NOLI: Secretary, magandang umaga po.
SEC. ROQUE: Magandang umaga, Kabayan.
NOLI: May kumpirmasyon po ba ang Malacañang tungkol dito sa sinabi nitong consultant ng NDF na si Rey Casambre na may report na si Joma Sison ay pupunta raw sa Pilipinas sa kabila nang cancelation ng naka-schedule na peacetalks sana sa June 28; by August daw pupunta ho ng Pilipinas. May kumpirmasyon ho ang Malacañang?
SEC. ROQUE: Wala pa po kaming kumpirmasyon na ganyan. Bagama’t ang paulit-ulit pong sinasabi ni Pangulong Duterte, dapat ang pag-uusap ay naririto sa Pilipinas at inanyayahan na niya si Joma Sison. Sagot niya ang seguridad ni Joma Sison, sagot niya ang lahat ng logistics nung mga makikipag-usap, pati na nga iyong mga pangangailangan ng CPP-NPA habang nakikipag-usap ng kapayapaan. At wala man mangyari ay siya ang personal na maghahatid kay Joma Sison sa airport para umalis muli ng bansa.
NOLI: Kasi si Secretary Dureza di ba nasa Norway ho ngayon, Secretary?
SEC. ROQUE: Opo, nasa Norway po sila. Bagama’t hindi itinuloy itong usapin para sa a-bente kwarto (24) ‘no eh naroroon po siya para makipag-ugnayan pa rin.
NOLI: So ano ang misyon ho ni Secretary Dureza ngayon sa Norway?
SEC. ROQUE: Well, para siguro ipaalam kung ano ang desisyon ng Presidente. Na tapat pa rin si Presidente sa pagpapatuloy ng usapin, pero kinakailangan po gawin sa Pilipinas at saka iyong mga kondisyon na hinihingi po ni Presidente ‘no, dahil sagot naman niya ang lahat ng pangagailangan ng buong CPP-NPA habang nakikipag-usap, itigil na muna iyang revolutionary taxes.
NOLI: Oo at saka iyon hong… how about iyong pagpapalaya sa mga political prisoners, pinayagan na ho ba ni Presidente?
SEC. ROQUE: Ay hindi naman po iyan isang precondition ng Presidente, ano. Ang sabi ni Presidente, itigil ang revolutionary taxes, itigil talaga ang lahat ng putukan, wala talagang tatargetin habang nakikipag-usap ang CPP-NPA at ang gobyerno.
NOLI: Opo. Malinaw ho ba ang sinabi ninyo na puwede pa ring third party ang Norway?
SEC. ROQUE: Ang sabi ko po, malinaw po – noong makalawa – lahat po ng mga tumutulong na sa usaping kapayapaan na dati nang tumutulong ay pupuwede pa ring tumulong. Dahil ang gusto lang ng Pangulo talaga tayo’y mga Pilipino, dito sa Pilipinas mag-usap.
NOLI: Pero siyempre ang tanong ng taumbayan diyan, Secretary: Why Norway? Sa daming bansa sa buong mundo, bakit Norway?
SEC. ROQUE: Hindi ko po alam, kasi siguro iyong third party facilitator eh Norway ‘no. Pero sa akin po, kung meron namang sinseridad, kahit saan mo gawin iyan ‘no, eh magkakaroon ng kapayapaan. Pupuwede tayong mag-usap sa turo-turo, puwede tayong mag-usap sa five star hotel, pero basta bukas ang pag-iisip at puso para sa tunay na kapayapaan para sa bayan, pupuwede pong mag-usap.
NOLI: Opo. How about—ibang isyu naman ho. Ano ang reaksyon ho ngayon ng Malacañang sa tuluyang pagkakatanggal kay CJ Sereno at sinasabi niya iyong kanyang kampanya laban sa mga nangyayari sa Duterte administration ay ipagpapatuloy daw niya?
SEC. ROQUE: Well, unang-una po, iyan po ay desisyon ng Korte Suprema. Sabi ko nga po kahapon, like it or hate it, kinakailangan respetuhin, iyan po ay pinagdesisyon ng ating Kataas-taasang Hukuman. Sa ating Saligang Batas, iyan po ang trabaho ng ating Korte para maging final arbiter sa lahat ng legal controversy ‘no.
At iyong kanyang sinasabing kampanya, well alam n’yo naman po ang Presidente natin, walang tigil ang kampanya laban sa korapsyon. Lahat naman po ay welcome na makipag-ugnayan at sumuporta rito sa kampanya laban sa korapsyon.
NOLI: Opo. Secretary, itong operasyon ng pulisya tungkol sa mga sinasabing tambay, eh nanggaling sa kautusan ni Pangulong Duterte noong siya ay magpahayag tungkol sa mga tambay dahil nga sa mga krimen na nagaganap sa gabi-gabi. So ano ang reaksyon ngayon ng Malacañang na nakukuwestyun itong operasyon ng PNP?
SEC. ROQUE: Well, hindi po kami naabala diyan, dahil ang Presidente naman talagang tagapagpatupad po iyan ng batas. Ang ginagawa lang naman po ng ating kapulisan, nagkakaroon ng increased visibility. Iyong mga nakikita nilang lumalabag ng mga ordinansa, iyong mga umiinom sa publiko, iyong mga maiingay, ay iyan po iyong sinisita ng ating kapulisan. Pero kung wala naman pong masamang ginagawa at hindi naman kilala na masamang miyembro ng komunidad iyan ay wala naman pong dapat ikabahala.
NOLI: Secretary, maraming-maraming salamat po and good morning.
SEC. ROQUE: Good morning po at magandang umaga po.
###
SOURCE; PCOO – NIB (News and Information Bureau)