USEC. IGNACIO: Magandang umaga, Pilipinas. Tuloy pa rin ang ating laban kontra COVID-19 kaya naman narito po kaming muli upang masigurong maihahatid ang mainit na balita’t impormasyon para sa inyo.
ALJO BENDIJO: Good morning, Usec. Rocky. Kasama rin ang iba’t ibang mga kawani ng ating pamahalaan na handang sumagot sa ating mga katanungan, samahan ninyo kami sa isang makabuluhang talakayan. Ako po si Aljo Bendijo.
USEC. IGNACIO: Sa ngalan po ni Secretary Martin Andanar, ako naman po si Usec. Rocky Ignacio, at ito ang Public Briefing #LagingHandaPH.
At upang sumagot sa mga tanong ng bayan, maya-maya lamang ay makakasama natin sa program sina Dr. Eric Domingo, ang Director General ng Food and Drug Administration; Attorney Karina Perida-Trayvilla, Director DOLE Bureau of Workers with Special Concerns; at Department of Social Welfare and Development Undersecretary Rene Paje.
ALJO BENDIJO: Makakasama rin natin sa paghahatid ng mga balita ang mga PTV correspondents mula sa iba’t ibang probinsiya at ang Philippine Broadcasting Service.
Samantala, para naman sa inyong mga katanungan, maaari kayong mag-comment sa livestreaming ng ating programa sa PTV Facebook page.
Para sa mga balita: Sa patuloy na pakikipaglaban ng bansa sa COVID-19, patuloy din ang pagbibigay ng tulong ng tanggapan ni Senador Bong Go sa mga nangangailangang Pilipino lalo na sa mga naapektuhan ang kanilang hanapbuhay. Kamakailan lamang ay nasa 855 public market vendors sa Rodriguez, Rizal ang kanilang natulungan.
Nagpamigay ang Senador ng facemasks, face shields, pagkain, at ilang piling residente naman ang nabiyayaan ng bisikleta na maaari nilang magamit papuntang trabaho, habang ang ilang mga mag-aaral naman ay nabigyan ng tablet na siyang magagamit ng mga ito sa online class. Aniya, patuloy na magmalasakit at magbayanihan upang maiangat muli ang kabuhayan.
Nagpamahagi rin ng tulong pinansiyal, livelihood assistance at mga pagkain ang tanggapan ni Senador Bong Go katuwang ang iba pang mga ahensiya ng pamahalaan katulad ng DSWD at DTI sa jeepney operators at drivers sa Pasay City. Nagbigay din ng ilang mga bisikleta at tablet para sa mga piling benepisyaryo.
Sa ginanap na pamamahagi, nangako ang Senador, bilang tulay sa Executive branch, na ipaparating niya ang mga hinaing kaugnay sa pagpasada. Ngunit aniya sa ngayon ay balansehin muna ang kaligtasan ng mga tsuper at pasahero dahil sa sitwasyon dulot pa rin ng COVID-19.
Para sa iba pang mga balita: Sa naging pahayag ni Senador Christopher “Bong” Go sa ginanap na public hearing, sinabi ng Senador na mag-double time ang NBI sa ginagawang imbestigasyon kaugnay sa diumano’y korapsiyon sa Bureau of Immigration. Aniya, naghihintay ng resulta sa investigation si Pangulong Rodrigo Duterte sa umano’y “pastillas” scheme.
Hinikayat din ng Senador ang mga awtoridad na linisin ang kanilang sariling ahensiya o kagawaran upang makapagbigay nang mas mainam na serbisyo para sa mga Pilipino. Sa kabila nito ay naniniwala pa rin ang Senador na may natitira pa ring mabubuting empleyado sa Bureau of Immigration.
Samantala, suportado naman ng butihing Senador Christopher “Bong” Go ang proposed 2021 budget ng Department of Human Settlements and Urban Development. Aniya, malaking tulong ang budget na nakalaan para sa mga Pilipinong walang sariling tahanan.
Kaugnay diyan, nagpaalala ang Senador sa mga ahensiyang involved sa rehabilitation at construction ng Marawi City na huwag aniya sana itong matulad sa Yolanda housing project na naiwang hindi natapos. Malaki naman ang kumpiyansa ng Senador na hindi ito pababayaan ni DHSUD Secretary Eduardo del Rosario.
Samantala, matatandaang nag-file ang Senador ng Senate Bill # 203 o National Housing Development, Production and Financing Bill na naglalayong ma-institutionalize ang programa upang matugunan ang mga pabahay na kailangan para sa mga Pilipino sa pamamagitan ng pag-generate at pag-mobilize ng pondo at paghikayat sa partisipasyon ng mga pribado at pampublikong sektor.
[VTR]
USEC. IGNACIO: Marami po sa ating mga kababayan ang nanghihingi ng update ukol pa rin sa Social Amelioration Program ng ating pamahalaan at iba pa pong programa ng DSWD ang ating pag-uusapan kasama si Undersecretary Rene Glen Paje ng DSWD. Good morning po, Usec.
Usec., magandang umaga po. Naka-live na po tayo sa Public Briefing. Kumusta po ang pamamahagi ng second tranche ng SAP; at ilan po ang hindi pa po nakakatanggap? At kailan po ang target na matapos ang distribution nito, Usec?
USEC. PAJE: Magandang umaga sa inyong lahat at magandang umaga rin sa ating mga tagapakinig.
Ayon po sa pamamahagi natin sa digital at manual payout, nasa 83.5 billion pesos na po ang ating naipamigay sa mga beneficiaries. At kabuuan po nito, nasa 13.9 million na beneficiary families na ang ating nabigyan sa SAP II. Kasalukuyan po, 98% na ang accomplishment rate natin para sa ikalawang yugto ng SAP.
Ang mga natitirang benepisyo na lang po ay binubuo ng mga beneficiaries na sinasabi nating duplicates o ineligible. Ganoon din po ang beneficiaries na may mga quality issues o iyong mga may information na hindi tama. At mayroon din pong mangilan-ngilan na mga beneficiaries na nasa hard to reach o iyong mga geographically isolated areas.
Sinisikap din po ng ahensiya na matapos natin sa buwan kasalukuyan ang distribution na ito upang tayo naman po ay makapaghanda sa implementasyon o magiging mga programa sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act o iyong tinatawag natin na Bayanihan II.
USEC. IGNACIO: Opo. Usec., ano po ang mga nagiging dahilan kung bakit tumatagal po iyong distribution ng SAP; at paano ninyo po ito inaaksiyunan? Ito po ang palagiang nagiging tanong, Usec.
USEC. PAJE: Ilan po sa mga kadahilanan natin kung bakit nagkaroon ng pagkakaantala sa distribution ng SAP II ay iyong mga kakulangan sa impormasyon na ibinigay ng ilang mga benepisyaryo natin, katulad po iyong iba ay kulang ng middle name iyong kanilang pag-fill up sa forms; iyong iba naman ay walang ibinigay na active cellphone numbers. At mayroon din po tayong considerations sa mga constraints o mga movement restrictions na nararanasan natin dahil sa COVID countermeasures. At ganoon din po, panghuli, iyong ating mga nasa hard to reach areas.
May mga lokal na pamahalaan din po, noong kasalukuyang nagpoproseso tayo, ang hindi nakapagsumite kaagad ng kanilang mga listahan ng benepisyaryo.
Masasabi ko naman na patuloy ang ating pakikipag-ugnayan at pinaiigting lalo ang pakikipag-ugnayan sa ating mga financial service providers upang matugunan ang mga issue na ito at nang maproseso na natin kaagad iyong mga benefits ng ating mga mamamayan.
USEC. IGNACIO: Opo. Inanunsiyo po ng Malacañang iyong planong i-prioritize iyong 4Ps beneficiaries sa COVID-19 distribution. May mga ginagawa na po ba kayong mga hakbang bilang paghahanda ukol dito o mayroon na po bang naipatutupad para dito?
USEC. PAJE: Unang-una, nais nating banggitin na malugod na tinatanggap ng DSWD ang anunsiyong ito ng Malacañang. Malaking tulong po sa ating mga 4Ps beneficiaries ang balita na ito, sapagkat alam naman natin na sila po ay kabilang doon sa mga talagang nangangailangan sa ating lipunan.
At sa ngayon po ay nais lamang muna nating linawin na ang DSWD ay hindi pa po nakakatanggap ng panuntunan o iyong guidelines ukol dito. Kung kaya’t ang ahensiya ay nagsasagawa pa lamang po ng mga paghahanda o magsasagawa ng mga paghahanda saka-sakaling magkaroon na po tayo ng guidelines o pamantayan tungkol dito.
At ganoon din po, hinihintay rin natin iyong awtorisasyon ng kaukulang ahensiya upang magbigay ng clearance tungkol sa paggamit nito at kung paano ito gagamitin. Samantala po, nananawagan din tayo sa ating mga 4Ps beneficiaries na hintayin lamang po ang opisyal na anunsiyo hinggil at ito po ay palalabasin natin sa pamamagitan ng DSWD accounts sa social media.
USEC. IGNACIO: Usec., ngayong Buwan po ng mga Katutubo, paano ninyo po ito ipinagdiriwang? Ano po iyong mga programa na gagawin ng DSWD para sa kanila?
USEC. PAJE: Ang DSWD po ay nakikiisa sa ating mga kapatid na katutubo para sa matagumpay na pagdaraos ng Indigenous Peoples’ Month celebration sa taong ito. Ito po ay pinangungunahan ng National Commission on Indigenous People o iyong NCIP. Pinahahalagahan po ng DSWD ang kasarinlan ng ating mga katutubo na kababayan.
Ang ahensiya po ay pinipilit na paigtingin at palakasin ang kanilang kakayahan upang mabigyan sila ng mga intervention na hindi naman salungat sa kanilang kultura at pagkakakilanlan.
Nagpapatupad po tayo ng comprehensive program on street children, street families and indigenous people na naglalayong magbahagi ng holistic approach sa pagtugon sa mga pangangailangan at upang makatulong din sa pagiging mas produktibo ng mga katutubo natin.
Ipinatutupad po ng DSWD ang Modified Conditional Cash Transfer for Indigenous Peoples o iyong tinatawag natin na MCCT-IP. Partikular po na nagbibigay ng cash grants ito sa ating mga katutubo mula sa geographically isolated and disadvantaged area o iyong tinatawag natin na GIDA na hindi sakop ng regular na Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.
Nais ko ring ibahagi po sa ating mga tagasubaybay na ang NCIP po ay isang supervised agency ng DSWD at dahil po dito ay mabilis at madali ang koordinasyon ng dalawang ahensiya upang mas maging epektibo at maging episyente ang serbisyong ipinapahatid natin sa publiko lalo na sa ating mga katutubong kababayan.
USEC. IGNACIO: Para naman po dito sa mga 4Ps workers na naging biktima ng shooting incident sa Tawi-Tawi, ano po iyong tulong na naipaabot ng DSWD sa kanila?
USEC. PAJE: Sa ngayon po ay nabigyan na natin sila, napagkalooban natin sila ng tinatawag nating AICS o Assistance to Individuals in Crisis Situation. Dito po ay nagkaroon sila ng medical assistance at nabigyan po natin ng guarantee letter upang iyong kanilang expenses o iyong gastusin sa ospital ay sagot na po ng ahensiya.
Ang huling balita ko ay mukhang lalabas na rin po sa ospital ang isang naging biktima dito at maayos naman po ang kalagayan.
USEC. IGNACIO: Kumusta po iyong isinagawa ninyo namang assessment para po doon sa listahan ng Filipino poor families? Gaano karami na po iyong natapos ng DSWD at gaano po kalaki ang maitutulong ng listahan na ito sa mga programang isinasagawa ng DSWD lalo nga na nandito pa rin tayo sa gitna ng pandemya?
USEC. PAJE: Base po doon sa huling ulat, October 4, kung hindi ako nagkakamali ay nasa 14.4 million na po na mga tahanan o mga kabahayan ang nagawang ma-assess ng ating mga teams. Patuloy po ang ikatlong yugto ng ‘Listahanan’. Kabuuan po, nasa 97% na ang bilang ng mga na-encode sa database ng DSWD. Ang mga na-encode na datos na ito base sa mga assessment forms ay sumasailalim sa tinatawag nating proxy means test o iyong—upang mabuo iyong ‘Listahan’. Itong proxy means test o PMT na tinatawag natin ay isang statistical model na tumatantiya sa kinikita ng isang sambahayan base sa mga madaling makita, iyong mga kapansin-pansin na mapapatunayang katangian o iyong mga datos kagaya ng pagkakayari ng bahay – kung ito ba ay yari sa semento, yari sa kahoy o mga iba-iba pang kagamitan, ganoon din po kung mayroon siyang koneksiyon sa tubig o sa kuryente at iba pang mga pag-aari niya.
Pagkatapos po nito ay ipapaskil natin itong mga listahan na ito sa mga barangay hall o sa mga iba pang prominenteng lugar upang repasuhin o tingnan ng ating mga kababayan at maaari rin silang magmungkahi, magbigay ng suhestiyon o ng correction upang maiwasto kung anuman ang hindi tamang datos na nakalagay dito.
Ito po ay puwedeng mag-update din sila sa kanilang mga latest o iyong pinakahuling impormasyon katulad ng bagong address kung sila ay lumipat ng tahanan at maaari rin po nilang ihain ang kanilang mga hinaing o iyong ma correction o mga reklamo kung mayroon man, sa pamamagitan ng community desk online system base na rin po sa schedule na ilalabas ng mga field offices natin.
USEC. IGNACIO: Opo. Usec., kunin ko na lang po iyong inyong mensahe sa publiko at siyempre doon po sa mga umaasa pa rin po na mapagkakalooban ng ating SAP.
USEC. PAJE: Opo. Bilang panghuling mensahe po ay asahan po ng ating mga mamamayan na kami dito sa DSWD ay patuloy na naglilingkod sa ating mga kababayang lubos na nangangailangan, lalung-lalo na po sa panahon ng pandemya. Nagpapasalamat po ang DSWD ng malaki sa ating mga katuwang na ahensiya, mga pribadong sektor, at mga kawani na hindi alintana ang banta ng pandemya upang patuloy na magampanan ang kanilang mga tungkulin sa taumbayan.
Patuloy pong magsusumikap ang DSWD upang maipahatid ang maagap, mapagkalingang serbisyo sa mamamayang Filipino. At sa ngalan po ni Secretary Rolando Bautista, maraming salamat po at manatili sana tayong ligtas.
USEC. IGNACIO: Marami pong salamat, Usec. Rene Glen Paje ng DSWD.
BENDIJO: Samantala, matagal na po nating hinihintay na magkaroon ng COVID-19 vaccine pero kailangang masiguro muna ang kaligtasan ng mga mamamayan. At para alamin ang updates tungkol sa mga prosesong pinagdadaanan ng mga COVID-19 vaccines, makakausap natin si Doctor Eric Domingo, Director General ng FDA (Food and Drugs Administration).
Magandang umaga po, Doctor Eric.
DA DIR. GEN. DOMINGO: Hi! Magandang umaga Aljo, magandang umaga Usec. Rocky at sa inyo pong lahat!
BENDIJO: Opo. Doc, ilang vaccine developers na po ang nag-a-apply para makapag-conduct tayo ng clinical trials?
FDA DIR. GEN. DOMINGO: Well sa ngayon po ang lumapit na doon sa ating vaccine expert panel sa DOST ay tatlo – iyon pong sa Sinovac na galing China, mayroon po iyong Janssen at iyon din pong Sputnik V na galing po sa Russia. Pero ang nakalusot po sa pre-screening ng vaccine expert panel ay iyon pong Sinovac galing sa China na today ay nag-apply na rin po sa FDA ng clinical trial na permission to conduct a clinical trial here.
MR. BENDIJO: Opo. So Doc. Eric, bigyan-daan lang natin muna ang tanong ng ilan nating mga kasamahan sa media. Mula kay Red Mendoza ng The Manila Times, basahin ko ang kaniyang tanong Doc ‘no. Ang tanong niya: A group of e-cigarette advocates is planning to file a case against FDA for accepting foreign grants which ignored the viewpoints of stakeholders who would be affected on the rules and regulations on the use of e-cigarettes and heated tobacco products. What is the FDA’s reaction to this?
FDA DIR. GEN. DOMINGO: Ang FDA po talagang nakikipagtrabaho kami sa WHO at saka mga health-related din po na mga advocates. So totoo naman po na wala naman pong conflict of interest ito dahil ang kalusugan lang naman po talaga ang interes ng DOH at saka ng FDA at ng ating mga partners. At lahat naman po, nagkaroon po tayo nang malawakang mga consultation so lahat naman po ng stakeholders natin ay ating pinakinggan at iyong mga inputs naman po nila ay makikita naman po na iyong maaari at legal ay mari-reflect naman po sa ilalabas natin na guidelines.
MR. BENDIJO: Opo. Ikalawang katanungan po niya Doc. Eric: Dahil hindi nakasama ang Remdesivir sa WHO Solidarity Trial, ano pa ang mangyayari sa mga stocks na ibinigay for compassionate use? Ipatitigil na rin po ba ang paggamit nito sa kanila?
FDA DIR. GEN. DOMINGO: Well unang-una po, hindi pa po tinigil ng WHO. Nagkaroon sila ng interim report saying na hindi pa sila sigurado sa positive effect ng Remdesivir pero sumulat po sila at pinaklaro sa FDA na kasama pa rin po sa clinical trial ng solidarity trial ang Remdesivir dahil gusto pa rin talaga nilang makakuha nang maraming datos at matingnan ang effectivity nito. So ito po ay tuluy-tuloy pa rin naman pong maaring gamitin for compassionate use at aside po from the WHO Solidarity Trial, marami pa pong ibang international at saka lab trials na gumagamit po ng Remdesivir. So hindi naman po ito nakasalalay lamang po doon sa WHO Solidarity Trial.
MR. BENDIJO: Mula po kay Joseph Morong ng GMA News, Doc Eric. Ang tanong niya: Can we administer the Chinese vaccine Sinovac without FDA approval? In China, they are already administering it to population. Tanong po ni Joseph.
FDA DIR. GEN. DOMINGO: Well ang short answer po doon ay ‘no!’ Hindi po maaaring gamitin dito ang isang vaccine na hindi pa registered unless if it’s done during—within an approved clinical trial. Pero to the population, hindi pa.
Kung sakali naman pong nakakuha na sila ng license sa China para gamitin ito doon, dito ay maari lang gamitin kung kukuha rin po sila ng license mula sa FDA dito.
MR. BENDIJO: Follow up pa rin Doc mula kay Joseph Morong. Ang tanong niya: Any updates on the applications for clinical trials?
FDA DIR. GEN. DOMINGO: So katulad po ng sinabi ko, ang nakapasa na po sa pre-screening ng vaccine expert panel ay iyong Sinovac na nag-apply na rin po today sa FDA so that is undergoing regulatory evaluation. Ganoon din po iyong ethics board evaluation niya, tuluy-tuloy po iyon.
Mayroon pang dalawang inaaral po ang vaccine expert panel, iyong Janssen saka iyong Sputnik V ng Gamaleya at siyempre po iyong WHO Solidarity Trial for vaccines.
MR. BENDIJO: Opo. Mula pa rin kay Joseph Morong, Doc ‘no: Hingi lang po ng details noong first two trials nila in terms of effectivity, side effects noted in the past trials. How many Filipinos will they need for trials here and we have decided on areas?
FDA DIR. GEN. DOMINGO: Iyon pong phase 1 and phase 2 na kaniyang mga resulta na tiningnan ng vaccine expert panel ay nakita naman po na very mild lamang iyong mga side effects ano, nothing serious kaya rin naman po ito nakapasa sa kanila.
Hindi ko pa po alam kung ilang libong pasyente po ‘no, it’s a few thousand patients that will be included and iyong site po, depende pa rin po iyan doon sa sub-technical working group for vaccine development kasi nga po sila ang mag-a-assign kapag na-approve na iyong ating mga study kung saan po maaaring gamitin ito.
MR. BENDIJO: Opo. Doc, ito pong Chinese vaccine for COVID-19 ay nakapasa sa evaluation na isinagawa ng DOST para mag-conduct ng clinical trials dito sa Pilipinas. Ano ba ang pinagdaanan nito bago makapasa sa tinatawag na evaluation?
FDA DIR. GEN. DOMINGO: So pinakita po nila iyong kanilang datos tungkol sa phase 1 and phase 2 clinical trial nila to show the safety profile and the effect of the vaccine at pinakita rin po nila iyong design noong kanilang study na gagawin at ito po iyong dinaanan na unang repaso ng vaccine expert panel na in-endorse naman po nila positively to the FDA.
MR. BENDIJO: Ano po iyong mga susunod na steps o hakbang para makapagpatuloy sa clinical trials ang vaccine na ito at ano iyong mga requirements na kailangan para makumpleto po bago makapagsimula ang clinical trials?
FDA DIR. GEN. DOMINGO: So mayroon pa po tayong mga datos na hinihingi sa kanila, mga impormasyon tungkol sa produkto, iyon pong kaniyang labeling halimbawa at of course dahil gawa po siya sa ibang bansa, may mga ibang translation kami na hinihingi sa certificates. So dadaan po ito ngayon sa regulatory review at saka technical review dito po sa FDA at saka sa mga grupo din po ng ating eksperto. Titingnan iyong design po noong study at iyon pong bakuna, kung produkto is kung wala po tayong problema at nandiyan din po iyong research ethics board na review to make sure na of course protektado po ‘no ang safety ng mga magiging clinical trial participants at lahat po ng sasali dito. Kapag na-complete na po lahat ng requirements na iyon at nabigyan na sila ng approval, then maaari na pong mag-umpisa.
MR. BENDIJO: Gaano po katagal naman ang aabutin para makakuha ng clearance mula sa FDA ang mga bakunang ito? Mayroon ba tayong mga target dates, Doc?
FDA DIR. GEN. DOMINGO: Basta po makumpleto nila lahat ng dokumento na hinihingi sa kanila, ang target po natin ay mga 2 to 3 weeks matatapos po ang ating review para mabigyan po sila ng kanilang permit at saka ng approval po ng clinical trial. Pero iyon nga po, makukumpleto po natin iyon kapag kumpleto na po lahat ng submission na niri-require natin.
MR. BENDIJO: Opo. Nagsasagawa ang Department of Health ng panuntunan para po sa pamamahagi ng bakuna bilang paghahanda sa pagdating ng mga naaprubahang mga bakuna. Kamusta po ito Doc at ano iyong mga guidelines na siguradong lalamanin nito?
FDA DIR. GEN. DOMINGO: Sila po ngayon, ginagawa pa po ito sa DOH ‘no so work in progress pa lamang po ito. Ang nakalagay po doon of course lilistahin po nila ang priority kung sino ang unang mababakunahan kung sakaling mayroon tayong 3% ng bakuna o kung mabigyan tayo ng 20% ng bakuna, kung sino po iyong mababakunahan. Hinahanda rin po ang paraan kung paano ito ipo-procure, kung paano siya bibilhin at iyon pong ating supply chain, iyong cold chain hinahanda rin po kasi depende sa bakuna natin na mabibili, malalaman po natin kung anong mga freezer ang kailangan natin, kung anong mga sasakyan at iyon pong distribution list ng mga ito. So ito po ngayon ay pinaghahandaan na po ng Department of Health.
MR. BENDIJO :Iyong paggamit po ng rapid test kits Doc, aprubado pa rin ba ng FDA? Ano po iyong advice ninyo para sa tamang paggamit po nito para maiwasan ang mga tinatawag na false-negative cases?
FDA DIR. GEN. DOMINGO: Iyon pong mga antigen test kits na rapid test, ang talaga pong advice ng WHO, gagamitin siya sa mga lugar na halimbawa ay talaga pong walang RT-PCR na available dahil gold standard pa rin iyong RT-PCR at saka doon sa mga sitwasyon kung saan iyong mabilis na turnaround time ay importante ‘no kasi po ito mga 15 minutes may resulta na.
Pinakamainam pa rin po siyang gamitin sa mga pasyente na may history of exposure at saka mayroong mga sintomas para po malaman kung ang sakit na ito ay COVID-19 or hindi. Doon po sa mga walang sakit at saka mga walang symptoms ay mas maliit po ang kaniyang ano, mas mababa po nang konti ang kaniyang accuracy kaya hindi po siguro magandang gamitin ‘no sa mga wala naman pong history at wala naman pong nararamdaman.
MR. BENDIJO: Ang paggamit po ng UV light products Doc para mag-disinfect ay hindi po inirirekomenda ng FDA, tama ho ba? May iba ba tayong magagawa para masiguro na hindi na ito magagamit in a harmful way ng iba’t ibang mga establisyimento?
FDA DIR. GEN. DOMINGO: Well, mas preferred pa rin po iyong paglilinis ng mga surfaces regularly, using katulad po ng mga alcohol or soap and water. Iyon po kasing ultraviolet hindi po siya maaaring gamitin habang may mga tao, dahil iyon po mismong ultra violate rays can cause damage and injury sa atin pong mga customer, iyong balat nila, iyong mata nila maaari pong ma-injure iyan. Ang mga ultra violet po ginagamit po iyan sa ospital at ginagamit po iyan kapag walang tao. Halimbawa po ang operating room, pagkatapos linisin, palalabasin lahat ng tao diyan, tapos iu-ultra violet po siya ng ilang oras ng walang nai-expose na tao. So, hindi po siya maaaring gamitin sa isang lugar na matao, dahil maaari pong mag-cause ng injury.
BENDIJO: Opo, mensahe na po Doc., sa ating mga nakikinig at nanunuod sa mga oras na ito?
FDA DIR. GEN. DOMINGO: Well, gusto lang po naming ipaalala, ang FDA po nandito nakaabang at talaga naman pong lahat ng proseso ay mamadaliin natin nang hindi po makukumpromiso ang safety ng ating mga kababayan. Tutulong po tayong lahat para mahanap po talaga ang bakuna na ating hinihintay at maging available po ito sa lalong madaling panahon.
BENDIJO: Maraming salamat. Dr. Eric Domingo, Director General ng FDA.
USEC. IGNACIO: Marami po sa mga manggagawa ang lubusang naapektuhan ng economic crisis dahil sa COVID-19. Bilang pagtugon ay maraming inihanda ang DOLE para sa recovery ng sector na ito. Para alamin kung ano nga ba ang mga programang ito, makakausap po natin muli si Atty. Karina Perida-Trayvilla, ang Director ng DOLE – Bureau of Workers with Special Concerns. Good morning po.
DOLE DIR. TRAYVILLA: Good morning po, Usec. Rocky and kay Sir Aljo Bendijo at sa lahat po ng nanunuod ng #LagingHandaPH.
USEC. IGNACIO: Dahil po sa kakulangan ng pampubilkong transportasyon ay marami sa ating mga manggagawa ngayon ang gumagamit ng bisikleta para makapasok sa kani-kanilang tanggapan o mga lugar ng paggawa. Ayon po sa inyong pag-aaral, ilan pong manggagawa ang nanaisin pa ring gumamit ng bisikleta kahit magbalik sa operasyon ang ating pampublikong transportasyon.
DOLE DIR. TRAYVILLA: Yes po, Usec. Rocky nang magpatupad po ng community quarantine ang pamahalaan bilang tugon sa pandemya, nagsagawa po ng pag-aaral ang aming institute for labor studies. Isa po itong perception survey hinggil po sa paggamit ng bisikleta bilang alternative mode of transportation lalung-lalo na po sa mga manggagawang Pilipino. Ang survey po ng ILS ay isinagawa noong July 29 hanggang August 2. May kabuuan pong 1,119 respondents na majority po ay galing sa National Capital Region at sumunod po ang Region VI at Region IV-A.
So, isa po sa mga katanungan doon ay kung ikinukonsidera ba nila ang paggamit ng bisikleta sa pagpunta o pagpasok sa trabaho kahit may available na transportation. And lumalabas po doon sa pag-aaral ng ILS na majority or 78% po nitong 1,119 respondents or 876 respondents all in all po ang sumagot na sinasabi po nila na kinukonsidera pa rin nila ang paggamit ng bisikleta sa pagpasok o pagpunta sa trabaho.
USEC. IGNACIO: Mula po sa datos na inyong nabanggit, mayroon na po ba tayong ginagawang hakbang para tulungan po ang ating mga manggagawa hinggil sa problemang kinakaharap nila sa transportasyon?
DOLE DIR. TRAYVILLA: Yes po, Usec. Rocky, noon pa man po, nailabas na ng DTI at ng DOLE ang joint memorandum circular number 2020-4A. Ito po iyong guidelines on workplace prevention and control of COVID-19. So ang mga malalaking kumpanya po o medium or large establishments na may mga assets po beyond 15 million ay ini-enjoin po na mag-provide ng shuttle services sa kanilang empleyado. So Mga kumpanya po tulad ng matatagpuan sa loob ng Special Economic Zones at sa ilalim ng jurisdiction ng investment promotion agencies ay kailangang magbigay po maglaan ng shuttle service para sa kanilang mga empleyado. At kung hindi naman po nila ito kakayanin ay maaari po silang magkaroon ng alternative arrangements tulad ng cost sharing, partial vouchers para sa paggamit ng transport network vehicle service or kung anuman po ang napagkasunduang arrangement para matugunan ang transportation ng mga empleyado.
Ang mga employers ay puwede din pong kumontrata ng mga Public Utility Vehicles para ma-subsidize ang public transportation. At dahil nagkaroon nga po ng bicycle boom bunsod ng COVID-19, naisip din po ni Secretary Bello na bigyan iyong ating displaced workers particularly po iyong nasa informal na sector. Iyong mga naapektuhan o nawalan ng kabuhayan dahil sa pandemya, magbibigay po ng bisikleta. But this time po, ito po ay pangnegosyo, kasi we understand po, the good Senator, Senator Bong Go has been providing bicycles na ginagamit po for transportation. And so, para hindi po tayo mag-duplicate, kami naman po ay magbibigay ng bisikleta, tinatawag po namin ito na free bisikleta project dahil nga po, marami sa atin ang nagpa-patronize po ng online, nagri-rely po sa food and non-food item delivery. So dito po na-conceptualize po iyong tinatawag na free bisikleta project ng Department of Labor and Employment.
USEC. IGNACIO: Maaari po ba ninyo idetalye kung sinu-sino at anu-ano po iyong mga kaparaanan na maaaring gawin ng mga nais mag-apply sa free bisikleta project na ito ng DOLE?
DOLE DIR. TRAYVILLA: Ang free bisikleta po, Usec, puwede po ito sa ating mga manggagawang nawalan ng trabaho o na-displace at iyon pong mga ating mga nasa informal sector na self-employed na naapektuhan na ang kanilang livelihood. Ang gagawin po nila ay pupunta po sa aming nearest DOLE field office or ang public employment service office (PESO) para po sa profiling na gagawin. At kapag sila po ay nag-qualify, bibigyan po sila ng social preparation training. Ito po ay mga training ukol doon sa, since may bisikleta po ito, una po ang MMDA nagbigay po ng training patungkol po sa traffic regulation. On the business side naman po, tumulong po ang regional tripartite wages and productivity board para naman po sa productivity and iyong mga financial literacy. At sa occupational safety and health naman po, tumulong ang office of the safety and health center po na attached agency po ng Department of Labor and Employment. At in-enroll din po natin ang ating mga beneficiaries sa group personal accident insurance in partnership with the GSIS. And the good thing po, is that we have private sector partnership with Grab and LalaFood, LalaMove.
And sa Monday po. Magsasagawa po ng awarding, simula Monday hanggang Wednesday. Sa Monday, ito po ay simultaneous broadcast sa DOLE main building po and then kasama po nating mag-simultaneous launching ang local governments po ng Mandaluyong, Muntinlupa, Pasig at ang Manila po. At hindi lang po diyan, kasama din po natin iyong DOLE Regional offices ll, lll, 4-A and V. So, a total of 900 free bikes po ang ipamimigay po ng Department of Labor and Employment as initial implementation of this project. And then po, perhaps by next month and December, magsasagawa din po ng pamimigay ng bisikleta sa bahagi naman po ng Cebu at ng iba pa po naming regional office.
And since po maramihan po iyong bike na ipamimigay sa Lunes, mayroon pong 372 beneficiaries na bibigyan ng bike, we take into account po iyong social distancing, that is why we do a simultaneous broadcast. Pero dito po sa Intramuros, sa DOLE building, isasagawa po, may 256 pong ipamimigay na bisikleta at ang gagawin po natin, dahil para hindi po tayo mapagalitan ng IATF on mass gatherings, ang gagawin po ng ating mga beneficiaries ay parang pass and review ng kanilang mga bikes. By batches po na mayroong sampung beneficiaries. So, simula na po iyan October 26 hanggang October 28.
USEC. IGNACIO: Attorney, para po sa mga may katanungan o nais humingi ng assistance hinggil po sa bagong programa na ito, saan po, paano sila maku-contact ang DOLE o ang inyong tanggapan sa Bureau of Workers with Special Concerns.
DOLE DIR. TRAYVILLA: Opo, puwede po kaming tawagan sa aming hotline sa 1349, the DOLE hotline or ang Bureau of Workers with Special Concerns sa 84043336. Ito nga po palang previous project na ito ay marami pong mga partners dito, katulong din po natin ang Intramuros Administration sa pag mount ng ating activity this Monday. Sa kanila po galing ang suhestiyon na gawing by batches po ang pag a-award, so that we take into an account the social distancing protocols.
And idagdag ko rin lang po, USec. Rocky, na ito pong bikes hindi lang po ito bikes mayroon po itong insulation bag, mayroon din po kaming helmet na ibibigay, tapos mayroon din pong reflectorized vest and bicycle rack at hindi lang po iyan, dinagdagan po namin ng cellphone at e-loading wallet.
USEC. IGNACIO: Ang ganda naman niyan Attorney. So, kunin ko na lang po iyong inyong mensahe para sa ating mga manggagawang Pilipino.
DOLE DIR. TRAYVILLA: Thank you, USec. Rocky. Ipinapaabot po ng aming mahal na Kalihim na si Secretary Silvestre Bebot Bello III po na ang DOLE, ang mga kawani po Department of Labor and Employment ay hindi po tumitigil ng pag-iisip ng mga pamamaraan kung paano po natin maiibsan ang sitwasyon ng mga manggagawa na naapektuhan sa COVID-19.
Kami po ay inyong matatawagan, uulitin ko po sa hotline na 1349, para po sa mga impormasyon tungkol sa aming mga programa na ilalaan ngayon pong succeeding months at iyong atin pong Bayanihan 2 funds din po nayu-utilize para sa mga programang CAMP, TUPAD and AKAP for OFWs.
USEC. IGNACIO: Okay, maraming salamat po sa inyo Atty. Karina Perida-Trayvilla, ang Director ng DOLE Bureau of Workers with Special Concerns. Stay safe po, Attorney.
DOLE DIR. TRAYVILLA: Thank you so much po, USec. Rocky. Stay safe po.
BENDIJO: Samantala, upang bigyang daan ang Hatid Tulong Program na layong mapauwi ang mga na-stranded sa Maynila dahil sa umiiral na community quarantine ay pansamantala munang sinuspinde ang Balik Probinsya Bagong Pag-asa Program. Para sa iba pang mga detalye, panuorin natin ito.
[VTR]
BENDIJO: Sa puntong ito, dumako tayo sa pinakahuling mga balita mula sa iba’t ibang lalawigan sa bansa makakasama natin si Czarina Lusuegro mula sa Philippine Broadcasting Service. Czarina?
(NEWS REPORTING)
BENDIJO: Maraming salamat Czarina Lusuegro mula sa Philippine Broadcasting Service.
USEC. IGNACIO: Puntahan naman natin si Alah Sungduan mula sa PTV Cordillera.
(NEWS REPORTING)
USEC. IGNACIO: Maraming salamat sa iyo Alah Sungduan.
Samantala, dumako naman tayo sa update kaugnay sa COVID-19 cases sa buong bansa. Base po sa tala ng Department of Health, as of October 21, 2020, umabot na sa 362,243 ang total number of confirmed cases. Naitala ang 1,509 new COVID-19 cases; naitala rin kahapon ang 16 na katao na nasawi kaya umabot na sa 6,747 cases ang kabuuang bilang ng COVID-19 deaths sa ating bansa. Ngunit patuloy naman ang pagdami ng mga nakaka-recover na umakyat na 311,506 with 911 new recoveries recorded as of yesterday. Ang kabuuang total ng ating active cases ay 43,990.
BENDIJO: Para po sa inyong mga katanungan at concerns tungkol sa COVID-19, maari pong i-dial ninyo ang mga numerong 02-894-COVID o kaya ay 02-89426843. Para po sa mga PLDT, Smart, Sun at TNT subscribers, i-dial ang number 1555. Patuloy rin kayong makibalita sa mga pinagkakatiwalang sources ng impormasyon tungkol sa COVID-19, maari ninyong bisitahin ang covid19.gov.ph.
USEC. IGNACIO: Mula naman po sa PTV Davao may ulat ang aming kasamang si Jay Lagang, Jay?
(NEWS REPORTING)
USEC. IGNACIO: Maraming salamat sa iyo, Jay Lagang. At iyan nga po ang aming balitang nakalap ngayong araw.
Maraming salamat po sa mga naglaan ng kani-kanilang oras sa pagbibigay linaw sa mga impormasyon na mahalagang malaman ng ating mga kababayan.
BENDIJO: Ang public briefing ay hatid sa inyo ng iba’t ibang sangay ng ng Presidential Communications Operations Office sa pakikipagtulungan ng Department of Health at kaisa ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP).
USEC. IGNACIO: Asahan ninyo ang aming patuloy na pagbibigay impormasyon kaugnay sa mga updates sa ating paglaban sa COVID-19 pandemic. Maraming salamat din sa Filipino Sign Language Access Team for COVID-19.
BENDIJO: Samantala 64 days na lang, Pasko na. Bagama’t patuloy pa rin ang pagharap natin sa krisis na dulot po ng COVID-19 tuloy lang po ang ating pagtutulungan at pagmamahal sa kapwa, dahil iyan naman po ang tunay na diwa ng Pasko. Muli ako po si Aljo Bendijo. Thank you, USec. Rocky.
USEC. IGNACIO: Salamat sa iyo, Aljo. At mula po sa PCOO, sa ngalan ni Secretary Martin Andanar, ako po si USec. Rocky Ignacio. Magkita-kita po tayo muli bukas dito lang sa Public Briefing #LagingHandaPH.
###
SOURCE: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)