Press Briefing

Public Briefing #LagingHandaPH hosted by Presidential Communications Operations Office Undersecretary Rocky Ignacio


Event Public Briefing #LagingHandaPH
Location People’s Television Network, Inc. (PTV), Quezon City

USEC. IGNACIO: Magandang umaga po. Samahan ninyo po kaming muli sa ating Public Briefing #LagingHandaPH. At para bigyan kayo ng mga dagdag na impormasyon, ito po ang Public Briefing #VaccineExplained.

Mas pinagtibay pa ng Pilipinas at Russia ang relasyon nito pagdating sa iba’t ibang larangan kabilang na po ang pagtutulungan sa paglaban sa COVID-19, ito ay sa pag-uusap kahapon nina Pangulong Rodrigo Duterte at Russian President Vladimir Putin kung saan po ay kabilang sa mga natalakay ay ang pagbili ng Pilipinas ng COVID-19 sa Russia na Sputnik V. Ang report mula kay Mela Lesmoras:

[NEWS REPORT]

USEC. IGNACIO: Masusing pinag-aaralan ngayon ng US FDA at Centers for Disease Control and Prevention ang nangyaring blood clot sa anim na indibidwal sa Estados Unidos matapos turukan ng COVID-19 vaccine na Johnson & Johnson. Sa kabila nito, muling tiniyak ng mga eksperto na wala pang matibay na ebidensiya na konektado ang blood clot sa COVID-19 vaccine at mas matimbang pa rin ang benepisyong hatid ng bakuna. Narito ang report ni Mark Fetalco:

[NEWS REPORT]

USEC. IGNACIO: Sa public address naman ni Pangulong Rodrigo Duterte kasama ang mga miyembro ng Gabinete ay sinabi ni Secretary Carlito Galvez, Jr. na kailangan pang dagdagan ang mga ICU beds sa buong bansa. Kaya naman apela ni Senator Bong Go na magtayo pa ng mga modular hospitals at agad ding bayaran ng PhilHealth ang liabilities nito sa mga ospital. Narito ang detalye:

[VTR]

USEC. IGNACIO: Sa pagpapatuloy po ng vaccination program ng pamahalaan ay may ilan pa rin pong mga kumakalat na maling impormasyon o misconception tungkol po sa bakunang kontra-COVID-19; masama raw po ito para sa may mga hypertension at maaari pa umanong mauwi sa stroke. Para bigyan-linaw po sa usapin na iyan ay makakasama po natin ang presidente ng Philippine Heart Association at cardiologist na si Dr. Orly Bugarin; at ang neurologist na si Dr. Alejandro Diaz. Magandang umaga po sa inyong dalawa.

DR. BUGARIN: Magandang umaga po, Usec. Rocky, at sa inyong mga tagapakinig at tagapanood.

DR. DIAZ: Magandang umaga po.

USEC. IGNACIO: Opo. Unahin ko po muna si Dr. Bugarin, ano po. Una na po nating linawin: Totoo po bang masamang magpabakuna ang mga may hypertension, doc?

DR. BUGARIN: Sa ngayon po, wala pa pong matibay na ebidensiya na nagsasabing ang pagpapabakuna laban sa COVID-19 ay may masamang epekto sa mga pasyente o sa ating mga kababayan na may high blood. So, talagang ini-encourage pa rin po namin ang ating mga kababayan, puwede ho kayong magpabakuna kahit po kayo ay may hypertension o may mga tinatawag na cardiovascular diseases.

Siyempre, dapat lang po na tayo po ay controlled kung tawagin or iniinom po natin ang ating mga maintenance na medications. Mayroon pong mga cut-off, may cut-off na blood pressure din po kapag tayo ay nadoon sa area of vaccination at iyan po ay naipamahagi po natin sa DOH. Base po ito sa mga pag-aaral ng ating mga eksperto, ng ating mga kasamang cardiologists na binuo po natin bilang COVID task force ng Philippine Heart Association kasama ang Philippine Society of Hypertension. Kami po ay nagsama at pinag-aaralan po ito at kami po ay nagkaisa na ipamahagi po ang impormasyon na ito na puwede pong magpabakuna ang ating mga kababayang may high blood.

USEC. IGNACIO:   Dr. Bugarin, posible ba o totoo bang may epekto talaga iyong mga bakuna sa heart health po natin?

DR. BUGARIN: Sa ngayon po, ang nakikita lang po namin na nagiging epekto nito ay possible po iyong nerbiyos nila, kinakabahan po sila bago magpabakuna o kaya po ay hindi nga po sila compliant or hindi umiinom ng kanilang mga gamot kaya tumataas po ang kanilang blood pressure habang naghihintay o bago po sila mabakunahan at minsan naman po pagkatapos mabakunahan ay may nararamdamang masakit sa area ng pinagbakunahan kaya po tumataas ang BP.

Sa atin pong mga kababayan na may mga sakit sa puso o iyong mga tinatawag po nating cardiovascular disease, wala pa pong datos na nagpapakita na may direktang epekto ang bakuna sa mga komplikasyon na puwedeng magdulot sa mga pasyenteng may cardiovascular disease. So, nakikita po natin kahit sa mga gumawa o nag-aral ng mga bakuna wala po silang ibinigay na contraindication para sa bakuna na ito laban sa mga tao o mga pasyenteng may cardiovascular disease.

USEC. IGNACIO:   Opo. Pero Doc, puwede rin tumaas ang BP ng isang tao, halimbawa mainit iyong lugar na pinaghihintayan mo bago ka mabakunahan. Siyempre kasama na rin iyong nerbiyos mo hindi ba, Doc? Puwede po ba iyon?

DR. BUGARIN: Yes, opo. Kaya po iyon po ay isang factor na kino-consider po natin bakit ho tumataas ang blood pressure. At ang sa tingin po namin hindi po ito dapat maging sagabal para mabakunahan ang isang kababayan natin. Mas gusto pa rin po namin, ang advocacy pa rin natin ay mabakunahan po ang karamihan o ang lahat ‘no. Kung hindi man lahat, ang karamihan ay mabigyan pa rin po ng bakuna.

Hindi po dapat maging hadlang ang mataas na blood pressure para sila ay mabakunahan except kung ang blood pressure nila ay more than 180/120 sa site ‘no at sila ay may mga nararamdaman, may mga sintomas po sila. So, bago po sila mabakunahan, mataas ang BP, itse-check po kung may mga sintomas silang nararamdaman.

Sa amin nga po, ina-advocate namin na kung maaari iyong mga may sintomas po i-check na lang po ang blood pressure dahil iyon po ang pinaka-common na nangyayari – iyong nerbiyos, iyong mainit, iyong paghihintay nila – puwede po itong makaapekto sa pagtaas ng kanilang blood pressure lalo na po kung ito ay mairo-rollout na natin sa komunidad.

Siyempre, alam naman po natin malaki ang ating populasyon, so sa kanilang paghihintay doon sa area ng vaccination ay puwedeng magkaroon ng mga factors para tumaas ang blood pressure. Ang hinihiling nag po sana namin, kung hindi naman po sila symptomatic, hindi naman po ganoon kataas ang blood pressure nila, 150/160, puwede ho silang mabakunahan. Puwede ho sila pagkatapos mabakunahan i-advice na lang na magkonsulta sa kanilang doktor.

Para hindi rin po ito mangyari, mayroon po kaming inilabas na mga infographics kasama po ang Philippine Society of Hypertension kung ano po iyong mga dapat gawin para hindi po tumaas ang kanilang blood pressure bago magpabakuna para maiwasan nga po na sila ay matanggihan na mabakunahan dahil sa mga nakikitang factor na ito, iyong mataas na blood pressure.

USEC. IGNACIO:   Opo. Para naman po kay Dr. Diaz. Doc, mayroon na po bang mga balita ng adverse events pagkatapos bakunahan? Mayroon pong na-stroke at mayroon naman daw pong nasawi na may chronic hypertension daw po. May posibilidad bang ang bakuna iyong naka-trigger po kaya nangyari iyon sa kanila?

I think naka-mute kayo, Doc. Doc? Sige po, ipapaayos lang po natin ang linya ng ating komunikasyon kay Doc Diaz. Para po kay Dr. Bugarin. Doc, narinig ko kasi sabi ninyo para maiwasan pa ring tumaas iyong blood pressure kailangan po talagang kung kailangang magpunta muna ng comfort room para hindi tumataas ang BP, tama po ba iyon?

DR. BUGARIN: May mga pamamaraan po na puwede nating gawin para hindi nga po tumaas ang blood pressure bago bakunahan – iyon na lang po ang advice natin. Bago po bakunahan, two weeks before make sure po na kayo po ay nakapaghanda rin. Iyong gamot ninyo, iyong maintenance medications ninyo kung kayo po ay high blood sana po naiinom po ninyo.

Of course, iyong consultation with your doctors, checking your blood pressure, malaking bagay, makakatulong po iyan. Kapag kayo po ay nandoon na sa site, iyan po ang hindi po pag-inom ng kape, huwag hong manigarilyo, iyong pagkain nang marami o kaya po iyong pagpunta muna sa CR. Iyan po ang mga ilang puwede nating i-advice para ho hindi tumaas ang blood pressure.

Of course, iyong nerbiyos; sana maging kalmado tayo. Kung maha-handle natin sana iyong ating anxiety o ang ating nerbiyos, makakabuti rin po iyon para hindi po tumaas ang blood pressure. Ito ay ilang pamamaraan po para habang nandoon po sa vaccination area ay hindi po tataas ang blood pressure nila.

USEC. IGNACIO:   Opo. Balikan ko po muna si Dr. Diaz. Dr. Diaz? Wala pa rin po siya. Doc? Naririnig ninyo kami, Doc Diaz? Okay, kung sino na lang po sa inyo Doc Bugarin: Puwede po ba silang uminom ng gamot sakaling makaramdam daw po ng discomfort pagkatapos bakunahan? Hindi ba ito makakasama sa kanila halimbawa po pain reliever? Sinabi ninyo masakit iyong turok or bigla kang nagkalagnat. Puwede po ba daw ito?

DR. BUGARIN: Iyong huli po, iyong pain reliever at saka ano po, Usec. Rocky? Sorry. Pain reliever at saka?

USEC. IGNACIO:   Kung bigla pong nagkaroon ka ng flu-like na symptoms.  

DR. BUGARIN: Puwede ho iyon. Nabanggit naman po that ito po iyong mga pangkaraniwang side effects ‘no, iyong pain sa site o kaya iyon nga po, iyong parang flu-like symptoms. So, wala naman pong problema kung tayo po ay iinom ng mga gamot upang maibsan po ito like kahit po simpleng analgesics lang po or iyong ating advice, paracetamol puwede naman po.

Mas iniiwasan po natin iyong prophylaxis na tinatawag, iyong pag-take po ng mga pain reliever or NSAIDs kasi po isa rin po ito sa mga puwedeng magpataas ng blood pressure, so, hindi ho namin ini-encourage na bago ho kayo magpabakuna ay uminom noon pero after kung may mga nararamdamang pain, puwede naman pong mag-take ng pain reliever. Kung may mga flu-like symptoms, of course ini-encourage po naming uminom ng maraming water, magpahinga at you can take paracetamol or analgesics po para ma-relieve po iyong symptoms.

USEC. IGNACIO:   Opo. Balikan po natin si Dr. Diaz. Dr. Diaz?

DR. DIAZ: Yes. Usec. Rocky, okay na? May audio na?

USEC. IGNACIO:   Hello po. Opo, naririnig ko na po kayo. Paumanhin po kanina ano po. Doc, mayroon po kasing mga nababalita na nagkaroon nga po ng adverse events pagkatapos pong bakunahan. Mayroon pong na-stroke at mayroong diumano nga nasawi na may chronic hypertension daw po. May posibilidad po ba na ang bakuna nga po iyong naka-trigger para mangyari iyon sa kanila?

DR. DIAZ: Hindi, Usec. Rocky. Malamang ay dahil sa mayroon na silang – to begin with – na uncontrolled hypertension. Kaya nga ina-advice namin na on the day na naka-schedule sa pagbakuna ay nakahanda talaga sila na ready sila.

So, usually mga dalawang linggo hanggang apat na linggo siguraduhin nila tini-take nila ang mga medications nila, ang maintenance nila sa blood pressure and see to it that ang blood pressure nila nasa 130/80 and below para kontrolado.

At saka on the day mismo dapat may baon din silang iyong kanilang tini-take na gamot, hindi pang sublingual bawal iyon. Kung hindi, kasi napaka-common na pagdating mo diyan sa pila kahit hindi ka high blood ‘no like me hindi naman ako hypertensive. Pero dahil sa pila, lalakad ka tapos hindi ka pa nakapag-CR kung minsan, tapos iyong accurateness o iyong tamang technique na pagkuha ng blood pressure kailangan tama talaga – nakaupo ka, naka-relax ka, nakapagpahinga ka, nakasandal ang likod mo bago ka magpa-take ng blood pressure, kasi iyong iba doon, inaccurate ang pag-take ng blood pressure.

Ganoon pa man kung tama paggawa tapos mataas ang blood pressure, ina-advice namin na huwag paalisin sa pila kung hindi gawin ang simple relaxation. Ano ba iyong sinasabing relaxation? So inhale mga 4 seconds, hold it for 2 seconds and then slowly exhale sa bibig – gawin mo iyang ng mga apat na beses after a while bababa ang blood pressure.

At saka iyong iba karamihan may tinatawag na white coat hypertension, ‘pag kukuha na sila ng mga nurses/healthcare workers, kahit hindi sila high blood, tumataas. So lalo na iyong mga may hypertension, siyempre may konting anxiety/nerbiyos iyong ganoon pero hindi iyan dapat. As sinabi ni Dr. Bugarin the only blood pressure ha, tandaan ninyo ito, na hindi ka lalagyan ng—pagka dumating—kunyari ang kuha ng blood pressure after correct check in a blood pressure is 180 systolic blood pressure or 120 diastolic blood pressure. So kapag ang blood pressure is 180/120 and above eh teka muna, hindi ka muna lalagyan. Painumin ka ng gamot, relax ka muna diyan pero hindi ka dapat pauwiin.

Ngayon after the vaccination, kunyari na-record ka mataas ang blood pressure mo, ilalagay ka doon sa observation holding area, imu-monitor ang blood pressure mo nang mga 30 minutes to 1 hour. Again tsitsekin ang blood pressure mo kung may nararamdaman. Ngayon in a very seldom ano, nagkaroon ka ng hypertensive emergency – kunyari tumaas talaga ang blood pressure mo nang husto eh dapat dalhin ka diyan sa emergency room and that’s very, very rare na nakikita ko.

So ang puno’t dulo nito kadalasan, Usec. Rocky, is that hindi sila preparado sa pagpunta sa vaccination center. So dapat kung alam mong hypertensive ka, siguraduhin mo na iniinom mo iyong gamot mo on time and very regularly.

USEC. IGNACIO: Opo. And doc, talagang dapat i-advice ang lahat na iyong may hypertension na uminom talaga muna ng maintenance bago talaga magpabakuna ano po.

DR. DIAZ: Saka Usec. Rocky baka makalimutan ko, sana mag-aral kasi iyong Department of Health alam na iyan, nandudoon na iyan, nakita ko na iyan sa infographics na RESBAKUNA, hindi naka-cascade sa ano. Kasi mismo iyong nagba-vaccinate mismo, “Ah taas ng BP mo,” nakita ko iyan sa isang TV feed eh, sa TV na mataas ang BP hindi nila bibigyan. Hindi tama iyon eh. Iyong mga may hypertension is not – I repeat, is not a contraindication para hindi bigyan ng COVID-19 vaccine.

Only ‘pag sobrang taas ang blood pressure – at hindi rin dapat pauwiin ‘no, na huwag ka nang bumalik muna – hindi, dapat ilagay muna iyan diyan kasi sayang iyong biyahe ng ano at pababain.

Ngayon on that very, very rare occasion na talagang hindi bumababa, eh siguro iyan ang puwedeng i-reschedule. But I think in 90% of the cases kung may hypertension ka, hindi dapat iyan contraindication para ka hindi ka bigyan ng COVID-19 vaccination. Because as I said, as Dr. Bugarin has said, the benefit of the vaccination, the COVID-19 vaccination outweighs whatever that small risk is, okay.

So also, importante na kung ang blood pressure mo say 2 weeks before naka-schedule ka, parang wala sa control, then you can consult your doctor maybe through tele-consult o bisitahin mo iyong doktor mo, “Doc paano ba ang gagawin? Baka lang i-adjust iyong gamot ko.” Especially medyo summer time na tayo ngayon so mainit, iyong init ng panahon puwede makadagdag sa pagtaas ng blood pressure.

Also as—ulitin ko uli, iyong iba kasi uminom ng gamot ‘no, katulad ng sinabi ni Dr. Bugarin,

  • Iwasan uminom ng mga para sa sipon, mga cold remedies ha, iyong may mga [unclear]. Kasi iyong cold remedies puwede magpataas ng blood pressure.
  • Iwasang magkape during that morning magpapabakuna kayo; saka na lang kayo magkape, siguro later part of the day na lang, okay.
  • Iwasan ninyo iyong mag-take ng mga pain relievers, iyong mga NSAIDs [Non-steroidal anti-inflammatory drugs]kasi ang iba tumataas ang blood pressure doon.
  • At siguraduhin ninyo bago kayo magpakuha ng blood pressure before your vaccination naka-jingle muna kayo, nakapag-CR muna kayo kasi kung puno ang pantog ninyo ay tataas din ang blood pressure. Saka iyong tamang technique ng ano…

So kuhanin ko na rin itong pagkakataon, Usec. Rocky, if I may na sa Mayo, next month will be the World’s Hypertension Awareness. So magkakaroon tayo from May to November na widespread blood pressure campaign. Everybody should know their blood pressure just like your height, waist circumference and your blood pressure. Kasi as young as 18 years old, may mga nakikita kaming high blood na ngayon because of our poor lifestyle. So very important iyong pag-prevent na magkaroon ng hypertension if you may – eating wisely, correct healthy diet, exercise and low salt. Ang pagkain ng Pilipino maalat talaga so kailangan natin alamin natin kung papaano natin ipi-prevent ang pagtaas ng blood pressure.

USEC. IGNACIO: Opo. Salamat, doc Diaz. Puntahan ko po muna ulit si Dr. Bugarin. Doc, kung naging COVID positive daw po ang isang tao at may comorbidity ka pa na hypertensive ka nga po, kailan po daw puwedeng magpabakuna; after 3 months pa po ba iyong dapat iri-recommend ito?

DR. BUGARIN: Yes, ganoon pa rin naman po ‘no. We still recommend na 3 months or 90 days after noong COVID infection irregardless naman po iyong sa hypertension niya ‘no, basta controlled iyong blood pressure niya, tini-take niya pa rin iyong kaniyang maintenance na gamot, wala hong magbabago doon sa protocol muna na iyon ‘no. It’s still the 90 days after noong kanilang COVID infection.

Alam mo natin although hindi natin sinasabing madaling ma-infect iyong mga pasyenteng may high blood, but patients na mayroong mga cardiovascular disease ‘pag sila po iyong nagka-infection, iyon po iyong sinasabi nating mas vulnerable ‘no, mas hindi nagiging maganda iyong course ng kanilang illness.

Kaya nga po talaga iyong ini-encourage po namin, talaga pong ini-increase namin iyong awareness ‘no, pinapalawak namin iyong pagpapamahagi ng impormasyon na sana mabakunahan po ang ating mga kababayan na may cardiovascular diseases dahil sila po iyong ayaw nating magkaroon ng COVID virus infection dahil ‘pag sila po iyong nagkaroon, sila po iyong nagkakaroon ng worst conditions.

USEC. IGNACIO: Opo. Pero doc, ano po iyong mga dahilan kung bakit nagkakaroon ng mga iba-ibang reaction sa katawan ng isang tao ‘pag binakunahan po; ano po iyong nakikita ninyong dahilan talaga?

DR. BUGARIN: Well ang pinaka-common pa rin is siyempre iyong hypersensitivity reaction ‘no, iyong allergic reaction. It’s a form of allergic reaction or hypersensitivity reaction doon sa bakuna, iyon pa rin po ang pinaka-common. So iyong reactions na iyan, iyong allergy na iyan ay nagkakaroon po ng cascade sa katawan ng ating mga kababayan ‘no – iyon nga po iyong tinatawag na nagkakaroon ng anaphylaxis ‘no.

So may epekto po iyon, may mga effect po iyon sa puso or sa ating cardiovascular system na magma-manifest po ‘no, tumataas nga po iyong heart rate, hindi ho sila makahinga ‘no, bumibigat ang kanilang dibdib ‘no. These are symptoms na dahil doon sa allergy pa rin. So hindi naman natin masasabi na 100% hindi magkakaroon ng mga allergic reaction ‘no. Nakita naman po natin sa ngayon na rollout ng ating bakuna, mayroon po talagang nagkakaroon ng mga allergic reactions. So iba po iyong bago sila bakunahan at pagkatapos bakunahan ‘no na mga reactions.

USEC. IGNACIO: Okay. Kunin ko na lamang po ang inyong maipapayo sa mga naka-schedule na pong bakunahan lalo na po iyong may mga comorbidity. Unahin ko po muna si Dr. Bugarin.

DR. BUGARIN: Yes, Usec. Rocky. Maraming salamat sa pagkakataong ito na binigay ninyo po sa amin. At ang tanong po ng ating mga kababayan lagi: Puwede po ba akong magpabakuna kung mayroon po akong high blood o sakit sa puso? Puwede po ang sagot po ng ating mga kasamang eksperto sa Philippine Society of Hypertension, sila Dr. Alejandro Diaz, puwede po tayong magpabakuna.

Alalahanin lang po natin na sana iniinom po natin ang ating mga gamot, tayo po ay nag-iingat sa mga kinakain po natin, ang ating tinatawag na lifestyle habits ‘no. At siyempre ‘pag tayo ay nandoon na po sa vaccination area, tayo ay manatiling kalmado, maging patient lang po sa pag-aantay, subukan pa rin po natin ang mga ibang pamamaraan para hindi tumaas ang blood pressure – iwasang magkape, iwasan iyong mga pain relievers muna. Ihanda natin ang ating sarili para sa pagpapabakuna.

Pero inuulit po namin: Ang pagkakaroon po ng high blood o cardiovascular diseases ay hindi po dapat hadlang para kayo po ay mabakunahan. Gusto po natin na lahat po ay mabakunahan.

USEC. IGNACIO: Opo. Kay Dr. Diaz po. Dr. Diaz…

DR. DIAZ: Usec. Rocky thank you very much, maraming salamat. Siguro—hindi ko alam kung makakarating ito sa karamihan but ang rekomendasyon ko kung sakaling i-disallow kayo, ang iyong mga nakikinig dito, pumunta lang kayo sa Facebook page ng Philippine Society of Hypertension – I repeat, Philippine Society of Hypertension o Facebook page ng Philippine Heart Association.

Makikita ninyo doon mayroon kaming inilagay doon na statement, joint statement ng Philippine Heart Association at Philippine Society of Hypertension. Ipakita ninyo iyon doon na hindi bawal. Kawawa kasi ang mga pasyente na pinapauwi, hindi itinutuloy. Hindi bawal ang high blood para hindi mabakunahan. Thank you very much Usec. Rocky.

USEC. IGNACIO:  Opo. Kami po ang dapat magpasalamat sa inyo. Dr. Diaz at Dr. Bugarin dahil po sa napakahalagang impormasyon na ibinibigay ninyo sa ating mamamayan na talaga pong dapat ay malaman. Huwag po kayong madadala, baka po palagi namin kayong i-guest dito sa ating Laging Handa Public Briefing. Kasi iyong mga katulad po ninyo ang mga kailangan talaga ngayon na maintindihan kung papaano ba, paano ang katulad namin sasalang sa pagbabakuna. Maraming salamat po, Dr. Orly Bugarin at Dr. Alejandro Diaz, mabuhay po kayo.

Samantala, nakapagtala naman ang Department of Health kahapon ng dagdag na 8,571 na mga nahawaan ng COVID-19 sa bansa; 400 ang mga bagong gumaling o katumbas ng 703,963 recoveries, habang 15, 286 na ang  mga nasawi, matapos po madagdagan ng 137 kahapon. Sa kabuuan, nasa 884,763 na po ang mga nagka-COVID sa buong bansa.

Ang bagong kaso na naitala kahapon, ang pinakamababa sa nakalipas na anim na araw. 18.7% naman po ng kabuuang kaso sa bansa ang nanatiling aktibo o katumbas ng 165, 534;  98.7% dito ay mild at asymptomatic, .4% ang  kritikal, .5% ang  severe at .31% naman ang moderate cases.

Iwasan po natin ang pagiging kampante, magdoble ingat po tayo para hindi mahawa o makahawa ng sakit. Manatili po tayo sa loob ng baha at kung kinakailangan namang lumabas ay sundin po natin ang ipinatutupad na minimum health standard ng pamahalaan.

Isa pa pong Temporary Treatment and Monitoring Facility ang binuksan ng pamahalaan ngayong araw sa Subic, Zambales. Dito po ay maaaring dalhin ang COVID-19 patients na mula Metro Mania, Central Luzon at Northern Luzon. Ang update, alamin natin mula kay Louisa Erispe. Louisa?

[NEWS REPORTING] 

USEC. IGNACIO:  Maraming salamat sa iyo, Louisa Erispe.

Para po magbigay naman ng update at karagdagang impormasyon tungkol sa mga bakuna at gamot na umano ay mabisang pangontra sa COVID-19 makakasama po natin ulit si Director General ng Food and Drug Administration, si Usec.  Eric Domingo. Good morning po, Usec.

FDA USEC. ERIC DOMINGO:  Magandang umaga, Usec. Rocky. Magandang umaga po sa inyong lahat.

USEC. IGNACIO:  Naku, alam ko po abalang-abala kayo, Usec., ang dami ninyong mga meeting ano po. Pero base po sa naging report nga ninyo kay Pangulong Duterte noong isang gabi po ay dalawa lang po iyong pending o niri-review pa na EUA sa ngayon, tama po ba ito?

FDA USEC. ERIC DOMINGO:  Totoo po iyon. Iyong una iyong sa Johnson & Johnson or iyong Janssen na vaccine na sa kasalukuyan po ay pinagmimitingan po ng ating vaccine experts and I hope to get their recommendation, baka po bukas, para po tuluy-tuloy na iyong evaluation. Iyon din pong isa, galing naman sa India, iyong co-vaccine ng Biotech po ang pangalan noong kumpanya. Mayroon na lang silang kulang na kaunting mga requirements, Usec. Rocky para po matapos namin ang evaluation.

USEC. IGNACIO: Pero, Usec., iyon daw po sa Bharat Biotech, ano po iyong dahilan kung bakit hanggang ngayon daw po wala pang resulta iyong review sa kanila, dahil sa report po, January pa po yata na sila ay nagpasa ng application?

FDA USEC. ERIC DOMINGO:  Opo, may kulang kasi sila na requirement. Kailangan kasi mai-prove nila na iyong kanilang factory ay sumusunod sa mga good manufacturing practice, iyong certification, eh mukhang naantala yata iyong pagkuha nila noong certification from the inspecting body. So, I’m sure once naman makuha nila iyon ay mai-submit nila agad sa atin, para matapos na lahat.

USEC. IGNACIO: Usec, itong sa Johnson & Johnson naman po ano, hindi po ba ninyo ikinahala iyong isyu ng blood clotting sa mga binakunahan nito sa ibang bansa? Kanina po sa ating balita nga ay pinahihinto muna ng Amerika iyong paggamit at idi-delay rin sa Europa iyong  rollout nito?

FDA USEC. ERIC DOMINGO:  So, kasama iyan, Usec. Rocky sa mga pinag-uusapan ng mga experts natin. Ito kasing Janssen na bakuna, very similar din siya doon sa AstraZeneca ano, itong mga adenoviral na vector vaccines at ito nga iyong isang nakikita, itong possible na very rare cases of blood clotting. So, kung matapos naman po ang evaluation nito at magkaroon ng recommendation, of course it will probably have recommendations din on how to guide vaccinators at saka iyong mga vaccinees to watch out  for such events at saka kung ano po ang gagawin kapag may naramdaman sila.

USEC. IGNACIO:  Pero kumusta po ba iyong overall na resulta naman ng clinical trial na ginawa ng Johnson & Johnson sa Pilipinas? Kasama na rin po ba ito sa pagdedesisyon ninyo sa EUA application nila?

FDA USEC. ERIC DOMINGO:  Well, hindi pa, kasi ongoing pa iyong clinical trial nila dito, wala pang interim results. So itong EUA na nakuha sa Estados Unidos at saka sa Europa at saka sa WHO based on iyong mga nauna nilang clinical trials sa ibang bansa. At so far, ito rin iyong isinumite sa atin. Nakita naman din na, well, parang pumasa rin naman siya sa US at saka WHO, ibig sabihin the benefit of using the vaccine definitely mas matimbang – outweighs the harm. Kaya naman po inaaral lang din natin kapag ganito na kina-calibrate lang natin, para pag gagamitin siya nakahanda rin naman tayo kung paano iyong guidelines natin sa paggamit ng bakuna.

USEC. IGNACIO: Usec, paano po ba daw maaaring nakakaapekto ang isang bakuna para magkaroon ng blood clotting sa isang tao?

FDA USEC. ERIC DOMINGO:  Well, iyong theory ngayon is that para siyang tinatawag nating [unclear] reaction, iyong very rare na reaction ng katawan ng tao to a medicine na napaka-unusual, hindi naman natin ma-predict kung sino. Baka daw po iyong bakuna, may parte sa kanya  na nagko-cause na mag-produce ng antibody kontra sa mga platelet, kaya bumababa iyong platelet count noong mga pasyente, so ito po iyong isang mechanism na pinag-aaralan ngayon.

USEC. IGNACIO:  Usec., ngayong linggo daw po ay pipirma na sa isang kasunduan ang Pilipinas at ang Gamaleya Institute  para po sa 20 million dose na bakuna. May mga nabalitaan na po ba kayong adverse events na hinihinalang dulot naman ng Sputnik V?

FDA USEC. ERIC DOMINGO:  Well, so far po sa mga ibang countries, wala pa naman tayong nakikitang mga signals na tinatawag nga nila o itong mga red flag. So kapag dumating dito iyan magiging strict din naman ang ating monitoring.   But of course, until maumpisahan natin iyan, we’ll keep getting information from the other countries that are using it para po ma-update din tayo.

USEC. IGNACIO: Opo. Pakiulit lang po, Usec., ito po ba ay advisable para sa lahat; at anu-ano po iyong mga dapat na obserbahan ng isang nabakunahan o binakunahan ng Sputnik V?

FDA USEC. ERIC DOMINGO: Well, ano rin po siya, ang approval po ba niya is 18 and above, pagkatapos po binibigay po ito ng dalawang dose, one month apart. Ibang component iyong nasa first dose tapos ibang component iyong nasa second dose, at ito iyong sinasabi nilang dahilan kaya mataas ang kanilang efficacy rate ng more than 90%. And iyong mga dapat pag-ingatan would be similar din naman po sa ibang vaccines na ginagamit natin, iyong mga pananakit ng katawan, lagnat, sakit sa ulo, ubo at iyong mga high blood, iyan din po ang mga binabantayan natin.

USEC. IGNACIO: Usec., sa usapin ng Ivermectin naman po. Sa pagdami ng mga pasyenteng naka-confine sa mga ospital dahil sa COVID-19, sa palagay ninyo po ba ay magandang option ito para sa mga ospital na mag-apply na rin po ng for compassionate use kung marami naman po iyong nagpapatotoo na nakakatulong nga ito para gumaling sila sa COVID-19?

FDA USEC. ERIC DOMINGO: Well, sa ngayon po, iyong huling review ng ating expert panel natin diyan na binubuo ng mga society ng infectious disease, ng National Institute of Health at sa iyon pong mga clinical epidemiologists, ang huling tingin nila doon sa mga data na bagong submit ay wala pa ring matibay na ebidensiya to show that it will benefit iyong mga pasyente na mayroon pong COVID-19.

It’s still ang investigational drug. So hindi naman natin ito mairirekomenda pa sa ngayon pero open naman po iyong option na iyon sa mga hospitals na kung sakaling palagay nila ay wala silang ibang gamot na maibibigay na at naniniwala silang makakatulong ito sa pasyente nila, then they can get a compassionate special permit for this drug.

USEC. IGNACIO: Opo. Nabanggit po ni DOST Secretary Fortunato dela Peña noong sa interview niya dito sa Laging Handa na may ongoing na clinical trials naman po sa Ivermectin at mas magandang hintayin na muna iyong resulta. Sakaling lumabas na effective nga po ito, ano po iyong nakikita ninyong susunod na hakbang para po ma-legalize na ang paggamit nito dito sa Pilipinas?

FDA USEC. ERIC DOMINGO: Well, basta na prove naman siya ‘no na siya ay talagang effective against COVID-19 tapos isasama siya sa ating treatment protocol, pero mayroon pong mga paraan para mairehistro siya nang mabilis katulad po ng ating drug for emergency use or iyong ating emergency use authorization. Basta po talagang mayroon ng proven at saka iyon nga po, mayroon na rin siyang EUA galing sa ibang bansa.

Pero at this time, Usec. Rocky, puwede naman na siyang irehistro dito sa atin, puwede na siyang ikuha ng certificate of product registration, at mukhang may mga mag-a-apply na rin. Iyon lang, talagang kailangan maa-apply muna siya doon sa proven at saka known indication niya which at this time is an anti-parasitic drug.

USEC. IGNACIO: Opo. Usec., bigyan-daan ko lang iyong tanong ng ating kasamahan sa media, ano po. Galing kay Sam Medenilla ng Business Mirror: Since nag-issue na po ng compassionate use special permit ang FDA for Ivermectin, are our physicians legally allowed to prescribe it po? Kung if yes, ano po ang process ang kailangan nilang i-comply to do so?

FDA USEC. ERIC DOMINGO: Ang compassionate special permit po partikular iyon sa isang ospital or sa doktor na nag-request nito. So in this case, may isang ospital po na nag-request, puwede po siyang gamitin ng mga doktor doon sa ospital na iyon sa mga pasyente nila doon sa ospital na iyon lamang po. Tapos kailangan po ay iri-report nila ang mga pasyente nilang ginamitan nito at saka kung ano ang naging outcome, and of course, kailangan po iyong gamot ia-approve natin ay registered doon po sa bansang panggagalingan nito.

USEC. IGNACIO: Opo. Sunod po na tanong ni Sam Medenilla: May update na po kaya ang FDA pagdating sa guidelines sa paggamit ng AstraZeneca COVID-19 vaccine?

FDA USEC. ERIC DOMINGO: Well, tinatapos na po natin iyan ngayon para mailabas po natin this week. So far, nagbigay na po ng inputs sa atin ang WHO, iyong atin pong vaccine experts, pati po iyong ating National Adverse Events Following Immunization Council at sinasabi naman ng lahat na talagang the benefit outweighs the risk. So maglalabas lang po tayo ng guidelines lalo na doon sa mga magbabakuna para ma-advise nila iyong babakunahan kung ano iyong mga symptoms to watch out for at para alam din po ng mga pasyente kung may nararamdaman sila kung kailan sila kailangang komunsulta for this very year na possible occurrence po of blood clotting events.

USEC. IGNACIO: Opo. Tanong naman po mula kay Oscar Oida ng GMA News: May isa raw pong 61-year-old na mamamahayag sa Bohol na gumamit ng Ivermectin bilang prophylaxis kontra-COVID-19, at sinasabi nitong gumaling po siya. Kaya panawagan ng doktor na nagreseta sa FDA na payagan na po iyong malawakang pamamahagi ng Ivermectin.

FDA USEC. ERIC DOMINGO: Well, iba naman iyong prophylaxis, iba iyong gumaling. Prophylaxis means prevention. So hindi natin alam kung ano ang ibig niyang sabihin, o kung may sakit siya tapos gumaling siya. Kaya lang kasi, kailangan pong tandaan natin na 98% naman po kasi talaga ng magkaka-COVID ay gagaling kahit po wala namang gamot na ibigay. Ito po iyong mga sinasabi nating anecdotal na mga testimonies. So ang isang pasyente po na nag-take ng gamot kapag gumaling siya, hindi po natin mako-conclude kasi na dahil doon sa ininom niya kaya siya gumaling.

Kaya po talagang kailangang hintayin po natin iyong mga clinical trials na well-designed, na may mga placebo, may control, para po makita natin at ma-establish natin na eksakto kung ano po ang epekto ng isang gamot sa isang sakit at saka sa isang [unclear].

USEC. IGNACIO: Ang susunod pong tanong ni Oscar Oida: Ano po iyong masasabi raw ng FDA patungkol sa paggamit ng asthma drug na Budesonide, it can hasten daw po the recovery of COVID-19 patients at home with mild symptoms according to new trial results from the United Kingdom?

FDA USEC. ERIC DOMINGO: Well, ang Budesonide po ay hindi bagong gamot. This is an old drug and it’s registered and it can be used here in our country at depende po iyan sa doktor lalo na po iyong mga pulmonologist, kung nakikita nilang kailangan ito ng pasyente at makakatulong ito sa kanila, then maaari po nilang gamitin ang gamot.

USEC. IGNACIO: Opo. Usec., ayon po kay Congresswoman and former Department of Health Secretary Janet Garin, liable daw po kayo sa pagpayag sa isang ospital na gamitin ang Ivermectin dahil taliwas daw po ang desisyon ninyo sa panuntunan ng FDA. Dapat din daw pong i-disclose ang nasabing ospital na binigyan ng CSP for transparency. Aniya, diumano’y nadala nga kayo ng pressure. Ano raw po ang reaksiyon ninyo rito?

FDA USEC. ERIC DOMINGO: Well, hindi naman po kasi very clear naman po iyong panuntunan natin kung ano iyong CSP [compassionate special permit]. So since July po, kung hindi po ako nagkakamali, July last year ay in-expand po ng DOH ang maaaring bigyan ng compassionate special permit to drugs for COVID-19 na still under investigation. And talaga naman pong investigational product for COVID-19 ito pong Ivermectin kaya po siya nakakasunod po siya.

So amin naman po, wala naman po—siyempre po may pressure kung saan-saan, pero sa FDA po ay ina-approve lang naman po ang mga application based on merit at basta po nakakumpleto po sila ng requirements.

USEC. IGNACIO:  Okay. Kami po ay nagpapasalamat sa inyong panahon, FDA Director General Usec. Eric Domingo. Mag-ingat po kayo, Usec.

FDA USEC. ERIC DOMINGO:  Maraming salamat, Usec. Rocky.

USEC. IGNACIO: Samantala, walang mangyayaring disconnection o pagpuputol ng serbisyo, iyan po ang tiniyak ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System o MWSS at Meralco sa kanilang mga customer kahit umiiral na po ang Modified Enhanced Community Quarantine sa NCR+. Ang report mula kay Cleizl Pardilla:

[NEWS REPORT]

Muli namang nag-ikot ang outreach team ni Senator Bong Go kasama ang ilang ahensiya ng pamahalaan para magbigay-tulong sa ilang residente. Panoorin natin ito.

[NEWS REPORT]

Samantala, alamin naman natin ang kaganapan sa iba’t ibang bahagi ng bansa, mag-uulat si John Mogol ng PBS-Radyo Pilipinas. John?

[NEWS REPORT]

Maraming salamat sa iyo, John Mogol ng PBS-Radyo Pilipinas.

Maraming salamat din po sa ating mga partner-agency para sa kanilang suporta sa ating programa at maging ang Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas. Salamat din po sa Filipino Sign Language Access Team for COVID-19, mabuhay po kayo.

At dito po nagtatapos ang ating programa sa araw na ito. Lagi po nating tandaan na kumuha ng mga tamang impormasyon mula sa mga mapagkakatiwalaang source at huwag po basta-bastang maniniwala sa fake news.

Ako po ang inyong lingkod, Usec. Rocky Ignacio mula sa PCOO. Hanggang bukas pong muli dito sa Public Briefing #LagingHandaPH.

 

###

 

 

SOURCE: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)