News Release

Higit 1,400 EPD personnel, ide-deploy sa unang SONA ng PBBM



By Merry Ann Bastasa – July 22, 2022 , 1:41 pm

Aabot sa 1,467 na mga tauhan ng Eastern Police District ang inaasahang magbabantay ng seguridad sa unang State of the Nation Address ni President Bongbong Marcos Jr. sa July 25.

Ngayong umaga, isang send off ceremony ang isinagawa sa EPD headquarters para sa mga idedeploy nitong tauhan.

Ayon kay EPD PIO Chief PltCol. Roberto Santos, mula sa 1,400 na personnel, nasa 500 tauhan ang kanilang ipapadala sa Quezon City bilang force augmentation.

Ang natitira namang halos isanlibo na binubuo ng ibat ibang EPD unit ay ipapakalat sa mga border at mga areas of convergence para paigtingin ang police visibility sa mga lugar na nasasakupan ng Marikina, Pasig, Mandaluyong at San Juan lalo na’t may ipinatutupad na gun ban.

Pangunahing tututukan rin ang bahagi ng Edsa Shrine sa Mandaluyong na madalas pinagdadausan ng mga kilos protesta.

Tiniyak naman ng EPD na maximum tolerance ang ipatutupad nito sa mga magpoprotesta ngunit aarestuhin ang mga manggugulong raliyista.

Sa mismong araw ng SONA, bukod sa pagbabantay sa seguridad, ay mayroon ding outreach program na isasagawa ang EPD bilang pakikiisa sa mensahe ng “unity” ng administrasyong Marcos.

http://www.radyopilipinas.ph/rp-one/articles/national/higit-1400-epd-personnel-ide-deploy-sa-unang-sona-ng-pbbm

###