USEC. IGNACIO: Magandang umaga Pilipinas. Tuluy-tuloy ang ating paghahatid ng pinakahuling balita kaugnay sa COVID-19 pandemic kasama pa rin po ang opisyal ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, bibigyan-linaw at kasagutan ang mga katanungan ng taumbayan. Sa ngalan po ni Secretary Martin Andanar, mula sa PCOO, ako po si Usec. Rocky Ignacio at ito ang Public Briefing #LagingHandaPH.
At upang sumagot sa mga tanong ng bayan, maya-maya lamang ay makakasama natin sa programa sina Department of National Defense Secretary Delfin Lorenzana at Deputy Commissioner Edgardo Cabarios ng National Telecommunications Commission.
Makakasama rin natin sa paghahatid ng ulat ang mga PTV correspondents mula sa iba’t ibang probinsiya at ang Philippine Broadcasting Service.
Samantala, para naman sa inyong mga katanungan, maaari kayong mag-comment sa live streaming ng ating programa sa PTV Facebook page.
Para sa mga balita: Usapin sa 2022 national elections masyado pang maaga at hindi pa dapat pagtuunan ng pansin. Para sa ibang detalye, panoorin po natin ito:
[VTR]
Sa iba pang balita, mga hakbang ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict upang masugpo ang isyu sa local communist armed conflict patuloy. Narito ang report:
[VTR]
Seguridad ng bansa sa panahon ng pandemya at iba pang updates sa usapin sa kanilang mga departamento atin pong pag-uusapan at lilinawin kasama si Department of National Defense Secretary Delfin Lorenzana. Secretary, magandang araw po.
DND SECRETARY LORENZANA: Magandang araw, Usec. Rocky.
USEC. IGNACIO: Opo. Secretary, noong Monday night po, tahasang sinabi ni Pangulong Duterte na walang ceasefire na magaganap ngayong Disyembre sa pagitan po ng gobyerno at komunistang grupo. So ano na po ang inaasahan natin mula sa ating Sandatahang Lakas? Kayo po ba ngayon ay naka-red alert?
DND SECRETARY LORENZANA: Hindi naman, Usec. Rocky. Pareho lang kasi tuluy-tuloy naman iyong ating mga ginagawa para sugpuin iyong mga masasamang tao diyan sa mga remote areas especially sa barangay ‘no. Walang pagbabago, medyo paigtingin lang siguro nang konti iyan habang papalapit iyong anibersaryo ng CPP-NPA-NDF sa 26 December. Kasi ang mga ginagawa nila ay gumagawa sila ng mga karahasan para siguro ipakita sa lahat ng tao na sila ay nandiyan pa; hindi pa sila nawawala.
USEC. IGNACIO: Opo. Secretary, masasabi po ba natin na iyong naging pahayag ng Pangulo ay isang deklarasyon na ng all-out-war laban sa mga insurgents sa huling dalawang taon ng administrasyon?
DND SECRETARY LORENZANA: Usec. Rocky, iyon kasing term na “all-out-war” ay parang hindi magandang pakinggan eh kasi ang ibig sabihin niyan, aba’y wala ka nang iiwan diyan na ano… iyong scorched-earth policy na iyan ano.
Ang iniisip namin na all-out-war ay iyong all of government, all of government approach dito sa insurgency iyan. Kaya nga tayo ay nagtatag ng National Task Force to End Local Insurgency, segun na rin sa EO 70, ito ngayon ang pinapairal natin sa buong bansa at involved na lahat ng ahensiya ng gobyerno – national government, local government – especially iyong local LGUs, sila na ngayon iyong nasa harapan at sila ang magsasabi sa mga agencies ng gobyerno kung ano ang dapat gawin sa kanilang mga komunidad at kami ay handang tumulong.
Ngayon, itong hinihingi namin na 16 billion para sa—ang tawag kasi nila ELCAC fund eh. Hindi po ELCAC fund iyan, ang tawag po namin diyan ay Barangay Development Fund. Ang pupuntahan ng pera na iyan ay more than 800 barangays all over the country na nangangailangan ng development, katulad ng kalsada, ng mga patubig, mga eskuwelahan, pailaw at para naman makarating ang kabihasnan sa mga barangay na ito.
USEC. IGNACIO: Opo. Secretary, may nabanggit din po si Pangulong Duterte na records kung saan na-identify iyong ilang individual bilang bahagi po ng komunistang grupo. Ito po ba ay verified information na pinagbabasehan ng ating Pangulo?
DND SECRETARY LORENZANA: Palagay ko naman ay mayroon kaming basehan diyan, Usec, Rocky, dahil sa mula’t mula pa ay alam naman namin kung sino iyong mga nakakabit diyan sa Communist Party of the Philippines, sa NDF. Ginagamitan lang nila ng legal front cover pero ang ginagawa nila, ang kanilang layunin ay tulungan itong CPP-NPA.
So tama si Presidente and sinusuportahan namin iyong kaniyang allegation na ito talaga sila ay mga komunista. Wala siguro kaming makitang membership card nila pero bakit—hindi na natin kailangang makuha/makita pa iyong membership card nila o nakita natin silang nag-oathtaking sa komunista, sa communist party. Pero iyong actions nila, iyong ginagawa nila, araw-araw na ginagawa ay nagpapatunay na sila ay miyembro ng communist party.
USEC. IGNACIO: Opo. Secretary, patungkol naman doon sa napipintong pagpasa ng 2021 national budget. Gaano po kalaking pondo mula sa [unclear] billion pesos ang mapupunta muli sa modernization program ng Armed Forces of the Philippines?
DND SECRETARY LORENZANA: Thirty-one billion lang, Usec. Rocky. Kumonti ngayon dahil nga sa COVID.
USEC. IGNACIO: So ano po iyong mapupunta doon sa programang modernization program ng AFP, Secretary? Ano po iyong mga priority?
SEC. LORENZANA: Pakiulit lang.
USEC. IGNACIO: So, dito po sa budget ninyo, ano po iyong magiging priority ng AFP Modernization Program?
SEC. LORENZANA: Ang priority niyan ay iyong mga kontrata na nasa pipeline, iyong napirmahan na iyan, tulad ng mga protective gear ng mga sundalo, iyong dagdag na equipment. Hindi ko alam iyong detalye, pero hindi ito sinlaki noong mga nakaraang taon, dahil nabawasan tayo nang dahil dito sa pandemic. So, ito ay makakadagdag din sa mga misyon ng sundalo, para gampanan iyong kanilang mga misyon.
USEC. IGNACIO: Pero sa pananaw ninyo, Secretary, hindi naman po makakaapekto sa operasyon ng Armed Forces of the Philippines iyong naging tapyas po sa budget para sa modernization program?
SEC. LORENZANA: Hindi naman, Usec. Rocky, dahil itong mga ibang mga kagamitan na gusto nating bilhin ay hindi naman ito mga kagamitan na puwede mo kaagad bilhin na para kang bumibili ng mga bagay sa supermarket, kung hindi matagal din po ito eh. Ang tawag nga rito ay long gestation period na kung orderin mo ngayon, aba eh mga taon pa bago darating! Katulad halimbawa iyong frigate na tinanggap natin ngayong taon na ito ay sinimulan nilang planuhin noong 2012 pa. So, kung maiuurong natin iyong pag-start o pagkaroon ng process ay hindi naman makaapekto.
USEC. IGNACIO: Secretary nabanggit po sa Senado, noon pong budget deliberation na wala pa tayong national operation center for cyber security. So, ano daw po ang balak ng DND para po makasabay tayo sa sinasabing cyber warfare?
SEC. LORENZANA: Totoo iyan, Usec. Rocky. Kami nag-uumpisa pa lang ngayon, ang GHQ at saka ang Department of Defense dito sa headquarters ng Department of Defense ay nag-uumpisa pa lang tayo. Ang ating handicapped dito ay kulang tayo sa funding. Ngayon, kami ay umaasa dito sa DICT kasi itatali na lang namin sa kanila iyong aming gagawin, para isa lang iyong ating sistema na nagkakausap-usap. Sa katunayan nga, dapat lahat ng mga ahensiya ng gobyerno ay mayroon isang operation center na siguro sa tingin ko ay patatakbuhin ng DICT.
USEC. IGNACIO: Secretary, naging kontrobersiyal po iyong PITC or iyong Philippine International Trading Corporation, dahil maraming pondo ang diumano ay natengga dito sa paggastos sana sa mga proyekto ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan at kasama na po diyan ang AFP. So, may plano po bang makipag-ugnayan kayo sa PITC, in case po, sa inyong procurement needs?
SEC. LORENZANA: Totoo iyan, Usec. Rocky ‘no. Mayroon kaming pera diyan as of late, noong isang linggo, siguro 11.1 billion pesos. Pero itong mga pera na ito ay iyong iba diyan ay naka-award na iyong kontrata, iyong iba naman ay mayroon na tayong technical working group na tumitingin. So, ang ibig sabihin, naumpisahan na iyong procurement process. Mayroon lang sigurong iba diyan, sabi ko nga sa aking mga tao rito, at saka kay Secretary Mon Lopez, iyong hindi pa nagagalaw na nandiyan lang, naghihintay pa na umpisahan iyong process ay siguro puwede ninyong ibalik sa National Treasury. Pero Usec. Rocky, iyong PITC ay isa lamang sa method o pamaraan ng procurement ng military. Puwede ring mag-procure ang Department of Defense, puwede ring mag-procure iyong AFP, puwede rin naming ipasa ito sa PS-DBM.
Ngayon nakikita kong naging problema ng PITC ay halos lahat kasi ng ahensiya ay lumapit sa kanila para magpatulong sa procurement. So, siguro ay napuno lamang sila, natambakan sila at hindi nila maasikaso iyong procurement. Ganoon pa man, titingnan natin sa darating na taon, next year siguro, how capable is PITC in procuring the equipment that we need, at kung hindi, kami na lang ang magpo-procure.
USEC. IGNACIO: Secretary, may agam-agam po iyong ilan na baka daw po magamit ang 190 million pesos for counter-insurgency measures para daw po tugisin at diumano’y idiin ang mga kritiko ng pamahalaan. Ano po ang masasabi ninyo dito, Secretary?
SEC. LORENZANA: Hindi totoo iyan, Usec. Rocky. Tayo naman ay we have the right to dissent, we have the right to assemble against any grievances that you may have against the government. Hindi iyon kasama doon sa insurgency, hindi iyon. Pati sa terorista, hindi naman terorista ang turing namin diyan sa mga nagdi-demonstrate eh. They can do it, as long as it’s peaceful, wala silang balak na maghasik ng lagim, then everybody can do it. You can critique the government all you want, but it is accepted, it is tolerated.
USEC. IGNACIO: Secretary, 29 million US dollars na military hardware or donation po mula sa Amerika ang ipinagkaloob sa ating AFP kamakailan, ito po ba ay pagpapakita nang maganda at malalim nating alliance sa Amerika?
SEC. LORENZANA: Usec. Rocky, palagi naman tayong nakakatanggap ng mga grants at saka aid mula sa United States. Hindi lang namin siguro naipapa-publish, pero sa taun-taon mayroon silang binibigay na pakonti-konti katulad nitong 29 million na ito consisting of RPGs o iyong precision guided munitions ano. Pero itong mga bagay na ito ay matagal ng naka-program, dumating lang ngayon. So, iyong mga hinala nila na iyong outgoing Trump administration ay binibigay ito, eh hindi naman siguro totoo na hinahabol iyong bago umalis si President Trump, kung hindi talagang oras na para ibigay sa atin.
USEC. IGNACIO: Opo, iyan nga po ang susunod kung tanong sa inyo. So paano naman po tinantanggap natin sa Pilipinas ang transfer of leadership from President Trump to President-elect Joe Biden? Siyempre, mahalaga po dito sa usapin na rin ng security, Secretary?
SEC. LORENZANA: Usec. Rocky, iyon namang mga nakausap namin diyan sa embassy, ang sabi naman nila ay hindi naman magbabago iyong policy ng US dito sa South East Asia at sa buong mundo. Safe na iyong kanilang policy and mayroon lang kaunting pagbabago na mangyayari. But generally, it will be the same as always. Kung titingnan mo sa mga nakaraang taon, kung pinag-aaralan natin iyan, ay wala naman, nothing has changed, it’s the same! They have the same policy dealing with other people outside their country.
Ngayon, itong pagbabago ng administrasyon from the Republican to the Democrats ay sa tingin ko naman ay I think it will be the same. Pero tingnan natin, we will see for sure kapag umupo na si President-elect Biden sa January 20. Malalaman na natin talaga kung ano iyong kanilang mga specific policies regarding their dealings with other countries including the Philippines.
USEC. IGNACIO: Secretary, permission to read question po ng ating kasamahan sa media. May tanong po si Evelyn Quiroz ng Pilipino Mirror. Ang tanong po niya: The Philippines recently acquired po six S-70i Black Hawk combat utility helicopters for the Philippine Air Force with a view to acquire 16 more. Does the government have any plan to acquire long range multi-role combat air craft capable of protecting our sovereignty over our territories in the West Philippine Sea?
SEC. LORENZANA: Unahin ko muna iyong Black Hawk, Usec. Rocky. Yes, tinanggap na natin iyong anim sa labing-anim na binili natin sa isang gumagawa ng helicopter sa Poland, dumating last week. Kahapon ko iyon tinanggap, iyong sampu ay darating iyan mga within the next quarter, baka February nandito na iyan ano. Ngayon itong Black Hawk ay binili natin ito brand new ito, binili natin sa pahintulot naman ni President Duterte noong two years ago nang bumili tayo ng probable replacement na ng ating Huey na matatanda na ito, kasi Vietnam war vintage pa ang ito at medyo hindi na masyadong reliable.
So, iyong balak naman, iyong pangarap ng Air Force na dagdagan pa ng 16 ay sinabi na sa akin ni Air Force General Allen Paredes at kasi ang sabi niya mas maganda na iyong pare-pareho iyong ating mga helicopter para mas madaling i-maintain at saka pati iyong pag-training ng mga piloto hindi na tayo ti-train ng panibago.
Doon naman sa Multi-Role Fighter, nandoon pa rin iyong program medyo iurong na lang natin ulit ngayon dahil nga naubos iyong ating pera nitong pandemic—hindi naman naubos kung hindi kinain ng pandemic itong karamihan ng ating mga fundings for modernization pero nandoon pa rin. Hopefully mga within the 3rd horizon eh makaumpisa na tayo mag-procure ng Multi-Role Fighter.
USEC. IGNACIO: Secretary, ano na lang po iyong gusto ninyong iwang mensahe sa ating mga kababayan na umaasa po sa kakayahan ng ating Armed Forces of the Philippines at ng Defense Department?
SEC. LORENZANA: Mga kababayan, makakaasa po kayo ang inyong Sandatahang Lakas, ang Department of Defense ay palaging nandiyan, hindi sila natutulog doing their service 24 hours a day para kayo ay pangalagaan.
Ngayon, ang paalala lang po ay dahil nandito pa iyong pandemic ay sundin natin iyong protocols na Mask, Hugas, Iwas. Kasi po ang ayaw po naming mangyari ngayon ay tataas nang bigla itong mga kaso natin at baka hindi na natin mapigilan sa susunod kasi nga kapag tumaas ito, malaking problema talaga.
So hintayin po natin iyong vaccine, iyong bakuna at kapag lahat tayo ay nakabakuna na then we can go back to our normal lives.
Maraming salamat po.
USEC. IGNACIO: Maraming salamat po sa inyong panahon, Defense Secretary Delfin Lorenzana.
SEC. LORENZANA: Salamat din, Usec. Rocky.
USEC. IGNACIO: Huwag po kayong aalis, magbabalik pa ang Public Briefing #LagingHandaPH.
[COMMERCIAL BREAK]
USEC. IGNACIO: Nagbabalik po ang Public Briefing #LagingHandaPH.
Sa gitna po ng pandemya marami sa atin iyong iginugugol po ang kanilang oras online kaya naman po upang kumustahin ang estado ng internet service sa bansa, makakausap po natin si NTC Deputy Commissioner Edgardo Cabarios.
Magandang araw po, Commissioner? Commissioner, magandang araw po! Naririnig ninyo na po ako?
NTC DEPUTY COMMISSIONER CABARIOS: Opo, Usec., naririnig na po.
USEC. IGNACIO: Sir, bigyan daan naman po natin iyong katanungan muna ng ating kasamahan sa media. Mula kay Evelyn Quiroz po ng Pilipino Mirror, ito po iyong tanong niya: In a bid daw po to force telecom companies to improve their services, the NTC was said to be considering an increase po in penalty on telecom companies from 200 per violation a day to P2-million per violation a day. Will this be a possibility in the immediate future?
NTC DEPUTY COMMISSIONER CABARIOS: Kailangan po ng batas. Mayroon na pong naka-file sa House at saka sa Senate increasing the penalty para ma-impose po ng Komisyon. Naka-file na po iyan at nasa committee hearing po.
USEC. IGNACIO: Commissioner, ano po iyong masasabi ninyo na number one po ang Pilipinas sa pinakamaraming oras na ginugugol sa social media sa kabila po ito ng problema na nae-encounter sa paggamit ng internet?
NTC DEPUTY COMMISSIONER CABARIOS: Base po sa statista.com ang Pilipinas po, average ay nasa internet nang siyam na oras at 45 minutes – 2019 figures po ito. So, nine hours and 45 minutes.
At noon at that time 2019, ang estimate is 79 million internet users po tayo. Ang Vietnam, 6 hours lang po ang average and there are only around 60 million internet users.
So, makikita po natin iyong kaibahan ‘no. So, kung titingnan po natin kung halos pareho iyong ating capacity – Vietnam at saka tayo – mas marami pong gumagamit sa internet sa Pilipinas kaysa Vietnam at any given time. So, ang ibig sabihin noon kung pareho ang capacity natin eh natural mas mabagal ang resulta ng speed sa Pilipinas kaysa sa Vietnam.
So, ang ibig pong sabihin niyan ay dapat lakihan iyong investment sa access sa networks po natin at again, kung ikukumpara po natin sa Vietnam, 80,000 po kasi ang cell sites doon ano; sa atin is 22,500. So, medyo malayo po ano. Kaya nga ho binibilisan iyan at may direktiba po ang ating mahal na Pangulo na bilisan iyong pag-iisyu ng permits sa mga cell towers. At ang DICT naman po ay naglabas po ng policy sa common tower, ang ibig sabihin po niyan, hinihikayat ang mga kumpanya na mag-invest sa common tower. So, maiibsan ho iyong investment ng telcos sa common tower, so additional investment po iyan. So kailangan po natin kasi ng additional investments ano. While iyong ating mga telco, 40 to 45 percent nang kanilang gross revenue na ini-invest ay kulang po, kulang na kulang po considering na ang Pilipinas ay composed ng napakaraming isla at iku-connect po natin iyan, submarine cable, ay six times more expensive po iyan kaysa doon sa terrestrial na fiber.
So ang DICT po ay pinayagan na rin iyong paglalatag ng duct fiber ng ibang kumpanya, hindi ng telco. So again, additional investment po ito ‘no, it is being encouraged. So iyan po iyong nagiging direksiyon at lahat po nito, kung pagsasama-samahin natin ay tutulong po para ma-improve. We need more investments, kailangang-kailangan po natin because talagang maski nahuhuli ho tayo, as far as infrastructure build up is concerned. So iyon po iyong ating sitwasyon as of now.
Nag-i-improve po, but iyong ating mga kapitbahay ay nag-i-improve din so we remain, ang sabi po ni Secretary Roque, eh nasa dulo pa rin. Sa ASEAN, number 6 po tayo sa fixed at number 8 sa mobile; sampu po iyong sa ASEAN. So medyo marami pong dapat gawin at lahat po ay tumutulong dito sa pag-i-improve po ng infrastructure sa telecommunications sa Pilipinas.
Maraming measures, like iyong Congress ho is nagpasa ho iyong lower house, I mean, iyong House of Representatives para tanggalin iyong nationality requirements sa telco kasi kailangan natin ng additional investments ho talaga pagdating sa telco infrastructure development. So again, makakatulong din po iyan.
At isa pang makakatulong ay iyong pagbabawas po ng mga barrier to market entry tulad po ng proposal sa house at saka sa senate na tinatanggal din po iyong franchise requirement para sa access network, iyon pong last mile papunta po sa mga subscribers. Again, makakatulong po ito para maka-attract ng mga investors para lumaki iyong ating infrastructure.
USEC. IGNACIO: Commissioner, alam naman po natin na napakahalaga ng internet service ngayong panahon ng pandemic. Gaano po kalaki iyong sinasabi ninyong in-improve ng internet service sa nakalipas na buwan? At ano ba iyong naging basehan ng NTC sa iniri-report ninyo po kamakailan na increase in internet speed sa bansa?
NTC DEPUTY COMMISSIONER CABARIOS: Base po sa Ookla test results, nag-subscribe po ang NTC sa Ookla kasi – Ookla ho is internationally-known pagdating sa speed test. Noon pong in-announce ng ating Pangulo iyong direktiba, ang speed at that time, fixed ho, is 25 Mbps and end of November ay 28.69 na po siya. So tumataas ho siya, nasa glide na pataas. Sa fixed ho naman is 15.95 to 18.69. So tumataas po siya, at tuluy-tuloy po iyan.
Noong na-isyu po iyong JMC, Joint Memorandum Circular at iyong directive ng ating Pangulo para bilisan ho iyon processing ng mga permits, dumami po iyong permits na na-issue, 600% on the average compared to 2019. Iyon nga lang po, it takes time to build cell sites, mga three months po iyan. So nakikita na po natin iyong improvement, November. Mas malaki by December. At by next quarter o next, next year, first quarter, lalaki ho iyan, kasi at that time marami na pong cell sites ang naitayo.
USEC. IGNACIO: Opo. So ano po ba iyong projection ninyo pagdating sa internet speed sa bansa sa pagpasok naman po ng 2021?
NTC DEPUTY COMMISSIONER CABARIOS: Ang gagawin ho nating benchmark ay iyong commitment po ng third telco, iyong DITO Telecommunity, na 27 Mbps. So iyon po iyon, sa mobile po iyon kasi mas marami hong nagamit kaysa sa mobile so mas mababa iyong kaniyang average speed kaysa sa fixed.
So kung ang average speed mo sa mobile is 27, so we expect po sa fixed na baka doble niyan, so nasa kwarenta ho iyan hanggang singkuwenta Mbps.
USEC. IGNACIO: Opo, sa inyo pong assessment, nakapag-comply po ba iyong ating mga telecom company doon po sa ipinag-utos ni Pangulong Duterte na i-improve ang kanilang internet service hanggang sa huling buwan ng taon?
NTC DEPUTY COMMISSIONER CABARIOS: Nakikita naman natin na pataas eh. Pataas iyong average speed, so mayroon hong improvement, iyon nga lang, hindi gaanong substantial iyong improvement. Makikita po natin by December, this month, by end of this month, makikita natin kung mayroong mas malaking improvement sa speed compared to November. Kasi by that time, dapat marami ng cell sites ang naitayo eh, kasi three months po iyong pagtatayo ng cell sites. So again, by the end of this month, makikita po natin kung gaano ang itinaas ang speed compared to November.
USEC. IGNACIO: As of today, Commissioner, gaano na po karaming cell sites iyong na-approve na at inaasahang maitatayo po sa mga susunod na buwan?
NTC DEPUTY COMMISSIONER CABARIOS: Ang average permits po, monthly average ay 371 compared to 2019 na 63 lang po siya. So marami ho, marami ang ini-expect natin na marami hong maitatayo na.
As of November kasi ang total number of cell sites ay 22,500 eh. So siguro may ma-increase na 1,000 sites, etc. So makikita ho natin. So additional 1,000, let’s say 2,000 that will improve a lot po iyong ating speed.
USEC. IGNACIO: Kumusta po iyong sinasabi nating posibleng sanctions at penalties na ipinataw sa mga service providers na hindi po raw nakapag-comply? May napatawan na po ba?
NTC DEPUTY COMMISSIONER CABARIOS: Well, mayroon ho, iyon nga lang hong 200 pesos per day so napakababa po niyan. Based on our records, mayroon pong napatawan, iyon nga lang, as I’ve said, napakababa po kasi.
Ang penalty ho kasi natin is extreme na napakababa, 200 pesos per day. At iyong isa na puwede mong i-impose is suspension or cancellation ng authority. So medyo malayo ho kasi iyong diperensiya ng dalawa ‘no. So the reason why humihiling kami sa Kongreso na kung pupuwede ay taasan iyong penalty, iyong masasaktan sila. Kasi 200 pesos, hindi ho masasaktan iyong ating mga telco.
USEC. IGNACIO: Ang sabi ng DITO Telecom, sila po ay confident na makakapasa sa technical audit. Magiging mahigpit po ba kayo sa isasagawang technical audit come January 2021? Tingin po ninyo ay kakayanin nila iyong roll out by March next year?
NTC DEPUTY COMMISSIONER CABARIOS: Mayroon pong independent auditor na na-appoint. So iyon pong independent auditor, siya ang magsasagawa ng audit. Isa-submit po sa NTC iyong result ng kaniyang audit at NTC will decide kung nakapasa sila o hindi. Kung hindi sila nakapasa, they are given iyong remediation, six months remediation. Kung hindi pa rin pasado, ipu-forfeit na po iyong kanilang fund, which is 25.7 billion.
So, ang sabi po nila is they are confident na compliant sila with their commitment na 27 Mbps minimum at 37% population coverage po. Iyon po iyong commitment nila.
USEC. IGNACIO: Commissioner, ano naman po iyong efforts na ginagawa ng NTC at ng service providers para naman po maipaabot iyong serbisyo partikular po doon sa mga liblib na lugar at iyong tinatawag na underprivileged po na hirap talaga sa pag-abot ng signal lalo na tuwing may online classes po?
NTC DEPUTY COMMISSIONER CABARIOS: Iyon po talaga ang isa nating problema. As I have said, iyon pong investments, malaki nga 40 to 45%, 50 billion, 73 billion Globe saka Smart, pero kulang po iyon eh. Kulang po itong mga investment, kaya nga in other countries kasi, government is investing sa Telco infrastructure.
Ngayon, sa Pilipinas, ang DICT is already investing sa Telco. Mayroon po tayong free Wi-Fi and then free Wi-Fi will cover ho itong unserved and underserved areas.
Itong investment na malalaki kasi ng ating mga Telcos, mukhang ang concentration niya ay doon sa pag-address po noong demand sa mga areas na mayroon na. Kasi lumalaki po ang demand eh, so kapag lumalaki ang demand, dapat tinataasan mo naman iyong capacity doon nag-i-invest po ang ating mga Telcos. Iyong mga unserved areas at sabi po ng DICT sila po iyong pupunta roon, through the free Wi-Fi at mayroon po silang plan, if I am not mistaken, to build 10,000 towers in missionary areas. So tulung-tulong po iyan, the private investment and the government investments tulung-tulong po iyan para mailatag iyong ating Telco facilities sa lahat ng sulok ng Pilipinas po.
USEC. IGNACIO: Commissioner, hinimok ninyo nga po iyong mga mambabatas natin na suportahan po ang programa ng DICT na National Broadband Plan. Ano po ba ang layunin nito at paano po ito makakatulong sa ating mga kababayan?
NTC DEPUTY COMMISSIONER CABARIOS: Iyong National Broadband Plan ng DICT covers mula sa norte papuntang Mindanao. So mayroon po siyang national network na ang gagamitin mainly ay iyong NGCP, iyong TRANSCO na fiber po ang gagamitin niyan at iyong iba doon sa lugar na wala iyong fiber maglalagay po sila ng microwave radio links. So, ito po ay makakatulong kasi mag-a-add po siya, magdadagdag ng capacity.
So we need capacity, magdadagdag po siya ng capacity, gagamitin ng gobyerno, lahat ng agency ng gobyerno gagamitin doon, so maiibsan po iyong capacity sa private investment, Telcos para magamit ng ating mga subscribers or users. So makakatulong po ng malaki iyan at inihahanda din po niya, if I am not mistaken, itong national network na ito para ma-cover din iyong areas na unserved and underserved.
So, mas maganda po iyong direksiyon at kung titingnan natin makakaasa po tayo na the at shortest possible time, eh itong mga unserved, underserved areas ay mapupuntahan na rin po.
USEC. IGNACIO: Okay. Kunin ko lamang po ang inyong mensahe Commissioner sa ating mga kababayan?
NTC DEPUTY COMMISSIONER CABARIOS: Sa atin pong mga kababayan. Nagtutulung-tulong po ang gobyerno at ang private sector para po mapaganda, mapahusay iyong ating Telco Networks at saka services ano.
Iyong pagpaparusa sa mga hindi nakaka-comply sa kanilang mga commitment ay nariyan po iyan, nakahanda po ang Commission to impose on them appropriate penalties kung talagang hindi sila gagawa ng kanilang sinasabing gagawin nila.
So again, makakaasa po ang ating publiko na nariyan ang gobyerno. Nariyan ang private sectors para pagtulungan na i-upgrade po iyong ating services comparable po sa ating mga kalapit-bansa, Vietnam, although Vietnam iyong kanilang tatlong operators sa Vietnam, all government-owned; Thailand, again iyong dalawang malaki iyong government-owned. So, even then, with the help of government, with the help of the private sectors eh kaya po natin ito.
USEC. IGNACIO: Okay. Marami pong salamat, Deputy Commissioner Edgardo Cabarios ng NTC.
Samantala sa iba pang balita, ilang residente sa Bulacan tinulungan ni Senator Bong Go. Ang detalye narito po.
[NEWS REPORTING]
USEC. IGNACIO: Sa puntong ito dumako naman tayo sa pinakahuling ulat mula sa iba’t ibang lalawigan sa bansa, makakasama natin si Czarinah Lusuegro mula sa Philippine Broadcasting Service.
[NEWS REPORTING]
USEC. IGNACIO: Maraming salamat sa iyo Czarinah Lusuegro mula po sa Philippine Broadcasting Service. Puntahan naman natin si Breves Bulsao mula sa PTV-Cordillera.
[NEWS REPORTING]
USEC. IGNACIO: Maraming salamat sa iyo Breves Bulsao. Mula naman sa PTV-Davao, may ulat sa Jay Lagang. Jay?
[NEWS REPORTING]
USEC. IGNACIO: Maraming salamat sa iyo, Jay Lagang. Dumako naman tayo sa update kaugnay sa COVID-19 cases sa buong bansa. Base sa tala ng Department of Health, as of December 10, 2020 umabot na sa 445,540 ang total number of confirmed cases. Naitala ang 1,383 new COVID-19 cases kahapon; 24 katao naman ang bagong bilang ng mga nasawi, kaya umabot na sa 8,701 cases ang kabuuang bilang ng COVID-19 deaths sa ating bansa. Ngunit patuloy din naman ang pagdami ng mga nakaka-recover na umakyat na sa 409,058 with 133 new recoveries recorded as of yesterday. Ang kabuuang total ng ating active cases ay 27, 781.
Patuloy po tayong magtulungan na masugpo ang COVID-19 sa pamamagitan po ng pagsasailalim sa COVID-19 test kung kinakailangan, at siyempre katuwang pa rin dito ang Philippine Red Cross. Kung nais po ninyong magpa-swab test sa Red Cross, narito po ang mga hakbang na dapat ninyong gawin
[VTR]
USEC. IGNACIO: At iyan nga po ang balitang aming nakalap ngayong araw, maraming salamat sa mga naglaan ng kani-kanilang oras. Ang public briefing ay hatid sa inyo ng iba’t-ibang sangay ng Presidential Communications Operations Office sa pakikipagtulungan ng Department of Health at kaisa ng Kapisanan ng mga Brodkaster sa Pilipinas o KBP. Asahan ninyo ang aming patuloy na pagbibigay impormasyon kaugnay sa mga update sa ating paglaban sa COVID-19 pandemic.
Maraming salamat din sa Filipino Sign Language Access Team, for COVID-19. Samantala, 14 days na lamang po Pasko na. Ipagdiwang po natin ito ng ligtas sa pamamagitan ng pag-iwas sa mga peligrong dala ng COVID-19. Ating tandaan mabuting lagay ng kalusugan ay isa sa pinakamagandang regalong maibibigay mo sa iyong sarili at pamilya.
Sa ngalan po ni Secretary Martin Andanar, mula sa PCOO, ako po si Usec. Rocky Ignacio. Magkita-kita po tayong muli bukas dito lang sa Public Briefing #LagingHandaPH.
##
Source: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)