Interview

Interview with Presidential Spokesperson Harry Roque by Mike Enriquez – Saksi sa Dobol B/DZBB


SEC. ROQUE: Magandang umaga, Pilipinas.

ENRIQUEZ: Secretary, ano bang ibig ninyong sabihin noong sinabi ninyong si Presidente Duterte ay sasailalim sa tinatawag na “perpetual isolation”? Ano ba iyong perpetual isolation?

SEC. ROQUE: Figure of speech, at salamat po sa pagkakataon.

ENRIQUEZ: Ganoon ba, figure of speech lang.

SEC. ROQUE: Ang sabi ko lang po talaga—oo, kasi ang konteksto po noon ay paano si Presidente noong nag-test positive nga itong si Secretary Año ‘no. So ang concern siyempre is mag-a-isolation ba siya. Kaya ang sabi ko, alam ninyo, perpetual isolation si Presidente kasi walang puwedeng makalapit sa kaniya. Normally, one-meter distancing ‘no pero ang napapansin ko ay iyong cord – mayroon kasing velvet cord doon kapag kami ay nagmi-meeting sa kaniya – eh ano iyan, more or less, around six feet.

So ako nga, tagapagsalita, nawala na iyong pagkakataon ko na magkaroon ng private conversation sa kaniya in person. So kung mayroon akong tatanungin, tawag na lang. so iyon po iyong konteksto noon na talagang kahit anong mangyari, iyong PSG po ay napakagaling pagkaingatan iyong kalusugan ni Presidente kasi nga walang nakakalapit bagaman at umiikot pa rin ang Presidente ‘no. So ganoon po talaga ang rule ng PSG.

Noong SONA po, kung napansin ninyo, matapos siyang magtalumpati, gusto sana niyang umikot pero pinagbawalan din po siya ng PSG nga, dahil delikado iyong face-to-face contact kay Presidente. Iyon lang po ang ibig sabihin ko bagaman at na-realize ko na parang iyong mga tao ay nataranta.

ENRIQUEZ: Oo nga eh kasi ginamit ninyo iyong salitang “perpetual”. Ang ibig sabihin po noon ay panghabang panahon, magpakailanman.

SEC. ROQUE: Hindi. Pero tingin ko po, talagang ito po iyong figure of speech to say na hindi talaga puwedeng lumapit kay Presidente because of social distancing na mas matindi pa sa one-meter na pinatutupad po ng PSG. Iyon lang po iyon, at maraming salamat po.

ENRIQUEZ: Wala munang biyahe-biyahe, wala munang bisi-bisita sa iba’t ibang mga lugar. Sa mga kampo ng militar, halimbawa, sa iba-ibang mga lungsod?

SEC. ROQUE: Well, minsan po nagpipilit si Presidente. Pero ang nangyari nga po maski siya ay magbiyahe, walang puwedeng lumapit. So talagang at a distance lang kayo makikipag-usap kung makikipag-usap sa kaniya. At kung lalapitan nga ang Presidente ay iyong PSG na mismo ang magpapalayo sa iyo ‘no. So ganoon naman po ang pag-iingat nila.

ENRIQUEZ: So mananatili siya sa Davao? Matatagalan pa siya sa Davao?

SEC. ROQUE: Hindi po, hindi po. Pabalik po siya itong linggong ito.

ENRIQUEZ: Ganoon, opo. Sige, so wala munang biyahe-biyahe papuntang Singapore? [Laughs]

SEC. ROQUE: Hindi po siya nagbiyahe sa Singapore. Nilinaw po niya iyan. Alam ninyo po sa panahon ngayon ay napakadaming fake news po. Ang pinapakita nila ay isang eroplano na iyon naman pala ay medical jet.

ENRIQUEZ: Oo, ang tawag nila ay flight tracking, may mga patay.

SEC. ROQUE: Oo, pero iyong eroplano pong iyon ay hindi ko nakita ‘no sa daming beses ko nakasama si Presidente.

ENRIQUEZ: Hindi ninyo ba natanggap iyon, may litrato pa iyon.

SEC. ROQUE: Nakita ko po iyon. Nakita ko iyong larawan. Pero kaya nga sinasabi ko, hindi ako pamilyar sa eroplanong iyan kasi hindi naman iyan ang eroplanong ginagamit ni Presidente. Pero noong unang fake news diyan, iyong Presidential Plane daw. Eh sabi ko imposible kasi iyong presidential plane ay hindi na lumilipad. Mayroong ibang ginagamit si Presidente, at hindi iyan iyong eroplanong ginagamit ni Presidente. May kulay iyong eroplano ni Presidente, puti na may kulay; so ito ay all white.

Ewan ko ba kahit anong deny ko, ayaw naman maniwala ng mga nagpapakalat na wala namang kinalaman iyong eroplano na iyon kay Presidente. Mabuti na lang kahapon ay nag-address na nga po siya sa taumbayan, at malinaw na ngayon na wala pong karamdaman ang ating Presidente – in fighting spirit pa rin. Nakita ninyo naman iyong mga maaanghang na salita niya doon sa paborito niyang mga kalaban na mga drug lords. So habang ganiyan po ang asta ni Presidente, wala pong sakit ang Presidente; he remains he is healthy.

ENRIQUEZ: Opo. Secretary, wala bang balak ang Malacañang o si Presidente o iyong mga tao niya, kasama na po kayo, na humingi ng tulong ng NBI at saka ng PNP—kasi kapag hindi po natigil ito baka maya’t maya ay pinapatay nito si Presidente o maya’t maya ay—

SEC. ROQUE: Oo nga po h.

ENRIQUEZ:  Lalo pa ngayon na may pandemya, baka … buti kung si Presidente lang, eh baka kung anu-anong mga balitang ikalat ng mga iyan tungkol sa COVID. At may mga naniniwala eh, Secretary. Wala ba kayong balak hingin ang tulong ng NBI o ng PNP na mahanap itong mga nasa likod nitong mga ganito, Secretary?

SEC. ROQUE: Kinakailangan ko pong konsultahin si Presidente. Kasi bagama’t madaming pumupula sa kaniya na siya daw po ay niri-restrain iyong mga karapatan ng malayang pananalita, ang totoo po kay Presidente napakataas ng tolerance niya. Wala siyang pakialam kung anong sinasabi ng mga tao niya, ang kaniyang depensa, hindi ko babasahin iyang mga maling sinasabi tungkol sa akin. At ganiyan po ang paniniwala niya sa mula’t mula, sa tagal niya sa pulitika na ‘Hayaan mo lang  sila na magsalita na magsalita kung gusto nila dahil lalabas at lalabas naman ang katotohanan ‘no.’

So itong mga fake news po kahapon na mayroong nangyari sa kaniya, noong naitanong ko sa kaniya, ang sabi niya, “Eh ano, lalabas naman ako mamaya. Eh di wala nang isyu lahat iyan, mawawala lahat iyan.” So napakataas po ng tolerance niya for free speech, pero ganoon pa man ay ikukonsulta ko po sa kaniya dahil ako mismo, ganoon din po ako ‘no, naninindigan po ako sa malayang pananalita. Pero ako rin po ay nabiktima noong kailan lang, mayroong quote na nilarawan ko na balewala daw iyong mga namamatay at maraming naniniwala na sinabi ko iyon ‘no. So parang ako naman, dahil ako iyong apektado, sumunod ako sa NBI kung pupuwedeng hanapon kung sino iyong nag-post na iyon. At mabuti na lang po, in-attribute siya sa isang peryodiko, iyong peryodiko na ang nagkalat na fake news iyon.

Pero tama po kayo, sa panahon ng pandemya, napakasensitibo ng mga tao; talagang natataranta ang mga tao sa kahit anong nakikita nila sa balita. Ako naman po, mag-ingat na po tayo dahil ganiyan na po talaga ang anyo ng internet as a superhighway of information.

Marami po talaga diyan ay maling balita, fake news, kaya kinakailangang tingnan ninyo iyong mga official sources of news. So sa aking tanggapan po, iyong Office of the Presidential Spokesperson at saka PCOO. Pupunta po kayo sa official site. Pati iyong mga peryodiko, huwag kayong maniniwala lahat dahil iyong quote nga—

ENRIQUEZ: Ano ‘ika ninyo? Pakiulit nga iyong statement ninyo?

SEC. ROQUE: Iyong mga allegedly na pinalalabas po ng peryodiko kagaya noong nangyari na quote sa akin na allegedly nanggaling sa isang peryodiko, huwag kayong maniniwala kung social media card lamang, kinakailangang puntahan ninyo iyong internet version ng peryodiko mismo para malaman kung talagang nanggaling sa kanila.

ENRIQUEZ: Iyong tinatawag na online version na mga peryodiko.

SEC. ROQUE:  Online version, for instance po huwag kayong maniwala sa diumano na social card na nanggaling daw sa inyo, sa GMA lalung-lalo na kung parang baluktot iyong sinasabi ng tao kunwari. Kinakailangan puntahan nila iyong official webpage ng GMA News nang malaman nila kung totoo nga iyong reporting na iyon.

ENRIQUEZ: GMA News online.

SEC. ROQUE:  Oo, mag-ingat kayo lalung-lalo na sa mga social cards na nakikita natin sa internet, dahil napakadali pong gumawa ng mga social card, i-verify doon sa official online page, pati po ng mga peryodiko at mga online news sources.

ENRIQUEZ:  Ganito po, Secretary, minsan may mga tao na inosente, kagandahang loob, oho magtatanong sa kaibigan o kaya kung may kaibigan sa media, tulad kami dito sa GMA, kayo tatanungin ‘Totoo bang si Duterte nagpunta sa Singapore para magpagamot?’ Wala silang balak na manggulo o magsinungaling, gusto lang talaga malaman kung totoo o hindi. Iyong mismong pagtanong nila, isa po iyon sa mga nakakatulong kumalat pa lalo iyong fake news, ‘Uy, tumawag sa akin si Freddie, tinatanong kung totoo daw nagpunta si Duterte sa Singapore.’ Papaano ba iyan, Secretary, naloko na.

SEC. ROQUE:  Kung ako po iyan, dahil naman kalusugan ng Presidente ang pinag-uusapan, titingnan ko po iyong web page ng Office of the Presidential Spokesperson o kaya ng PCOO. Kasi kung hindi naman nakalagay doon na nagkasakit si Presidente, chances are tsismis iyan ‘no. Kasi kung mayroon talagang malaking banta sa buhay ng Presidente, obligasyon ko po bilang Tagapagsalita na ibigay ang impormasyon na iyan sa taumbayan lalung-lalo na ang sabi ng Saligang Batas, kung mayroong malubhang sakit ang Presidente kinakailangang ipagbigay-alam sa publiko.

So kung mayroon pong malubhang sakit, bilang abogado at pareho naman kaming abogado ni Presidente, asahan po ninyo lalabas iyan sa webpage ng Office of the Presidential Spokesperson. Pero iyong mga naririnig lang ninyo ay talagang chances are fake news po iyan. Pumunta na kayo sa official webpage namin o kaya naman sa official online webpage din ng mga peryodiko at mga media outlet.

ENRIQUEZ:  Abogado kayo. Alam po ninyo ito Section 12 ng Constitution, nakalagay dito sa wikang ingles, obligado kayo, obligado ang gobyerno na ipaalam sa publiko ang kalagayan ng kalusugan ng Pangulo.

Babasahin ko po iyong mga kataga, maikli lamang po ito: “In case of serious illness of the President, the public shall be informed of the state of his health,” Secretary?

SEC. ROQUE:  Iyan nga po ang sinasabi ko, kaya nga po pagdating sa kalusugan ng Presidente, kung malubhang karamdaman iyan, serious illness, asahan po ninyo iaanunsyo ko iyan. Kaya kung may tsismis tungkol sa kalusugan ni Presidente, puntahan po ninyo iyong webpage ko at kung wala naman akong sinasabi doon, wala pong katotohanan na mayroong malubhang karamdaman ang Presidente.

ENRIQUEZ:  Opo, isang tanong na lang po. Isa pa sa nakadagdag diyan, may mga nag-post, eh mukhang mangiyak-ngiyak o napaiyak daw si Foreign Affairs Secretary Locsin—

SEC. ROQUE:  Opo.

ENRIQUEZ:  Kaya ang interpretasyon doon ng ilan, napaiyak si Locsin kasi hindi maganda ang lagay ni Presidente. Alam ninyo iyan, Secretary, ano?

SEC. ROQUE:  Opo, sana natuto na tayo ng leksyon ng lahat, na huwag po tayong nagri-react kaagad dahil iyong napaiyak naman si Secretary Locsin, iba po ang dahilan. Ang dahilan pala ay may nakita siyang parang manika na bitbit ng isang OFW pero napansin ni Secretary Locsin humihinga iyong mukhang manika at noong tinanong niya kung ano ang diperensiya doon, eh nalaman niya iyong bata pala ay buhay pero walang buto. So talagang nakakaawa iyong itsura niya na napaiyak si Secretary Locsin, at ang sabi nga niya doon niya talagang na-realize na kakaiba ang administrasyon ni Presidente dahil ito ang kauna-unahang Presidente na talagang binigyan ng prayoridad iyong buhay ng mga OFW gaya noong may dala-dala ng bata na walang buto po.

ENRIQUEZ:  Iyong pagiging mangiyak-ngiyak ni Secretary Locsin, walang kinalaman iyon sa kalagayan ni Presidente, iyon ba ang sinasabi ninyo?

SEC. ROQUE:  Wala po talagang kinalaman iyon. Pero ako mismo, tumawag ako kaagad kay Secretary Locsin, sabi ko, ‘Uy, bakit kayo umiiyak?’ Kinuwento nga niya, ewan ko kung nakakita ka ng kundisyon na isang buhay na bata na walang buto na parang manika na nakasabit sa shoulder ng magulang. Pero napansin ko, akala ko manika, pero humihingi kaya pinuntahan niya at noong nalaman nga niya kung ano iyong kundisyon ng bata, doon lang po siya napaiyak talaga dahil hindi niya akalaing may mga ganiyan.

ENRIQUEZ:  Nangyayari ngayon sa atin dito sa fake news, naalala ko noong panahon ng mga Easy Call, iyong mga beeper-beeper.

SEC. ROQUE:  Opo, mga beeper po.

ENRIQUEZ:  Natatandaan ko noon, tatlong beses pinatay iyong Papa eh, pero buhay pa.

SEC. ROQUE:  Oo nga po eh.

ENRIQUEZ:  Isang tanong na lang ito, pahabol. Paborito ninyo ito, kayo personal itong PhilHealth. Hindi ba kayo maglalabas daw ng kuwan … o nagpalabas na kayo ng pahayag tungkol dito sa PhilHealth. Katulad ng Red Cross, ayaw nang tumanggap sa PhilHealth kasi ang laki ng utang ng PhilHealthm hindi nababayaran; samantalang may mga ospital nag-advance pa iyong PhilHealth. Secretary, kailan kami makakakita ng makukulong dito sa nangyayaring ito sa PhilHealth?

SEC. ROQUE:  Thirty-days lang naman po ang binigay ni Presidente, umaandar ang mga araw po at ang intindi ko naman po araw-araw na dumidinig ng testimoniya ang task force ‘no. At mukhang ang mga tanong naman po ay base na rin sa ebidensiya, so marami na ring naging imbestigasyon sa parte po ni Usec. Quitain at sa parte po ng Ombudsman. So, it’s not as if they are starting from scratch po, alam naman na nila kung ano ang ebidensiya, alam na nila kung sino ang tutukuyin; at a matter of time po iyan bago sila mag-isyu ng mga preventive suspension.

ENRIQUEZ:  Alam na nila?

SEC. ROQUE:  Mukhang alam na po nila, kasi ang Ombudsman naman po matagal nang nag-iimbestiga ano; at kasama po sa task force ang Ombudsman. At iyon lang po ang naririnig ko dahil alam ko kung sino iyong mga pinapupunta roon at tinatanong ng mga members ng task force. So mayroon naman silang—kumbaga hindi sila bulag, alam na nila iyong direksiyong tatahakin at alam na nila kung sino iyong mayroong case build up, kung sino iyong hindi dapat sampahan ng kaso, pero kung iyon lang,  kaya thirty days lang ang hinihingi nila.

ENRIQUEZ:  Kayo, alam na ninyo kung sino?

SEC. ROQUE:  Well, ako po kasi nagsampa na ng mga kaso diyan eh, ang dami ko nang sinampang kaso diyan. Kaya hindi na po sila magsisimula from zero dahil basahin na lang nila iyong aking mga kasong isinampa at mga ebidensiyang nakadikit doon, okay na po iyon.

ENRIQUEZ:  Sa makatuwid, ayaw ninyong sagutin kung sino.

SEC. ROQUE:  Pabayaan na po natin sila. Ang sabi ko kaligayahan kong ako na ang mag-anunsiyo, pero pabayaan muna nating mag-decide muna iyong task force.

ENRIQUEZ:  Ah ganoon, sige po. Secretary, maraming salamat sa mga paglilinaw.

SEC. ROQUE: Salamat din po dahil importante na nalinawan ko itong tungkol doon sa perpetual isolation.

ENRIQUEZ:  Perpetual isolation. Hesus maryosep, bukas pa ang Miyerkules.

SEC. ROQUE:  Paumanhin po ha kung kayo po ay naabala, pero iyon lang po iyon, doon sa matinding effort ng PSG para masiguradong wala pong magba-violate ng social distancing, kaya nga sabi po, palagi siyang in isolation.

ENRIQUEZ:  Kasi bukas Miyerkules, bukas pa iyong Our Lady of Perpetual Help. Secretary, maraming salamat ha.

SEC. ROQUE:  Maraming salamat po.

##

 Source: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)