Press Briefing

Public Briefing #LagingHandaPH hosted by Presidential Communications Operations Office Undersecretary Rocky Ignacio


Event Public Briefing #LagingHandaPH
Location PTV

USEC. IGNACIO: Magandang umaga, Pilipinas, ganoon rin po sa mga kababayan natin nanunood sa labas ng bansa. Ako po ang inyong lingkod, Usec. Rocky Ignacio. Sa loob ng isang oras ay ihahatid namin sa inyo ang mga napapanahong balita at talakayan tungkol pa rin po sa iba’t ibang isyu sa bansa kaya tutok lamang kayo dito sa Public Briefing #LagingHandaPH.

Sa inilabas na bagong quarantine classification ng IATF [garbled] sa General Community Quarantine o GCQ ang Metro Manila simula bukas, September 8 hanggang September 30, ngunit nakatakdang ipatupad dito ang pilot testing ng granular lockdown. Ibig sabihin, tanging mga piling lugar na lang o pocket areas ang hihigpitan depende sa bilang ng mga kasong naitala dito. Ayon sa DOH at DILG, mahigpit namang imu-monitor ang mga establisyimento at aktibidad ng mga maaapektuhan ng granular lockdown lalo na iyong mga nasa ‘3Cs’ tulad ng mga restaurant, gym at spa; crowded spaces tulad ng mga meetings, events o convention; at mga serbisyong nangangailangan ng close contact tulad ng mga salon at iba pang personal care services.

Ang mga papayagan pong 3Cs sa isang lugar na naka-granular lockdown ay nakabase rin sa alert level ng DOH: Level 1 ang pinakamaluwag na restriction o iyong tinatawag na new normal; Level 2 – 50% capacity ng mga establisyimento at aktibidad ang papayagan; samantalang 30% capacity naman ang sa Level 3; habang wala namang papayagang mag-operate sa ilalim ng Level 4.

Sa kasalukuyan, isinailalim ng Department of Health ang buong Metro Manila sa Alert Level 4 maliban sa Lungsod ng Maynila na nasa Alert Level 3.

Samantala, nagkaroon din ng ilang paggalaw sa quarantine classification ng lalawigan at lungsod sa bansa. MECQ ang probinsiya ng: Apayao, Bataan, Bulacan, Cavite, Lucena City, Rizal, Laguna, Iloilo Province, Iloilo City at Cagayan de Oro City.

GCQ with heightened restrictions ang: Ilocos Sur, Ilocos Norte, Cagayan, Pangasinan, Quezon, Batangas, Naga City, Bacolod City, Capiz, Cebu Province, Lapu-Lapu City, Negros Oriental, Zamboanga del Sur, Misamis Oriental, Davao City, Davao del Norte, Davao de Oro, Davao Occidental at Butuan City.

Makakasama ng NCR sa GCQ ang: Baguio City, Kalinga, Abra, Benguet, Dagupan City, Santiago City, Quirino, Isabela, Nueva Vizcaya, Tarlac, Occidental Mindoro, Puerto Princesa, Aklan, Guimaras, Negros Occidental, Cebu City, Mandaue City, Zamboanga Sibugay, Zamboanga City, Zamboanga del Norte, Misamis Occidental, Iligan City, Davao Oriental, Davao del Sur, General Santos, Sultan Kudarat, Sarangani, North at South Cotabato, Agusan del Norte, Agusan del Sur, Dinagat Island, Surigao del Norte, Surigao del Sur, Cotabato City at Lanao del Sur.

Ang mga hindi nabanggit na lugar ay nasa Modified General Community Quarantine simula bukas hanggang katapusan ng Setyembre.

Sa pagdami naman po ng mga Pilipinong gusto nang magpabakuna, hinimok ni Senate Committee Chair on Health and Demography Senator Bong Go ang pamahalaan na palawigin na ang pagbabakuna sa bansa para mas mabilis ang pagkamit ng herd immunity. Panoorin po natin ito:

[VTR]

USEC. IGNACIO: Kaugnay naman sa nagpapatuloy na imbestigasyon ng Senado tungkol sa umano’y misused COVID-19 funds ng pamahalaan at sa iba pang mahahalagang usapin [garbled] budget at nalalapit na pasukan, makakausap po natin ngayong umaga si Senator Sherwin Gatchalian. Magandang umaga po, Senator Gatchalian

SEN. GATCHALIAN: Good morning. Good morning, Usec. Good morning sa ating mga listeners and viewers.

USEC. IGNACIO: Senator, unahin po natin itong ongoing investigation sa Senado sa sinasabi nga pong umano’y mishandling ng pandemic funds natin. Ano po ang take ninyo sa usapin na ito, Senator Win; at sa palagay ninyo po ba ay mahaba-habang usapan pa ito?

SEN. GATCHALIAN: Rocky, nakita natin ‘no na itong mga huling araw ay patuloy iyong ating pagtaas ng positive cases ‘no. Yesterday nag-record breaking na naman tayo. So sa mga ganitong sitwasyon, isa sa mga bagay na puwede nating ibigay sa ating mga kababayan para makita nila na gumagana at gumagalaw ang gobyerno ay iyong tama at wastong paggamit ng pondo.

At makikita natin na mayroong mga inconsistencies, at masasabi ko na mga bagay na dapat nating tignan ‘no dito sa paggamit ng pondo.

Isa na dito iyong pagbibigay ng kontrata sa mga korporasyon na walang track record, iyong iba ay walang opisina, iyong iba ay construction company; at kataka-taka iyong mga ganito. Like for example, nabigyan ng kontrata na mag-supply ng mga health items o mga kagamitan-pangkalusugan ang isang construction company na kataka-taka ‘no kung bakit isang construction company ang nabibigyan ng ganito. Iyong Pharmally Corporation naman na bago lang, September of last year lang na-incorporate, ay nakakuha ng eight billion na kontrata, na noong pintuhan po ng Senado ang opisina, wala naman pong opisina at walang tao.

So, kataka-taka na may ganitong mga korporasyon na nananalo kaya dapat matingnan at malaman ang katotohanan para hindi po mawala ang kumpiyansa ng ating mga kababayan sa paggamit po ng pondo laban sa COVID.

USEC. IGNACIO: Opo. Senator, pabor po ba kayo na dalhin na sa Committee of the Whole ang investigation upang ang lahat ng Senador ay makibahagi sa usapin o naniniwala kayo na dapat pong manatili na lang ito sa Blue Ribbon Committee?

SEN. GATCHALIAN: Actually, Rocky, ang Blue Ribbon Committee in effect parang Committee of the Whole na eh, dalawang members lang ang hindi kasama sa Blue Ribbon Committee, halos lahat kasama na ho. So, in effect para siyang Committee of the Whole na rin ‘no. But regardless whether Committee of the Whole or Blue Ribbon, ang importante ho ay nalalaman natin ang katotohanan, nakikita natin ang mga butas o loopholes at maayos natin ang sistema.

Isa sa mga bagay rin na nakita kong dapat tingnan at tingin ko nga ay buwagin na itong pagpasok po ng mga pondo sa PITC at sa PS-DBM, iyon Procurement Service. Ang nangyayari kasi nagiging masamang habit, masamang ugali na ng mga ahensiya, kung hindi nila magastos ang pondo, ipinapasa dito sa PITC at sa PS-DBM para hindi sila masabihan na low utilization o hindi ginagamit iyong pondo at hindi ibigay iyong pondo sa kanila. So, ang ginagawa nila para sa libro nila malinis at nagagamit ang pondo, ipinapasa nila sa ibang ahensiya. Pagdating naman sa PITC at sa PS-DBM, hindi naman nila nagagastos at nagagamit iyong pondo.

Kahapon lang nakita ko sa internet na iyong pondong ibinigay ng BFP (Bureau of Fire) sa PITC, 2015 pa hanggang ngayon hindi ho nagagastos. Sayang! Marami tayong mga munisipalidad na wala pong fire truck at fire station pero iyong pera nakatengga lang sa opisina at sa libro po ng PITC. So, itong dalawang ahensiyang ito tingin ko dapat mabuwag na dahil nagiging bad habit na, ipinapasa po iyong pondo sa kanilang tanggapan.

USEC. IGNACIO: Opo. Senator, basahin ko lang po iyong tanong ng ating mga kasamahan sa media, if I may. Tanong po ni Margot Gonzalez ng SMNI News: Ano daw po ang masasabi ninyo na may panawagan for Senator Gordon to step down from his post as PRC Chairman?

SEN. GATCHALIAN: Si Senator Gordon, full disclosure lang, Board of Governors din po ako ng Red Cross, kami po ay duly elected, hindi po kami in-appoint ng sinuman. Tayo po ay hinalal ng mga members ng Red Cross. Ang sistema po ng Red Cross every two (2) years nagkakaroon ng halalan at iyong mga members, sila ang naghahalal kung sino po iyong mga gusto nilang mga magiging Board of Trustees, at iyong Board of Trustees naman, sila naman po ang humahalal sa magiging chairman at iba pang officers. So, in other words, hindi ho tayo appointed officer kung hindi hinalal ho tayo ng mga miyembro.

Ngayon, hindi ko ho nakikita na dapat po siyang mag-step down personally dahil unang-una, noong tumama po iyong COVID at wala ho tayong testing capacity, ang Red Cross ang unang-unang nagtayo ng testing capacity dito sa ating bansa. Ito, nasabi ko na even last year pa sa maraming interview, na noong pumalo po iyong COVID-19 at rumaragasa po iyong COVID-19 last year, almost 90% ng testing capacity natin nasa Red Cross. I have to give credit where credit is due and si Chairman Gordon po ang nanguna.

In fact, to be honest about it, noong una nagkakaroon din ako ng duda kung kakayanin niya dahil bago ito eh! Sinubukan namin sa Valenzuela, hindi rin namin alam kung saan bibili ng makina. Sinubukan namin sa Valenzuela, iyong expertise ang hirap kumuha. Kahit na may pera ka hindi mo alam kung paano mo isi-setup dahil iyong mga pathologists hindi trained. Ang hirap. Pero nagawa ng Red Cross at nagawa ni Chairman Gordon sa kaniyang pangunguna. So, we have to give credit where credit is due, na last year noong kailangan natin ng testing capacity, ang Red Cross po ay nanguna sa pagpapatayo po ng testing capacity.

USEC. IGNACIO: Opo. Senator, regardless po sa kung saan makakarating ang usapan ano po, ang mahalaga Senator Gatchalian ay maibigay po iyong karampatan ring benepisyo para sa ating mga health workers. Do you agree na dapat po ay lahat na ng healthcare workers ang mabigyan ng SRA at hindi lamang po iyong may mga direct care sa COVID patients? May balak po ba kayong gawin sa Senado para maayos po ang isyu na ito?

SEN. GATCHALIAN: Usec., ako pabor ako diyan. Pabor ako na ibigay na lang sa lahat ng health workers iyong Special Risk Allowance. Unang-una, ang hirap himayin ‘no. Tingnan natin iyong proseso. Iyong mga pangalan, manggagaling sa private hospitals iyan at kung magbibigay sila let’s say ng 200 names, ivi-verify mo pa sino ang direct, sino ang hindi direct. Pangalawa, paano ang definition ng direct at hindi direct? Kung ikaw ba ay humawak ng pasyente ng ten minutes, direct na ba iyon o hindi direct?

So, maraming komplikasyon ho talaga kung hihimayin pa natin isa-isa. Iyong validation process alone will take time kaya mas pabor ako na bigyan natin lahat basta i-certify ng hospital at iyong hospital ang pipirma, ibig sabihin pangalan nila iyong nakataya, ibigay na natin. Ngayon, kung mayroon doong mga ghost, kasi nangyayari iyan. Minsan ilalagay ang kamag-anak, ilalagay kung sinu-sino, eh dapat kasuhan iyang ospital na iyan whether private or public. Ibig sabihin, kung ikaw ay magbibigay ng pangalan, honesty system. Pero kung ikaw ay nagsinungaling, face the consequences. Kakasuhan ka, puwede kang matanggalan ng lisensiya.

USEC. IGNACIO: Senator, ito naman pong sektor ng edukasyon ang may pinakamalaking alokasyon sa proposed budget plan para sa taong 2022. Sa palagay ninyo po ba tama lamang ito, Senator?

SEN. GATCHALIAN: Yes. Usec., in line iyan with our Constitution. Nakasaad po sa ating Saligang Batas na ang sektor ng edukasyon ay laging makakakuha ng pinakamataas na alokasyon pagdating sa budget. At maganda nabuksan mo itong paksang ito dahil dapat talaga magbukas na ho tayo ng face-to-face classes. Umpisahan natin iyan sa pilot testing, mag-pilot test ho tayo sa ibang mga lugar na zero COVID or low risk. Magandang senyales na bumalik na tayo sa GCQ, ibig sabihin ang sitwasyon ay humuhupa o at least nakikita nila huhupa na. At ang ibig sabihin ho nito may mga lugar ho tayo na mas mabuti pa ang sitwasyon kaysa sa NCR. So, ang aking panawagan magbukas na tayo this coming school year ng ilang lugar ng face-to-face.

Usec., ang aking kinakatakutan na isang taon pa na wala tayong pasok, ang bata talaga ay uurong at uurong iyan. Nasabi na ito ng mga dalubhasa, ng maraming eksperto, na noon pa mang pumalo ang COVID iyong tinatawag nating years of learning, ibig sabihin iyong natutunan ng bata sa ating bansa ay around seven years. Kung natapos ka ng Grade 12, ang natutunan mo lang sa ating bansa ay hanggang Grade 7 lang pero dahil sa pandemya, bumaba na ito hanggang Grade 5. So, ibig sabihin kahit magtapos ka ng Grade 12, iyong mga nalalaman mo ay hanggang Grade 5 lang. Ito iyong tinatawag nilang learning loss kaya dapat sa lalong madaling panahon bumalik na tayo sa face-to-face. Hindi na natin kaya ng isa pang taon na walang face-to-face. Maraming magulang hirap, maraming batang hirap at ang bata po hindi natututo.

USEC. IGNACIO: Opo. Senator, ngayon nga pong September 13 ay magsisimula na iyong school year 2021-2022, nasa 120 schools po ang proposed ng DepEd na lalahok sa pilot run ng face-to-face. Pero sa palagay ninyo po, safe na po ba ito sa kabila ng patuloy na pagdami ng nadagdagan ng kaso COVID-19 sa bansa?

SEN. GATCHALIAN: Usec., bigyan natin ng konteksto ito. Iyong 100 plus, ito ay sa loob ng about 50,000 schools. Mayroon tayong 50,000 schools more or less nationwide at 100 lang po iyong tinitingnan, so kakarampot lang ho ito. At tinitingnan ko iyong istatistika, mayroon tayong mga at least 200 plus LGUs out of the 1,400 LGUs na zero COVID. Ibig sabihin, wala talagang COVID doon, Usec. Itong mga zero COVID, puwede na silang magbukas ng klase at doon na tayo mag-umpisa ng face-to-face classes ‘no, dahil walang COVID eh iyong mga LGUs nasa isla, mga LGUs nasa bundok na hindi naman pinupuntahan ng tao, dapat ho talagang puwede nang mag-face-to-face classes doon.

Doon sa mga urban centers ‘no, katulad dito sa Metro Manila, tingin ko hindi pa puwede ‘no dahil tuluy-tuloy pa iyong pagdami ng virus; pero doon sa mga lugar na wala namang COVID kahit isa, papasukin na iyong mga bata dahil iyong mga bata ho sa probinsya naglalaro naman ho sa labas eh ‘no, hindi naman ho sila nasa loob ng bahay nila, nasa labas din ho sila ‘no. So hayaan na natin silang pumasok at matuto ‘no sa kanilang mga teacher.

USEC. IGNACIO: Opo. Senator, isinusulong ninyo po itong immediate financial aid para sa mga teaching and non-teaching staff na matatamaan po ng COVID-19. Please tell us more about this, Senator.

SEN. GATCHALIAN: Opo. Usec., marami tayong private schools na nagsara ‘no at dahil nga nagsara itong mga private school, marami tayong mga teachers at non-teaching staff nawalan po ng trabaho.

Dapat ho mabigyan ng pansin ho ‘to ‘no, hindi lahat ng teachers at non-teaching staff makukuha po ng public schools natin dahil wala rin naman tayong klase ‘no. So itong mga—ang DepEd at ang DOLE ho dapat mag-combine at hanapin ho sila at matulungan.

Kaya ho isa rin po sa mga naging dulot ng—itong pagsara ng klase ay marami ring mga eskuwelahan ang nagsara dahil iyong mga bata hindi na po nag-enroll, iyong iba nag-transfer sa public schools at nagsara na ho nang permanente iyong iba.

So other words tulungan ho natin sila ‘no dahil sa ganito—mga teachers ho, iyon po ‘yung kanilang mga pinagkikitaan at dahil nagsara na po iyong kanilang eskuwelahan, wala na ho silang kita.

USEC. IGNACIO: Opo. Senator Win, may tanong naman po ang ating kasamahan sa media sa inyo. [Garbled] DZAR 1026 Sonshine Radio: Any update daw po for possible political tandem with Mayor Sara? If mayroon po, any comment po sa one companion lang po ang papayagan na sumama sa isang kandidato na mag-file ng COC sa Comelec at sa face-to-face campaigning with restrictions?

SEN. GATCHALIAN: Opo. Patuloy ang pag-uusap namin ni Mayor Sara at nabanggit dito sa ibang mga interviews na ako po ay nagsabi ho sa kaniya ng aking interes na maging kaniyang vice president kung sakali siya ay matutuloy po.

USEC. IGNACIO: Opo. Maraming salamat po sa inyong panahon, Senator Sherwin Gatchalian. Maraming salamat po at mabuhay po kayo!

SEN. GATCHALIAN: Maraming salamat, Usec. Thank you.

USEC. IGNACIO: Pinagtibay naman sa Senado ang isang resolusyong kumikilala sa husay at galing ng mga Pilipinong atleta na nagkamit ng medalya mula sa katatapos lang na 2020 Tokyo Olympics. Pinarangalan din ng Senado ang mga atleta sa pamamagitan nang pagbibigay ng dagdag na insentibo. Narito ang report:

[NEWS REPORT]

USEC. IGNACIO: Patuloy po ang paggawa ng Department of Science and Technology ng mga programa at proyekto para sa ikauunlad ng ating bansa. Kaya naman po alamin natin ang mga bagong teknolohiya at programang inihanda nila para magpapalakas pa sa pagtugon natin sa pandemya, makakasama po natin si DOST Undersecretary Rowena Guevara. Magandang umaga po, Usec.!

DOST USEC. GUEVARA: Magandang araw po sa inyo Usec. Rocky at magandang araw din sa ating mga tagapanood.

USEC. IGNACIO: Opo. Kanina nga po nasaksihan dito sa PTV ang ‘Big 21 in 2021’ event ng DOST. Para po sa mga hindi po nakaabot at napanood ang event kanina, ano ho ba itong sinasabing ‘Big 21 in 2021’ at paano po ito makakatulong sa publiko?

DOST USEC. GUEVARA: Itong ating ‘Big 21 in 2021’ ay pinakita namin iyong dalawampu’t isang mga teknolohiya, mga bagong pasilidad, mga bagong research and development projects at saka mga bagong human resources development at pagtulong sa ating mga industry na galing sa DOST.

Sa pagpapatuloy na laban ng ating bayan sa evolving problem na dulot ng COVID-19, ang DOST ay nagbibigay ng mga solusyon gamit ang agham at teknolohiya para sa bayan. Bukod sa mga health technologies ay nagbibigay din kami ng mga programa na makakatulong sa pagbangon ng ating ekonomiya, kapayapaan at kaligtasan sa kalamidad.

USEC. IGNACIO: Opo. Pero sa ikalawang taon po ng ating pakikipaglaban sa COVID-19, marami po ang naging pagsubok, Usec., sa atin lalo na sa pagdating sa paglalaan po ng pondo para sa bayan. Sa ganoong klase po ng limitasyon lalo na po at kailangang-kailangan na natin ngayon iyong mga gawang produkto gaya po ng bakuna’t ayuda, masasabi ninyo po [garbled] nating ipagpaliban itong Research and Development or RND?

DOST USEC. GUEVARA: Naku, Usec. Rocky, huwag na huwag po nating gagawin ‘yan, kasi po napatunayan natin ngayong nagkapandemya tayo kung ano po ang gamit ng RND. Tulad po kunyari noong aming tinayo na Philippine Genome Center kasama ng UP noon pong 2012 at 2013; kung wala po ‘yang tinayo nating Philippine Genome Center, wala pong mag-a-analyze nitong mga COVID-19 variants.

Pangalawa po, kung hindi po natin pinondohan iyong research nila Dr. Raul Destura, hindi po sila makaka-produce noong tinatawag na gen amplified COVID-19 test kit. Iyon naman pong research ng Ateneo de Manila na FASSSTER – Feasibility Analysis of Syndromic Surveillance using Spatio-Temporal Epidemiological Modeler for early detection of diseases o FASSSTER ay siya na po ang ginagamit ng Department of Health para sa COVID-19 Philippines LGU monitoring platform.

Ganoon pa man maraming nagsasabi matagal ang resulta ng RND pero kung hindi po tayo nag-invest sa R&D noong mga nakaraang taon, wala po tayong pupulutin ngayon na magagamit po natin sa laban sa COVID-19.

USEC. IGNACIO: Opo. Usec., puwede po ba ninyo kaming bigyan ng ilang programa mula po sa Big 21 Projects na talaga pong makakatulong, mapapakinabangan natin ngayong may pandemic?

DOST USEC. GUEVARA: Opo. Katulad noong biosafety level 2 laboratory para sa Virology and Vaccine Institute of the Philippines. Ang potential ng pagkakaroon ng sapat na supply ng bakuna ay magmumula sa pagkakaroon po natin ng R&D. At isa po sa kailangan nating pasilidad ay ang biosafety level 2. Iyon naman pong Tuklas Lunas Program, para galing po sa mga kayamanan natin sa biodiversity ay makakahanap po tayo ng mas epektibong gamot laban sa hypertension, gout, inflammation at diabetes.

Tapos inaaral din po natin iyong clinical characteristic ng transmission pattern ng COVID-19 sa mga confirmed cases at sa mga contact nila sa Philippines. Doon din po sa Big 21, pinapakita po natin iyong clinical trials ng Lagundi, Tawa-Tawa at Virgin Coconut Oil as treatment or as adjunctive therapy against COVID-19. Nandoon din po itong zero prevalence of SARS-COV 2 at saka iyong pag-determine po noong viral neutralization characteristics ng antibodies na nadi-detect sa mga community sa Philippines.

Pinapakita rin po namin iyong S-PaSS, ito po ay para po makahanap tayo ng mga datos ang mga nais bumiyahe sa iba’t ibang lugar sa bansa, ukol sa mga travel restrictions at requirements, iyon pong mga community quarantine natin. At isa pa po iyong Breath Sim, this is breathing simulator. Kasi po, nautusan po tayo ni Presidente na gumawa ng mga ventilators, pero kailangan po nating ma-test. Kaya po gumawa tayo ng breathing simulator.

At pinakita din po natin kaninang umaga iyong sampung Niche Centers in the Regions (NICER) for R&D. Kasi po kailangan po tayong mag-research, hindi lang po dito sa Metro Manila, sa Region IV-A at sa Central Luzon, kung hindi po sa buong bansa. So kunwari po, mayroon po tayong Smart Water Infrastructure and Management Research and Development Center, doon po iyan sa Region II. At mayroon din po tayong itatayo na mga Center for Lake Sustainable Development sa may South Luzon naman po at iba pa. At huli po, nagpakita rin po tayo ng mga bagong facilities natin, iyong Simulation Packaging Testing Lab, Grain Manufacturing Laboratory, Advance Manufacturing Center, Advance Mechatronics and Robotics and Industrial Automation Lab at saka po ang pinakahuli po iyong S&T Fellows Program for R&D.

USEC. IGNACIO: Opo. Usec, napag-usapan na rin lang naman po natin itong research and developments. Sa ngayon po ba kumusta iyong vaccine clinical trials na pinangungunahan ng DOST lalo na po iyong initiated by WHO?

DOST USEC. GUEVARA: Patuloy po ang ating paghahanda para sa WHO Solidarity Trial for vaccines. Ang pilot hospital sites, ang trial teams at mga supplies na kinakailangan para sa trail ay handa na po. Naghahanda na lang po tayo ng pormal na anunsiyo na manggagaling sa WHO para sa global at local launching para sa nasabing pag-aaral. Natamo na rin po natin ang karampatang approval ng FDA at saka ng Ethics Review Board para mag-umpisa po tayo nitong trials.

USEC. IGNACIO: Opo. Usec, sa tingin ninyo bakit po natagalan magbigay ng go signal ang WHO na umpisahan na po itong clinical trials?

DOST USEC. GUEVARA: Ang nasabi pong pag-aaral ay isang global clinical trial, kung saan hindi lamang po Pilipinas ang kasali. Sa aspeto pong ito, sinisiguro ng WHO na handa na ng maigi ang lahat ng mga bansang kasali kapag nag-launch sila. Masusi din ang negosasyon at pag-review na ginawa ng WHO sa kung anu-anong bakuna ang isasama sa study. Ganoon din, hindi natin makakaila sa mga nakaraang buwan ay may mga lumabas na variants na kinailangan na i-consider ng WHO sa pag-update ng clinical trial protocols at SOPs. Kaya po medyo nagtagal po tayo.

USEC. IGNACIO: Opo. Usec. kasama rin ba sa clinical trials na ito iyong inanunsiyo po ng Palasyo noong Sabado na pag-aral sa kapasidad ng bakuna na labanan itong bagong variants at maging iyong pagsali sa phase 2 trials nitong pediatric age group, pregnant at mga pasyenteng may autoimmune renal or chronic respiratory diseases?

DOST USEC. GUEVARA: Kabilang po sa layunin ng WHO Solidarity Vaccine Trials ay malaman kung gaano kaepektibo ang mga bakuna na aaralin sa mga variants of concern na mayroon sa bansa. Ang target population po ng nasabing pag-aaral ay age groups na 16 years old hanggang pataas. Hinihikayat po natin ang ating mga kababayan na kung kasali po iyong kanilang LGU dito sa WHO Solidarity Vaccine Trials at kung hindi pa po sila nababakunahan ay sana po sumali sila sa ating WHO Solidarity Vaccine Trial.

At maliban pa sa WHO Solidarity Vaccine Trials, nakakatanggap din po ang ating Task Group on Vaccine Evaluation and Selection ng applications para sa tinatawag na Independent Clinical Trials. May mga application na po tayo na natanggap na para sa mga bata na edad 3 to 16 years old at para sa mga may HIV.

Dahil po sa dami ng mga applicant sa clinical trials dito sa ating bansa, nag-propose po ang aming task group at inaprubahan naman po ng IATF na ang tatanggapin nating COVID-19 clinical trials na dadaan sa Task Group on Vaccine Evaluation and Selection ay iyong mga phase 3 clinical trial para sa mga pediatric age groups na 6 months hanggang 12 years old; para sa elderly iyong more than 60 years old; para sa pregnant mothers; para sa mga pasyente na may immune deficiency katulad po ng HIV, cancer, post-transplant recipients at iyong para po sa mga pasyente na may autoimmune diseases at iyong mga pasyente na may renal disorders at iyong mga pasyenteng may chronic respiratory diseases po.

USEC. IGNACIO: Pero, Usec., kumusta naman po itong booster shot at saka po iyong mix and match na bakuna? Kailan po magsisimula iyong pag-aaral dito? Tinatanong din po ni Lei Alviz ng GMA News, kung kasama rin sa pag-aaral itong length of protection ng mga bakuna?

DOST USEC. GUEVARA: Inaasahang magsisimula ang pag-aaral kapag lahat ng preparasyon na kinakailangan sa pagsasagawa ng trials ay natapos na. Patuloy ang koordinasyon ng DOST at DOH ukol sa paglalaan ng dosage para sa pag-aaral, kasi po hihingin po ng DOST sa DOH iyong mga gagamiting bakuna dito sa ating mga study. Pati na rin ang koordinasyon natin sa ating mga local na executives upang masimulan ang paghahanda ng mga vaccine trial sites.

Nakatakdang magkaroon ng pagpupulong, kasama ang mga Mayors ng mga napiling lungsod at ang MMDA chair sa linggong ito upang mapag-usapan ang nasasabing trials. Maghintay lang po tayo ng magiging anunsiyo ng kagawaran ukol sa pag-aaral.

Ang real world study sa effectiveness ng mga vaccines na ginagamit na sa ating national COVID-19 vaccination program ay isang hiwalay na pag-aaral na pinangungunahan ni Dr. Regina Berba ng Unibersidad ng Pilipinas. Ang resulta ng mga nasabing pag-aaral na ito, ganoon din ang mga pag-aaral galing sa ibang bansa ay pareho dapat ikonsidera sa mga desisyon at direksiyon na tatahakin sa hinaharap para sa national COVID-19 vaccination program.

Ang sagot po doon sa tanong, kasama po iyang pag-aaral na iyan kung gaano po ang itatagal ng mga bakuna, dahil ilang beses po nating titestingin iyong mga nabakunahan, para kung effective pa po ang mga bakuna.

USEC. IGNACIO: Okay. Kami po ay nagpapasalamat sa inyong panahon at sa pagbabahagi ninyo sa amin ng impormasyon, DOST Undersecretary Rowena Guevara. Mabuhay po kayo, Usec.

DOST USEC. GUEVARA: Maraming salamat, Usec. Rocky.

USEC. IGNACIO: Samantala, 22,415 ang mga bagong COVID cases na naitala sa bansa kahapon. Ito po ang isa sa mga pinakamaraming bilang ng bagong kaso sa isang araw. Sa kabuuang, umabot na sa 2,103,331 ang lahat ng nahawaan ng sakit sa Pilipinas. Mataas din po ang naiulat na mga bagong gumaling na nasa 20,109. Kaya naman po nasa 1,909,361 na po ang total recoveries. Isang daan at tatlo (103) naman po ang nasawi para sa kabuuang 34,337 COVID-19 deaths habang 159,633 ang nananatiling active cases sa bansa ngayon.

Samantala, base naman po sa September 3, report ng Department of Health at ng UP Philippine Genome Center, umabot na sa 2,068 ang Delta variant cases na na-detect sa bansa matapos itong madagdagan ng 279 na kaso. 245 sa mga ito ang tinatayang local cases habang 21 naman ang nanggaling sa mga Returning Overseas Filipinos or ROFs, 13 naman po sa kanila ang inaalam pa.

The total Delta cases naman ay nasa 1,962 ang recovered na, 46 ang mga nasawi, 51 ang nananatiling aktibo.

Kahapon lang po ay nakapagtala na rin ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao or BARMM ng 5 kaso ng Delta variant. Ang lahat ng 13 rehiyon sa Pilipinas ay nakitaan na ng kaso ng Delta variant.

Mga residente po ng ilang barangay naman sa Davao City ang surpresang binisita at hinatiran ng tulong ni Sen. Bong Go kasama ang ilan pang ahensiya ng pamahalaan, kinumbinsi niya ang mga ito na magpabakuna na. Ang detalye sa report na ito:

[NEWS REPORT]

USEC. IGNACIO: Huwag po kayong aalis magbabalik po ang Public Briefing #LagingHandaPH.

[COMMERCIAL]

USEC. IGNACIO: Nagbabalik po ang Public Briefing #LagingHandaPH, puntahan naman po natin ang mga balitang nakalap ng PBS Radyo Pilipinas kasama si Ria Arevalo:

[NEWS REPORT]

USEC. IGNACIO: Maraming salamat sa iyo Ria Arevalo ng PBS Radyo Pilipinas. Samantala, dumako naman tayo sa latest update sa Mindanao. Si Julius Pacot ng PTV Davao, magbabalita:

[NEWS REPORT]

USEC. IGNACIO: Maraming salamat sa iyo Julius Pacot ng PTV Davao.

Samantala, good news po para sa mga residente ng Quezon City: Isang programa po ang handog ng Quezon City LGU para sa mga QC residents, ito po iyong pangkabuhayan ng Quezon City. Sa ilalim nito ay mabibigyan ng livelihood training at financial assistance ang mga qualified beneficiaries gaya ng mga displaced, resigned or salary reduced employee, micro entrepreneurs or vendors, laid-off OFWs, persons with disabilities, at unemployed solo parents.

Para po sa karagdagang detalye ng Pangkabuhayan QC program pumunta lang sa websites na www.dot.services.quezoncity.gov.ph.

At dito na po nagtatapos ang ating talakayan, maraming salamat po sa inyong walang sawang pagsubaybay. Ako pong muli ang inyong lingkod, USec. Rocky Ignacio; at ito po ang Public Briefing #LagingHandaPH, magkita-kita po tayong muli bukas.

###


News and Information Bureau-Data Processing Center