USEC. IGNACIO: Magandang umaga Pilipinas. Ako po si Usec. Rocky Ignacio, hindi pa po tapos ang ating pagsubaybay sa hatol ng bayan dahil atin pa ring binabantayan sa araw na ito ang counting ng votes mula po sa iba’t ibang precincts sa bansa. Atin ding babalikan ang mga naging kaganapan kahapon kasama ang ilang panauhin natin mula po sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno.
Atin na pong umpisahan ang talakayan dito sa Public Briefing #LagingHandaPH para sa hatol ng bayan.
Kumustahin natin ang mga naging kaganapan sa nangyaring botohan kahapon. Makakasama natin ngayong umaga sa talakayan si Commissioner George Garcia mula po sa Commission on Elections. Magandang umaga po, Commissioner.
COMELEC COMMISSIONER GARCIA: Magandang umaga po, Usec., at sa lahat po ng nakasubaybay [garbled].
USEC. IGNACIO: Opo. Commissioner, diretso na po tayo sa unang tanong. Ano po ang initial assessment ninyo sa nangyaring botohan kahapon?
COMELEC COMMISSIONER GARCIA: [Unclear] ginaganap na mga ganiyang klaseng event. Ito po’y isang generally peaceful election at kung mayroon mang mga konting alingasngas, may kokonti pong ilang nangyari, ‘ayan po naman ay generally pa rin ‘pag tiningnan ninyo ay napaka-successful, napakabilis ng result na lumalabas sa ating mga transparency server nitong halalan na ito.
USEC. IGNACIO: Pero, Commissioner, kung ikukumpara po sa nagdaang eleksiyon, ano daw po iyong na-observe ninyo [na] dati nang mga problema at ano naman po iyong lumitaw na bagong problema at isyu sa buong proseso po ng nangyaring botohan?
COMELEC COMMISSIONER GARCIA: Ito po, ang dati pa ring problema, iyong pamimili ng mga boto ng ilan nating mga kandidato pero at the same time, pati po iyong pagku-commit ng ilan lang po naman na lugar ng violence. Pero ikumpara po natin sa lahat na ng eleksiyon, noong mga nakaraan, ito po ang pinakamatahimik as regards sa violence at saka issue ng terrorism.
Ano po iyong mga bagong sumulpot? Siyempre po iyong mga bagong sumulpot na problema, iyong madami na pong mga makina, hindi naman—kukumpara pa rin doon sa 106,174 na nakita natin ay mga pumalya po at may mga nagkaproblema. Pero hindi po ito ganoon kadami kumpara po doon sa bilang na iyon. The reason is because sadya po talaga, Usec., matatanda na po kasi itong mga makina nating ito pero nakapagbilang nang maayos, nakapag-transmit na kaagad nang mabilis naman iyong mga makina na iyan.
USEC. IGNACIO: Opo. Pero, Commissioner, simula po kahapon marami po iyong mga nagsuplong sa social media na tumatagal ang paghihintay at proseso ng pagboto dahil po sa umano’y pagkasira ng mga VCM. Ilan po iyong ulit—pakiulit po iyong total number daw po ng VCM na nasira.
COMELEC COMMISSIONER GARCIA: Iyon pong may mga nagkaroon ng issue, hindi po talaga nasira – nagkaroon ng issue ay kulang-kulang po, mga 1,800 po iyan hanggang 1,900. Subalit iyon po ay hindi naman iyon major issue ng repair – katulad halimbawa [ay] nagkaproblema lang sa scanner, hindi lang maipasok iyong balota kagabi, niri-reject… pagkatapos mayroong iba pong mga machine na nag-iinit, iyon pala kailangan lang ng electric fan. So ibig sabihin po, itong mga naging problemang iyon ay naayos naman po lahat na diyan sa level sa technician ng atin pong bawat polling places. Iyon pong mga machine na kinakailangan talaga, walang choice, palitan ay hindi po ganoon kadami iyan. Sabihin na po natin kahit umabot ng 200 iyan, hindi naman po ganoon kadami iyan.
Ngayon po, iyon pong dahilan kung bakit napakatagal, napakahaba ng pila… sa totoo lang po ay 5:30 pa lang ay ako’y nasa isang polling place na, nag-iikot po ako – nakita ko po na tatlong kanto po ang haba ng pila. Hindi po nasisira ang machine pero tatlong kanto po ang haba ng pila. Bakit? Sadya po talagang ganoon kataas ang kagustuhan ng mga kababayan nating makaboto – number one po.
Number two, pagdating po kasi sa gate ay nili-limit po iyong pagpasok po doon dahil una po, kinukuhanan muna sila ng temperature check, inaalam muna kung mayroon silang mga nararamdaman. Tapos at the same time po ay bini-verify pa po kasi ng iba, ng kababayan natin doon sa voter’s assistance desk. So ibig sabihin, iyong pagpasok po kasi ng mga tao ay nalilimitahan dahil tatandaan po natin, tayo po ay nasa pandemya.
Again, tayo po ay may COVID-19 pa, pero sa bandang huli naman po ay nakapasok ang ating mga kababayan at hindi po kadahilanan iyong mga makina na nagkaroon ng problema. Dahil ang atin po namang instruction, ‘pag nagkaproblema ang makina… ang plan B na nakalagay sa guidelines natin, pabotohin pa rin ang mga botante habang kinukumpuni/inaayos ang makina. Kung hindi man, dadalhin sa repair hub natin. At alangan naman pong hintayin natin iyong pagbalik noon? Eh paano kung dalawang oras/tatlong oras hindi pa natatapos? So ang ginawa po natin, pinatuloy po natin ang pagboto.
Doon naman po sa ilang presinto na nasira talaga iyong mga makina, ang ginawa po natin, pinadala kaagad natin iyong contingency machine na pamalit doon sa mga makinang nasira na iyan habang ginagawa iyong mga naka-assign talaga sa presinto. Bakit? Para po hindi magkaproblema sa flow po ng mga taong bumuboto sa presinto.
USEC. IGNACIO: Opo. Commissioner, may lumabas din po sa social media na umano’y acts of violence during the elections. Ano po ang naging aksiyon ninyo dito at ano daw po iyong naging pakikipag-ugnayan ninyo sa ibang ahensiya ng gobyerno?
COMELEC COMMISSIONER GARCIA: Doon po sa isang lugar diyan sa may area ng Mindanao, naaresto po iyong pinaghihinalaan na responsible, lalung-lalo na sa pamamaril noong ilan nating kababayan doon na ikinasawi po, kung hindi ako nagkakamali, ng tatlo. At ang atin pong Armed Forces of the Philippines sa pakikipagtulungan po sa ating Philippine National Police ay kasalukuyan pong in hot pursuit operation doon po sa maaaring responsible diyan sa violence and act of terrorism na iyan.
Dito po sa Lanao del Sur nagkaproblema sa isang polling place. Tandaan po natin, hindi ito buong bayan iyong nagkaroon ng problema dahil nagkaroon ng awayan lang. At mayroon pa pong isang area naman na may namatay pong isang kababayan natin dahil noong trinace [trace] po namin, hindi po election-related – [unclear] po ang pinagmulan po. Diyan sa bandang area ng Basilan, may mga nagpaputok po ng mga baril, tinatakot ang mga may dala ng mga election paraphernalia para hindi mai-deliver at ma-distribute sa ating mga polling precincts. Lahat po iyan ay wala naman at sa kasalukuyan din iniimbestigahan ng Philippine National Police.
Kaya po ‘pag tiningnan ninyo pong mabuti, kahit iyong nangyari sa Nueva Ecija na may nagkaputukan din a day before the election, kahit iyong nangyari sa Abra… these are isolated incidents and the AFP and the PNP, and we’d like to appreciate them, is in full control of the situation in the entire country.
USEC. IGNACIO: Pero, Commissioner, hindi po ba naapektuhan iyong mga balota at ilang VCMs dito sa mga nasabing violent acts? At kumusta po iyong estado noong mga balota doon? Ilan po iyong reported na damaged ballots ng mga botante kung mayroon po?
COMELEC COMMISSIONER GARCIA: Wala po kaming nabalitaan na kahit na anong effect nito dahil nga po katulad sa isang area, nalagay sa Comelec control, ay napakadami pa rin pong mga tao ang nakapila at talaga naman pong nagnanais na makapasok sa ating mga polling place. So wala po sa kasalukuyan tayong natatanggap na kahit anong petition man to declare a place under—a failure, that there is a failure of election in that particular place – wala po – kahit po sa mga citizen o sa mga kandidato na mayroon doon sa lugar na iyan. And so, hinihintay po natin iyan at titingnan natin, aalamin natin kung madya-justify iyong sinasabi nilang failure of election. So, so far po wala po tayong na-declare na failure of election sa buong bansa.
USEC. IGNACIO: Commissioner, mayroon lang pong tanong ang ating mga kasamahan sa media; may tanong po sa inyo si Evelyn Quiroz ng Pilipino Mirror: Despite the numerous reports of VCM glitches yesterday prior to the end of voting, more than 80,000 vote counting machines have transmitted election returns – the fastest ever transmission of election returns. To what do you attribute this sudden flawless change?
COMELEC COMMISSIONER GARCIA: Kapag po, Usec, kami ay nagpapa-presscon, kapag kami ay nagsasalita, hindi lang po siguro napi-pick up ng maayos. Lagi po naming sinasabi, alam na namin ang dahilan kung bakit nabulunan, kung bakit nagkaroon ng glitch noong 2019. Sinasabi po namin, at alam po iyan ng mga techie, alam po ng mga IT community, sinasabi namin, in-improve namin ang system na kung saan magmula sa transparency server, mas mabilis na ang pagbabato ng result papunta sa mga media server at saka papunta po sa mga citizen’s arm.
Sa kasalukuyan po, Usec, wala naman pong nagrireklamo, kahit iyong citizen’s arm, na sila ay nagkaproblema kahit doon sa mga binabato na may isyu na hindi tama iyong ibinato sa kanilang result. Tatandaan po natin [na] katulad ng PPCRV [ay] may kopya po sila ng election returns galing po sa presinto. Hanggang sa oras na ito, Usec, wala po tayong narinig sa atin pong PPCRV na napakataas ang kredibilidad – lagi na nilang ginagawa iyang ginagawa nilang quick count na iyan na – mayroong isang ER na galing sa presinto [ay] hindi tumutugma sa na-transmit na result mula po sa ating transparency server.
USEC. IGNACIO: Opo. Tanong naman po ni Victoria Tulad ng GMA News: Kailan po ang canvassing ng local absentee votes? At ilan po ang expected count nito?
COMELEC COMMISSIONER GARCIA: Nasimulan na po ito kahapon at nakapag-count na po. Ngayon po ay kina-canvass na po ang 188 na election returns na mayroon po tayo para doon. So iyon naman po ay mag-a-undergo rin ng usual na process [of] counting sa gabi tapos kapag natapos ang counting, tuluy-tuloy na po iyong canvassing. Siyempre, mayroon at mayroong mga political parties na gustong mag-attend diyan. Ongoing po iyan sa main office po ng Commission on Elections.
Ang involved po o ang dapat pong makakaboto sa local absentee voting ay 84,221. As of noong Friday po, ang nakaboto po from April 27 to 29 ay mga 75-76,000 na mga botante. So more or less po ay may mahigit po tayong 80% na voters’ turnout sa local absentee voting.
USEC. IGNACIO: Opo. Dagdag lang pong tanong ni Victoria Tulad ng GMA News, basahin ko na po: What is your reaction to Chamber of Commerce of the Philippines’ president Jose Yulo Jr.’s comment na there is something wrong because 47% lagi ang lamang ni BBM kay VP Leni?
COMELEC COMMISSIONER GARCIA: Siyempre po nirirespeto po natin ang mga ganiyang klaseng reaksiyon at ganiyang klaseng mga komento. Pero tatandaan po na ang COMELEC sa kasalukuyan ay hindi po kami naglalabas ng kahit na anong official result or tally. Ang lahat po ng lumalabas [sa] kasalukuyan ay partial at unofficial. Ang COMELEC po ay walang kapangyarihan na maglabas lalo ng results sa president and vice-president sapagka’t tanging ang Kongreso lamang, ang Senado at ang House of Representatives, ang may kapangyarihang mag-officially canvass at mag-proclaim ng nanalong presidente at bise-presidente. Kami po ay sa senador at partylist lamang. So iyon pong lahat ng lumalabas ay partial and unofficial, kahit na ito po ay galing pa sa ating transparency server.
USEC. IGNACIO: Opo. Dagdag pa pong tanong ni Victoria Tulad ng GMA News: Can the COMELEC ensure na tama ang bilang at walang dayaan?
COMELEC COMMISSIONER GARCIA: Tama po at wala pong kaduda-duda po diyan. Sabi ko nga po sa inyo, bilang isang practitioner before, isa lang po ang lagi kong tinitingnan: Pinapakuha ko sa watcher ko sa presinto, kunin mo iyong result ng presinto na iyan. Pinapaskil po iyan, para sa kaalaman ng mga kababayan natin, sa lahat po ng pintuan ng mga polling precinct pagkatapos na mabilang. Pagkatapos na mabigay ang lahat ng tatlumpung election returns, isa po doon ay ipapaskil sa pintuan.
Kunwari na lang po ay hindi kayo miyembro ng majority party, minority party, citizen’s arm, piktyuran po ninyo iyon. Ang Namfrel po ay naglalabas at maglalabas ng kanilang results per precinct base sa transmitted result. Tingnan ninyo po, tutugma ba o hindi iyong ER na nakita ninyo sa presinto at iyong mismong ER na nandiyan po galing sa mismong transparency server.
USEC. IGNACIO: Opo. Mula naman po kay Einjhel Ronquillo ng DZXL/RMN: May isa raw pong botante sa Batasan High School na umulit ng boto dahil lumampas daw po iyong pirma ng chairman ng Board of Election [Inspectors] at hindi ito binasa ng VCM. Puwede raw po bang umulit ng boto? Katuwiran ng volunteer na [iyong] BEI ang nagkamali kaya pinayagang umulit ang botante. Ano raw po ang masasabi ninyo dito, Commissioner?
COMELEC COMMISSIONER GARCIA: Una po, hindi po ako makakapagkomento ng kabuuan dahil siyempre hindi ko nakita kung ano ang nakalagay sa minutes ng voting. Baka naman po mali iyong ating nabalitaan sapagka’t siyempre kung ano iyong nangyari sa presinto, dapat iyon ang nakalagay sa minutes. Mahirap po kasi ang espekulasyon.
Pero sige po, diyan po tayo sa espekulasyon muna na ganiyan, atin na pong samahan iyong espekulasyon. Tatandaan po natin na puwedeng mapalitan iyong balota na ibibigay sa isang botante na bumoto lalo pa’t iyong kasalanan kung bakit hindi tinatanggap ng makina iyong problema doon sa balota ay hindi kasalanan ng botante, lalo pa’t ito ay kasalanan ng electoral board. Puwede pong papalitan at kuhanin iyong balota na ginamit po ng botante at mapapalitan ng bagong balota po.
USEC. IGNACIO: Opo. Dagdag pa pong tanong ni Einjhel Ronquillo ng DZXL/RMN: May nagsasabi po na dapat panagutin ang COMELEC dahil sa dami ng umano’y aberya ngayong eleksyon, lalo na sa mga nasirang VCM at SD cards. Marami rin po ang nadismaya dahil sa kabila ng pandemya ay marami ang umano’y lumabas ngunit mahaba at matagal ang pila dahil po sa mga nagkaaberyang VCM. Ano po ang masasabi ninyo raw dito, Commissioner?
COMELEC COMMISSIONER GARCIA: Bago po tayo naghalalan, sinasabi na po natin consistently, hindi ko lang po alam kung napi-pick up lahat iyon, na sinasabi natin na sigurado pong mahaba ang botohan sa araw ng halalan dahil nga po limitado, hindi basta-basta ang pagpasok, pati bilang ng mga tao sa loob po ng mga presinto at siyempre nadagdagan pa ng mga ilang nasira na makina.
Pero sana po makita nila: Ilan po ba talaga iyong nasira na makina at ilan po lahat ng makina natin sa buong bansa – one hundred six thousand po iyon. Kung 106,00o [at] sabihin na po natin na iyong nasira talaga na hindi naman ganoon kadami, iyong nasira talaga na mga makina ay sabihin na po natin na isang libo, tapos ang botante po niyan ay walong daan, eh di i-multiply ninyo na lang po iyong walong daang botante sa isang libo – kung iyon po ay sobrang makakaapekto sa result po ng ating halalan.
COMELEC COMMISSSIONER GARCIA: Ang sinasabi po natin, kahit na may isa lang. Tama po, may nasirang isa at dapat po ay akuin namin iyan. Hindi naman po natin tinatanggi na talagang may nasira and at the same time na talagang matatanda na ang mga makinang iyan.
Kung kami lang po ay nabigyan ng sapat na budget – kung babalikan lang po natin habang naghahanda tayo, Usec – kung nabigyan lang po tayo ng sapat na budget na hindi binawasan ng pagkaliit-liit eh di sana po ay nakabili tayo ng mga bagong makina, napalitan sana natin itong mga lumang makina na ito. Pero ito po ang binigay sa amin.
So, anong gagawin po natin? Either na ipa-refurbish natin iyong mga makinang iyan tapos [ay] at the same time mag-arkila ng ilan para naman ma-supplement iyong buong 106,000.
Tatandaan po natin [na] noong 2019 [ay] 80,000 lang po ang ating makina [at] ngayon po ay 106,000. So, hindi po natin bini-blame ang makina pero ang sinasabi po natin, sana makita iyong kabuuan na hindi po buong 106,000 ang pumalya na makina. At iyong bilang doon, bagama’t ito ay nasira pa rin at nagkaroon pa rin ng problema, ay hindi po substantial kumpara sa 106,000.
USEC. IGNACIO: Opo. Commissioner, kumusta naman daw po ang pag-a-announce ng mga nanalong kandidato? Ano na daw po ang update doon?
COMELEC COMMISSSIONER GARCIA: Siyempre po katulad ng lokal, katulad po ng nabanggit natin, na sinasabi natin na maaaring sa gabi pa lang ng araw ng halalan ay magkakaroon na ng announcements at proklamasyon sa mga local candidates lalo na sa mayor, vice mayor, sangguniang panlalawigan.
Sa mga governors po, ngayong araw hanggang mamayang hapon siguro magkakaroon na ng mga proklamasyon din diyan dahil napapadala na po iyong mga result dahil mabilis nga po iyong mga pagpapadala ng mga results natin dahil na-improve na iyong system ng ating programa, pati iyong sa transmission.
So, iyon pong sa mga senador at saka sa mga party-lists, kami po ay magbabalik mamayang ala-una para ipagpatuloy po iyong na-suspend na canvassing kahapon at aalamin po natin kung may pumasok na sa transparency server ng COMELEC, sa National Board of Canvassers na COC (certificate of canvass) mula sa kahit na anong probinsiya o kahit anong post mula sa abroad. Sapagkat kung wala po ay wala naman kaming maka-canvass.
Tatandaan po ninyo na ang kina-canvass po ng COMELEC as the National Board of Canvassers ay ang result coming from the provinces, iyong provincial board at saka po galing sa mga post pati iyong local absentee voting at saka iyong sa mga highly urbanized cities.
USEC. IGNACIO: Commissioner, kunin ko na lang po ang inyong mensahe at siyempre pa, iyong paalala po sa ating mga kababayan.
Go ahead po, Commissioner.
COMELEC COMMISSSIONER GARCIA: Maraming salamat po, Usec.
Hindi po natin tinatanggi na hindi naman po nagging 100% prefect ang paghu-hold natin ng halalan at lagi naman po na sa bawat eleksiyon mayroon pong ganiyan. Ang sinasabi lang po namin ay kung nagkaroon man ng kaunting alingasngas o problema ay hindi po ito makakaapekto sa kredibilidad ng lahat ng result at definitely ay walang effect whatsoever.
Ang makakapagpatunay po niyan ay ang ating mga partners katulad ng mga citizen’s arm, ang ating mga political parties na nandiyan at nagbantay sa buong proseso po ng ating halalan, at kayo pong mga mamamayan. Bagama’t maaaring ang iba po sa inyo ay namroblema at hindi kaagad nakaboto, pumila ng pagkahaba-haba, humihingi po kami, mula po sa aming puso, ng pasensiya. Subalit at least nairaos po natin ang halalan na ito ng maayos at hopefully po sa mga darating na mga araw ay makakapagproklama na tayo ng leader ng ating bansa.
Maraming, maraming salamat po.
USEC. IGNACIO: Kami rin po ay nagpapasalamat sa paglalaan ninyo ng inyong oras at panahon para sa aming programa, COMELEC Commissioner George Garcia. Salamat po, Commissioner.
Sunod naman nating makakausap ay si Philippine Medical Association president, Dr. Benito Atienza upang alamin kung nasunod ba ang minimum public health standards kahapon, araw po ng halalan, at iba pang usaping pangkalusugan.
Magandang umaga po, Doc Benny. Welcome po sa ating programa.
Good morning po, Doc.
PMA PRES. DR. ATIENZA: Good morning po.
USEC. IGNACIO: Opo. Doc, kumusta po ang inyong assessment regarding po kung nasunod ang mga ipinatutupad na minimum public health standards sa mga voting precincts?
Alam ninyo naman po iyong sinasabi natin lagi, ng Department of Health at maging kayo, sa ating publiko na tayo po ay nasa gitna pa rin ng pandemya.
PMA PRES. DR. ATIENZA: Actually po, nakakagulat noong ako po mismo ay bumoto. Talaga pong napakarami iyong dumating – kasi pumunta po ako para bumoto ay 7:30 – as early as 7:00 ay puno na po iyong mga precinct, mahaba na po iyong pila.
At least kapag nakita naman ninyo ay may nag-a-assist naman sa ating botante lalo na iyong mga seniors. Pinauna po nila iyong senior citizen katulad ko, nauna akong bumoto kaya nga mabilis iyong pagboto ko – within four minutes, walang pila kasi diretso na. Iyon po iyong nangyayari sa mga seniors.
Pero doon po sa labas [ay] talagang siksikan kasi hindi nasusunod iyong one meter distancing kasi kapag nag-one meter sila [ay] talagang ang init na. Pero at least po, bago po kayo pumasok ng classroom, mayroon po silang ano doon, nagtsitsek sila ng temperature at saka may alcohol naman po at saka iyong mga tao naman [ay] naka-mask kaya nga lang hindi talaga masunod iyong social distancing.
At saka iyong nakita kong presinto ay open naman, iyong airflow ay nasusunod naman doon at saka siguro mga anim lang iyong dapat bumoto tapos nasa side iyong mga watchers.
USEC. IGNACIO: Opo. Doc Bennie, may impormasyon din po ba kayo kung ilan po iyong mga nakitaan ng sintomas at ng positibong botante mula po sa mga precincts at dinala sa mga pribadong ospital?
PMA DR. ATIENZA: So far po, wala po kaming nare-receive na mga ano diyan kasi magmi-meeting pa kami. Wala pa kaming nare-receive na mga impormasyon regarding that. At sana po, ang inaano po natin, lalo na iyong sa mga bumoto kahapon, sinabi po natin talaga na bawal ang may ubo, may sipon o may lagnat doon sa mga voting areas. At saka sabi nga natin, dapat eh makapagbantay tayo kasi sa dami ng tao doon, hindi naman na-check kung may sipon sila, wala namang doktor doon, ang nasusunod [lang ay] iyong pagsusuot ng mask pero iyong distancing hindi nga.
Sana [technical problem] na magpa-test tayo kasi importante pa rin sa panahon ngayon eh kung ano kasi ang nate-test lang ngayon usually ay iyong mga nagpapa-admit na pasyente sa mga ospital. Pinapa-test namin iyong, katulad ng dati, pinate-test namin iyong mga magbabantay at saka iyong mismong pasyente at hinihiwalay namin kung sino iyong magpo-positive. Kung negative siya, saka ilalagay doon sa regular ward, kung ia-isolate pa rin siya. So far naman dito sa Batangas wala pa naman akong naririnig na nag-positive pa ulit.
USEC. IGNACIO: Opo. Pero, Doc Bennie, sa kasalukuyan ay may datos po kayo kung ilan po ang mga mild to severe cases na na-admit sa mga private hospitals after election kahapon?
PMA DR. ATIENZA: Wala pa naman po. Wala pa po, kasi usually kung magkaka-symptoms iyan within one week eh. So far, wala naman tayong nababalitaan pa. At iyon nga, magkaka-meeting kami ng Governor’s meeting sa Sunday at maipapa-report natin sa ating mga mga governors sa seventeen regions around the country kung mayroon na silang nabalitaan o ano pa at masabihan ang ating mga kababayan kung tumataas iyong mga cases sa mga area.
So far naman dito as of now ay mababa pa kaya nga lang bigyan natin ng time limit at time frame na kasi nga, di ba, usually eh every two weeks nagre-release ng datos at saka every week nagre-release ng datos ang ating DOH. At so far doon sa between time to, ano ba ito, itong last week na ni-release [ay] almost one thousand one hundred lang ang nag-positive. Ibig sabihin noon, wala pang 200 per day ang nag-positive sa buong Pilipinas, sa RT-PCR iyon. At saka iyong mga na-admit na pasyente is kakaunti, pati iyong namatay, five lang ang nai-report ng DOH sa kasalukuyan [o] iyong nakaraang linggo. Kaya 46 iyon [kasi] iyong mga previous na namatay [ay] naisama sa report noong week na iyon.
At nakakatuwa nga [technical problem] sunod natin dito sa Southeast Asia, tayo ang pinakamababa ang iyong nagpa-positive. At sana, iyong ikinatatakot natin kasi sa dami nang dumagsa, kasi mas marami ang bumoto ngayon at nakita natin halos lahat ng presinto ay marami talaga ang pumila. Almost iyong iba two hours/three hours ang pila, eh hindi natin alam kung mayroong nagkasakit doon o hindi, ipa-follow-up po natin.
At sinasabi natin dapat maging alerto rin iyong mga tao natin. Kung may ubo, may sipon, huwag munang lumabas at ang importante pa rin ay iyong tinatawag natin na T3 – iyong test, trace and treat. Iyon pa rin ang ipinatutupad ng ating T3 ng mga kasama nating government at saka private institution.
Last week nga [ay] nagkaroon ng meeting ang T3, nagpasalamat sila kasi nga maganda ang naging resulta noong [technical problem] laban sa COVID ng Pilipinas.
USEC. IGNACIO: Opo. Doc Bennie, bigyan daan ko lang po iyong tanong ng kasamahan natin sa media na si Evelyn Quiroz ng Pilipino Mirror: Sinimulan na po ng DOH ang pagtuturok ng second booster ng vaccine sa mga immunocompromised person o mga kabilang sa A3 population. Ano raw po ang update in terms of achieving complete vaccination of A3 category?
PMA DR. ATIENZA: Ayun nga po, kaya nga po sinabi po natin doon [sa] mga seniors, sa mga immunocompromised [ay] dapat magpa-ano sila ng boosters at mabigyan sila ng fourth dose o second booster at susunod po diyan ang mga seniors. At sa seniors po na 80 years old and above puwede na pong isabay doon sa immunocompromised.
Kaya sa ating mga kababayan na 80 years old na, puwede na po kayong pumunta sa mga health centers natin at sa mga vaccination centers. Sa ngayon ay anuhin natin kasi tapos na iyong eleksiyon, wala na tayong masyadong gagawin at hinihikayat po namin [ito.]
Ang isa pa naming plano pa, iyong mga hindi nakakalabas ay pupuntahan. Iyon po ang pag-uusap namin ng DOH, na pupuntahan na ng mga doktor ng DOH o ng mga kawani ng DOH. Pupuntahan na sa bahay. Sabihin lang po ninyo iyong mga immunocompromised na hindi makapunta mismo doon sa vaccination centers at saka iyong mga natatakot na senior citizens, ipaalam lang ninyo sa local LGU ninyo at pupuntahan po sila.
USEC. IGNACIO: Opo. Doc, ano naman po iyong masasabi ninyo hinggil dito sa planong second booster shot para sa mga OFWs? Sa tingin ninyo po ba kailan po dapat ito simulang ipamahagi at ano po iyong kahalagahan nito sa ating mga OFW? Ano iyong maidudulot nito sa ating bansa?
PMA DR. ATIENZA: Kaya nga po napakahalaga po ng pagbabakuna kasi nga po kung hindi ninyo ano, kasi ito na iyong pagkakataon na iyong mga gustong lumabas ng Pilipinas at saka mabigyan po ng dose at saka inaano na po basta dalhin lang po ninyo iyong mga card ninyo [sic].
Lalo na po, katulad po nitong last ay nagpunta po ako sa Europe mismo, nakita ko na ang dami-dami na. Kasi galing ako ng Paris, from Paris – Doha, wala masyadong sakay ang plane pero from Doha to Pilipinas, punong-puno po kami, maraming bata. Kaya inano naman nila, sabi ng mga OFWs natin, kung saan sila abutin eh doon sila magpapabigay ng booster.
At saka hinihikayat po natin sila na magpabigay ng booster kasi hindi natin alam kung kailan sila nabigyan. Hindi ba sinasabi natin na kung nabigyan sila within four to six months eh puwede na ulit silang bigyan ng second booster at ito ay ipa-prioritize din po ng DOH.
At sinabi nga po natin ay iyong mga aalis na ano na po ay lumapit kayo doon sa LGU para po mabigyan po kayo kasi napakarami naman po nating bakuna ngayon at ang inuuna lang po ngayon ay ang immunocompromised at katulad ng sinabi ko kanina, lalo na po iyong mga 80 years old na senior. Senior na, iyon po isasama na, tapos sunod-sunod na po iyong rollout niyan kasi nga hinihintay pa iyong ano ng DOH kasi nga nagkaroon po ng eleksyon.
At kahapon po marami po tayong mga vaccination centers na binuksan ng DOH para po doon sa mga bumuboto na wala pang boosters. Nagbigay po ang karamihan sa atin ng mga LGU at saka iyong mga health centers, pumunta po sila doon sa mga precincts na maraming tao para po makapagbigay sila po ng mga boosters. Aalamin ko lang po sa DOH kung ilan po ang lahat na nabigyan ng boosters doon sa mga 18 to senior po.
USEC. IGNACIO: Opo. Kukumustahin ko na rin po iyong mga vaccination programs ng PMA and other private hospitals. Kumusta na po ito? Ano po iyong estado ng mga ongoing vaccination programs po?
PMA DR. ATIENZA: Katulad po ng Philippine Medical Association, open po ang aming PMA Auditorium tuwing Thursdays and Fridays, every week po iyon. at nandoon po ako nang Thursday and Friday at bukas po iyon.
Lahat po ng ano ay binibigyan. Pagdating po [doon], mayroon po kaming mga section doon kung saan mabakunahan iyong mga booster at saka iyong mga first dose na adult at hiwalay naman iyong sa five to eleven.
Kaya ang importante po, kahit anong age po ay tinatanggap po sa vaccination centers. At saka ang isang ini-emphasize pa rin natin, is iyong natapos na iyong World Immunization Week po natin. Pero ito pong pagbabakuna, itong ‘Chikiting Ligtas’ ng DOH ay tumutulong po ang Philippine Medical Association. Sa katunayan po, may meeting po kami mamaya ng DOH ulit para mapalaganap po iyong pagbabakuna, lalo na iyong zero to five. Kasi, dati ko nang sinabi na ang atin pong mga kabataan na ipinanganak ng between nitong pandemic, mula noong March 2020 to 2022 ngayong kasalukuyan, ay marami po ang hindi nabakunahan.
Ang estado po ng pagbabakuna natin sa zero to five ay five out of ten lang ang nababakunahan, kaya mababa sa 50% ang nababakunahan [sic]. Ito po iyong mga bakuna: Iyong mga DPT, diphtheria, pertussis tetanus na ibinibigay pagka-six weeks after maipanganak ay binabalik sa center; at saka itong mga mumps, measles, [measles]-rubella sa nine months; at saka iyong flu vaccine para sa adult at saka pneumonia para sa adult. Lahat po ng mga bakunang ito ay ating samantalahin at ito ay binibigay ng health centers.
Kaya ang tinututukan po ng Philippine Medical Association at tinutulungan po natin ang ating Department of Health ay para mabakunahan po lahat ng newborn to adult po. Iyan po ay walang pinipili, kasi mayroon po tayong mga anti-pneumonia para sa mga matatanda at para sa bata. At iyan po lahat ay [binibigay] sa ating mga [health] centers at saka pati po iyong anti-cervical cancer.
USEC. IGNACIO: Opo. Doc Benny magtatapos na po ang Duterte Administration ano po, mga ilang buwan na lang. Magtutuluy-tuloy po ba ang COVID vaccination sa private clinics ngayon din po, pagkatapos ng eleksiyon?
PMA DR. ATIENZA: Yes po, iyon po ang inaano namin. Kaya nga po hinihikayat namin, inaano lang namin [ay] ang tedious lang po talaga diyan sa pagba-vaccine lang sa mga clinic ay ang process of reporting. Kaya po makikipag-usap po kami ulit sa DOH, kung puwede ay pagsasama-samahin ang mga clinics, lalo sa hospital para isa lang iyong magri-report ng kanilang nabakunahan. Kasi importante po iyong reporting ng nabakunahan at saka ang ibibigay lang po, pinag-usapan dati is, itong mga sa clinic, itong mga vaccines na hindi nagri-require ng masyadong storage na negative to eight.
USEC. IGNACIO: Opo. Panghuli na lang, Doc. Iyon pong reaksiyon ninyo hinggil sa mungkahi ng ilang grupo na ibalik daw po iyong mandatory quarantine for foreign travelers? Sa tingin po ba ninyo ay dapat na itong ipatupad muli?
PMA DR. ATIENZA: Ang ano po natin diyan, hihintayin po natin ang [pasabi] ng IATF. Kaya po napakaimportante na, iyon parang safe tayo [na] iyong kapag galing ka sa abroad, dapat talaga nagpapa-test. Katulad ko po, bago ako umalis noon [ay] nagpa-antigen test at saka siguraduhin nating tayo ay walang ubo, walang sintomas at saka dapat iyong health declaration before and after, siguro five days before at saka five days after ka bumalik ay ikaw na ang mag-self quarantine, iyong ganoon. Ikaw na [ang magkusa] kung may ubo, sipon o ano – magpa-test ka. Ang importante po ay iyong testing at saka iyong nararamdaman ng tao. At iyon po, mag-ingat pa rin po naman, lalo na po iyong mga may mga pag-aaral na sinabi na after nitong eleksiyon natin ay baka magkaroon ng surge uli.
Kaya nga dapat tayo ay mag-ingat at iyong mga lumabas nitong eleksiyon eh, anuhin natin ang sarili natin [na] kung may ubo, may sipon, magpa-check-up na o magpa-test. Kasi hindi lang naman ubo at sipon iyong mga sintomas ng COVID, iyong iba diarrhea sa bata, iyong ganoon. Kaya importante ang test lalo na kapag nilalagnat po.
Kaya marami na po tayong mga doktor na nagki-clinic ngayon [ng] face-to-face, ano lang po, kung tatanggapin kayo sa mga clinic, importante po iyong katulad po ngayong tag-araw, hindi lang naman ang mga sakit po, lalo sa mga bata lalo na nakapag-swimming sila, nakakalabas na. Marami po ngayong mga bata [na] nagda-diarrhea, nagkaka-pneumonia, iyong ganoon po. Saka itong mga matatanda ay ganoon din.
At samantalahin po natin ang mga pagkakataong ito, para tayong lahat ay magpabakuna, hindi lang po sa COVID-19 [kung hindi] para po lalo sa mga bata na zero to five, i-avail po natin ang ‘Chikiting Ligtas’ na ito po ang tinatawag nating catch-up immunization na lahat ng hindi nabakunahan ng mga dapat mabakuna, primary doses ay mabigay po sa ating mga bata. Kasi ngayon, naglalabasan iyong mga tigdas kasi walang bakuna ang mga bata. Eh sa pagbabakuna, maiiwasan po natin ang mga preventable diseases na mapoprotektahan ng bakuna.
USEC. IGNACIO: Opo. Doc Benny, maraming salamat po sa inyong oras at ibinahaging impormasyon. Dr. Benito Atienza mula po sa Philippine Medical Association. Mabuhay po kayo. Salamat Dok.
PMA DR. ATIENZA: Thank you din po.
USEC. IGNACIO: Mga kababayan, sabay-sabay pa rin nating subaybayan ang mga importante at pinakahuling kaganapan sa eleksiyon. Tumutok po kayo sa ‘Hatol ng Bayan’ live coverage ng PTV at gamitin ang #PTVBantayBoto, #PTVElectionTV at #HatolngBayan2022. I-follow din kami sa mga sumusunod na social media accounts. Maaari rin kayong magpadala ng mensahe sa pamamagitan ng Viber at Gmail.
At iyan po ang mga balita at talakayang tampok namin ngayong araw. Ang Public Briefing ay hatid sa inyo ng iba’t ibang sangay ng PCOO sa pakikipagtulungan ng Department of Health at kaisa ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP).
Ako po si Usec. Rocky Ignacio. Magkita-kita po tayo bukas. Muli, ito po ang Public Briefing #LagingHandaPH para sa ‘Hatol ng Bayan’.
###
—
SOURCES: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)