Interview

Interview with Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar by Orly Trinidad – Bangon na Bayan, DZBB


TRINIDAD:  …si PCOO, Presidential Communications and Operations Office Secretary Martin Andanar. Secretary Martin, magandang hapon sa’yo, si Orly ‘to.

SEC. ANDANAR:  Magandang hapon Orly at sa lahat ng nakikinig po sa inyo at nanonood sa DZBB.

TRINIDAD:  Oho. Pasensiya na’t ang pagkakaalam ko hanggang sa mga oras na ‘to mayroon pa kayong mga final meeting, consolidation of reports, of information na maisasama sa SONA ng Pangulo sa Lunes – totoo ho ba iyon, Secretary?

SEC. ANDANAR:  Opo. In fact ay hinihintay ko na lang ang meeting kasama po si Presidente ngayong gabi, at sa meeting na iyon ay dito natin makikita kung ano ‘yung extent ng editing noong talumpati ni Presidente at kung ano ‘yung mga additional na atas sa atin ni Pangulong Duterte, at iyong iba pang mga magiging advice naman ni Director Joyce Bernal pagdating po sa SONA ngayong darating na Lunes.

TRINIDAD:  Oho. Tama ba, hindi pa na i-edit pero mahigit sa one hour na raw, one hour and 35 o 25 minutes?

SEC. ANDANAR:  Actually I’m looking at between 45 minutes to 1 hour 20, pero depende ‘yan sa mga ad lib at saka mood ni Presidente kung bibilisan niya iyong pagbasa at iyong nabanggit ko na ad lib. Pero mamaya kung magkakaroon man ng aktuwal na rehearsal ay makikita natin at at least ma e-estimate ko by using a timer kung gaano katagal, ang itatagal ng talumpati.

TRINIDAD:  But as much as possible puwedeng—kung mamarapatin ay huwag namang umabot ng isang oras; iyon yata ang target eh ‘no, Secretary?

SEC. ANDANAR:  Well wala naman, wala namang target na kung gaano katagal at kung gaano kaikli. Kung pagbabasehan natin iyong SONA ng 2016, that was around 1 hour and 30 minutes; tapos iyong 2017 dalawang oras iyon eksakto; tapos iyong 2018 nasa mga 40 minutes plus ‘no, 40 minutes ‘ata iyon. Iyong speech noong 2018 ay sinunod ni Presidente iyon 98%, mayroong konting ad lib lang pero 98% talagang he stuck to the speech.

TRINIDAD:  Oho. Okay. Anyway, anong departamento pa ang ‘inaantay po at para maisama kung may hahabol pa sa SONA niya, sa speech niya?

SEC. ANDANAR:  Actually kumpleto na, lahat ng departamento nakapagbigay na ng kanilang mga kontribyusyon. Kasi alam mo, ang Presidential Management Staff, matagal na nilang ginagawa ito, panahon pa nila Tita Cory ginagawa na nila ito kaya istrikto sila sa pagsumite ng mga contributions ng bawat departamento. Ang speech is already 98% finished, siguro iyong 2% na iyon ay konting adjustments na lang. And the President will now be able to read the entire speech, at ito po ay as usual for the last three years ay siya mismo iyong nag-i-edit at pabalik-balik ito kay Presidente. So tingnan natin kung—iyong mamaya, will be the final edit na rin.

TRINIDAD:  Oo. Baka kasi abutin ng 10 minutes iyong pagbanggit ng mga pangalan ng mga taong sisibakin daw niya, [laughs] totoo ba iyon, Secretary?

SEC. ANDANAR:  [Laughs]

TRINIDAD:  Baka mga nasa 5 to 10 minutes kung iisa-isahin niya iyong mga Bureau of Customs, iyong mga nasa Department of… o kung ano pang departamento ‘yan.

SEC. ANDANAR:  Well kagabi, nasa kwarenta y uno ang sumipot na taga-BOC; mayroon ding mga hindi nagpunta. I understand nasa singkuwenta y dos lahat iyong invited na mga taga-BOC. So siguro, hindi naman siguro babanggitin isa-isa [laughs] hindi siguro.

TRINIDAD:  Pero ano ang possibility iyong 52 na ito ay hindi na maibabalik sa BOC after the SONA, hindi naman lahat?

SEC. ANDANAR:  Well, ang sabi ni Presidente either mag-resign or the President will file charges against the officials sa Ombudsman with a prayer that these officials are suspended while they are facing the court. Pero kung mag-resign sila, then they will at least save face and kahit papaano they can move forward and look for a better job without being tainted.

TRINIDAD:  Oho. Iyong posibilidad na pagbuwag sa Bureau of Customs, pagtayo ng bagong departamento at bagong… ‘ika nga’y mga sariwa, fresher legs and fresher principle para po mangasiwa sa atin, diyan po sa Aduana. Ano ho bang ang talagang plano ho diyan ng Pangulo?

SEC. ANDANAR:  Naku, hindi ko masasagot ‘yan Ka Orly kasi under kay Secretary Sonny Dominguez ‘yan, siya iyong makakasagot niyan. Pero I don’t know, we’ll see kung anong magiging plano ni Presidente. I’m sure ito naman ay kaniyang ia-anunsiyo, at there are ways how to reform that Bureau—

TRINIDAD:  Sabagay. At least ngayon ay talagang top to bottom, kasi dati papalitan mo lang iyong Commissioner, iyong mga talagang ‘ika nga’y mga makamandag na tao nandodoon pa rin eh, nananatili doon. Ito, talagang kung mayroon mang pagbabago sa taas, hanggang baba dapat, pati janitor – pati security guard Secretary, hindi ba?

SEC. ANDANAR:  Alam mo, maraming mga examples, mga president from other countries kung papaano nila nilinis iyong kanilang Customs…

TRINIDAD:  Singapore is one…

SEC. ANDANAR:  Singapore… Alam ko Hong Kong din nalinis nila ‘yan. So marami, I think we don’t lack any examples of how to do that. We’ll see kung anong magiging desisyon ni Presidente at ni Secretary Dominguez.

TRINIDAD:  Okay. Secretary, back to SONA lang. Kanina mayroon tayong parang survey ng Pulse Asia, ang number one na gusto raw nilang marinig, iyong dagdag suweldo ng ating mga kababayan, dagdag suweldo; of course dagdag na trabaho at ang pagbaba ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Ang pangunahing bilihin mukhang ito, medyo positibo ang nangyayari sa ngayon dahil unang-una ang bigas, may mga mura tayong nabibili bagama’t sa mga mura, iyong mga local rice natin ay naaapektuhan, but may mga murang bigas na tayo na napagkukunan. Ang isa lang iyong ano, mayroon bang pinag-uusapan para tuluyang makinabang tayo sa mababang presyo at maiiwas sa epekto ng malimit na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo?

SEC. ANDANAR:  Alam mo, iyong produktong petrolyo kasi pandaigdigang merkado ‘yan, hindi naman tayo oil-producing country kaya problema talaga natin ‘yan Orly. Simula’t sapul noong tayo’y naging reporter ‘yan na—

TRINIDAD:  Totoo ‘yan, aminado tayo diyan. ‘Yan ang isang bagay na hindi naka—ika nga ay kung ang araw ay sisikat sa Silangan at lulubog sa Kanluran, ganiyan din ang presyo ng produktong petrolyo.

Pero mayroong mga pinag-uusapan, katulad na lamang ng pag-encourage ng mga sasakyan na hindi gumagamit ng petroleum products, paggamit ng mga renewable energy at iyong mga windmill na—imposible naman tayong mawalan ng hangin [laughs]… kaya kumbaga samantalahin ‘yan, Secretary Martin.

SEC. ANDANAR:  Opo. Tama ka Ka Orly, talagang ang daming mga renewable energy sources – the sun, the wind, the current… At doon naman tayo patungo rin kung wala naman tayong choice kung hindi—lalo na tayo na isang bansa na walang langis, kailangan talaga nating mag-take advantage sa mga ganiyang technology.

Pero alam mo, marami na ring ginawa ang pamahalaan para maibsan ang kahirapan at para maging malakas pa ang purchasing power ng bawat mamamayang Pilipino lalung-lalo na iyong kumikita ng minimum wage: Number one iyong TRAIN ‘di ba, iyong TRAIN Law na hindi na nagbabayad ng income tax iyong mga sumusuweldo ng—kung hindi ako nagkakamali P20,000 pababa ‘no, wala nang income tax na babayaran. So malaking—I think more than 94% of the population hindi na nagbabayad ng income tax, so malaking tulong din iyon.

But again, it is never enough ‘di ba Orly? It’s never enough so kailangan talagang—iyon, may demand talaga na tumaas iyong suweldo. But then, that will depend on the strength of the business and the strength of economy; at kita naman natin na umuunlad talaga iyong bansa natin. Iyong ating credit rating ay nasa BBB+, the highest in the history of our economy at iyong ating mga foreign direct investments ay dumadami. So let’s just hope that itong TRAIN Package 2 ay talagang maging parte na ng ating batas; ito’y maging isang priority bill sa ating Lower House para nang sa ganoon ay magkaroon tayo ng more sources ng pondo para mapondohan iyong iba pang mga big ticket infrastructure project ng ating bansa.

TRINIDAD:  Kasi ‘pag kinakausap iyong ilang mga negosyante tungkol diyan, eh sinasabi nila na ang pagtaas ng suweldo eh siguro mga 1 or 2 or 3 mataas na; 5% ng mga kumpanya sa buong bansa ang makakasunod. Kasi hindi naman lahat kasing yaman halimbawa ng malalaking kumpanyang ‘yan, marami pa rin talaga ang mga ‘ika nga’y small and medium enterprises, Secretary.

SEC. ANDANAR:  Opo. You know, ang pagtaas din kasi ng suweldo will also depend on the product that we manufacture. Hindi lang iyong manufacture but also products that we can export outside the country. So tayo kasi ngayon, we are largely an importer so kung marami tayong mga Philippine-made products na naibebenta sa ibang bansa, then that will add to the GDP of our country o GSP, so…mahabang usapin ‘yan, iyong mga ganoong klaseng panukala at kung papaano mas pataasin pa ang suweldo.

TRINIDAD:  Oo nga eh. At least sana ma… reasonable din naman, puwede rin sigurong matulungan ang mga kumpanya na makapagpasuweldo sila nang malaki-laki by giving them cash incentives naman kung gugustuhin naman nila siguro.

SEC. ANDANAR:  Tama…

TRINIDAD:  Alright. West Philippine Sea, ito bang—pinakamahaba ba itong pinag-usapan sa meeting ngayong araw na ito o kahapon pa?

SEC. ANDANAR:  Well, mamaya ang ano eh—hindi pa nagsisimula iyong meeting eh, hinihintay pa natin iyong addition ng Office of the President. Pero ako pinagbabasehan ko rin Orly kung ano iyong narinig mo rin sa TV eh, na baka magsermon o baka mag-lecture si Presidente sa—

TRINIDAD:  About the West Philippine Sea, iyong karagatan, iyong territorial water ‘di ba, mga ganiyan.

SEC. ANDANAR:  Oo. Pero the President always goes back to the argument: ano ba ‘yung primordial responsibility ng presidente; ano ba ‘yung kaniyang constitutional duty – and that is to ensure that the president protects the life of every Filipino, ‘di ba iyon ‘yun, the preservation, self preservation.

Now… kaya nga sinasabi niya, kung gusto niyang makipaggiyera sa China, eh wala pa sigurong limang oras eh pulbos na tayong mga Pilipino. So, that in itself already… he is already violating his constitutional mandate. So, it goes back to that argument. Hindi naman talaga natin kayang makipaggiyera sa China.

And number two, dapat nating tandaan din na marami tayong relationship with China, so many areas of the relationship. Mayroon tayong, number one, iyong ating trading relationship; iyong ating… ano pa ba, cultural relationship; iyong ating… ‘di ba, iyong ating military relationship, iyong ating people-to-people relationship.

At kung itong sigalot ng West Philippine Sea ang magiging barometer para sa buong relationship eh hindi naman siguro tama iyon. Hindi naman puwedeng ito, isantabi na natin lahat ng relasyon natin sa China dahil ito lang… Eh kung iyong Amerika nga eh ‘di ba, anong sabi ni Donald Trump, ni President Donald Trump? “Eh okay na, puwede na iyong Huawei sa America as long as bumili sila ng mga spare parts sa Silicon Valley.” ‘Di ba, kung ang Amerika nga eh… iyon tuloy na naman sila. Pagkatapos eh tayo pa kaya, hindi naman Amerika, hindi naman tayo kasing laki ng Amerika.

TRINIDAD:  Pero I agree doon sa—parang suggestion din ‘no – siguro tama rin naman ‘yan din siguro ang gustong puntahang direksiyon ng Pangulong Duterte – ang pagpapalakas ng ating puwersang militar.

SEC. ANDANAR:  Yes…

TRINIDAD:  Oo, kasi kapag may nakikitang sapat na puwersa, sapat na mga barko… iyong mga nandodoon sa West Philippine Sea dahil hindi naman natin kausap, dahil tayo, iyong si President Xi Jinping ang kausap natin. Eh mukhang may ibang ‘ika nga’y pag-iisip din naman siguro, kanilang Chinese Navy nila doon, iyong Chinese Coast Guard. O siguro talagang maigi na may katapat din na mga puwersa. Eh siguro matatauhan din naman, and I think iyon ang numero uno pa rin sigurong sana’y maisakatuparan sa natitirang taon ng Duterte administration, Secretary.

SEC. ANDANAR:  ‘Yan tumpak, tumpak ang sinabi mo Ka Orly, talagang kailangan iyong AFP modernization ay tuluy-tuloy. Hindi naman tayo puwedeng eh pakuya-kuyakoy lang tapos wala naman tayong—

TRINIDAD:  Walang puwersa pala…

SEC. ANDANAR:  —para sa Philippine Air Force, puwersa…

TRINIDAD:  Puro air [laughs]…

SEC. ANDANAR:  Puro air [laughs]… tapos, hindi naman puwedeng iyong ating barko, Philippine Navy at saka Coast Guard eh ano, bubulok-bulok, hindi naman puwede. So kailangan din may karampatang upgrade ng ating mga military equipment.

TRINIDAD:  Okay. Mapag-uusapan din kaya iyong kasong isinampa ng CIDG laban kay Vice President Robredo at sa mga nasa oposisyon, pati mga miyembro po ng CBCP, Secretary; Mapagmi-meetingan kaya mamaya o magiging subject?

SEC. ANDANAR:  Hindi naman napag-usapan ‘yan eh, hindi napag-usapan ‘yan.

TRINIDAD:  Parang deadma lang ‘no, ‘ala na… hindi importante [laughs].

SEC. ANDANAR:  Alam mo Ka Orly, 85% iyong nagtitiwala kay Presidente Duterte; otsenta porsiyento ang satisfied sa kaniyang performance. Eh ano bang makukuha ng Palasyo kung gagawin niya ito ‘di ba? Wala naman eh, this is really completely an act of the Philippine National Police at walang kinalaman, there is no arm coming from the Palace or the Executive Branch.

TRINIDAD:  O, sige. Panghuli na lang Secretary. Wala ba talagang tampuhan sa mga anak ng Pangulo? Si Mayor Sara hindi makakarating at sinabi parang mayroong medical condition; same thing with Congressman Pulong, parang may pupuntahan din yata. Ano ba talagang katotohanan sa mga balitang ito, kasi baka rin naman sorpresahin nila ang Pangulo at pupunta rin pala sila ano?

SEC. ANDANAR:  Well, palagay ko naman ay talagang ano eh, talagang masama ang pakiramdam ni Mayor Inday. We wish her you know, that she gets well as soon as possible because the City of Davao needs her. Si Baste naman ay alam kong this is his first in politics and there’s so much work to do in Davao City being one of the fastest growing cities in the Philippines, so iyong trabaho ng isang Vice Mayor ay mabigat, diyan sa Davao City kasi grabe iyong progreso diyan, marami silang mga resolusyon na dapat pag-usapan. At si Congressman Pulong ay hindi ko… hindi ko pa nabasa iyong press release na hindi siya mag-a-attend. I don’t know, maybe I just missed it today.

TRINIDAD:  Yeah, okay. Anyway, Secretary, maraming salamat po sa binigay ninyong pagkakataon at alam namin na sa puntong ito’y talagang nag-iipon na ho kayo ng mga maaring maging laman ng SONA ng Pangulo at siguro after the SONA, magkausap uli tayo Secretary. Salamat po.

SEC. ANDANAR:  Maraming salamat Ka Orly, mabuhay ka, mabuhay po ang DZBB.

TRINIDAD:  Thank you, sir. Si Presidential Communications Office Secretary Martin Andanar.

 ###

Source: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)

 

Resource