MANABAT: Good morning po, Mr. Secretary.
SEC. ROQUE: Good morning, Johnson. At good morning sa mga nakikinig at nanunood sa atin ngayong umaga. Happy Monday morning.
MANABAT: Happy Monday ho. Wala ho bang nagiging or naging changes sa huling mga minuto bago magsimula ang Senate hearing sa magiging pagharap ni SAP Bong Go mamaya?
SEC. ROQUE: Wala po. Tuloy na tuloy po ang pagharap ni SAP Bong Go, at sasamahan po siya ng karamihan po ng mga miyembro sa Gabinete.
MANABAT: Opo. Kayo ho ba ay kasama rin mamaya sa hearing, Secretary?
SEC. ROQUE: Kasama po. Kami po ay natatrapik lamang. Dapat nga po ay kanina pa kami nagkita-kita. Pero siguradung-sigurado po naroon tayo, kapit-bisig po tayo kay SAP Bong Go.
MANABAT: Opo. Unang-una ho, Secretary, iyon ho bang halaga ng naging frigate contract ng Philippine Navy ay magkano – 15 or 16 billion?
SEC. ROQUE: Sixteen billion po iyan, 16.7 billion.
MANABAT: Pero ito ho ay ika nga nasimulan ng kontrata sa ilalim pa ng Aquino administration pero nilagdaan sa ilalim ng Duterte administration?
SEC. ROQUE: Tama po iyan. Itong Hyundai po ay nadeklarang panalo sa bidding noong panahon ni Presidente Noynoy Aquino. At sa panahon naman ni Presidente Duterte ay nilagdaan po ni Secretary Lorenzana iyong kontrata nitong frigate na ito.
MANABAT: Opo. Mayroong mga nagtatanong, Secretary, kung ganoon na una pa lang ay mayroon daw kuwestyon sa kontratang ito ng pagbili ng frigate ng Philippine Navy, bagama’t ito ho ay nasimulan sa ilalim ng Aquino administration, hindi ho ba dapat nagkaroon daw muna ng review bago nilagdaan ng Pangulong Duterte, Secretary?
SEC. ROQUE: Malinaw po ang nakasaad sa ating RA 9184, iyong Government Procurement Act. Mayroon lang pong mga basehan para huwag pong pirmahanan ang kontrata. Isa po diyan kung hindi na kinakailangan iyong procurement; at hindi naman natin masasabing hindi kinakailangan iyan. Hindi naman kaya kung nagkaroon ng sabwatan diyan sa mga miyembro ng Bids and Awards Committee.
Pero kami naman po ay naninindigan doon sa deklarasyon ni Secretary Lorenzana na pinag-aralan din naman niyang mabuti itong kontratang ito. Wala siyang nakitang mali at walang basehan, sang-ayon sa 9184, para huwag lagdaan iyong kontrata. At naririyan na rin siyempre iyong maigting na pangangailangan natin sa mga frigate na ito dahil nga diyan sa sitwasyon diyan sa West Philippine Sea.
MANABAT: Secretary, iyon hong marginal note na sinasabi doon sa dokumentong sinasabing posibleng tinangka ni Secretary Bong Go na pakialaman iyong frigate deal, iyon ba’y malinaw na sa Palasyo, maging sa Pangulo? Bakit mayroong hong marginal note doon sa dokumento?
SEC. ROQUE: Unang-una, ang marginal note po ay hindi nanggaling kay Bong Go. Iyan po ay nanggaling ata kay Secretary Delfin Lorenzana, at hindi talaga siya sigurado kung sino ang nagbigay ng papel na iyan sa kaniya. Pero ang malinaw po ay iyong pagkakataon na lumabas iyon papel na iyan ay nakasumite na po ang bid ng Hyundai na nagsasabi na gagamitin nila ay itong Hanwha nga, Hanwha combat system. At malinaw naman sa kontrata kasi iyan, ang binili naman natin isang frigate na mayroon ng combat system, may navigation, may communication. Hindi tayo nagpa-bid sa patse-patse; isang buong produkto ang ating binid (bid) at binigay natin ang desisyon siyempre doon sa Hyundai kung ano ang mga gagamitin niyang mga parte dahil kapag hindi naman gumana iyan bilang isang frigate ay pananagutan din ng Hyundai.
MANABAT: Oho. Mayroon hong lumabas na mga interviews kahapon kay Senador Antonio Trillanes na ang kaniya hong duda ay hindi naman daw ho talaga gagalaw si SAP Bong Go without the authority from the President. At ang sinasabi ho niya ay ang Pangulo ang gumagalaw sa isyu hong ito. Anong say ng Palasyo dito?
SEC. ROQUE: Well, unang-una po, wala nga pong ginawa si Secretary Bong Go, paano naman uutusan siya ng Presidente na walang gawin. Pangalawa po, kung may ebidensya na ang Presidente ay talagang gumagalaw rito, isiwalat sa atin ngayon. Kaya nga po nais namin open hearing, hindi executive session dahil wala kaming tinatago. Pero mali naman iyong magpaparatang na wala ring ebidensya. Kung may ebidensya na ganyan, isiwalat ngayon at tingnan natin talaga kung mayroong ebidensya pagkatapos ng araw na ito.
MANABAT: Opo. So, Secretary, kung manggagaling ho sa Palasyo ang panawagang executive session, hindi ho mangyayari iyon mamaya? Gusto ho ninyong open—
SEC. ROQUE: Hinding-hindi po mangyayari. Opo, iyon po ang marching order ni Presidente. Wala pong itinatago. Kontrata po ito ng Aquino administration, kung mayroong kapalpakan diyan, di habulin ang Aquino administration.
MANABAT: Hindi ho kaya kung ganoon mapatunayan na may anomalya doon sa kontratang iyan ay nilagdaan ng Pangulo, hindi ho kaya habulin din ang ating Pangulo?
SEC. ROQUE: Hindi po nilagdaan ito ng Presidente, si Secretary Delfin Lorenzana. Pero nandiyan nga po iyong batas. Malinaw na malinaw lamang ang basehan kung kailan hindi pupuwedeng maisyuhan ng kontrata iyong winning bidder.
Ang importante po diyan, sino ang nagdeklara ng winning bidder. Sino ang nagdeklara na isang lower bidder ay disqualified, lahat po iyan ay Aquino administration, hindi po sa administrasyong ito.
MANABAT: Opo. Para lang po sa kalinawan ng ating mga tagapakinig, ito ho bang frigate na pinag-uusapan ay nandito na sa atin?
SEC. ROQUE: Wala pa po, 2021 po yata o 2022 pa. Pero kaya nga naging kontrobersiyal ito ay dahil iyong FOIC ng Navy, itong si Mercado, ay nagpipilit nga na ang gusto niyang gamitin ay isang produkto na naging dahilan kaya nagkaroon ng napakatagal na delay na. So si Secretary Lorenzana naman, noong naka-usap ko siya, ay ang concern niya ay kinakailangan ang frigate at iyon ang dahilan kung bakit nagkakaroon ng delay at ito nga iyong pagpipilit ni FOIC Mercado na ang gusto niya ay isang produkto ang gamitin.
Alam mo, lilinawin ko lang, sa kontrata, wala pong brand na nakasulat doon. Sa bidding document, hind po natin ni-require iyong particular brand. Ang ni-require lang natin ay iyong capability. At iyong sinumite naman po ng Hyundai ay parehong qualified. So hinayaan natin ang Hyundai dahil may dalawa silang supplier na parehong qualified. At ang pagkakaintindi ko po, iyong gusto ni dating FOIC Mercado ay pupuwede sanang ilagay iyon kaya lang it would be $14 million more expensive, at bawal naman po iyan sa ating procurement law na matapos magkaroon ng notice of award ay magkakaroon ng pagtaas ng presyo. Kinakailangan, kung ano iyong presyo na ibinid (bid), iyon lang po ang ating babayaran.
MANABAT: Secretary, hindi na ho mangyayari na dahil sa magiging Senate hearing ay ma-abort or madi-disregard ho itong kontrata natin sa frigate na ito? Tuloy na tuloy po ito?
SEC. ROQUE: Ang paninindigan po natin ay kinakailangan natin itong frigate na ito. Pero kung talagang may anomalya diyan na wala namang kinalaman ang Duterte administration ay malaman natin. Kaya nga gusto nating isiwalat sa publiko iyan, dahil malinis na malinis po ang konsensya ng Duterte administration dito. Kami po ay nagpatupad, kami po ay sumunod sa batas. Pero ang bidding po nito, ang pumili ng supplier ay hindi po ang administrasyon na ito.
MANABAT: Secretary Roque, magandang umaga ho sa inyo.
###
SOURCE: PCOO – NIB (News and Information Bureau)