Press Briefing

Public Briefing #LagingHandaPH hosted by Presidential Communications Operations Office Undersecretary Rocky Ignacio and Aljo Bendijo


Event Public Briefing #LagingHandaPH
Location PTV

USEC. IGNACIO: Magandang umaga, Pilipinas at sa bawat Pilipino pong nakatutok sa atin mula sa iba’t ibang bansa. Muli tayong maghahatid ng mga balita tungkol sa mga hakbang ng pamahalaan sa COVID-19. Sa ngalan pa rin po ni Secretary Martin Andanar, ako po ang inyong lingkod Usec. Rocky Ignacio mula sa PCOO. Good morning Aljo.

ALJO BENDIJO: Good morning, Usec. Ako po si Aljo Bendijo. Ngayon ay Miyerkules, December 30, Rizal Day, simula rin ng long weekend para sa marami lalo na’t selebrasyon din ng Bagong Taon. Pero huwag pong magpakakampante ha at lagi pa ring tandaan ang Mask, Hugas, Iwas.

USEC. IGNACIO: Basta’t sama-sama at laging handa, kaya natin ito; at ito po ang Public Briefing #LagingHandaPH.

Samantala, umabot na po sa 471,526 ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa bansa matapos nitong madagdagan ng 886 na mga bagong nahawaan kahapon, 253 naman ang nadagdag sa bilang ng mga gumaling, habang 38 ang mga nasawi. Sa kabuuan, nasa 439,060 na po ang recorded recovery sa bansa, habang 9,162 naman ang mga namatay mula po sa COVID-19.

Mahigit isandaan ang itinaas sa reported cases, at mapapansin po sa line graph na ito ang ikatlong araw na hindi po sumasampa pa sa 1,000-mark ang daily reported cases.

Sa Davao City pa rin po nagmula ang highest number of reported cases; pangalawa naman po ang Pampanga with 58 cases; sumunod ang Bulacan at Quezon City ay parehong nakapagtala ng 45 new cases; samantalang 37 na bagong kaso naman ang naitala sa Cavite. Umakyat naman sa five percent ng total cases ang mga aktibong kaso, katumbas ito ng 23,348 cases.

ALJO BENDIJO: Mild cases pa rin ang pinakamarami sa mga aktibong kaso na nasa 80%; 10.6% ang asymptomatic; 5.09% ang kritikal; 3.1% severe; samantalang 0.44% ang moderate cases.

Muli ang aming paulit-ulit na paalala: Maging BIDA Solusyon sa laban na ito kontra COVID-19. Bawal ang walang mask at face shield, ugaliin natin ang pagsusuot nito lalo na kung tayo’y lalabas ng atin pong mga tahanan. Ang pagsusuot ng mask at face shield ay pagpapakita rin ng paggalang sa mga taong ating nakakasalamuha.

Muli, huwag po tayong magpakakampante, maging maingat para hindi mahawaan o makahawa ng virus.

At para po sa inyong mga katanungan at concerns tungkol sa COVID-19, i-dial ninyo po ang 02-894-COVID o kaya’y 02-894-26843. At para naman sa mga PLDT, Smart, Sun at TNT subscribers, i-dial ang 1555. Patuloy rin kayong makibalita sa mga pinagkakatiwalaang sources ng impormasyon tungkol sa COVID-19, bisitahin ang covid19.gov.ph.

USEC. IGNACIO: Samantala Aljo, simulan na natin ang balitaan: Senator Bong Go hinimok po ang mga Pilipino na ipagpatuloy ang bayanihan spirit sa pagsalubong sa Bagong Taon sa pamamagitan ng pagsunod sa health and safety protocols na itinalaga ng pamahalaan. Narito ang buong detalye:

[VTR]

USEC. IGNACIO: Samantala, sa probinsiya naman po ng Agusan del Sur, personal na binisita ni Senator Bong Go ang sinalanta ng Bagyong Vicky sa bayan ng Bunawan para mamahagi ng tulong at regalo para sa selebrasyon ng media noche. Narito po ang report:

[VTR]

ALJO BENDIJO: At kamakailan ay nagpasa ng isang resolusyon ang Metro Manila Council na nagbabawal sa pagbibenta at paggamit ng anumang uri, anumang uri ng paputok sa buong NCR [National Capital Region]. Pag-usapan natin ang inisyatibang ito ng Metro Manila mayors kasama si MMDA General Manager Undersecretary Jojo Garcia. GM Jojo, good morning.

MMDA GM JOJO GARCIA: Good morning, Sir Aljo. Good morning kay Usec. Rocky.

BENDIJO:  Kumusta po ang ugnayan ninyo with PNP – Philippine National Police, at sa lahat po ng mga LGUs para i-enforce ang firecracker ban na ito sa Metro Manila? May mga naiulat na bang may nagbibenta pa rin ng firecrackers hanggang ngayon? So, lahat po ng uri ng paputok pati pailaw bawal na bawal po sa NCR, tama ho ba?

MMDA GEN. MANAGER GARCIA:  Tama po iyon, lalung-lalo na mahigpit tayo doon sa mga illegal firecrackers. Iyong mga legitimate naman siguro puwede sila magbenta, ang problema hindi rin puwedeng magamit. At Kausap ko po si Secretary Año sa DILG na ang pinapayagan lang iyong mga community fireworks, meaning, iyong mga organized na malalaki. Like for example sa Pasay po, may na-approve diyan; sa Makati at sa Quezon City. Iyong iba pong gustong mag-apply pa, sa PNP po sila mag-a-apply. Pero iyong mga house to house fireworks iyan po ang iniiwasan natin, kasi nga napakadelikado niyan. Alam naman natin may datos tayo dati pa na during New Year’s Eve, kinabukasan madaming naoospital, dahil naputukan. So, hindi po natin kailangan ngayon iyan ‘no, at alam naman natin mayroon tayong pandemya ngayon at hindi na makakatulong kung iyong mga ospital natin ay magiging busy pa sa mga naputukan.

BENDIJO:  Iyon pong sinabi po ninyong bumili na ng fireworks display para bukas, na mga kababayan natin na gagamitin nila bukas sa bahay, so hindi na puwedeng gamitin iyon, GM?

MMDA GEN. MANAGER GARCIA:   Hindi na po, hindi na pupuwedeng gamitin iyan. Sabi ko nga, nagtalaga na lang ng mga sa fireworks display for city, na in-apply na po sa IATF iyan noon pong Christmas pa. Iyon pong mga na-approve na may permits, iyan po ay papayagan. Pero iyong house to house nga, iyong nakikita natin sa mga village o sa mga kalsada nagpapaputok ay hindi na po puwede iyan.

BENDIJO:  Paano po ba ang pag-apply ng special permit for firecrackers at sinu-sino lang ang bibigyan nito at ano po ang mga kundisyon, GM?

MMDA GEN. MANAGER GARCIA:  Ang pagkaalam ko po sa PNP po. May guidelines po sila diyan sa paghingi ng permit, doon sa mga organized nga or community, community fireworks. Kasi may mga, let’s say sa ibang parte po ng Pilipinas hindi lang sa NCR, may mga sponsored – LGU sponsored fireworks, iyan po ay ina-apply po iyan sa PNP. Iyong sa NCR po, iyong mga organized na fireworks, sabi ko nga, nakakuha na ng permits iyong iba diyan before Christmas pa; at iyong mga plano pa na mag-apply eh, hindi po natin masisiguro kung makakakuha po ng permits iyan.

Kaya iniiwasan na lang po talaga lalung-lalo na iyong mga house to house fireworks dahil nga, unang-una, iyan ay makaka-attract ng mga tao, at mawawala iyong ating mga social distancing diyan, physical distancing. Pero main reason talaga po diyan is, alam nga naman natin, sabi ko nga, madaming naaksidente during New Year’s Eve at iyan po ay sinusugod sa ospital. Eh ang ospital po natin ngayon ay binabakante na nga natin dahil hindi natin alam kung anong surge ang mangyayari after this holiday season dahil nga nagkakaroon ng mga pagsasama at mga parties. Kaya nga po pati mga parties, mass gathering, bawal po iyan.

USEC. IGNACIO:  Good morning GM Jojo. May tanong po, unahin ko na iyong tanong ni Joseph Morong ng GMa-7. Ang tanong niya sa inyo kung bawal bumili ng mga paputok sa Metro Manila? Ibig sabihin wala ng mabibilhan dapat na paputok sa mga kalye, GM Jojo?

MMDA GEN. MANAGER GARCIA:  Unang-una sabi ko nga ano, iyong mga legal po na mga firecrackers po, may mga permits iyan ay hindi natin puwedeng i-ban iyong pagtitinda niyan, karapatan nilang magtinda niyan, ang ipinagbabawal natin o ang niri-regulate natin iyong paggamit ng fireworks. So, iyan po ang inilabas ng ating Metro Manila Council at iba pang mga siyudad po, mayroon na ring mga local ordinance or executive order. Kasi nga po para maiwasan talaga natin iyong kung sinu-sino na lang ang nagpapaputok lalung-lalo na iyong mga illegal firecrackers, iyong mga malalakas na alam naman natin na during the New Year’s Eve madami pong naaksidente, napuputulan ang kamay, nagkakasugat, may iba pa nga na namamatay sa ganiyan. Iyan po ang iniiwasan natin, iyong mga aksidenteng ganiyan, kasi nga isusugod na naman sa ospital iyan. At hindi na po natin kakayanin na madagdagan pa ang problema ng ating mga frontliners.            

USEC. IGNACIO:  Opo. May follow up question po si Joseph Morong. Kailan daw po naipasa iyong resolution at ang tanong naman po ni Ria Fernandez ng TV 5: Papaano daw po iyong mga nakabili na ng paputok dito sa Metro Manila?

MMDA GEN. MANAGER GARCIA:  Iyong resolution po natin naipasa natin iyan, I think that was December 28. So, kung may nakabili po ay talagang hindi na niya puwedeng gamitin iyan at sabi ko nga pagtulung-tulungan natin ito, dahil iniiwasan talaga natin iyong aksidente na kapag tayo po ay naaksidente, iyon nga babalik na naman tayo, na iyong mga ospital po natin magiging busy na.

BENDIJO:  So, paano po ang coordination natin sa mga gated subdivision nito, GM? Lalo na sa Metro Manila?

MMDA GEN. MANAGER GARCIA:  Opo, iyan nga po sabi ko nga ano, iyan nga iyong ating mga challenges kahit doon sa mga parties. Sabi nga ng mga Mayors natin, iyong mga restaurants, establishments o malls, kaya nating ikontrol iyan sa minimum health standard, kasi nga kapag hindi sila sumunod sa health protocols, puwede silang masara o ma-cancel ang business permits. Ang problema talaga natin iyong mga households na sama-sama. Kaya tayo ay nakikiusap na lang sa ating mga kababayan baka puwede magkusa na tayo na huwag na tayong mag-party, kung kayo po ay magsi-celebrate, kayo-kayo na lang doon sa bahay ninyo. Huwag na kayong mag-imbita ng mga kapitbahay o taga-ibang barangay.

At lalung-lalo na po sa mga paputok, sana po makisama tayo. Hindi po natin kayang bantayan lahat iyan, napakarami niyan, pero sana magkusa na lang po lahat. Iniiwasan lang po talaga natin dito iyong safety [injury] at tandaan natin, hindi pa po normal ang ating sitwasyon ngayon, may pandemya pa po. Iyan lang po ang iniisip natin na para sa ating lahat ito, dahil kapag nagkaroon po ng surge ulit, baka hindi na natin kakayaning magkaroon ng lockdown.

BENDIJO:  May umiikot bang kawani ng MMDA, katuwang ang PNP para manghuli? Bukas nang hapon, magpapaputok na po sila, ano pong mga penalties na kakaharapin o parusa?

MMDA GEN. MANAGER GARCIA:  Ang mga LGUs po, may mga enforcement na departamento, iyon po ang mag-iikot diyan, mga barangay level. Ang PNP po naka-alerto po iyan, katulong po natin iyan. Pagdating naman sa mga penalties iyong iba po may fine iyan, iyong iba may pagkulong iyan. Depende po iyan sa inilabas na mga ordinansa ng ating mga LGUs. Kasi bawat ordinansang inilabas po nila may corresponding penalties po iyan. Pero definitely po may mga multa po iyan.

BENDIJO:  NCR, kasama ba diyan iyong – NCR lang po – maitatanong ko lang, Pateros and Cainta?

MMDA GEN. MANAGER GARCIA: Pateros po part po ng NCR, Cainta po nasa Rizal na po iyan.

BENDIJO:  So, puwede na pong magpaputok sila doon? Ito po iyong mga lugar na malapit na sa Metro Manila.

MMDA GEN. MANAGER GARCIA:  Depende po. Ang alam ko po, ang governor o ang Rizal province naglabas na rin ng EO, ang Pampanga po naglabas na rin ng EO. So, may memorandum naman diyan, ang pinapayagan lang talaga iyong mga community fireworks.  At saka sir, alam naman po natin kahit noong araw pa, iyong mga illegal firecrackers na iyan, talagang bawal na iyan. Siguro hindi lang masyadong nai-enforce iyong mga illegal firecrackers, pero madami po. Sa ngayon po talaga i-enforce po natin iyan.

BENDIJO:  Opo. How about iyon pong mga pailaw, may tanong kung huhulihin ba iyong magpapaputok, magpapailaw po, iyong mga magpapailaw gamit ang luces? Joseph Morong/ GMA7.

MMDA GEN. MANAGER GARCIA:  Iyong mga pailaw po, of course may pulbura pa rin iyan, delikado pa rin iyan, kapag sumabog iyan. Sabi nga iyong mga unregulated fireworks, bawal na bawl iyan. Ang sa atin nga kung talagang gusto nating i-celebrate ang New Year, gusto nating mag-ingay – mayroon pong advisory ang DOH – puwede tayong magkalampag ng mga kaldero, mga lata, iwasan na po muna natin ang mga paputok na puwedeng magsanhi ng aksidente.

BENDIJO:  Okay, paggamit ng torotot, puwede naman po? Iba pang mga paingay, puwede pa rin?

MMDA GEN. MANAGER GARCIA:  Alam ko puwede po, pero ang alam ko DOH, nag-warn din, kasi nga kapag nag-torotot ka, kailangang tanggalin mo iyong facemask mo eh alam naman natin na minimum health protocol natin is wearing face mask, face shield and physical distancing po.  Napakinggan ko po iyong isang interview ni Secretary Duque na, of course iyong torotot eh, lalo na kung naghiraman iyan, tatalsik ang laway diyan, iyon po, iyon lang ang iniiwasan lang po talaga natin dito, iyong maghawa-hawa.

BENDIJO:  Mayroong mga tinitindang torotot na hindi po gamit iyong bibig, parang de-bombang torotot.

MMDA GEN. MANAGER GARCIA:  Puwede po iyan.

USEC. IGNACIO:   Okay. Opo. GM Jojo, ibang balita naman po. So, napag-usapan po ba ng Metro Manila Council iyong nangyaring paglabag umano ng El Shaddai sa mass gathering kamakailan sa Parañaque City? May permit po ba ito at magkakaroon ba ng unified action o pagpapaigting ng restriction sa mga mass gathering habang nasa GCQ pa rin po ang Metro Manila?

GM GARCIA:   Unang-una po, hindi po ako updated sa nangyari po diyan sa Parañaque pero alam naman po natin anything na pagsamba, 30% lang ang ina-allow doon sa lugar. 30% ang inilabas natin diyan during GCQ mapa-simbahan iyan or mga malalaking lugar, basta 30% lang po.

So, kung nabalita na po iyan, of course magkakaroon po ng imbestigasyon diyan, nandiyan naman po … napaka-responsible naman po ni Mayor Olivarez ng Parañaque at sigurado po tayo maaaksyunan po iyan.

USEC. IGNACIO:   Opo. GM Jojo, nagkaroon ba ng desisyon rin iyong MMDA kung kailan daw po ibabalik ang number coding scheme sa Metro Manila or automatic po na tuloy-tuloy pa rin ito habang nasa GCQ ang National Capital Region hanggang sa katapusan po ng January?

GM GARCIA:   Tuloy-tuloy lang po ano, suspended pa rin iyong number coding natin kasi nga ang naging prinsipyo natin dito, unang-una, ang ating public transport po hindi pa full capacity ‘no, kaya hindi pa normal ang ating public transportation.

Pangalawa, marami pong mga frontliners din ano, kukuha ng mga exemptions iyan halos lahat iyan essential workers, so mas lalo lang gugulo sa enforcement kaya hindi pa po natin ito ibinabalik ang number coding.

BENDIJO:   GM, may mga issue po tayo sa pagbubukas ng Skyway Stage 3 kahapon sa taumbayan. Mayroon bang naramdamang ginhawa? Mayroon naman siguro, sa traffic sa EDSA kahapon.

GM GARCIA:   Opo, definitely po. Talagang kami po ay natutuwa. Nagpapasalamat po tayo sa DPWH at sa San Miguel sa pagbubukas po nila niyan. Ang pagkakaalam ko po libre pa po iyan. Kapag iyan po talaga ay nag-full operational eh more than 30% po ng dumadaan sa EDSA at C-5 mababawasan niyan.

So, malaking tulong po talaga iyang Skyway na iyan sa pagbubukas at hindi pa po natin ito masyadong mararamdaman ngayon dahil holiday naman, walang pasok pero definitely by start ng January malaki po ang epekto niyan sa traffic natin.

BENDIJO:   Opo. Kumusta po ang lagay ni Chairman Danny Lim, GM Jojo?

GM GARCIA:   Okay naman po siya. Iyon nga, prayers for Chairman Lim at noong December 28 po nagpa-routine swab test ‘no at nag-positive po siya pero mild naman po at siya’y naka-self-isolate ngayon.

Of course, naka-monitor din po siya sa amin, nagtatawagan kami at maganda lang po ditong balita iyon kaniya pong wife si Congresswoman Aloy Lim at ang kaniyang anak ay hindi po nahawa.

So, lahat po sa office namin, lahat ng nakaharap ni Chairman at kahit ako po ano may schedule na rin po ako ng swab test by next year para at least sigurado po tayo na hindi kumalat.

Iyan nga po ang sinasabi ni Chairman, napaka-ingat po niya pero ang COVID po talaga seryoso iyan, kahit anong pag-iingat talagang minsan siguro hindi natin malalaman, hindi niya rin matandaan kung saan niya nakuha dahil hindi naman po siya talagang lumalabas din. So, talagang pag-iingat po, doble/tripleng pag-iingat po talaga.

BENDIJO:   Opo. Ngayong bukas na ang Skyway Stage 3 at sigurado akong luluwag na ang EDSA, GM—

GM GARCIA:   Hopefully po, hopefully…

BENDIJO:   —may mga pagbabago ba tayong gagawin diyan sa EDSA? Ano pong mga gagawin natin sa EDSA para sa ganoon ay maging disiplinado ang mga motoristang dadaan po diyan?

GM GARCIA:   Tuloy-tuloy naman po iyong ating ginagawa diyan ano lalung-lalo na nga iyong EDSA Busway natin na binigyan natin ng prayoridad ang iyong ating mga commuters. Ang sabi ko nga ang laking epekto, naramdaman ng commuters natin. From Monumento to Ayala dati iyan tatlong oras mahigit ngayon nasa 45 minutes lang kasi nga mas gusto nating mabilis ang biyahe nila dahil mas madami sila at pangalawa eh mas mahirap iyong matagal kang nakakulong sa bus, ‘no, may pandemya tayo ngayon.

Pagdating naman sa mga private vehicles natin, talagang volume iyan, napakadami nila pero at least kahit papaano hindi na buong araw ang EDSA rush hour, may mga off peak hours po na tumatakbo nang mabilis at ang mga U-turns naman nabuksan na natin sa bandang Quezon City sa pakikipagtulungan ni Mayor Joy Belmonte ng Quezon City. At tuloy-tuloy lang po iyan, ano talagang excited po kami lahat sa pagbubukas ng Skyway, malaking epekto po talaga ito sa EDSA at sa C-5.

BENDIJO:   Maraming salamat, GM Jojo Garcia ng MMDA. Mag-ingat kayo, GM at Happy New Year!

GM GARCIA:   Happy New Year po! Maraming salamat po! Mabuhay po kayo, sir Aljo at kay USec. Rocky! At sa lahat po ng nanunood ‘no, i-celebrate po natin ang New Year pero sana po mag-ingat po tayo, huwag tayong makakalimot sa mga minimum health protocols. Thank you po at Happy New Year po ulit!

BENDIJO:   All right. Magbabalik po ang Public Briefing #LagingHandaPH. Sandali lang.

[AD]

USEC. IGNACIO:   Nagbabalik po ang Public Briefing #LagingHandaPH. Puntahan naman natin ang mga balitang nakalap ng PBS-Radyo Pilipinas sa ating mga lalawigan, ihahatid iyan ni John Mogol. John?

[NEWS REPORTING BY JOHN MOGOL]

USEC. IGNACIO: Maraming salamat sa iyo, John Mogol, ng PBS Radyo Pilipinas.

Sa pagkakatatag po ng One Hospital Command Center ng pamahalaan ay mas naging epektibo at mabilis ang naging pagtugon po ng pamahalaan sa pangangailangan ng ating mga kababayang naapektuhan ng COVID-19. Malaki nga raw po ang naging ambag nito sa mataas na recovery rate ng bansa mula po sa COVID-19. Para pag-usapan iyan, makakausap po natin sa Undersecretary Leopoldo Vega. Good morning po, Dr. Vega.

USEC. VEGA: Good morning, Usec. Rocky. Good morning to all and to all the listeners of PTV.

USEC. IGNACIO: Opo. Months after po na-establish itong One Hospital Command Center ng Department of Health, kumusta na po ang naging turnout nito sa COVID-19 needs ng ating mga kababayan, Doctor?

USEC. VEGA: Iyong pag-umpisa ho namin ng One Hospital Command last July, ang dahilan nito ay iyong karamihan ng mga kaso dito sa Metro Manila ay wala hong coordination and proper referral system. Kaya tinayo ho namin ito para ho magkaroon ng coordinated care at saka i-push din ang allocation ng number of beds, lalung-lalo na sa private and public hospital.

So makikita natin from June, July iyong capacity po ng mga public hospitals lang para maka-allocate ng beds ay ano lang, nasa mga 12 to 15% at saka iyong private institutions’ allocation ng beds ho ay nasa eight percent. So dahan-dahan ho naming trinabaho, ng One Hospital Command at pinalaki iyong mga allocation of number of beds sa public and private.

At ngayon ho, kasalukuyan, at current, ang private institutions ho mayroon dito sa Metro Manila, nasa almost 18% at saka iyong government naman ay lumagpas na sa 30% — nasa 32 to 33%. Ito iyong isang malaking natrabaho ng One Hospital Command to make sure na the proper beds are allocated, especially for … lalung-lalo na sa mga critical and severe.

At iyong isang function din ng One Hospital Command kung pansinin ninyo, ito po iyong coordinated care ‘no. Kami ho iyong nagtatanggap ng mga calls coming from the barangays, coming from the private persons or even the hospitals for proper transfer of patients na nangangailangan talaga ng critical care. So ito iyong hinahanapan po namin ng mga bed allocated in both [private] and public.

So itong malaking coordinated care at saka proper referral, ito po iyong nakababa rin sa case fatality rate ‘no. Kasi kung mailagay naman itong mga pasyenteng ito sa mga tamang pasilidad, talagang they will have proper management at saka bababa ang mortality rate.

So, so far, ang One Hospital Command ay nag-i-increase ho ngayon and that we’re trying now to move towards the different regions. In fact, nagkaroon na ng One Hospital Command sa region IV-A, dito sa Region III, and then lately diyan sa Davao ho ay nagkaroon na rin ng One Hospital Command for a better coordination across the country of all the hospitals, both public and private.

So iyon ang ano ngayon, ang operations and functions ng One Hospital Command. Balik sa iyo, Usec. Rocky.

USEC. IGNACIO: Opo. Dr. Vega, may tanong po si Red Mendoza mula po sa Manila Times: Ano po ang nagawang achievements ng One Hospital Command ngayong 2020? Nagawa po ba ng OHC ang maserbisyuhan ang lahat po ng mga tumatawag sa hotline at maserbisyuhan po para mailipat sa mga ospital?

USEC. VEGA: Tama ho iyan. Marami po kaming mga tawag, more than a thousand calls na ho na natatanggap po namin sa private individuals, sa mga local government units at saka mga facilities; at saka nabibigyan talaga namin ng mga coordinated care ‘no.

Itong coordinated care, ibig sabihin nito, kami ang naghahanap po ng dispatch through the local government units kung saan po mailagay ang mga pasyente. So ang One Hospital Command, malaki ho ang tulong nito kasi nakaka-serve talaga ito sa lahat ng mga nangangailangan lalung-lalo na sa severe and critical.

At saka nakita rin namin na, unang-una, tumatanggap kami ng positive COVID lang at the start ‘no. Pero eventually, nakikita namin na ang lahat ng mga emergency cases lalo na nangangailangan ng urgent critical care na non-COVID naman ay nagbibigay kami ng mga medical directions lalung-lalo na kung napasok sa One Hospital Command at hinahanapan namin sa the nearest hospital facility at tatawagan ho namin iyong mga facilities na iyon for the proper preparation ng mga pasyenteng dadating.

So nagawa naman namin iyong mga functions at saka iyong mga responsibilities ng One Hospital Command sa 2020.

USEC. IGNACIO: Opo. Follow up question pa rin po ni Red Mendoza: Handa po ba ang One Hospital Command for a possible surge in the number of COVID cases dito sa Metro Manila?

USEC. VEGA: Alam mo, iyong possible surge, iniisip na namin iyon noong bandang August, September kaya nakipag-ugnayan na kami sa lahat ng hospitals lalung-lalo na ng public hospitals ‘no kasi ito iyong pinaka-default position talaga kung saan talaga pupunta ang pasyente. At saka nagbigay na kami ng mga funds coming from the Department of Health at, of course, through the Department of Budget and Management na i-increase ang kanilang facilities. So karamihan po ng mga retained hospitals, lalung-lalo na dito sa Metro Manila and across the country, nag-increase na ho sila ng mga 50 to 100 beds capable of handling critical and severe.

At saka nakipag-ugnayan na rin kami sa DPWH na magkaroon ng field hospitals. Itong field hospital na ito, ito iyong isang hospital, modular, na puwedeng ma-treat ang mga severe and critical cases. Itong hospital na ito, nagawa na ito, siguro magiging operational na by the first month of [2021] – January. Itong nasa QI, 40 beds, pero ang gagawin po namin diyan ay 100 beds po iyan na capable of treating severe and critical patients. Mayroon din kaming ginawa sa Tala; mayroon din kaming ginawa sa Batangas.

So talagang ang expansion ng hospitals ay ginagawa namin for the possibility of a surge later on sa first quarter of next year.

USEC. IGNACIO: Opo. May tanong naman si Michael Delizo ng ABS-CBN News: Ano po ang update sa bilang ng mga firecracker injuries ngayong taon? At ano po iyong karaniwang background ng mga tinatamaan ng paputok at saang lugar?

DOH USEC. DELA VEGA:  So far minimal pa iyong reports namin coming from the different trauma centers, sa ER, sa mga firecracker injuries compared po to last year. Titingnan natin ito sa New Year ngayon, kasi most of the time ang kadamihan po sa mga firecrackers injuries ay nasa bandang New Year time period.

So, magri-report po kami sa totality ng firecracker injury from the week of the Christmas season hanggang December 31. Pero so far po, ang tingin po, ang perspective po natin, ang tingin ho namin eh mas mababa ngayon compared with last year.

USEC. IGNACIO:  Opo. Ano daw po iyong mensahe ng Department of Health sa pagsalubong ng Bagong Taon, paano natin ito maipagdiriwang ng makulay at maingay sa kabila daw po ng mga limitasyon?

DOH USEC. DELA VEGA:  Ito na iyong sinasabi parati ng Department of Health na iwasan talaga iyong paputok, lalung-lalo na kung magkaroon ng mga injuries itong mga nagpapaputok ay talagang magka-overcrowd ang emergency hospitals at saka alam naman natin ngayon at mahirap ngayon sa hospitals dahil naka-divide iyan into COVID and non-COVID. At saka baka naman ma-expose iyong mga pasyente na iyan, mga non-COVID na iyan sa COVID. So kailangan talaga nating iwasan ang paputok para hindi din ma-overstrain ang mga hospital capacity.

Pangalawa ho, the only way to celebrate Christmas through noise is probably… siguro gumawa lang kayo ng trumpets or anything that can actually makes sounds para po ma-celebrate ang New Year; pero iwasan talaga ang paputok and that is the main message of the Department of Health.

USEC. IGNACIO:  Opo. May tanong naman po si Joseph Morong ng GMA 7: Are we expecting a holiday surge of COVID-19 cases and how are we preparing for it?

DOH USEC. DELA VEGA: Unang-una, iyong surge naman talaga kung wala tayong interventions na gagawin talaga, eh iyong projection lalung-lalo na sa UP OCTA at saka iyong projections ng Department of Health, makikita natin na kapag walang intervention talagang magkakaroon ng surge. And the best remedy talaga for this, this time, na we need to impose and enforce iyong minimal health standards po natin. Kasi kung hindi natin gagawin iyong enforcement ng minimum health standards natin, social distancing, face mask and face shield and of course avoiding crowds, eh kung ginawa ito baka magkakaroon talaga ng surge by next year.

And we hope na sana itong minimum health standards natin through enforcement will do well for this holiday season na by next year makikita natin na hindi gaano mataas ang surge because of our minimum health standards na ginampanan.

USEC. IGNACIO:  Mula pa rin kay Joseph Morong: Ilan daw pong number of cases na kapag na-reach ay hindi kakayanin ng ating mga ospital?

DOH USEC. DELA VEGA:  Technically, talaga kung isipin mo, ang government institutions or facilities, kasi iyong sinasabi ko ito talaga iyong pinaka-default positions natin dahil ito iyong pinakamarami din in terms of the number of beds capable of handling severe and critical cases. Eh kung umangat sila sa mga 50% ho, dapat po theoretically kung aabot ang mga more than 50% ang COVID allocation for the hospital, ito iyong talagang mahihirapan, ma-overwhelm talaga ang mga hospitals, kasi ang capacity po natin ngayon is between 30 to 50% lang ang ating mga frontline workers na capable of handling that.

So, anything more than 50% siguro, iyon ang makaka-strain at makaka-overwhelm ng ating mga hospitals.

BENDIJO: Usec, nabanggit po ninyo kanina na marami na ring regional centers ang OHCC, pero may mga plano po ba sa hinaharap na ito po ay dagdagan lalo na sa mga rehiyon na maraming remote areas?

DOH USEC. DELA VEGA:  Yes, tama kayo, Aljo. Kasi ang pinakamahirap po dito sa OHCC, kasi infrastructure IT network kasi ang kailangan namin eh. So itong infrastructure network, ito iyong inuuna namin at mabuti na lang tinulungan kami ng PCSO. Binigyan po kami ng Telco grade na PABX system capable of connecting po sa different regional hospitals across the country and the regional centers. Ito iyong inuuna namin at ito iyong iko-connect po namin sa lahat ng mga regional centers at tinulungan din kami ng DICT, kasi ang kailangan natin nito connectivity at saka fiber optics in terms of connectivity lalung-lalo na sa mga ospital.

So itong mga bahagi na ito, in terms of infrastructure concerns lalo na sa IT, eh halos ginagawa namin ngayon para in the near future ho, baka by hope by next year ma-connect po namin lahat ang mga regional centers at saka regional hospitals na capable of handling any patient across the country kung mayroon mang transfer or coordinated care na pangangailangan.

USEC. IGNACIO:  Okay. Maraming salamat po, Usec. Leopoldo Vega. Mabuhay po kayo ang stay safe po. Happy New Year!

DOH USEC. DELA VEGA:  Happy New Year din sa inyong lahat and thank you.

BENDIJO:  Thank you po, Usec. Happy New Year! Samantala, dahil naman sa patuloy na banta ng COVID-19 sa ating mga kababayan sabay pa ang bagong strain ng virus na nakikita sa ibang bansa, pinag-aaralan na rin ang posibilidad ng pagsasabatas ng Bayanihan 3. Ang detalye sa report na ito:

[NEWS REPORTING]

BENDIJO:  Balita naman sa Cordillera: Doktor sa Cagayan na aktibo sa adbokasiya kontra COVID-19 kinilala. Ang detalye sa balita ni Alah Sungduan live. Alah?

[NEWS REPORTING]

BENDIJO:   Maraming salamat, Alah Sungduan ng PTV-Cordillera.

USEC. IGNACIO:   Samantala, sa Cebu City naghahanda naman sa napabalitang bagong strain ng COVID-19; Ilang mga paghihigpit, ipinatutupad na ngayon pa lamang. Ang detalye sa report ni John Aroa ng PTV-Cebu.

[NEWS REPORT BY JOHN AROA/PTV CEBU]

USEC. IGNACIO:   Maraming salamat, John Aroa ng PTV-Cebu.

BENDIJO:   Update muna tayo sa magaganap na lockdown sa Sulu kasama si Governor Abdusakur Tan. Magandang tanghali po, Governor!

GOV. TAN:   Magandang tanghali naman!

BENDIJO:   This is Aljo Bendijo, Gov., with Usec. Rocky Ignacio sa #LagingHanda.

GOV. TAN:   Yes, Aljo and Rocky. Magandang tanghali!

BENDIJO:   Opo. Sa pagpapatupad ng lockdown diyan sa Sulu simula Enero 4, ano pa ang mga paghihigpit na ipatutupad po sa mga kababayan natin diyan sa Sulu, Gov.?

GOV. TAN:   Unang-una, iyong magla-lockdown tayo na walang puwedeng pumasok na mga LSI, na mga OFW, hindi puwedeng pumasok, at sa mga returning residents kapag hindi naman sila frontliners o kaya mga personnel na nag-ii-enforce ng ating mga protocols and guidelines ay huwag muna sila pumasok dito dahil hindi natin malaman na mahahawa nila iyong mga pamilya nila o mga kasama nila at saka iyong komunidad.

So, tayo ay nag-iingat lamang dahil wala nga [inaudible] na kagaya ng ibang mga cities, so kailangan maingat talaga tayo rito. Pero itong lockdown ay para lamang sa mga incoming at outgoing na mga hindi authorized. Ang authorized lang ay mga uniformed personnel at saka mga health workers na certified na kuwan sila…

So, iyon po Rocky and Aljo.

USEC. IGNACIO:   Opo. Governor, pero kumusta po iyong mga kababayan natin sa Sulu? May nagpahayag ba ng takot sa bagong posibleng strain ng COVID-19 o pagtutol po doon sa gagawing lockdown, Governor? At paano ninyo po ipinarating sa kanila iyong kahalagahan na gawin itong lockdown para po sa kaligtasan ng lahat?

GOV. TAN:   Alam naman po nila at pinirmahan ko lang kagabi iyong Executive Order na una, ini-extend natin iyong MGCQ but in addition ay magkakaroon ng lockdown effective 04 January, so hanggang 17 and extendable iyan depende po sa sitwasyon.

At alam iyan ng ating mga kababayan dito na ito ay para sa kanila, hindi naman para sa atin lamang kung hindi para sa buong komunidad. So, wala silang takot dahil tao lamang ang hindi puwede. Iyong mga goods, specially mga basic na mga pagkain na nanggagaling ng Zamboanga ay puwede namang pumasok.

USEC. IGNACIO:   Opo. Iyong tulong po na ipinaaabot ng Sulu Government sa inyong mga kababayan, Governor, paano po naipahahatid?

GOV. TAN:   Iyong mga tulong, lalo na iyong mga nahihirapan wala naman problema kagaya ng mga [inaudible] mga IDPs ay tinutulungan ng mga pagkain, mga bigas, at saka cash. Nagbibigay naman tayo, so iyong mga nangangailangan at siguradong talagang nangangailangan ay binibigyan ng ating mga local governments, from the Provincial down to the municipal government.

USEC. IGNACIO:   Okay, Governor. Maraming salamat po, Governor Abdusakur Tan ng Sulu Province. Ingat po at salamat po sa inyong panahon.

Samantala, sa Davao City, 11 beses na pong naitala bilang may pinakamaraming positibo sa COVID-19 sa loob lamang ng isang araw. May ulat po si Julius Pacot live, Julius?

[NEWS REPORT BY JULIUS PACOT/PTV DAVAO]

USEC. IGNACIO:   Maraming salamat, Julius Pacot ng PTV-Davao.

BENDIJO:   Maraming salamat po sa ating mga partner agency para sa kanilang suporta sa ating programa at maging ang Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas. Salamat din sa Filipino Sign Language Access Team for COVID-19. Mabuhay po kayo!

USEC. IGNACIO:  At siyempre, Aljo, bago tayo magpaalam nais kong batiin ng happy birthday po si Buboy de Ocampo, nandito kasi ako sa Laguna, at siyempre sa aking kapatid na si Dada Tobias.

At diyan po nagtatapos ang ating programa sa araw na ito. Ako po ang inyong lingkod, Usec. Rocky Ignacio ng PCOO.

BENDIJO:   Ako naman po si Aljo Bendijo. Isang tulog na lang at 2021 na! Thank you, Usec.!

USEC. IGNACIO:   Happy New Year, Aljo!

BENDIJO:   Happy New Year!

USEC. IGNACIO:   Hanggang bukas pong muli dito sa Public Briefing #LagingHandaPH.

 

###

 

SOURCE: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)