Q: Kausapin lang natin si Secretary Harry Roque, ang Presidential Spokesperson. Secretary, magandang gabi.
SEC. ROQUE: Hello, magandang hapon sa inyong dalawa. At sa lahat ng nanonood at nakikinig, magandang hapon po.
Q: Si Kombacherong Tunying ay humahabol lang at na-traffic. Pero Secretary, ang gusto naming kumustahin, naikuwento daw kasi ni General Bato na namaga ang kamao ng Pangulo dahil napasuntok sa dingding diyan sa Malacañang.
SEC. ROQUE: Well alam ninyo po Kombachero, ako naman po ang nagsiwalat sa Twitter at saka sa Facebook na talagang nagalit na kung todo ang Presidente noong nalaman niya iyong balitang ‘yan. Pero hanggang alas kuwatro po kaninang umaga magkasama kami ni Presidente, wala pong diperensiya ang kaniyang kamay.
Q: Okay na?
SEC. ROQUE: At kung mayroon man… Hindi ko po alam kung talagang totoong nanuntok sa dingding ‘yan. Kasi ang nangyari po, pagkatapos po ng Command Conference hindi na po kami naghiwalay. Pagkatapos po ng Command Conference sumunod na kami doon sa meeting na iyong donning ceremony nila Manny Pacquiao at iyong mga ibang kongresista bilang mga lieutenant colonels. Pagkatapos po noon, nakipagpulong na kami sa mga kongresista tungkol sa BBL. At pagkatapos po noon iyong interview niya sa mga select media, sa mga opinion makers, doon din po sila.
So ako po talaga iyong kasama niya noong araw na iyon, kaming dalawa ni SAP Bong Go at hindi ko po nalaman kung talagang nagkaroon ng insidente na suntukan sa pader. Pero mula po noong Command Conference hanggang alas-dose ng gabi noong Lunes eh magkakasama po kami.
Q: Opo, okay. So, pumutok na ho ‘yang istoryang ‘yan at may ginagawa ang Justice Secretary ngayon, ano hong sabi ng Pangulo? Andiyan pa ho ba ang tiwala ng Pangulo kay Secretary Aguirre?
SEC. ROQUE: Well alam mo Kombachero, habang hindi sinisisante, may tiwala ang Presidente. Dahil ang Presidente naman ay hindi mag-aatubili talaga ‘yang sibakin pati ang mga miyembro ng Gabinete, at hindi naman po nangyari ‘yan kay Secretary Aguirre, dahil in fairness, hindi naman po si Secretary Aguirre ang nag-dismiss ng kaso, mga piskal niya, oo.
Pero darating at darating din sa kaniya ‘yan, dahil may procedure naman ng pag-aapela ‘yan at magkakaroon din siya ng pagkakataon na iwasto ang mga hindi tuwid.
Q: Okay. May balita hong namumuong revamp, Cabinet revamp?
SEC. ROQUE: Well alam ninyo po, si Presidente nagsabi niyan noong nagkaroon po siya ng interview, sa sampu o doseng mga mamamahayag ang nakarinig niya. Ang tanong po sa kaniya, happy ba kayo sa mga Gabinete ninyo o hindi ano. At ang sabi nga niya, magkakaroon ng mga pagbabago sa kaniyang Gabinete.
Q: Magkakaroon ng mga pagbabago pero wala pa hong binabanggit kung sinu-sino, at kung may papalitan o mag-iikutan lang?
SEC. ROQUE: Hindi po sinagot ni Presidente ‘yan, kasi siyempre tinanong siya noong mga mamamahayag kung sino ‘yang mga ‘yan. Ngumiti lang po siya at hindi muna siya sumagot at hindi nagbigay ng pangalan.
Q: Okay. So ‘yan na lang antabayanan natin. Panghuli na lang Secretary, nabalita na ho itong kay Janet Lim Napoles na siya’y inilagay na sa Provisional Witness Protection Program ng Department of Justice, at sigurado, ang tingin dito ng lahat ay may kinalaman ang Palasyo ng Malacañang.
SEC. ROQUE: Ay naku, hindi naman po pinanghihimasukan ng Presidente ang lahat ng bagay na nangyayari sa mga departamento. Otherwise, wala na pong panahon ang Presidente para mamuno sa bayan. Hinahayaan na po ng Malacañang – itong desisyon kung tatanggapin sa Witness Protection Program si Janet Lim Napoles – diyan sa mga prosecutors at kay Secretary Vitaliano Aguirre dahil mayroon naman pong proseso sang-ayon sa batas kung paano makakapasok sa Witness Protection Program ang gaya ni Janet Lim Napoles.
Q: Okay. So—pero ito ho kaya ay sa tingin ninyo bilang isa ring abogado, ay mas makabubuti para sa kabuuan, para sa bansa?
SEC. ROQUE: Well ang issue po diyan kung si Janet Lim Napoles ay most guilty. So tingnan po natin, dahil may mga usap-usapan naman na may nagturo kay Janet Lim Napoles, may nag-utos… tingnan natin kung mayroon talagang mas mataas pang opisyales ang mas malaki ang pananagutan kaysa kay Janet Lim Napoles.
At saka lilinawin ko lang po, hindi pa po siya pormal na natatanggap sa witness protection. Ang ibig sabihin lang po ng protective custody, pag-aaralan na ng mga piskal kung siya’y dapat pumasok sa WPP. Pag-aaralan pa po iyong mga affidavit na kaniyang sinumite, pero hindi pa po siya formally admitted to the Witness Protection. Hindi pa po.
Q: Hindi pa, oo… kaya provisional pa lang, provisional… isinailalim pa lang sa Provisional Witness Protection Program. Pahabol Secretary, bago kayo… alam ko bising-busy kayo diyan. Pormal na talagang kumalas ang Pilipinas sa International Criminal Court. Ang report kanina ay nagpadala na tayo ng formal notice sa United Nations.
SEC. ROQUE: Opo, tama po ‘yan. Well kahapon po kasi, ang sinasabi wala pang pormal na natatanggap ang International Criminal Court, pero ngayon po ay natanggap na nila ‘yan dahil ‘yan po’y naisumite na sa tanggapan ng UN Secretary General.
Q: Oho. Hindi na ho ba kailangan talaga ng pagsang-ayon dito ng Senado?
SEC. ROQUE: Wala po, walang ganiyang requirement sa ating Saligang Batas. Mayroon lang pong requirement, bago maging batas ang tratado, kinakailangan ay mayroong concurrence ng Senado. Pero sa pag-aalis po o pagbibitiw sa isang tratado, wala pong ganiyang requirement – ‘yan po ay nasa kapangyarihan po ‘yan ng Presidente bilang arkitekto ng foreign policy.
Q: Oo. So dahil naipadala na iyong sulat, ay wala nang atrasan?
SEC. ROQUE: Wala na pong atrasan, too late the hero, goodbye ICC.Q: ‘Ayan… Secretary Harry Roque, salamat po sa inyong oras. Magandang gabi.
SEC. ROQUE: Magandang gabi po. Salamat po.
Q: Si Secretary Harry Roque…
###
—
Source: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)