Press Briefing

Public Briefing #LagingHandaPH hosted by Presidential Communications Operations Office Undersecretary Rocky Ignacio and Aljo Bendijo


Event Public Briefing #LagingHandaPH

USEC. IGNACIO: Magandang umaga sa ating mga kababayan na nasa iba’t ibang panig ng mundo. Ganoon din sa lahat ng mga nakasubaybay ngayon sa kani-kanilang mga telebisyon, radyo at sa ating online streaming.

Sa ngalan  po ng People’s Television Network, Philippine Information Agency, Philippine Broadcasting Service at ang Radyo Pilipinas network, and crisis communication platforms, Radio Television Malacañang, at sa pangunguna ng Presidential Communications Operations Office, ako po ang inyong lingkod, Usec. Rocky Ignacio.

BENDIJO: Hahalili naman po kay Secretary Martin Andanar, ako po si Aljo Bendijo. Dito ay magkakaroon ng pagkakataon ang ating mga kababayan na ilahad ang kanilang mga saloobin pagdating sa health crisis na kasalukuyan nating nararanasan hindi lang dito sa Pilipinas kung hindi sa buong mundo.

USEC. IGNACIO: Basta sama-sama at laging handa, kaya natin ito. Kaya naman, bayan, halina at inyo na kaming samahan dito sa Public Briefing #LagingHandaPH.

Ngayon naman po ay puntahan natin ang iba pa nating kasama na magbibigay ng balita mula sa iba’t ibang bahagi ng ating bansa. Sina John Mogol mula sa Philippine Broadcasting Service-Radyo Pilipinas, at Jay Lagang mula sa PTV Davao. Magandang umaga po sa inyo.

BENDIJO: At ngayong Lunes – magandang umaga, Usec. Rocky – ay makakasama natin sina Secretary Rolando Bautista ng Department of Social Welfare and Development; Jay Santiago, ang general manager ng Philippine Ports Authority; Dr. Rene Escalante, ang chairman naman ng National Historical Commission of the Philippines at National Quincentennial Committee; at si Ambassador Adnan V. Alonto ng Embassy of the Republic of the Philippines, diyan po iyan sa Kingdom of Saudi Arabia. Magandang umaga po sa inyo.

USEC. IGNACIO: Aljo, para naman sa mga karagdagang balita: Pagpapatigil ng implementasyon ng enhanced community quarantine sa mga apektadong lugar dahil sa COVID-19 nakadepende sa kakayahan ng lokal na pamahalaan na mapigilan ang pagkalat ng sakit sa nasasakupan nito. Ito ang sinabi ni Senador Bong Go matapos i-anunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Biyernes ang extension ng ECQ sa mga lugar na nananatiling mataas ang kaso ng COVID-19, ganoon din iyong mga lokalidad na isasailalim na lamang sa general community quarantine pagdating ng Mayo. Magsilbi umano itong hamon sa mga LGUs na maituturing na high risk areas upang tuluyang mapababa at mapuksa ang COVID-19 nang sa gayon po ay mapanumbalik sa normal ang buhay ng mga mamamayan nito.

Patuloy pa rin ang panawagan ng Senador na manatili ang lahat sa kani-kanilang tahanan kung wala namang importanteng lakad, at i-observe ang social distancing upang masugpo ang pandemiyang ito.

Balik-Probinsiya Program, iyan naman ang ipinanukala ni Senador Bong Go pagkatapos ng enhanced community quarantine upang ma-decongest ang mga urban areas gaya ng National Capital Region. Malaki umanong factor ang overcrowding sa mabilis na pagkalat ng COVID-19 sa Metro Manila kaya isa sa mga nakikitang long-term solution ay ang pagpapatupad ng naturang programa. Makakatulong din umano ito upang mapaunlad ang ibang rehiyon sa bansa sa tulong ng mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno gaya ng DTI, DSWD, Department of Agriculture at NEDA.

BENDIJO: Nito ngang Biyernes ay inanunsiyo ng ating mahal na Pangulong Duterte ang extension ng enhanced community quarantine hanggang May 15 sa mga lokalidad at probinsiya na nananatiling high risk sa COVID-19. Kabilang na diyan ang National Capital Region, Central Luzon, CALABARZON, Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Albay at Catanduanes.

Samantala, maaari namang ma-re-evaluate ang implementasyon ng ECQ sa Benguet, Pangasinan, Tarlac at Zambales pagpatak ng Abril a-treinta.

USEC. IGNACIO: Alamin naman natin ang pinakahuling bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa as of 4 P.M. ng April 26, 2020. Ayon sa tala ng Department of Health, mayroon ng 7,579 cases na nagpositibo sa COVID-19 sa bansa; walong daan at animnapu’t-dalawa ang naka-recover mula sa sakit; at limandaan at isa naman ang pumanaw.

Samantala, tingnan natin muli ang bilang ng COVID-19 cases sa iba’t ibang lugar sa ating bansa. Sa mga probinsiya po, nangunguna na po ang Cebu na may 384 na kumpirmadong kaso ng COVID-19; pangalawa ang Rizal na may 355 confirmed COVID-19 cases; pangatlo na po ang Laguna na may 310 confirmed COVID-19 cases; pang-apat na po ang Cavite na may 249 na kumpirmadong kaso ng COVID-19; pang lima ang Bulacan na may 115 na kumpirmado na kaso ng COVID-19.

Pagdating sa COVID-19 cases sa iba’t-ibang rehiyon, may pinakamataas na kaso sa Metro Manila na umaabot sa 68.81% or 5,215 confirmed cases. Sinundan ito ng CALABARZON na may 1,079 cases; at pangatlo ang Central Visayas na may 462 confirmed cases, 21 cases naman po ang naitala na may mild and pending admission status. Samantala, may pinakamababang kaso ng COVID-19 ang CARAGA Region, Eastern Visayas at BARMM.

BENDIJO:  Dito naman sa National Capital Region ay nangunguna pa rin sa hanay ang Quezon City na may 1,134 confirmed COVID-19 cases; pangalawa ang Lungsod ng Maynila with 611 confirmed COVID-19 cases; at pangatlo pa rin ang Parañaque City na may 389 confirmed COVID-19 cases.

Uulitin lang po namin na dahil ang Quezon City ang pinakamalaking siyudad sa NCR at siya rin po ang may pinakamalaking populasyon na tinatayang nasa 2,938,ooo – ayon iyan sa Census noong taong 2015, kaya naman, hindi maipagkakaila na ito ang ay may pinakamataas na kaso ng COVID-19 sa NCR.

USEC. IGNACIO: Sa nakalipas na isang linggo, consistent pa rin na mas mataas ang bilang ng recovery sa bilang ng mga pumapanaw dahil sa COVID-19. Kahapon po ay naitala ang pinakamataas na bilang ng recoveries sa nakalipas na isang linggo na umabot sa pitumpu. Kahapon din ay naitala ang pinakamababang bilang ng pumanaw sa nakalipas na isang linggo na umabot lamang sa pito.

BENDIJO: Samantala, sa 7,579 confirmed COVID-19 cases sa bansa, seven percent nito o 501 ay pumanaw na. Samantalang 862 naman o 11% ang naka-recover na, mula sa sakit. Malaking porsiyento ng confirmed cases na umaabot sa 82% ay kasalukuyang sumasailalim na sa medical treatment o di kaya ay naka-home quarantine.

USEC. IGNACIO: As of April 19, 2020, mayroon na pong labing-pitong licensed COVID-19 testing laboratories sa buong Pilipinas. Naka-flash po iyan sa inyong mga TV screen, tingnan ninyo ang listahan ng mga certified COVID-19 testing centers and laboratories na maaari ninyo pong puntahan at bisitahin.

BENDIJO: Bayan, hinggil po naman sa inyong mga katanungan at concerns tungkol sa COVID-19 ay tumawag lang sa 02-894-26843. Para naman sa PLDT, Smart, Sun at TNT subscribers, mangyaring i-dial lang ang 1555. Maaari ninyo ring tawagan ang hotline numbers ng iba’t ibang ahensiya ng ating pamahalaan na makikita ninyo sa TV screens.

Upang maging updated sa mga hakbangin ng pamahalaan kontra COVID-19 ay magtungo sa aming COVID-19 portal, bisitahin lamang www.covid19.gov.ph

USEC. IGNACIO: Aljo, simulan na natin ang Public Briefing, puntahan na natin si DSWD Secretary Rolando Bautista. Magandang umaga po, Secretary.

SEC. BAUTISTA: Magandang umaga sa iyo, Ma’am Rocky at Sir Aljo.

USEC. IGNACIO: Opo. Secretary, una sa lahat, ilang percent na po ng ating pondo o magkano na po ang naipamahaging tulong natin sa ating mga kababayan? Ilang pamilya na po ang nabigyan ninyo mula sa mahigit 18 million na pamilya na inyo pong target for the Social Amelioration Program?

SEC. BAUTISTA: So, as of April 26, ang DSWD ay nakapamahagi na ng mahigit 80 billion na pondo sa 1,514 out of 1,632 na lokal na pamahalaan sa buong bansa. Ang mga LGUs ay nakapamahagi na ng ayuda na humigit 3.5 million low income non-Pantawid Pamilya Pilipino Program families na nagkakahalaga ng P20.3 billion. Karagdagan dito ay mahigit 16.3 billion na ang naipaabot sa [garbled] 4Ps beneficiaries na cash card holder sa buong bansa; at P323.3 million para sa 7,874 4Ps beneficiaries na walang cash card accounts.

Mahigit 323 million na rin ang naibahagi sa mahigit 40,000 na Transport Network Vehicle Service at Public Utility Vehicle drivers sa National Capital Region.

Sa pangkalahatan, umabot na sa 37 billion ang naipamahagi sa mahigit 7.3 million na benepisyaryo ng Social Amelioration Program.

Nais ko lang ipamahagi rin na almost 97.13% na po ang nai-transfer nating pondo sa ating mga LGUs. At ngayon po simultaneously nationwide at tuluy-tuloy po ang implementayon ng Social Amelioration Program na ginagawa ng atin pong lokal na pamahalaan, kasama ang AFP, PNP, DSWD at DILG.

BENDIJO: Secretary, noong nakaraang Biyernes po ay inanunsyo ng ating Pangulong Rodrigo Roa Duterte and extension ng ECQ hanggang May 15 sa mga piling lugar at mga probinsya na nanatili pa ring mataas pa din ang bilang ng kaso ng COVID-19, samantala naman ang iba ay isasailalim na lamang sa tinatawag na General Community Quarantine. With that po, Secretary, para po sa kaalaman ng publiko, para sa mga lokalidad na under General Community Quarantine o GCQ, makakatanggap po ba sila ng second wave ng ayuda mula sa Social Amelioration Program, Sec?

SEC. BAUTISTA: Sir Aljo, sa ngayon, batay sa umiiral na panuntunan kung sino ang mga makakatanggap, kung sino ang nakatanggap ng first tranche ay sila din ang benepisyaryo para sa buwan ng Mayo; dalawang buwan ipapatupad ang SAP.

Kaya lamang, ang pamamahagi ng social amelioration cash subsidy sa Mayo ay nakadepende sa bilis ng ating mga local na pamahalaan na mag-liquidate ng unang tranche.

Nais naming ipaalam na ang Inter-Agency Technical Working Group on Social Amelioration Program – binubuo ito ng DSWD, DOLE, DA, DTI, DILG, DoF at DBM – ay nag-uusap ngayon para gumawa ng proposal sa ating IATF on Emerging Infectious Disease para sa implementayon ng Social Amelioration Program  base na rin sa pronouncement ng ating Pangulo noong Abril 24. Ito ang magiging basehan namin sa paggawa ng guidelines para sa implementasyon ng SAP for the second tranche. Kailangan kasi namin ang approval ng IATF dahil doon mag-a-anchor iyong guidelines ng gagawin namin. Subalit sinisiguro namin na ang guidelines na ito ay aligned or consistent sa sinasaad ng Republic Act 11469.

USEC. IGNACIO: Sa opinion ninyo po, Secretary Bautista, sa extension po ng ECQ, sasapat po ba iyong pondo ng pamahalaan para sa Social Amelioration Program? Pangalawa, ayon po sa pahayag ni Director Irene Dumlao kamakailan po, may delay daw po talaga sa pamamahagi ng ayuda. Anu-ano ba talaga iyong mga factor na nagkakaroon ng delay? Iyan po kasi iyong nagiging ugat ng pagdami ng parang pagpapalabas ng kanilang sintemyento na bakit daw po hindi sila nabibigyan. Marami nga rin po ang nakakarating sa atin like sa bahagi po ng San Jose del Monte na allegedly hindi daw po nabigyan iyong mahirap kung hindi  iyong mas may kaya ang nabigyan; iyong iba naman po sa ibang lugar, hinahati-hati daw po iyong SAP. Ano po ang masasabi ninyo dito, Secretary?

SEC. BAUTISTA:  Ma’am Rocky, sa unang katanungan ano, nakasaad sa Bayanihan Act na ang emergency cash subsidy sa ilalim ng Social Amelioration Program para masuportahan ang  million low income families sa gitna ng COVID-19 health crisis, ito ay ipapatupad ng dalawang buwan o sa Abril at Mayo. Sapat ang pondo para dito sa dalawang buwan na pamamahagi ng SAP.

Sakop ng implementasyon ng SAP ang buwan ng Mayo, kaya naman ngayong extended  ang Enhanced Community Quarantine sa maraming lugar, makakaasa po ang ating mga kababayan na  patuloy na apektado ng krisis na mayroon silang matatanggap  sa tulong mula sa ating pamahalaan.

Subali’t may mga tinatawag tayo na eligible na target beneficiary na hindi nakatanggap ngayon dahil hindi sila nakasama sa listahan na ginawa ng mga lokal na pamahalaan through the Local Social Welfare Development Offices. So tawagin na lang natin sila iyong pina-simple, na left out. Sila iyong mga eligible beneficiaries na sabi ko nga kanina ay hindi naisama sa orihinal na listahan. Ang sinasabi namin sa aming mga lokal na pamahalaan na kolektahin lang ang mga pangalan na ito, i-submit sa DSWD dahil itong data na ito ang magiging basehan para idulog namin ito sa ating mga economic advisers/managers para kanilang mapag-aralan at mahanapan  ng additional na pondo.

Iyong pangalawang tanong mo, Ma’am Rocky, ano iyong causes of delay? Maraming mga binanggit na mga challenges ang mga field offices. Ang isa diyan ay mga hindi kaagad ma-implement iyong payout dahil iyong lugar na iyon ay talaga namang infected ng COVID. So, iyong mismong lokal na pamahalaan na ang nagsasabi na huwag muna tayo diyan at baka ma-infect iyong ating mga tauhan. Kaugnay niyan, mayroon ding mga frontliners natin na talagang na-infect na kaya iyong mga kasamahan nila sa pagbibigay ng ayuda ay kailangan din i-quarantine. So, short of saying, talagang nababawasan ang workforce sa ground dahil na din sa nagkakahawaan.

Isa pa ring cause of delay ay dito sa tinatawag nating malalayong lugar or geographically isolated disadvantaged area na hindi napuntahan ng sinasabi nating by lands, lalung-lalo na iyong mga island municipalities or coastal municipalities na kailangan talaga ay mismong air asset ng Philippine Air Force ang gamitin para makarating doon. Pero maganda naman ang nangyari noong mga previous days kasi nakapagpahiram po ang Philippine Air Force para puntahan ang malalayong lugar na iyon. So iyon iyong iba pang cause of delay.

Isa pang cause of delay is siyempre ipinaubaya na natin sa ating mga lokal na pamahalaan ang magandang pamamaraan at proseso kung paano nila idi-distribute ang ayuda. Mayroong iyong iba ay malalaking lugar, ipapatawag nila iyong mga benepisyaryo doon; mayroon namang nagha-house to house. Iyon iyong ibang challenges. Iyong iba naman, validation. Pero ganunpaman, talagang tumutulong ang DSWD, mga field offices para maka-assist po tayo sa mga ating lokal na pamahalan para i-ensure natin na despite the challenges ay maibigay na ang mga ayuda sa lalong mabilis na pamamaraan, Ma’am Rocky.

BENDIJO:  Secretary Bautista, ang DSWD ang gumawa nito, nitong Grievance Redress System kung saan puwede silang umapila, iyong mga kababayan natin na hindi pa rin nakakatanggap ng ayuda. So far, gaano na po karami ang natatanggap ninyong mga reklamo? At para po sa mga nais pong magparating ng kanilang saloobin at reklamo pagdating pa rin po sa SAP, ano po ang numero ang puwede nilang tawagan, Secretary?

SEC. BAUTISTA: Salamat, Sir Aljo. Ang Grievance Redress System ay itinatag upang maayos na ma-monitor ng ahensiya ang mga reklamo tungkol sa Social Amelioration Program. Ito ay kasalukuyang pinangangasiwaan ng aming Central Office Operation Center. Ito iyong mga numbers na nais nating ipahayag sa ating mga nais na mag-complain o magbigay ng kanilang mga reklamo: DSWD Central Office Operation Center sa pamamagitan ng 24/7 hotline, ito iyong mga numero: 02-8851-2803 local 8892; mayroon din iyong direct line na 16545; sa ating mga cellphone number, mobile phone number: 0947-482-2684/0916-247-1194 at 0932-933-3251. So sila po ang numbers na puwede pong tumanggap ng inyong mga grievance. So 24/7 po iyan.

At bukod pa diyan ay sa ating mga field offices ay mayroon din po silang mga naka-standby na mga hotline doon na puwede nilang idulog. For example, ang benepisyaryo o ang complainant ay nasa Laguna, mayroon pong naka-set-up na hotline doon sa field office 4-A, puwede po nilang tawagan iyon.

Iyong katanungan mo naman, Sir Aljo, kung ilan na ba iyong numero, sa ngayon hindi pa namin ma-consolidate kasi tuluy-tuloy iyon – marami iyon. Siguro, ibibigay ko na lang iyong pinaka-latest mamaya kapag nakuha namin by twelve o’ clock. Pero kung tatanungin mo kung gaano karami, marami na talaga, Sir Aljo.

USEC. ROCKY: Secretary, may mga tanong din po ang media pero unahin ko na iyong tanong ni Joseph Morong. Sinasabi niya na marami nga tayong natatanggap na reklamo sa DSWD pero mayroon din naman kayong natatanggap na mga reklamo na, halimbawa, isang pamilya maglalagay ng dalawang address sa magkaibang barangay. Tapos kung mayroon na daw po kayong nadiskubre na tumanggap ng SAP pero patay na po iyong benepisyaryo? Mayroon po bang ganoon, Secretary?

SEC. BAUTISTA: Tama ka doon, mayroon tayo noon.  In fact, doon sa omnibus guideline natin at kaugnay nito iyong MOA na inano natin sa ating mga lokal na pamahalaan, ang mangyayari po diyan ay kapag napatunayan po ang isang benepisyaryo na ineligible pero dinaya po niya o ginawan niya po ng paraan para siya ay makatanggap ng ayuda, ang nagiging hakbang po doon ay kapag napag-alaman ng DILG o ng DSWD, ang una po diyan ay kailangan po ibalik niya ang amount na natanggap.

At doon naman po sa mga sinasabi nating patay na nakatanggap pa, ang proseso po doon ay idinudulog po iyon sa ating mga Local and Social Welfare Development Offices. Iba-validate po iyon kapag nakarating po iyon sa DSWD, sa pagsusuri ay kung sino man po iyong nakatanggap na iyon o nameke ay mayroon po siyang responsibilidad na isauli ang pera at maaari rin po siyang makasuhan ng administratibo or criminal liability. Ito po ay sa koordinasyon ng DILG. At tama po na marami na po kaming natanggap doon pero mayroon ding mga instances na iyong mga benepisyaryo ay nagsauli din po ng pera dahil nakatanggap na po sila sa DA, tapos sa hindi inaasahang pagkakataon ay nakasama pa rin siya sa ayuda ng Social Amelioration Program. Iyong iba po isinasauli voluntarily, at marami na pong mga sitwasyon na ganoon talaga na kusang-loob nilang isinauli iyong ayudang nakuha nila dahil sa tingin nila ay nadoble iyong ibinigay sa kanilang pera.

USEC. ROCKY: Secretary, last na lang po. May nagtanong dito kung legal daw po iyong action ng barangay official na allegedly hindi daw po papayag iyong SAP beneficiary sa ganoong set-up or arrangement, hindi na daw po ibibigay iyong SAP form? Ano pong reaction daw po ng DSWD doon?

SEC. BAUTISTA: Ma’am Rocky, puwedeng paki ulit po?

USEC. ROCKY: Opo, ang tanong dito ni Kaye: Ano daw po iyong—iyong aksiyon ba daw ng barangay official ay legal allegedly kung hindi daw po papayag iyong SAP beneficiary sa ganoong set-up or arrangement, hindi na daw po ibibigay iyong SAP form?

SEC. BAUTISTA: Actually, ang ating mga barangay local officials, sila ang namimili kasi binigyan natin sila, in-empower natin sila, binigyan natin sila ng awtoridad para mamili kung sinuman iyong target beneficiaries, nai-identify nila kung sino iyong target beneficiaries na iyon ay sila mismo ang magbibigay ng Social Amelioration Card or form para pil-apan (fill-up). Kasi ito ang magiging basehan na kung ano iyong mga assistance na naibigay sa kanila, at the same time, ito na rin ang magiging record na sinasabi na sila ay talagang eligible beneficiary ng SAP. So kung tatanungin natin kung ang LGU ba, kung iyong pagbibigay ng SAP at ng SAP form ay legal, sa tingin po namin ay legal iyan dahil kasama po iyan sa guidelines na sila po ang mamimili at sila rin po ang magbibigay ng Social Amelioration Card, iyong tinatawag nating SAP, ito iyong form ng Social Amelioration Program.

USEC. ROCKY: Okay. Maraming salamat po sa inyong panahon, Secretary Rolando Bautista. Alam po namin na kayo ay bising-busy sa panahong ito. Maraming salamat po sa inyong oras at panahon sa amin.

SEC. BAUTISTA: Maraming salamat, Ma’am Rocky.

USEC. ROCKY: Ngayon naman po ay puntahan natin si GM Jay Santiago ng Philippine Ports Authority. Magandang araw po.

GM SANTIANGO: Magandang araw, Usec. Rocky at Sir Aljo. Magandang araw sa inyo at sa lahat ng mga nanunood sa atin ngayon.

USEC. ROCKY: Noong nakaraang Huwebes, April 23 po ay may lumabas na memorandum po na nagbibigay ng 30-day grace period para sa pagbabayad ng upa ng inyong mga concessionaires. Anuo-ano po iyong mga guidelines kaugnay nito?

GM SANTIANGO: Iyong inilabas nating memorandum circular, Usec. Rocky, nagbibigay ito ng extension doon sa mga concessionaires natin at mga lessees natin sa ating mga pasilidad sa pantalan para magkaroon sila ng sapat na panahon para mabayaran ang kanilang mga bayarin sa Philippine Ports Authority dahil naiintindihan naman natin na medyo mahirap ngayong panahon na ito na makapagtransaksiyon sa bangko at para makapagtransaksiyon sila sa PPA, lalo na sa mga probinsiya na hindi naman available iyong electronic banking, na obligado silang pumunta diretso doon sa mga opisina ng PPA. So, binigyan natin sila ng pagkakataon na magkaroon ng extension nang walang penalty silang makikita.

BENDIJO: GM, lately din ay pinasinayaan ang pagbubukas ng Eva Macapagal Super Terminal sa pier bilang isang COVID-19 Treatment Center. So far, gaano na po kadami ang nag-stay doon? Kumusta po ang ating monitoring naman doon, GM?

GM SANTIANGO: Sir Aljo, sa ngayon, iyon kasing ating Pier 15 or Eva Macapagal Super Terminal COVID-19 Treatment Center, ito ay bahagi ng isang mas malaking complex kung saan nandoon iyong dalawang quarantine vessels na mina-manage ng Department of Transportation at ng Philippine Coast Guard. Sa ngayon, ang occupation ng mga seafarers natin ay nandoon pa lamang sa dalawang quarantine vessels at ang ating Eva Macapagal Treatment Facility ay hindi pa nao-occupy.

Siguro, magandang balita din ito dahil iyong Eva Macapagal Treatment facility ay para iyan doon sa mga COVID-19 positive na mga seafarers, at para maging intermedial na treatment facility bago sila dalhin sa ospital. Since hindi pa nagagamit iyan, ang magandang balita diyan ay wala pa po doon sa ating mga seafarers na nandoon sa quarantine vessels ang nagte-test na positive or nagkakaroon ng sintomas o ng sakit.

USEC. IGNACIO:  Marami po sa ating mga empleyado sa iba’t ibang panig ng bansa ang lubhang naapektuhan ng COVID-19. Ano po iyon mga tulong na maaaring ibigay ninyo sa kanila?

GM SANTIAGO:  Usec. Rocky, iyong sa PPA, iyong ating mga empleyado na na-displace ‘no dahil hindi sila makapasok dahil sa mga pinatupad na mga community quarantine sa iba’t ibang LGUs, naka-work from home tayo ‘no iyong karamihan. Maging dito sa head office ng PPA, karamihan naka-work from home; at iyong mga nandoon sa operations area natin ay skeletal force lang. Pero sinisiguro natin na kumpleto at tuluy-tuloy at normal ang operasyon at ang serbisyo.

Iyong ating mga skeletal force, na nasa frontline, nasa operations iyan po ay nagkakamit po ng hazard pay, ayon na din po sa inaprubahan po  ng Inter-Agency Task Force na hazard pay.

At iyon naman pong mga non-PPA personnel po na nagtatrabaho po sa mga pantalan katulad po ng mga port workers, dock handlers, mga tao po ng cargo handlers, sila naman po sa tulong po ng cargo handlers at iba pa pong mabubuting loob, kasama na po iyong mga PPA employees ay nag-ambag-ambag po sila para mabigyan po ng relief goods at relief packs at ayuda iyon pong mga non-PPA personnel po na patuloy pa rin pong nagseserbisyo at pumapasok po sa mga pantalan.

BENDIJO:  Opo. GM, may plano din po kayong magtayo ng one stop shop para sa ating mga na-stranded na mga seafarers, in partnership with MARINA? Pangalawang tanong po ay kung sakaling i-implement ang modified ECQ sa ibang provinces, sinu-sino po ang papayagang bumiyahe at ano  po ang kakailanganin nilang mga dokumento?

USEC. IGNACIO:  Sir Aljo, doon po sa unang tanong, iyon pong one-stop-shop, iyan po ay pinamumunuan po ng Department of Transportation sa tulong po ng Philippine Coast Guard ng Maritime Industry Authority, ng Department of Tourism, ng Bureau of Quarantine at iba pa pong ahensiya nga pamahalan kasama na po ang PPA. Kasalukuyan po ay mayroon tayong dalawang one-stop-shop ‘no, dalawa po sa airport natin sa Terminal 1 and Terminal 2  kung saan ito po ang mga sumasalubong po sa ating mga incoming seafarers at OFW na dumadaan po sa ating mga paliparan kung saan pino-proseso po iyong mga papel nila at doon po ay binibigyan na din po sila ng paunang rapid testing para ma-determine na po kung sila po  ba ay positive  o negative sa COVID-19. At  matapos po iyon, sila po ay dadalhin na sa quarantine facilities na ina-arrange po ng kanilang mga manning agencies  o mga  shipping companies nila; at doon naman po sa wala ay dinadala  po sa mga government quarantine facilities.

Mayroon din po tayong isang one-stop-shop dito po sa North Harbor sa Port of Manila kung saan iyon naman pong na-clear na po ng Bureau of Quarantine at ng Department of Health ay tinutulungan po ng Department of Transportation, PCG, Marina at PPA para sila po ay makasakay na po sa mga barko at sila po ay maihatid na at maiuwi po sa kanilang mga probinsiya. Nagsimula po tayo kaninang madaling araw, mga ala una y media po, mahigit 300 na pong mga seafarers at OFWs ang naihatid po papunta po sa kanilang mga probinsiya.

Doon naman po sa pangalawang tanong kung mapababa na po o ma-modify iyong Enhanced Community Quarantine sa ibang mga probinsiya. Ang PPA po, kami po ay tutupad lamang po sa mga alintuntuning pong ibinababa po ng Inter-Agency Task Force na kung sino po iyong mga pasahero o mga tao na maaari lamang pong makapagbiyahe. As long as allowed po sila ng IATF o kung hindi man po ay mayroon po silang clearances mula sa IATF, sila po ay makakasakay at sila po ay padadaanin sa ating mga pantalan.

USEC. IGNACIO:  Okay, maraming salamat po GM Jay Santiago ng Philippine Ports Authority.

GM SANTIAGO: Maraming salamat po, Usec. Rocky, Sir Aljo. Maraming salamat po at magandang araw po sa inyong lahat.  

USEC. IGNACIO:  Mula naman po sa Embassy of the Republic of the Philippines sa Kingdom of Saudi Arabia, makakasama po natin si Ambassador Adnan Alonto. Magandang araw po sa inyo, Ambassador.

Ambassador, kumusta na po ang lagay ng Filipino community diyan kaugnay pa rin ng banta ng COVID-19?

Aljo, mukhang hindi niya tayo naririnig sa kasalukuyan. Puntahan naman at makibalita muna tayo kay John Mogol mula diyan sa Philippine Broadcast Service, sa Radyo Pilipinas.

[NEWS REPORTING]

USEC. ROCKY: Maraming salamat, John Mogol mula sa Philippine Broadcasting Service – Radyo Pilipinas. Samantala, balikan na po natin mula sa Embassy of the Republic of the Philippines sa Kingdom of Saudi Arabia si Ambassador Adnan V. Alonto. Magandang araw po ulit.

AMBASSADOR ALONTO: Magandang araw din po diyan sa Pilipinas at magandang umaga din dito sa Kingdom of Saudi Arabia.

USEC. ROCKY: Ambassador, ang Saudi Arabia po ay isa sa may pinakaraming bilang ng nagtatrabahong Pilipino at nakatira. Kumusta na po ang lagay nila diyan kaugnay pa rin po ng banta ng COVID-19?

AMBASSADOR ALONTO: Generally, okay naman po ang sitwasyon natin dito. Of course, may mga challenges po tayo, lalung-lalo na doon sa ating mga kababayan na who are now being subjected to the ‘no work, no pay’ status, at iyon po ang mino-monitor natin. We are trying to ensure that we are providing food assistance and monitoring the compliance of their employers to provide food and appropriate accommodation po.

BENDIJO: Ambassador, this is Aljo Bendijo. Ambassador, inanunsiyo na po ng gobyerno diyan ang pansamantalang pagpapatigil ng 24-hour curfew sa lahat po ng rehiyon ng kaharian maliban na lang sa Mecca. Sa tingin ninyo po, papaano ito makakaapekto sa pandemyang nararanasan natin ngayon?

AMBASSADOR ALONTO:  Good morning sa iyo, Aljo. Ito pong temporary lifting of the curfew, ito po ay temporary during the month of Ramadan. Alam naman ninyo, nag-umpisa na po iyong Ramadan ngayon at ito po ay one month long. This temporary lifting of the curfew is really intended to allow, of course, the people here to practice and observe the month of Ramadan where they don’t have food intake from break of dawn up to sunset.

So, sa tingin ko po mayroon pa ring curfew beginning 5 P.M. up to 9 A.M. the following morning. Talagang makakaapekto pa rin ito dahil iyong private and government offices po, except for a few selected industries, ay mananatiling sarado. For example, iyong construction binuksan nila on a limited sense. Of course, iyong food service ay binuksan naman iyan, in fact, food services are open up to 3 A.M. to allow those who are observing the fasting to, of course, to fast for that particular day kailangan nila ng pagkain.

USEC. ROCKY: So far po, may kababayan po ba tayong nagpositibo sa sakit na COVID-19? At kumusta naman po iyong pagtulong ng ating embahada sa ating mga kababayan kaugnay pa rin po ng COVID-19?

AMB. ALONTO: Sa ngayon po, mayroon po tayo na nalathala na reported na 119 COVID-related infections involving Filipinos. Mayroon na po kaming na-receive na report na lima na po doon sa 119 ang pumanaw na po.

At in terms of the general picture ng COVID infection dito, mataas na po iyong bilang nila – 17,522 cases already of which 139 deaths and then 2,357 recoveries. So, kung tutuusin ninyo po, iyong 17,522 tumaas po iyong numerong iyan nagkaroon po ng surge diyan dahil nag-umpisa na po sila talaga ng mass testing dito sa buong kaharian at inuna nila iyong mga densely populated areas. At tayo ay mapalad naman dahil ang gobyerno ng Saudi Arabia ay nagpatupad ng free treatment. Ang hospitalization dito for COVID-related cases are free, whether they are in the public or private hospitals po. Iyan po ay kautusan ng hari ng Saudi Arabia.

USEC. ROCKY: Okay. Maraming salamat po, Ambassador. Baka may panghuli po kayong mensahe, Ambassador?

AMB. ALONTO: Yes. Ako ay nagpapasalamat sa inyo sa pagkakataong ito at gusto ko lang sanang manawagan sa ating mga kababayan lalung-lalo na sa mga nandito  sa Saudi Arabia. Ang inyong gobyerno po, ang inyong Embassy at ang mga POLO ay ginagawa ang lahat para mabigyan kayo ng food assistance, lalung-lalo na doon sa mga ‘no work, no pay’. At kami po ay patuloy na naglilista ng ating mga kababayan na na-stranded na, na finish contract na or iyong mga binigyan na ng exit visa para sila naman ay mapauwi na sa ating bayan; at mahirap man, mas mabuting magkakasama sa pamilya. At ito po ay lagi nating inaantabayanan at mayroon pong mga ilang flights, in fact, na naka-schedule na. So, kaunting paunawa lang po, ang Embahada at inyong POLO ay kulang-kulang na 200 lang po serving around 865,000 Filipinos here in the Kingdom of Saudi Arabia.

USEC. ROCKY: Okay. Maraming salamat, Ambassador Alonto. Stay safe po.

Ngayon naman po ay dumako tayo kay Dr. Rene Escalante, ang chairman po ng National Historical Commission of the Philippines at National Quincentennial Committee. Magandang umaga po.

CHAIRMAN ESCALANTE:  Magandang umaga rin po kay Usec. Rocky at sa lahat sa inyo na nakikinig.

USEC. ROCKY: Sa kabila po nitong COVID-19 pandemic dito sa Pilipinas, ito po ay napaka-historic ang pagdiriwang natin ngayong araw po ng ika-499 na anibersaryo ng tagumpay ng Battle of Mactan. Tell us more about this, Chairman.

CHAIRMAN ESCALANTE: Tama po iyon. Ito pong araw na ito, ginugunita po natin ang 499 na anibersaryo ng tagumpay ng mga Pilipino sa Battle of Mactan. Kung wala lang po itong COVID-19 na kinakaharap natin, magkakaroon po sana ng malaking mga komemorasyon sa Lapu-Lapu City kaya lang dahil po sa lockdown, nagdesisyon po ang National Quincentennial Committee na isantabi muna ito para po huwag malagay sa peligro ang ating mga mamamayan.

Kung maishe-share ko lang po, dapat po kahapon magkakaroon ng cultural show ang Lapu-Lapu City at itong araw na ito sana magkakaroon ng reenactment ng Battle of Mactan. Ang guest of honor sana natin ay si Secretary Del Lorenzana ng National Defense. At kasunod ng re-enactment ay magkakaroon sana ng military parade kasi po itinuturing din po si Lapu-Lapu bilang isang dakilang military leader. Kaya lang, gaya ng nabanggit ko, tayo po ngayon ay nasa internet na lang using social media para po gunitain itong napakahalagang pangyayaring ito sa ating kasaysayan.

BENDIJO: Chairman Rene, this is Aljo Bendijo. Ang tema po ng 2021 Quincentennial Commemorations in the Philippines is victory and humanity – please elaborate po ito. At ano ang values nito at bakit po ito mahalaga sa ating kasalukuyang sitwasyon, chairman Rene?

CHAIRMAN ESCALANTE:  Naging kinaugalian na po ng National Historical Commission na kapag po tayo ay may ginugunitang malaking event, naglalabas po kami ng mga tema at mga values na gusto naming i-promote.

Sa kaso po ng Quincentennial, mayroon po tayong apat na values na gustong i-promote sa buong mundo, hindi lamang dito sa ating bansa.

Unahin ko na po iyong sovereignty na kung saan namin kinuha iyong victory. Ito po ay gusto naming ipaalala sa mga Pilipino at sa buong mundo na noong 1521 po matagumpay na naipagtanggol ng mga Cebuano ang Mactan laban po sa puwersa ng mga dayuhan.

Ngayon, ang ikalawang value po na gusto naming i-promote ay iyong humanity. Ang ibig sabihin po ng ‘humanity’ dito, it’s more of a verb rather than a noun kung saan gusto naming iparating na tayong mga Pilipino, tayo po ay mga makatao at matulungin. Isa po ito sa katangian nating mga Pilipino na gusto naming bigyan ng din sa pagdiriwang ng ating quincentennial.

Ang pangyayari na bibigyan namin ng highlight dito ay ang naganap sa Homonhon. Kung babalikan po natin ang kasaysayan, ang Homonhon po ang lugar kung saan unang dumaong ang Magellan Expedition. Noong dumaong po dito ang ekspedisyon, sila po ay winelcome ng ating mga kababayan sa Eastern Samar. Noong mapansin nila na sila ay mga may sakit, nagugutom at pagod na pagod, binigyan po sila nang mabuting pagtrato ng mga kababayan natin.

Ito po ay isang katangiang Pilipino na gusto pong i-promote ng National Quincentennial Commission; ito po iyong ating pagiging mabait at pagiging mapagtanggap ng mga bisita. Ang katangian pong ito na ipinamalas sa Homonhon ay nagpatuloy sa daloy ng ating kasaysayan. Ito po ay pinakita rin natin sa mga Hapones na tumakas noong ika-labimpitong siglo noong kapanahunan ng shogunate, noong pini-persecute po ang mga Kristiyano doon sa Japan.

Pinakita rin po natin ito sa ating mga kaibigang Chinese noong magkaroon po ng Opium War noong 1800s at pati na rin po noong Cultural Revolution noong 1960s. Kung napanood po natin iyong pelikulang Quezon’s Game, itong pagiging magnanimous na ito ay pinakita rin ni President Quezon at ng Pamahalaang Commonwealth noong payagan nila ang mga Hudyo ay pumunta sa atin para makaiwas sa persecution ng mga Nazis.

Noong panahon din po ng Vietnam War, marami rin pong mga boatmen na tumakas sa Vietnam after the fall of Saigon na tinanggap din natin dito sa Bataan at pati na rin po sa Palawan. So isa po itong magandang katangian nating mga Pilipino na gusto naming itulak at malaman ng buong mundo.

Sa kasalukuyan po sa ating pakikibaka laban sa COVID, marami rin tayong nababalitaan sa ibang bansa na pinupuri ang ating mga Filipino frontliners dahil po sa kanilang pagiging dedicated at mabait sa kanilang mga pasyente.

Ang pangatlo po na value na aming pino-promote ay unity. Ito po ay naganap bago umalis ang mga Kastila sa Espanya kung saan nagkaisa po sila, iyong Hari pati na rin po iyong grupo nina Magellan nagkaisa na bumuo ng ekspedisyon. Pinondohan po ito ng Hari at ito namang kaso nina Magellan at ibang mga tripulante, nagkaisa sila na isakatuparan ang proyektong ito.

Makikita rin po natin ito sa Cebu noong panahon ng Battle of Mactan. Sa tingin namin, hindi magiging matagumpay ang mga Pilipino sa Battle of Mactan kung hindi sila nagkakaisa. At ito pong value ng pagkakaisa sa tingin ko, kailangang-kailangan din natin ito ngayong habang tayo ay nakikipagdigma laban sa coronavirus. Kailangan sigurong itabi natin ang ating mga personal na interes, ang ating mga political affiliations at magsama-sama po tayo para po masugpo natin itong pandemic na ito na sumasalanta sa buong mundo. So sa tingin ko, napaka-timing na ang unity ay isa sa mga quincentennial themes na dini-develop ng NQC.

Iyong panghuling tema o value na aming ipo-promote ay iyong tinatawag naming ‘identity’. Ang ibig sabihin po ng ‘identity’ dito ay gusto naming ipakita na noong dumating ang mga Kastila sa atin, ang mga Pilipino noon ay mayroon nang sariling identity. Mayroon na po tayong kultura at gusto po naming patunayan na hindi po tayo mga barbaro, hindi po tayo mga uncivilized noong 1521. Tayo po ay nabubuhay na may kultura, mayroon na po tayong sibilisasyon, makikita po ito sa ating political organization; mayroon tayong mga datu, mayroon tayong mga maharlika, at pati na rin teknolohiya na namamayagpag sa panahon na ito.

Ang ating boat-building technology noong mga panahon na ito ay masyado nang advanced, hindi lamang dito sa side ng Butuan pero pati na rin sa Batanes, Kabikulan at sa iba pang mga kapuluan. Pati na rin po iyong ating kultura sa pananamit, mataas na rin po ang antas ng ating—

USEC. IGNACIO:  Okay. Maraming salamat po, Dr. Escalante, sa inyo pong panahon. Maraming salamat po, pasensiya ho. Sana po magkaroon pa rin kami ng oras at magkaroon din kayo ng oras pa para po dito sa programang ito. Maraming salamat po, Dr. Rene Escalante, ang Chairman po ng National Historical Commission.

CHAIRMAN ESCALANTE:  Salamat po.

USEC. IGNACIO:  Samantala, makibalita naman po tayo kay Jay Lagang sa Davao. Jay, maayong buntag.

BENDIJO:  Okay. May problema lang tayo sa linya ng ating komunikasyon, Usec. Usec., sa pananatili natin sa bahay ay nakatutulong tayo sa ating frontline workers dahil hindi lamang sila ang may papel sa laban na ito kundi lahat po tayo. Ikaw ay magiting na homeliner, hindi mo hahayaang makapanakit at kumalat pa ang virus na ito. Maging responsable sa lahat ng aksyon na ginagawa po araw-araw. Huwag lumabas ng tahanan kung hindi kinakailangan.

Kaya mga kababayan, stay home, stay safe. Maraming salamat po sa mga nakasama nating mga panauhin ngayong umaga.

USEC. IGNACIO:  Nakasama rin natin ang Philippine Broadcasting Service, PTV Davao at ang Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas. Bigyan din natin ng pagpupugay ang Filipino Sign Language Access Team for COVID-19 para sa walang sawang pagsuporta sa ating programa. Mabuhay po kayo.

BENDIJO:  At diyan po nagtatapos ang ating programa ngayong araw. Ugaliing maging updated sa mga balita hinggil sa COVID-19 sa bansa, gayun din sa mga hakbang ng ating pamahalaan upang masugpo ito. Sa ngalan ni Secretary Martin Andanar, ako po si Aljo Bendijo.

USEC. IGNACIO:  Higit sa lahat, huwag tayo basta-basta maniniwala sa ilang mga nababasa online. Maging maalam at maingat po tayo sa pagharap sa suliraning ito. Mula po sa Presidential Communications Operations Office, ako naman po si Usec. Rocky Ignacio. Laging tandaan, basta sama-sama at laging handa, kaya natin ito. Hanggang bukas pong muli dito sa Public Briefing #LagingHandaPH.

###

 

SOURCE: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)