USEC. IGNACIO: Magandang umaga, Pilipinas. Tuloy pa rin po ang aming paghahatid nang makabuluhang impormasyon ukol sa mga hakbangin ng pamahalaan sa gitna ng krisis pangkalusugan na ating kinakaharap.
MR. BENDIJO: Magandang umaga, Usec. Ngayon ay araw ng Biyernes, kasama ang mga panauhin mula sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, bibigyan natin ng linaw at kasagutan ang mga isyung mahalagang mapag-uusapan. Ako po si Aljo Bendijo.
USEC. IGNACIO: Ako naman po si Usec. Rocky Ignacio mula sa PCOO, at ito ang Public Briefing #LagingHandaPH.
Samantala, bago ang pagsisimula ng ating diskusyon sa araw na ito, bigyang daan muna natin ang mahalagang anunsiyo ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque kasama ang ating PTV correspondent na si Mela Lesmoras.
MELA LESMORAS/PTV-4: Magandang araw po sa ating lahat at ngayon ay makakasama natin si Presidential and IATF Spokesperson Harry Roque para sa mga mahahalagang anunsiyo mula mismo sa IATF.
SEC. ROQUE: Magandang umaga sa inyong lahat, Pilipinas ‘no. Balitang IATF po tayo ngayon ‘no.
Nagpulong po ang inyong IATF kahapon at ito po iyong ilang mga punto na napagkasunduan:
– Una, pinapayagan na po ang mas maraming mga foreign nationals simula a-uno ng Nobyembre 2020. Pero teka muna po ha, hindi lahat ng foreign nationals pupuwedeng pumasok. Ang pupuwede lang po ay mga foreign nationals na mayroong visa na in-issue ng Bureau of Immigration pursuant to Executive Order No. 226 for the Omnibus Investment Code as amended by RA 8756 – iyong mga investors visa na tinatawag po ‘no. At kasama rin po dito iyong mga foreign nationals na mayroong 47(A)(2) na in-issue ng Department of Justice, ang mga visa na in-issue ng Aurora Pacific Economic and Freeport Authority at ng Subic Bay Metropolitan Authority.
Ang pagpasok po ng mga dayuhan sa bansa ay subject pa rin sa mga kondisyon tulad ng kailangan sila na mayroong valid at existing visa sa panahon na kailangan mayroon silang pre-booked accredited quarantine facility. Subject din sila sa maximum capacity ng inbound passengers at the port and date of entry at kinakailangan sumunod sa applicable Immigration laws, rules and regulations.
– Inaprubahan din po ng inyong IATF ang pagtanggal o pagbawi sa pre-boarding testing requirement ng outbound Filipino travelers na unang na-ratify sa IATF Resolution No. 79 na nagri-require ng negative antigen test result bente kuwatro oras bago lumipad bilang pre-boarding requirement. Ulitin ko po, wala na pong antigen requirement sa lahat po ng bibiyahe sa labas ng bansa.
– Pangatlo, pinayagan na ang religious gatherings sa mga lugar sa ilalim ng GCQ na hanggang 30% of the seating or venue capacity sa dating 10%. Ito rin po ay alinsunod doon sa naging rekomendasyon ng ating mga Metro Manila Mayors.
– Pang-apat at panghuli, pinayagan na rin ang mga pagpapatupad ng motorcycle taxi pilot study pagkatapos payagan ng Kamara de Representante na i-extend ang motorcycle taxi pilot study program. So mabuting balita po iyan kasi pupuwede na naman tayong mag-Angkas o kaya mag-JoyRide.
So ulitin ko po ang mga investors visa holders, ang holders ng visa na in-issue ng Aurora, ng APEZ at saka ng Subic Bay ay pupuwede pong makapasok subject to iyong mga usual requirements po at sakop siyempre po ‘no doon sa availability ng slot pagpasok sa ating airport at mga pantalan. Pangalawa po, wala na pong antigen testing na niri-require para sa mga Pilipino na lalabas ng bansa. Ang ating religious worship po ay 30% na sa GCQ kasama po ito sa Metro Manila at pang-apat, pinayagan na po ang Angkas at ang mga JoyRide.
MELA LESMORAS/PTV-4: Opo. Quick follow up lang, Spox, mula sa inyong mga announcements. Ano po ang—dahil nga maaari na, starting November 1 ang foreigners na inbound dito sa Pilipinas, ano po ang katiyakan naman ng IATF na mapapanatili pa ring ligtas ang ating mga kababayan kahit papayagan na itong mga foreign nationals po?
SEC. ROQUE: Hindi po lahat ng foreign nationals ay ina-allow ha. Lilinawin ko po, hindi lahat. Ito po ay iyong mga mayroon lang tinatawag na investors visa under Executive Order No. 226 o iyong Omnibus Investment Code as amended by RA 8756 at foreign nationals na mayroong 47(A)(2) Visa na in-issue ng DOJ at mga visas na in-issue po ng Aurora Pacific Economic Zone and Subic Bay Metropolitan Authority.
Ang mga ordinaryong tourist visa holders hindi pa rin po pinapayagan at lahat nga po ng mga naisyung mga tourist visa sa mga nakalipas na panahon ay na-revoke na po ‘no, kinakailangan mag-apply po ng bagong visa. Pero sa ngayon po, wala pa pong mga turistang mga dayuhan ang pupuwedeng makapasok, iyong mga investors lang po.
MELA LESMORAS/PTV-4: Opo. And, sir, iyong binanggit ninyo lang po na 30% sa religious gatherings. Ito po ba ay paghahanda na para sa nalalapit din na simbang gabi?
SEC. ROQUE: Well, alam ninyo po, dahil ang mga Pilipino naman po ay sumusunod sa ating Presidente na nagma-mask, naghuhugas at nag-iiwas, nakikita naman po natin na bumubuti kasi iyong numero ‘no. Pero at the same time eh talaga naman pong nandiyan na rin iyong katotohanan na ang mga Metro Manila Mayors po ay nag-agree na rin na ang curfew pagdating ng a-uno ng Disyembre ay gagawing 12 to 3 para tayo ho’y makapagsimbang gabi.
Wala na po kasi tayong Undas, sarado ang ating mga sementeryo tapos marami na po tayong mga nakansela so siguro naman kahit papaano magkaroon naman tayo ng pagpatuloy ng ating mga Christmas traditions bagama’t 30% lang po ang ating magiging pupuwedeng simbang gabi.
MELA LESMORAS/PTV-4: Opo. Panghuli na lang, Spox Roque. Doon po sa bago ninyong in-announce, alam ko isa sa mga ikalulugod ng ating mga kababayan itong sa motorcycle taxis. Para lang po malinaw, after your announcement puwede na po ba sila or hihintayin pa, magkakaroon pa po ba ng guidelines ang DOTr?
SEC. ROQUE: Mayroon pong guidelines na i-issue ang LTFRB pero ang maganda po rito is wala na pong hadlang. Antayin lang natin sandali iyong guidelines.
At bago po ako magtapos, ulitin ko po ‘no hindi lahat ng dayuhan ay pupuwede nang pumasok, iyong mayroon lang mga tinatawag na investors visa kumbaga at kinakailangan gaya ng lahat na pumapasok sa Pilipinas, mayroon silang pre-booked quarantine facility at ang rule pa rin ay quarantine habang nag-aantay ng PCR results.
MELA LESMORAS/PTV-4: Opo. Kumbaga, sir, for business purposes itong pagpayag na ito ng IATF, tama po ba sir?
SEC. ROQUE: Opo, specific po iyan doon sa mga namumuhunan.
MELA LESMORAS/PTV-4: Opo. Naku maraming, maraming salamat po sa inyong announcement at sa inyong panahon. Iyan po si Presidential and IATF Spokesperson Harry Roque.
SEC. ROQUE: Magandang umaga po sa inyong lahat.
USEC. IGNACIO: Maraming salamat, Secretary Harry Roque, at kay PTV correspondent Mela Lesmoras.
At upang sumagot po sa mga tanong ng bayan, maya-maya lamang makakasama natin sa programa sina Department of Science and Technology Undersecretary Rowena Guevara; Maximo Sta. Maria III, Officer-In-Charge, Assistant Postmaster General for Marketing and Management Support Services, PhilPost; at Baguio City Mayor Benjamin Magalong.
MR. BENDIJO: Makakasama rin natin sa paghahatid ng mga ulat ang mga PTV correspondents mula sa iba’t ibang probinsiya at ang Philippine Broadcasting Service. Samantala, para naman sa inyong mga katanungan at concerns, maaari kayong mag-comment sa livestreaming ng ating programa sa PTV Facebook page.
Para po sa mga balita: Pagpapaigting sa transparency upang mapuksa ang korapsiyon, ito ang panawagan ni Senator Christopher “Bong” Go sa mga ahensiya ng pamahalaan. Aniya dapat alam ng taumbayan kung saan napupunta ang kanilang pera. Bahagi rin aniya ito ng zero tolerance policy kontra katiwalian sa pamahalaan. Binigyan-diin din ng senador na dapat maging transparent ang lahat ng ahensiya ng pamahalaan sa procurement information, pangalan ng bidder, address, bidding result at iba pang mga mahalagang impormasyon na may kinalaman sa procurement. Paalala rin ito sa taumbayan na huwag matakot na magsumbong kung may nakitang korapsiyon o anomalya sa mga ahensiya ng pamahalaan. Ayon sa senador, bukas ang kaniyang opisina at nariyan din ang Presidential Anti-Corruption Commission para makinig at aksiyunan ito.
Muli giniit ni Senator Bong Go ang panawagan sa pamahalaan kaugnay sa pagpapabilis ng investigation ukol sa diumano’y anomalya o korapsiyon sa PhilHealth. Kaugnay nga riyan, inirekomenda ng butihing senador na suspendihin o sampahan ng kaso ang mga dati’t kasalukuyang PhilHealth officials na sangkot sa katiwalian. Bilang Senate Chair ng Committee on Health, importante kay Senator Bong Go ang healthcare system sa bansa kaya naman mahalagang maprotektahan ang integridad ng nasabing ahensiya. Dagdag pa niya, dismayado si Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa korapsiyon sa gobyerno. Kailangan nang mawala ang mga corrupt upang hindi na makasira pa sa serbisyo ng pamahalaan o makahawa sa ibang kawani na nais magsilbi sa kapwa Pilipino.
Sa iba pang mga balita, tuluy-tuloy ang pamamahagi ng tulong ng opisina ni Senator Bong Go. Dalawampu’t pitong pamilya sa limang barangay diyan [unclear] ang nabigyan ng financial assistance, food packs, face masks, face shields, vitamins at pananghalian.
Hinimok din ng Senador ang mga taga-Sambag Uno, San Antonio, Mabolo at diha sa Suba, Cebu City, pati na rin ang mga taga-Lagtang sa Talisay City, na makipagtulungan sa pamahalaan sa pamamagitan ng pagsunod sa health protocols upang maiwasan na mahawaan ng virus. At dahil limitado pa rin ang transportasyon ngayong may pandemya, ilan sa mga biktima ng sunog ang binigyan ng bisikleta para magamit sa kanilang pagpasok sa trabaho.
Samantala, noong nakaraang lingo ay natupok ng apoy ang kabahayan ng may limampu’t anim na pamilya sa North Daang Hari sa Taguig City. Muling pinuntahan ng opisina ni Senator Bong Go ang mga nasunugan para mamahagi ng tulong sa mga biktima. Namigay siya ng cash assistance, facemasks, face shields, bitamina at food packs. Ilan din sa kanila ay nakatanggap ng bisikleta at tablets. Ang ilan naman sa mga nasunugan na may motorsiklo ay binigyan ng back riding barriers na donasyon ng Angkas.
USEC. IGNACIO: Isa sa kasalukuyang pinag-aaralan ng mga eksperto sa bansa ang bisa ng virgin coconut oil bilang gamot sa COVID-19. Ating alamin ang pinakahuling update tungkol diyan, makakausap natin si DOST Undersecretary Rowena Guevarra. Magandang umaga po, Usec.
DOST USEC. GUEVARRA: Magandang umaga.
USEC. IGNACIO: Opo. Usec., bigyan-daan po muna natin ang katanungan ng ating mga kasamahan sa media. Mula po kay Evelyn Quiroz ng Pilipino Mirror: The DOST has been conducting community-based clinical trials on virgin coconut oil as an adjunct treatment for COVID-19. And although the project is expected to be finished in December, can you give specifics on the findings gathered from the trials?
DOST USEC. GUEVARRA: Puwede po iyan. Well, isang community-based trial ang ginagawa ng DOST sa Laguna. Sa ngayon, mayroon na tayong 57 active subjects at 49 na ang nakatapos ng regimen. At iyong walo pa naman ay patuloy pa sa intervention.
Sinasagawa din ngayon ang data analysis at wala pang mailalabas na pahayag ukol sa obserbasyon sa mga study participants sa ngayon.
USEC. IGNACIO: Opo. Tanong naman po galing kay Joyce Balancio ng ABS-CBN: The US Food and Drug Administration has approved Remdesivir for the treatment of coronavirus infection. How will this affect our choice of the said drug para naman po sa mga Pilipino?
DOST USEC. GUEVARRA: Tinatapos pa po ng ating trialist iyong kanilang clinical trial para sa Remdesivir. Hintayin po natin ang resulta.
USEC. IGNACIO: Opo. Sa ngayon po, kumusta po iyong isinasagawang community-based trials on virgin coconut oil ng DOST sa Laguna at sa PGH? Gaano po karami ang naging participants nitong clinical trial? Ano na po ang update dito? At kailan po ang target na matapos itong parehong VCO clinical trials?
DOST USEC. GUEVARRA: Okay. Iyong kanina, sinabi ko na iyong sa Laguna na tapos na ngayon iyong ano, iyong clinical trial, hinihintay na lang natin iyong analysis ng resulta.
Iyon naman pong sa PGH, nagsimula na po ang patient enrolment para sa VCO clinical trial subali’t may mga pasyente na ayaw sumali sa naturang pag-aaral. Ganoon pa man, maghahanap ang project team sa mga newly admitted patients para dito.
Inaasahang magtatapos ang clinical trial na ito sa Mayo 2021. Iyong sa Laguna, ngayong December po matatapos.
USEC. IGNACIO: Opo. So ano po iyong proseso na pinagdadaanan ng mga nakatanggap nito? At ilang araw po ang itatagal ng test sa bawat individual?
DOST USEC. GUEVARRA: Doon sa VCO trial sa Laguna, ang mga pasyente ay dumadaan muna sa mga laboratory test upang malaman kung sila ay maaaring makasali sa pag-aaral. Kung sila ay eligible, ang mga indibidwal na maisasama sa grupo na makakatanggap ng VCO ay bibigyan ng pagkain na may halong VCO. Ang bawat indibidwal ay bibigyan ng pagkain at oobserbahan sa loob ng dalawampu’t walong araw.
Doon naman sa mga pasyente sa PGH, sisiguraduhin muna ng project team na sila ay laboratory confirmed COVID-19 cases. Ang mga pasyente na maisasali sa grupo na makatatangap ng VCO ay bibigyan ng VCO pagkatapos kumain, tatlong beses sa isang araw. Ito ay gagawin sa loob ng labing-apat na araw para sa bawat pasyente.
USEC. IGNACIO: Opo. Usec., matapos po nga iyong month-long laboratory experiments with virgin coconut oil, ayon po sa DOST ay nagpakita ito ng very promising results. Can you share with us, ano po iyong nakita ninyong significant results ng virgin coconut oil sa ating mga patients?
DOST USEC. GUEVARRA: Ang mga experiments na ginawa ay sa loob lamang ng laboratoryo at hindi sa mga pasyente. Naobserbahan sa pag-aaral na ginawa ng grupo ni Dr. Fabian Dayrit ng Ateneo de Manila University na sa mababang virus concentration, ang mga compounds na galing sa coconut oil ay naobserbahang nakakapagpababa ng bilang ng SARS-CoV 2 virus ng mahigit 60 hanggang 90 percent. Subali’t base sa naging obserbasyon, hindi napigil ng monolaurin at lauric acid ang pagdami ng virus.
USEC. IGNACIO: Opo. Pero, Usec., para malinaw lang po sa ating mga kababayan, ano po ba iyong pinagkaiba nitong community-based trials ng VCO dito naman po sa mga vaccines na tinitingnan pong gamitin sa gagawing clinical trials ng World Health Organization sa bansa?
DOST USEC. GUEVARRA: Usec., ang mga potential na adjuvant therapy, gamot o bakuna para sa COVID-19 ay isinasailalim sa clinical trials. Ang pinagkaiba nito, sa bakuna, ang tinitingnan ay kaniyang epekto kung maiiwasan ang pagkakaroon ng COVID-19. Kaya dapat ang sasali sa vaccine clinical trial ay hindi pa nagkakaroon ng COVID-19.
Samantala, ang mga produktong kagaya ng VCO at ibang potential adjuvant therapy o gamot ay inaaral sa mga COVID-19 patients o suspected patients dahil tinitingnan natin kung may epekto sila sa paggaling o pag-recover ng mga pasyente.
USEC. IGNACIO: Opo. Base naman po sa ginawang review ng expert panel ng DOST kaugnay sa Sinovac, once na maaprubahan po ito ng FDA ang vaccine na ito, sino po ba ang dapat mag-implement nito? At paano po daw iyong magiging sistema nito?
DOST USEC. GUEVARRA: Ang Sinovac ay may itinalagang contract research organization o CRO na specialized sa pagma-manage ng mga clinical trials. Itong CRO ang kumakatawan sa Sinovac sa layuning ito.
Ang CRO naman ang siyang nagsasaayos ng pagpili ng mga doktor na clinical trialist na siyang aktuwal na magsasagawa ng clinical trials ng mga bakuna na dinivelop ng Sinovac.
USEC. IGNACIO: Usec., nag-allocate po ang DOST ng tinatayang 170 million pesos para po sa limang mobile food processing facilities. Saang lugar po ba ito sa bansa idi-deploy? At sa paanong paraan po ito makakatulong, itong mobile facilities sa ating mga kababayan? At siyempre, sinu-sino pa rin po ang inaasahang makikinabang sa naturang proyekto?
DOST USEC. GUEVARRA: Ang amin pong paglalagyan sa umpisa – sa MIMAROPA, sa Region VI, Region IX, Region X at doon po sa aming DOST-ITDI (DOST-Industrial Technology Development Institute).
Ang mga makikinabang po dito ay mga farmers, primary agricultural producers, micro, small and medium enterprise food processors, local produced consumers, food industry.
Ang ilalagay po namin dito ay iyong frying, retorts, spray drying, glass jar preserves, sweet and juice, dry ingredients at saka aseptic system. Kaya po tayo gumagawa nito para kapag mayroong isang lugar na sobrang dami ng kamatis o squash o kung anuman na puwedeng i-process ay mapa-process po. Pupunta po itong ating mobile modular system doon at gagawin po nila iyong proseso.
USEC. IGNACIO: So tinatayang 89 million po ang inilaan ng DOST para naman po sa 18 collaborative research project. So anu-ano naman po ang pinaka-focus ng mga research projects na ito? At kailan din po inaasahang magsisimula?
DOST USEC. GUEVARRA: Itong mga projects na ito kasi, sinu-solve nila iyong problema ng industry kaya sobrang lawak po ng mga ginagawa nito. So mayroong iyong isa, gumagawa sila ng control at saka immediate release tablets ng combination ng aspirin at saka Cilostazol. Mayroon naman iyong iba ay gumagawa ng cold soluble powders mula sa [garbled]. Mayroon namang gumagawa ng integrated flywheel energy management.
So, sobrang dami po ng ginagawa nito. Pero ang bottom line, ang industriya ang magsasabi at ito ang problema ko, iyong academe, sila po iyong magso-solve. Kami sa DOST ang bibigyan namin ng pondo iyong academe, iyong university or research and development institute, tapos may 20% na counterpart po iyong industriya at promise na ia-adopt nila iyong technology, kapag natapos po iyong research.
USEC. IGNACIO: USec. Kaugnay naman po sa 76 million cut approved budget ng DOST para sa research and development, paano po ba ito makakaapekto sa operasyon ng DOST?
USEC. GUEVARRA: Naku, malaki ang impact niyang aming budget cut. Dahil diyan sa budget cut na iyan, mayroon po kaming mga projects na hindi na muna namin gagawin sa 2021 at i-defer na po namin sa 2022. Umaasa po kami na sana ay mas maging mataas ang budget sa 2022 para po matugunan itong mga ide-defer ng projects.
USEC. IGNACIO: Opo, isinusulong naman po ni Senator Panfilo Lacson ang budget allocation para sa pagbili ng COVID-19 vaccine at suporta para sa mga scientist at researchers sa bansa. Ano po ang masasabi ninyo dito, USec?
USEC. GUEVARRA: Ang COVID-19 vaccine ay importante para sa pagbubukas ng ating ekonomiya. Napapanahon ang panukala ni Senator Lacson na paglaanan ng pondo ang covid-19 vaccines at suportahan para sa mga siyentista at researchers ng bansa. Kunwari po ang aming budget sa DOST at 0.25% ng GAA, Government Appropriations Act noong nakalipas na apat na tao. Pero ngayon pong taon na ito, 0.17% lang po ng GAA ang naibigay sa research and development ng DOST. Ngayon pa namang dumarami na ang ating MS at PhD graduates, 400 to 500 MS and PHD graduate ang napapatapos natin per year. Kaya noong nagtawag kami ng RND proposal para sa funding ng 2021, aba ay nakatanggap kami ng 888 proposals na nangangailangan ng 7.5 billion na pondo next year. Kanya nga lang hindi sapat ang aming pondo kaya 10% lang ang mga proposal na aming mapupondohan. Sana matuloy ang panukala ni Senator Lacson.
USEC. IGNACIO: Opo. USec, kunin ko na lamang po ang inyong mensahe para sa ating mga kababayan ngayong araw?
USEC. GUEVARRA: Ang mensahe po natin ay patuloy pong nagtatrabaho ang ating mga scientist at mga researcher para po mahanap kung ano iyong magaling na gamot at iyong akmang bakuna para sa COVID-19 para po maibsan ang ating malaking problema dito sa pandemic na ito. Lagi po naming pinapaalalang maghugas ng kamay, mag-face mask at face shield at mag-social distancing. Maraming salamat po.
USEC. IGNACIO: Maraming salamat po sa inyong oras, DOST Undersecretary Rowena Guevarra.
BENDIJO: At samantala upang bigyang daan ang Hatid Tulong Program na layong mapauwi ang mga na-stranded sa Maynila dahil sa umiiral na community quarantine. Pansamantala munang sinuspinde ang Balik Probinsiya Bagong Pag-asa Program. Para sa iba pang detalye panoorin natin ito.
[VTR ]
USEC. IGNACIO: Samantala dumako naman tayo sa update kaugnay sa COVID-19 cases sa buong bansa. Base po sa tala ng Department of Health as of October 22,2020 naitala ang 1,664 newly reported COVID-19 cases kaya naman ang total number of confirmed cases ngayon sa bansa ay 363,888. Naitala rin kahapon ang 38 katao na nasawi, kaya umabot sa 6,783 cases ang kabuuang bilang ng COVID-19 deaths sa ating bansa. Ngunit patuloy rin naman ang pagdami ng mga nakaka-recover na umakyat na 312,333 with 843 new recoveries recorded as of yesterday. Ang kabuuang total ng ating active cases ay 44,772.
BENDIJO: Para po sa inyong mga katanungan at concerns tungkol sa COVID-19. Maaari po ninyong i-dial ang mga numerong 02-894-COVID o kaya ay 02-89426843. Para naman sa mga PLDT, smart, Sun at TNT subscribers. I-dial ang mga numerong 1555. Patuloy rin kayong makibalita sa mga pinagkakatiwalaang sources ng impormasyon tungkol sa COVID-19. Maaari ninyong bisitahin ang covid19.gov.ph.
Ngayong panahon po ng pandemya, isa rin ang tinuturing na frontliners ang mga manggagawang patuloy na nagsiserbisyo upang maihatid sa bawat tahanan ang mga mahahalagang dokumento o kagamitan na ipinadadala. Para kumusta po natin ang kanilang operasyon, makakausap natin si Maximo Sta. Maria III. Officer-In-Charge, Assistant Post Master General for Marketing and Management Support Services ng PhilPost. Magandang umaga po.
PHILPOST OIC STA. MARIA: Magandang umaga po kay Undersecretary Rocky at sa inyo, Ginoong Aljo.
BENDIJO: Sir, Max paano po nakakaapekto sa operasyon ng PhilPost ang pagsasailalim ng bansa sa community quarantine. Ano iyong mga naging adjustments pagdating po sa inyong mga serbisyo?
PHILPOST OIC STA. MARIA: Una sa lahat po, mula noong ibinaba ng ating pamahalaan iyong tinatawag nating Enhanced Community Quarantine dahil sa pandemya. Ang PhilPost po ay agad na naglunsad ng programa na tinatawag naming #PusongPhilPost, upang ipaalam at ipahatid namin sa mga kliyente at doon sa mga patuloy na tumatangkilik sa aming serbisyo na kami ay patuloy na naglilingkod at nananatiling aktibo sa paghahatid. Ito po naging katuwang namin iyong pamahalaan dito, ang mga local governments units sa pagtulong po sa ating mga mamamayan noong panahon po ng ating pandemya.
BENDIJO: Sa kabila po ng kaliwa at kanang online transactions – iyon ang uso ngayon, online na ngayon at may pandemya – eh napakahalaga po na ginagampanan pa rin ng PhilPost lalo na sa pamahalaan. Maitanong ko lang si Max, bumaba ba iyong bilang ng inyong mga kliyente nitong nagdaang mga buwan?
PHILPOST OIC STA. MARIA: Masasabi ko po, opo, na malaki po iyong naging epekto nito sa aming serbisyo sa mga pagpo-proseso ng mga sulat at pakete. Dahil nga doon sa mga nagsara at mga panandaliang nagsara at natigil na operasyon ng mga negosyo. Iyong mga sasakyan nating panghihimpawad at pandagat at iyong pagkakaroon po ng quarantine restrictions sa mga iba’t ibang LGUs. So, ito po somehow o masasabi pong nagpababa ang aming paghahatid o nakaapekto po sa aming paghahatid ng serbisyo.
BENDIJO: Papaano po ninyo sinisiguro ang kaligtasan ng mga empleyado po ninyo. Pati na rin sa mga tumatanggap ng sulat na padala? May mga prosesong disinfection ba kayong ipinatutupad diyan para makarating sa mga kliyente?
PHILPOST OIC STA. MARIA III: Opo, tama po kayo doon. Simula po noong inilunsad namin iyong programa na #PusongPHLPost kasabay nito iyong aming mahigpit na pagsunod sa mga safe and health protocols para masiguro po iyong safety ng aming mga frontliners at ating magigiting na kartero, ganoon din po iyong aming mga kliyente kaya sinisiguro po namin na iyong mga pakete o iyong mga mails na dinadala po sa kanila ay nakakasigurong safe dahil we conduct regular disinfection po sa aming mga post offices.
BENDIJO: Sa ngayon, ano iyong mga bansang bukas para sa international transactions, Sir Max, at saan po nila puwedeng makita iyon pong kumpletong listahan pati na rin po kung saan sila puwedeng mag-inquire para ma-track ang kanilang mga padala at makarating sa takdang panahon o oras?
PHILPOST OIC STA. MARIA III: Nais ko rin pong samantalahin itong pagkakataon na ito upang maipaliwanag po iyong tungkol sa ating mga international at domestic mailings.
Iyon nga ho, pagdating ho sa international, kami ay nagri-rely sa availability ng mga airlines going abroad at coming here sa Pilipinas. So, kami po ay regular na nakikipag-coordinate sa mga airlines, from time to time po, we announce iyong mga countries na open like the United States. Iyong kumpleto hong listahan ay maaari pong makita ng ating mga publiko, ng ating mga kababayan, sa amin hong website na www.philpost.gov.ph. Nakalagay po doon ang kumpletong listahan at amin din pong ina-update itong mga ito as soon as we receive information from the airline companies.
BENDIJO: Sa pagkuha naman po ng postal ID ngayong may community quarantine, gaano po katagal na proseso at magkakaroon ba ng delay sa pakuha po nito?
PHILPOST OIC STA. MARIA III: Patuloy pa rin po iyong aming serbisyo sa pagkuha ng postal ID kasi ito nga po ang kino-consider as primary ID para ho maka-apply tayo ng passport at kung ano pa mang requirements ng gobyerno. Kami po ay nag-o-offer ng rush application, ito po ay one day pero sa mga selected Metro Manila Post Office lang po upang makasiguro po tayo sa safety ng ating mga aplikante at ganoon din po ng aming mga frontliners.
At kasama din po, we offer din po iyong regular application kung saan available po ito nationwide. Ito po ay maaaring matanggap within ten to fifteen days at depende na rin po sa mga protocols or restrictions na ipinatutupad po ng ating gobyerno at ilang LGUs.
BENDIJO: Iyong pananaw po ninyo kaugnay sa panukalang batas na layong gawing via mail ang pagboto ng ating mga nakatatandang kababayan, may mga kapansanan tayong mga kababayan, mga buntis at mga indigenous people sa darating pong 2022 Elections. Ano po sa tingin ninyo ang magiging advantage at disadvantages po nito?
PHILPOST OIC STA. MARIA III: Kami, we welcome po iyong panukalang batas na gawin iyong mail voting na tinatawag para maserbisyuhan iyong ating mga senior citizens and indigenous communities. In fact, nagawa na po namin ito during the absentee voting wherein iyong mga ating kababayan abroad ay bumuboto sa kanilang mga embassies at ipinapadala po dito. Kami rin po ang tumugon sa serbisyo nang panahon na iyon kaya kung ito po ay mangyayari at matutupad, kami po ay willing na tumugon at makipag-partner po sa ating gobyerno, katulad ng Comelec, upang magampanan po ito efficiently.
USEC. IGNACIO: Opo. Sir, bigyang daan po natin ang tanong mula sa kasamahan natin sa media. Mula po kay Evelyn Quiroz ng Pilipino Mirror, ito po ang tanong niya: During a senate hearing on the proposed five hundred million PhilPost budget for 2021, Senator Koko Pimentel said that the Philippine Postal Corporation could be tapped to deliver online shopping orders specially now that e-commerce is growing amid the COVID-19 pandemic. Is the PhilPost capable of undertaking such a challenge?
PHILPOST OIC STA. MARIA III: Maraming salamat po sa katanungan na iyan. First and foremost po, ang Philippine Postal Corporation is considered as a GOCC o iyong tinatawag po nating government Owned and Controlled Corporation. So, sa makatuwid po, kami po ay hindi fully subsidized ng national government maliban sa franking privilege. Kaya nga po humihingi rin po kami ng tulong sa ating mga mambabatas para sa karagdagang budget o iyong reimbursement nitong franking privilege na ito upang makapaghanda po kami dito sa tinatawag nating e-commerce industry.
Bagama’t sa limitadong resources ng aming ahensiya, we still manage to do programs and projects katulad po ng aming ongoing enterprise resource planning kung saan ang aming gagawin ay magkakaroon na po ng connectivity iyong ating mga post offices lalo na ho doon sa malalayong lugar at kasama din po dito sa sistema na ito iyong aming mail management system na kung saan madali po naming mata-track at mapaglilingkuran iyong mga nagpapadala po sa atin ng mga sulat at pakete at kasama rin po dito sa proyekto na ito iyong financial counter management system na kung saan mapapadali po iyong mga transaksiyon natin sa mga counters ng mga post offices nationwide.
Kaya nga ito pong bagay na ito malaki po ang dapat maging partisipasyon ng PhilPost pagdating sa e-commerce industry dahil ito po ay pinaghahandaan namin upang kami ay makatugon sa mga pangangailangan ng mga publiko natin na nagpapadala na galing sa ibang bansa.
USEC. IGNACIO: Okay. Kunin ko na lamang po ang mensahe ninyo sa ating manunood, sir.
PHILPOST OIC STA. MARIA III: Again, marami pong salamat sa pagbibigay po sa amin ng pagkakataon upang maibahagi sa inyo iyong aming mga proyekto. Sabi ko nga po, itinuturing po naming challenge itong technology sa pag-unlad ng postal services sa buong bansa. Kami po ay tumutugon din sa tinatawag naming UPU, as the universal service provider for delivery service na kung saan ay kami ay connected sa 192 countries worldwide. Kaya nga po kami ay humihingi din ng pang-unawa upang maisakatuparan po namin iyong aming mandato.
So, kasama rin po dito ang paghingi rin ng pasensiya at pang-unawa sa mga kliyente namin sa pagkaantala ng kanilang pagpapadala dahil nga po dito po sa ating pandemya na nararanasan ngayon at kasama dito po ang pagtugon po namin sa tawag ng pamahalaan na i-observe or tugunan iyong safe and health protocols para po sa kapakanan naman ng aming mga frontliners, karteros at ng sambayanang Filipino po.
USEC. IGNACIO: Okay. Marami pong salamat sa inyong panahon Mr. Maximo Sta. Maria III, mula po sa PhilPost.
PHILPOST OIC STA. MARIA III: Salamat po
USEC. IGNACIO: Sa puntong ito dumako naman po tayo sa pinakahuling ulat mula sa iba pang lalawigan ng bansa. Makakasama natin si Czarina Lusuegro mula po sa Philippine Broadcasting Service.
[NEWS REPORT BY BIEMA MINOZA/RP ILIGAN]
[NEWS REPORT BY ZEF BOSONGAN RP BONTOC]
USEC. IGNACIO: Maraming salamat, Czarinah Lusuegro.
BENDIJO: Puntahan naman natin si Breves Bulsao mula sa PTV Cordillera. Breves?
[NEWS REPORT BY BREVES BULSAO]
BENDIJO: Maraming salamat, Breves Bulsao.
USEC. IGNACIO: Para naman alamin ang sitwasyon ngayon sa Cebu City, narito ang report ni John Aroa. John?
[NEWS REPORT BY JOHN AROA]
USEC. IGNACIO: Maraming salamat sa iyong report, John Aroa.
BENDIJO: Mula naman sa PTV Davao may report si Julius Pacot. Julius, maayong Udto.
[NEWS REPORT BY JULIUS PACOT]
BENDIJO: Maraming salamat, Julius Pacot.
USEC. IGNACIO: Samantala, hindi po muna natin makakasama sa programa si Baguio City Mayor Benjamin Magalong dahil sa isang emergency meeting.
At iyan po ang aming mga balitang nakalap ngayong araw!
Maraming salamat po sa mga naglaan ng kani-kanilang oras sa pagbibigay-linaw sa mga impormasyon na mahalagang malaman ng ating mga kababayan.
BENDIJO: Ang Public Briefing ay hatid sa inyo ng iba’t ibang sangay ng PCOO (Presidential Communications Operations Office) sa pakikipagtulungan ng Department of Health at kaisa ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP).
USEC. IGNACIO: Asahan ninyo ang aming patuloy na pagbibigay impormasyon kaugnay sa mga update sa paglaban sa COVID-19 pandemic. Maraming salamat din po sa Filipino Sign Language Access Team for COVID-19.
BENDIJO: Samantala, 63 days na lang Pasko na!
Bagama’t patuloy pa rin ang pagharap sa krisis na dulot ng COVID-19 lagi natin tandaan na ang pagmamahal at ang pagtulong sa kapuwa ay ang tunay na diwa ng Pasko. Marami pong salamat.
Muli, ako po si Aljo Bendijo.
Usec., thank you.
USEC. IGNACIO: Salamat din sa iyo, Aljo. At mula pa rin po sa PCOO, sa ngalan po ni PCOO Secretary Martin Andanar, ako po si USec. Rocky Ignacio.
Magkita-kita po muli po tayo bukas dito lamang sa Public Briefing #LagingHandaPH.
###
—
SOURCE: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)