ay stagnant para bumabagsak sa ilalim to recharge iyong ating nakukuhang tubig.

Ang tubig po doon ay iyong iba ay may kulay, pati amoy, so kailangan din po nating i-treat. Hindi kasi ordinaryo po ang pagbibigay ng malinis na tubig sa ating mga kababayan lalu’t lalo na iyong mga water-borne diseases ay napakalaki po; so maingat po tayo diyan, kaya nga po nagdala tayo ng water treatment plant para madagdagan iyong kanilang water source habang ginagawa natin.

Inaantay po natin iyong approval ng OCD doon sa pinadala nating cost para makapag-umpisa na tayo. Wala po kasing fund ang LWUA, iyong quick reaction fund para sa ganito. At saka buong sistema po ito. Ang nawalan daw ng tubig ay no less than mga 4,000 household so marami po ito, ang nawalan.

USEC. IGNACIO:  Opo. Admin, so anu-ano po iyong mga lugar na kailangang i-undergo sa rehabilitasyon ng kanilang pumping station at transmission lines at gaano po magiging katagal maisaayos ito? Katulad nga po ng sinabi ninyo, mukhang marami po o malaking hamon po para sa LWUA iyong isasagawang rehabilitasyon. Anu-ano po iyong mga hamon na kinakaharap ninyo?

LWUA ADMINISTRATOR LAPUS: Well, unang-una po, kailangan ma-survey natin anu-anong mga linya ang mga nasira bago natin magawa iyong mga actual. Pangalawa, kailangang malaman natin iyong kanilang water source ngayon ay kung pupuwede pa, kung hindi po ay maghahanap tayo, magdi-drill tayo para mapalitan iyong kanilang water source. Ito po ay medyo matagal-tagal na gawain lalung-lalo na kung hindi sapat iyong mga makikita nating tubig na kapalit ng mga nasira nila.

USEC. IGNACIO: Opo. Maraming salamat po sa inyong pagpapaunlak sa aming programa, Administrator Jeci Lapus ng Local Water Utilities Administration. Salamat po.

LWUA ADMINISTRATOR LAPUS: Maraming salamat, Rocky.

SEC. ANDANAR: Alamin po naman natin ang pinakahuling update sa policies ng IATF at ang tungkol sa pagkakaroon ng COVID-19 vaccine roadmap sa bansa. We have on the other line Trade Secretary Ramon Lopez. Magandang umaga po sa inyo, Secretary. Welcome back sa Public Briefing.

DTI SECRETARY LOPEZ: Magandang umaga po, Sec. Martin at saka kay Usec. Rocky. Magandang umaga po sa lahat.

SEC. ANDANAR: Sec. Mon, recently ay inaprubahan po ng IATF ang National Vaccine Roadmap ng bansa under the new Vaccine Czar, Secretary Carlito Galvez. At nakapaloob dito na before 2020 ends ay tapos na dapat ang vaccine analysis selection and procurement sa maaprubahang bakuna. Does this mean na early next year ay siguro ng may bakuna?

SEC. LOPEZ:   Opo. Base ho sa report ni Secretary Galvez, kagabi nagpulong din ho kami, may sinasasabi po siya na mayroong puwedeng umpisahan na batch before the end of the year. Pero ibig sabihin din po ay tuloy-tuloy iyong ating paghahanap, pagpili, at pag-procure, pag-enter into procuring itong mga pangangailangan natin sa vaccine.

So, itina-tap po dito ang iba-ibang ahensiya ng gobyerno kasama po ang PS-DBM pati po iyong Philippine International Trading Corporation na ita-tap po ng ating gobyerno para e-execute itong mga purchasing na ito ng mga vaccines.

And ang team po nila Sec. Galvez, nila DOST Sec. Boy dela Peña, they are talking to different companies as well as mga bilateral arrangements regarding the vaccine. Kasi alam ninyo po, marami are into clinical test, clinical trials, part of their R&D para dito sa vaccine.

SEC. ANDANAR: Early October ay nagkaroon kayo ng pagpupulong with the Russian Ambassador to the Philippines at napag-usapan ang pagdadala ng Sputnik V dito sa bansa at ang posibleng collaboration sa pag-manufacture ng bakuna dito. May developments na po ba sa usapang ito?

SEC. LOPEZ:   Ito ho bale kasabay ho ito ng mga kinakausap na mga bilateral na mga bansa, bilateral arrangements with different countries at ang Russia po ang isa sa nagsabi po na iyong kanilang kumpaniya, Gamaleya, ay iniisip din na magkaroon ng operations ng manufacturing dito ng vaccine, dito sa Pilipinas.

After that, wala pa namang naging kasunod na usapan pagdating po sa mga detalye ng mga plano nila kasi lahat ito depende rin sa magiging success ng pag-implement ng kanilang mga programa lalo na itong clinical trial stage at iyong actual na pag-purchase ng ating bansa at iyong pag-distribute dito sa ating bansa. So, siyempre, magkakaroon po ng manufacturing kapag tayo po ay gagamit na rin ng kanilang vaccine dito sa ating bansa.

SEC. ANDANAR:   Alamin po naman natin, Sec. Mon, ang mga tanong mula sa media kasama si Usec. Rocky. Go ahead, Rocky.

USEC. IGNACIO:   Good morning, Secretary Lopez. Tanong po mula kay Louisa Erispe ng PTV, pareho rin po ng tanong niya mula kay Joseph Morong ng GMA 7: Kung matutuloy po ba iyong stakeholders meeting today or tomorrow for the price range ng RT-PCR test? Kumpiyansa po ba tayo na mailalabas na ang price range ngayong linggo?

SEC. LOPEZ:   Kumpiyansa tayo na may lalabas ngayong linggo. Tuloy po ngayong hapon, mayroon na kaming mga meetings sa mga stakeholders na involved po dito sa testing dahil po iyon ang bilin ng ating Pangulo na magkaroon tayo ng price cap dito po sa pag-conduct ng mga PCR testing.

Iyong guidelines ho na-finalize namin over the weekend at today, iyon nga magkakaroon din tayo ng consultation as to iyong guidelines namin ng Department of Health at ng DTI. Ang then iyong sa price range naman na pag-uusapan iyon ang ikukonsulta rin natin ngayong hapon.

USEC. IGNACIO:   Opo. Ikalawang tanong ni Louisa: Nagbaba po ng presyo ang ilang Noche Buena products matapos ilabas ng DTI iyong suggested retail price (SRP) pero may isa daw pong fruit cocktail manufacturer na nakatakda pa ring magtaas ang presyo. Nakumbinsi na po ba ng DTI ang manufacturer na huwag ituloy ang dagdag presyo.

SEC. LOPEZ: Oho, ongoing pa po iyong negotiations. So, ang ginagawa ho natin talaga ngayon, ang DTI po umaapela at nakikipag-negotiate dito sa ating mga producers ng Noche Buena products. Maganda naman ho ang naging success natin, I would say, halos lahat tama ho iyon except for one.

Pero dito sa isang brand na ito, masasabi ko na ilang SKU lang, actually, isa o dalawang SKU lang ang itataas, all the other produkto po nila ia-announce po namin baka bukas. All the other products po ay hindi rin ho nagtataas. Kaya giving credit also to this brand na sinasabing nag-iisa, actually if you look into the list, marami rin silang hindi itinaas versus last year.

So, it is safe to say na halos lahat po ng produkto ay hindi po nagtaas ng presyo compared to 2019. In other words, gusto po nilang bigyan ng masayang Pasko ang ating mga kababayan, ito pong mga brands na ito at nag-agree po sila ng walang price increase dito sa mga Noche Buena products.

Kaya pinapasalamatan din natin itong mga branch na ito na nakisama ho ngayong panahon ng pandemya at sinabi po natin na marami hong naghihirap, nawalan ng trabaho kaya sana maging affordable ang kanilang produkto. So, sila po ay nakisama sa madlang Pilipino

USEC. IGNACIO:   Follow-up lang po, Secretary: Kung hindi po susunod, mapi-penalize po ba ang nasabing manufacturer?

SEC. LOPEZ:   Hindi ho. Actually ho, ang gagawin naman ho natin dito, ganito po kasi iyong sistema po diyan, basta talagang may pruweba naman na nagtaas ang costing nila, iyon po ay niri-respect din naman ng ating pamahalaan at ina-allow po at nini-negotiate pababa iyong posibleng price increase.

Pero napansin ho natin sa madaming nag-request, napaka-minimal noong mga increase. Nabanggit ho natin last time, mga 3-5%, kaya ho sa ating pakikipagkoordinasyon at negosasyon sa kanila pinakiusapan na natin na kung maliit lang naman itong increase baka puwedeng huwag ninyo nang gawin, pakikisama dito sa—bayanihan na lang dito sa ating pandemya ngayon. At maganda ho ang kanilang mga naging reaction at nakisama naman po.

So, dito po sa pagtakda ho ng SRP ay pinapayagan naman ho kung kinakailangan, kung may basehan at kung hindi naman ay hindi ho papayagan. So, ibig sabihin, iyong SRP talaga nila DTI na magdi-decide na walang increase doon sa mga walang basehan. At kapag iyong nagtitinda na retailer ay hindi sumunod sa SRP, iyon ho iyong pini-penalize pero iyong pagsi-set ng SRP, DTI po iyon.

USEC. IGNACIO:   May follow-up question lang po, Secretary, si Joseph Morong ng GMA 7: Iyon pong guidelines ng DTI, ano daw pong price range ang nakalagay?

SEC. LOPEZ:   Saan ito, sa test kit or dito sa—

USEC. IGNACIO:   Opo, sa RT-PCR po iyong—

SEC. LOPEZ:   RT-PCR?

USEC. IGNACIO:   Opo.

SEC. LOPEZ:   Wala pa tayong range na sinasabi dito. Iyon iyong dini-determine ngayon base sa costing, base rin po sa cost ng testing mismo pati iyong pag-administer nito. so, pinag-aralan po ng DTI at DOH ito pong mga cost. Kunwari, marami rin ho kasi iyan aside from direct cost, iyong indirect cost; iyong pag-administer po; iyong mga laboratory; iyong mga ospital na mag-a-administer niyan, iyong mga tao na mag-a-administer ng test. So, iyon ho iyong mga pinag-aaralang mga cost.

USEC. IGNACIO:   Salamat po. Secretary?

SEC. ANDANAR:   Thank you, Rocky. In compliance po naman with the Bayanihan 2 Law, nakatanggap na raw ang DTI ng P100-Million from DBM para sa Balik-Probinsiya Program. Ano po na ang shared service facilities project ng DTI para po dito?

SEC. LOPEZ:   Ito po iyong mga equipment na ginagamit po ng mga micro-SMEs na ibinibigay or ipinapahiram muna sa grupo ng mga entrepreneur. Kunwari ho isang grupo or cooperative sa iba-ibang lugar, binibigyan ho ng mga makina iyan. Puwedeng mga roasting facility, drying facility, juice making, sewing machine. Iba-iba hong klaseng mga equipment para ho sa kanilang manufacturing activities.

So, ito hong recently na nabigyan ng pondo ay dagdag pondo ho ito para ho sa mga probinsiya na makabili ng mga shared service facility. So, ito ho ay diniscuss din namin last week, ng mga regional directors kasama ng ating regional operations group ng DTI, para ho masigurado na ma-procure, mabili itong mga equipment na ito na kailangan ng ating mga kababayan sa mga probinsiya.

SEC. ANDANAR:   May ilang brands na nagsabing hindi sila magpapatupad ng price hikes sa mga Noche Buena products. May ibang mga brand po ba na inaasahan na susunod dito at paano kaya ang mga meat products naman sa merkado lalo pa’t mataas ang presyo ng baboy sa mga palengke?

DTI SEC. LOPEZ: Oho. So actually kung sa meat products, iyong mga hamon, sila ho iyong mga unang mga nagsabi na hindi na sila magtataas at ito po ay alang-alang sa mga kababayan natin.

Dahil sa pandemya ay they are absorbing the cost kahit na tumaas nang kaunti iyong increase ng cost nila. Nandiyan po ang San Miguel Purefoods, nandiyan din iyong CDO, Century at saka iyong Virginia Foods. So sila po nag-announce nang mas maaga na… at least sa amin na hindi na sila magtataas.

Iyong mga nagtaas earlier dahil wala pang—actually at the start of the year, hindi naman ito covered ng basic necessity and prime commodities, iyong iba dito may adjustment, ang gagawin pa nila iru-rollback nila para mapantayan iyong 2019 na presyo. Tapos iyong mga ibang brands din tulad sa URC, Dole, RFM, Amigo, Ideal, Mondelēz, New Zealand, King’s Sue, NutriAsia, Unilever, Nestle, Dole, Snow Mountain… ‘yun ho, ‘ayun ang mga nagsabi rin na hindi sila magta—Alaska iyon, nagsabi na hindi rin sila magtataas. So mas masaya ho ang ating kapaskuhan para sa ating mga kababayan.

SEC. ANDANAR: Maraming salamat po sa muling pagpapaunlak, Trade Secretary Ramon Lopez. Mabuhay po kayo, sir.

DTI SEC. LOPEZ: Thank you. Mabuhay po Sec. saka kay Usec.

USEC. IGNACIO: Samantala, tuluy-tuloy pa rin ang ating balitaan: Calamity fund ng mga lugar na pinakaapektado ng mga nagdaang bagyo iminumungkahing dagdagan; mga nasalanta ng bagyo sa San Pablo, Laguna hinatiran ng ayuda; at Senator Bong Go may babala sa mga lalagpas sa price range ng COVID-19 tests at test kits. Narito ang detalye: [NEWS CLIP]

Sa dahan-dahang pag-recover ng ating ekonomiya, ayon sa ilang eksperto kailangan daw nang mas structured na plano dahil may posibilidad na maiwan sa pagbangon at paglago ang ilan sa ating mga kababayan. Para pag-usapan iyan, nasa kabilang linya po natin ang Chairperson ng House Committee on Ways and Means, Representative Joey Salceda. Good morning po at welcome back to the program.

REP. SALCEDA: Magandang umaga, Rocky.

USEC. IGNACIO: Opo. Congressman, kamakailan po ay in-introduce ninyo itong proposal na New Deal for the New Economy Strategy para maiwasan umano itong K-shaped recovery. Una po sa lahat, puwede ninyo pong ipaliwanag sa amin kung ano itong sinasabing K-shaped recovery at paano ninyo po na-project na maaaring sa ganito mauwi ang ekonomiya ng bansa at ano ang masamang epekto nito para po malaman ng ating mga kababayan?

REP. SALCEDA: Kasi iyong ating—ang Pilipinas po ay hindi naman mag-isa sa region, may mga kalaban tayo at ang isa ngang tinitingnan natin nang maigi iyong Vietnam, kung ano po ang kaniyang posisyon. So pinag-aaralan natin nang maigi kung ano po ang mga ginagawa ng Vietnam para hindi ho tayo maiwan.

So kaya nga isa sa pinakauna, dapat talaga iyong ating energy sector, ito po kasing sinasabi kong New Deal for a New Economy, ito ay ginawa para po dito sa ating bagong Speaker, Speaker Velasco.

So napakaimportante po unang-una ang energy. Ang pangalawa po ay siyempre iyong infrastructure at siyempre kailangan po talaga na mas malagyan ng focus ang ating countryside dahil po sa tagal-tagal ng panahon po, talagang nahihirapan tayo at sana maipatupad po iyong CREATE dahil iyan po talaga ang magbibigay po ng incentive para ang mga negosyante po ay mag-invest po sa countryside.

At siyempre kailangan po nating pagbutihin pa rin iyong ating paghawak ng pera at sana iyong atin pong maipagpatuloy, tutal pinaninindigan na rin naman natin, na huwag masyadong gumastos kahit may COVID eh talaga iyong ating credit rating ay ating mapanatili.

At siyempre iyong bago po na utos ng ating Pangulo na ayusin po ang atin pong burokrasya lalong-lalo na po ang atin pong red tape at iyon nga, para po mas mapabilis ang mga transaksiyon at maiwasan po ang hindi magandang nakakabawas po sa sigla po ng ekonomiya.

Actually bente po ito kaya tinatawag kong ‘20-20-20’ pero iyan po iyong pinaka… mga main niyan at ang isa pa po diyan lalong-lalo na sa energy, kailangan po nating pag-aralan nang maigi na ang Pilipinas ay pasukin na ang green economy at lalong-lalo na po ang green energy dahil po mas mura na po ngayon ang solar kaysa po sa langis, so hindi na ho natin maiwasan. Ang atin pong mga buong infrastructure dito sa Pilipinas, lahat po ay nakasalalay po sa langis o sa fossil fuel samantalang mas mura na po ang iba po na mga alternative renewable energy.

USEC. IGNACIO:  Congressman malaking bahagi po ng ating labor force ay sinasabing low skilled at service-based labor. Basically mga trabaho na hindi puwede ang work from home. So, paano po makakatulong itong mga repormang ito dito po sa ating mga low income earners, sa mga underemployed or unemployed o iyon pong mga nawalan ng trabaho dahil sa pandemic?

REP. SALCEDA:  Isa po sa mga pinakamalaking panukala ko ay sinasabi ko na tanggalin na ang tyranny college degree. Ang ibig sabihin, mag-focus po ang Pilipinas sa TESDA. Ang skill is more important than a diploma. So, ibig sabihin, kailangan tingnan natin kung ano iyong mga pangangailangan natin dahil kapag tiningnan mo po iyong mga bente na mga ingredients po ng new economy, eh mangangailangan po siya ng mga bagong skills so, kailangan po ang TESDA. para sa akin po ay dapat mas importante kaysa CHED. So, dapat po, sabi ko nga, we should liberate the Philippines from the tyranny of college diploma and rather focus on the NC1, NC2 ng atin pong TESDA.

USEC. IGNACIO:  Congressman, paano naman po makakatulong ang mga repormang naka-map-out na po sa new deal for the new economy strategy para naman po maka-adapt ang ating mga business owners, particularly po iyong ating mga Micro, Small and Medium Enterprise?

REP. SALCEDA:  Unang-una, dahil aayusin natin na magkaroon po nang mas expansive ang macro economy. So, ibig sabihin po magkakaroon po ng demand para sa mga bagong produkto at siyempre dahil sa imprastraktura, mas murang energy sa pamamagitan po ng green economy at magkaroon po ng mas ample supply po ng labor force na hindi over qualified, dahil kung minsan po, iyong atin pong mga SMEs nag-i-employ po ng mga tao na mataas po ang kanilang pinag-aralan. Subalit po ang kailangan lang naman po ay isang TESDA graduate.

So, ang pinaka-instrument po ng new economy ay siyempre dahil ang SME ay accounts for 13% of GDP, pero 60% ng lahat po ng labor force. So, important po diyan ang credit. So kailangan po natin magkaroon ng credit stimulus, para po unang-una matulungan ang gobyerno, lalung-lalo na iyong mga SMEs na hindi pa po nawawala sa way side na nandiyan pa nagha-hanging on at ito po ay masuportahan dahil po mas mahirap po talaga na pabayaan na mawala po sila at uulitin o umulit para po mag-organize ng isang bago po na  SME, samantalang may organisasyon na diyan, may produkto na, may proseso na, may tao na at may management na.

USEC. IGNACIO:  Opo, kung sakali po ang mga ito ay ipatupad as soon as possible, hindi po ba ito makakaapekto o makakadagdag sa proposed 2021 budget?

REP. SALCEDA:  Actually, kapag tiningnan mo iyong 2021 budget, marami po doon sa mga proposal ay nandiyan naman. Iyong iba naman po ay hindi naman po kailangan ang gobyerno, kung hindi private sector po. Ang importante po ay ilatag lang po ng gobyerno ang patakaran, para po ang private sector, halimbawa, pumasok po sa green economy, halimbawa sa green energy.

USEC. IGNACIO:  So, maiba naman tayo Congressman, kasi alam namin isa kayong ekonomista pa rin. Dito po sa pagkapanalo naman ni now President-elect Joe Biden sa US elections, paano po ito makakatulong sa relasyon ng Pilipinas at Amerika at paano po ito makakatulong sa ekonomiya ng bansa?

REP. SALCEDA:  Unang-una maganda po dahil iyong pinalitan po niya ay promotor po ng American first, so vaccine imperialism. So umalis pa nga po ng WHO, so ngayon at least magkakaroon na ng global collaboration para po magkaroon ng equitable access to vaccine. So, ibig sabihin ang pinakamalaking problema po ng buong mundo sa ngayon, dahil po ang  pagbagsak ng ekonomiya ay epekto lang po ng pandemya. So, ang pag-angat ng bagong Presidente na naniniwala po sa mas multi-lateral o sa pagbabalik ng US sa WHO. So, isa po iyan sa pinamalaking positibong epekto ng kaniya pong pagiging Presidente.

Ang pangalawa po ay ang pagdating po sa pakikipag-ugnayan po, lalung-lalo na sa trade, sa kalakalan. Eh puro away, puro trade war ang prinomote, imbes na po halimbawa na sinubukan noon na maganda na sana po iyong Trans-Pacific partnership at umalis po doon iyong Estados Unidos, doon sana po papasok ang Pilipinas at nagkaroon ng bagong Indo-Pacific initiative para hindi naman po iyon. So,  ngayon puwede na rin ulit natin.

Pangatlo pagdating  po sa climate change babalik po ang US. So, ang alam mo ang Paris Accord ay isa sa mga instrumento para po iyong mga mahihirap na bansa katulad ng Pilipinas na katiting lang po ang kontribusyon pagdating po sa carbon emission, pero kapag tiningnan  mo po iyong tatlo sa pinakamalakas mga bagyo, sa atin po pumunta, Typhoon Goni, Typhoon Mirinae, Typhoon Haiyan, puro dito, tayo ang tinatamaan, tayo ang nagbabayad, tayo po ang nasasaktan, pero wala naman tayong kasalanan. So, diyan po sa Paris Accord na iyan ay nagbibigay po ng tinatawag naming climate justice kung saan po ang pagbabalik po ng US  bilang isa sa pinakamaimpluwensiya na bansa ay makakatulong po sa pag-usad po para po iyong mga mayayamang bansa at matulungan po iyong mga mahihirap na, hindi lang po diyan sa katulad sa mga nangyayari ngayon na halos sunud-sunod tayong binabagyo, kung di tayo ay makalipat din mula po sa mga faucet fuel na napakamahal papunta po doon sa mas mura na mga renewable energy.

At ang isa pang maganda po dito sa tingin ko, sa presidency po ni Joe Biden ay sa tingin ko  eh, isa lamang malaking question mark –  ano ba ang gagawin niya diyan sa China? At sana po magkaroon po ng mas rational approach dahil kung iisipin mo iyong Pilipinas ay naipit. Pero siyempre iyong interes ng Pilipinas ang dapat natin pong ipaglalaban. Samantala alam naman natin na iyong Estados Unidos ay ang kanila pong ipinaglaban ay iyong permanent interest nila diyan sa mga sea lanes po siya WPS. So, iyan po iyong maraming  bagay. Actually  marami pong aspeto ang apektado po ng pag-angat ni President Joe Biden. Pero on the whole, very positive po for the Philippines, especially for the pandemic. For the first time, we will have a global collaboration, absent po iyan since April. Wala po tayong global collaboration, lumayas pa iyong US sa WHO.

USEC. IGNACIO: Okay, maraming salamat po sa inyong panahon, Representative Joey Salceda. Mabuhay po kayo. Stay safe, Congressman.

REP. SALCEDA:  Thank you, Rocky.

[COMMERCIAL BREAK]

SEC. ANDANAR:  Nagbabalik po ang Public Briefing #LagingHandaPH. Puntahan naman natin ang mg balitang nakalap ng ating mga kasamahan mula sa Philippine Broadcasting Service, ihahatid iyan ni John Mogol. John?

[NEWS REPORTING]

SEC. ANDANAR:  Maraming salamat, John Mogol. Magbabalita naman diyan sa Davao City si Jay Lagang, maayong buntag.

[NEWS REPORTING]

SEC. ANDANAR:  Maraming salamat, Jay Lagang.

Samantala, kahapon po ay umakyat na sa 361,638 ang kabuuang bilang ng mga gumaling mula sa COVID-19 sa bansa. Ayon sa pinakahuling tala ng Department of Health ito ay matapos itong madagdagan ng 11,430 recoveries. 54 naman ang nadagdag sa mga nasawi na ngayon ay nasa 7,539 na.

Sa kabuuan ay nasa 396,395 na ang bilang ng mga nagkaroon ng COVID-19 sa bansa na kahapon ay nadagdagan ng 2,442.

Kahapon ay naitala ang pinakamataas na bilang ng COVID-19 cases sa nakalipas ng isang linggo na umabot sa 2,442. Makikita rin sa ating graph na simula November 4 ay naging tuluy-tuloy naman ang pagtaas ng naitatalang kaso sa bansa. Sa lalawigan ng Rizal nagmula ang pinakamataas na bilang na umabot po naman sa 138 cases, sumunod po dito ang Lungsod ng Maynila na 131 na bagong kaso, nasa ikatlong puwesto ang Benguet na mayroong 130 cases. Ang Batangas naman ay nakapagtala rin ng 113 cases, at hindi nalalayo ang Bulacan na may 112 new cases.

USEC. IGNACIO:  Sa kabila ng pagtaas ng naitatalang kaso sa nakalipas na apat na araw malaki naman ang ibinaba sa bilang ng active cases ng 6.9% na lamang ng total cases. Ang pagbaba ay dulot ng mataas na bilang ng gumagaling na nairi-report tuwing linggo.

Sa mga aktibong kaso ay mild lamang ang COVID-19 patients na walang sintomas o asymptomatic ay nasa 9.6%; samantalang nasa 5.4% naman ang critical; at 3.1% ang severe.

Ang amin pong paalala, hindi pa po tapos sa laban kontra COVID-19. Maging BIDA Solusyon sa krisis na ating nararanasan. Magagawa po natin iyan sa pamamagitan ng pagsusuot ng face mask dahil napipigilan nito ang pagkalat ng droplets mula sa iyong bibig at ilong at napapababa rin ang chance na makahawa at mahawa ng sakit. Simpleng paraan pero malaki ang maitutulong para wakasan ang COVID-19.

SEC. ANDANAR:  Para sa inyong mga katanungan at concerns tungkol po naman sa COVID-19 maaari po ninyong i-dial ang 894-COVID o kaya ay (02) 89426843. Para po sa PLDT, Smart, Sun at TNT subscribers, i-dial ang 1555. Patuloy rin kayong makibalita sa mga pinagkakatiwalaang sources ng impormasyon tungkol sa COVID-19, maaari pong bisitahin ang covid19.gov.ph.

USEC. IGNACIO:  Maraming salamat po sa ating mga partner agency para sa kanilang suporta sa ating programa at maging ang Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas. Salamat din po sa Filipino Sign Language Access Team for COVID-19. Mabuhay po kayo!

SEC. ANDANAR:  At iyan ang kalipunan ng ating programa/balita sa araw na ito. Ako po ang inyong lingkod, Secretary Martin Andanar ng PCOO.

USEC. IGNACIO:  At ako naman po si USec. Rocky Ignacio. Sa kabila po ng lahat ng pagsubok sa ating bansa, huwag mawawalan ng pag-asa dahil maraming dahilan para tayo ay maging masaya lalo pa at 46 days na lamang po ay Pasko na.

SEC. ANDANAR:  Samahan ninyo ulit kami tutukan ang pinakahuling kaganapan sa bansa bukas dito po sa Public Briefing #LagingHandaPH.

 

###

 

 

SOURCE: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)