Press Briefing

Public Briefing #LagingHandaPH hosted by Presidential Communications Operations Office Undersecretary Rocky Ignacio


Event Public Briefing #LagingHandaPH
Location PTV

USEC. IGNACIO: Magandang umaga, Pilipinas. Mula sa PCOO, ako po ang inyong lingkod, Usec. Rocky Ignacio. Siksik na naman po sa impormasyon ang ating programa ngayong araw ng Biyernes, pagbabakuna sa mga kabataan, sitwasyon sa [garbled] at pagkakaantala ng supply ng tubig sa ilang mga lugar sa Cavite at Kalakhang Maynila, iyan po ang laman ng ating talakayan ngayong umaga kaya simulan na po natin ang Public Briefing #LagingHandaPH.

Ipinagbabawal na po ang pagbisita sa mga puntod simula ngayong araw, isasara na po kasi sa publiko ang mga sementeryo sa buong bansa bilang pag-iingat sa COVID-19. Kaugnay niyan, alamin natin ang pinakahuling sitwasyon sa isa sa pinakamalaking sementeryo sa Maynila. Puntahan natin si Patrick de Jesus sa Manila North Cemetery. Patrick, may mga nagtangka pa rin bang makapasok diyan sa sementeryo ngayong araw?

[NEWS REPORT]

USEC. IGNACIO: Okay. Maraming salamat, Partick de Jesus.

Sa iba pang balita: Senator Bong Go pinayuhan ang mga Pilipino na pangalagaan ang kanilang karapatan na bumoto ng kanilang mga lider. Aniya, huwag ipagpalit ang kinabukasan ng mga anak at ng bayan para lamang sa pera. Narito ang report:

[VTR]

USEC. IGNACIO: Samantala, update po sa pediatric vaccination sa mga nakalipas na linggo at mga bakunang pinag-aaralan na rin na maipamahagi sa mga mas nakakabata pang populasyon ang atin pong pag-uusapan, kasama po natin si Dr. Mary Ann Bunyi, ang presidente po ng Pediatric Infectious Disease Society of the Philippines. Good morning po, Dok.

DR. MARY ANN BUNYI: Good morning po, Usec. Rocky. At good morning po sa lahat ng nanunood at nakikinig sa programa ninyo.

USEC. IGNACIO: Opo. Dok, kumusta po iyong assessment ninyo so far sa naging vaccination rollout sa pediatric age nitong mga nakaraang linggo po?

DR. MARY ANN BUNYI: Usec., patapos na po tayo ng pangalawang linggo ng pagbabakuna po natin sa mga batang edad dose (12) pataas na may comorbidities. Iyong unang linggo po sa walong ospital dito sa Metro Manila, pili po iyong mga ospital na iyon; iyong pangalawang linggo po ay nadagdagan po ng labimpitong ospital na pinili po ng mga LGUs. So far po ay naging tahimik at maayos po ang naging rollout ng pagbabakuna dito sa mga batang ito.

At sa pagkaalam ko po, wala pa pong isang porsiyento ang nai-report ng mga adverse or side effects sa bakuna. Ang pinaka-common po na nai-report ay iyong pananakit po doon sa injection site; mayroon din pong nag-report ng pananakit ng ulo at saka pananamlay pero panandalian lang po ito at mga mild reactions lang po sila.

USEC. IGNACIO: Opo. Dok, kapag sinabi mong panandalian, mga umaabot lang po ng isang araw o dalawang araw iyong naramdaman nitong mga bata po?

DR. MARY ANN BUNYI: So far po ang observation po namin hanggang mga dalawang araw; pangatlong araw po, wala na po iyan.

USEC. IGNACIO: Opo. Pero, Dok, so far po kumusta po iyong vaccine acceptance sa mga magulang at mga bata? May mga natatanggap po ba kayong specific concerns?

DR. MARY ANN BUNYI: So far po wala naman po marahil po kasi dahil naunawaan ng mga magulang na ang mga anak nila na mayroong comorbidities or may underlying medical conditions, sila po iyong mga bata na maaaring magkaroon ng malubhang COVID-19. At saka siguro po naparating nang maayos na iyong bakuna ay ligtas at mabisa laban sa COVID kaya wala ho kaming naging balakid sa pagtanggap nila ng COVID-19 na bakuna.

USEC. IGNACIO: Opo. Dok, may pinagkaiba po ba sa dosage na ibinibigay ngayon sa mga bata kumpara po sa adult population?

DR. MARY ANN BUNYI: Ito pong sa ano …ito pong bakuna na ibinigay natin sa edad dose (12) pataas na ang binigay po natin ay Pfizer, pareho po iyong dosage na ibinigay natin as in the adult dose – pareho lang po.

USEC. IGNACIO: Pero iyon pong booster shots, posible rin po ba sa mga batang may comorbidity?

DR. MARY ANN BUNYI: Ngayon po, Usec., mahalaga sigurong tapusin muna natin at bakunahan natin nang kumpleto itong mga batang edad dose pataas na may comorbidities and then tingnan po natin iyong mga darating na datos kung kinakailangan din po nilang mag-booster. Pero mahalaga pong matapos natin at makumpleto po natin ang pagbabakuna sa kanila.

USEC. IGNACIO: Opo. Doc, inaasahang bubuksan na sa lahat ng 12 to 17 years old iyong bakunahan sa November 3 ano po. Pero kahit po wala silang comorbidity, bakit po mahalaga na ma-assess muna sila ng mga doktor bago mabakunahan at iba po ba ang magiging pamamaraan sa screening kumpara po sa mga nakakatanda?

DR. MARY ANN BUNYI: Ah, Usec., kasama naman po iyan sa steps ng vaccination process natin, kahit po sa matatanda mayroon din pong health screening. So sa mga bata, as a pediatrician, ganoon din po ang ginagawa namin – bago po namin bakunahan ang mga bata, ieksaminin muna po namin kung well ba sila at puwede pong bakunahan sa pagkakataong iyon na pumunta sila doon. So kung assessment lang naman po, iyong ginagawa po namin, ginagawan po namin ng pisikal na examination at doon po namin nalalaman kung okay po silang bakunahan that day.

USEC. IGNACIO: Opo. Doc, ibig sabihin po ba nito ay mga pedia na rin ang tatao sa mga vaccination centers?

DR. MARY ANN BUNYI: Mas mainam po sana kung pediatricians pero kung wala naman po, iyong mga doktor po na sanay tumingin sa mga bata puwede rin naman po – iyong mga family med at saka po iyong ibang doktor na may experience na pong tumingin sa bata puwede naman po sila.

USEC. IGNACIO: Opo. Doc, sa US po, inaprubahan na ng FDA na gamitin na rin sa edad 5 to 11 years old ang bakunang Pfizer. So, ano po bang naging findings sa clinical research sa paggamit ng Pfizer vaccines sa nabanggit na age group?

DR. MARY ANN BUNYI: Oo. Doon po sa pag-aaral na ginawa ng Pfizer doon sa America, nakita nila na more than 90% ang bisa noong bakuna laban sa COVID-19. Sa usapin naman po kung ligtas ang bakuna, ang sinasabi po doon sa kanilang pag-aaral na ito ay ligtas at kung ano po iyong mga side effects na nakikita sa ganitong age groups – iyong 5 to 11 – ay iyon din po ang nakita nila sa karamihan ng 12 to 15. So, ano po iyon? Mga minor reactions, kadalasan po iyong pananakit doon sa injection site, iyong pananamlay, sakit ng ulo at saka panlalamig – iyon lang po ang mga nai-report doon sa pag-aaral na iyan.

USEC. IGNACIO: Opo. Doc, tingin ninyo dapat na ring payagang maiturok sa mas bata pang populasyon ang COVID-19 vaccine dito sa Pilipinas na?

DR. MARY ANN BUNYI: Sa aking pananaw, Usec., mahalaga pa rin na matapos natin iyong mga priority groups natin na A2/A3. So, ano iyon? Ito po ‘yung mga seniors at saka iyong A3 po iyong adults with comorbidities kasi po sila po ang mas at higher risk of getting severe COVID at maaari nilang ikamatay ito. So halimbawa pong ma-reach na natin iyong hinahangad nating 50 to 70 percent na target na mabakunahan itong priority groups natin na A2/A3, then palagay ko po puwede naman po nang maibigay at masimulan sa mga batang may edad na 5 to 11.

USEC. IGNACIO: Opo. Pero, Doc, may update na rin po ba kayo sa isinasagawang clinical trials sa ibang bansa para po sa paggamit ng iba pang brand ng bakuna para po sa younger age group?

DR. MARY ANN BUNYI: Dalawa lang po, Usec., ang alam ko – isa po ‘yung Moderna. Iyong Moderna, nagsisimula na po silang mag-recruit ng kanilang mga participants. Ang edad po na gusto nilang isama doon sa trial nila is from 6 months hanggang mga less than 12 years old po at ang target po nila na kunin na mga participants is around 13,000. So sa ngayon po nandoon pa rin po sila sa process of recruitment.

Iyong pangalawa pong alam ko ay iyong Sinovac. Iyong Sinovac po is iyon po ‘yung galing sa China na mayroon po silang global study na kasama po ang ibang bansa – kasama po doon ang Chile, ang China, ang Malaysia, ang Pilipinas, ang Kenya at saka ang South Africa. Ang edad naman po na gusto nilang isama dito is from 6 months old hanggang mga 17 years old.

Nagsimula na po sila dito sa pag-aaral na ito noong last September sa South Africa. Dito po sa Pilipinas, inaayos pa lang po ang mga papeles para po makagawa ng clinical trial dito sa Pilipinas. At ang target po na number na kanilang gustong maisali dito sa clinical trial is around 14,000 po.

USEC. IGNACIO: Opo. Doc, bakit kailangan po nating mabakunahan ang mga bata laban sa COVID-19? Tumataas pa rin po ba ang nahahawahan ng virus dito sa age group nila dito sa Pilipinas?

DR. MARY ANN BUNYI: Kung mapapansin ninyo, Usec., iyong ating mga kaso ngayon pababa na eh. Iyong kaso po sa mga bata sumasabay lang po iyan sa kaso ng mga matatanda. So kapag bumaba po ang kaso sa matatanda, bababa din po ang kaso sa mga bata. Dito po sa ospital namin, dalawa na lang po ang aming COVID cases eh kumpara po noong Agosto at Setyembre na napakataas po. Ngayon pababa na rin po iyong trend.

USEC. IGNACIO: Opo. Doc, kunin ko na lamang po iyong mensahe ninyo sa mga magulang pati na rin po sa mga minors na magpapabakuna.

DR. MARY ANN BUNYI: Sa mga magulang at mga kabataan na hindi pa nakakapagpabakuna, ito ‘yung pagkakataon ninyo na madagdagan ang inyong proteksiyon laban sa COVID. Ang rollout ay i-e-expand na by November, first week of November so hinihikayat ko na iyong mga magulang as well as iyong mga kabataan na may edad dose pataas eh kunin ninyo iyong pagkakataon na mabakunahan kayo. Pero huwag ninyong kakalimutan na ang bakuna ay dagdag na proteksiyon so huwag ninyong kakalimutan na magsuot pa rin ng mask, magsuot pa rin ng face shield at maghugas pa rin ng kamay kasi ito iyong kabuuan na maaaring makapag-protect sa atin or sa inyo laban sa COVID. Iyon lang po, Usec.

USEC. IGNACIO: Okay. Kami po ay nagpapasalamat sa inyong panahon at impormasyon, Pediatric Infectious Disease Society of the Philippines’ president, Dr. Mary Ann Bunyi. Salamat po, Doc.

DR. MARY ANN BUNYI: Salamat din po, Usec.

USEC. IGNACIO: Samantala, narito naman po ang pinakahuling datos ng COVID-19 cases sa bansa, base po sa report ng Department of Health. As of 7 P.M., October 28, 2021 nadagdagan po ng 3,694 ang mga nahawahan ng COVID-19 sa bansa kaya umakyat na sa 2,772,491 ang kabuuang bilang ng mga nagpositibo sa virus.

Nananatili naman po sa higit dalawang daan ang mga naitalang nasawi kaya umabot na sa 42,575 ang total COVID-19 deaths. 3,924 naman po ang nadagdag sa mga gumaling kaya umakyat na sa 2,680,081 ang ating total COVID-19 recoveries. Patuloy din ang pagbaba ng active cases na ngayon ay nasa 49,835 – katumbas po iyan ng 1.8% ng kabuuang bilang ng mga tinamaan ng COVID sa bansa.

Ilang araw po bago ang Undas, kaniya-kaniyang biyahe na po ang ating mga kababayan na uuwing probinsiya. Ngayong araw, kumustahin po natin ang sitwasyon sa mga pantalan. Makakausap po natin si Atty. Jay Santiago, ang General Manager ng Philippine Ports Authority. Good morning po, GM.

PPA GM SANTIAGO: Magandang umaga po USec. Rocky, at magandang umaga po sa lahat ng nakikinig at nanunood sa atin ngayong umagang ito.

USEC. IGNACIO: Opo. GM, kumusta po ang obserbasyon ninyo pagdating sa volume ng mga pasaherong bumibiyahe ngayong lumuwag na po iyong travel restrictions? Gaano karami po sa tingin ninyo o tantiya iyong aabutin po nito lalo’t maglo-long weekend po para sa Undas?

PPA GM SANTIAGO: Well, unang-una po USec. Rocky, ‘no hindi naman po natin masyadong ina-anticipate na sisipa po ng mataas ano ang mga manlalakbay natin sa ating mga pantalan kumpara po sa mga nakaraang buwan ano dahil tayo nga po ay nasa gitna pa rin po ng pandemya.

Although admittedly, baka po magkaroon ng konting increase lamang, bagama’t ganoon po alam naman po natin na medyo mahirap pa rin po kasi ang pagbibiyahe ngayon dahil may mga requirements pa rin po; although nagluwag may mga requirements pa rin po iyong mga LGUs na patutunguhan ng ating mga kababayan at kung minsan po mahirap pong i-comply iyong mga requirements.

So, medyo restrictive pa rin po, so hindi po tayo umaasa na tataas po ng malaking bahagi ang ating mga manlalakbay po sa ating mga pantalan ngayong darating pong Undas.

USEC. IGNACIO: Opo. Pero, dahil nga po sa iba-iba iyong travel requirements para sa mga LGUs; so, ano-ano po ba iyong mga karaniwang nagiging problema ng mga pasahero pagdating po ng pantalan?

PPA GM SANTIAGO: Normally po USec. Rocky, ang nai-encounter po nating mga problema, iyon pong mga kababayan natin na lumalakbay, wala po silang kaukulang S-PaSS, iyon pong niri-require po na parang travel pass ng mga LGU at bagama’t po na may requirements na S-PaSS, may mga LGU din po na nagri-require ng RT-PCR result kung di man po kailangan bakunado po iyong manlalakbay at kailangan magprisenta po ng mga kaukulang dokumento na magpapatunay na sila po ay bakunado.

So, kung minsan po hindi nakapaghahanda ang ating mga kababayan at doon po naantala ang kanilang pagbiyahe dahil mahigpit po nating sinusunod sa PPA po ‘no, sa mga pantalan pinamamahalaan po ng PPA na sinusunod po natin iyong mga travel requirements na niri-require po noong mga LGUs po ng mga destinasyon kung saan po patungo ang ating mga kababayan.

USEC. IGNACIO: Opo. Attorney Jay, may mga cases pa rin po ba kayong natatanggap tungkol sa pamimeke ng RT-PCR test result?

PPA GM SANTIAGO: Yes po USec. Rocky, hindi lang po RT-PCR kung minsan mayroon pong pekeng vaccination card, may pekeng vaccination certificate, mayroon pekeng S-PaSS. At ang pinapaalala po natin sa ating mga kababayan huwag na po natin gagawin iyong mga pamimeke pong ganito na kung hindi po talaga makakuha ng dokumento ay siguro po talagang nararapat lamang na hindi muna tayo bumiyahe at kung gagawin naman po talaga natin ng tama ay kumuha na lang po tayo ng lehitimong dokumento.

Pagtiyagaan na lamang po natin, wala pong madaling solusyon diyan kundi mag-comply lamang at ng hindi po maantala ang kanilang biyahe dahil pagdating po nila sa ating mga pantalan at may mga kaukulan pong dala-dala pong pekeng dokumento iyong mga manlalakbay ang ginagawa po natin diyan, sila po ay iniendorso po natin sa PNP, sa Philippine National Police, para sila po ay iba-blotter dahil krimen po iyan, pamimeke po ng mga public document at maabala po talaga sila diyan at hindi na po sila makakabiyahe.

USEC. IGNACIO: Opo. GM, paanong paghihigpit po ang ginagawa ng Philippine Ports Authority para po sa seguridad ng mga pasahero at matiyak na nasusunod po itong minimum health protocols gaya po sa land transport. May sinusunod din po ba kayong limited seating capacity per vessel?

PPA GM SANTIAGO: Yes po USec. Rocky, hanggang ngayon ang kapasidad po ng ating mga terminal at ang ating mga sasakyang pandagat ay nasa 50% pa rin po no, hindi pa naman po nag-i-increase iyan at bagama’t tayo po sa PPA palagi po tayong naka-heighten alert mas nagbigay po tayo ng mandato sa ating mga port management offices na mas paigtingin pa po iyong mga security protocols at saka iyong security measures lalung-lalo na po ngayong darating na Undas ano kahit hindi po tayo umaasa ng malaking pagsipa ng volume ng mga pasahero.

Nandiyan pa rin po iyong siyempre pagtsi-check natin sa mga travel documents ng mga pasahero po ‘no para iyong mga requirements sa kanilang paglalakbay papunta sa mga destinasyon, nandiyan din po iyong sinisigurado po natin na sinusunod po nila iyong mga health protocols, katulad po ng social distancing, ng pagsusuot ng face mask at face shield.

At kung may mga problema naman po sila, USec. Rocky, either sa S-PaSS or sa ibang requirements po mayroon po tayong Malasakit Health Desk sa mga pantalan natin para matulungan po sila na ma-resolve iyong mga isyu o mga kakulangan sa kanilang paglalakbay po.

USEC. IGNACIO: Opo. GM, ang mga personnel po ba natin sa mga pantalan ay protektado na rin po ba mula sa COVID; ilang porsiyento na po ba ang nabakunahan na?

PPA GM SANTIAGO: Ay ikinatutuwa ko pong ibalita, USec. Rocky, para po sa PPA ano, kasama po dito iyong mga regular na empleyado, sa head office po at sa lahat po ng out ports po natin sa buong bansa pati po iyong mga job orders employee natin, nasa halos 95% na po tayo ng bakunado sa ating mga kasamang mga empleyado po sa PPA.

Bagama’t mayroon pa rin pong mangilan-ngilan na ano po no, medyo kinukumbinsi pa rin natin magpabakuna. Siyempre nirirespeto po natin iyong decision nila, pero ano po, patuloy po tayo sa pangugumbinsi at ready naman po iyong ating kapasidad para mabakunahan po iyong mga kawani natin sa PPA. Ano po, nasa sa kanila lang po iyong desisyon kung sila po ay makikibahagi sa solution po laban sa pandemya.

USEC. IGNACIO: Opo. GM, bukod sa passenger terminal, hawak ninyo din po iyong cargo vessel. Kumusta rin po ito ngayong lumalakas na muli iyong ekonomiya; wala po ba kayong nai-encounter na problema dito gaya po ng congestion lalo na at peak season na naman?

PPA GM SANTIAGO: So far po USec. Rocky, wala naman po tayong na-experience na congestion ano. Iyong pong yard utilization natin, ibig sabihin iyong dami po ng mga kargamento sa atin mga yarda, nasa optimum pa po siya o between 67 to 70% utilization pa lamang po tayo. Of course, ini-expect po natin na habang papalapit po tayo ng Kapaskuhan, ng holiday season medyo tataas po iyong volume ng kargamento natin, normal lamang po iyan.

Pero, nag-abiso na po tayo sa ating mga shippers ano, sa ating mga logistics provider na ano po mga ilang buwan na ang nakalipas na maghanda na po sila dahil nga po maliban dito sa Pilipinas nakaka-encounter din po tayo ng pagbagal po ng proseso doon po sa ibang tinatawag na transshipment hub sa ibang bayan po, sa ibang bansa at kailangan pong magplano silang maigi para po hindi maantala iyong kanilang mga shipment.

So, wala naman po tayong nakikitang challenge o magiging problema po sa mga kargamento sa mga darating pong linggo at ngayon patungo po sa Kapaskuhan USec. Rocky.

USEC. IGNACIO: Opo. GM, magandang balita naman po para sa ating mga kababayan natin diyan sa Bohol dahil ngayong araw po iyong inauguration ng 7 sea port projects sa probinsiya. Saan-saang mga lugar po ba ito at ano po iyong maaring asahan ng ating mga kababayan sa pagbubukas ng nasabing mga pantalan?

PPA GM SANTIAGO: Tama po kayo USec. Rocky. In fact, nandito po kami ngayon ni Secretary Art Tugade sa Bohol at inaantabayanan po natin iyong pag-inagura po ano, iyong pagpapasinaya ng 7 sea ports project po natin dito sa lalawigan po ng Bohol, dahil pasisinayaan po dito ng ating mahal na Pangulo, ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, mamayang hapon.

Ang mga bayan po kung nasaan po iyong ating mga projects, nandiyan po dito sa Tagbilaran, mayroon po tayong project sa Maribojoc, mayroon po tayong project sa Jagna, mayroon po tayong projects sa Looc sa Katagbakan at mayroon po tayong projects sa Talibon ano.

Iba-iba po ang aspeto nitong proyektong ito pero sinisigurado po namin na lahat po nitong proyektong ito ay talaga pong makakatulong at mag-i-improve po dito po sa connectivity po ng island province of Bohol hindi lamang po sa Central Visayas, sa Western Visayas, sa Eastern Visayas, pati po sa Northern Mindanao. Sentro po ng turismo ang island province ng Bohol at sentro rin po ng kalakalan po iyan ano; so, talaga pong sinusuportahan po natin iyong progreso po ng Bohol sa mga proyektong ito.

USEC. IGNACIO: Opo. GM, bukod po dito sa sea port projects sa Bohol may pantalan pa po ba na inaasahan bubuksan sa mga susunod na buwan at may mga up for bidding po ba for private sector; tama po ba ito?

PPA GM SANTIAGO: Tama po USec. Rocky. In fact, by next week po naka-schedule naman po tayo na mag-inaugurate po tayo ng expansion po ng ating pantalan sa Puerto Princesa sa Palawan, isasabay din po natin diyan iyong mga iba pa pong improvements sa mga ports po all around the province of Palawan and then subsequent to that po siguro sa makalawang linggo o sa susunod pang linggo sa Mindoro naman po tayo at pasisinayaan din po natin iyong lahat po ng mga proyektong natapos natin sa Mindoro po.

Maliban po diyan, kasalukuyan pong ini-improved po natin iyong serbisyo sa ating mga pantalan at iyan po ay tinatawag nating, parang bini-bid out po natin iyong operasyon ng mga pantalan para po mas maging professional at mas magkaroon po ng partisipasyon ang pribadong sector sa pagpapatakbo po ng mga pantalan natin.

Kasalukuyan po, Usec. Rocky, maibalita ko lamang na nasa mga 11 pantalan na po na major gateways ang ating napa-bid out at kung ikukumpara po ang kinita po ng pamahalaan sa nakalipas pong 15 taon, nasa halos 2.8 bilyon lamang po ang kinita po ng pamahalaan sa loob ng 15 taon dito sa mga pantalan na ito, sa 11. At sa susunod pong 15 taon, Usec. Rocky, dahil po 15 years contract po iyong bini-bid out natin, from 2.8 bilyon ang kikitain po ng pamahalaan dito ay nasa 13.2 bilyon po in the same period of time po, Usec. Rocky.

USEC. IGNACIO: Opo. Attorney kunin ko na lamang po iyong mensahe at paalala po ninyo para sa mga kababayan natin na bibiyahe at pupunta ng mga pantalan. Go ahead po, GM.

PPA GM SANTIAGO: Maraming salamat po, Usec. Rocky. Sana po, ang mahihiling po natin sa ating mga kababayan bagama’t po mag-u-Undas na at tama lamang po na alalahanin natin ang ating mga mahal na namayapa. Sarado pa rin naman po iyong mga sementeryo po ano, ipinag-utos po ng DILG at ng IATF, na sarado pa rin ang mga sementeryo sa a-primero po ng Nobyembre, so kung hindi din naman po talaga urgent ang ating pagbiyahe, maaari pa rin naman po nating alalahanin ang ating mga mahal sa buhay na namayapa sa seguridad po ng ating tahanan. Doon na lamang po tayo magdasal, doon na lamang po natin sila alalahanin. Pero, kung sila naman po talaga ay kailangang bumiyahe, pinapaalala po natin na siguraduhin po nila na kumpleto po ang kanilang dokumentasyon sa kanilang pagbiyahe at nang hindi po sila maantala.

And on top of that, Usec. Rocky, sa kanilang pagbibiyahe, pinapaalala po natin na sundin po nila iyon pong mga health protocols natin at travel protocols para po maging maayos po ang kanilang pagbibiyahe, kumbinyente at komportable.

USEC. IGNACIO: Okay. Maraming salamat po sa inyong panahon at impormasyon, Attorney Jay Santiago, ang General Manager ng Philippine Ports Authority.

PPA GM SANTIAGO: Maraming-maraming salamat po, Usec. Rocky. Mag-ingat po kayo lagi at mabuhay po kayo.

USEC. IGNACIO: Ngayon pong bisperas na ng [huling araw para sa] voters registration mahaba na ang pila sa isang mall sa Maynila para po makahabol sa deadline. Nakatutok doon si Karen Villanda. Karen?

[NEWS REPORT]

USEC. IGNACIO: Okay, maraming salamat sa iyong report, Karen Villanda.

Samantala, libu-libong mga residente mula sa ilang bayan sa Bohol ang sinuyod ng team ni Sen. Bong Go kamakailan. Namahagi sila ng mga ayuda habang livelihood assistance at scholarship naman ang ipinaabot ng mga ahensiya para sa mga kababayan nating Boholano. Narito ang report:

[NEWS REPORT]

USEC. IGNACIO: Para po sa Maynilad consumer sa Kalakhang Maynila at Cavite. Nakapag-imbak na po ba kayo ng tubig, simula na po ang water interruption ngayong araw na tatagal hanggang a-Uno ng Nobyembre. Para magbigay po ng karagdagang impormasyon kaugnay diyan, makakasama po natin si Grace Laxa, ang spokesperson po ng Maynilad Water Services Incorporated. Good morning po.

MAYNILAD SPOKESPERSON LAXA: Good morning Usec. Rocky, at sa lahat po ng ating tagasubaybay.

USEC. IGNACIO: Opo. Miss Grace, aling mga lugar at ilang barangay po ba ang inaasahang maapektuhan ng water interruption? Ito po ba ay rotational at kung rotational ilang oras kada araw po ang itatagal ng water interruption?

MAYNILAD SPOKESPERSON LAXA: Usec. Rocky, ito pong trabahong ito ay on-going na, ito po ay realignment along Sobriedad Street sa Sampaloc. Iyon pong dating October 25 to 28 inusog po namin ito ng October 29, ngayong araw na ito, hanggang November 1st po.

Ma’am, ang mga affected areas po ay Las Piñas, Makati, Manila, Parañaque City, Pasay, Bacoor, Cavite City, Imus, Kawit, Noveleta at Rosario Cavite. Ito po ay magsisimula ng alas-11:00 ng umaga po ngayon hanggang 11:59 ng gabi ng November 1st po iyan. Nakipag-ugnayan din po kasi kami sa DPWH at sa MWSS ukol dito at napagdesisyunan na iurong ang implementasyon para po sabay na rin sa Undas kung kailan karaniwang umuuwi ng probinsiya ang mga tao.

Kaya inaasahan po natin na maibsan po ang impact ng service interruption sa mga customer. Wala pong nagbago, Ma’am, sa apektadong mga barangay at sa duration ng service interruption, nagbago lang po ang date ng implementation.

Para po sa detalye, puwede po nila itong tingnan. Kasi po, Usec., iba-ibang oras po ito, depende sa lugar. So, mayroon po tayong lugar na 25 hours at mayroon din pong lugar na tatagal po hanggang 85 hours. So, puwede po nila itong tingnan sa atin pong mga social media account sa Facebook at Twitter o kaya po sa aming websites sa www.mayniladwater.com.ph o tumawag sa aming hotline sa 1626.

So, iyong gusto pong magpa-deliver kung hindi po sila nakapag-ipon. Pero po inasahan po natin, USec. Rocky—ang tagal po kasi naming nag-aanunsiyo at binigyan po ito ng pagkakataon pa para po mapaghandaan ng atin pong mga customers na mag-imbak ng tubig na sasapat po ng water interruption para sa lugar nila.

USEC. IGNACIO: Opo. Medyo matagal-tagal po kasi ang pagkawala ng tubig; Miss Grace, para lang po sa kaalaman ng publiko, bakit po ba kinakailangang magpatupad ng water interruption; possible pa po ba itong ma-extend after November 1st?

MAYNILAD SPOKESPERSON LAXA: Ganito po kasi, Usec. Rocky, kailangan naming ilihis iyong tubo namin doon sa Sobredad, kasi po madadaanan ng DPWH project, iyon pong kanilang flood control project. Kailangan po naming putulin iyong tubo namin doon sa 7 feet diameter pipe po at i-cross under iyong pipe natin, i-ilalim natin. So, mahalaga po itong proyekto ng DPWH, para po maibsan po iyong laging pagbaha diyan po sa Manila.

Sana po—tungkol po doon sa tanong ninyo, sana po wala pong maging problema at maging smooth po iyong trabaho, kasi po sinabay na rin po natin iyon pong parallel activities diyan po sa area. Mayroon po tayong mga leak repairs, saka mayroon tayong mga maintenance activity sa atin pong mga pumping station.

USEC. IGNACIO: Opo. Miss Grace, ano naman daw pong assistance ang pinaabot ng Maynilad para sa mga maapektuhang costumers, nakikipag-ugnayan din ba kayo sa mga LGUs tungkol dito?

MAYNILAD SPOKESPERSON LAXA: Nako, tama po kayo, USec., nakikipag-ugnayan kami sa ating mga barangay, sa ating LGU at sa ating Bureau of Fire Protection. Mayroon po kaming six dati na mobile water tankers, naging 65 po iyan. At iyon pong stationary waters umabot na po ng 16. So malaking bagay din po iyong naidagdag para po pang-ayuda, ito po iyong tulong na iikot po na mga water tankers sa atin pong mga lugar.

USEC. IGNACIO: Miss Grace, ano naman daw po iyong tips ninyo para sa ating mga kababayan pagdating po sa pagtitipid at tamang pag-iimbak ng tubig?

MAYNILAD SPOKESPERSON LAXA: Iyon naman pong pag-iimbak, siguraduhin po natin, iyon pong nakikinig na mga nanay po diyan, iyong mga naiiwan sa bahay, siguraduhin po natin na malinis po na lalagyan ang atin pong pag-iimbakan ng tubig, siguraduhin po itong may takip upang hindi pamahayan ng lamok. Huwag po natin ito ilagay sa naarawan na lugar at ilagay po natin siya doon po sa safe na lugar na malayo po sa mga chemicals o sa mga nakakalasong mga likido para po maiwasan natin ang aksidente.

Sa pagtitipid naman po, iyon pong ating mga ginamit na katulad po ng pinaghugasan ng mga prutas at gulay, puwede po natin itong pandilig. Iyon pong pinaglabahan, puwede po nating i-imbak at panlinis po ng kung saan-saan po natin, sa bakuran, iyan po puwede na tayong mag-recycle. At ugaliin po natin na kapag nagsisipilyo po tayo o nag-aahit, eh patayin po natin ang ating gripo at gumamit po ng baso. Iyon po ang mga tips natin, USec. Rocky, sana po makatulong po ito.

USEC. IGNACIO: Opo. Miss Grace, tanong po ng mga consumers, may aasahan po bang pagbaba sa singil ng tubig sa mga susunod na buwan?

MAYNILAD SPOKESPERSON LAXA: Sa ngayon po, hindi po kami nagtataas ng rates po natin, naka-lock po tayo, naka-freeze po tayo hanggang end of 2022; so, wala po tayong inaasahan. Iyon lamang pong FCDA natin eh hindi po siya nakakaapekto sa amin, ito po ay Foreign Currency Differential Adjustment, hindi po ito. Iyong rates po natin usually po iyan every five years, kapag ganoon po mayroon po tayong rate increase.

USEC. IGNACIO: Sa nakaambang na pagri-renew ng franchise po, ninyong mga water concessionaires. Ano po ang aasahan ng publiko sa panibagong taon na kayo po ay makakapagserbisyo sa publiko?

MAYNILAD SPOKESPERSON LAXA: USec. Rocky, malaking bagay po ito ‘no, kung ito po ay maaprubahan na, kung final na po, ito po ay malaking tulong sa atin pong mga costumers at sinisiguro po namin kami po ay maglilingkod at magbibigay ng malinis na tubig sa ating publiko. Iyon pong ating mga serbisyo ay patuloy nating pagagandahin para po naman makagaan sa atin pong buhay at tuluy-tuloy na malinis at potable na tubig para sa atin pong mamamayan.

USEC. IGNACIO: Opo. Miss Grace, kami po ay nagpapasalamat sa inyong panahon at pagpapaunlak sa aming programa. Miss Grace Laxa, tagapagsalita ng Maynilad Water Services Incorporated. Salamat po, Miss Grace!

MAYNILAD SPOKESPERSON LAXA: Salamat, USec., at magandang umaga.

USEC. IGNACIO: Samantala, alamin na natin ang pinakahuling balita sa iba’t ibang bahagi ng bansa, puntahan natin si Merry Ann Bastasa ng PBS-Radyo Pilipinas.

[NEWS REPORT]

USEC. IGNACIO: Maraming salamat sa iyo, Merry Ann Bastasa ng PBS-Radyo Pilipinas.

Mula naman po sa Cebu City may report din ang ating kasamahan na si John Aroa.

[NEWS REPORT]

USEC. IGNACIO: Makibalita naman tayo sa isinasagawang vaccination rollout sa Davao City. May report ang aming kasamang si Jay Lagang.

[NEWS REPORT]

USEC. IGNACIO: Maraming salamat sa iyo, Jay Lagang.

At iyan po ang mga balita at talakayang tampok namin ngayong araw. Ang public briefing po ay hatid sa inyo ng iba’t ibang sangay ng PCOO sa pakikipagtulungan ng Department of Health at kaisa ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP).

Mga kababayan, 57 days na lamang po at Pasko na. Ako po si Usec. Rocky Ignacio, magkita-kita po tayo ulit bukas dito lamang sa Public Briefing #LagingHandaPH.

###


News and Information Bureau-Data Processing Center