ORLY: Good morning, Secretary Harry.
SEC. ROQUE: Magandang umaga, Ka Orly. At magandang umaga sa mga nakikinig sa akin.
ORLY: Tumawag kami, ang unang pag-usapan natin ay itong pagpapatigil sa pagpapadala ng mga Pinay household service workers sa Kuwait. At ang balita rin ay pati iyong inaantabayanan nating agreement ng Pilipinas at Kuwait ay maaaring hindi raw matuloy?
SEC. ROQUE: Well, alam n’yo po, hindi lang natin alam kung ano ang mangyayari. Ang status quo ante po ay mayroon tayo talagang schedule na magpipirmahan ng MOU. Kaya lang nangyari ang nangyari, at pinaaalis iyong ating Ambassador. At ngayon po ay hindi natin alam kung ano ang estado ng MOU.
Ang estado naman po bago nagkaroon ng gulo ay mayroon tayong deployment ban, at ang hinihingi natin ay iyong kasunduan nga. Dahil habang wala pa pong kasunduan, naririyan pa rin po iyong deployment ban. Pero lilinawin ko naman po, hindi naman po siguro permanente iyan kasi ang sabi naman talaga ng Pangulo, kapag mayroon ng kasunduan ay baka pupuwede nang i-lift iyong deployment ban.
Pero sa ngayon po na walang kasunduan, wala pa pong resumption iyong ating pagdi-deploy diyan sa Kuwait.
ORLY: Iyong deployment ban ba natin ay sa lahat ng klase ng trabaho o doon lamang sa household service workers?
SEC. ROQUE: Sa ngayon po sa lahat dahil hindi po tayo nagpa-process ng OEC papunta ng Kuwait. So panandalian po, sa lahat muna. Pero sa lahat po ng naroroon sa Kuwait, ang sinabi naman ni Presidente, kung sino lang ang gustong umuwi ay pauuwiin niya at hahanapan niya ng paraan para makauwi.
ORLY: Unique ba ang problema natin sa Kuwait kung ihahambing sa iba pang mga bansa sa Gitnang Silangan?
SEC. ROQUE: Well, siyempre po ngayon lang ito nangyari sa atin. Dati po nagkaroon ng deployment ban din sa Saudi pero hindi naman po humantong sa ganito. Marami po kasing mga isyu ito pero ang importante po, humingi na tayo ng patawad, paumanhin, obviously hindi po sapat sa Kuwait iyon so hindi pa natin alam kung ano pa ang magpapahupa sa kanilang galit.
ORLY: Sa kasalukuyan naman ay iyong pamahalaan ay nakahanda namang gumastos kung sakali mang kinakailangan, mayroong mga gustong umuwi?
SEC. ROQUE: Well, nabanggit po ni Presidente na iyong ibinigay ng Tsina na hanggang limang bilyon, gagastusin niya lahat para doon sa gustong umuwi na mga Pilipino. So, huwag po kayong mag-alala, mayroon naman tayong sapat na resources para tulungan ang lahat ng gustong umuwi.
ORLY: Maiba naman ako ng usapan. Ano ba ang naging importanteng achievement ng pagpunta ng Pangulo at pag-attend ng ASEAN Summit sa Singapore?
SEC. ROQUE: Dahil ito po ay isang ASEAN Summit, siyempre po habang nag-a-attend ang Presidente ng media summit ay pinalalakas iyong ASEAN at pinalalakas po ang boses ng sampung miyembro ng ASEAN. Siyempre po, alam natin ang tema ngayon ay iyong banta doon sa trade war na maaaring puwedeng mangyari sa panig ng Amerika at Tsina, at saka iyong continuing na banta galing sa terorismo at private extremism na problema ng buong sampung miyembro ng ASEAN at hindi lang dito sa Pilipinas.
So iyong naiuwi pong investment na 185 million dollars, secondary lang po iyon dahil ang talagang achievement dito ay iyong patuloy na pagpapalakas ng regional na organisasyon na tinatawag nating ASEAN.
ORLY: Ang ating ekonomiya ay nakasingkaw talaga ngayon sa kasalukuyan sa ating mga kapitbahay na bayan dahil sa integration ng ating mga … hindi lang ng ekonomiya, at ng iba’t ibang pillars ng ASEAN. Kumusta ba ang naging assessment ng performance natin this past year ukol sa pag-usad ng ekonomiya?
SEC. ROQUE: Well, alam n’yo po, magkakaroon na tayo ng common cross border system na computerize. At ngayon po na wala na ngang hadlang iyan dahil tayo po sa Pilipinas ay naghahanda tayo, kaya lang na-TRO ng Supreme Court. At kailan lang po ay na-lift na iyong TRO. Iyong ating computer system para maging isa tayo sa ASEAN ay wala na pong hadlang; magkakaroon na po ng implementasyon.
So sa akin po, talagang riyalidad na ang common market. Ang pinag-uusapan na lang po talaga ay iyong mga bagay-bagay na, kumbaga, mga political para tayo ay magkaisa rin.
ORLY: Okay. So sa kasalukuyan, ang Presidente ay nandoon ngayon … I think he is in Davao ano?
SEC. ROQUE: Opo, nasa Davao na po siya. Siya po ay naunang umuwi. At kung hindi po ako nagkakamali ay babalik rin po siya sa Maynila ngayon.
ORLY: So, mayroon bang aantabayan o inaantabayanan pa ang mga manggagawa tungkol sa maaaring gawin ng Presidente bukas na nauukol sa Labor Day?
SEC. ROQUE: Hindi naman mawawala iyon, tradisyon naman po iyan kaya asahan po natin iyan bukas.
ORLY: Thank you very much, Secretary Harry Roque.
SEC. ROQUE: Maraming salamat po.
###
SOURCE: PCOO – NIB (News and Information Bureau)