Interview

Interview with Presidential Spokesperson Harry Roque by Erwin Tulfo (Radyo Pilipinas – Tutok Erwin Tulfo)


SEC. ROQUE:  Magandang umaga kasamang Erwin, at magandang umaga sa mga nakikinig sa atin ngayon.

ERWIN:  Sir, kahapon bagama’t Independence Day pero inuna na yata ng Pangulo iyong concern po ng mga fishermen natin na mukhang nakarating kay Pangulo iyong reklamo nila. Eh mukhang kinausap ng Pangulo ang Ambassador para imbestigahan ho yata. Ano ho ba nangyari doon sa—would you happen to know kung ano hong napag-usapan nila? Eh ang balita ho sa media ngayong umaga is tungkol nga doon sa reklamo ng mga mangingisda, Secretary Roque.

SEC. ROQUE:  Well totoo po ‘yan, at sinabi ng Presidente dapat imbestigahan po ‘yang report na ‘yan dahil hindi dapat na nangyayari ‘yan ano. Nagkaroon po kasi talaga ng kasunduan ang Presidente at si President Xi na magkakaroon ng kalayaan ng pangingisda diyan, at ang sabi ni Pangulo kung pupuwede eh gawin ang lahat ng magagawa para maitigil na itong sitwasyon na ito.

Inuulit ko po, hindi po namin kinukunsinti ang pangongotong ng isda sa ating mga kababayan, at ‘yan po’y pinarating na ng Presidente mismo natin ‘no sa kaalaman ng Ambassador ‘no. Hindi na po umasa ang Presidente sa diplomatic channels, at siya na po mismo ang nakipag-usap sa Ambahador. At kung may pagkakataon siguro eh, didiretso na ni Presidente ‘yan kay President Xi ‘no dahil talaga namang hindi pupuwedeng inaapi ang ating mga kababayan – samantalang mayroon naman talagang kasunduan at tradisyunal nang ginagawa ng ating mga kababayan ‘yan sa tinatawag na ‘Borough o Scarborough po.

ERWIN:  Tama, okay. Sir, maiba tayo ng topic naman, ito pong sa mga sunud-sunod na patayan and as we speak po yata, nag-uusap na si General Albayalde ng PNP at Secretary Año patungkol po dito sa problema na ito. Ano po ang reaksiyon ng Pangulo; is the President concerned? Mukhang nababahala din po yata ang Pangulo hinggil dito sa mga sunud-sunod na patayan ng mga inosente, Secretary.

SEC. ROQUE:  Eh kaya nga po sinabi ng Presidente magkakaroon ng mga major na pagbabago ‘no, dahil nababahala talaga si Presidente dito sa pagtaas ng kriminalidad ‘no. Ang pinaka-latest na balita nga pala dito sa pinatay na pangatlong pari, eh si PNP Chief Albayalde na po ang nagsu-supervise sa imbestigasyon. Ito po’y in-assure sa akin kahapon lamang ni Gen. Albayalde; binigyan niya po tayo ng status briefing kung ano na ang imbestigasyon nila, kasama na iyong mga posibleng mga motibo, pero hindi po natin puwedeng ilathala ‘yan kasi po dahil ongoing po ang police investigation.

ERWIN:  Uhum. Isa pa pong issue, mukhang magandang balita po ito Secretary – 78% ng mga Pinoy satisfied daw sa Philippine democracy ngayon under kay President Rodrigo Roa Duterte.

SEC. ROQUE:  Tama po ‘yan, mabuting balita po ‘yan. At ang dahilan naman po niyan eh nakita natin kahapon ‘no, mayroong mga naghe-heckle kay Presidente, ang sabi ni Presidente ‘yan ay kalayaan ng malayang pananalita, at hinayaan naman na marinig ng taumbayan iyong paninindigan ng ilan sa atin ‘no. Eh kapag ganiyan po ang Presidente, na talagang nagbibigay importansiya sa kalayaan ng ating mga mamamayan, eh talaga naman pong hindi nakakapagtaka na otsenta porsiyento halos nang ating mga mamamayan ay satisfied sa ating demokrasya.

ERWIN:  Pero nakakalungkot sir ha, eh may mga nagtuturo na naman kay—sa administrasyon, sa gobyerno… itong sunud-sunod na mga patayan daw ng mga piskal. Lahat itinuturo – mga pari, pati iyong Ombudsman, pati iyong sa TV. Sabi ko, ano naman mahihita ng administrasyon kung mapatay iyong isang lowly journalist, isang journalist sa probinsiya, isang prosecutor… Anong mahihita ng gobyerno? Ito na naman po, turo nang turo na naman sa gobyerno.

SEC. ROQUE:  Well linawin lang po natin, hindi gaya ng mga nakalipas na administrasyon, mayroon po tayong task force pagdating sa patayan ng mga mamamahayag—

ERWIN:  Correct.

SEC. ROQUE:  Hindi lang po ‘yan lip service, talaga pong mayroon tayong isang Undersecretary Egco na siya mismo po ang nagsu-supervise ‘no ng investigation at saka iyong mga paglilitis sa mga pumapatay laban sa media. At ito namang pagpatay po ng mga prosecutors, eh tinututukan po din namin ‘yan. In other words, ang katungkulan po natin ‘pag may patayan, imbestigahan at bigyan ng katarungan ang mga biktima – at ‘yan po ay puspusang ginagawa ng ating administrasyon.

ERWIN:  Panghuli na lamang Secretary, reaksiyon ninyo lang po. Kasi sabi po ng Integrated Bar of the Philippines, dapat daw review-hin ng SC at i-overturn iyong naunang desisyon ng ilan sa kanila o iyong nakararami sa kanila iyong quo warranto at pagkasibak kay dating Chief Justice Sereno. Pero nagsalita na si Senior Associate Justice Carpio at sinabi, respetuhin daw ang desisyon ng Kataas-taasang Hukuman. Entonses, sang-ayon po si Assoc. Justice Carpio sa naging desisyon ng kaniyang mga kasamahan na sibakin si Sereno, Secretary.

SEC. ROQUE:  Well, ‘yan naman po ang katotohanan ‘no – walo sa labing apat na kasama ni CJ ay nagsabi na hindi siya dapat magpatuloy sa kaniyang katungkulan. At lahat sila, katorse ‘no, nagsabi na paglabag sa Saligang Batas iyong hindi pag-file ng SALN ni CJ noong siya’y propesor pa sa UP College of Law ‘no. So malinaw po ‘yan, at ang aking panawagan sa mga kapatid sa hanapbuhay, respetuhin talaga natin ang desisyon ng Korte Suprema. Sa ngayon po, pupuwede sigurong mag-file ng Motion for Reconsideration; pero sa akin po, wala silang standing ‘no dahil ang apektado naman dito talaga si Chief Justice ‘no.

Pero sa tingin ko po kung ang desisyon ay hindi mababago, dapat ang mga abogado bilang officers of the court, tayo po iyong unang-una na mag-eengganyo sa ating taumbayan na respetuhin at huwag kuwestiyunin ang mga desisyon ng ating Kataas-taasang Hukuman.

ERWIN:  With that, very well said. Secretary Harry Roque, maraming salamat po. Magandang umaga. Mabuhay po kayo, Sec.

SEC. ROQUE:  Maraming salamat. Mabuhay po ang Pilipinas.

ERWIN:  Thank you po.

###

SOURCE: PCOO –  NIB (News and Information Bureau)

 

Resource