USEC. IGNACIO: Magandang umaga Pilipinas at sa lahat ng ating mga kababayan sa buong mundo. Ngayon po ay Miyerkules, April 7, 2021, muli tayong maghahatid ng mga balita at impormasyong kapakipakinabang sa publiko. Ako po ang inyong lingkod, Usec. Rocky Ignacio at ito ang Public Briefing #LagingHandaPH Vaccines Explained.
Pasadahan natin ang mga balita: Pinalalakas pa ng pamahalaan ang COVID-19 testing sa harap ng pagtaas ng bilang ng mga kaso nito partikular sa NCR Plus. Ayon kay Testing Czar Vice Dizon, umaabot na sa 52,000-average test per day ang nagagawa. Ang detalye mula kay Mela Lesmoras:
[NEWS REPORTING]
USEC. IGNACIO: Inutusan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang PhilHealth na sagutin na rin ang magagastos sa mga pasyenteng maa-admit sa mga bagong bukas na modular health facilities. Kasabay nito ay pakiusap din ng ilang ospital at ng Philippine Red Cross na bayaran na sila ng ahensiya. Ang detalye ng balitang iyan sa report na ito:
[NEWS REPORTING]
USEC. IGNACIO: Bahagya pong naantala ang pagbabakuna sa mga senior citizens sa ilang lungsod dito sa Metro Manila dahil po sa pagkaubos ng supply ng AstraZeneca vaccine na siya pong tanging bakuna na pinapayagan ng FDA para sa kanila. Kaya naman po tinitingnan ng ilang eksperto ang posibleng pagbibigay ng CoronaVac sa kanila, kaugnay niyan ay makakausap po natin si Dr. Nina Gloriani ng Vaccine Development Experts Panel. Magandang umaga po. Dr. Gloriani.
DR. GLORIANI: Magandang umaga po, Usec. Rocky.
USEC. IGNACIO: Doc., dahil may inaasahan nga pong delay sa pagdating ng AstraZeneca totoo po ba na nirirekomenda na ng experts panel natin iyong paggamit ng CoronaVac para hindi rin po ma-delay iyong vaccination para sa ating pong mga senior citizens?DR.GLORIANI: Yes, Usec. Rocky. Actually na-evaluate na namin siya before. If we look at the safety profile, ito we’re just talking about iyong senior citizens ‘no. Maganda ang kaniyang safety profile, mild to moderate ang mga signs and symptoms, ito ay base sa pag-aaral sa Brazil. Although kakaunti iyong mga senior na napasama doon sa study, around 400; sa China mayroon ding ganoong study, mga 422 naman na ganoon din, mild to moderate ang mga side effects. Usually, iyong pain lang sa injection site at headache that would last about 2 days eh tapos wala na. So maganda po iyong profile niya.
Ngayon siguro ang pinaka naging issue noon ay iyong efficacy niya na medyo mababa kasi nga kulang pa po iyong taong nag-participate doon sa trial. Pero ang maganda doon sa datos na nakita namin ay nakakaprotekta din siya sa mga – matatanda ha, na hindi sila nagkaroon ng severe COVID. So doon pa rin, iyong kagaya noong sinasabi natin sa ibang mga bakuna, puwedeng magkaroon ng mild pero hindi sila nagkaroon ng severe COVID. Kaya maganda po iyon kahit kakaunti iyong nakitang subjects.
But they’re still considering, of course trying to analyze more data as we go along. Ano pa ang puwede kong sabihin? Sa China po ay nagsimula na nitong March and mag-uumpisa na nang mas malawakan itong April iyong pagbakuna sa kanilang more than 60 years old na age group. Sa Indonesia ay nag-start na sa elderly na vaccination with Sinovac/CoronaVac noon pang February. So kailangan po sana tayo makaabot na rin kasi hindi natin puwedeng hintayin nang matagal iyong AstraZeneca.
USEC. IGNACIO: Pero, Doc, kapag iyong mga ganiyan, kakailanganin ba? Kasi parang mahirap din po na basta gawin iyong ganiyan ano Doc, pero iyong ganiyan po ba, may mga clinical trials para sa senior citizen? Paano po iyong magiging proseso ngayon para po ma-clear ang CoronaVac para sa senior citizens? Kasi sinasabi ninyo nga po na kakaunti iyong mga nabigyan ng CoronaVac and then hindi pa po nakukumpleto iyong third phase ano po although ginagamit na rin nang marami sa ibang bansa. So papaano po, katulad dati sa Pilipinas, so papaano po ang ating gagawing proseso? Kasi sinasabi nga po natin medyo nagkakaroon po ng delay ang ating bakuna para sa ating mga senior citizen.
DR. GLORIANI: Okay. Usec. Rocky alam ninyo ako, senior citizen. I’m 67 years old. I had my Sinovac vaccine one month ago so nakadalawang doses na po ako. So may waiver lang po ang ating mga senior citizens. I do not know if even the FDA may remove that kasi po nasa pandemya tayo ngayon at hindi po tayo puwedeng mag-delay nang mag-delay dahil iyong bakuna na hinihintay natin ay hindi pa dumadating. Kung ano po iyong mayroon tayo sana ay magamit na natin.
Now iyong sa kakulangan lang po iyon ng datos na puwede naman pong ma-extrapolate natin iyong data sa, kunwari doon sa 18 to 59 years old. Actually na-extrapolate na po ‘no. Kunwari doon sa antibodies na na-produce noong 18 to 59, ang mga antibodies po na na-produce noong elderly or more than 60 years old ay halos pareho. So may extrapolation na po doon na kung mas marami ang mati-test sana, lalabas na ang vaccine efficacy ay mataas din po sana. So iyon ‘yung ating titingnan.
So ang alam ko po ay maglalabas na rin soon ang FDA ng announcement about this. Ang Vaccine Expert Panel po ay nakapagrekomenda na na puwede siyang gamitin sa senior citizens.
USEC. IGNACIO: Ah, opo. Pero Doc, ikaw ay kukumustahin ko ano po. Ikaw ba po ay nakaranas ng side effects noong kayo ay tinurukan ng Sinovac at ano po itong mga side effects na naranasan ninyo?
DR. GLORIANI: Okay. Iyong first does ay pain lang talaga, pain dito sa left side ‘no, ang una left kung saan hindi ka dominant na arm ano. Which a few hours nakalimutan ko na, siguro dahil busy ako pero talagang wala na. Iyong second dose medyo may pain of course pero iyong mabigat. Pero ganoon din, mga 2-3 hours nawala na rin. Ginagalaw-galaw ko lang nawala na rin siya. So other than that, wala po akong naramdaman.
So I feel na, well, ako siguro iyong living example ng isang senior na nakakuha noong bakuna at mild na mild ang tawag natin po doon. Of course, I heard from my other colleagues na kaedad ko, iyong iba parang nagka-flu-like symptoms. Pero ganoon din po, within 1 to 2 days nawawala na po, nagri-resolve.
USEC. IGNACIO: Opo. Pero bilang isang doktor, iyong magkaroon ka ng flu-like na side effect, okay lang po ito Doc, ano?
DR. GLORIANI: Oo. Kasi ang mga bakuna ay talagang magkakaroon ng reaksiyon sa ating katawan. Ibig sabihin noon nakikita ng ating katawan na mayroong foreign body sa atin at iyong ating immune response ay nagsisimula nang mag-akto. So actually, mas maganda pa nga iyon na mayroon kayong nararamdaman basta hindi lang po siya sobrang severe or magtatagal. Usually ang ano natin diyan, mga 1 to 3 days dapat nawawala.
USEC. IGNACIO: Opo. Doc may parating daw pong Sputnik V vaccine galing sa Gamaleya by end of April. Ito po ba ay effective din sa ating mga senior citizens at sa mga may comorbidities?
DR. GLORIANI: Yes, Usec. Rocky. Ang Gamaleya or Sputnik V ay na-evaluate namin at maganda ang kaniyang vaccine efficacy, nasa 92% at may datos po sila sa elderly at mga may comorbidities. So puwede po siya.
USEC. IGNACIO: Opo. Pero kumusta naman po kaya iyong effectivity nga din nitong bakuna na ito sa mga bagong strain ng COVID-19 virus? At maski dito po sa CoronaVac, kumusta po?
DR. GLORIANI: Okay. Ang may mga datos sa variants, ibig sabihin iyong mga antibody generated against the original vaccines, iyong strain, ay medyo bumaba – kunwari sa Moderna, sa Pfizer, AstraZeneca, Novavax, Janssen – pero po hindi natin tinitingnan iyan as a deterrent to the vaccination program ‘no. If ever, ang mas kailangan po nating gawin ay paigtingin pa ngayon ang pagbabakuna para maunahan natin iyong pagkalat ng mga variants na iyan.
Pero sa ngayon, may ginagawa ang mga vaccine companies na ito na siyang mag-a-update sa bakuna but they may be available by next year pa. May kaunting bumaba, kung padadamihin pa natin itong mga variants na ito lalo tayong magkakaproblema po. Kaya importante po na ma-stop ang transmission habang tayo ay nagbabakuna at magpabakuna ang marami para ma-achieve natin iyong herd immunity.
USEC. IGNACIO: Opo. Doc, may paglilinaw lang pong tinanong si Joseph Morong ng GMA-7: Kung inirirekomenda po ng Vaccine Development Experts Panel na itong paggamit ng Sinovac sa ating mga senior citizens?
DR. GLORIANI: Yes. Actually, mayroon na kaming binigay na ganoong rekomendasyon. May kinu-consolidate na lamang pong mga datos si DG Domingo and I think he will eventually announce it. Kausap ko po siya kanina.
USEC. IGNACIO: So nakausap ninyo po si Usec. Domingo po tungkol dito po sa posibleng paggamit na ng Sinovac, ano po?
DR. GLORIANI: Opo. Mahaba ang aming rekomendasyon na, iyon nga, in view of the surge nitong mga kaso, importante po na matugunan natin ito sa pagbabakuna. Of course, isa lang siya pero nandiyan na iyan so gamitin na po kung ano ang mayroon tayo, iyon ang aming recommendation. Of course, we follow up, we monitor, like what we would do—
USEC. IGNACIO: Dok, paalala na lang po sa mga magpapabakuna lalo na po sa ating mga senior citizens?
DR. GLORIANI: Ano po, ma’am? Ano iyong sasabihin ko?
USEC. IGNACIO: Kunin ko na lang po iyong mga paalala ninyo sa mga gusto nang magpabakuna, magpapabakuna na ating mga senior citizens po.
DR. GLORIANI: Actually, Usec. Rocky, iyong mga kaibigan ko tanong na nang tanong ‘puwede na ba raw silang mag-Sinovac?’ ‘Yes,’ kako. ‘Kapag in-offer sa inyo, i-take ninyo na.’ Napaka [garbled] as far as my personal experience is concerned, napaka-mild niya at kailangan—alam ninyo, ito iyong buong virus na we hope na actually better pa nga ang kaniyang protection against the variants dahil buo siya kaysa doon sa subunit ‘no. Well, but of course, we will need more data on that.
So sana po magpabakuna na kayo. Huwag na pong magkaroon ng agam-agam; nakita po namin ang safety profile niya. Iyong immunogenicity, iyon pong antibodies ay hindi naman nalalayo sa na-produce nung mga bata doon sa phase 1 and phase 2 studies nila. At although may konting issue doon sa vaccine efficacy dahil kukonti lang po iyong na-analyze na data, we hope we can get more data eventually para mapakita na na ang kaniyang vaccine efficacy ay hindi na rin malalayo doon sa 18-to-59-year age group.
So, please, dahil po sa variants talaga pong nagmamadali tayo na maka-achieve ng herd immunity. Kung i-offer, tanggapin na po natin.
USEC. IGNACIO: Okay. Kami po ay nagpapasalamat sa inyong pagbibigay ng panahon po sa amin, ano po, Dr. Nina Gloriani ng Vaccine Development Experts Panel. Mabuhay po kayo! Salamat po.
DR. GLORIANI: Marami pong salamat, Usec. Rocky. Magandang umaga.
USEC. IGNACIO: Samantala, patuloy ang Lungsod ng Maynila sa pamamahagi nito ng cash aid sa mga residenteng apektado ng umiiral na Enhanced Community Quarantine. Ang Maynila po ang kauna-unahang LGU na nagsimulang magbigay ng cash assistance mula sa national government kahapon. Si Patrick de Jesus sa detalye. Patrick?
[NEWS REPORTING]
USEC. IGNACIO: Maraming salamat sa’yo, Patrick de Jesus. Ingat kayo diyan.
Samantala, ngayon pong unti-unti nang pinapalawig ng pamahalaan iyong pagbabakuna base po sa prioritization list ng NITAG, alamin po ang kasamang sektor na maaaring tumanggap ng COVID-19 vaccine, makakausap po natin si Dr. Minette Claire Rosario ng National Immunization Technical Advisory Group at isa pong infectious diseases expert. Magandang umaga po, Dr. Rosario.
DR. ROSARIO: Magandang umaga, Usec.
USEC. IGNACIO: Opo. Ma’am, unahin ko na lang po na…unahin natin itong linawin, Dok, ano po: So anu-anong grupo po ba mula sa priority list iyong pinapayagang bakunahan sa ngayon?
DR. ROSARIO: So iyong prioritization list natin ay A1, nag-A2 na rin po tayo – ito iyong mga senior citizens – tapos na sa A3 na po tayo – ito po iyong mga indibidwal na mayroong mga medical na condition or tinatawag nating comorbidities.
So sa ilalim po nitong A3, iyong may mga comorbidities, nakita po kasi sa halos lahat ng mga pag-aaral na kung sino po iyong mayroong mga karamdaman sa puso, may kondisyon sa baga, mayroon pong kidney conditions or iyong mga may bato, tapos pati iyong may condition sa liver. Kasama na rin po iyong sa cardiovascular diseases, iyong mga pasyenteng sinasabing may diabetes, iyan po iyong mga magiging kasama sa top priority list po ng A3.
USEC. IGNACIO: Opo. Dok, ito po bang simultaneous na pagbabakuna ay advisable lang din na gawin muna sa ika nga ay COVID-19 hotspots gaya po ng NCR Plus? Ibig sabihin po ba ay hindi pa ito dapat gawin outside the bubble?
DR. ROSARIO: Actually, kung para po—kanina kasi sinabi ni Dr. Gloriani na dahil nga nasa pandemya tayo, mas importante na masuplong iyong pagkalat ng variants. So ang gusto nating mangyari is mabigyan ng bakuna ang mga pasyenteng nasa priority list, as long as supply is adequate. So kung puwede, even outside iyong NCR ay mas maganda pong mabakunahan iyong may mga comorbidities din.
USEC. IGNACIO: Opo. Ngayon pong binabakunahan na rin iyong mga may comorbidities, ano po, bukod sa mga senior citizens, so ilang po sa kanila lalo na iyong mga walk-in lang ay nagkaproblema raw po, Dok, sa mga required documents. Kaya ang nangyayari po, pinababalik po raw sila sa ibang araw. So puwede po bang pakiulit, Dok, kung anu-ano raw iyong mga dokumentong mahalagang i-present po sa vaccinators? At ano naman po ang mga dokumentong okay lang kahit hindi na hingin sa pagbabakuna?
DR. ROSARIO: Iyong kasama rin kasi sa mga may comorbidity, maliban doon sa nabanggit ko na iyong mga pasyenteng may HIV, iyong may auto-immune disease or kaya iyong mga pasyenteng may sinasabing lupus, rheumatoid arthritis. Ito kasi iyong mga pasyenteng nagtatanggap din ng sinasabing immunosuppressive na gamot. So kasama rin po dito iyong mga transplant patients o kaya iyong mga pasyente pong nagkaroon ng cancer na may plano magtanggap ng chemotherapy or iyong nakatanggap na ng chemotherapy.
So hindi puwede kasi na mag-walk-in lang. Kailangan na-discuss or napag-usapan po ng pasyente at saka ng doktor niya na ano ba iyong magiging benefit or makukuha nilang benepisyo mula doon sa bakuna, at ano iyong puwedeng maging side effects. So kunwari ako, tumatanggap ako ng steroids, ang mangyayari kasi diyan would be ang steroids ay puwedeng pababain iyong kakayanan ng katawan makagawa ng panlaban.
So ang diskusyon na dapat mangyari sa pagitan ng pasyente at saka ng doktor niya is ano ba iyong magiging bisa sa pasyente; ang expectation ay hindi kasing bisa nung nababalitaang bisa ng pasyenteng nakatanggap ng bakuna tapos iyong pasyente na iyon ay wala namang medikal na kundisyon. At the same time kailangang ipaliwanag din sa pasyente [garbled] effects.
So bale parang ano iyan, ipapaliwanag na mayroon kang benefit na makukuha, hindi ganoon kataas katulad nung naibabalita sa mga trial kasi nga wala naman silang masyadong [garbled]
USEC. IGNACIO: Opo, Dok? Medyo napuputol po kayo. Dok, ita-try po namin kayong balikan. Dok, naririnig ninyo po ba ulit ako? Opo, susubukan po nating balikan si Dr. Rosario. So balikan na natin, okay na iyong linya ng komunikasyon natin kay Doc Rosario? Doctor?
DR. ROSARIO: Yes, yes.
USEC. IGNACIO: Pasensiya na po medyo nag-choppy po iyong sinabi ninyo kanina. So pakilinaw lang po ulit iyong sinasabi ninyo, kasi nga iyong iba talagang nagwo-walk in. So sinabi nga po ninyo medyo mahirap gawin iyan dahil talagang ang kailangang tinitingnan ninyo, ng ating mga expert o ng doctor o ng vaccinators, iyong masiguro na talagang tatanggapin ng kanilang katawan ito pong mga vaccine na ituturok sa kanila, ano po?
DR. ROSARIO: Opo, tama po iyan Usec. So, kailangan sa certification na galing doon sa kanilang doctor naka-indicate po kung ano na ang estado noong karamdaman ng pasyente o ng medical condition (garbled) at ano na po usually doon sa mga mayroong (garbled) sasabihin kung ano po iyong sinasabing disease activity. Kanina lang may pasyente na nag-request ng certification (garbled). It is a certificate ng estado ng kondisyon and anong gamot complied, tuluy-tuloy po ba ang pag-inom ng gamot, tapos (garbled)
USEC. IGNACIO: Doc, may tanong ang ibang kasamahan natin sa media ano po, may tanong po ni Red Mendoza ng Manila Times: Sa debate ngayon sa Ivermectin ang nagiging aching cream ngayon is iyon daw pong desperation ng ating mga tao na makakuha ng cure. Ano po ang inyong advice ng lahat ng tao na ngayon ay sumusubok daw po ng mga hindi proven na gamot para ma-cure iyong COVID-19?
DR. ROSARIO: May study diyan ang Philippine Society for Microbiology and Infectious Diseases pati iyong sa Philippine College of Physicians, naglabas na po ng statement na mas maganda po na nasa clinical trial. So, kung iyong lahat po ng nag-a-advocate para sa gamot na iyan ay mas maganda na mayroon ngang pagsusuri na nangyayari kaysa iyong paisa-isang sasabihin na inumin ninyo iyong gamot, okay. Mayroon din kasi kailangang parang bakuna eh, kailangang may diskusyon na nangyari, kasama noong doktor nila na ano ba iyong puwedeng maging side effect? Baka naman may nagamot nga kung bisa man, pero nagkaroon naman ng side effect mahirap na rin po iyon.
Basta ang sinasabi po namin. Puwede namang maiba iyong aming stand regarding iyong Ivermectin, pero sa ngayon, hindi po talaga nakakakita na mayroon siyang bisa, pati iyong mga pagsusuri sa WHO nakalagay na rin po. Mayroon silang statement na inilabas noong ika-31 ng Marso na wala talaga silang nakikitang mechanics paano ba nangyayari iyong sinasabi na magkakabisa iyong Ivermectin para sa COVID-19.
USEC. IGNACIO: Tanong pa rin po ni Red Mendoza ng Manila Times: Mas maraming mas bata daw po ang naapektuhan ng COVID-19 ngayon. Sa tingin po ba ninyo isa itong indikasyon noon daw pong pagkalat ng variant dito sa bansa?
DR. ROSARIO: Iyong pagkakaroon po ng parang mas batang populasyon na naapektuhan ngayon, pareho lang din iyong mga naging dahilan nagpawalang-bisa na po doon sa minimum public health standard na sinasabi natin, nagsipasukan na, hindi nagsuot ng tamang pagsusuot ng face mask, face shield, hindi nagdidistansiya – halo-halo na po ito, kasama na rin po sa variants po iyan.
USEC. IGNACIO: Doc, may tanong po si Joseph Morong ng GMA News, ito po ang tanong niya: Kailan po daw dapat mabakunahan ang isang COVID patient? At paano po ang mangyayari kung hindi dumating nag AstraZeneca supply? Paano po ang nabigyan na ng first dose ng AstraZeneca, ano po iyong puwedeng pamalit o kailangan po ba may kapalit?
DR. ROSARIO: Sagutin ko muna iyong tanong, iyong pasyenteng nagka-COVID-19 ang dapat po diyan immediately after recovery, ibig sabihin gumaling na po iyong pasyente, nasabi na po na gumaling na, iyan na naman may certification na naman po, tapos na-complete po niya iyong criteria for isolation or quarantine kung asymptomatic siya na positive. Tapos iyong pangalawang tanong po, kung nabakunahan na ng AstraZeneca vaccine tapos hindi po available iyong second dose. Ang kagandahan kasi ng AstraZeneca vaccine ay parang mas matagal ang pagitan between two doses, mas maganda po iyong efficacy niya.
So kung ang expected delivery po ay hindi April or dumating man siya ng last week of May maganda pa rin po na isunod na iyong dose by June. Pero iyong sinasabi na gagamit ng ibang bakuna, ibang vaccine platform type na sinasabi, puwede iyan in theory pero iyong epekto o iyong bisa ng paggamit ng magkaibang klase ng bakuna, hindi pa po iyan tapos sa pagsusuri, pero may gumagawa na rin po ng pagsusuri, Usec.
USEC. IGNACIO: Opo, tanong naman po ni Sam Medenilla ng Business Mirror: Posible po kayang maka-achieve ang bansa ng herd immunity kahit hindi pa nakaka-prevent sa transmission ang current generation of COVID-19 vaccine?
DR. ROSARIO: Kung ang tanong ay mixed ng natural immunity at saka ng immunity from vaccination mahirap po iyan aralin, pero kunwari gusto natin ng immunity or herd immunity mula sa bakuna, iyong computation or iyong nakitang bilang para magkaroon tayo ng herd immunity na iyon, medyo mataas eh, nasa 60 to 70% dapat noong buong population ng Pilipinas. So I think nasa 60 to 70 million.
USEC. IGNACIO: Tanong po ni Jo Montemayor ng Malaya: Ma’am, saan po included na category ang PWD?
DR. ROSARIO: PWD, kung mayroon silang mga comorbidity, kasama na po sila sa A3.
USEC. IGNACIO: Okay, so malinaw po na kasama ang PWD ay nasa A3 po.
DR. ROSARIO: Opo. Kasi karaniwan sila din ang mayroong medical na condition na sasabihin may kumplikasyon lalo na iyong diabetes. Mayroon din po diyan iyong ibang pasyente nagkaroon ng pagkawala ng paningin or blurring of vision or blindness dahil sa ibang comorbidities lalo ng diabetes po.
USEC. IGNACIO: Opo. Tanong pa rin po ni Joseph Morong ng GMA News: Target po ng NTF ay herd immunity sa National Capital Region, puwede po bang itong strategy na ito?
DR. ROSARIO: Puwede naman po kasi nandito halos lahat ng pangyayari. Pero sabi ko nga earlier hindi naman ito, hindi ako familiar kung ilan ang tao sa NCR, pero dapat 60 to 70% noong populasyon ng NCR dapat na-target po iyon para masabing magkaroon ng herd immunity sa NCR lang.
USEC. IGNACIO: Kami po ay nagpapasalamat sa inyong panahon at siyempre sa inyong pagpapaliwanag ngayong Umaga, Dr. Minette Claire Rosario. Maraming salamat po sa inyong panahon. Mabuhay po kayo. Sa mga susunod iimbitahin pa rin namin kayo, Doc ha.
DR. ROSARIO: Thank you, Usec.
USEC. IGNACIO: Sinabi po ng ilang eksperto na kailangan munang dumaan sa clinical trial ang anti-parasitic drug na Ivermectin kahit na ligtas itong gamitin kontra COVID-19. Pero ayon po kay Dr. Rontgene Solante, isang infectious disease expert, posibleng makaranas ng side effects ang bibigyan nito kung hindi tama ang dosage. Kung papayagan ba umano itong gamitin sa COVID-19 patients ay dapat may prescription pa rin mula sa doktor.
Nanawagan naman nang Malacañang sa publiko na hintayin muna ang go signal ng Food and Drug Administration bago subukan ang Ivermectin bilang gamot kontra COVID-19. Ganito rin po ang pananaw ng ekspertong si Dr. Salvaña. Bagama’t aminado siyang nasubukan ito ng isa niyang pasyente pero hindi, aniya, bilang panlaban sa COVID-19, kung hindi sa ibang sakit.
[VTR]
USEC. IGNACIO: Distribusyon ng ayuda mula sa national government sa mga residente ng Parañaque City na apektado ng Enhanced Community Quarantine sinimulan na po. Mahigpit na health protocols ipinatutupad. Ang sitwasyon alamin natin mula kay Naomi Tiburcio:
[NEWS REPORT]
USEC. IGNACIO: Maraming salamat sa iyo, Naomi Tiburcio.
Samantala, nadagdagan naman ng 9,373 ang mga bagong nahawahan ng COVID-19 sa bansa kaya umakyat po ito sa 812,760 ang kabuuang bilang nito. 79.5% ng total cases, kabuuang gumaling o katumbas ng 646,381 matapos itong madagdagan nang higit sa tatlong daan kahapon; 382 naman po ang nasawi kaya naging 13,817 ang total deaths, katumbas lang ito ng 1.70% ng kabuuang kaso ng COVID-19.
152,562 ang cases na nananatiling aktibo o 18.8% ng total cases. Nasa 97.5% nito ay mild, 1.1% ang asymptomatic, 0.5% ang critical, 0.5% ang severe at 0.31% ang moderate cases.
Muli po kaming nagpapaalala na manatili tayo sa ating mga bahay kung hindi naman po kailangang lumabas. Kung makakaranas po ng sintomas ay kayo po ay makipag-ugnayan sa Barangay Health Emergency Response Team o ‘di kaya ay tumawag sa One Hospital Command Center o sa emergency COVID hotlines ng mga lokal na pamahalaan.
Bukod po sa COVID-19, dagdag pang pasakit sa ating mga kababayan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin tulad ng karneng baboy dahil umano sa pagmamanipula na ginagawa ng ilang grupo. At hindi lang po iyan, nagkaroon din daw po ‘di umano ng monopolya ng internet service sa ilang lugar. Ang mga ganitong klase po nang pagsasamantala ang tinututukan po ng Philippine Competition Commission at para po mas makilala ang ahensiyang ito, makakausap po natin si Commissioner Johannes Bernabe. Good morning, Commissioner.
COMMISSIONER BERNABE: Magandang umaga rin po at sa inyong mga nakikinig.
USEC. IGNACIO: Opo. Welcome po sa Laging Handa Public Briefing ano po. Unahin na natin, ano po ba ang Philippine Competition Commission at ano po iyong pangunahing mandato nito?
COMMISSIONER BERNABE: Ito po ang ahensiyang itinayo noong 2016 ng ating pamahalaan, ng ating Lehislatura para bantayan ang mga nagtatangkang abusuhin ang kanilang pagiging malaki sa merkado, para habulin ang mga gumagawa ng cartel or price fixing activities ika nga; at para po bantayan iyong ating mga malalaking transaction na maaaring magresulta sa mga mas maliliit na kumpanyang hindi makakapasok sa merkado – ito po iyong tinatawag nating pag-review ng mga mergers and acquisitions.
USEC. IGNACIO: Opo. Kung mainly po ay tungkol nga sa mga produkto at serbisyo iyong binabantayan ninyo ano po, kayo po ba ay kakaiba pa o katuwang po ng Department of Trade and Industry dito po sa pagresolba ng mga issue na ganito? At paano po kayo nakikipagtulungan sa kanila para naman po protektahan iyong interes ng ating mga consumer, Commissioner?
COMMISSIONER BERNABE: Tayo po ay independent na ahensiya ano po. Hindi po tayo nakatali or nakasanib sa Department of Trade and Industry or sa Department of Justice. Tayo po ay nakatayong nag-iisang ahensiya na binigyan ng mandato para bantayan ito ngang mga aktibidades at itong mga gawain sa merkado na maaaring makaipit sa mga gustong pumasok at magkompetensiya.
At siyempre po ang ating pakay sa lahat ng ito ay paniguraduhin na ang ating mga consumers, tayo pong lahat ay makikinabang sa mas mababang presyo, sa mas de-kalidad na serbisyo at mga pamilihin at siguraduhing iyong tinatawag nating innovation or bago at kakaibang pamamaraan at mga produkto ay siguradong makakarating sa ating mga merkado.
Ngayon po kami naman ay kahit na independent mula sa DTI, tayo po ay laging nakikipag-coordinate sa kanila. Sila po ay nagri-refer sa atin ng mga problema rin na nakikita nila, halimbawa na nga po kung may nakikita silang parang aberya sa merkado. Halimbawa tingin nila masyado yatang may kataasan ang presyong itsina-charge para sa mga umaangkat ng, halimbawa, mga produkto galing sa ibang bansa sa pamamagitan ng barko halimbawa. So kung mayroon pong mga excessive or labis na paniningil tungkol sa pag-angkat ng mga bilihin gamit ang mga barko, ito po ay atin nang tiningnan. At dahil dito po sa pag-endorse sa atin ng problemang nabanggit na iyon ng DTI.
Ang iba pong ahensiya ay mayroon din tayong kaugnayan. Halimbawa ito pong nabanggit ninyo kanina na usapin tungkol sa mataas na presyo ng baboy, ng pork prices ika nga po ano. Ito naman ay sa ilalim ng Department of Agriculture. At tayo po ay kasama doon sa task force na binuo kasama ang Department of Agriculture, ang DTI, ang Department of Justice, ang NBI. At tayo pong lahat ay nagtutulung-tulong para malaman kung ano ang pinagmumulan nitong mataas na presyo at kung ano ang kailangan na solusyon para po ang ating mga mamamayan, ang ating consumers ay hindi na masyadong mahirapan dito sa pagtaas ng presyo.
USEC. IGNACIO: Opo. Pero, Commissioner, totoo bang may cartel na nagkukontrol ng supply ng karne kaya ganito raw po kataas ang presyo ng baboy?
PCC COMMISSIONER BERNABE: Iyan po ay ating iniimbestigahan. Hindi po natin puwedeng sabihin na mayroon o wala sa panahon ngayon, ano po. Kung atin pong uusisain, ang cartel ay kailangan mayroong kasunduan; mayroon pong collusion or agreement ang mga nangangalakal para i-fix or itakda ang presyo ng pagbenta ng mga produktong karne.
So kailangan po nating makita kung mayroon nga bang ganitong klaseng ugnayan, at ito po ay kailangan ng imbestigasyon. Hindi po ito maaaring sabi-sabihin lang natin at, ganoon na nga, at sabihin nating may cartel. Ito po kailangan ng tulung-tulong na efforts at trabaho ng NBI, ng DTI, DA at ng PCC na rin po.
USEC. IGNACIO: Opo. Commissioner, ano po iyong ibinahaging policy position ng PCC sa Department of Agriculture at maging kay President Duterte hinggil sa isyung ito?
PCC COMMISSIONER BERNABE: Ito po ay maraming pinagmumulan, ano po. Sa ating initial na imbestigasyon, ang ating tinitingnan ay mayroon bang na reglamento na naglilimita sa pag-angkat ng mga karne mula sa ibang bansa. Mayroon pong tinatawag na minimum access volume, ano po, na sa ngayon ay limitado yata sa 54,000 metric tons, kung hindi ako nagkakamali. At mayroon pong mga mungkahi na ito ay itaas para masolusyunan kahit na sa panandaliang panahon, itong kakulangan ng karne na kailangan ng ating mamamayan.
So ito po ay aming sinusuportahan, ito po ay ating tinitingnan kung ano iyong tamang volume na kailangang payagan na iangkat at ipasok dito sa Pilipinas para magkaroon ng pagbaba ng presyo.
Ngunit hindi lamang po ito ang solusyon. Kagaya nang nabanggit natin kanina, tayo ay parte ng task force na umuusisa kung mayroon bang mga kasunduan, kung mayroon bang kaugnayan ang mga participants, ang mga nangangalakal dito sa merkado tungkol sa karne, kung sila po ba ay nagkakasundo para i-fix or itakda ang presyo ng bilihin ng karne. At ito po ay, uulitin natin, pinagbabawal ayon sa batas ng Philippine Competition Act; at ito po ay ating iniimbestigahan.
Ganoon pa rin po, atin ding tinitingnan: Mayroon bang mga hindi naman nagkakaugnayan or hindi naman nagkakartel, ano po. Pero sa sarili nilang practice, mayroon po bang nagho-hoard, mayroon po bang hindi naglalabas ng kanilang imbentaryo para hintayin at mamanipula ang mga presyo na tumaas bago nila ilabas sa merkado ang kanilang tinatagong inventory or imbentorya ng karne. At ito po, kahit na hindi naman sakop ng PCC, kung sila ay hindi naman nakikipag-ugnayan sa ibang mangangalakal, ganoon pa rin, ito po ay ipinagbabawal sa ating price act, ano po, na ang pangunahing ahensiya na may hurisdiksyon dito ay ang DTI. Pero ganoon pa man, tayo ay tumutulong pa rin sa DTI para ungkatin kung mayroong ngang ganitong nangyayari. At atin pong ginagawa ang lahat ng imbestigasyon na ganito para siguraduhin na mapababa ang presyo ng bilihing karne sa merkado.
USEC. IGNACIO: Opo. Commissioner, may tanong po si Celerina Monte ng Manila Shimbun para sa inyo. Basahin ko na lang po, if I may. Ang tanong po niya: We are experiencing increased pork prices since late last year. Up to now po ba ay nasa imbestigasyon pa rin kung may kartel o wala? Hindi ho ba masyadong mabagal ang kilos para malaman kung may kartel o wala?
PCC COMMISSIONER BERNABE: Ito po ay kailangan nating i-emphasize, ano po, na hindi naman kumikilos ang PCC nang pansarili lamang. Tayo po ay parte ng task force na nagko-coordinate tungkol sa bagay na ito. Iyong usapin po ng kartel ay siguro po kung tayo ay hindi nasa pandemic, kung tayo po ay hindi naka-quarantine at lockdown, mas madaling umikot ang ating mga tao.
Pero atin po sanang unawain na dahil sa lockdown, nahihirapan din po ang ating mga imbestigador na umikot sa iba’t ibang parte ng Pilipinas para usisain kung mayroon ngang ganitong kasunduan or ganitong kartel na nangyayari.
Ang karagdagan po rito ay hindi rin po nag-iisa ang PCC sa pagsiyasat ng bagay na ito. Ang atin pong Senado ay nagpaimbestiga na; ang atin pong iba’t ibang ahensiya ng gobyerno ay tumitingin sa iba’t ibang aspeto ng dahilan kung bakit nagkaroon ng mataas na presyo sa bilihin ng karne. Ito pong sinasabing kartel ay isa lamang sa posibleng anggulo, isa lamang sa posibleng nangyayari kung bakit tumataas ang presyo ng karne.
USEC. IGNACIO: Opo. May tanong po si Sam Medenilla ng Business Mirror: Ano po ang initial result ng investigation po ng PCC sa alleged pork cartel? At ano po ang naging recommendation nito sa Office of the President?
PCC COMMISSIONER BERNABE: Ito po ay patuloy pa nating iniimbestigahan, ano. At sabi ko nga, tayo ay parte ng isang task force. Hindi naman po kami lamang ang nagsisiyasat at nag-iimbestiga rito. Tayo po ay nakikipag-coordinate sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno para maungkat kung ano talaga ang pinagmumulan at ano iyong mga iba’t ibang dahilan kung bakit mayroon tayong mataas na presyo ng bilihin ukol sa karne.
Ngayon po, ang ating rekomendasyon naman sa task force ay, iyon nga, iba’t ibang measure, policy measures katulad nga noong pag-i-increase sa minimum access volume, pagbantay kung mayroon nga ba na kailangang baguhin sa pag-isyu ng mga permits sa pag-angkat para ito ay hindi napupunta lamang sa kamay ng iilan, para ito ay mapunta sa karamihan na mga qualified na importers na para naman hindi ito nakukontrol ng iilang negosyante lamang.
So ito po ay parte ng ating tinatawag na holistic approach. Ibig sabihin po, hindi lamang tinitingnan iyong kartel, hindi lamang tinitingnan iyong import policy natin, pero lahat ng posibleng anggulo at posibleng measures at solusyon na ating mairekomenda na aayon para masolusyunan ang problema ng pagtaas ng presyo.
USEC. IGNACIO: Okay. Kami po ay nagpapasalamat sa inyong panahon, PCC Commissioner Johannes Bernabe. Mabuhay po kayo, sir!
PCC COMMISSIONER BERNABE: Maraming salamat din po.
USEC. IGNACIO: Samantala, muling namahagi ng tulong si Senator Bong Go kasama po ang iba pang ahensiya ng pamahalaan sa mga kababayan natin sa Surigao del Sur at Surigao del Norte na nasalanta po ng Bagyong Auring noong buwan ng Pebrero. Narito po ang detalye:
[VTR]
USEC. IGNACIO: Binigyan po ng libreng swab test ang mga stall owner at market vendors sa Buhangin Public Market sa Davao City. Ito po ay para paigtingin ang pag-detect at pag-isolate sa mga taong mahawahan ng virus. Ang report ay ihahatid ni Jay Lagang live:
[NEWS REPORT]
USEC. IGNACIO: Maraming salamat sa iyo, Jay Lagang ng PTV-Davao.
Samantala, search for Ten Outstanding Punong Barangay sa Baguio City nagpapatuloy. Ang good news ihahatid ni Alah Sungduan. Alah?
[NEWS REPORT]
USEC. IGNACIO: Maraming salamat sa iyo Alah Sungduan.
At dito po nagtatapos ang ating programa sa araw na ito. Ako po ang inyong lingkod, Usec. Rocky Ignacio. Mag-ingat po tayong lahat.
Ito po ang Public Briefing #LagingHandaPH.
##
—
News and Information Bureau-Data Processing Center