Speech

Remarks and Q&A President Ferdinand R. Marcos Jr. at the Presentation of the 50th Gawad Saka National Awardees and Ugnayan with Farmers


Event Presentation of the 50th Gawad Saka National Awardees and Ugnayan with Farmers
Location Science City of Muñoz, Nueva Ecija

PRESIDENT MARCOS: Magandang umaga sa inyong lahat.

Unang-una, congratulations sa ating mga sikat na mga magsasaka at mangingisda at dahil kayo ang nagbubuhay sa lahat ng ating kababayan at kayo ang pinakamagaling na nagsasaka at nangingisda. [applause] Kaya congratulations sa inyong lahat!

Maraming salamat sa inyong sakripisyo. Alam namin ang buhay ng mangingisda, ang buhay ng mga magsasaka ay hindi madali. At napakahirap para lamang makapag-hanapbuhay, maipakain hindi lamang ang ating mga pamilya, kung hindi pinapakain ang buong Pilipinas.

Kaya kami naman sa pamahalaan ay kinikilala namin ang halaga ng kontribusyon ng ating mga magsasaka at saka ating mga mangingisda.

Kaya ito ay maliit lang na pagkikilala sa inyong kontribusyon sa progreso ng bawat Pilipino at ng buong Pilipinas.

Maraming, maraming salamat sa inyong trabaho, sa inyong sakripisyo, sa inyong patuloy na pagmamahal sa ating mga kapwa Pilipino at sa Republika ng Pilipinas. Thank you po sa inyong lahat! [applause]

Para naman pagandahin pa ang inyong maging production ay kakatapos lang, nagdala kami rito, nakita niyo siguro ‘yung 16 na soil laboratory, na mobile soil laboratory.

Inuna namin itong mobile soil laboratory at ito ‘yung pinakamabilis na magkaroon tayo ng soil laboratory. Ito ay bawat region ano? Magbibigay na tayo bawat region magbibigay. Magtatagal siya sa isang lugar, tapos iikot para mapag-aralan kung ano na ba ang pangangailangan, ano ba ang tamang pagbigay ng ayuda, ng pesticide, lahat.

At pati na kung ano na ang lagay, ano na ang sitwasyon doon sa lupa na tinataniman ninyo para mag-maximize tayo, dumami ang ating production.

Pero pagkatapos nitong mobile soil laboratory ay maggagawa na tayo ng permanent. Mayroon na tayong nasimulan. Mayroon ‘yung Australian na ano sa Surigao. Oo. Mayroon tayong nasimulan. Gusto naming maglagay ng permanent na soil laboratory sa bawat region.

Kaya ito ay unang – phase 1 pa lang, ika nga. Phase 1 pa lang ito.

Kaya ipagpatuloy natin ang aming – patuloy lang ang aming ginagawa para lahat ng tulong na maibigay natin sa ating mga mangingisda at sa ating mga farmer ay gagawin natin.

Darating din tayo sa araw na hindi na tayo masyadong umaasa sa importation.

Kaya ‘yun ang ating habol. Iyon ang magiging sign of success natin kapag talagang nabawasan na natin nang husto ang ating pagbili ng imported rice.

Pero kayo ang pag-asa. Kayo ang pag-asa ng agrikultura ng Pilipinas.

Kaya ulit, maraming salamat sa sakripisyo ninyo.

Q: Ako po si Geneva Gañalon from La Union po, Region I. Ang Outstanding Young Farmer po and nagmamay-ari po ng G’s Duckery Food Processing. Ang katanungan ko po is para po sa aming mga kabataan at ako po ang boses nila ngayon. Ano po ang hakbang ng ating gobyerno para gawing kaakit-akit ang farming bilang career po dito po sa ating Pilipinas?

PRESIDENT MARCOS: Siguro alam niyo tama ‘yun… [Ilocano] Siguro tama talaga ‘yun kasi ang average age ng ating mga magsasaka at saka mangingisda masyado nang mataas.

Dahil nga eh mahirap nga ang buhay ng magsasaka. Kaya siguro ‘yung mga nakapag-aral na, ‘yung mga anak natin nakapag-aral na, gusto nila nasa air-conditioned silang opisina at medyo maginhawa. Dahil talaga ang hirap ng buhay. Nakikita namin ‘yan sa probinsya, ang hirap ng buhay ng magsasaka.

Ngunit ang tanging – sa akin, sa aking palagay, at kami ni Secretary Kiko ay pinag-usapan namin nang matagal ito, papaano natin pababain ‘yung average age ng ating mga magsasaka?

Kailangan natin pumasok sa mga bagong teknolohiya. Dahil ‘yun kailangan talaga natin para maging ‘yung bawat ektarya natin mas malaki ang yield, mas malaki ang ani.

Paano natin gagawin ‘yun? Eh ang nakakaunawa at mga talagang practitioner, ika nga, ng high-tech agriculture, intensive and extensive na type of agriculture, ay ang mga kabataan. Sila ang magtuturo sa atin ng mga bagong teknolohiya.

At ‘yan palagay ko ay magiging interesting na ‘yan, magiging interesante na ‘yan para sa ating mga kabataan para nakikita nila na hindi lamang – may magandang hanapbuhay naman ang magsasaka.

Kahit na may kahirapan talaga nang kaunti, ay siyempre kailangan masipag at lahat. Masipag naman ang Pilipino. Kahit naman ‘yung mga bata, masipag naman talaga.

Basta may nakikita silang resulta. Kaya sa aking palagay, ‘yun ang ating puwedeng gawin. At para sa mga mas nakakabata ay sasabihin nila interesting ito, interesante ito.

At palagay ko ‘yung sakripisyo na kailangan para pagandahin ang ating ani ay palagay ko naman ‘yung mga Pinoy na magiging magsasaka ay sasabihin nila, worth it ito. Kahit na may sakripisyo, worth it ito.

At ‘yun ang aming para – kasi ay medyo hindi natulungan ang agrikultura nang matagal. Wala tayong agricultural policy masyado nang napakatagal. Kaya sasabihin ng mga bata, ba’t tayo papasok diyan? Walang ano – wala nang pupuntahan ‘yan, hanggang diyan na lang ‘yan.

Kaya ngayon, babaguhin natin lahat ‘yan. Ngayon, may pag-asa na. Makikita nila mayroong pagpaganda ng kanilang hanapbuhay bilang magsasaka at sila’y babalik sa pagsasaka.

Q: Magandang umaga po sa ating lahat. Ako po si Mr. Ben Gagelonia po. CAFC (City of Agriculture and Fishery Council) Chairman po ng Science City of Muñoz. Ang katanungan po: Paano matutugunan ng pamahalaan ang mababang presyo ng pagbili sa ating mga produkto na agrikultural at mapababa ang gastos sa mga inputs ng pagsasaka? ‘Yun lang po.

PRESIDENT MARCOS: Nag-aalala ‘yung ibang – ‘yung ating mga magsasaka dahil binababa natin ang presyo ng bigas sa P20 kada kilo. Papaano ngayon ang mga farmer?

Kahit anong presyo ang pagbenta natin ng bigas sa palengke, hindi magbabago ang buying price ng palay ng NFA.

Hindi namin ibababa hangga’t – hindi namin ibababa ang buying price. Eh, ano ngayon, 19 to 23? Oo, sa ano, sa dry. Oo.

So, sa basa, 18 ang pagbili. Hindi na ‘yan bababa diyan. At kung kakayanin pa natin titingnan natin kung ano pa… Pero hindi lang naman sa – ang suporta na ibibigay natin hindi lamang doon sa palay buying, kung hindi sa iba’t ibang inputs, kagaya nang nabanggit ninyo.

Kaya ang DA ang ginagawa imbes na kayo ang bibili, na maghahanap kayo ng urea, maghahanap kayo ng ano lahat ng pesticide, ang DA na ang bibili para makarami. Pagka nakarami, makamura tayo. Tapos nandiyan na iyong ating soil laboratory.

Sa aking palagay ha, unang salta pa lang, mababawasan ang gastos natin dahil alam na alam ngayon natin kung gaano karami ang ilalagay na ayuda na fertilizer, kung gaano titigil.

Tapos kung ano ‘yung lupa na kailangan pahingahin muna, ‘yun, dahil may soil analysis tayo. Kaya malaking mababawas sa ating gastos kasi alam na alam na natin, eksakto lang ang ibibigay natin. Hindi tayo basta lagay nang lagay, baka sakaling gumanda.

Iyon ang ating ginagawa dahil wala tayong soil lab noon. Ngayon, mayroon na tayo, makakatulong ‘yan.

So, lahat ng cost para sa inputs na aming ginagawa ay makakatulong hindi lamang sa buying price ng palay. At bukod pa roon, puwede ko nang i-announce iyong NFA, bibili na rin ng mais.

Bumabalik talaga tayo doon sa dating trabaho ng NFA na rice and corn. [applause] Rice and corn talaga iyong NFA.

Kaya ngayon, bumabalik na naman tayo. At again, ang presyo na iyan ay kailangan maganda ang hanapbuhay ng ating mga farmer. Kahit anong presyo sa palengke, hindi konektado ‘yun.

Basta gagawin namin titiyakin namin na iyong hanapbuhay ng ating mga magsasaka ay mabuti-buti naman, hindi laging naghihirap at hindi laging – laging hinuhulaan lamang kung ano iyong dapat gawin para pagandahin ang ani.

So, lahat ng mga inputs, lahat ng pati sa buying price, lahat iyan ay titiyakin namin na sapat para naman iyong ating mga farmer ay may hanapbuhay naman at mapakain ang kanilang mga pamilya, mapag-aral ang kanilang mga anak. Iyon lang naman ang hangarin natin. Thank you.

Q: Good morning po, Jomer Balag from Region VII, Bohol, High-Value Crops Farmer Vegetable. So, mayroon po akong inihanda dito, mahal na Pangulo, nakakodigo po ako ngayon para hindi ko po makalimutan. So, ito po iyong katanungan ko po.

PRESIDENT MARCOS: Mahaba yata iyan, mukhang mahirap na tanong iyan ah.

[laughter]

Q:  Mataas po ito, mga limang tanong po, hindi po, isa lang po. So, ito po iyong katanungan ko po, mahal na Pangulo: Mayroon bang mga suportang serbisyo para matulungan ang mga indibidwal na magsasaka na makaangkop at makabangon mula sa matinding mga kalamidad at pagbabago ng klima? Iyan po, maraming salamat po.

PRESIDENT MARCOS: Well, unang-una kapag tinamaan ng bagyo at nasira ang tanim, depende kung nasaan tayo sa season, kung puwede pang magtanim ulit.  Kung puwede pang magtanim ulit, eh papasok na naman ang DA at tutulungan kayong makapagtanim ulit. Kung huli na, ay bibigyan kayo namin ng suporta.

Bukod pa roon, lahat ng tanim natin ay may insurance. Binibigyan natin ng insurance.

So, hindi kagaya noong dati na – kasi napakaano – iyong iba namamahalan, by province ginagawa noon at siyempre hindi kayang ma-cover lahat.

Ngunit, since ang DA na ang gumagawa, ay mas malaki na ang puwedeng i-insurance cover. Kaya pinawalak natin ang coverage ng ating mga insurance.

Pero pagka talagang nasira na iyong planting season at hindi na makabawi, ay magbibigay kami ng subsidy para makatawid lang hanggang sa susunod na planting season. Iyon ang aming iba’t ibang ginagawa iyong para sa bagyo.

Sa awa ng Diyos, hindi na tayo gumaya doon sa—kasi hindi lang bagyo, pati El Niño, delikado rin tayo sa El Niño. Iyon ang nangyari sa atin last year. Nine months tayo dito sa Pilipinas na walang ulan kaya ang daming nasirang tanim.

Kaya napilitan kaming mag-import nang malaki. Tapos bukod pa roon, ay nagbigay naman kami ng – wala pa, hindi pa buo iyong insurance namin eh. Pero ngayon, ready na tayo.

Kung maulit ang El Niño at maulit iyong sunod-sunod na bagyo na kung maalala ninyo, anim na bagyo iyon na wala pang isang buwan, anim na bagyo ang tumama rito sa Pilipinas – ay handa na ngayon tayo dahil alam na natin kung ano iyong mga kailangang gawin.

Nailagay na natin ang mga iba’t ibang sistema sa DA, sa NFA at hanggang sa local level ay handa na tayo. Alam na namin iyong aming kailangang gawin. Inayos na namin ang sistema para hindi naman masyadong mahirapan ang mga farmer natin. Kagaya nang nabanggit ko, napakahirap na nga ng buhay ng farmer ay dapat suportahan natin nang husto.

So, iyon ang aming mga ginagawa. Iyong insurance na para sa mga nasirang tanim at saka iyong ating pagbawi na pagka kung sakali mang puwedeng magtanim ulit, iyon ang gagawin natin.

Oo, RSBSA (Registry System for Basic Sectors in Agriculture). Basta kasama kayo sa RSBSA, kasama kayo diyan sa lahat ng mga sistema na iyan.

Noong last year, nakatatlo tayo na ano na release ‘di ba? Doon sa – oo, sa PAFFF (Presidential Assistance to Farmers, Fisherfolk, and Families)? More than three. Oo, dahil iyon na nga, iyong sa bagyo ang daming nasira.

Pero ngayon, alam na natin ang gagawin natin. Huwag na sanang maulit iyong mga nangyari last year na walang ulan ng siyam na buwan, tapos sa isang – December, sa isang buwan, anim na malalaking bagyo.

Kaya sana hindi na maulit iyan. Pero kahit na maulit ‘yan, mas ready na tayo ngayon kaysa noong nakaraang taon. [applause]

— END —