
Muling nakipagtulungan ang Department of Agrarian Reform (DAR) sa Negros Occidental I (North) sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa kanilang misyon na maibsan ang kagutuman at kahirapan sa lalawigan.
“Ang pag-renew ng aming trust agreement ay hindi lamang isang pormalidad ng burukrasya. Ito ay muling pagpapatibay ng aming pagpapahalaga, ng aming misyon at mga responsibilidad na maiangat ang mga pinaka-mahihina”, ani ni OIC-Provincial Agrarian Reform Program Officer II Teresita Mabunay.
Sinabi niya na ito ay isang pangako na ipagpatuloy ang laban, gawain at paglalakbay hanggang sa ang bawat mamamayan, anuman ang kanilang kalagayan, ay magkaroon ng mapagkukunan ng masustansyang pagkain, oportunidad sa ekonomiya, at pagkakataong umunlad.
“Sa halos apat (4) na taon na ngayon, naabot ng inisyatiba ang mga pangunahing layunin nito na maglagay ng pagkain sa hapag ng mga persons deprived of liberty (PDLs) at magdala ng pinansyal na seguridad para sa mga agrarian reform beneficiaries,” dagdag niya.
Ang renewal ng marketing agreement sa pagitan ng DAR-Negros Occidental I, BJMP, at agrarian reform beneficiaries organizations (ARBOs) ay ipinatutupad sa ilalim ng Partnership Against Hunger and Poverty (PAHP) program, na nagsimula noong taong 2020.
Pinagtibay ni JSSupt Marie Rose Laguyo ang kanilang pangako habang sya ay positibong tumugon na nagsabi na ang BJMP ay patuloy na magiging katuwang ng DAR sa pagpapatupad ng PAHP hangga’t kaya nila.
Ang partnership sa pagitan ng BJMP at ARBO Suppliers ay isang patuloy na pagsisikap mula noong 2020.
Ang Negros Occidental ARBOs ay magsu-supply ng sari-saring gulay at prutas, tulad ng talong, sitaw, sayote, ampalaya, niyog, langka at papaya gayundin ang mga itlog ng manok, at dressed native chickens.
Isu-supply nila ito sa iba’t ibang BJMP jail system sa lalawigan tulad ng: Sagay City district jail, Escalante City district jail, San Carlos City district jail, Metro-Bacolod district jail-male at female dorms at annex, Talisay City district jail, Silay City district jail–male and female dorm, Victorias City district jail at Cadiz City district jail.
###